Kabanata 23
Ang Nakikitang Organisasyon ng Diyos
1. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa di-nakikitang organisasyon ng Diyos?
BAKIT TAYO makatitiyak na ang Diyos ay may nakikitang organisasyon? Ang isang dahilan ay sapagka’t mayroon siyang di-nakikitang organisasyon. Lumalang si Jehova ng mga kerubin, serapin at iba pang mga anghel upang ganapin ang kaniyang kalooban sa langit. (Genesis 3:24; Isaias 6:2, 3; Awit 103:20) Si Jesu-Kristo ay ang Arkanghel na nangingibabaw sa lahat ng ito. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9; Apocalipsis 12:7) Sa Bibliya inilalarawan ang mga anghel na na-oorganisa sa “mga luklukan o mga pagsakop o mga pamahalaan o mga pamunuan.” (Colosas 1:16; Efeso 1:21) Silang lahat ay pawang naglilingkod sa utos ni Jehova nang may pagkakaisa.—Daniel 7:9, 10; Job 1:6; 2:1.
2. Papaanong ang pagkalalang ng Diyos sa ating materyal na sansinukob ay nagpapakitang siya ay may malaking pagpapahalaga sa organisasyon?
2 Nauunawaan din natin kung gaanong kahalaga sa Diyos ang organisasyon kapag isinasaalang-alang natin ang kaniyang materyal na lalang. Halimbawa, may libu-libong bilyong bituin sa uniberso na nakaayos sa dambuhalang mga pulutong na kung tawagi’y mga galaksi. Ang mga galaksi na ito ay naglalakbay sa kalawakan sa maayos na paraan, at ganoon din naman ang indibiduwal na mga bituin at planeta sa loob ng mga galaksi. Ang planetang Lupa, bilang halimbawa, ay naglalakbay taun-taon sa palibot ng araw, na siyang pinakamalapit na bituin, sa eksaktong 365 araw, 5 oras, 48 minuto at 45.51 segundo. Oo, mahusay ang pagka-organisa ng materyal na sansinukob!
3. Ano ang itinuturo sa atin ng mahusay na pagkakaorganisa ng di-nakikitang mga lalang ng Diyos at maging ng kaniyang materyal na uniberso?
3 May itinuturo ba sa atin ang kamanghamanghang pagkakaorganisang ito ng di-nakikitang mga lalang ng Diyos at maging ng kaniyang materyal na uniberso? Oo, itinuturo sa atin nito na si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan. Tiyak nga na hindi pababayaan ng gayong Diyos na walang patnubay at organisasyon ang mga tao sa lupa na umiibig sa kaniya.
ANG NAKIKITANG ORGANISASYON NG DIYOS—NOON AT NGAYON
4, 5. Papaano natin nalalaman na pinatnubayan ng Diyos ang kaniyang bayan sa organisadong paraan noong panahon ni Abraham at ng bansang Israel?
4 Ipinakikita ng Bibliya na laging pinatnubayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa organisadong paraan. Halimbawa, pinangunahan ng mga taong may pananampalataya tulad ni Abraham ang kanilang mga pamilya at mga alipin sa pagsamba kay Jehova. Ipinaalam ni Jehova ang kaniyang kalooban sa pakikipag-usap kay Abraham. (Genesis 12:1) At inutusan siya ng Diyos na paratingin ito sa iba, sa pagsasabing: “Nakipagkilala ako [kay Abraham] upang utusan niya ang kaniyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya na maingatan nila ang daan ni Jehova.” (Genesis 18:19) Narito ang isang maayos na paraan upang ang isang grupo ng mga tao ay wastong makasamba kay Jehova.
5 Nang dumami na ang mga Israelita at naging milyun-milyon ang bilang, hindi pinabayaan ni Jehova ang bawa’t isa na sumamba sa kaniyang sariling paraan, na hiwalay sa organisadong kaayusan. Hindi, kundi ang mga Israelita ay ginawang bansa ng organisadong mananamba. Ang bansang Israel ay tinawag na “kongregasyon ni Jehova.” (Bilang 20:4; 1 Cronica 28:8) Kung kayo ay tunay na mananamba kay Jehova nang panahong yaon, kailangang kabilang kayo sa kongregasyong yaon ng mga mananamba, hindi nakabukod doon.—Awit 147:19, 20.
