Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya—Ikalawang Bahagi
Naglalagablab ang apoy habang ginagatungan pa nang husto ang malaking siga. Ngunit hindi ito isang pangkaraniwang apoy. Ang nagngangalit na apoy ay ginagatungan ng mga Bibliya habang nagmamasid ang mga pari at mga prelado. Subalit, sa pamamagitan ng pagbili ng mga Bibliya upang sirain ang mga ito, hindi namamalayan ng obispo ng London na nakatulong siya sa tagapagsalin, si William Tyndale, na matustusan ang karagdagang mga edisyon!
Ano ang umakay sa gayong determinasyon ng dalawang panig ng labanan? Sa isang naunang isyu, tinalakay natin ang kasaysayan ng paglalathala ng Bibliya hanggang sa bandang katapusan ng Edad Medya. Ngayon ay dumating tayo sa bukang-liwayway ng isang bagong panahon kung kailan ang mensahe at awtoridad ng Salita ng Diyos ay magkakaroon ng malalim na epekto sa lipunan.
Lumitaw ang Isang Tagapanguna
Si John Wycliffe, isang iginagalang na iskolar sa Oxford, ay mabisang nangaral at sumulat laban sa di-maka-Kasulatang gawain ng Simbahang Katoliko, anupat ibinatay ang kaniyang awtoridad sa ‘batas ng Diyos,’ ang ibig sabihin ay ang Bibliya. Pinapunta niya ang kaniyang mga estudyante, ang mga Lollard, sa lahat ng lalawigan ng Inglatera upang ipangaral ang mensahe sa wikang Ingles sa sinumang makikinig. Bago siya mamatay noong 1384, pinasimulan niya ang pagsasalin ng Bibliya mula sa Latin tungo sa Ingles noong kaniyang kapanahunan.
Nakasumpong ng maraming dahilan ang simbahan upang kapootan si Wycliffe. Una, kinondena niya ang klero dahil sa kanilang mga pagmamalabis at imoral na paggawi. Karagdagan pa, marami sa mga tagahanga ni Wycliffe ang maling nagkapit ng kaniyang mga turo upang bigyang katuwiran ang kanilang mga armadong paghihimagsik. Sinisi ng klero si Wycliffe, kahit pagkamatay niya, bagaman hindi siya kailanman nagmungkahi ng mararahas na pag-aalsa.
Sa isang liham kay Papa John XXIII noong 1412, tinukoy ni Arsobispo Arundel ang “nakamumuhi at pesteng taong iyon na si John Wycliffe, na kasuklam-suklam isipin, ang anak na iyon ng matandang serpiyente, ang pinakaanino at anak ng anti-Kristo.” Bilang kasukdulan ng kaniyang pagtuligsa, sumulat si Arundel: “Upang punuin ang sukat ng kaniyang masamang hangarin, gumawa siya ng paraan para sa isang bagong salin ng mga kasulatan sa katutubong wika.” Sa katunayan, ang higit na ikinagalit ng mga lider ng simbahan ay ang bagay na ibig ni Wycliffe na ibigay sa mga tao ang Bibliya sa kanilang sariling wika.
Gayunpaman, may ilang prominenteng indibiduwal na nakagagamit ng Kasulatan sa mga katutubong wika. Ang isa ay si Anne ng Bohemia, na nagpakasal kay Haring Richard II ng Inglatera noong 1382. Mayroon siyang Ingles na mga salin ni Wycliffe ng Mga Ebanghelyo, na palagi niyang pinag-aaralan. Nang siya’y maging reyna, ang kaniyang magandang saloobin ay nakatulong upang itaguyod ang kapakanan ng Bibliya—at hindi lamang sa Inglatera. Hinimok ni Anne ang mga estudyante mula sa Unibersidad ng Prague sa Bohemia na magtungo sa Oxford. Doon ay buong-kasiglahan nilang pinag-aralan ang mga gawa ni Wycliffe at dinala ang ilan sa mga ito pabalik sa Prague. Ang popularidad ng mga turo ni Wycliffe sa Unibersidad ng Prague ay nagsilbing suporta nang maglaon para kay Jan Hus, na nag-aral at nang dakong huli ay nagturo roon. Gumawa si Hus ng isang madaling-basahing bersiyon sa wikang Czech mula sa matandang salin sa wikang Slavonic. Ang kaniyang mga pagsisikap ay nakatulong upang maging malaganap ang paggamit ng Bibliya sa Bohemia at sa kalapit na mga lupain.
