Sino ang Sasang-ayunan ni Jehova?
“Patuloy na gumawa kayo ukol sa inyong sariling ikaliligtas . . . ; sapagkat ang Diyos, ayon sa kaniyang ikinalulugod, ang kumikilos sa inyong kalooban upang kayo’y magnasa at kumilos.”—FILIPOS 2:12, 13.
1, 2. Sa anong kalagayan tumanggap si Jesus ng pagpapahayag ng pagsang-ayon ng Diyos, at bakit tayo’y dapat maging interesado rito?
IYON ay isang napakalaking pagbabago sa kasaysayan. Si Juan Bautista noon ay nangangaral ng mensahe ng Diyos at naglulubog sa tubig sa mga taong nagsisisi. Walang anu-ano’y isang lalaki ang lumapit na alam ni Juan ay matuwid; siya’y si Jesus. Siya ay walang kasalanan na dapat niyang pagsisihan, gayunman ay hiniling niya na siya’y bautismuhan ‘upang tupdin ang lahat ng mga bagay na matuwid.’—Mateo 3:1-15.
2 Pagkatapos na mapakumbabang tumalima si Juan, at umahon si Jesus sa tubig, “ang langit ay nabuksan, at kaniyang nakita na bumababa na gaya ng kalapati ang espiritu ng Diyos.” Higit pa sa riyan, “mayroong tinig na nagmula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang sinisinta kong Anak, na aking sinang-ayunan.’” (Mateo 3:16, 17; Marcos 1:11) Anong pambihirang pagpapahayag! Tayong lahat ay natutuwa na makalugod sa kaninuman na ating iginagalang. (Gawa 6:3-6; 16:1, 2; Filipos 2:19-22; Mateo 25:21) Gunigunihin, kung gayon, kung ano ang madarama mo kung sakaling nagpahayag ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ‘Sinang-ayunan kita!’
3. Sa ano tayo dapat mabahala tungkol sa pagsang-ayon ng Diyos?
3 Posible ba para sa isang tao na sang-ayunan ng Diyos ngayon? Halimbawa, nariyan ang isang tao na ‘walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan,’ sapagkat “napahiwalay sa buhay na kaloob ng Diyos.” (Efeso 2:12; 4:18) Maaari bang maalis siya sa kalagayang iyon tungo sa pinagpalang katayuan na pagiging sinang-ayunan ni Jehova? Kung gayon, paano? Tingnan natin.
Ano ang Kahulugan ng Kaniyang Sinabi?
4. (a) Ano ang diwa ng salitang Griego para sa “sinang-ayunan” sa pahayag ng Diyos? (b) Bakit ang paggamit noon sa kasong ito ay kapuna-puna?
4 Sa mga ulat ng Ebanghelyo ng mga sinalita ng Diyos na “aking sinang-ayunan [si Jesus]” ginagamit ang Griegong pandiwa na eu·do·keʹo. (Mateo 3:17; Marcos 1:11; Lucas 3:22) Ito’y nangangahulugang “malugod na mainam, ituring na may kabutihan, malugod sa,” at ang anyong pangngalan nito ay may diwa na “kabutihang-loob, kaluguran, pabor, hangarin, nasà.” Ang eu·do·keʹo ay hindi limitado ang kahulugan sa pagsang-ayon ng Diyos. Halimbawa, ang mga Kristiyano sa Macedonia ‘ay nalugod’ na mag-abuluyan upang maitulong sa iba. (Roma 10:1; 15:26; 2 Corinto 5:8; 1 Tesalonica 2:8; 3:1) Sa kabila nito, ang pagsang-ayon na tinanggap ni Jesus ay ang Diyos ang nagpahayag, hindi ang mga tao. Ang terminong ito ay ginagamit kung tungkol kay Jesus pagkatapos lamang na siya’y mabautismuhan. (Mateo 17:5; 2 Pedro 1:17) Kapuna-puna, sa Lucas 2:52 ay ginagamit ang isang naiibang salita—khaʹris—sa pagtukoy kay Jesus bilang isang di pa bautismadong bata na tumanggap ng “pabor” sa Diyos at sa mga tao.
