“Magsaya Ka sa Asawa ng Iyong Kabataan”
“Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Anak ko, bakit ka magtatamasa ng masidhing ligaya sa babaing di-kilala?”—KAWIKAAN 5:18, 20.
1, 2. Bakit masasabing pinagpala ang romantikong pag-ibig na namamagitan sa mag-asawa?
HAYAGANG tinatalakay sa Bibliya ang hinggil sa pagtatalik. Ganito ang mababasa natin sa Kawikaan 5:18, 19: “Pagpalain ang iyong bukal ng tubig, at magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan, isang kaibig-ibig na babaing usa at mapanghalinang kambing-bundok. Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon. Sa kaniyang pag-ibig ay lagi ka nawang magtamasa ng masidhing ligaya.”
2 Dito, ang terminong “bukal ng tubig” ay tumutukoy sa pinagmumulan ng seksuwal na kasiyahan. Pinagpala ito sa diwa na ang romantikong pag-ibig at masidhing kagalakan na tinatamasa ng mga mag-asawa ay isang kaloob mula sa Diyos. Gayunman, ang matalik na ugnayang ito ay para lamang sa mag-asawa. Kaya sa retorikal na paraan ay nagtanong si Haring Solomon ng sinaunang Israel, isang manunulat ng Kawikaan: “Anak ko, bakit ka magtatamasa ng masidhing ligaya sa babaing di-kilala o yayakap ka sa dibdib ng ibang babae?”—Kawikaan 5:20.
3. (a) Anong malungkot na katotohanan ang nangyayari sa maraming pag-aasawa? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa pangangalunya?
3 Sa araw ng kanilang kasal, ang lalaki at babae ay taimtim na sumusumpa na iibigin nila ang isa’t isa at mananatili silang tapat. Gayunpaman, maraming pag-aasawa ang winawasak ng pangangalunya. Sa katunayan, matapos pag-aralan ang mahigit 24 na surbey, sinabi ng isang mananaliksik na “25 porsiyento sa mga asawang babae at 44 na porsiyento sa mga asawang lalaki ang nangalunya.” Sinabi ni apostol Pablo: “Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Napakaliwanag ng tekstong ito. Ang pangangalunya ay isang malubhang kasalanan sa paningin ng Diyos, at kailangang mag-ingat ang mga tunay na mananamba upang hindi sila matuksong magtaksil sa kanilang asawa. Ano ang tutulong sa atin upang ‘mapanatiling marangal ang pag-aasawa, at mapanatiling walang dungis ang higaang pangmag-asawa’?—Hebreo 13:4.
Mag-ingat Laban sa Mapandayang Puso
4. Anu-ano ang ilang paraan na maaaring umakay sa mga may-asawang Kristiyano na magkaroon ng romantikong ugnayan sa hindi nila asawa nang hindi nila namamalayan?
4 Sa kapaligiran ngayon na napakababa ng moral, maraming tao ang “may mga matang punô ng pangangalunya at hindi makahinto sa pagkakasala.” (2 Pedro 2:14) Sinasadya nilang magkaroon ng romantikong ugnayan sa hindi nila asawa. Sa ilang lupain, marami na ring kababaihan ang nagtatrabaho, at dahil magkasamang nagtatrabaho ang mga lalaki’t babae, madaling nabubuo ang maling mga pakikipagrelasyon sa opisina. Nariyan din ang Internet. Naging madali na, maging sa napakamahiyaing mga indibiduwal, na makipagkaibigan sa pamamagitan ng mga chat room. Maraming may-asawa ang nahuhulog sa ganitong bitag nang hindi nila namamalayan.
5, 6. Paano nasilo ang isang babaing Kristiyano sa mapanganib na situwasyon, at ano ang matututuhan natin dito?
5 Tingnan kung paanong ang isang Kristiyano na tatawagin nating Mary ay nasuong sa isang situwasyon na muntik nang umakay sa kaniya na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Ang kaniyang asawa, na hindi Saksi ni Jehova, ay hindi gaanong nagpapakita ng pagmamahal sa kaniyang pamilya. Naalaala ni Mary na mga ilang taon na ang nakalilipas, nakilala niya ang isa sa mga katrabaho ng kaniyang asawa. Napakagalang ng lalaking iyon, at nang maglaon ay nagpakita pa nga ito ng interes sa mga relihiyosong paniniwala ni Mary. “Napakabait niya, at ibang-iba siya sa mister ko,” ang sabi niya. Di-nagtagal, nahulog ang damdamin nila sa isa’t isa. “Hindi pa naman ako nangangalunya,” ang katuwiran niya, “at saka interesado siya sa Bibliya. Baka makatulong ako sa kaniya.”
6 Bago pa humantong sa pangangalunya ang relasyong iyon, natauhan si Mary. (Galacia 5:19-21; Efeso 4:19) Nakonsiyensiya siya, at itinuwid niya ang mga bagay-bagay. Ipinakikita ng karanasan ni Mary na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Hinihimok tayo ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23) Paano natin ito magagawa?
‘Ang Matalino ay Nagkukubli’
7. Kapag tumutulong sa isang indibiduwal na may mga problema sa pag-aasawa, isang proteksiyon ang pagsunod sa anong payo ng Kasulatan?
7 “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal,” ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 10:12) At sinasabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” Sa halip na magkaroon ng labis na kumpiyansa sa sarili at isipin, ‘Walang masamang mangyayari sa akin,’ isang katalinuhan na pag-isipan at paghandaan ang situwasyon na maaaring humantong sa mga problema. Halimbawa, iwasang sa iyo lamang ipinagtatapat ng isang di-kasekso ang kaniyang mga problema sa kaniyang asawa. (Kawikaan 11:14) Sabihin sa indibiduwal na iyon na ang mga problemang pangmag-asawa ay pinakamainam na ipakipag-usap sa kaniyang kabiyak, o sa isang may-gulang na Kristiyano na kaniyang kasekso na naghahangad na magtagumpay ang kanilang pag-aasawa, o kaya’y sa mga elder. (Tito 2:3, 4) Nagpapakita ng mainam na halimbawa sa bagay na ito ang mga elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kapag kailangang kausapin nang pribado ng isang elder ang isang Kristiyanong kapatid na babae, ginagawa niya ito sa pampublikong lugar—gaya sa Kingdom Hall.
8. Anong pag-iingat ang kailangan sa lugar ng trabaho?
8 Sa lugar ng trabaho at sa iba pang lugar, iwasan ang situwasyon na maaaring umakay sa pagkahulog ng iyong loob sa iba. Halimbawa, ang madalas na pag-o-overtime kasama ng isang di-kasekso ay maaaring umakay sa tukso. Bilang isang may-asawang lalaki o babae, dapat mong ipakita sa pamamagitan ng iyong pananalita at pagkilos na hinding-hindi ka puwedeng makipagrelasyon sa iba. Bilang isa na nagtataguyod ng makadiyos na debosyon, tiyak na hindi mo pupukawin ang atensiyon ng iba sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro o ng di-mahinhing pananamit at pag-aayos. (1 Timoteo 4:8; 6:11; 1 Pedro 3:3, 4) Ang pagdidispley ng mga litrato ng iyong asawa at mga anak sa lugar ng iyong trabaho ay magpapaalaala sa iyo at sa mga katrabaho mo na mahalaga sa iyo ang iyong pamilya. Maging determinado na huwag kailanman pasiglahin—o kunsintihin pa nga—ang pang-aakit sa iyo ng iba.—Job 31:1.
“Tamasahin Mo ang Buhay Kasama ng Asawa na Iniibig Mo”
9. Anong sunud-sunod na mga pangyayari ang maaaring humantong sa isang kabigha-bighani at bagong relasyon?
9 Para maingatan ang puso, hindi lamang ang pag-iwas sa mapanganib na mga situwasyon ang kailangan. Posibleng ang pagkaakit sa isa na hindi asawa ay indikasyon na hindi nabibigyang-pansin ng mag-asawa ang pangangailangan ng isa’t isa. Maaaring ang asawang babae ay palaging nababale-wala o ang asawang lalaki ay parating pinipintasan. Bigla na lang, isang tao—nakilala man ito sa trabaho o baka sa kongregasyong Kristiyano pa nga—ang waring nagtataglay ng mismong mga katangiang wala sa asawa ng isa. Di-magtatagal, mahuhulog ang loob ng isa’t isa, at pagkatapos ay halos hindi na mapigilan ang pagkabighaning namamagitan sa bagong relasyon. Ang sunud-sunod na mga pangyayaring ito na hindi namamalayang nagaganap ay patotoo na tama ang sinasabi sa Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”—Santiago 1:14.
10. Paano mapatitibay ng mga mag-asawa ang kanilang relasyon?
10 Sa halip na maghanap sa ibang tao para masapatan ang kanilang mga pagnanasa—ito man ay para sa pagmamahal, sa pakikipagkaibigan, o sa suporta kapag nakararanas ng matinding pagsubok—ang mga asawang lalaki at mga asawang babae ay dapat magsikap na patibayin ang pag-iibigan nilang mag-asawa. Kung gayon, sikaping gumugol ng panahon kasama ng iyong asawa, at maging malapít sa isa’t isa. Alalahanin kung bakit ninyo inibig ang isa’t isa. Sikaping ibalik ang dating damdamin mo sa taong napangasawa mo. Isipin ang masasayang panahon na kasama mo siya. Ipanalangin sa Diyos ang hinggil dito. Namanhik kay Jehova ang salmistang si David: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10) Maging determinadong ‘tamasahin ang buhay kasama ng asawa na iniibig mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos sa ilalim ng araw.’—Eclesiastes 9:9.
11. Anong papel ang ginagampanan ng kaalaman, karunungan, at kaunawaan sa pagpapatibay ng buklod ng pag-aasawa?
11 Ang isang bagay na hindi dapat kaligtaan para mapatibay ang buklod ng pag-aasawa ay ang kahalagahan ng kaalaman, karunungan, at kaunawaan. Ang Kawikaan 24:3, 4 ay nagsasabi: “Sa karunungan ay mapatitibay ang sambahayan, at sa kaunawaan ay matatatag ito nang matibay. At sa kaalaman ay mapupuno ang mga loobang silid ng lahat ng mamahalin at kaiga-igayang mga bagay na may halaga.” Kasama sa mamahaling mga bagay na pumupuno sa maligayang sambahayan ay ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, pagkamatapat, makadiyos na takot, at pananampalataya. Para matamo ang mga ito, kailangan ng kaalaman sa Diyos. Kaya ang mga mag-asawa ay dapat maging masigasig na mga estudyante ng Bibliya. At gaano naman kahalaga ang karunungan at kaunawaan? Upang mapagtagumpayan ang pang-araw-araw na mga suliranin sa buhay, kailangan ng karunungan, ang kakayahang ikapit ang maka-Kasulatang kaalaman. Kapag may kaunawaan ang isang tao, maiintindihan niya ang kaisipan at damdamin ng kaniyang kabiyak. (Kawikaan 20:5) “Anak ko, bigyang-pansin mo ang aking karunungan,” ang sabi ni Jehova, sa pamamagitan ni Solomon. “Ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan.”—Kawikaan 5:1.
Kapag May “Kapighatian”
12. Bakit hindi kataka-takang dumanas ng mga problema ang mga mag-asawa?
12 Walang perpektong pag-aasawa. Sinasabi pa nga ng Bibliya na ang mga asawang lalaki at mga asawang babae ay magkakaroon ng “kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Maaaring magdulot ng kaigtingan sa pag-aasawa ang kabalisahan, pagkakasakit, pag-uusig, at iba pang mga salik. Gayunman, kapag bumangon ang mga problema, kailangan ninyo itong hanapan ng solusyon nang magkasama bilang tapat na mag-asawa na nagnanais paluguran si Jehova.
13. Anu-anong mga bagay tungkol sa kanilang sarili ang maaaring suriin ng asawang lalaki at asawang babae?
13 Paano kung ang mag-asawa ay dumaranas ng kaigtingan dahil sa kanilang paraan ng pakikitungo sa isa’t isa? Kailangan ng pagsisikap para mahanap ang solusyon. Halimbawa, baka unti-unti nang nagiging bahagi ng buhay nilang mag-asawa ang hindi magandang pananalita at ngayon ay doon na sila nahirati. (Kawikaan 12:18) Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, maaari nitong wasakin ang pag-aasawa. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Mas mabuti pang manahanan sa ilang na lupain kaysa kasama ng asawang babaing mahilig makipagtalo na may pagkayamot.” (Kawikaan 21:19) Kung ikaw ang asawang babae at ganiyan ang kalagayan ninyong mag-asawa, tanungin mo ang iyong sarili, ‘Nahihirapan ba ang asawa ko sa aking pag-uugali?’ Sinasabi ng Bibliya sa mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Kung isa kang asawang lalaki, tanungin ang iyong sarili, ‘Malamig ba akong makitungo sa aking asawa, anupat natutukso ang aking asawa na maghanap ng kaaliwan sa iba?’ Siyempre pa, hindi puwedeng bigyang-katuwiran ang seksuwal na imoralidad. Subalit dahil sa posibilidad na mangyari ang ganiyang trahedya, makabubuting pag-usapan nang tapatan ang mga problema.
14, 15. Bakit hindi sagot sa mga problema sa pag-aasawa ang pakikipagrelasyon sa iba?
14 Hindi sagot sa mga problema sa pag-aasawa ang paghahanap ng kaaliwan sa iba. Saan ba hahantong ang gayong relasyon? Sa isang bago at mas maligayang pag-aasawa? Baka ganiyan ang iniisip ng ilan. ‘Tutal,’ ang katuwiran nila, ‘taglay ng taong ito ang mismong mga katangiang kailangan ko sa isang kabiyak.’ Subalit mali ang gayong pangangatuwiran, sapagkat ang sinumang mag-iwan ng kaniyang kabiyak—o humimok sa iyo na iwan ang iyong asawa—ay hindi talaga nagpapahalaga sa kabanalan ng pag-aasawa. Hindi makatuwirang asahan na ang relasyong iyon ay hahantong sa mas maligayang pag-aasawa.
15 Pinag-isipang mabuti ni Mary, na binanggit sa pasimula, kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang landasin, pati na ang posibilidad na maiwala niya o ng ibang tao ang lingap ng Diyos. (Galacia 6:7) “Nang suriin ko ang damdamin ko sa katrabaho ng aking asawa,” ang sabi niya, “natanto ko na kung may posibilidad man na matuto ang taong ito tungkol sa katotohanan, hinahadlangan ko ito. Ang masamang gawa ay makapipinsala sa lahat ng nasasangkot at makatitisod sa iba!”—2 Corinto 6:3.
Ang Pinakamalakas na Pangganyak
16. Anu-ano ang ilan sa mga epekto ng karumihan sa moral?
16 Nagbababala ang Bibliya: “Ang mga labi ng babaing di-kilala ay tumutulo na gaya ng bahay-pukyutan, at ang kaniyang ngalangala ay mas madulas kaysa sa langis. Ngunit ang idudulot niya ay kasimpait ng ahenho; iyon ay kasintalas ng tabak na may dalawang talim.” (Kawikaan 5:3, 4) Ang karumihan sa moral ay nagdudulot ng pasakit at maaari itong makamatay. Kasama rito ang bagabag na budhi, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, at ang matinding sakit na idudulot sa damdamin ng isa na pinagtaksilan ng asawa. Tiyak na magandang dahilan ito para hindi tahakin ang landasin na maaaring umakay sa pagtataksil sa asawa.
17. Ano ang pinakamatibay na dahilan para manatiling tapat sa asawa?
17 Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit mali ang pagtataksil sa asawa ay na hinahatulan ito ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa at ang Tagapagkaloob ng kakayahan ng mag-asawa na magtalik. Sa pamamagitan ni propeta Malakias, sinabi Niya: “Lalapit ako sa inyo ukol sa paghatol, at ako ay magiging mabilis na saksi laban sa . . . mga mangangalunya.” (Malakias 3:5) Hinggil sa mga nakikita ni Jehova, sinasabi ng Kawikaan 5:21: “Ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at dinidili-dili niya ang lahat ng kaniyang landas.” Oo, “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kung gayon, ang pinakamalakas na pangganyak para manatiling tapat sa asawa ay ang pagkaalam na gaano man kalihim ang pagtataksil at kahit waring napakaliit ng epekto nito sa kalusugan o sa ibang tao, ang anumang seksuwal na karumihan ay nakasisira sa ating kaugnayan kay Jehova.
18, 19. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Jose hinggil sa pakikitungo niya sa asawa ni Potipar?
18 Ipinakikita ng halimbawa ni Jose, anak ng patriyarkang si Jacob, na ang pagnanais na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos ang pinakamalakas na pangganyak. Dahil nakasumpong siya ng lingap sa paningin ni Potipar, isang opisyal ng korte ni Paraon, nagkaroon si Jose ng natatanging posisyon sa sambahayan ni Potipar. “Maganda [rin] ang tindig at maganda ang anyo” ni Jose, at napansin ito ng asawa ni Potipar. Araw-araw niyang tinutukso si Jose, ngunit walang nangyari sa kaniyang pagsisikap. Ano ang nagpakilos kay Jose na labanan ang pang-aakit ng asawa ni Potipar? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Tumatanggi siya at sinasabi niya sa asawa ng kaniyang panginoon: ‘Narito, hindi . . . ipinagkait sa akin [ng aking panginoon] ang anupaman maliban sa iyo, sapagkat ikaw ang kaniyang asawa. Kaya paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?’”—Genesis 39:1-12.
19 Napanatili ng binatang si Jose ang moral na kalinisan sa pamamagitan ng pagtangging makipagrelasyon sa asawa ng iba. “Uminom ka ng tubig mula sa iyong sariling imbakang-tubig, at ng mga patak mula sa loob ng iyong sariling balon,” ang sabi ng Kawikaan 5:15 sa mga lalaking may asawa. Mag-ingat maging sa di-namamalayang pagkahulog ng loob sa hindi mo asawa. Sikaping patibayin ang buklod ng pag-ibig ninyong mag-asawa, at gawin ang buong makakaya upang lutasin ang anumang mga suliraning pangmag-asawa na maaaring mapaharap sa inyo. Oo, “magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan.”—Kawikaan 5:18.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Paano maaaring mahulog ang loob ng isang Kristiyano sa hindi niya asawa nang hindi niya namamalayan?
• Anu-anong pag-iingat ang maaaring makatulong sa isa upang hindi mahulog ang kaniyang loob sa hindi niya asawa?
• Kapag nakararanas ng mga problema, ano ang dapat gawin ng mag-asawa?
• Ano ang pinakamalakas na pangganyak para manatiling tapat sa asawa?
[Larawan sa pahina 26]
Nakalulungkot, ang lugar ng trabaho ay maaaring pagmulan ng maling pakikipagrelasyon sa opisina
[Larawan sa pahina 28]
‘Sa kaalaman ay mapupuno ang mga loobang silid ng kaiga-igayang mga bagay’