Tumayong Ganap na May Matibay na Pananalig
“[Siya ay] laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.”—COLOSAS 4:12.
1, 2. (a) Ano ang napansin ng mga tagalabas tungkol sa unang mga Kristiyano? (b) Paano ipinakikita ng aklat ng Mga Taga-Colosas ang maibiging interes?
ANG mga tagasunod ni Jesus ay lubhang interesado sa kanilang mga kapuwa mananamba. Inilahad ni Tertullian (manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E.) ang tungkol sa kabaitan na ipinakita nila sa mga ulila, dukha, at sa mga matatanda na. Ang gayong mga katibayan ng pag-ibig na may gawa ay labis na nagpahanga sa mga di-sumasampalataya anupat ang ilan ay nagsabi tungkol sa mga Kristiyano, ‘Tingnan ninyo kung gaano ang pag-ibig nila sa isa’t isa.’
2 Ipinakikita ng aklat ng Mga Taga-Colosas ang gayong maibiging interes ni apostol Pablo at ng kaniyang kasamang si Epafras sa mga kapatid sa Colosas. Isinulat ni Pablo sa kanila: Si Epafras ay “laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.” Sa taóng 2001, magiging taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova ang mga salitang ito sa Colosas 4:12: ‘Tumayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’
3. Anong dalawang bagay ang idinalangin ni Epafras?
3 Makikita mo na ang mga panalangin ni Epafras para sa kaniyang mga minamahal ay may dalawang aspekto: (1) na ‘sa wakas ay makatayo silang ganap’ at (2) na sila ay makatayong “may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.” Ang impormasyong ito ay inilakip sa Kasulatan para sa ating kapakinabangan. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang personal na kailangan kong gawin upang sa wakas ay makatayo akong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos? At habang ginagawa ko ito, ano ang magiging epekto nito?’ Tingnan natin.
Magsikap na ‘Tumayong Ganap’
4. Sa anong diwa kinailangan ng mga taga-Colosas na maging “ganap?”
4 Taimtim na ninais ni Epafras na ang kaniyang espirituwal na mga kapatid sa Colosas ay ‘makatayong ganap sa wakas.’ Ang terminong ginamit ni Pablo, na isinalin ditong “ganap,” ay maaaring magkaroon ng diwa na sakdal, husto ang gulang, o may-gulang. (Mateo 19:21; Hebreo 5:14; Santiago 1:4, 25) Malamang na alam mo na ang pagiging bautisado ng isa bilang Saksi ni Jehova ay hindi nangangahulugan sa ganang sarili nito na siya ay isa nang Kristiyanong husto ang gulang. Isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, na naninirahan sa gawing kanluran ng Colosas, na sinisikap ng mga pastol at mga guro na tulungan ang ‘lahat na makamit ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.’ Sa iba pang pagkakataon, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na maging “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.”—Efeso 4:8-13; 1 Corinto 14:20.
5. Paano natin magagawang isang pangunahing tunguhin ang pagiging ganap?
5 Kung ang ilan sa Colosas ay hindi pa husto ang gulang, o may-gulang sa espirituwal na paraan, kailangang maging tunguhin nila iyon. Hindi ba dapat na maging gayundin sa ngayon? Nabautismuhan man tayo noong nakaraang mga dekada o nitong kamakailan lamang, nakikita ba natin na talagang sumulong na tayo sa ating kakayahan sa pangangatuwiran at mga pangmalas? Isinasaalang-alang ba natin ang mga simulain sa Bibliya bago tayo nagpapasiya? Ang mga bagay ba na may kaugnayan sa Diyos at sa mga kapakanan ng kongregasyon ay lalong nagkakaroon ng higit na bahagi sa ating buhay, sa halip na nagkakataon lamang? Hindi natin maaaring ilarawan lahat dito ang mga paraan na doo’y maipapakita natin ang gayong paglaki tungo sa pagiging ganap, subalit isaalang-alang ang dalawang halimbawa.
6. Ano ang isang larangan na doo’y maaaring sumulong ang isa tungo sa pagiging sakdal, na gaya ni Jehova?
6 Unang halimbawa: Ipagpalagay na lumaki tayo sa isang kapaligiran na doo’y laganap ang pagtatangi o pagkapoot sa mga tao ng ibang lahi, bansa, o rehiyon. Alam na natin ngayon na ang Diyos ay hindi nagtatangi at na hindi rin tayo dapat magtangi. (Gawa 10:14, 15, 34, 35) Sa ating kongregasyon o sirkito, may ilang indibiduwal na may gayong ibang pinagmulan, kaya kasama natin sila. Gayunman, hanggang saan natin pinananatili sa ating kalooban ang negatibong mga damdamin o hinala sa mga tao na may gayong pinagmulan? Mayroon ba tayong ‘palabang saloobin,’ anupat mabilis na nag-iisip ng negatibong bagay kung ang isa na may gayong pinagmulan ay nagkamali o nakasakit sa atin nang kaunti? Tanungin ang iyong sarili, ‘Kailangan bang ako ay gumawa ng higit pang pagsulong sa pagkakaroon ng di-nagtatanging pangmalas ng Diyos?’
