Aklat ng Bibliya Bilang 53—2 Tesalonica
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Corinto
Natapos Isulat: c. 51 C.E.
1. Ano ang nagpapahiwatig sa panahon at dako ng pagsulat, at ano ang dahilan ng pagsulat ng ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica?
ANG ikalawang liham ni Pablo sa Mga Taga-Tesalonica ay kasunod agad ng una. Alam nating isinulat agad ito pagkaraan ng una, at mula rin sa lungsod ng Corinto, pagkat sina Silvano at Timoteo ay kasama ni Pablo na muling bumabati sa kongregasyon sa Tesalonica. Sila’y pawang naglalakbay na mga lingkod ng sinaunang kongregasyong Kristiyano at walang ulat na ang tatlo ay muling nagsama pagkagaling nila sa Corinto. (2 Tes. 1:1; Gawa 18:5, 18) Ang paksa at paraan ng pagtalakay ay nagpapahiwatig na nadama ni Pablo ang mahigpit na pangangailangan na ituwid agad ang isang pagkakamali sa kongregasyon.
2. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Ikalawang Tesalonica?
2 Ang pagiging-tunay ng liham ay may matibay ring patotoo na gaya ng Unang Tesalonica. Sinisipi rin ito ni Irenaeus (ikalawang siglo C.E.) at ng iba pang sinaunang manunulat, pati na ni Justin Martyr (mula rin sa ikalawang siglo), na malamang na tumutukoy sa 2 Tesalonica 2:3 nang sumulat siya tungkol sa “taong tampalasan [makasalanan].” Lumilitaw rin ito sa sinaunang mga katalogo na kinabibilangan ng Unang Tesalonica. Bagaman wala na ito sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), tiyak na kalakip ito sa unang dalawa sa pitong pahina na nawawala kasunod ng Unang Tesalonica.
3, 4. (a) Anong suliranin ang bumangon sa kongregasyon sa Tesalonica? (b) Kailan at saan isinulat ang liham, at ano ang hinangad ni Pablo na matutupad nito?
3 Ano ang layunin ng liham? Mula sa payo na ibinigay ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, nalaman natin na may ilang nagsasabi na malapit na ang pagkanaririto ng Panginoon, na ang mga manghihinuhang ito ay aktibong nangangaral ng kanilang teoriya, at na nililigalig nila nang husto ang kongregasyon. Waring may ilan na nagsasamantala rito upang huwag magtrabaho at maglaan para sa sarili. (2 Tes. 3:11) Sa unang liham, tumukoy si Pablo sa pagkanaririto ng Panginoon, at tiyak na nang marinig ito ng mga manghihinuha, pinilipit nila ang mga salita ni Pablo at binigyan ito ng ibang kahulugan. Posible rin na may isang liham na may kamaliang iniukol kay Pablo at na ipinangahulugang nagsasabi na “dumating na ang araw ni Jehova.”—2:1, 2.
4 Waring tumanggap si Pablo ng ulat tungkol sa kalagayang ito mula sa naghatid ng una niyang liham sa kongregasyon, at tiyak na sabik siyang ituwid ang pag-iisip ng pinakamamahal niyang mga kapatid. Kaya noong taóng 51 C.E., si Pablo at ang dalawa niyang kasama sa Corinto ay nagpadala ng liham sa kongregasyon sa Tesalonica. Bukod sa pagtutuwid sa maling paniwala sa pagkanaririto ni Kristo, pinatibay-loob sila ni Pablo na manindigang matatag sa katotohanan.
NILALAMAN NG IKALAWANG TESALONICA
5. Sa ano nagpasalamat sa Diyos si Pablo at ang mga kasama niya, anong katiyakan ang ibinigay nila, at ano ang kanilang idinalangin?
5 Ang pagkakahayag sa Panginoong Jesus (1:1-12). Ang Diyos ay pinasasalamatan ni Pablo at ng mga kasama niya dahil sa pagsulong ng mga taga-Tesalonica sa pananampalataya at pag-ibig sa isa’t-isa. Ang kanilang pagtitiis at pananampalataya sa ilalim ng pag-uusig ay patotoo ng matuwid na pasiya ng Diyos na sila ay ibilang na karapat-dapat sa Kaharian. Kapighatian ang igaganti ng Diyos sa mga pumipighati sa kongregasyon, at pagiginhawahin niya ang nagbabatá. Magaganap ito “sa pagkakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel . . . upang siya’y luwalhatiing kasama ng kaniyang mga banal sa pagdating niya.” (1:7, 10) Ang mga taga-Tesalonica ay laging idinadalangin nina Pablo, upang ibilang sila ng Diyos na karapat-dapat sa Kaniyang pagtawag at upang ang pangalan ng Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa kanila at sila nama’y kaisa niya.
6. Ano ang dapat maganap bago ang araw ni Jehova, at papaano?
6 Darating ang apostasya bago ang pagkanaririto ni Jesus (2:1-12). Hindi sila dapat mabigla sa anomang mensahe sa pagdating ng araw ni Jehova. “Hindi darating ito malibang maganap muna ang pagtaliwakas [apostasya] at mahayag ang taong tampalasan, ang anak ng kapahamakan.” Alam nila na “may pumipigil” ngayon, ngunit ang hiwaga ng katampalasanan ay kumikilos na. Kapag naalis ang pumipigil, “saka mahahayag ang taong tampalasan, na ililigpit ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig at lilipulin sa kapahayagan ng kaniyang pagkanaririto.” Ang pagkilos ng tampalasan ay ayon sa kapangyarihan ni Satanas na gumagawa ng makapangyarihang mga tanda at pandaraya, at ipinahintulot ng Diyos na madaya ang mga hindi umiibig sa katotohanan upang sila ay maniwala sa kasinungalingan.—2:3, 6, 8.
7. Papaano maninindigang matatag ang mga kapatid at papaano sila maililigtas mula sa balakyot?
7 Manindigang matatag sa pananampalataya (2:13–3:18). Nagpapatuloy si Pablo: “Nagpapasalamat kami sa Diyos tuwina dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ni Jehova, pagkat una pa ay hinirang na kayo ng Diyos sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapakabanal sa inyo sa espiritu at sa pananampalataya sa katotohanan.” Dahil dito ay ipinahayag sa kanila ang mabuting balita. Kaya sila’y dapat manindigan at manghawakan sa mga katotohanang itinuro sa kanila, na si Jesu-Kristo at ang Ama, na maibiging naglalaan ng walang hanggang kaaliwan at pag-asa, ay “patitibayin [sila] sa bawat mabuting gawa at salita.” (2:13, 17) Hiniling ni Pablo ang kanilang mga panalangin, “upang ang salita ni Jehova ay lumaganap at maging maluwalhati.” (3:1) Ang Panginoon, palibhasa tapat, ay magpapatibay at mag-iingat sa kanila mula sa balakyot, at dumadalangin si Pablo na patuloy nawang akayin ng Panginoon ang kanilang mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis kay Kristo.
8. Anong mariing payo ang ibinigay, at sa ano nagbigay-halimbawa sina Pablo?
8 Sumunod ang mariing payo: “Iniuutos namin sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo, na humiwalay sa mga kapatid na lumalakad nang walang-kaayusan at di ayon sa katotohanan na inyong tinanggap sa amin.” (3:6) Ipinaalaala sa kanila ng apostol ang halimbawang ibinigay nila bilang mga misyonero, na nagpapagal araw at gabi upang huwag maging pasanin sa kanila, anupat maibibigay nila ang utos na: “Sinomang ayaw gumawa, ay huwag din namang kumain.” Ngunit nabalitaan nila na may ilang magugulo na ayaw magtrabaho at nanghihimasok pa. Dapat silang maghanap-buhay upang may makain.—2 Tes. 3:10; 1 Tes. 4:11.
9. Ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa paggawa ng mabuti at sa paghiya sa mga masuwayin, at papaano niya tinatapos ang kaniyang liham?
9 Huwag silang manghihimagod sa paggawa ng mabuti. Kung ang sinoman ay hindi tatalima sa liham ni Pablo, dapat siyang hiyain at tandaan ng kongregasyon upang huwag nang makisama sa kaniya, ngunit pinapayuhan din siya bilang kapatid. Idinalangin ni Pablo na nawa ang Panginoon ng kapayapaan ay magkaloob ng “kapayapaan sa buong panahon at sa lahat ng paraan,” at tinatapos niya ang liham sa pamamagitan ng pagbati mula sa sarili niyang kamay.—2 Tes. 3:16.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
10. Ano ang ilang saligang turo at simulain na sinasaklaw sa Ikalawang Tesalonica?
10 Ang maikling kinasihang liham sa mga taga-Tesalonica ay tumatalakay sa malawak na antas ng katotohanang Kristiyano na kapaki-pakinabang talakayin. Kuning halimbawa ang mga saligang turo at simulaing sinaklaw: Si Jehova ang Diyos ng kaligtasan, at nagpapaging-banal siya sa tulong ng espiritu at pananampalataya sa katotohanan (2:13); ang Kristiyano ay dapat magtiis upang maging karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos (1:4, 5); ang mga Kristiyano ay titipuning kasama ng Panginoong Jesu-Kristo sa pagkanaririto niya (2:1); magdadala si Jehova ng matuwid na paghatol sa mga sumusuway sa mabuting balita (1:5-8); ang mga tinawag ay luluwalhatiing kasama ni Kristo Jesus, ayon sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos (1:12); tinatawag sila sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita (2:14); ang pananampalataya ay mahalaga (1:3, 4, 10, 11; 2:13; 3:2); dapat magtrabaho upang matustusan ang ministeryo; kung ang isa ay ayaw magtrabaho, siya ay tatamarin at manghihimasok sa hindi nararapat (3:8-12); ang pag-ibig sa Diyos ay nauugnay sa pagtitiis (3:5). Napakayaman ang nagpapatibay na impormasyong nilalaman ng napakaikling kinasihang liham na ito!
11. Anong mahalagang impormasyon at katiyakan ang inihaharap kaugnay ng Kaharian?
11 Sa liham ay nagpakita si Pablo ng taimtim na pagkabahala sa espirituwal na kapakanan ng mga kapatid sa Tesalonica at sa pagkakaisa at pag-unlad ng kongregasyon. Itinuwid niya sila tungkol sa pagdating ng araw ni Jehova, at ipinakita na “ang taong tampalasan” ay dapat munang mahayag, upang maupo sa “templo ng Ang Diyos, at ihayag sa madla na siya’y isang diyos.” Gayunman, ang mga “ibinilang na karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” ay makatitiyak na sa takdang panahon ang Panginoong Jesus ay mahahayag mula sa langit, at gaganti sa pamamagitan ng nagliliyab na apoy “upang siya’y luwalhatiing kasama ng kaniyang mga banal sa pagdating niya at upang sa araw na yaon siya’y maging kahanga-hanga sa lahat ng magsisisampalataya.”—2:3, 4; 1:5, 10.