Gumanti ang Simbahan
Galit na galit din ang klero kina Wycliffe at Hus dahil sa pagtuturo na ang “dalisay na teksto,” ang orihinal na kinasihang Kasulatan na hindi naragdagan, ay may higit na awtoridad kaysa sa “mga pagpapakahulugan,” ang napakaraming tradisyonal na mga paliwanag sa mga mardyin ng mga Bibliyang sinang-ayunan ng simbahan. Ang dalisay na mensahe ng Salita ng Diyos ang ibig ipamahagi ng mga mangangaral na ito sa pangkaraniwang mga tao.
Palibhasa’y may-kabulaanang pinangakuan ng proteksiyon sa paglalakbay, nalinlang si Hus na humarap sa Katolikong Konsilyo sa Constance, Alemanya, noong 1414 upang ipagtanggol ang kaniyang mga pananaw. Ang konsilyo ay binubuo ng 2,933 pari, obispo, at mga kardinal. Pumayag si Hus na bawiin ang kaniyang mga ipinahayag kung mapatutunayang mali ang kaniyang mga turo sa pamamagitan ng Kasulatan. Para sa konsilyo, hindi iyon ang usapin. Ang paghamon niya sa kanilang awtoridad ay sapat nang dahilan upang kanilang sunugin siya sa tulos noong 1415, habang nananalangin siya nang malakas.
Ang konsilyo ring ito ang gumawa ng pangwakas na kapahayagan ng paghatol at insulto kay John Wycliffe sa pamamagitan ng paggawa ng dekreto na ang kaniyang mga buto ay dapat na hukayin sa Inglatera at sunugin. Gayon na lamang kasama ang tagubiling ito anupat hindi ito isinagawa hanggang noong 1428, sa mahigpit na utos ng papa. Subalit gaya ng dati, ang gayong matinding pagsalansang ay hindi nakabawas sa sigasig ng iba pang umiibig sa katotohanan. Sa halip, pinag-ibayo nito ang kanilang determinasyon na ilathala ang Salita ng Diyos.
Ang Epekto ng Paglilimbag
Pagsapit ng 1450, 35 taon lamang pagkamatay ni Hus, sinimulan ni Johannes Gutenberg sa Alemanya ang paglilimbag sa pamamagitan ng naikikilos na tipo. Ang kaniyang unang dakilang gawa ay isang edisyon ng Latin Vulgate, na nakumpleto noong mga 1455. Pagsapit ng 1495 ang buo o bahagi ng Bibliya ay nailimbag na sa Aleman, Italyano, Pranses, Czech, Olandes, Hebreo, Catalan, Griego, Kastila, Slavonic, Portuges, at Serbiano—sa gayong pagkakasunud-sunod.
Ginawa ng Olandes na iskolar na si Desiderius Erasmus ang unang kumpletong nilimbag na edisyon ng tekstong Griego noong 1516. Nais ni Erasmus na ang Kasulatan ay “maisalin sa lahat ng wika ng lahat ng tao.” Subalit nag-atubili siyang isapanganib ang kaniyang malaking popularidad sa pamamagitan ng pagsasalin niya mismo nito. Gayunpaman, may ibang sumunod na naging mas malakas ang loob. Namumukod-tangi sa mga indibiduwal na ito si William Tyndale.