7. Ang pagiging ganap bilang isang Kristiyano ay maaaring magsangkot ng pagkakaroon ng anong pangmalas sa iba?
7 Ikalawang halimbawa: Ayon sa Filipos 2:3, hindi tayo dapat gumawa ng “anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas.” Kumusta ang ating pagsulong hinggil sa bagay na ito? Bawat tao ay may kani-kaniyang kahinaan at lakas. Kung noon ay mabilis nating napupuna ang mga kahinaan ng iba, sumulong na ba tayo, anupat hindi na natin inaasahan na sila’y maging halos “sakdal”? (Santiago 3:2) Ngayon, higit kaysa dati, nakikita na ba natin—anupat hinahanap pa nga—ang mga paraan na doo’y nakatataas ang iba? ‘Inaamin ko na ang sister na ito ay nakahihigit sa akin sa pagiging matiisin.’ ‘Ipinakikita ng isang iyon ang mas matibay na pananampalataya.’ ‘Ang totoo, siya ay mas mahusay na guro kaysa sa akin.’ ‘Mas nakahihigit siya sa akin sa pagkontrol sa kaniyang galit.’ Marahil ang ilan sa mga taga-Colosas ay kinailangang sumulong sa bagay na ito. Tayo rin kaya?
8, 9. (a) Sa anong diwa nanalangin si Epafras para ‘makatayong’ ganap ang mga taga-Colosas? (b) Ang ‘pagtayong ganap’ ay nangangahulugan ng ano may kinalaman sa hinaharap?
8 Idinalangin ni Epafras na ang mga taga-Colosas sana ay ‘tumayong ganap.’ Maliwanag, si Epafras ay nananalangin sa Diyos na sa abot ng pagiging ganap, may-gulang, o hustong-gulang ng mga taga-Colosas bilang mga Kristiyano, sana’y ‘makatayo’ sila, o manatiling may-gulang.
9 Hindi natin maipalalagay na ang bawat isa na nagiging Kristiyano, maging ang isang may-gulang, ay mananatiling gayon. Sinabi ni Jesus na ang isang anak na anghel ng Diyos ay ‘hindi nanindigan sa katotohanan.’ (Juan 8:44) At pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga-Corinto tungkol sa ilan noon na naglingkod kay Jehova nang ilang panahon ngunit pagkatapos ay huminto. Binalaan niya ang mga kapatid na pinahiran ng espiritu: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Ito ay nagdaragdag ng puwersa sa panalangin na ang mga taga-Colosas sana’y ‘makatayong ganap sa wakas.’ Minsang sila’y maging ganap, husto ang gulang, kailangan silang magpatuloy, hindi umuurong, nanghihimagod, o naaanod palayo. (Hebreo 2:1; 3:12; 6:6; 10:39; 12:25) Sa gayon ay magiging “ganap” sila sa araw ng pagsisiyasat at pangwakas na pagsang-ayon sa kanila.—2 Corinto 5:10; 1 Pedro 2:12.
10, 11. (a) Anong parisan ang ibinigay ni Epafras para sa atin kung tungkol sa panalangin? (b) Kasuwato ng ginawa ni Epafras, anong pasiya ang nais mong gawin?
10 Natalakay na natin ang kahalagahan ng pagtukoy sa pangalan kapag idinadalangin ang iba, ang pagiging espesipiko sa paghiling kay Jehova na tulungan sila, aliwin sila, pagpalain sila, at pagkalooban sila ng banal na espiritu. Ganoon ang mga panalangin ni Epafras para sa mga taga-Colosas. At maaari—sa katunayan ay dapat nga—nating masumpungan sa mga salitang iyon ang isang mahalagang mungkahi kung ano ang idudulog natin kay Jehova sa panalangin tungkol sa ating sarili. Walang-alinlangan, kailangang hilingin natin ang tulong ni Jehova sa layuning ang bawat isa sa atin ay ‘makatayong ganap sa wakas.’ Idinadalangin mo ba ang gayon?