5. (a) Paano posibleng ang di-sakdal na mga tao ay sang-ayunan ng Diyos? (b) Sino ang “mga taong may mabuting kalooban”?
5 Posible rin ba para sa di-sakdal na mga tao na katulad natin na kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos? Nakagagalak, ang sagot ay oo. Nang isilang si Jesus, ang mga anghel ay nagpahayag: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob [eu·do·kiʹas].” (Lucas 2:14) Sa literal na Griego, ang mga anghel ay umaawit tungkol sa isang darating na pagpapala sa “mga taong may mabuting kaisipan” o “mga taong may mabuting kaisipan” o “mga taong sinasang-ayunan ng Diyos.”a Si Propesor Hans Bietenhard ay sumulat tungkol sa paggamit na ito ng en an·throʹpois eu·do·kiʹas: “Ang parirala ay tumutukoy sa mga taong kinalulugdan ng Diyos . . . Samakatuwid, tayo ay hindi nakikitungo rito sa kabutihang-loob ng mga tao . . . Tayo’y nakikitungo sa soberano at mapagmahal na kalooban ng Diyos, na humihirang para sa ganang sarili ng isang bayan ukol sa kaligtasan.” Sa gayon, gaya ng malaon nang ipinaliliwanag ng mga Saksi ni Jehova, ipinakikita ng Lucas 2:14 na sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo ay posible para sa di-sakdal na mga tao na maging mga taong may kabutihang-loob, mga taong sinang-ayunan ng Diyos!b
6. Ano ba ang kailangan natin na matutuhan tungkol sa pagsang-ayon ng Diyos?
6 Gayunman, matatanto mo na may malaking pagkakaiba ang pagiging ‘mga kaaway ng Diyos na ang mga isip ay nasa mga gawang balakyot’ at ang pagiging sinang-ayunan bilang mga kasama ng ating makatarungan at marunong na Diyos. (Colosas 1:21; Awit 15:1-5) Sa gayon, bagaman marahil ay magiginhawahan ka na malaman na ang mga tao’y maaaring maging mga sinang-ayunan, marahil ay ibig mong alamin kung ano ang kasangkot dito. Malaki ang matututuhan natin tungkol dito buhat sa mga nakalipas na pakikitungo ng Diyos.
Kaniyang Malugod na Tinanggap ang mga Tao
7. Anong patotoo ang ibinibigay ng Exodo 12:38 tungkol sa saloobin ng Diyos?
7 Sa loob ng daan-daang taon bago inihayag ang pangungusap na nasa Lucas 2:14, malugod na tinanggap ni Jehova ang mga tao upang lumapit at sumamba sa kaniya. Kung sa bagay, ang Diyos ay nakikitungo ng bukod-tangi sa bansang Israel, na nakaalay sa kaniya. (Exodo 19:5-8; 31:16, 17) Subalit, alalahanin na nang makalaya na ang Israel buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, “isang haluang lubhang karamihan ang sumampa rin kasama nila.” (Exodo 12:38) Ang mga di-Israelitang ito na marahil ay nagkaroon ng pakikitungo sa bayan ng Diyos at nakasaksi sa mga salot sa Ehipto ay nagpasiya ngayon na sumama sa Israel. Marahil ang iba ay naging lubos na mga proselita.
8. Anong dalawang uri ng mga tagaibang bayan ang tumahan sa Israel, at bakit may pagkakaiba sa kung paano nakitungo sa kanila ang mga Israelita?