Si William Tyndale at ang Bibliyang Ingles
Nakapag-aral si Tyndale sa Oxford at noong mga 1521 ay tumuntong sa tahanan ni Sir John Walsh bilang isang pribadong guro sa kaniyang mga anak. Sa panahon ng pagkain sa saganang hapag ni Walsh ay malimit makipagdebate ang kabataang si Tyndale sa lokal na klero. Tuwirang hinamon ni Tyndale ang kanilang mga opinyon sa pamamagitan ng pagbubuklat ng Bibliya at pagpapakita sa kanila ng mga kasulatan. Nang maglaon, nakumbinsi ang mga Walsh sa sinasabi ni Tyndale, at ang mga klerigo ay madalang nang anyayahan at hindi na gaanong masigla ang pagtanggap sa kanila. Natural, dahil dito ay lalong nagalit ang mga klerigo kay Tyndale at sa kaniyang mga paniniwala.
Minsan sa isang pagtatalo, iginiit ng isa sa mga relihiyosong kalaban ni Tyndale: “Mas mabuti pa na walang mga batas ng Diyos kaysa batas ng Papa.” Gunigunihin ang pananalig ni Tyndale nang sumagot siya: “Hinahamon ko ang Papa at ang lahat ng kaniyang batas. Kung pahihintulutan ng Diyos ang aking buhay nang maraming taon pa, pangyayarihin ko na ang isang batang nag-aararo ay makaalam ng higit tungkol sa Kasulatan kaysa sa iyo.” Naging maliwanag ang pasiya ni Tyndale. Nang dakong huli ay sumulat siya: “Napag-unawa ko sa pamamagitan ng karanasan kung gaano kaimposible na ipakilala sa mga pangkaraniwang tao ang anumang katotohanan, maliban nang ang kasulatan ay malinaw na maiharap sa kanila sa kanilang katutubong wika, upang maunawaan nila ang diwa, kaayusan, at kahulugan ng teksto.”
Nang panahong iyon, wala pang Bibliya na nailimbag sa wikang Ingles. Kaya noong 1523, nagpunta si Tyndale sa London upang humingi ng suporta ni Obispo Tunstall para sa isang proyekto sa pagsasalin. Palibhasa’y tinanggihan, siya’y umalis sa Inglatera upang itaguyod ang kaniyang layunin, anupat hindi na magbalik. Sa Cologne, Alemanya, nilusob ang kaniyang unang palimbagan, at muntik nang di-makatakas si Tyndale dala ang mahahalagang pahina na hindi pa napagsasama-sama. Subalit sa Worms, Alemanya, di-kukulangin sa 3,000 kopya ng kaniyang Ingles na “Bagong Tipan” ang nakumpleto. Ang mga ito ay ipinadala sa Inglatera at sinimulang ipamahagi roon maaga noong 1526. Ang ilan sa mga ito ay ang mga Bibliyang binili at sinunog ni Obispo Tunstall, na walang kamalay-malay na nakatulong kay Tyndale na ipagpatuloy ang kaniyang gawain!
Nagdulot ng Mas Maliwanag na Pagkaunawa ang Pananaliksik
Maliwanag na nasiyahan si Tyndale sa kaniyang gawain. Gaya ng pagkasabi ng The Cambridge History of the Bible, “napaligaya siya ng Kasulatan, at may bilis at sigla ang kaniyang kilos na nagpapahiwatig ng kaniyang kaligayahan.” Tunguhin ni Tyndale na hayaang magsalita ang Kasulatan sa pangkaraniwang tao sa pananalita na wasto at simple hangga’t maaari. Ipinakikita sa kaniya ng kaniyang mga pag-aaral ang kahulugan ng mga salita sa Bibliya na pinalabo ng doktrina ng simbahan sa loob ng mga siglo. Palibhasa’y hindi natakot sa banta ng kamatayan ni sa ubod-samang panulat ng kaniyang makapangyarihang kaaway na si Sir Thomas More, inilakip ni Tyndale sa kaniyang salin ang mga natuklasan niya.