11 Bakit hindi banggitin sa panalangin ang iyong situwasyon? Ipakipag-usap sa Diyos ang tungkol sa antas ng iyong naisulong na tungo sa pagiging “ganap,” husto ang gulang, pagiging may-gulang. Magsumamo sa kaniya na tulungan kang makilala ang mga aspekto na doo’y kailangan ka pang lumaki sa espirituwal na paraan. (Awit 17:3; 139:23, 24) Tiyak, mayroon kang gayong mga aspekto. Pagkatapos, sa halip na masiraan ng loob dahil dito, maliwanag at tuwirang magsumamo sa Diyos ukol sa tulong para sa pagsulong. Huwag mong gawin ito nang minsan lamang. Sa katunayan, bakit hindi ipasiya na sa darating na linggong ito ay ipananalangin mo nang mahaba na sana’y ‘makatayo [kang] ganap sa wakas.’ At isaplano pang gawin ito nang madalas habang isinasaalang-alang mo ang taunang teksto. Sa iyong pananalangin, magtuon ng pansin sa maaaring taglay mong mga hilig na umurong, manghimagod, o maanod palayo mula sa paglilingkod sa Diyos at kung paano mo maiiwasang gawin iyon.—Efeso 6:11, 13, 14, 18.
Manalangin Ukol sa Matibay na Pananalig
12. Bakit lalo nang kailangan ng mga taga-Colosas ang “matibay na pananalig”?
12 Nanalangin din si Epafras para sa isa pang bagay na mahalaga kung nais ng mga taga-Colosas na masumpungan sa wakas na nakatayong may pagsang-ayon ng Diyos. Mahalaga rin ito para sa atin. Ano ito? Idinalangin niya na sana’y makatayo silang “may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.” Sila ay napaliligiran ng erehiya at nakasisirang mga pilosopiya, na ang ilan sa mga ito ay may mapanlinlang na anyo ng tunay na pagsamba. Halimbawa, ginipit sila upang ipagdiwang ang pantanging mga araw nang may pag-aayuno o pagsasaya, na gaya ng dating kinailangan sa pagsambang Judio. Nagtuon ng pansin ang mga bulaang guro sa mga anghel, yaong makapangyarihang mga espiritu na ginamit upang ihatid ang Kautusan kay Moises. Gunigunihin ang mapasailalim sa gayong mga panggigipit! Napakaraming nakalilito at nagkakasalungatang mga ideya.—Galacia 3:19; Colosas 2:8, 16-18.
13. Makatutulong sa mga taga-Colosas ang pagkilala sa anong salik, at paano tayo matutulungan nito?
13 Nangatuwiran naman si Pablo sa pamamagitan ng pagdiriin sa papel ni Jesu-Kristo. “Kung paanong tinanggap ninyo si Kristo Jesus na Panginoon, patuloy na lumakad na kaisa niya, na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya, kung paanong kayo ay tinuruan.” Oo, may pangangailangan (para sa mga taga-Colosas at para sa atin) ukol sa lubos na pananalig tungkol sa papel ni Kristo sa layunin ng Diyos at sa ating buhay. Ipinaliwanag ni Pablo: “Sa kaniya tumatahan sa katawan ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian. Kung kaya kayo ay nagtataglay ng kalubusan sa pamamagitan niya, na siyang ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad.”—Colosas 2:6-10.
14. Bakit ang pag-asa ay totoong-totoo para sa mga taga-Colosas?
14 Ang mga taga-Colosas ay mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Mayroon silang natatanging pag-asa, buhay sa langit, at mayroon silang lahat ng dahilan upang panatilihing malinaw ang pag-asang iyan. (Colosas 1:5) “Kalooban ng Diyos” na magkaroon sila ng matibay na pananalig tungkol sa katiyakan ng kanilang pag-asa. Dapat bang pag-alinlanganan ng sinuman sa kanila ang gayong pag-asa? Hinding-hindi! Dapat ba itong maging iba sa ngayon para sa lahat ng may bigay-Diyos na pag-asa na buhay sa isang makalupang paraiso? Tiyak na hindi! Ang tunay na pag-asang iyan ay maliwanag na bahagi ng “kalooban ng Diyos.” Ngayon ay isaalang-alang ang mga tanong na ito: Kung ikaw ay nagsisikap na maging isa sa “malaking pulutong” na makaliligtas “sa malaking kapighatian,” gaano katotoo ang iyong pag-asa? (Apocalipsis 7:9, 14) Ito ba’y bahagi ng iyong “matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos”?