8 Kinilala ng tipang Kautusan ang kalagayan ng mga di-Israelita may kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang bayan. Ang mga ilang taga ibang bayan ay mga banyagang naninirahan lamang doon sa Israel na kung saan kailangang sumunod sila sa mga pangunahing batas, tulad baga niyaong batas laban sa pagpatay at yaong nag-uutos na tupdin ang Sabbath. (Nehemias 13:16-21) Imbes na yakapin ang mga banyagang ito na tulad sa mga kapatid, ang isang Israelita ay gumagamit ng makatuwirang pag-iingat kapag siya’y nakikipag-usap o nakikitungo sa kanila, sapagkat sila’y hindi pa bahagi ng bansa ng Diyos. Halimbawa, samantalang ang isang Israelita ay hindi pinapayagan na bumili at kumain ng isang kinatay na hayop na hindi nakatulo ang dugo dahil sa namatay nga iyon, ang gayong mga tagaibang bayan na hindi mga proselita ay maaaring gumawa ng gayon. (Deuteronomio 14:21; Ezekiel 4:14) Sa takdang panahon ang iba sa mga banyagang ito na nanirahan doon ay maaaring sumunod sa katulad na hakbangin ng mga ibang tagaibang bayan na naging tinuling mga proselita. At saka lamang sila ngayon pakikitunguhan na tulad ng mga kapatid sa tunay na pagsamba, may pananagutan na sumunod sa buong Kautusan. (Levitico 16:29; 17:10; 19:33, 34; 24:22) Si Ruth, ang Moabita, at si Naaman, ang ketongin na taga-Sirya, ay mga di-Israelita na tinanggap ng Diyos.—Mateo 1:5; Lucas 4:27.
9. Paano pinatunayan ni Solomon ang saloobin ng Diyos sa mga banyaga?
9 Noong mga kaarawan ni Haring Solomon, makikita rin natin ang saloobin ng Diyos sa mga di-Israelita sa malugod na pagtanggap sa kanila. Nang pinapasinayaan ang templo, si Solomon ay nananalangin: “Sa banyaga, na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at aktuwal na nanggagaling sa isang malayong lupain nang dahil sa iyong pangalan . . . at mananalangin sa dako ng bahay na ito, dinggin mo sana buhat sa langit, . . . upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan upang matakot sa iyo gaya rin ng pagkatakot ng iyong bayang Israel.” (1 Hari 8:41-43) Oo, tinanggap ni Jehova ang mga panalangin ng taimtim na mga banyaga na humahanap sa kaniya. Marahil ang mga ito nga naman ay matututo ng kaniyang mga kautusan, mapatutuli, at maaaring maging sinang-ayunang mga miyembro ng kaniyang pinagpalang bayan.
10. Paano nga marahil nakitungo ang mga Judio sa bating na Etiope, at bakit nakabuti sa kaniya ang pagtutuli?
10 Ang isang tao na gumawa nito noong mga huling panahon ay ang tagaingat-yaman ng Reyna Candace sa malayong Etiopia. Malamang, nang unang mabalitaan niya ang tungkol sa mga Judio at sa kanilang pagsamba, ang estilo ng kaniyang pamumuhay o sinusunod na relihiyon ay hindi nakalulugod kay Jehova. Kaya naman ang mga Judio ay kailangang maging mapagpasensiya habang ang banyagang ito ay kasa-kasama nila at nag-aaral ng Kautusan upang matuto ng mga kahilingan ng Diyos. Maliwanag na siya’y sumulong at ginawa niya ang kinakailangang mga pagbabago upang maging kuwalipikado sa pagtutuli. Ang Gawa 8:27 ay nagsasabi sa atin na “siya’y naparoon sa Jerusalem upang sumamba.” (Exodo 12:48, 49) Ipinakikita nito na noon ay isa na siyang lubos na proselita. Kaya naman nasa kalagayan siya na tanggapin ang Mesiyas at maging kaniyang bautismadong alagad, at sa ganoo’y iniaayon ang sarili sa pasulong na kalooban ng Diyos.
Mga Di-Kapananampalataya at ang Kongregasyong Kristiyano
11, 12. (a) Ano pang pagbabago ang nangyari nang mabautismuhan ang Etiope? (b) Paanong ito ay kasuwato ng Filipos 2:12, 13?
11 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, na bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang proselitang Etiope na kababanggit lamang ay nagkaroon ng kaalaman kay Jehova at sa banal na espiritu. Kaya naman minsang tinulungan siya ni Felipe na unawain at tanggapin si Jesus bilang ang Mesianikong Anak ng Diyos, siya’y maaari nang bautismuhan. Sa ganoon ay maaari siyang maging sinang-ayunang miyembro ng bayan ni Jehova na sumusunod kay Kristo. Natural, siya’y mananagot sa Diyos, at kinakailangang “ganapin ang lahat ng bagay na iniutos” sa mga Kristiyano. Subalit sa kabila ng saguting ito ay mayroong kalakip iyon na kahanga-hangang pag-asa: ang kaligtasan!