6. (a) Papaano ipinakita ng Diyos na sinang-ayunan niya ang mga tagasunod ni Kristo? (b) Ano ang katibayan na ang mga Kristiyano ay organisado sa pagsamba?
6 Ano ang kalagayan noong unang siglo? Ipinakikita ng Bibliya na ang pagsang-ayon ni Jehova ay nasa mga tagasunod ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ibinuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa kanila. Upang ipakita na ginagamit na niya ngayon ang kongregasyong Kristiyano sa halip na ang bansang Israel, pinagkalooban niya ng kapangyarihan ang ilang Kristiyano noon upang magpagaling ng maysakit, bumuhay ng patay at gumawa ng iba pang himala. Kung babasahin ninyo ang Kristiyanong Griyegong Kasulatan kapansin-pansin ang pagkakaorganisa ng mga Kristiyano ukol sa pagsamba. Sa katunayan, inutusan sila na magtipong sama-sama sa layuning ito. (Hebreo 10:24, 25) Kaya kung isa kayong mananamba kay Jehova noong unang siglo, dapat na kabilang kayo sa kaniyang Kristiyanong organisasyon.
7. Papaano natin nalalaman na si Jehova ay hindi gumamit ng higit sa isang organisasyon sa alinmang panahon?
7 Gumamit ba si Jehova ng higit sa isang organisasyon sa alinmang panahon? Noong panahon ni Noe tanging si Noe at yaong kasama niya sa daong ang nagkamit ng proteksiyon ng Diyos at nakaligtas sa baha. (1 Pedro 3:20) At noong unang siglo, hindi dalawa o higit pa ang mga Kristiyanong organisasyon. Nakitungo ang Diyos sa iisa lamang. Mayroon lamang “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” (Efeso 4:5) Gayundin naman sa panahon natin inihula ni Jesu-Kristo na magkakaroon ng isa lamang bukal ng espirituwal na turo para sa bayan ng Diyos.
8. Papaano ipinakita ni Jesus na sa ating kaarawan magkakaroon ng iisa lamang nakikitang organisasyon ang Diyos sa lupa?
8 Nang binabanggit ang kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Sino nga baga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon sa kaniyang sambahayan, upang sila’y bigyan ng pagkain sa wastong panahon? Maligaya ang aliping yaon kung datnan siya ng kaniyang panginoon na ginagawa nga ang gayon. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya’y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Sa kaniyang pagbabalik taglay ang pang-Kahariang kapangyarihan noong 1914, nakasumpong ba si Kristo ng isang uring “tapat at matalinong alipin” na naglalaan ng espirituwal na “pagkain,” o impormasyon? Oo, nasumpungan niya ang gayong “alipin” na binubuo ng mga nalabi sa lupa ng kaniyang 144,000 “mga kapatid.” (Apocalipsis 12:10; 14:1, 3) At mula noong 1914 milyun-milyong tao ang tumanggap ng “pagkain” na kanilang inilaan, at kaalinsabay nila ay nangagpasimulang magsagawa ng tunay na pagsamba. Ang organisasyong ito ng mga lingkod ng Diyos ay kilala bilang mga Saksi ni Jehova.
9. (a) Bakit tinataglay ng mga lingkod ng Diyos ang pangalang Mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit nila tinatawag na Kingdom Hall ang kanilang dako ng pagsamba?
9 Ang mga Saksi ni Jehova ay tumitingin kay Jehova at sa kaniyang Salita ukol sa patnubay sa lahat ng kanilang ginagawa. Ang mismong pangalang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita na ang kanilang pangunahing gawain ay ang sumaksi sa pangalan at kaharian ng Diyos na Jehova, gaya ng ginawa ni Kristo. (Juan 17:6; Apocalipsis 1:5) At saka, tinatawag nila ang kanilang dakong pulungan na Kingdom Hall sapagka’t ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas, o Kristo, ay siyang tema ng buong Bibliya. Yamang maliwanag na ang unang-siglong Kristiyanismo ay sinang-ayunan ng Diyos, ipinaparis ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang organisasyon dito. Saglit nating suriin ang sinaunang organisasyong Kristiyano na yaon at pansinin ang mga pagkakatulad sa nakikitang organisasyon ng Diyos sa ngayon.