15. Anong serye ang binalangkas ni Pablo na doo’y inilakip ang pag-asa?
15 Hindi natin ibig sabihin na ang “pag-asa” ay isang malabong hangarin o pangarap. Makikita natin ito mula sa serye ng mga punto na naunang iniharap ni Pablo sa mga taga-Roma. Sa seryeng iyon, ang bawat bagay na binanggit ay nauugnay o may kinalaman sa kasunod. Magbigay ng pansin sa kung saan inilagay ni Pablo ang “pag-asa” sa kaniyang pangangatuwiran: “Magbunyi tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata; ang pagbabata naman, ng sinang-ayunang kalagayan; ang sinang-ayunang kalagayan naman, ng pag-asa, at ang pag-asa ay hindi umaakay sa kabiguan; sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu.”—Roma 5:3-5.
16. Habang natututuhan mo ang katotohanan sa Bibliya, anong pag-asa ang iyong natamo?
16 Nang unang ibahagi sa iyo ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya, maaaring napukaw ang iyong pansin dahil sa isang katotohanan, gaya ng kalagayan ng mga patay o ang pagkabuhay-muli. Para sa marami, ang pangunahing bagong naunawaan ay ang salig-Bibliyang posibilidad na mabuhay sa isang makalupang paraiso. Gunitain nang una mong marinig ang turong iyan. Kay gandang pag-asa—ang sakit at pagtanda ay mawawala na, maaari kang patuloy na mabuhay upang masiyahan sa mga bunga ng iyong pagpapagal, at magkakaroon ng pakikipagpayapaan sa mga hayop! (Eclesiastes 9:5, 10; Isaias 65:17-25; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Nagkaroon ka ng isang kamangha-manghang pag-asa!
17, 18. (a) Paano humantong sa pag-asa ang serye na iniharap ni Pablo sa mga taga-Roma? (b) Anong uri ng pag-asa ang tinutukoy sa Roma 5:4, 5, at may gayon ka bang pag-asa?
17 Nang maglaon, malamang na napaharap ka sa pagsalansang o pag-uusig. (Mateo 10:34-39; 24:9) Kahit na nitong kamakailan lamang, ang mga tahanan ng mga Saksi sa iba’t ibang lupain ay dinambong o sila ay napilitang lumikas. Ang ilan ay sinaktan sa pisikal, sinamsam ang kanilang literatura sa Bibliya, o naging tampulan ng bulaang ulat sa media. Anumang uring pag-uusig ang mapaharap sa iyo, gaya ng sinasabi ng Roma 5:3, maaari kang magbunyi sa kapighatian, at nagdulot ito ng mainam na resulta. Gaya ng isinulat ni Pablo, ang kapighatian ay nagluwal sa iyo ng pagbabata. Pagkatapos, ang pagbabata naman ay umakay sa isang sinang-ayunang kalagayan. Alam mo na ginagawa mo kung ano ang tama, na ginagawa ang kalooban ng Diyos, kaya nakatitiyak kang taglay mo ang kaniyang pagsang-ayon. Sa mga salita ni Pablo, nadama mo na ikaw ay nasa “isang sinang-ayunang kalagayan.” Sa pagpapatuloy, isinulat ni Pablo na “ang sinang-ayunang kalagayan naman, [ay nagluluwal] ng pag-asa.” Waring kakatwa ito. Bakit itinala ni Pablo ang “pag-asa” sa bandang dulong bahagi ng serye? Hindi ba’t matagal ka nang may pag-asa, nang una mong marinig ang mabuting balita?
18 Maliwanag, hindi tinutukoy rito ni Pablo ang ating unang pagkadama ng pag-asa ukol sa sakdal na buhay. Ang tinutukoy niya ay higit pa roon; mas malalim, mas nakapagpapakilos. Kapag nakapagbabata tayo nang buong-katapatan at sa gayon ay natatanto na taglay natin ang pagsang-ayon ng Diyos, ito ay may malaking epekto na nagdaragdag at nagpapatibay sa ating unang pag-asa. Ang pag-asa na taglay natin ngayon ay nagiging mas totoo, mas matibay, mas personal. Ang mas malalim na pag-asang ito ay sumisikat nang lalong maningning. Nanunuot ito sa ating sarili, sa atin mismong pagkatao. “At ang pag-asa ay hindi umaakay sa kabiguan; sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu.”