Yamang gumagawa mula sa orihinal na Griego ng teksto ni Erasmus sa halip na sa Latin, pinili ni Tyndale ang salitang “pag-ibig” kaysa sa “kagandahang-loob” upang lubusang ipahayag ang kahulugan ng Griegong salita na a·gaʹpe. Ginamit din niya ang “kongregasyon” sa halip na “simbahan,” “magsisi” sa halip na “magpenitensiya,” at “matatanda” sa halip na “mga pari.” (1 Corinto 13:1-3; Colosas 4:15, 16; Lucas 13:3, 5; 1 Timoteo 5:17, Tyndale) Ang mga pagbabagong ito ay malaking kasiraan sa awtoridad ng simbahan at sa tradisyonal na relihiyosong mga gawain, tulad ng pangungumpisal sa mga pari.
Pinanatili rin ni Tyndale ang salitang “pagkabuhay-muli,” anupat tinanggihan ang purgatoryo at kamalayan pagkatapos mamatay bilang di-maka-Kasulatan. Tungkol sa mga patay, sumulat siya kay More: “Sa paglalagay sa kanila sa langit, impiyerno, at purgatoryo, sinisira [mo] ang mga argumento na sa pamamagitan nito’y pinatunayan nina Kristo at Pablo ang pagkabuhay-muli.” Hinggil dito, binanggit ni Tyndale ang Mateo 22:30-32 at 1 Corinto 15:12-19. Sumapit siya sa wastong paniniwala na ang mga patay ay nananatiling walang-malay hanggang sa pagkabuhay-muli sa hinaharap. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5; Juan 11:11, 24, 25) Nangangahulugan ito na ang buong kaayusan ng pananalangin kay Maria at sa “mga santo” ay walang-saysay sapagkat sa kanilang walang-malay na kalagayan ay hindi sila nakaririnig ni makapamamagitan man.
Isinalin ni Tyndale ang Hebreong Kasulatan
Noong 1530, naglabas si Tyndale ng isang edisyon ng Pentateuch, ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan. Kaya siya ang naging kauna-unahang nagsalin ng Bibliya nang tuwiran mula sa Hebreo tungo sa Ingles. Si Tyndale rin ang unang tagapagsaling Ingles na gumamit ng pangalang Jehova. Sumulat ang iskolar ng London na si David Daniell: “Ang mga mambabasa ni Tyndale ay tiyak na lubhang humanga na ang pangalan ng Diyos ay isiniwalat nang panibago.”
Sa kaniyang pagtatangkang maabot ang pagiging maliwanag, gumamit si Tyndale ng iba’t ibang salitang Ingles upang isalin ang isang salitang Hebreo. Gayunman, maingat niyang sinundan ang balangkas ng Hebreo. Dahil dito ay naingatan ang maikli ngunit tuwirang puwersa ng Hebreo. Siya mismo ang nagsabi: “Ang mga katangian ng wikang Hebreo ay sanlibong ulit na mas nakakatugma ng Ingles kaysa ng Latin. Ang paraan ng pagsasalita ay lubhang magkahawig; kung kaya sa napakaraming pagkakataon ay kailangan mo lamang isalin iyon sa Ingles, nang salita por salita.”
Ang ganitong pangunahin nang literal na pamamaraan ay mababakas sa pagsasalin ni Tyndale sa mga salitang Hebreo. Ang ilan sa mga ito ay tiyak na waring bago sa unang pagbasa. Gayunman, nang maglaon ay naging lubhang pamilyar ang Bibliya anupat marami sa mga salitang ito ay bahagi na ngayon ng wikang Ingles. Kasali sa mga halimbawa ang “lalaking ayon sa kaniyang sariling puso” (gaya sa 1 Samuel 13:14), “paskuwa,” at “sangkalan (scapegoat).” Bukod pa rito, sa gayo’y nakilala ng mga bumabasa ng Bibliyang Ingles ang kaisipang Hebreo, anupat nagbibigay sa kanila ng mas malalim na unawa sa kinasihang Kasulatan.