ANG UNANG SIGLONG PARISAN
10. Ano ang ilang katangian ng unang-siglong organisasyong Kristiyano?
10 Saanman may mga Kristiyano noong unang siglo, sila ay nagtipong sama-sama upang sumamba. Ang mga kongregasyong ito ay palagiang nagtipon ukol sa pakikipagsamahan at pag-aaral. (Hebreo 10:24, 25) Ang pangunahin nilang gawain ay ang pangangaral at pagtuturo hinggil sa kaharian ng Diyos, gaya ng ginawa ni Kristo. (Mateo 4:17; 28:19, 20) Kapag may membro ng kongregasyon na namuhay sa masamang paraan, ito ay inihihiwalay sa kongregasyon.—1 Corinto 5:9-13; 2 Juan 10, 11.
11, 12. (a) Ano ang nagpapatotoo na ang sinaunang mga kongregasyong Kristiyano ay tumanggap ng patnubay at pag-akay mula sa mga apostol at “matatandang lalaki” sa Jerusalem? (b) Ano ang kahulugan ng “teokratikong” pag-akay? (c) Ano ang ibinunga ng pagtanggap ng mga kongregasyon sa ganitong pag-akay?
11 Ang mga kongregasyong Kristiyano bang yaon noong unang siglo ay may pagkakaniya-kaniya, na bawa’t isa’y gumagawa ng sarili nitong mga pasiya? Hindi, ipinakikita ng Bibliya na ang mga yaon ay nagkakaisa sa iisang pananampalatayang Kristiyano. Lahat ng kongregasyon ay tumanggap ng patnubay at pag-akay buhat sa iisang pinagmulan. Kaya, nang bumangon ang pagtatalo hinggil sa pagtutuli, ang mga kongregasyon o indibiduwal ay hindi nagpasiya sa ganang sarili kung ano ang dapat gawin. Hindi, sa halip, si apostol Pablo, si Bernabe at iba pa ay inutusan na “pumaroon sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem hinggil sa pagtatalong ito.” Nang makagawa ng pasiya ang maygulang na mga lalaking ito, sa tulong ng Salita ng Diyos at ng kaniyang “banal na espiritu,” nagsugo sila ng tapat na mga lalaki upang pahiwatigan ang mga kongregasyon.—Gawa 15:2, 27-29.
12 Ano ang ibinunga ng pagtanggap ng mga kongregasyon sa ganitong teokratiko, o bigay-Diyos na patnubay at pag-akay? Sabi ng Bibliya: “Nilakbay nila [ni apostol Pablo at ng mga kasamahan niya] ang mga lunsod at inihatid ang mga utos na pinagpasiyahan ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem upang tuparin. Kaya nga, ang mga kongregasyon ay patuloy na napalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.” (Gawa 16:4, 5) Oo, lahat ng kongregasyon ay nakiisa sa ginawang pasiya ng lupon ng matatanda sa Jerusalem, kaya sila’y lumakas sa pananampalataya.
TEOKRATIKONG PAG-AKAY NGAYON
13. (a) Mula sa anong dako sa lupa at sa pamamagitan ng anong lupon ng kalalakihan tumatanggap ngayon ng patnubay ang nakikitang organisasyon ng Diyos? (b) Ano ang kaugnayan ng lupong tagapamahala sa “tapat at matalinong alipin”?
13 Ang nakikitang organisasyon ng Diyos ngayon ay tumatanggap din ng teokratikong patnubay at pag-akay. Sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, Nueba York, may isang lupong tagapamahala na binubuo ng matatandang Kristiyanong lalaki mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig na naglalaan ng kinakailangang pangangasiwa sa pandaigdig na gawain ng bayan ng Diyos. Ang lupong tagapamahalang ito ay binubuo ng mga membro ng “tapat at matalinong alipin.” Ito ay naglilingkod bilang tagapagsalita ng tapat na “alipin” na yaon.