12 Nang maglaon, si Pablo ay sumulat na lahat ng Kristiyano’y kailangang ‘patuloy na gumawa ukol sa kanilang sariling kaligtasan taglay ang pagkatakot at panginginig.’ Gayunman ay posible na gawin iyan, “sapagkat ang Diyos, ayon sa kaniyang ikinalulugod [eu·do·kiʹas], ay kumikilos sa iyong kalooban upang ikaw ay kapuwa magnasa at kumilos.”—Filipos 2:12, 13.
13. Paano marahil nakitungo ang mga Kristiyano sa mga taong hindi kasimbilis na nagpabautismo na gaya ng bating na Etiope?
13 Hindi lahat ng nakasalamuha ng mga tunay na Kristiyano ay kasinghanda at kasingkuwalipikado ng Etiopeng iyon na kumilos agad-agad tungo sa bautismo. Ang iba, palibhasa’y hindi mga Judio o mga proselita, ay bahagya lamang ang kaalaman o tuluyang walang kaalaman kay Jehova at sa kaniyang mga daan; ni ang kanilang moral man ay nakasalig sa kaniyang mga pamantayan. Paano sila dapat pakitunguhan? Ang mga Kristiyano ay kailangang sumunod sa halimbawa ni Jesus. Tunay na hindi siya nanghimok kaninuman na magkasala ni ipinagkibit-balikat man niya ang pagkakasala. (Juan 5:14) Sa kabila nito, siya’y naging mapagparaya sa mga makasalanan na lumalapit sa kaniya at nagnanais na lumakad sa landas na kasuwato niyaong sa Diyos.—Lucas 15:1-7.
14, 15. Bukod sa pinahirang mga Kristiyano, anong uri ng mga tao ang dumalo sa mga pulong sa Corinto, at paano posibleng sila’y nagkakaiba iba kung tungkol sa espirituwal na pagsulong?
14 Na ang mga Kristiyano’y naging mapagparaya sa pakikitungo sa mga taong natututo noon tungkol sa Diyos ay maliwanag buhat sa mga komento ni Pablo tungkol sa mga pulong sa Corinto. Sa pagtalakay tungkol sa paggamit ng kahima-himalang mga kaloob ng espiritu na noong una’y pinaka-tatak ng Kristiyanismo bilang may pagpapala ng Diyos, binanggit ni Pablo ang “mga nagsisisampalataya” at ang “mga di-nagsisisampalataya.” (1 Corinto 14:22) Ang “mga nagsisisampalataya” ay yaong nagsitanggap kay Kristo at nabautismuhan. (Gawa 8:13; 16:31-34) “Marami sa mga taga-Corinto na nakapakinig ay nagsimulang sumampalataya at napabautismo.”—Gawa 18:8.
15 Sang-ayon sa 1 Corinto 14:24, ang ‘mga di-sumasampalataya o ordinaryong mga tao’ ay nagpupunta rin sa mga pulong sa Corinto at tinatanggap naman doon.c Malamang, sila’y nagkakaiba-iba kung tungkol sa kanilang pagsulong sa pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Marahil ang ilan ay nagkakasala pa rin noon. Ang iba naman ay baka mayroon nang sapat na pananampalataya, nakagawa na ng ilang pagbabago sa kanilang buhay, at, kahit na bago pabautismo, ay nagsimula nang magbalita sa iba ng kanilang natutuhan.
16. Paanong ang gayong mga tao’y nakikinabang sa pakikisama sa mga Kristiyano sa mga pulong sa kongregasyon?
16 Mangyari pa, wala sa gayong mga di-bautismado ang “nasa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Kung sa kanilang nakaraang pamumuhay ay nasangkot sila sa malulubhang moral at espirituwal na mga pagkakasala, mauunawaan na kailangan ang panahon upang sila’y mapaayon sa mga pamantayan ng Diyos. Samantala, habang hindi nila kusang sinisikap na sirain ang pananampalataya at ang kalinisan ng kongregasyon, sila’y tinatanggap. Ang kanilang nakita at narinig sa mga pulong ay maaaring ‘sumaway sa kanila’ habang ang “mga lihim ng kanilang mga puso ay napapalantad.’—1 Corinto 14:23-25; 2 Corinto 6:14.
