Maging Matiisin sa Lahat
“Ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, aliwin ang mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, maging matiisin sa lahat.”—1 TESALONICA 5:14.
1. Saan at sa ilalim ng anong mga kalagayan naging matiisin ang mga Saksi ni Jehova?
KAYGANDANG halimbawa ang ibinigay ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova sa pagiging matiisin! Sila’y nagtiis ng maraming kahirapan at pag-uusig sa dating mga lupaing Nazi at Fasista at sa mga bansang gaya ng Malawi hanggang sa kasalukuyan. Matiisin din naman ang mga nasa sambahayang hati-hati sa relihiyon.
2. Ano ang dalawang dahilan ng pag-iral ng espirituwal na paraiso na tinatamasa ng bayan ni Jehova?
2 Sa kabila ng pag-uusig at mga kahirapang kanilang dinaranas, ang nag-alay na bayan ni Jehova ay nagtatamasa naman ng mga pagpapala ng isang espirituwal na paraiso. Sa katunayan, ipinakikita ng mga pangyayari na ito’y sinimulang tamasahin ng pinahirang mga Kristiyano noong taóng 1919. Ano’t mayroon nitong espirituwal na paraiso? Una, ang malaparaisong mga kalagayang ito ay umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova sapagkat ang kaniyang pinahirang mga lingkod ay ibinalik na ng Diyos sa kanilang “lupain,” o kalagayan, ng dalisay na pagsamba. (Isaias 66:7, 8) Ang espirituwal na paraiso ay lumalago rin sapagkat bawat isa roon ay nagpapakita ng mga bunga ng espiritu ng Diyos. Ang pagtitiis ay isa na rito. (Galacia 5:22, 23) Ang kahalagahan ng katangiang ito may kaugnayan sa ating espirituwal na paraiso ay makikita buhat sa ganitong pangungusap ng iskolar na si William Barclay: “Hindi maaaring magkaroon ng tinatawag na isang pagsasamahang Kristiyano kung wala ang makrothumia [pagtitiis]. . . . At ang dahilan niyan ay ito—na ang makrothumia ang dakilang katangian ng Diyos (Roma 2.4; 9.22).” (A New Testament Wordbook, pahina 84) Oo, ganiyan kahalaga ang pagtitiis!
Ang Pagiging Matiisin sa Ating mga Kapatid
3. Anong aral tungkol sa pagiging matiisin ang ibinigay ni Jesus kay Pedro?
3 Si apostol Pedro ay maliwanag na nagkaroon ng kaunting kahirapan sa pagpapakita ng pagkamatiisin, sapagkat minsan ay tinanong niya si Jesus: “Panginoon, makailang magkakasala laban sa akin ang aking kapatid na siya’y aking patatawarin? Hanggang sa makapito po ba?” Siya’y pinayuhan ni Jesus: “Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito, kundi, Hanggang sa makapitumpung pito.” (Mateo 18:21, 22) Sa ibang pananalita, walang takda ang dami ng beses na tayo’y magtitiisan sa isa’t isa at magpapatawad sa kaninuman na nagkakasala laban sa atin. Sabihin pa, hindi natin maguguniguni na sinuman ay patuloy na bibilang hanggang sa 77 ulit! Gayunman, ang pagiging mapagpatawad sa ganiyang daming ulit ay tunay na nangangailangan ng pagtitiis.
4. Bakit ang mga matatanda lalo na ang kailangang maging matiisin?
4 Kung tungkol sa pagiging matiisin ng espirituwal na mga kapatid, walang alinlangan na ang matatanda sa kongregasyon ay kailangang maging uliran. Baka ang kanilang pagtitiis ay malagay sa pagsubok dahilan sa may mga kapananampalataya na walang ingat o mapagwalang-bahala. Ang iba naman ay baka mapagpaliban kung tungkol sa pagtutuwid sa masasamang kinaugalian. Ang matatanda ay pakaingat na huwag madaling mayamot o magdamdam sa mga kahinaan ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Sa halip, ang espirituwal na mga pastol na ito ay kailangang alalahanin ang payo: “Tayo na malalakas ay dapat na magbata ng kahinaan ng mahihina, at hindi ang ating sarili ang paluguran natin.”—Roma 15:1.