14. Sa ano umaasa ang lupong tagapamahala ng bayan ng Diyos kapag gumagawa ng mga pasiya?
14 Ang mga lalaki sa lupong tagapamahalang ito, gaya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, ay may marami nang taon ng karanasan sa paglilingkod sa Diyos. Subali’t hindi sila umaasa sa karunungan ng tao kapag gumagawa ng mga pasiya. Hindi, palibhasa’y pinamamahalaan sa paraang teokratiko, sinusunod nila ang halimbawa ng sinaunang lupong tagapamahala sa Jerusalem, na ang mga pasiya ay salig sa Salita ng Diyos at ginawa sa ilalim ng pag-akay ng banal na espiritu.—Gawa 15:13-17, 28, 29.
PAG-AKAY SA ISANG PANDAIGDIG NA ORGANISASYON
15. Bakit ipinakikita ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:14 na ang Diyos ay magkakaroon ng isang malaking organisasyon sa lupa sa panahon ng kawakasan?
15 Ipinahiwatig ni Jesu-Kristo kung gaano kalaki ang organisasyon ng Diyos sa lupa sa panahong ito ng kawakasan, nang sabihin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Gunigunihin ang napakalaking pagsisikap na kailangan upang masabihan ang bilyun-bilyong tao sa lupa hinggil sa nakatatag na Kaharian ng Diyos. Ang makabagong-panahong Kristiyanong organisasyon ba, na umaasa sa lupong tagapamahala ukol sa patnubay at pag-akay, ay nasasangkapan sa paggawa ng malaking gawaing ito?
16. (a) Bakit nagtayo ang mga Saksi ni Jehova ng maraming malalaking palimbagan? (b) Ano ang nililimbag sa mga palimbagang ito?
16 Ipinangangaral ngayon ng mga Saksi ni Jehova ang balita ng Kaharian sa mahigit na 200 lupain at kapuluan sa buong lupa. Upang tulungan ang mahigit na 3,500,000 mamamahayag ng Kaharian (noong 1988) na gawin ito, itinayo ang malalaking palimbagan sa maraming bansa. Dito ang mga Bibliya at babasahin sa Bibliya ay nililimbag sa maramihang bilang. Bawa’t araw ng paggawa, mahigit na dalawang milyong magasin na Bantayan at Gumising! ang nililimbag at ipinadadala mula sa mga palimbagang ito.
17. (a) Bakit inihahanda ang mga babasahing ito sa Bibliya? (b) Inaanyayahan kayo na gawin ang ano?
17 Inihahanda ang lahat ng babasahing ito sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na sumulong sa kaalaman hinggil sa dakilang mga layunin ni Jehova. Sa katunayan, ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova” ay bahagi ng pamagat ng magasing Ang Bantayan. Kayo ay inaanyayahan na sumali sa pamamahagi ng babasahing ito sa Bibliya at pagpapaliwanag sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya na nilalaman nito. Halimbawa, may alam ba kayo na maaari ninyong bahaginan ng mahalagang impormasyon na natutuhan ninyo sa aklat na ito, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa?
18. (a) Anong uri ng organisasyon ang organisasyon ng Diyos sa ngayon? (b) Bakit nangangailangan ng maraming pampatibay-loob ang bayan ng Diyos ngayon?
18 Gaya noong unang siglo, ang organisasyon ng Diyos ngayon ay isang organisasyon ng naaalay at bautisadong mangangaral ng Kaharian. At ito ay itinatag upang tulungan ang lahat ng membro nito na makibahagi sa gawaing pangangaral. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng maraming pampatibay-loob at pagpapalakas sa espirituwal, palibhasa’y sinisikap ni Satanas at ng mga naiimpluwensiyahan niya na hadlangan ang pabalita ng Kaharian. Ang mga sumasalansang na ito ang siyang nagpapatay kay Jesus dahil sa kaniyang pangangaral, at nagbababala ang Bibliya na ang kaniyang mga tagasunod ay pag-uusigin din.—Juan 15:19, 20; 2 Timoteo 3:12.
19. (a) Sino ang inilalaan upang tulungan at palakasin ang bayan ng Diyos ngayon? (b) Papaano ipinagsasanggalang ang kongregasyon ng Diyos mula sa masasamang impluwensiya na maaaring magpahamak dito?
