PAGKAPANGANAY
Ang karapatang likas na nauukol sa panganay na anak na lalaki ng isang ama. Ang mga terminong Hebreo at Griego para sa “pagkapanganay” (bekho·rahʹ; pro·to·toʹki·a) ay kapuwa nagmula sa mga salitang-ugat na may pangunahing ideya ng “panganay.”
Sa kaayusan ng mga patriyarka, pagkamatay ng ama, ang pinakamatandang anak na lalaki ang nagiging ulo ng pamilya, anupat may awtoridad sa iba pang mga miyembro hangga’t ang mga ito ay nasa loob ng sambahayan. Pananagutan niyang pangalagaan ang mga miyembro ng sambahayan ng kaniyang ama. Siya rin ang humahalili sa posisyon ng ama bilang kinatawan ng pamilya sa harap ni Jehova. Karaniwan nang ang panganay ang tumatanggap ng pantanging pagpapala ng ama. (Gen 27:4, 36; 48:9, 17, 18) Karagdagan pa, may karapatan siya sa dalawang bahagi ng ari-arian ng kaniyang ama; samakatuwid nga, tatanggap siya ng makalawang ulit ng dami ng tatanggapin ng bawat isa sa kaniyang mga kapatid. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi maaaring kunin ng isang lalaki na may higit sa isang asawa ang pagkapanganay mula sa pinakamatandang anak at ibigay ito sa anak ng asawa na pinakaiibig niya.—Deu 21:15-17.
Noong panahon ng mga patriyarka, maaaring ilipat ng ama ang pagkapanganay sa ibang anak dahil sa isang partikular na dahilan, gaya sa kaso ni Ruben, na nawalan ng karapatan sa pagkapanganay dahil sa pakikiapid sa babae ng kaniyang ama. (1Cr 5:1, 2) Maaaring ipagbili ng panganay ang kaniyang pagkapanganay sa isa sa kaniyang mga kapatid, gaya ng ginawa ni Esau, na humamak sa kaniyang pagkapanganay at ipinagbili ito sa kaniyang kapatid na si Jacob kapalit ng isang pagkain. (Gen 25:30-34; 27:36; Heb 12:16) Walang rekord na iginiit ni Jacob ang pagkapanganay na kaniyang binili upang makuha niya ang dobleng bahagi sa ari-arian ni Isaac (personal na ari-arian, sapagkat wala namang lupaing pag-aari si Isaac, maliban sa parang ng Macpela, na kinaroroonan ng isang yungib na pinaglilibingan). Espirituwal na mga bagay ang nais ipamana ni Jacob sa kaniyang pamilya, samakatuwid nga, ang pangakong ibinigay kay Abraham may kinalaman sa binhi.—Gen 28:3, 4, 12-15.
Kung tungkol sa mga hari ng Israel, waring kalakip sa pagkapanganay ang karapatang humalili sa trono. (2Cr 21:1-3) Gayunman, bilang tunay na Hari ng Israel at kanilang Diyos, isinasaisantabi ni Jehova ang gayong karapatan kapag angkop sa kaniyang mga layunin, gaya sa kaso ni Solomon.—1Cr 28:5.
Yamang si Jesu-Kristo ang “panganay sa lahat ng nilalang” at lagi siyang tapat sa Diyos na Jehova na kaniyang Ama, taglay niya ang pagkapanganay na dahil doon ay inatasan siyang maging “tagapagmana ng lahat ng bagay.”—Col 1:15; Heb 1:2; tingnan ang MANA.