APOSTASYA
Ang terminong Griegong ito (a·po·sta·siʹa) ay nagmula sa pandiwang a·phiʹste·mi, na literal na nangangahulugang “lumayo.” Ang anyong pangngalan ay may diwa ng “paghiwalay, pag-iwan o paghihimagsik.” (Gaw 21:21, tlb sa Rbi8) Sa klasikal na Griego, ang anyong pangngalan ay ginamit upang tumukoy sa paghiwalay sa pulitikal na paraan, at maliwanag na ang anyong pandiwa nito ay ginamit sa ganitong diwa sa Gawa 5:37, may kaugnayan kay Hudas na taga-Galilea na “nakahila” (a·peʹste·se, isang anyo ng a·phiʹste·mi) ng mga tagasunod. Ginagamit naman ng Griegong Septuagint ang terminong a·po·sta·siʹa sa Genesis 14:4 may kinalaman sa gayong paghihimagsik. Gayunman, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ito ay pangunahing ginagamit may kinalaman sa pagtalikod sa relihiyon; ang pag-alis o pag-iwan sa panig ng Diyos at sa pagsamba at paglilingkod sa kaniya, at samakatuwid ay pag-iwan sa mga dating pinaniniwalaan ng isa at lubusang pagtatakwil sa pinanghahawakang mga simulain o pananampalataya. Si Pablo ay pinaratangan ng relihiyosong mga lider ng Jerusalem ng gayong apostasya laban sa Kautusang Mosaiko.
May-kawastuang masasabi na ang Kalaban ng Diyos ang unang apostata, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalang Satanas. Inudyukan niyang mag-apostata ang unang mag-asawa. (Gen 3:1-15; Ju 8:44) Pagkatapos ng Baha, nagkaroon ng paghihimagsik laban sa mga salita ng Diyos ni Noe. (Gen 11:1-9) Kinailangan ni Job nang dakong huli na ipagtanggol ang kaniyang sarili nang paratangan siya ng pag-aapostata ng kaniyang tatlong diumano’y mang-aaliw. (Job 8:13; 15:34; 20:5) Sa pagtatanggol niya sa kaniyang sarili, binanggit ni Job na hindi pinahihintulutan ng Diyos na makaharap sa Kaniya ang apostata (Job 13:16), at ipinakita rin niya ang kawalang-pag-asa ng isang taong nilipol dahil sa pag-aapostata. (Job 27:8; ihambing din ang pananalita ni Elihu sa 34:30; 36:13.) Sa mga kasong ito ay ginagamit ang pangngalang Hebreo na cha·nephʹ, na nangangahulugang “[isa na] hiwalay sa Diyos,” samakatuwid ay isang apostata. Ang kaugnay na pandiwang cha·nephʹ ay nangangahulugan namang “kumiling nang palayo sa tamang kaugnayan sa Diyos,” o “dumhan, akayin sa apostasya.”—Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 317.
Apostasya sa Israel. Hinahatulan ng unang dalawang utos ng Kautusan ang lahat ng apostasya. (Exo 20:3-6) At bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, binabalaan sila hinggil sa panganib na magbunga ng apostasya ang pakikipag-asawa sa mga tao sa lupaing iyon. (Deu 7:3, 4) Kahit pa ang mag-udyok sa iba na mag-apostata ay isang malapit na kamag-anak o asawa, papatayin siya dahil “nagsalita siya ng paghihimagsik laban kay Jehova na inyong Diyos.” (Deu 13:1-15) Kaagad na ipinagtanggol ng mga tribo nina Ruben, Gad, at Manases ang kanilang sarili nang paratangan sila ng pag-aapostata dahil sa pagtatayo nila ng isang altar.—Jos 22:21-29.
Marami sa mga hari ng Israel at ng Juda ang tumahak sa landasin ng pag-aapostata—halimbawa ay sina Saul (1Sa 15:11; 28:6, 7), Jeroboam (1Ha 12:28-32), Ahab (1Ha 16:30-33), Ahazias (1Ha 22:51-53), Jehoram (2Cr 21:6-15), Ahaz (2Cr 28:1-4), at Amon (2Cr 33:22, 23). Nang maglaon, nalugmok sa apostasya ang buong bansa dahil ang bayan ay nakinig sa apostatang mga saserdote at mga propeta (Jer 23:11, 15) at sa iba pang mga taong walang prinsipyo na umakay sa kanila sa pamamagitan ng madudulas na salita at mga bulaang pananalita tungo sa mahalay na paggawi, imoralidad, at pagtalikod kay Jehova, “ang bukal ng tubig na buháy.” (Isa 10:6; 32:6, 7; Jer 3:1; 17:13) Ayon sa Isaias 24:5, ang mismong lupain ay “narumhan [cha·nephahʹ] sa ilalim ng mga tumatahan dito, sapagkat kinaligtaan nila ang mga kautusan, binago ang tuntunin, sinira ang tipang namamalagi nang walang takda.” Hindi sila pagpapakitaan ng awa pagdating ng inihulang pagkapuksa.—Isa 9:17; 33:11-14; Zef 1:4-6.
Anu-anong katangian ng mga apostata ang nagpapakita ng kaibahan nila sa mga tunay na Kristiyano?
Sa 2 Tesalonica 2:3, inihula ng apostol na si Pablo na magkakaroon ng apostasya sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano. Espesipiko niyang binanggit ang ilang apostata, gaya nina Himeneo, Alejandro, at Fileto. (1Ti 1:19, 20; 2Ti 2:16-19) Ang ilan sa iba’t ibang sanhi ng apostasya na binanggit sa mga babala ng mga apostol ay ito: kawalan ng pananampalataya (Heb 3:12), kawalan ng pagbabata sa harap ng pag-uusig (Heb 10:32-39), pagtatakwil sa matuwid na mga pamantayang moral (2Pe 2:15-22), pakikinig sa “huwad na mga salita” ng mga bulaang guro at sa “nagliligaw na kinasihang mga pananalita” (2Pe 2:1-3; 1Ti 4:1-3; 2Ti 2:16-19; ihambing ang Kaw 11:9), at pagsisikap na “maipahayag na matuwid sa pamamagitan ng kautusan” (Gal 5:2-4). Bagaman nag-aangkin pa ring nananampalataya sa Salita ng Diyos, ang mga apostata ay maaaring huminto na sa paglilingkod sa kaniya anupat ipinagwawalang-bahala ang gawaing pangangaral at pagtuturo na iniatas niya sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Luc 6:46; Mat 24:14; 28:19, 20) Maaaring inaangkin din nilang naglilingkod sila sa Diyos ngunit itinatakwil naman ang kaniyang mga kinatawan, ang nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon. (Jud 8, 11; Bil 16:19-21) Kadalasang sinisikap ng mga apostata na gawing kanilang mga tagasunod ang iba. (Gaw 20:30; 2Pe 2:1, 3) Dahil kusang-loob na iniiwan ng gayong mga tao ang kongregasyong Kristiyano, sila ay nagiging bahagi ng “antikristo.” (1Ju 2:18, 19) Gaya ng nangyari sa mga apostatang Israelita, may inihula ring pagkapuksa para sa mga apostata sa kongregasyong Kristiyano.—2Pe 2:1; Heb 6:4-8; tingnan ang KASAMA.
Noong panahon ng pag-uusig sa sinaunang kongregasyong Kristiyano sa ilalim ng Imperyo ng Roma, ang mga nag-aangking Kristiyano ay pinipilit kung minsan na itakwil ang kanilang pagka-Kristiyano, at ang mga nakikipagkompromiso ay hinihilingang ipakita ang kanilang pag-aapostata sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso sa harap ng isang paganong diyos o ng hayagang pamumusong sa pangalan ni Kristo.
Maliwanag na magkaiba ang ‘pagkahulog’ dahil sa kahinaan at ang ‘paghiwalay’ dahil sa pag-aapostata. Ang huling nabanggit ay nagpapahiwatig ng tiyakan at sinasadyang pag-alis mula sa landas ng katuwiran. (1Ju 3:4-8; 5:16, 17) Anuman ang lumilitaw na saligan nito, intelektuwal man, moral, o espirituwal, isa itong paghihimagsik laban sa Diyos at pagtatakwil sa kaniyang Salita ng katotohanan.—2Te 2:3, 4; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.