19 Gaya noong unang siglo, ang “matatandang mga lalaki,” o mga “elder” sa ngayon ay hinihirang upang tulungan at palakasin ang bawa’t kongregasyon. Matutulungan rin nila kayo sa pamamagitan ng payo ng Bibliya na harapin ang iba’t-ibang suliranin. Ipinagsasanggalang din ng matatandang ito ang “kawan ng Diyos.” Kaya, kapag ang isang membro ng kongregasyon ay namuhay sa masamang paraan at tumatangging magbago, tinitiyak ng “matatandang lalaki” na ang isang ito ay inihihiwalay, o itinitiwalag, mula sa kongregasyon. Kaya naiingatan ang isang malusog, malinis sa espirituwal na kongregasyon.—Tito 1:5; 1 Pedro 5:1-3; Isaias 32:1, 2; 1 Corinto 5:13.
20. (a) Sino noong unang siglo ang isinugo ng lupong tagapamahala sa Jerusalem, at sa anong dahilan? (b) Sino ang isinusugo ng lupong tagapamahala ngayon?
20 Gayundin naman, kung papaanong isinugo ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ang pantanging mga kinatawan, gaya nina Pablo at Silas, upang maghatid ng mga tagubilin at magpatibay-loob sa bayan ng Diyos, ang lupong tagapamahala sa ngayon ay gumagawa din ng ganito sa panahong ito ng kawakasan. (Gawa 15:24-27, 30-32) Makalawa bawa’t taon isang may karanasang ministro, na tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito, ay inaatasan na gumugol ng isang linggo kasama ng bawa’t kongregasyon sa kaniyang sirkito.
21. Papaano tumutulong ang tagapangasiwa ng sirkito sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos?
21 May mahigit na 60,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, at ang mga ito ay nahahati sa mga sirkito na binubuo ng humigit-kumulang tig-20 kongregasyon. Kapag dumadalaw sa mga kongregasyon sa kaniyang sirkito, pinatitibay ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga saksi ng Kaharian sa pamamagitan ng pagsama sa kanila sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Bukod pa sa pagpapasigla sa kanila sa paraang ito, nagbibigay siya ng mga mungkahi na tutulong sa kanila upang mapasulong ang kanilang ministeryo.—Gawa 20:20, 21.
22. (a) Anong karagdagang kaayusan sa pagpapatibay sa bayan ng Diyos ang ginagawa makalawa isang taon? (b) Anong paanyaya ang ipinaaabot sa inyo?
22 Ang karagdagang pampatibay-loob at pampalakas ay inilalaan kapag ang mga kongregasyon sa bawa’t sirkito ay nagtitipon para sa isa- o dalawang-araw na asamblea, karaniwan nang makalawa isang taon. Sa mga okasyong ito ang bilang ng dumadalo ay nasa pagitan ng dalawa o tatlong daan hanggang 2,000 o higit pa. Inaanyayahan kayo na dumalo sa susunod na asamblea sa inyong pook. Natitiyak namin na matutuklasan ninyong ang asamblea ay nakapagpapaginhawa sa espirituwal at nakatutulong sa personal.
23. (a) Ano pang ibang mga pagtitipon ang isinasagawa minsan isang taon? (b) Gaano kalaki ang isa sa mga kumbensiyong ito?
23 At saka, minsan isang taon, isang mas malaking pagtitipon na kung tawagi’y pandistritong kumbensiyon ay idinadaos sa loob ng ilang araw. Bakit hindi ninyo sikaping makadalo at tingnan para sa inyong sarili kung gaanong kasiyasiya at nakatutulong sa espirituwal ang gayong kumbensiyon? May mga taon na, sa halip na mga pandistritong kumbensiyon, mas malalaking pambansa o pandaigdig na mga kumbensiyon ang idinadaos. Ang pinakamalaking idinaos sa iisang lugar lamang ay yaong sa Yankee Stadium at Polo Grounds sa Nueba York sa loob ng walong araw noong 1958. Sa pagkakataong yaon 253,922 tao ang dumalo sa pahayag pangmadla na “Nagpupuno na ang Kaharian ng Diyos—Malapit na ba ang Katapusan ng Sanlibutan?” Mula noon wala nang iisang lugar ang may sapat na laki upang magkasiya ang gayong kalalaking pulutong, kaya nagsaayos ng lugar sa maraming malalaking lunsod upang gamitin sa malalaking kumbensiyon.
MGA PULONG SA LOOB NG KONGREGASYON
24. Anong limang lingguhang pulong ang idinadaos ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos?
24 Isinasaayos din ng lupong tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang nagkakaisang palatuntunan ng pagtuturo sa Bibliya na idinadaos sa lahat ng kongregasyon ng bayan ni Jehova. Bawa’t kongregasyon ay may limang pulong tuwing linggo. Ito ay ang Paaralan ukol sa Teokratikong Pagmiministro, ang Pulong sa Paglilingkod, ang Pahayag Pangmadla, ang pag-aaral sa Bantayan at pag-aaral ng kongregasyon sa aklat. Sakali’y hindi pa ninyo nadadaluhan ang mga pulong na ito, ipaliliwanag namin ito sa maikli.
25, 26. Anong layunin ang pinaglilingkuran ng Paaralan ukol sa Teokratikong Pagmiministro at ng Pulong sa Paglilingkod?
25 Ang Paaralan ukol sa Teokratikong Pagmiministro ay isinaayos upang tulungan ang mga estudyante na maging mas mabisa sa pagsasalita sa iba tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa panapanahon, yaong mga nakatala ay nagbibigay sa buong grupo ng maiigsing pahayag tungkol sa Bibliya. Pagkatapos isang may karanasang “elder” ang nagbibigay ng mungkahi ukol sa pagpapasulong.
26 Karaniwan na sa gabi ring yaon ay idinadaos ang isang Pulong sa Paglilingkod. Ang balangkas sa pulong na ito ay inilalathala sa Ating Ministeryo sa Kaharian, isang buwanang publikasyon na binubuo ng dalawa o higit pang pahina na inilalathala ng lupong tagapamahala. Sa pulong na ito ay inihaharap ang praktikal na mga mungkahi at pagtatanghal sa mabisang paraan ng pakikipag-usap sa iba tungkol sa balita ng Kaharian. Sa ganito ring paraan, pinasigla ni Kristo ang kaniyang mga alagad at binigyan sila ng mga tagubilin sa pagganap ng kanilang ministeryo.—Juan 21:15-17; Mateo 10:5-14.
27, 28. Anong uri ng pulong ang Pahayag Pangmadla, pag-aaral sa Bantayan, at ang pag-aaral ng kongregasyon sa aklat?
27 Ang Pahayag Pangmadla at ang pag-aaral sa Bantayan ay karaniwan nang ginaganap kung Linggo. Ang pantanging pagsisikap ay ginagawa upang anyayahan ang bagong nagiging interesado sa Pahayag Pangmadla, isang pahayag sa Bibliya na binibigkas ng isang may-kakayahang ministro. Ang pag-aaral sa Bantayan ay isang tanong-at-sagot na pagtalakay sa isang artikulo sa Bibliya na inilathala sa isang bagong labas ng magasing Bantayan.
28 Bagaman ang buong kongregasyon ay nagtitipon sa Kingdom Hall para sa mga pulong na binabalangkas sa itaas, ang maliliit na grupo ay nagtatagpo sa pribadong mga tahanan para sa lingguhang pag-aaral ng kongregasyon sa aklat. Isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng librong ito na inyong binabasa, ay ginagamit na saligan sa pag-uusap sa Bibliya, sa loob ng isang oras.
29. (a) Anong alaala ang ipinangingilin ng mga Kristiyano taun-taon? (b) Sino ang may karapatang makibahagi sa tinapay at alak?
29 Karagdagan sa mga palagiang pagpupulong na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdadaos ng isang pantanging pulong bawa’t taon sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesus. Nang unang-unang isinasaayos ang pag-alaala sa kaniyang kamatayan, sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19, 20) Sa isang simpleng seremonya gumamit si Jesus ng alak at tinapay na walang pampaalsa bilang sagisag ng buhay na kaniyang ihahain ukol sa sangkatauhan. Kaya sa taunang Memoryal na ito ang mga nalalabi ng 144,000 pinahirang tagasunod ni Kristo na narito pa sa lupa ay nagpapamalas ng kanilang makalangit na pag-asa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa tinapay at alak.