Pamamalaging Sinang-ayunan ng Diyos Ukol sa Kaligtasan
17. Ang Lucas 2:14 ay nagkaroon ng anong katuparan noong unang siglo?
17 Sa pamamagitan ng pangmadlang pangangaral ng bautismadong mga Kristiyano noong unang siglo, libu-libo ang nakarinig ng mabuting balita. Sila’y sumampalataya sa kanilang narinig, nagsisi sa kanilang nakalipas na pamumuhay, at nangabautismuhan, na gumagawa ng “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10-15; Gawa 2:41-44; 5:14; Colosas 1:23) Walang alinlangan na ang mga bautismado noon ay may pagsang-ayon ni Jehova, sapagkat pinahiran sila ng kaniyang banal na espiritu, na inari silang espirituwal na mga anak. Si apostol Pablo ay sumulat: “Tayo’y itinalaga niya noong una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Kristo sa ganang kaniya, ayon sa ikinalulugod [eu·do·kiʹan] ng kaniyang kalooban.” (Efeso 1:5) Samakatuwid, sa loob ng siglong iyon, ang hinulaan ng mga anghel nang isilang si Jesus ay nagsimulang natupad: “Kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob [o, mga taong may pagsang-ayon ng Diyos].”—Lucas 2:14.
18. Bakit hindi maipagwawalang-bahala ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos?
18 Upang mapanatili ang kapayapaang iyon, kailangan para sa gayong “mga taong may kabutihang-loob” na “patuloy na gumawa [sila] ukol sa sariling kaligtasan taglay ang pagkatakot at panginginig.” (Filipos 2:12) Hindi madali iyon, sapagkat sila’y mga taong di pa sakdal. Sila’y mapapaharap sa mga tukso at mga panggigipit upang gumawa ng pagkakasala. Kung sila’y magbibigay-daan sa maling gawa, kanilang iwawala ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa gayon, mapagmahal na nagsaayos si Jehova ng mga espirituwal na pastol na kapuwa tutulong at magsasanggalang sa mga kongregasyon.—1 Pedro 5:2, 3.
19, 20. Anong mga paglalaan ang ginawa ng Diyos upang ang bautismadong mga Kristiyano ay makapagpatuloy na maging kaniyang sinang-ayunang mga lingkod?
19 Ang gayong matatanda sa kongregasyon ay magsasapuso ng payo ni Pablo: “Kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” (Galacia 6:1) Gaya ng nauunawaan natin, ang isang tao na kumuha ng mahalagang hakbang ng bautismo ay may lalong malaking sagutin, kagaya rin ng sa isang tagaibang bayan na naging isang tinuling proselita sa Israel. Gayumpaman, kung ang bautismadong Kristiyano ay nagkasala, mayroong tutulong sa kaniya sa loob ng kongregasyon.
20 Ang isang grupo ng hinirang na matatanda sa kongregasyon ay maaaring mag-alok ng tulong sa taong nagkasala nang malubha. Si Judas ay sumulat: “Patuloy na pakitaan ninyo ng awa ang mga iba na nag-aalinlangan; iligtas ninyo sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila sa apoy. Ngunit patuloy na kahabagan ninyo ang iba, na ginagawa ito nang may takot, samantalang inyong kinapopootan kahit na ang panloob na kasuotan na nadungisan ng laman.” (Judas 22, 23) Ang isang bautismadong miyembro ng kongregasyon na natulungan sa ganitong paraan ay nakapagpapatuloy na tamasahin ang pagsang-ayon ni Jehova at ang kapayapaan na tinukoy ng mga anghel nang isilang si Jesus.
21, 22. Ano ang magiging resulta kung ang isa’y nagkasala at di-nagsisi, at paano siya pakikitunguhan ng tapat na mga miyembro ng kongregasyon?