5. Ano ang ating nababatá kung tayo ay matiisin?
5 At muli, baka bumangon ang mga di-pagkakaunawaan na likha ng personalidad dahilan sa mga kahinaan at kakulangan ng tao. Dahilan sa mga depekto o kakatuwang mga ugali, ang ating mga kapatid ay ating iniinis, wika nga, at maaaring ganiyan din ang ginagawa nila sa atin. Kung gayon, angkop na angkop nga ang payo: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Ang ‘pagbabata ng mga kahinaan ng isa’t isa’ ay nangangahulugan ng pagiging matiisin, bagaman marahil tayo ay may matuwid na dahilan na magreklamo laban sa kaninuman. Tayo’y huwag gaganti o magpaparusa sa ating kapatid, huwag man lamang magbubuntung-hininga laban sa kaniya.—Santiago 5:9.
6. Bakit ang pagiging matiisin ang hakbangin ng karunungan?
6 Ganiyan din ang diwa ng payo na nasa Roma 12:19: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” Ang ‘pagbibigay-daan sa galit’ ay nangangahulugan ng pagiging mabagal sa pagkagalit, o matiisin. Ang pagpapakita ng katangiang ito ang hakbangin ng karunungan, sapagkat ito’y pinakikinabangan natin at ng iba. Kung sakaling may bumangong suliranin, tayo’y nakararanas ng mas mabuting pakiramdam sapagkat sa pagiging matiisin, hindi natin pinalulubha ang mga bagay-bagay. At yaong taong ating pinagtitiisan ay nakararanas din ng mas mabuting pakiramdam sapagkat siya’y hindi natin pinarurusahan o pinaghihigantihan sa anumang paraan. Hindi nga kataka-takang ipayo ni Pablo sa kapuwa mga Kristiyano na “aliwin ang mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, maging matiisin sa lahat”!—1 Tesalonica 5:14.
Sa Loob ng Sambahayan
7. Bakit ang mga mag-asawa ay kailangang maging matiisin?
7 Mabuti ang pagkasabi na ang maligayang pag-aasawa ay pagkakaisa ng dalawang mahuhusay magpatawaran. Ano ba ang ibig sabihin niyan? Na ang maligayang mag-asawa ay matiisin sa pakikitungo sa isa’t isa. Ang mga indibiduwal ay malimit na naaakit sa isa’t isa dahilan sa kanilang magkasalungat na ugali. Ang mga pagkakaibang ito ay marahil nakapagtataka, subalit maaari rin namang pagmulan ito ng pagbabanggaan na nakadaragdag pa sa mga kaigtingan at kabalisahan na nagiging dahilan upang ang mga mag-asawang Kristiyano ay magkaroon ng “kahirapan sa laman.” (1 Corinto 7:28) Halimbawa, ipagpalagay na ang isang asawang lalaki ay hindi mapagpansin sa mga detalye o medyo pabaya o padaskul-daskol. Ito ay maaaring isang malaking pagsubok sa kaniyang asawa. Subalit kung ang mga mungkahi na may kabaitang sinalita ay hindi pinakinggan, marahil ay kailangang pagbigyan na (ng babae) ang mga kahinaan (ng lalaki) sa pamamagitan ng pagiging matiisin.
8. Bakit ang mga asawang lalaki ay kailangang maging matiisin?
8 Sa kabilang dako, ang isang asawang babae ay baka mahilig sa mga detalye at sa ugaling mang-inis sa kaniyang asawa. Marahil ay maiisip dito ang teksto: “Mabuting tumira sa bubong kaysa makisama ka sa bahay sa isang mang-iinis na asawa.” (Kawikaan 25:24, Today’s English Version) Sa ganiyang kaso, kailangan ang pagtitiis upang makasunod sa payo ni Pablo: “Kayong mga lalaki, patuluyang ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagbuhusan ng mapait na galit.” (Colosas 3:19) Pagtitiis din ang kailangan ng mga asawang lalaki upang sundin ang payo ni apostol Pedro: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila [ng inyong asawang babae] ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae, yamang kayo rin naman ay mga tagapagmanang kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” (1 Pedro 3:7) Ang mga kahinaan ng kaniyang asawang babae ay maaaring kung minsan makayamot sa isang asawang lalaki, subalit ang pagtitiis ang tutulong sa kaniya upang pagpasensiyahan ang mga ito.
9. Bakit ang pagkamatiisin ay kailangan sa bahagi ng mga magulang?
9 Ang mga magulang ay kailangang maging matiisin kung ibig nilang magtagumpay sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Ang mga bata ay baka iyon at iyon ding mga pagkakamali ang nagagawa. Baka sila’y tila matitigas ang ulo o mabagal matuto at marahil patuloy na nagsisilbing pagsubok sa kanilang mga magulang. Sa ilalim ng ganiyang mga kalagayan, ang mga magulang na Kristiyano ay kailangang maging mabagal sa pagkagalit, hindi nawawalan ng pagpipigil o ng kahinahunan kundi nananatiling kalmado samantalang nagiging matatag sa panig ng matuwid na mga prinsipyo. Alalahanin ng mga ama na sila man ay nagdaan sa pagkabata at nagkamali rin. Kailangang ikapit nila ang payo ni Pablo: “Kayong mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang kanilang kalooban.”—Colosas 3:21.
Sa mga Tagalabas
10. Papaano tayo dapat kumilos sa lugar na pinagtatrabahuhan natin, gaya ng ipinakikita ng anong karanasan?
10 Dahilan sa di-kasakdalan at kaimbutan ng tao, di-kaaya-ayang mga kalagayan ang maaaring bumangon sa lugar ng trabaho ng isang Kristiyano. Isang katalinuhan na maging mataktika at pagtiisan ang mga pagkakamali alang-alang sa kapayapaan. Nagpapakita kung papaanong ito’y karunungan ay ang karanasan ng isang Kristiyano na naging biktima ng malaking kahirapan na likha ng isang nananaghiling kamanggagawa. Dahilan sa hindi naman pinalaki ng kapatid ang problema tungkol dito kundi siya’y naging matiisin, dumating ang panahon na siya’y nakapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa kamanggagawa na nakapagbigay sa kaniya ng problema.
11. Kailan lalo nang kailangan natin na maging matiisin, at bakit?
11 Ang bayan ni Jehova lalo na ang dapat na maging matiisin pagka nagpapatotoo sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Ulit at ulit, ang mga Kristiyano ay napapaharap sa magagaspang o mababagsik na mga pagtugon. Nararapat ba o isang katalinuhan na tumugon din nang gayon? Hindi, sapagkat iyon ay hindi pagpapakita ng pagkamatiisin. Ang landas ng karunungan ay alalahanin at sundin ang pantas na kawikaan: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.”—Kawikaan 15:1.
Ang Pananampalataya at Pag-asa ay Tumutulong sa Pagpapakita ng Pagtitiis
12, 13. Anong katangian ang tutulong sa atin na maging matiisin?
12 Ano ang makatutulong sa atin upang ipakita na tayo’y matiisin, na nakapagtitiis sa mahihirap na kalagayan? Ang una ay ang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Tayo’y kailangang maniwala sa Diyos sa kaniyang sinabi. Nagsasabi ang Kasulatan: “Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” (1 Corinto 10:13) Sa ibang pananalita, gaya ng sabi ng isang matagal na sa katotohanan: “Kung ipahihintulot iyon ng Diyos, aking matatanggap iyon.” Oo, ating matatanggap iyon sa pamamagitan ng pagiging matiisin.
13 May malapit na kaugnayan sa pananampalataya ang pag-asa sa Kaharian ng Diyos. Pagka ito’y naghari na sa buong lupa, lahat ng masasamang kalagayan na nagdudulot sa atin ng kahirapan ay aalisin. Tungkol dito, sinabi ng salmistang si David: “Maglikat ka sa pagkagalit at bayaan mo ang poot; huwag kang mabalisa sapagkat aakay lamang sa paggawa ng kasamaan. Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ay magmamana ng lupa.” (Awit 37:8, 9) Ang tiyak na pag-asa na kaylapit-lapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng mga mahihirap na kalagayan ay tutulong sa atin na maging matiisin.
14. Anong karanasan ang nagpapakita kung bakit tayo ay dapat maging matiisin sa di-sumasampalatayang asawa?
14 Papaano tayo dapat maapektuhan kung isang di-sumasampalatayang asawa ang nagbibigay sa atin ng kahirapan? Patuloy na sa Diyos ka humingi ng tulong, at patuloy na umasa na ang mananalansang ay magiging isang mananamba kay Jehova. Ang asawang babae ng isang Kristiyano ay kung minsan ayaw na maghanda ng kaniyang pagkain at maglaba ng kaniyang damit. Siya’y gumagamit ng mga pananalitang malalaswa, hindi nakikipag-usap sa kaniya nang kung ilang araw, at sumubok pa man din na siya’y ipakulam. “Ngunit,” ang sabi ng asawang lalaki, “sa tuwina’y nananalangin ako kay Jehova, at ako’y nagtitiwala sa Kaniya na tutulungan ako na mapaunlad ang mabuting katangian na pagkamatiisin upang ako’y huwag mawala sa aking pagiging timbang bilang Kristiyano. Ako’y umasa rin na balang araw ang kaniyang kalooban ay mababago.” Pagkaraan ng 20 taon nang gayong pakikitungo, ang kaniyang asawang babae ay nagbago, at sinabi niya: “Kaylaking pasasalamat ko kay Jehova na kaniyang tinulungan ako upang pagyamanin ang bunga ng espiritu, ang pagtitiis, sapagkat nakikita ko na ngayon ang resulta: Ang aking asawang babae ay nagsimula nang lumakad sa landas ng buhay!”
Ang Panalangin, ang Pagpapakumbaba, at Pag-ibig ay Tutulong
15. Bakit ang panalangin ay makatutulong sa atin na maging matiisin?
15 Ang panalangin ay isa pang malaking tulong sa pagiging matiisin. Ipinayo ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Alalahanin din na sundin ang payo: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.”—Awit 55:22.
16. Sa pagiging matiisin, papaano tayo matutulungan ng pagpapakumbaba?
16 Ang pagpapakumbaba ay isa pang malaking tulong sa pagpapaunlad sa bunga ng espiritu na pagtitiis. Ang taong palalo ay hindi matiyaga. Siya’y madaling magdamdam, dagling nagagalit, at hindi niya natitiis ang anumang di-kanais-nais na pakikitungo sa kaniya. Lahat na ito ay kasalungat ng pagiging matiisin. Ngunit ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi gaanong magpapahalaga sa kaniyang sarili. Kaniyang hihintayin si Jehova, gaya ng ginawa ni David nang tinutugis ni Haring Saul at dinudusta ng Benjamitang si Semei. (1 Samuel 24:4-6; 2 Samuel 16:5-13) Sa gayon, tayo’y dapat magnasang lumakad “na taglay ang buong kapakumbabaan ng isip at kahinahunan, na may pagtitiis, na magtiisan kayo sa isa’t isa na may pag-ibig.” (Efeso 4:2) Isa pa, tayo’y dapat ‘magpakumbaba sa paningin ni Jehova.’—Santiago 4:10.
17. Bakit ang pag-ibig ay tutulong sa atin na maging matiisin?
17 Ang walang-imbot na pag-ibig ang lalo nang tumutulong sa atin na maging matiisin. Sa katunayan, “ang pag-ibig ay matiisin,” sapagkat tayo’y inuudyukan nito na ang isapuso ay ang pinakamagaling na kapakanan ng iba. (1 Corinto 13:4) Dahil sa pag-ibig ay nagkakaroon tayo ng empatiya, ang paglalagay ng ating sarili sa lugar ng iba, wika nga. Isa pa, ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na maging matiisin sapagkat “binabatá nito ang lahat ng bagay, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:7, 8) Oo, bilang awit sa Kaharian numero 200 sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova ay sinasabi niyaon:
“Hanap niya’y kabutihan.