30. (a) Sino pa ang may kawastuang dumadalo sa Memoryal, at ano ang kanilang pag-asa? (b) Papaano inilalarawan ni Jesus ang mga taong ito?
30 Ang milyun-milyong iba pa na dumadalo sa Memoryal na ito sa mga Kingdom Hall sa palibot ng daigdig ay nagagalak na maging mga tagamasid. Napapaalalahanan din sila hinggil sa ginawa ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus upang sila ay mailigtas sa kasalanan at kamatayan. Subali’t sa halip na umasa sa makalangit na buhay, nagagalak sila sa pag-asa na mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa. Kagaya sila ni Juan Bautista, na tumukoy sa sarili bilang “kaibigan ng kasintahang-lalaki” at hindi bahagi ng kasintahang-babae ni Kristo na binubuo ng 144,000 membro. (Juan 3:29) Ang milyun-milyong taong ito ay bahagi ng “ibang tupa” na binanggit ni Jesus. Hindi sila membro ng “munting kawan.” Gayumpaman, gaya ng sinabi ni Jesus, nagkakaisa silang naglilingkod na kasama ng “munting kawan,” kaya lahat ay “nagiging isang kawan.”—Juan 10:16; Lucas 12:32.
PAGLILINGKOD SA DIYOS KASAMA NG KANIYANG ORGANISASYON
31. Ano ang patotoo na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga nananatiling kabahagi ng huwad na relihiyon samantalang nagsisikap pa ring maging bahagi ng kaniyang organisasyon?
31 Napakalinaw nga na, kung papaanong sa nakaraan, ang Diyos na Jehova ay mayroon ngayong nakikitang organisasyon! Ginagamit niya ito ngayon upang sanayin ang mga tao para sa buhay sa kaniyang matuwid na bagong kaayusan. Datapuwa’t, hindi tayo maaaring maging bahagi ng organisasyon ng Diyos samantalang bahagi pa rin ng huwad na relihiyon. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Huwag kayong makikipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagka’t anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya?” Kaya nag-uutos ang Diyos: “Dahil dito’y magsilabas kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo.”—2 Corinto 6:14-17.
32. (a) Kung tayo ay ‘magsisilabas sa kanila,’ ano ang dapat nating gawin? (b) Anong pagpapala ang kakamtin natin kung kikilos tayo upang maglingkod sa Diyos kasama ng kaniyang nakikitang teokratikong organisasyon?
32 Ano ang ibig sabihin ng “magsilabas kayo sa kanila”? Buweno, hindi natin masusunod ang utos na ito kung mananatili tayong bahagi ng, o tumatangkilik sa, isang relihiyosong organisasyon liban na sa ginagamit ng Diyos na Jehova. Kaya kung sinoman sa atin ang bahagi pa ng gayong relihiyosong organisasyon, dapat nating ipahiwatig na tayo ay humihiwalay na rito. Kung lalabas tayo ngayon mula sa mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon at kikilos upang paglingkuran ang Diyos kasama ng kaniyang nakikitang teokratikong organisasyon, mapapabilang tayo sa mga tinukoy ng Diyos: “Mananahan ako sa kanila at lalakad sa gitna nila, at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.”—2 Corinto 6:16.
[Larawan sa pahina 192]
Noong panahon ng Baha, ang Diyos ba ay may higit sa isang organisasyon?
[Mga larawan sa pahina 196]
PANDAIGDIG NA PUNONG TANGGAPAN NG MGA SAKSI NI JEHOVA
Ang MGA OPISINA
Mga Sistema ng Komputer
Pag-iimprenta sa Rotary
PALIMBAGAN SA BROOKLYN
Pabalatan ng mga Aklat
Shipping
[Mga larawan sa pahina 197]
ILAN LAMANG SA MARAMING PALIMBAGAN NG WATCH TOWER
Brazil
Inglatera
South Africa
Wallkill, Nueba York
Canada
[Mga larawan sa pahina 198]
Ilan sa 253,922 dumalo sa kumbensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Nueba York
Polo Grounds
Yankee Stadium
[Larawan sa pahina 201]
Isang programa ng pagtuturo sa Bibliya ay matatamo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova