Aristarco—Isang Matapat na Kasama
KABILANG sa marami na pinagkakatiwalaang kamanggagawa ni apostol Pablo ay si Aristarco. Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang kaniyang pangalan? Mayroon ba? Masasabi mo ba kung anong papel ang ginampanan niya sa kinalabasan ng kasaysayan ng mga unang Kristiyano? Bagaman si Aristarco ay maaaring hindi isa sa mga tauhan sa Bibliya na kilalang-kilala natin, gayunpaman ay kasangkot siya sa ilang pangyayari na inilahad sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Kung gayon, sino si Aristarco? Ano ang naging kaugnayan niya kay Pablo? Bakit masasabi na isang matapat na kasama si Aristarco? At anong mga aral ang matututuhan natin sa pagsusuri sa kaniyang halimbawa?
Ang madulang pagpasok sa eksena ni Aristarco sa salaysay sa aklat ng Mga Gawa ay naganap sa gitna ng pagsisigawan at kalituhan ng isang nagkakagulong mang-uumog sa lunsod ng Efeso. (Gawa 19:23-41) Ang paggawa ng mga dambanang pilak ng huwad na diyos na si Artemis ay isang malakas-kumitang negosyo para kay Demetrio at sa iba pang panday-pilak sa Efeso. Kaya, nang ang kampanya sa pangangaral sa lunsod na ginawa ni Pablo ay naging dahilan upang itakwil ng marami ang maruming pagsamba sa diyosang ito, sinulsulan ni Demetrio ang ibang bihasang-manggagawa. Sinabi niya sa kanila na ang pangangaral ni Pablo ay hindi lamang isang banta sa kanilang pinansiyal na seguridad kundi nagbangon din ng posibilidad na mawala ang pagsamba kay Artemis.
Palibhasa’y hindi matagpuan si Pablo, kinaladkad papasok sa dulaan ng galit na mga mang-uumog ang kaniyang mga kasamang sina Aristarco at Gayo. Yamang silang dalawa ay talagang nanganganib, nagsumamo kay Pablo ang mga kaibigan niya na “huwag niyang isapanganib ang kaniyang sarili sa dulaan.”
Gunigunihin ang iyong sarili sa situwasyong iyon. Sa loob ng mga dalawang oras, ang nagkakagulong mga mang-uumog ay patuloy na sumisigaw, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Ang pagkatanto na sila ay lubos na napapailalim sa panunupil ng panatikong pulutong na iyon anupat hindi man lamang makapagsalita upang ipagtanggol ang kanilang sarili ay tiyak na totoong nakatatakot na pagsubok kina Aristarco at Gayo. Tiyak na inisip nila kung makalalabas pa kaya sila roon nang buháy. Mabuti na lamang, nakaligtas sila. Sa katunayan, ang kalinawan ng salaysay ni Lucas ay umakay sa ilang iskolar na maghinuha na bumatay siya sa testimonyo ng mga saksing nakakita, marahil yaong kina Aristarco at Gayo mismo.
Sa wakas ay napatahimik ng tagapagtala ng lunsod ang kaguluhan. Tiyak na naging malaking kaginhawahan kina Aristarco at Gayo na marinig sa kaniya ang tiyakang pagkilala sa kanilang kawalang-sala at pagkatapos ay makita na nahinto ang pagkakagulo sa paligid nila.
Ano ang madarama ninyo pagkatapos ng isang karanasang katulad niyan? Iisipin mo ba na ang pagiging kasamang misyonero ni Pablo ay hindi para sa iyo, na ito ay totoong mapanganib, at na makabubuti pa sa iyo na humanap ng mas tahimik na buhay? Hindi gayon para kay Aristarco! Yamang taga-Tesalonica, malamang na alam na alam na niya ang mga panganib sa pagpapahayag ng mabuting balita. Nang mangaral si Pablo sa kanilang lunsod ilang taon pa lamang ang nakaraan, nagkagulo rin doon. (Gawa 17:1-9; 20:4) Matapat na nanatiling kasama ni Pablo si Aristarco.
Buhat sa Gresya Tungo sa Jerusalem
Mga ilang buwan pagkaraan ng pagkakagulo ng mga panday-pilak, si Pablo ay nasa Gresya at maglalayag noon patungong Siria na daraan sa Jerusalem nang “isang pakana ang binuo ng mga Judio laban sa kaniya.” (Gawa 20:2, 3) Sino ang makikita nating kasama ni Pablo sa mapanganib na mga kalagayang ito? Si Aristarco!
Ang bagong bantang ito ay naging dahilan ng pagbabago ng mga plano nina Pablo, Aristarco, at ng kanilang mga kasama, una ay ang paglalakbay padaan ng Macedonia, pagkatapos ay sa mga daungan sa kahabaan ng baybayin ng Asia Minor bago sa wakas ay magtungo sa Fenicia at Patara. (Gawa 20:4, 5, 13-15; 21:1-3) Ang layunin ng paglalakbay na ito ay maliwanag na upang ihatid sa nangangailangang mga kapatid sa Jerusalem ang mga kontribusyon ng mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya. (Gawa 24:17; Roma 15:25, 26) Isang malaking bilang ang naglakbay nang magkakasama, marahil dahil sa sila’y pinagkatiwalaan ng ganitong pananagutan ng iba’t ibang kongregasyon. Walang alinlangan, ang gayong malaking grupo ay makatitiyak din ng higit na kaligtasan.
Si Aristarco ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo sa pagsama kay Pablo mula sa Gresya tungo sa Jerusalem. Gayunpaman, ang kanilang sumunod na paglalakbay ay magmumula sa Judea deretso patungong Roma.
Ang Paglalakbay Patungong Roma
Ang mga kalagayan sa pagkakataong ito ay lubhang naiiba. Dalawang taon na napiit si Pablo sa Cesarea, umapela kay Cesar, at ipadadala sa Roma nang nakatanikala. (Gawa 24:27; 25:11, 12) Sikaping gunigunihin ang nadama ng mga kasama ni Pablo. Ang paglalakbay buhat sa Cesarea patungong Roma ay matagal at nakababahala, na di-tiyak ang kahihinatnan. Sino ang sasama sa kaniya upang umalalay at tumulong? Dalawang lalaki ang pinili o kusang nagboluntaryo ng kanilang sarili. Sila ay sina Aristarco at Lucas, ang manunulat ng Mga Gawa.—Gawa 27:1, 2.
Paano nakasabay sina Lucas at Aristarco sa pagsakay sa barko sa unang bahagi ng paglalakbay patungong Roma? Ganito ang sabi ng istoryador na si Giuseppe Ricciotti: “Sumakay ang dalawang ito bilang mga pribadong pasahero . . . o, mas malamang, tinanggap dahil sa kabaitan ng senturion na nagkunwaring itinuturing silang mga alipin ni Pablo, yamang pinahihintulutan ng batas ang isang mamamayang Romano na alalayan ng dalawang alipin.” Tiyak na napalakas ang loob ni Pablo dahil sa kanilang pagkanaroroon at pampatibay-loob!
Sina Lucas at Aristarco ay nagsakripisyo at nagsapanganib ng kanilang sarili sa pagpapakita ng kanilang pag-ibig kay Pablo. Sa katunayan, nanganib ang kanilang buhay nang, kasama ang kanilang kapuwa bihag, mawasak ang kanilang barko sa pulo ng Malta.—Gawa 27:13–28:1.
Ang “Kapuwa Bihag” ni Pablo
Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Colosas at kay Filemon noong 60-61 C.E., kasama pa niya sa Roma sina Aristarco at Lucas. Tinukoy sina Aristarco at Epafras bilang mga “kapuwa bihag” ni Pablo. (Colosas 4:10, 14; Filemon 23, 24) Kaya may panahon na maliwanag na nakasama ni Pablo sa bilangguan si Aristarco.
Bagaman si Pablo ay nabilanggo sa Roma nang di-kukulangin sa dalawang taon, pinahintulutan siyang mamuhay nang binabantayan sa kaniyang sariling inuupahang bahay, kung saan maipahahayag niya ang mabuting balita sa mga bisita. (Gawa 28:16, 30) Naglingkod noon kay Pablo sina Aristarco, Epafras, Lucas, at ang iba pa, anupat tinulungan at inalalayan siya.
“Tulong na Nagpapalakas”
Matapos isaalang-alang ang iba’t ibang pangyayari na doo’y lumilitaw si Aristarco sa kinasihang ulat ng Bibliya, anong larawan ang nakikita? Ayon sa manunulat na si W. D. Thomas, si Aristarco ay “kinikilala bilang isang lalaki na makahaharap sa pagsalansang at makapananagumpay rito nang hindi nasisira ang kaniyang pananampalataya at hindi nanghihina ang kaniyang determinasyon na maglingkod. Kilala siya bilang isang tao na umiibig sa Diyos hindi lamang sa kaayaayang panahon, kapag maaliwalas ang panahon, kundi maging sa panahon ng pagtuya at unos din naman.”
Sinabi ni Pablo na si Aristarco at ang iba pa ay mga “tulong na nagpapalakas” (Griego, pa·re·go·riʹa) sa kaniya, samakatuwid ay, isang pinagmumulan ng kaginhawahan. (Colosas 4:10, 11) Kaya sa pamamagitan ng pag-aliw at pagpapatibay-loob kay Pablo, si Aristarco ay isang tunay na kasama sa panahon ng pangangailangan. Ang pagiging kasama at kaibigan ng apostol sa loob ng maraming taon ay tiyak na totoong kasiya-siya at isang karanasang nakapagpapayaman sa espirituwal.
Baka hindi naman tayo makaranas ng madulang kalagayan na katulad ng naranasan ni Aristarco. Gayunpaman, ang nakakatulad na pagkamatapat sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo at sa organisasyon ni Jehova ay nararapat sa lahat niyaong nasa Kristiyanong kongregasyon sa ngayon. (Ihambing ang Mateo 25:34-40.) Sa malao’t madali, malamang na ang kilala nating mga kapuwa mananamba ay magdaranas ng hirap o pighati, marahil dahil sa pangungulila, sakit, o iba pang pagsubok. Sa pananatiling kasama nila at paglalaan ng tulong, kaaliwan, at pampatibay-loob, makasusumpong tayo ng kagalakan at mapatutunayan nating tayo’y matatapat na kasama.—Ihambing ang Kawikaan 17:17; Gawa 20:35.