Buklod ng kapatiran.
Puspos ng kabaitan,
Mabuti’y tinitingnan.”
Maging Matiisin na May Kagalakan?
18. Papaano posible na maging matiisin na may kagalakan?
18 Idinalangin ni Pablo na ang kaniyang mga kapananampalataya sa Colosas ay mapuspos ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos upang makalakad sila nang karapat-dapat kay Jehova, makalugod sa kaniya, at magbunga sa bawat mabuting gawa. Sila kung gayon ay “pinalakas ng kaniyang maluwalhating kapangyarihan upang makapagtiis nang lubusan at maging matiisin na may kagalakan.” (Colosas 1:9-11) Gayunman, papaano ang sinuman ay makapagiging “matiisin na may kagalakan”? Iyan ay hindi nagkakasalungatan, sapagkat ang pagkakaroon ng kagalakan na binanggit sa Kasulatan ay hindi lamang ang pagiging masayahin o masaya. Sa bunga ng espiritu na kagalakan ay kasali ang isang damdamin ng matinding kasiyahan sa paggawa ng matuwid sa harap ng Diyos. Ito’y isang kapahayagan din ng pag-asa na tatanggap ang isa ng ipinangakong gantimpala bilang resulta ng kaniyang pagiging matiisin. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo pagka kayo’y inaalimura ng mga tao at kayo’y pinag-uusig at kayo’y pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin. Magalak kayo at lumundag sa kagalakan, sapagkat malaki ang ganti sa inyo sa langit; sapagkat gayundin ang pagkausig nila sa mga propeta na nangauna sa inyo.”—Mateo 5:11, 12.
19. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na posible na maging kapuwa matiisin at may kagalakan?
19 Si Jesus ay nagkaroon ng gayong kagalakan. Sa katunayan, “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan.” (Hebreo 12:2) Ang kagalakang iyon ang nagpapangyari na si Jesus ay maging matiisin. Sa katulad na paraan, pag-isipan ang nangyari nang ang mga apostol ay gulpihin at sa kanila’y iniutos na “huwag na silang magsalita ng anuman tungkol sa pangalan ni Jesus.” Sila ay “nagsialis nga sa harapan ng Sanedrin, na natutuwa dahil sa sila’y ibinilang na karapat-dapat magbatá ng masama dahilan sa kaniyang pangalan. At sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang-lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:40-42) Kay-inam na halimbawa na nagpapatunay na ang mga tagasunod ni Kristo ay maaaring maging matiisin na may kagalakan!
20. Kung tayo’y magpapakita ng pagkamatiisin, papaano maaapektuhan nito ang ating kaugnayan sa iba?
20 Ang Salita ng Diyos ay tiyak na nagbibigay ng matalinong payo sa pagpapayo sa atin na huwag gaganti, maging mabagal sa pagkagalit samantalang umaasa sa pinakamagaling na resulta—oo, maging matiisin! Tayo’y nangangailangan ng palagiang pananalangin at ng bungang ito ng espiritu ng Diyos upang tayo’y makasundo ng ating mga kapatid sa kongregasyon, ng mga kasambahay natin, ng mga taong kasa-kasama natin sa dakong ating pinagtatrabahuhan, at ng mga tao na nakakausap natin sa ministeryong Kristiyano. At ano ang makatutulong sa atin upang maging matiisin? Pananampalataya, pag-asa, pagpapakumbaba, kagalakan, at pag-ibig. Totoo naman, kung taglay natin ang gayong mga katangian tayo ay maaaring maging matiisin sa lahat.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang pagiging matiisin ay kailangan sa ating pakikibahagi sa isang espirituwal na paraiso?
◻ Bakit ang matatanda lalo na ang kailangang maging matiisin?
◻ Bakit dapat paunlarin ng mga mag-asawa ang pagiging matiisin?
◻ Ano pang mga katangian ang tutulong sa atin upang maging matiisin?
[Larawan sa pahina 17]
Anong payo buhat kay Jesus ang tumulong kay Pedro upang maging matiisin?