21 Bagaman di-karaniwan, may mga pangyayari na kung saan ang nagkasala ay hindi nagsisi. Kung magkagayon ay kailangang siya’y itiwalag ng matatanda upang ang malinis na kongregasyon ay huwag marungisan. Ganiyan ang nangyari sa isang bautismadong lalaki sa Corinto na nagpatuloy sa imoral na relasyon. Pinayuhan ni Pablo ang kongregasyon: “Huwag kayong makisama sa mga mapakiapid, hindi nangangahulugang ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito o ang mga taong masasakim at mga mangingikil o mga mananamba sa diyus-diyusan. Sapagkat kung gayon, kinakailangan na magsialis kayo sa sanlibutan. Ngunit ngayon ay sinusulatan ko nga kayo upang huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyusan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao.”—1 Corinto 5:9-11.
22 Yamang ang lalaking taga-Corinto ay kumuha na ng mahalagang hakbang ng bautismo, tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos at isang miyembro na ng kongregasyon, ang kaniyang pagkatiwalag ay isang bagay na seryoso. Ipinakita ni Pablo na ang mga Kristiyano ay kailangang huwag makikisama sa kaniya, sapagkat kaniyang itinakwil ang kaniyang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos. (Ihambing ang 2 Juan 10, 11.) Si Pedro ay sumulat tungkol sa gayong mga natiwalag: “Magaling pa sa kanila ang hindi sila wastong nakakilala ng daan ng katuwiran kaysa pagkatapos na wastong makilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. Nangyari sa kanila ang kasabihan ng tunay na kawikaan: ‘Ang aso’y bumalik uli sa kaniyang sariling suka.’”—2 Pedro 2:21, 22.
23. Noong unang siglo, ano ang pangkalahatang kalagayan sa gitna ng mga Kristiyano kung tungkol sa pagpapanatili sa kanila ng pagsang-ayon ng Diyos?
23 Maliwanag na hindi maaaring ituring ni Jehova na kaniyang sinasang-ayunan ang gayong mga tao, sapagkat sila’y itiniwalag dahil sa sila’y mga nagkasalang hindi nangagsisi. (Hebreo 10:38; ihambing ang 1 Corinto 10:5.) Maliwanag, isang minoridad lamang ang natiwalag. Ang karamihan na nagkamit ng “di-sana-nararapat na kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa Diyos” at ‘kinupkop na tulad sa mga anak ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban’ ay nanatiling tapat.—Efeso 1:2, 5, 8-10.
24. Anong pitak ng paksang ito ang dapat nating bigyan pa rin ng pansin?
24 Ganiyan din sa kalakhang bahagi sa panahon natin. Kaya, pag-isipan natin kung paanong ang ‘mga di-nagsisisampalataya o ordinaryong mga tao’ ay matutulungan upang sang-ayunan ng Diyos sa ngayon at kung ano ang magagawa upang tulungan sila kung sila’y nagkasala sa pagtahak nila ng landas. Ang sumusunod na artikulo ay tatalakay sa mga bagay na ito.
[Mga talababa]
a Ihambing ang “mga tao-na-kaniyang-sinasang-ayunan,” New Testament, ni George Swann; “mga tao na kaniyang kinalulugdan,” The Revised Standard Version.
b Tingnan ang The Watchtower ng Oktubre 15, 1964, pahina 629-33.
c “Ang ἄπιστος (apistos, ‘di-sumasampalataya’) at ιδιώτης (idiōtēs, ‘isang walang unawa,’ ang ‘nag-uusisa’) ay kapuwa nasa uring di-sumasampalataya bilang may pagkakaiba sa ligtas na nasa iglesiyang Kristiyano.”—The Expositor’s Bible Commentary, Tomo 10, pahina 275.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sang-ayon sa Kasulatan, magmula pa kailan at paano maaaring ang mga tao’y sang-ayunan ng Diyos?
◻ Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga banyaga na nasa gitna ng kaniyang bayan, subalit bakit kailangan ng mga Israelita na ang pag-iingat ay lakipan ng pagpapasensiya upang maging timbang?
◻ Ano ang magagawa nating konklusyon buhat sa katotohanang ang “mga di-nagsisisampalataya” ay dumadalo sa mga pulong Kristiyano sa Corinto?
◻ Paano gumawa ang Diyos ng paglalaan upang matulungan ang bautismadong mga Kristiyano upang makapanatili bilang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod?