BANAYAD, PAGIGING
[sa Ingles, gentleness].
Kahinahunan ng disposisyon o asal, sa gayo’y kabaligtaran ng kagaspangan o kabagsikan. Ang pagiging banayad ay may malapit na kaugnayan sa kapakumbabaan at kaamuan.
Ang pagiging banayad ay isang kahilingan sa lingkod ng Diyos, partikular na sa isa na may mabigat na posisyon ng pangangasiwa. Sinabi ng apostol na si Pablo na “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad [sa Gr., eʹpi·on] sa lahat.” (2Ti 2:24) Ang taong banayad ay hindi maingay ni mapagmalabis. Si Moises, na lalaki ng tunay na Diyos, bagaman hindi nagpakita ng wastong disposisyon sa lahat ng pagkakataon, “ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil 12:3; Aw 90:Sup) Noong isang pagkakataon, ang kaniyang pananalita ay inilarawang gaya ng “ambon sa damo.”—Deu 32:2.
Sa 1 Tesalonica 2:7 sinabi ni Pablo na siya at ang kaniyang mga kasama ay naging “banayad sa gitna ninyo [mga taga-Tesalonica], gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak.” Ito’y sa dahilang mayroon silang tunay na pag-ibig para sa mga tinuturuan nila, at malasakit para sa kanilang espirituwal na paglaki. (1Te 2:8) Ang salitang eʹpi·oi (isinaling “banayad”) ay matatagpuan sa Textus Receptus, Tischendorf, Merk, at iba pang mga manuskrito. Sang-ayon kay W. E. Vine, ang eʹpi·os “ay malimit gamitin ng mga Griegong manunulat upang lumarawan sa isang tagapag-alaga ng nakayayamot na mga bata o sa isang guro na may mga estudyanteng matitigas ang ulo, o sa saloobin ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa I Tes. 2:7, ginamit ito ng Apostol upang lumarawan sa pakikitungo niya at ng kaniyang mga kapuwa misyonero sa mga nakumberte sa Tesalonica.”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 2, p. 145.
Gayunman, sa 1 Tesalonica 2:7, ang tekstong Griego nina Westcott at Hort at ang ilang manuskrito ay kababasahan ng neʹpi·oi, “mga sanggol.” Hinggil dito, sinabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “May dalawang pagbasa sa 1 Tes. 2:7: (a) ēpioi (naging banayad kami kasama ninyo); (b) nēpioi (mga sanggol). Ang salitang nauuna rito ay nagtatapos sa n, at malamang na ang n na ito ay nadoble dahil sa pagkakamali sa pagkopya. Bukod diyan, nagbabangon ng mga suliranin ang kahulugan ng ikalawang pagbasa. Sapagkat sa tal. 7b, hindi ang kaniyang sarili kundi ang mga taga-Tesalonica ang inihahalintulad ni Pablo sa ‘mga anak’; siya at ang kaniyang mga kasamahan ay gaya ng isang tagapag-alaga (trophos).”—Inedit ni C. Brown, 1975, Tomo 1, p. 282.
Hindi Kahinaan. Ang pagiging banayad ay hindi isang kahinaan. Kailangan ang matibay na disposisyon upang maging banayad sa iba at upang payapain sila o huwag masaktan ang kanilang damdamin, lalo na kapag ang isa’y pinupukaw sa galit. Sa 2 Samuel 18:5, si David na isang lalaking mandirigma, dahil sa kaniyang pag-ibig bilang ama, ay nag-utos kay Joab na pakitunguhan nang banayad ang kaniyang mapaghimagsik na anak na si Absalom. Ang salitang Hebreo (ʼat) na ginamit dito ay tumutukoy sa isang marahan o banayad na kilos. Ang apostol na si Pablo, bagaman banayad, ay hindi taong mahina ang loob, gaya ng pinatutunayan ng kaniyang kakayahang magsalita nang tahasan kung kinakailangan, halimbawa ay noong isulat niya ang kaniyang una at ikalawang liham sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto.
Isang Puwersa sa Pagkakaisa. Kapag ang isa ay nagsasalita at kumikilos nang banayad, kalugud-lugod ang nagiging epekto nito at nakadaragdag sa kapayapaan. Ang gayong tao ay madaling lapitan, hindi nakatatakot, at ang kaniyang asal ay nakapagpapatibay sa espirituwalidad ng iba. Ang kabagsikan, kagaspangan, ingay, at kabastusan ay nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi at nagtataboy sa iba. Ngunit ang pagiging banayad ay nakaaakit at nakapagbubuklod. Sinasabing tinitipon ni Jehova ang kaniyang mga kordero at binubuhat niya ang mga ito sa kaniyang dibdib (tumutukoy sa makakapal na tupi sa itaas na bahagi ng kasuutan, na doo’y binubuhat kung minsan ng mga pastol ang kanilang mga kordero). (Isa 40:11) Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagsabi sa Jerusalem: “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak!” “Ngunit,” dagdag niya, “hindi ninyo ibig.” (Mat 23:37) Kaya naman, tumanggap sila ng malupit na pakikitungo sa mga kamay ng hukbong Romano nang itiwangwang ang kanilang lunsod noong 70 C.E.
Huwad na Pagkabanayad. Ang pagkabanayad ng tono sa pagsasalita o asal, gaya halimbawa ng pagiging malumanay, ay hindi laging katibayan ng tunay na pagiging banayad. Upang maging tunay, ang katangiang ito ay dapat na manggaling sa puso. Nang si Job, isang lingkod ng Diyos, ay nagdurusa sa mga kamay ni Satanas dahil sa isang pagsubok sa kaniyang katapatan sa Diyos, pinagsalitaan siya ng masama ng tatlong kasamahan niya. Pinaratangan nila si Job ng lihim na kasalanan, kabalakyutan, at pagkasutil, anupat ipinahiwatig din nila na siya ay isang apostata at na namatay ang mga anak niya sa kamay ng Diyos dahil sa kabalakyutan ng mga ito. Gayunman, ang isa sa tatlo, si Elipaz, ay nagsabi kay Job: “Ang mga kaaliwan ba mula sa Diyos ay hindi sapat para sa iyo, o ang isang salita na sinalita sa iyo nang banayad?” (Job 15:11) Kung gayon, maaaring binigkas sa malumanay na tinig ang ilan sa kanilang pananalita, ngunit malupit ang laman niyaon, samakatuwid ay hindi tunay na banayad.