Ang Bibliya at si Tyndale sa Ilalim ng Pagbabawal
Nakapananabik ang posibilidad na mabasa ang Salita ng Diyos sa sariling wika ng isa. Ang taong-bayan sa Inglatera ay tumugon sa pamamagitan ng pagbili ng lahat na maaaring ipuslit sa bansa, na ikinubli bilang mga paldo ng tela o iba pang kalakal. Samantala, naisip ng klero ang tiyak na pagkawala ng kanilang posisyon kapag itinuring ang Bibliya bilang siyang pinakamataas na awtoridad. Kaya naman, naging higit at higit na mapanganib ang situwasyon para sa tagapagsalin at sa kaniyang mga tagatangkilik.
Palibhasa’y laging tinutugis ng Simbahan at ng Estado, si Tyndale ay patuloy na gumawa nang patago sa Antwerp, Belgium. Gayunpaman, nag-ukol siya ng dalawang araw sa loob ng isang linggo sa tinatawag niyang pampalipas-oras—paglilingkod sa ibang nagsilikas na Ingles, mga dukha, at mga maysakit. Ginugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang pondo sa ganitong paraan. Bago niya maisalin ang huling bahagi ng Hebreong Kasulatan, si Tyndale ay ipinagkanulo ng isang lalaking Ingles na nagkunwaring isang kaibigan kapalit ng salapi. Pinatay sa Vilvoorde, Belgium, noong 1536, ang kaniyang huling taimtim na mga salita ay, “Panginoon! buksan ninyo ang mga mata ng Hari ng Inglatera.”
Noong 1538, sa kaniyang sariling mga kadahilanan ay ipinag-utos ni Haring Henry VIII na maglagay ng mga Bibliya sa bawat simbahan sa Inglatera. Bagaman hindi ipinatungkol kay Tyndale ang kapurihan, ang salin na pinili ay pangunahin nang yaong sa kaniya. Sa ganitong paraan ay nakilala at minahal nang gayon na lamang ang gawa ni Tyndale anupat iyon “ang tumiyak sa saligang uri ng karamihan sa mga sumunod na bersiyon” sa Ingles. (The Cambridge History of the Bible) Halos 90 porsiyento ng salin ni Tyndale ay tuwirang inilagay sa King James Version ng 1611.
Nagdulot ng malaking pagbabago sa Inglatera ang malayang paggamit ng Bibliya. Naging gayon na lamang kainit ang mga talakayan sa palibot ng mga Bibliyang inilagay sa mga simbahan anupat kung minsa’y nakasasagabal ang mga ito sa mga serbisyo sa simbahan! “Ang matatandang tao ay nag-aral na bumasa upang tuwiran silang makalapit sa Salita ng Diyos, at sumama ang mga anak sa mga nakatatanda sa kanila upang makinig.” (A Concise History of the English Bible) Naganap din sa panahong ito ang malaking pagsulong sa pamamahagi ng Bibliya sa iba pang lupain at wika sa Europa. Subalit ang kilusan para sa Bibliya sa Inglatera ay nakatakdang magkaroon ng epekto sa buong daigdig. Paano nangyari ito? At paanong ang higit pang pagtuklas at pananaliksik ay nakaapekto sa mga Bibliyang ginagamit natin ngayon? Tatapusin namin ang aming ulat sa susunod na artikulo ng seryeng ito.
[Larawan sa pahina 26]
Ang 1526 na “Bagong Tipan” ni Tyndale—ang tanging kilalang kumpletong kopya na nakaligtas sa apoy
[Credit Line]
© The British Library Board
[Chart/Mga larawan sa pahina 26, 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Pangunahing Petsa sa Pagsasalin ng Bibliya
Karaniwang Panahon
Nagsimula ang Bibliya ni Wycliffe (b. 1384)
1400
Pinatay si Hus 1415
Gutenberg—unang nilimbag na Bibliya c. 1455
1500
Naunang mga Limbag sa Katutubong Wika
Tekstong Griego ni Erasmus 1516
“Bagong Tipan” ni Tyndale 1526
Pinatay si Tyndale 1536
Iniutos ni Henry VIII na maglagay ng Bibliya sa mga simbahan 1538
1600
King James Version 1611
[Mga larawan]
Wycliffe
Hus
Tyndale
Henry VIII