19. Paanong ang iyong pag-asa ay dapat na maging bahagi ng iyong regular na mga panalangin?
19 Taimtim na idinalangin ni Epafras na ang kaniyang mga kapatid sa Colosas ay manatiling naaantig at kumbinsido sa kanilang inaasahan sa hinaharap, anupat may “matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.” Bawat isa sa atin ay lagi nawang tumawag din sa Diyos sa gayong paraan tungkol sa ating pag-asa. Sa iyong sarilinang pananalangin, ilakip ang iyong pag-asa may kinalaman sa bagong sanlibutan. Ipahayag kay Jehova ang sidhi ng iyong pag-asam dito, nang may lubos na pananalig na darating ito. Magsumamo sa kaniya ukol sa tulong upang palalimin at palawakin ang iyong pananalig. Kung paano nanalangin si Epafras na ang mga taga-Colosas sana ay magkaroon ng “matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos,” gayundin ang gawin mo. Gawin mo ito nang madalas.
20. Kung ang mangilan-ngilan ay lumihis mula sa landasing Kristiyano, bakit hindi ito kailangang maging sanhi ng pagkasira ng loob?
20 Hindi ka dapat magambala o masiraan ng loob dahil sa katotohanan na hindi lahat ay nakatatayong ganap at may matibay na pananalig. Maaaring ang ilan ay mabigo, malihis, o basta sumuko na lamang. Ganoon ang nangyari sa mga pinakamalapit kay Jesus, ang kaniyang mga apostol. Subalit nang magtaksil si Judas, nagmabagal ba o sumuko ang iba pang mga apostol? Hinding-hindi nga! Ginamit ni Pedro ang Awit 109:8 upang ipakita na may ibang papalit sa posisyon ni Judas. Pumili ng isang kahalili, at aktibong nagpatuloy ang mga matapat ng Diyos sa kanilang atas na pangangaral. (Gawa 1:15-26) Determinado silang tumayong ganap na may matibay na pananalig.
21, 22. Sa anong diwa mapapansin ang iyong pagtayong ganap na may matibay na pananalig?
21 Lubos kang makatitiyak na ang iyong pagtayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos ay walang-pagsalang mapapansin. Ito ay mamamasdan at pahahalagahan. Nino?
22 Buweno, mapapansin ito ng iyong mga kapatid na nakakakilala at nagmamahal sa iyo. Kahit na ito ay hindi ipahayag ng karamihan sa salita, ang epekto nito ay makakatulad ng mababasa natin sa 1 Tesalonica 1:2-6: “Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin sa aming mga panalangin ang may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat walang-lubay naming isinasaisip ang inyong tapat na gawa at ang inyong maibiging pagpapagal at ang inyong pagbabata dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Kristo sa harap ng ating Diyos at Ama. Sapagkat . . . ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi dumating sa gitna ninyo sa pamamagitan lamang ng pananalita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig . . . ; at kayo ay naging mga tagatulad sa amin at sa Panginoon.” Gayundin ang madarama ng matatapat na Kristiyanong kasama mo habang namamasdan nila na ikaw ay ‘tumatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’—Colosas 1:23.
23. Sa darating na taóng ito, ano ang dapat na maging determinasyon mo?
23 Tiyak din naman, magmamasid din ang iyong makalangit na Ama at malulugod. Makatitiyak ka riyan. Bakit? Sapagkat ikaw ay nakatayong ganap at may matibay na pananalig “sa buong kalooban ng Diyos.” Nakapagpapasigla ang isinulat ni Pablo sa mga taga-Colosas hinggil sa kanilang paglakad “nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:10) Oo, posible para sa di-sakdal na mga tao na mapalugdan siya nang lubos. Ganoon ang ginawa ng iyong mga kapatid sa Colosas. Ganoon din ang ginagawa sa ngayon ng iyong mga kasamang Kristiyano. Magagawa mo rin ito! Kaya sa buong taóng ito na darating, patunayan nawa ng iyong mga panalangin sa araw-araw at ng iyong palagiang paggawi na ikaw ay determinado na ‘sa wakas ay makatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang kasangkot sa iyong ‘pagtayong ganap’?
• Anu-anong bagay tungkol sa iyong sarili ang dapat mong ilakip sa panalangin?
• Gaya ng iminungkahi sa Roma 5:4, 5, anong uri ng pag-asa ang gusto mong taglayin?
• Pinasigla ka ng ating pag-aaral na magkaroon ng anong tunguhin sa darating na taóng ito?
[Larawan sa pahina 20]
Idinalangin ni Epafras na sana’y makatayong ganap ang kaniyang mga kapatid, na may matibay na pananalig tungkol kay Kristo at sa kanilang pag-asa
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang iyong tiyak na pag-asa at matibay na pananalig ay taglay rin ng milyun-milyong iba pa