‘Huwag Kayong Malumbay Gaya ng Iba’
NAPANSIN na ba ninyo kung papaano waring nakayuko ang isang bulaklak pagkatapos ng isang bagyo? Sa isang paraan iyon ay isang nakaaantig-damdaming tanawin. Kung sa bagay, ang biglang malakas na pag-ulan ay malamang na magtaboy sa di-mabilang na mga hayop at mga tao—mas matitibay na nilalang kaysa anumang bulaklak—upang magmadaling humanap ng masisilungan. Gayunman, ang bulaklak ay nakatayo roon, nakatanim, anupat nakaharap sa buong galit ng panahon. Ngayon, narito ito at di-natitinag, nakayuko ngunit di-wasak, nagpapakita ng lakas na waring di-katugma ng mahinang anyo nito. Habang hinahangaan ninyo ito, maaaring maisip ninyo kung makababawi kaya ito ng lakas at muling maititingala sa langit ang kagandahan nito.
Gayundin naman sa mga tao. Sa maligalig na mga panahong ito, nakaharap tayo sa lahat ng uri ng bagyo. Kahirapan sa ekonomiya, panlulumo, pagkakasakit, pagkamatay ng isang mahal sa buhay—may mga panahon na ang gayong mga unos ay dumadaluhong sa atin, at kung minsan ay hindi natin maiwasan ang mga ito gaya rin kung papaanong hindi maaaring bunutin ng bulaklak ang kaniyang sarili at humanap ng kanlungan. Nakaaantig-damdaming makita ang mga tao na waring mahihina subalit nagpapakita ng nakagugulat na lakas at tinitiis ang gayong mga pagsalakay. Papaano nila ginagawa iyon? Malimit na ang susi ay ang pananampalataya. Ganito ang isinulat ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago: “Alam ninyo na kapag ang inyong pananampalataya ay nagtatagumpay sa pagharap sa gayong mga pagsubok, ang resulta ay ang kakayahang magbata.”—Santiago 1:3, Today’s English Version.
Ang isa pang susi ay ang pag-asa. Halimbawa, kapag namatay ang isang mahal sa buhay, ang pag-asa ay may malaking magagawa para sa mga naulila. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Bagaman tiyak na nagdadalamhati ang mga Kristiyano dahil sa kamatayan, may isang pagkakaiba. Taglay nila ang tumpak na kaalaman tungkol sa kalagayan ng mga patay at tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Ang kaalamang ito ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa. At ang pag-asa namang iyan ay unti-unting magbabawas ng kanilang dalamhati. Ito’y tumutulong sa kanila upang magbata, at higit pa. Pagsapit ng panahon, tulad ng bulaklak pagkaraan ng bagyo, maitataas nila ang kanilang mga ulo buhat sa dalamhati at muling makasusumpong ng kagalakan at kasiyahan sa buhay.