Kabanata 39
Nagtatagumpay sa Armagedon ang Mandirigmang-Hari
Pangitain 13—Apocalipsis 19:11-21
Paksa: Pinangungunahan ni Jesus ang mga hukbo ng langit upang puksain ang sistema ng mga bagay ni Satanas
Panahon ng katuparan: Pagkatapos mawasak ang Babilonyang Dakila
1. Ano ang Armagedon, at ano ang magiging mitsa nito?
ARMAGEDON—nakatatakot na salita para sa marami! Subalit para sa mga umiibig sa katuwiran, ipinahihiwatig nito ang matagal-nang-pinananabikang araw ng paglalapat ni Jehova ng pangwakas na hatol sa mga bansa. Hindi ito digmaan ng tao kundi “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”—ang kaniyang araw ng paghihiganti laban sa mga tagapamahala sa lupa. (Apocalipsis 16:14, 16; Ezekiel 25:17) Kapag naging tiwangwang ang Babilonyang Dakila, magsisimula na ang malaking kapighatian. Pagkatapos, udyok ni Satanas, itutuon ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop at ng sampung sungay nito ang pagsalakay sa bayan ni Jehova. Determinadong gamitin ng Diyablo, na napopoot higit kailanman sa tulad-babaing organisasyon ng Diyos, ang kaniyang mga nalinlang upang makipagbaka hanggang wakas sa mga nalalabi sa binhi ng organisasyong ito. (Apocalipsis 12:17) Huling pagkakataon na ito ni Satanas!
2. Sino si Gog ng Magog, at paano siya mamaniobrahin ni Jehova upang salakayin ang Kaniyang sariling bayan?
2 Ang mabangis na pagsalakay ng Diyablo ay buong-linaw na inilalarawan sa Ezekiel kabanata 38. Doon, ang ibinabang si Satanas ay tinatawag na “Gog ng lupain ng Magog.” Nilalagyan ni Jehova ng makasagisag na mga pangawit ang mga panga ni Gog, upang hilahin siya at ang kaniyang napakalaking hukbong militar tungo sa pagsalakay. Paano niya ginagawa ito? Hahayaan Niyang makita ni Gog na ang Kaniyang mga Saksi ay isang bayan na walang kalaban-laban “na tinipon mula sa mga bansa, na nagtitipon ng yaman at ari-arian, yaong mga nananahanan sa gitna ng lupa.” Sila ay nasa gitna ngayon ng tanghalan ng daigdig bilang tanging bayan na tumangging sumamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito. Nagngangalit si Gog dahil sa kanilang espirituwal na kalakasan at kasaganaan. Kaya sasalakay si Gog at ang kaniyang napakalaking hukbong militar, pati na ang mabangis na hayop mula sa dagat at ang sampung sungay nito. Gayunman, di-tulad ng Babilonyang Dakila, ipinagsasanggalang ng Diyos ang Kaniyang malinis na bayan!—Ezekiel 38:1, 4, 11, 12, 15; Apocalipsis 13:1.
3. Paano ililigpit ni Jehova ang mga hukbong militar ni Gog?
3 Paano ililigpit ni Jehova si Gog at ang buong pulutong niya? Makinig! “‘At tatawag ako ng isang tabak laban sa kaniya sa aking buong bulubunduking pook,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. ‘Magiging laban sa kaniyang sariling kapatid ang tabak ng bawat isa.’” Subalit sa alitang iyon, walang saysay ang anumang nuklear o kombensiyonal na mga sandata, sapagkat ipinahahayag ni Jehova: “Papasok ako sa paghatol sa kaniya, na may salot at may dugo; at isang humuhugos na ulan at mga batong graniso, apoy at asupre ang pauulanin ko sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming bayan na sasama sa kaniya. At tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pababanalin ko ang aking sarili at ipakikilala ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 38:21-23; 39:11; ihambing ang Josue 10:8-14; Hukom 7:19-22; 2 Cronica 20:15, 22-24; Job 38:22, 23.
Ang Tinatawag na “Tapat at Totoo”
4. Paano inilalarawan ni Juan si Jesu-Kristo na nagagayakan bilang isang mandirigma?
4 Si Jehova ay tumatawag ng isang tabak. Sino kaya ang may hawak ng tabak na ito? Kung babalikan natin ang Apocalipsis, masusumpungan natin ang sagot sa isa pang kapana-panabik na pangitain. Nakita ni Juan na nabubuksan ang mga langit upang ihayag ang isang bagay na tunay na kasindak-sindak—si Jesu-Kristo mismo na nagagayakan bilang isang mandirigma! Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya ay humahatol at nakikipagdigma ayon sa katuwiran. Ang kaniyang mga mata ay nagliliyab na apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema.”—Apocalipsis 19:11, 12a.
5, 6. Ano ang isinasagisag ng (a) “kabayong puti”? (b) pangalang “Tapat at Totoo”? (c) mga matang gaya ng “nagliliyab na apoy”? (d) “maraming diadema”?
5 Gaya ng naunang pangitain hinggil sa apat na mangangabayo, angkop na sagisag ng matuwid na pakikidigma ang “kabayong puti.” (Apocalipsis 6:2) At sino sa mga anak ng Diyos ang mas matuwid pa kaysa sa makapangyarihang Mandirigmang ito? Yamang “tinatawag na Tapat at Totoo,” tiyak na siya “ang saksing tapat at totoo,” si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 3:14) Nakikipagdigma siya upang ilapat ang matuwid na mga hatol ni Jehova. Sa gayo’y ginagampanan niya ang iniatas sa kaniya ni Jehova na tungkulin bilang Hukom, ang “Makapangyarihang Diyos.” (Isaias 9:6) Nakasisindak ang kaniyang mga mata, gaya ng “nagliliyab na apoy,” na nakatanaw sa napipintong maapoy na pagkapuksa ng kaniyang mga kaaway.
6 Nakokoronahan ng mga diadema ang Mandirigmang-Haring ito. Ang mabangis na hayop na nakita ni Juan na umaahon mula sa dagat ay may sampung diadema, na lumalarawan sa pansamantalang pamamahala nito sa daigdig. (Apocalipsis 13:1) Subalit si Jesus ay “maraming diadema.” Walang kapantay ang kaniyang maluwalhating pamamahala, yamang siya ang “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon.”—1 Timoteo 6:15.
7. Ano ang pangalang nakasulat na taglay ni Jesus?
7 Nagpapatuloy ang paglalarawan ni Juan: “Siya ay may pangalang nakasulat na walang sinumang nakaaalam kundi siya lamang.” (Apocalipsis 19:12b) Sa Bibliya, tinutukoy ang Anak ng Diyos sa mga pangalang Jesus, Emmanuel, at Miguel. Subalit ang hindi binanggit na “pangalan” na ito ay waring kumakatawan sa tungkulin at mga pribilehiyo ni Jesus sa panahon ng araw ng Panginoon. (Ihambing ang Apocalipsis 2:17.) Bilang paglalarawan kay Jesus mula noong 1914, sinabi ni Isaias: “Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Iniugnay ni apostol Pablo ang pangalan ni Jesus sa Kaniyang napakatayog na mga pribilehiyo ng paglilingkod nang sumulat siya: “Dinakila . . . ng Diyos [si Jesus] sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod.”—Filipos 2:9, 10.
8. Bakit si Jesus lamang ang makaaalam kung ano ang pangalang nakasulat, at kanino niya ibinabahagi ang ilan sa kaniyang matatayog na pribilehiyo?
8 Pantangi ang mga pribilehiyo ni Jesus. Bukod kay Jehova mismo, si Jesus lamang ang makauunawa kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng gayong mataas na posisyon. (Ihambing ang Mateo 11:27.) Kaya sa lahat ng nilalang ng Diyos, si Jesus lamang ang lubusang makauunawa sa pangalang ito. Gayunman, ibinabahagi ni Jesus sa kaniyang kasintahang babae ang ilan sa mga pribilehiyong ito. Kaya nangako siya: ‘Isusulat ko sa nananaig ang bagong pangalan kong iyon.’—Apocalipsis 3:12.
9. Ano ang ipinahihiwatig (a) ng bagay na si Jesus ‘ay nagagayakan ng panlabas na kasuutan na nawisikan ng dugo’? (b) ng pagtawag kay Jesus bilang “Ang Salita ng Diyos”?
9 Sinabi pa ni Juan: “At nagagayakan siya ng panlabas na kasuutan na nawisikan ng dugo, at ang pangalang itinatawag sa kaniya ay Ang Salita ng Diyos.” (Apocalipsis 19:13) Kaninong “dugo” ito? Maaaring dugo ito ni Jesus, na itinigis alang-alang sa sangkatauhan. (Apocalipsis 1:5) Ngunit sa kontekstong ito, mas malamang na tumukoy ito sa dugo ng kaniyang mga kaaway na dadanak kapag inilapat na sa kanila ang mga hatol ni Jehova. Ipinaaalaala nito sa atin ang naunang pangitain kung saan ang punong ubas ng lupa ay inaani at niyuyurakan sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos anupat umabot ang dugo “hanggang sa mga renda ng mga kabayo”—na sumasagisag sa dakilang tagumpay laban sa mga kaaway ng Diyos. (Apocalipsis 14:18-20) Sa katulad na paraan, ang dugo na nawisik sa panlabas na kasuutan ni Jesus ay tumitiyak na ganap at lubusan ang kaniyang tagumpay. (Ihambing ang Isaias 63:1-6.) May binabanggit uli ngayon si Juan na isang pangalang itinatawag kay Jesus. Ngayon naman, kilalang-kilala ang pangalang ito—“Ang Salita ng Diyos”—na nagpapakilala sa Mandirigmang-Haring ito bilang Punong Tagapagsalita ni Jehova at Tagapagtanggol ng katotohanan.—Juan 1:1; Apocalipsis 1:1.
Mga Mandirigmang Kasama ni Jesus
10, 11. (a) Paano ipinakikita ni Juan na hindi nag-iisa si Jesus sa pakikidigma? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang mga kabayo ay puti at na ang mga mangangabayo ay nadaramtan ng “mapuputi, malilinis, maiinam na lino”? (c) Sino ang bumubuo sa makalangit na “mga hukbo”?
10 Hindi nag-iisa si Jesus sa pakikidigmang ito. Sinasabi sa atin ni Juan: “Gayundin, ang mga hukbo na nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga kabayong puti, at nadaramtan sila ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino.” (Apocalipsis 19:14) Ang pagiging “puti” ng mga kabayo ay nagpapahiwatig ng matuwid na digmaan. Ang “maiinam na lino” ay angkop para sa mga mangangabayo ng Hari, at ang nagniningning at malinis na kaputian nito ay nangangahulugan ng dalisay at matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Kung gayon, sino ang bumubuo sa “mga hukbo” na ito? Walang alinlangan, kabilang dito ang banal na mga anghel. Pasimula noon ng araw ng Panginoon nang ihagis ni Miguel at ng kaniyang mga anghel mula sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 12:7-9) Bukod dito, maglilingkod kay Jesus “ang lahat ng mga anghel” samantalang nakaupo siya sa kaniyang maluwalhating trono upang hatulan ang mga bansa at mga tao sa lupa. (Mateo 25:31, 32) Sa pangwakas na digmaan, kung kailan lubusang ilalapat ang mga hatol ng Diyos, tiyak na muli na namang makakasama ni Jesus ang kaniyang mga anghel.
11 May iba pa ring masasangkot. Sa mensaheng ipinadala niya sa kongregasyon sa Tiatira, nangako si Jesus: “Sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat magkakadurug-durog sila na tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apocalipsis 2:26, 27) Walang-alinlangang pagsapit ng panahon, ang mga kapatid ni Kristo na nasa langit na ay makikibahagi sa pagpapastol sa mga bayan at mga bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal na iyon.
12. (a) Makikibahagi ba sa pakikipaglaban sa Armagedon ang mga lingkod ng Diyos sa lupa? (b) Paano nasasangkot sa Armagedon ang bayan ni Jehova sa lupa?
12 Kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos na naririto sa lupa? Ang uring Juan ay hindi magkakaroon ng aktibong bahagi sa pakikipaglaban sa Armagedon; maging ang kanilang matapat na mga kasamahan, samakatuwid nga, ang mga tao mula sa lahat ng bansa na nagsisihugos sa espirituwal na bahay ng pagsamba kay Jehova. Pinukpok na ng mapapayapang taong ito ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. (Isaias 2:2-4) Subalit lubha rin silang nasasangkot! Gaya ng natalakay na natin, buong-bangis na sasalakayin ni Gog at ng kaniyang buong pulutong ang tila walang kalaban-labang bayan ni Jehova. Ito na ang hudyat upang ang Mandirigmang-Hari ni Jehova, na sinusuportahan ng mga hukbo sa langit, ay magsimula sa pakikidigma na lubos na lilipol sa mga bansang ito. (Ezekiel 39:6, 7, 11; ihambing ang Daniel 11:44–12:1.) Bilang mga tagamasid, magiging lubhang interesado ang bayan ng Diyos sa lupa. Ang Armagedon ay mangangahulugan ng kanilang kaligtasan, at mabubuhay sila magpakailanman bilang mga saksi sa dakilang digmaan na magbabangong-puri kay Jehova.
13. Paano natin nalalaman na hindi laban sa lahat ng pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova?
13 Nangangahulugan ba ito na laban sa lahat ng pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova? Malayong mangyari! Sinusunod nila ang payo ni apostol Pablo: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” Batid nila na hangga’t naririto pa ang kasalukuyang sistema, pinahihintulutan ng Diyos na umiral ang “nakatataas na mga awtoridad” upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan ng tao sa paanuman. Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabayad ng buwis, sumusunod sa mga batas, gumagalang sa mga ordinansa sa trapiko, nagpaparehistro, at iba pa. (Roma 13:1, 6, 7) Bukod dito, sumusunod sila sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa pagiging tapat at mapagkakatiwalaan; sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa; sa pagtatayo ng isang matatag at huwarang sambahayan; at sa pagsasanay sa kanilang mga anak upang maging ulirang mga mamamayan. Sa ganitong paraan, ibinibigay nila hindi lamang ‘kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, kundi sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.’ (Lucas 20:25; 1 Pedro 2:13-17) Yamang ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang mga kapangyarihan ng pamahalaan ng sanlibutang ito ay pansamantala lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahanda ngayon para sa mas makahulugang buhay, ang tunay na buhay, na malapit nang tamasahin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo. (1 Timoteo 6:17-19) Bagaman hindi sila makikibahagi sa pagtitiwarik sa mga kapangyarihan ng sanlibutang ito, ganap na nagpipitagan ang mga Saksi sa sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, hinggil sa paghatol na malapit nang ilapat ni Jehova sa Armagedon.—Isaias 26:20, 21; Hebreo 12:28, 29.
Tungo sa Pangwakas na Digmaan!
14. Ano ang isinasagisag ng “mahabang tabak na matalas” na lumalabas mula sa bibig ni Jesus?
14 Kanino nagmumula ang awtoridad na tapusin ni Jesus ang kaniyang pananaig? Ipinaaalam ito sa atin ni Juan: “At mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito, at papastulan niya sila ng isang tungkod na bakal.” (Apocalipsis 19:15a) Ang “mahabang tabak na matalas” ay kumakatawan sa bigay-Diyos na awtoridad ni Jesus upang magpalabas ng mga utos sa pagpuksa sa lahat ng tumatangging sumuporta sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 1:16; 2:16) Ang maliwanag na simbolismong ito ay nakakatulad ng mga salita ni Isaias: “Ang aking bibig ay ginawa niyang [ni Jehova] gaya ng isang tabak na matalas. Sa lilim ng kaniyang kamay ay itinago niya ako. At sa kalaunan ay ginawa niya akong isang pinakinis na palaso.” (Isaias 49:2) Dito, lumalarawan si Isaias kay Jesus, na nagpapahayag ng mga kahatulan ng Diyos at naglalapat ng mga ito, gaya ng isang walang-mintis na palaso.
15. Sa pagkakataong ito, sino na ang nalantad at nahatulan, na siyang tanda ng pagsisimula ng ano?
15 Sa pagkakataong ito, kumilos na si Jesus bilang katuparan ng mga salita ni Pablo: “Kung magkagayon nga, ang isa na tampalasan ay isisiwalat, na siyang lilipulin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig at papawiin sa pamamagitan ng pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto.” Oo, ang pagkanaririto (Griego, pa·rou·siʹa) ni Jesus ay nahayag mula noong 1914, dahil sa paglalantad at paghatol sa taong tampalasan, ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Buong-linaw na mahahayag ang pagkanariritong iyon kapag inilapat ng sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang hatol na iyon at winasak ang Sangkakristiyanuhan, pati na ang iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila. (2 Tesalonica 2:1-3, 8) Iyon ang magiging pasimula ng malaking kapighatian! Pagkaraan nito, ibabaling ni Jesus ang kaniyang pansin sa nalalabing bahagi ng organisasyon ni Satanas, kasuwato ng hulang ito: “Sasaktan niya ang lupa sa pamamagitan ng tungkod ng kaniyang bibig; at sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang mga labi ay papatayin niya ang balakyot.”—Isaias 11:4.
16. Paano inilalarawan sa Mga Awit at sa Jeremias ang papel ng Mandirigmang-Hari na inatasan ni Jehova?
16 Bilang inatasan ni Jehova, ipakikita ng Mandirigmang-Hari ang pagkakaiba ng mga makaliligtas at ng mga mamamatay. Ganito ang makahulang sinabi ni Jehova sa Anak na ito ng Diyos: “Babaliin mo sila [mga tagapamahala sa lupa] sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.” At pinagwikaan din ni Jeremias ang tiwaling mga lider ng pamahalaan at ang kanilang mga alipores, na nagsasabi: “Magpalahaw kayo, kayong mga pastol, at humiyaw kayo! At gumumon kayo, kayong mariringal sa kawan, sapagkat ang inyong mga araw para sa pagpatay at sa inyong pangangalat ay naganap na, at kayo ay babagsak na parang kanais-nais na sisidlan!” Gaano man kanais-nais ang mga tagapamahalang ito sa tingin ng balakyot na sanlibutan, isang hampas lamang ng setrong bakal ng Hari ay sapat na upang magkabasag-basag sila, gaya ng pagdurog sa isang kaakit-akit na sisidlan. Magiging kagayang-kagaya ito ng inihula ni David hinggil sa Panginoong Jesus: “Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ Si Jehova sa iyong kanan ang dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Maglalapat siya ng kahatulan sa gitna ng mga bansa; pangyayarihin niyang mapuno ito ng mga bangkay.”—Awit 2:9, 12; 83:17, 18; 110:1, 2, 5, 6; Jeremias 25:34.
17. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang gagawing pagpuksa ng Mandirigmang-Hari? (b) Isalaysay ang ilang hula na nagpapakita kung gaano kalaking kapahamakan ang idudulot ng araw ng galit ng Diyos sa mga bansa.
17 Muling makikita ang makapangyarihang Mandirigmang-Haring ito sa susunod na eksena ng pangitain: “Niyuyurakan din niya ang pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 19:15b) Sa isang naunang pangitain, nakita na ni Juan ang pagyurak sa “pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” (Apocalipsis 14:18-20) Inilalarawan din ni Isaias ang isang mapamuksang pisaan ng ubas, at binabanggit ng iba pang propeta kung gaano kalaking kapahamakan ang idudulot ng araw ng galit ng Diyos sa lahat ng bansa.—Isaias 24:1-6; 63:1-4; Jeremias 25:30-33; Daniel 2:44; Zefanias 3:8; Zacarias 14:3, 12, 13; Apocalipsis 6:15-17.
18. Ano ang isinisiwalat ni propeta Joel hinggil sa paghatol ni Jehova sa lahat ng bansa?
18 Iniuugnay ng propetang si Joel ang isang pisaan ng ubas sa pagdating ni Jehova “upang hatulan ang lahat ng mga bansa sa palibot.” At si Jehova ang nag-uutos, malamang sa Kaniyang katulong na Hukom, si Jesus, at sa kaniyang makalangit na mga hukbo: “Isulong ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Pumarito kayo, lumusong kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas ay punô na. Ang mga pisaang tangke ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay dumami. Mga pulutong, mga pulutong ang nasa mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya. Ang araw at ang buwan ay tiyak na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag. At mula sa Sion ay uungal si Jehova, at mula sa Jerusalem ay ilalakas niya ang kaniyang tinig. At ang langit at ang lupa ay tiyak na uuga; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan, at tanggulan para sa mga anak ni Israel. At inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova na inyong Diyos.”—Joel 3:12-17.
19. (a) Paano masasagot ang tanong sa 1 Pedro 4:17? (b) Anong pangalan ang nakasulat sa panlabas na kasuutan ni Jesus, at bakit mapatutunayang angkop ito?
19 Tunay na magiging araw iyon ng lagim para sa masuwaying mga bansa at mga tao subalit magiging araw naman ng kaginhawahan para sa lahat ng nanganganlong kay Jehova at sa kaniyang Mandirigmang-Hari! (2 Tesalonica 1:6-9) Ang paghatol na nagsimula sa bahay ng Diyos noong 1918 ay sasapit na sa sukdulan nito bilang sagot sa tanong na nasa 1 Pedro 4:17: “Ano kaya ang magiging wakas niyaong mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?” Ganap na yuyurakan ng maluwalhating Nagtagumpay ang pisaan ng ubas, upang patunayan na siya ang dakilang Isa na tinutukoy ni Juan sa pagsasabing: “At sa kaniyang panlabas na kasuutan, maging sa kaniyang hita, ay may pangalan siyang nakasulat, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16) Pinatunayan niya na higit siyang makapangyarihan kaysa sinumang tagapamahala sa lupa, sinumang taong hari o panginoon. Hindi mapapantayan ang kaniyang dangal at karingalan. Sumasakay siya “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran” at lubusang nagtatagumpay! (Awit 45:4) Sa kaniyang kasuutang nawisikan ng dugo ay nakasulat ang pangalan na ipinagkaloob sa kaniya ng Soberanong Panginoong Jehova, bilang Kaniyang Tagapagbangong-Puri!
Ang Dakilang Hapunan ng Diyos
20. Paano inilalarawan ni Juan ang “dakilang hapunan ng Diyos,” na nagpapaalaala sa anong naunang hulang katulad nito?
20 Sa pangitain ni Ezekiel, matapos mapuksa ang pulutong ni Gog, ang mga ibon at mababangis na hayop ay inanyayahan sa isang piging! Nilinis nila ang lupain sa pamamagitan ng pagkain sa bangkay ng mga kaaway ni Jehova. (Ezekiel 39:11, 17-20) Malinaw na ipinaaalaala ng susunod na mga salita ni Juan ang naunang hulang iyon: “Nakita ko rin ang isang anghel na nakatayo sa araw, at sumigaw siya sa malakas na tinig at nagsabi sa lahat ng mga ibon na lumilipad sa kalagitnaan ng langit: ‘Halikayo rito, matipon kayo sa dakilang hapunan ng Diyos, upang inyong kainin ang mga kalamnan ng mga hari at ang mga kalamnan ng mga kumandante ng militar at ang mga kalamnan ng malalakas na tao at ang mga kalamnan ng mga kabayo at niyaong mga nakaupo sa kanila, at ang mga kalamnan ng lahat, ng mga taong laya at gayundin ng mga alipin at ng maliliit at ng malalaki.’”—Apocalipsis 19:17, 18.
21. Ano ang ipinahihiwatig ng (a) anghel na “nakatayo sa araw”? (b) pag-iwan sa mga patay na nakahandusay sa ibabaw ng lupa? (c) talaan niyaong ang mga bangkay ay maiiwang nakahandusay sa lupa? (d) pananalitang “dakilang hapunan ng Diyos”?
21 Ang anghel ay “nakatayo sa araw,” isang mataas na posisyon na makatatawag-pansin sa mga ibon. Inaanyayahan niya sila na magpakabusog sa laman niyaong mga pupuksain ng Mandirigmang-Hari at ng kaniyang makalangit na mga hukbo. Ang pag-iwan sa mga bangkay sa ibabaw ng lupa ay nagpapahiwatig na magiging pangmadlang kahihiyan ang kanilang pagkamatay. Gaya ni Jezebel noong unang panahon, hindi sila bibigyan ng marangal na libing. (2 Hari 9:36, 37) Iiwang nakahandusay ang bangkay ng mga hari, mga kumandante ng militar, malalakas na tao, mga taong laya, at mga alipin: ipinakikita ng talaang ito ang lawak ng gagawing pagpuksa. Walang eksepsiyon. Papawiin ang kahuli-hulihang bakas ng mapaghimagsik na sanlibutan na salansang kay Jehova. Pagkatapos nito, mawawala na ang maligalig na dagat ng magulong sangkatauhan. (Apocalipsis 21:1) Ito ang “dakilang hapunan ng Diyos,” yamang si Jehova ang nag-aanyaya sa mga ibon na makibahagi roon.
22. Paano binuod ni Juan ang mangyayari sa pangwakas na digmaan?
22 Binuod ni Juan ang mangyayari sa pangwakas na digmaan: “At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo na nagtipun-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo. At sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang bulaang propeta na nagsagawa sa harap niyaon ng mga tanda na ipinanligáw niya sa mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at sa mga nag-uukol ng pagsamba sa larawan nito. Samantalang buháy pa, sila ay kapuwa inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre. Ngunit ang iba ay pinatay sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo, na siyang tabak na lumalabas mula sa kaniyang bibig. At ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga kalamnan.”—Apocalipsis 19:19-21.
23. (a) Sa anong diwa paglalabanan ang “digmaan ng dakilang araw na iyon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa “Armagedon”? (b) Anong babala ang hindi pinakinggan ng “mga hari sa lupa,” at ano ang ibubunga nito?
23 Matapos ibuhos ang ikaanim na mangkok ng poot ni Jehova, iniulat ni Juan na “ang mga hari sa lupa at ng buong sanlibutan” ay tinipon ng makademonyong propaganda tungo sa “digmaan ng dakilang araw na iyon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Paglalabanan ito sa Armagedon—hindi isang literal na dako, kundi ang pangglobong situwasyon kung saan ilalapat ang hatol ni Jehova. (Apocalipsis 16:12, 14, 16, King James Version) Nakikita ngayon ni Juan ang mga hukbo. Hayun, nakahanay laban sa Diyos ang lahat ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” Mapagmatigas silang tumatangging magpasakop sa Haring itinalaga ni Jehova. Nagbigay siya ng sapat na babala sa kinasihang mensahe: “Hagkan ninyo ang anak, upang hindi . . . magalit [si Jehova] at hindi kayo malipol sa daan.” Yamang hindi sila nagpapasakop sa pamamahala ni Kristo, dapat silang mamatay.—Awit 2:12.
24. (a) Anong hatol ang ilalapat sa mabangis na hayop at sa bulaang propeta, at sa anong diwa “buháy pa” sila? (b) Bakit tiyak na makasagisag ang “lawa ng apoy”?
24 Ang mabangis na hayop mula sa dagat na may pitong ulo at sampung sungay, na kumakatawan sa pulitikal na organisasyon ni Satanas, ay ililibing sa limot kasama na ang bulaang propeta, ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig. (Apocalipsis 13:1, 11-13; 16:13) Samantalang “buháy” pa, o samantalang nagkakaisang sumasalansang sa bayan ng Diyos sa lupa, ihahagis sila sa “lawa ng apoy.” Literal ba ang lawang ito ng apoy? Hindi, kung paanong hindi literal na mga hayop ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta. Sa halip, sagisag ito ng lubusan at pangwakas na pagkapuksa. Sa dakong huli, dito ibubulid ang kamatayan at ang Hades, pati na ang Diyablo mismo. (Apocalipsis 20:10, 14) Tiyak na hindi ito isang impiyerno ng walang-hanggang pagpapahirap para sa mga balakyot, yamang ang ideya pa lamang hinggil sa ganitong dako ay karima-rimarim na kay Jehova.—Jeremias 19:5; 32:35; 1 Juan 4:8, 16.
25. (a) Sino ang mga “pinatay sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo”? (b) Aasahan ba natin na bubuhayin pang muli yaong mga “pinatay”?
25 Ang lahat ng iba pa na hindi naman tuwirang bahagi ng pamahalaan, subalit bahagi ng masamang sanlibutan ng sangkatauhan na ayaw nang magbago pa, ay ‘papatayin din sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo.’ Hahatulan sila ni Jesus bilang karapat-dapat sa kamatayan. Yamang hindi binabanggit ang lawa ng apoy may kaugnayan sa kanila, aasahan ba natin na bubuhayin pa silang muli? Wala tayong mababasa na ang mga pupuksain ng Hukom na inatasan ni Jehova sa panahong iyon ay bubuhaying muli. Gaya ng sinabi mismo ni Jesus, ang lahat ng hindi kabilang sa “mga tupa” ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” samakatuwid nga, ‘tungo sa walang-hanggang pagkalipol.’ (Mateo 25:33, 41, 46) Ito ang magiging kasukdulan ng “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:7; Nahum 1:2, 7-9; Malakias 4:1.
26. Sabihin sa maikli kung ano ang kalalabasan ng Armagedon.
26 Sa ganitong paraan magwawakas ang buong makalupang organisasyon ni Satanas. Ang “dating langit” ng pulitikal na pamamahala ay lumipas na. Ang “lupa,” ang waring di-matitinag na sistemang itinatag ni Satanas sa paglipas ng maraming siglo, ay lubusan na ngayong wasak. Ang “dagat,” ang kalipunan ng balakyot na sangkatauhan na salansang kay Jehova, ay wala na. (Apocalipsis 21:1; 2 Pedro 3:10) Subalit ano ang gagawin ni Jehova kay Satanas mismo? Sasabihin ito sa atin ni Juan.