Huwag “Matinag Mula sa Inyong Katinuan”!
“Mga kapatid, . . . hinihiling namin sa inyo na huwag kayong madaling matinag mula sa inyong katinuan.”—2 TES. 2:1, 2.
1, 2. Bakit napakalaganap ngayon ng panlilinlang? Sa anu-anong paraan ito ikinakalat? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)
NAPAKALAGANAP ngayon ng pandaraya at panlilinlang. Pero hindi natin ito dapat ipagtaka. Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na si Satanas na Diyablo ay isang pusakal na manlilinlang, at siya ang tagapamahala ng sistemang ito. (1 Tim. 2:14; 1 Juan 5:19) Habang papalapít tayo sa katapusan ng napakasamang sanlibutang ito, lalong tumitindi ang galit ni Satanas dahil “maikling yugto ng panahon” na lang ang natitira sa kaniya. (Apoc. 12:12) Kaya naman aasahan nating magiging mas mapanlinlang ang mga naiimpluwensiyahan ng Diyablo, lalo na may kinalaman sa mga nagtataguyod ng tunay na pagsamba.
2 Kung minsan, ang mga kasinungalingan at nagliligaw na ulat tungkol sa mga lingkod ni Jehova at sa mga paniniwala nila ay itinatampok sa media. Ang mga headline sa diyaryo, dokumentaryo sa telebisyon, at mga Web page ay ginagamit para ikalat ang maling mga impormasyong iyon. Bilang resulta, ang ilan ay naiinis o nagagalit pa nga dahil naniniwala sila agad sa gayong mga kasinungalingan.
3. Ano ang makatutulong sa atin para hindi tayo malinlang?
3 Mabuti na lang at mapoprotektahan natin ang ating sarili laban sa taktikang ito ng kaaway. Para hindi tayo malinlang, taglay natin ang Bibliya, na “kapaki-pakinabang . . . sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Tim. 3:16) Sa mga isinulat ni apostol Pablo, mapapansin na ang ilang Kristiyano sa Tesalonica noong unang siglo ay naniwala sa mga kasinungalingan at nailigaw. Hinimok niya sila na ‘huwag maging madaling matinag mula sa kanilang katinuan.’ (2 Tes. 2:1, 2) Anu-anong aral ang matututuhan natin sa maibiging paalaala ni Pablo, at paano natin ito maikakapit?
NAPAPANAHONG MGA BABALA
4. Paano binabalaan ang mga Kristiyano sa Tesalonica tungkol sa pagdating ng “araw ni Jehova”? Paano naman tayo binababalaan?
4 Sa unang liham ni Pablo sa kongregasyon sa Tesalonica, itinawag-pansin niya ang pagdating ng “araw ni Jehova.” Hindi niya gustong sa pagdating nito, ang kaniyang mga kapatid ay nasa kadiliman at di-handa. Kaya hinimok niya sila na bilang “mga anak ng liwanag,” ‘manatili silang gising at panatilihin ang kanilang katinuan.’ (Basahin ang 1 Tesalonica 5:1-6.) Sa ngayon, hinihintay natin ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ito ang magsisilbing hudyat na nagsimula na ang dakilang araw ni Jehova. Nagpapasalamat tayo na mas nauunawaan na natin kung paano matutupad ang layunin ni Jehova. At sa pamamagitan ng kongregasyon, regular tayong tumatanggap ng napapanahong mga paalaala para mapanatili ang ating katinuan. Kung makikinig tayo sa paulit-ulit na mga babalang ito, titibay ang determinasyon natin na mag-ukol sa Diyos ng “sagradong paglilingkod taglay ang [ating] kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1.
5, 6. (a) Ano ang itinawag-pansin ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica? (b) Ano ang malapit nang gawin ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus? Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
5 Di-nagtagal matapos ipadala ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, nagpadala siya ng ikalawang liham. Itinawag-pansin niya ang tungkol sa magaganap na kapighatian kapag inilapat na ng Panginoong Jesus ang hatol ni Jehova “doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.” (2 Tes. 1:6-8) Sa kabanata 2 ng liham na iyon, isinulat ni Pablo na ang ilan sa kongregasyon ay ‘nabagabag’ tungkol sa araw ni Jehova anupat inakala nilang napakalapit na nito. (Basahin ang 2 Tesalonica 2:1, 2.) Limitado pa lang ang alam ng mga Kristiyanong iyon tungkol sa katuparan ng layunin ni Jehova, gaya nga ng inamin ni Pablo tungkol sa mga hula: “Mayroon tayong bahagyang kaalaman at nanghuhula tayo nang bahagya; ngunit kapag yaong ganap ay dumating, yaong bahagya ay aalisin.” (1 Cor. 13:9, 10) Pero makapananatiling tapat ang mga Kristiyanong iyon kung makikinig sila sa mga kinasihang babala na isinulat ni Pablo, ni apostol Pedro, at ng iba pang tapat na pinahirang kapatid noong panahong iyon.
6 Para ituwid ang kanilang kaisipan, si Pablo ay kinasihan ng Diyos para ipaliwanag na bago ang araw ni Jehova, magkakaroon ng malaking apostasya at lilitaw “ang taong tampalasan.”a Pagkatapos, sa takdang panahon ng Diyos, “papawiin” ng Panginoong Jesus ang lahat ng nagpalinlang. Tinukoy ng apostol ang dahilan kung bakit sila hahatulan—“hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan.” (2 Tes. 2:3, 8-10) Kaya makabubuting itanong natin sa sarili: ‘Gaano kalalim ang pag-ibig ko sa katotohanan? Umaalinsabay ba ako sa kasalukuyan nating pagkaunawa sa mga turo ng Bibliya na ipinaliliwanag sa magasing ito at sa iba pang salig-Bibliyang publikasyon para sa bayan ng Diyos sa buong daigdig?’
MAGING MATALINO SA PAGPILI NG MGA KASAMA
7, 8. (a) Ano ang ilang panganib para sa mga Kristiyano noon? (b) Ano ang malaking panganib para sa mga tunay na Kristiyano ngayon?
7 Bukod sa turo ng mga apostata, may iba pang panganib na haharapin ang mga Kristiyano. Sa liham ni Pablo kay Timoteo, sinabi niyang “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Itinawag-pansin niya na “sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Tim. 6:10) “Ang mga gawa ng laman” ay isa pa ring panganib para sa mga Kristiyano.—Gal. 5:19-21.
8 Gayunman, mariing binabalaan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica tungkol sa panganib na dulot ng mga taong tinawag niyang “mga bulaang apostol.” Ang ilan sa kanila ay ‘nagsasalita ng mga bagay na pilipit para ilayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ (2 Cor. 11:4, 13; Gawa 20:30) Nang maglaon, pinuri ni Jesus ang kongregasyon sa Efeso dahil hindi nila kinukunsinti ang “masasamang tao.” ‘Inilalagay nila sa pagsubok’ ang mga indibiduwal na sa katunayan ay mga bulaang apostol at mga sinungaling. (Apoc. 2:2) Kapansin-pansin na sa ikalawang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, pinayuhan niya sila: “Ngayon ay binibigyan namin kayo ng mga utos, mga kapatid, sa pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo, na lumayo sa bawat kapatid na lumalakad nang walang kaayusan.” Pagkatapos, espesipiko niyang binanggit ang mga Kristiyanong “ayaw magtrabaho.” (2 Tes. 3:6, 10) Kaya nga kung ang mga ito ay maituturing na lumalakad nang walang kaayusan, mas lalo na ang mga lumilihis patungo sa apostasya! Oo, ang malapít na pakikisama sa gayong mga indibiduwal noon ay lubhang mapanganib at dapat iwasan—at totoo rin iyan ngayon.—Kaw. 13:20.
9. Bakit dapat tayong mag-ingat laban sa sinumang gumagawa ng mga espekulasyon o namumuna?
9 Malapit na ang malaking kapighatian at ang katapusan ng napakasamang sistemang ito, kaya mas dapat nating bigyang-pansin ngayon ang kinasihang mga babala noong unang siglo. Tiyak na ayaw nating “sumala sa layunin” ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at maiwala ang ating pag-asang buhay na walang hanggan, sa langit man iyon o sa lupa. (2 Cor. 6:1) Kung may sinumang dumadalo sa ating mga pulong na makikipag-usap sa atin tungkol sa mga personal na espekulasyon o pamumuna, dapat tayong mag-ingat.—2 Tes. 3:13-15.
“LAGI KAYONG MANGHAWAKAN SA MGA TRADISYON”
10. Anong mga tradisyon ang dapat panghawakan ng mga Kristiyano sa Tesalonica?
10 Hinimok ni Pablo ang mga kapatid sa Tesalonica na ‘tumayong matatag’ at manatili sa mga natutuhan nila. (Basahin ang 2 Tesalonica 2:15.) Ano ang “mga tradisyon” na itinuro sa kanila? Tiyak na hindi ito ang mga tradisyong pinanghahawakan at itinataguyod ng huwad na relihiyon bilang kasinghalaga ng mga nasa Kasulatan. Sa halip, ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga turong tinanggap niya at ng iba pa mula kay Jesus pati na ang mga ipinasulat ng Diyos sa apostol, na ang karamihan ay naging bahagi ng kinasihang Kasulatan. Pinuri ni Pablo ang mga kapatid sa kongregasyon sa Corinto dahil, ayon sa kaniya, “sa lahat ng bagay ay isinasaisip ninyo ako at pinanghahawakan ninyong mahigpit ang mga tradisyon gaya nga ng ibinigay ko sa inyo.” (1 Cor. 11:2) Mapananaligan ang pinagmulan ng gayong mga turo kaya mapagkakatiwalaan ang mga ito.
11. Paano maaaring maapektuhan ang ilan kapag nalinlang sila?
11 Nang sumulat si Pablo sa mga Hebreo, itinawag-pansin niya ang dalawang paraan kung paano maaaring mawalan ng pananampalataya ang isang Kristiyano at hindi makatayong matatag. (Basahin ang Hebreo 2:1; 3:12.) May binanggit siyang ‘pagkaanod papalayo’ at “paglayo.” Ang isang bangka ay maaaring unti-unting maanod papalayo sa pampang ng ilog. Pero maaari ding sadyain ng isa na itulak ang kaniyang bangka palayo sa pampang. Ipinakikita ng dalawang halimbawang ito ang maaaring mangyari sa ilan kapag hinayaan nilang malinlang sila at humina ang kanilang tiwala sa katotohanan.
12. Sa panahong ito, anu-ano ang maaaring magpahina ng ating espirituwalidad?
12 Maaaring ganiyan ang nangyari sa ilang taga-Tesalonica. Posible bang mangyari din iyan ngayon? Maraming puwedeng makaaksaya ng ating panahon. Isip-isipin kung gaano karaming oras ang nauubos sa mga social network, pagbabasa at pagsagot sa mga electronic message, mga hobby, at sobrang pagkahilig sa isport. Alinman sa mga ito ay maaaring maging panggambala sa isang Kristiyano at magpahina ng kaniyang sigasig. Ang resulta? Baka mawalan na siya ng sapat na panahon para manalangin nang taos-puso, mag-aral ng Salita ng Diyos, dumalo sa pulong, at mangaral ng mabuting balita. Ano ang magagawa natin para huwag tayong matinag mula sa ating katinuan?
PROTEKSIYON PARA HUWAG MATINAG
13. Gaya ng inihula, ano ang saloobin ng marami sa ngayon? Ano ang makatutulong para maprotektahan natin ang ating pananampalataya?
13 Dapat nating tandaan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” at na mapanganib ang pakikisama sa mga ayaw maniwala rito. Isinulat ni apostol Pedro tungkol sa ating panahon: “Darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’” (2 Ped. 3:3, 4) Ang araw-araw na pagbabasa at regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na laging isaisip na nasa “mga huling araw” na tayo. Matagal nang lumitaw ang inihulang apostasya at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. “Ang taong tampalasan” ay narito pa rin at sumasalansang sa mga lingkod ng Diyos. Kaya naman kailangan nating maging mapagbantay at laging isaisip na malapit na ang araw ni Jehova.—Zef. 1:7.
14. Paano nagsisilbing proteksiyon ang pagiging abala sa paglilingkod sa Diyos?
14 Napatunayan nang napakahalaga ng regular na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian para makapanatiling mapagbantay ang isa at hindi matinag mula sa kaniyang katinuan. Kaya nang utusan ni Kristo Jesus, na Ulo ng kongregasyon, ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa at ituro sa kanila na tuparin ang mga itinuro niya, nagbibigay siya ng payo na magsisilbing proteksiyon ng kaniyang mga tagasunod. (Mat. 28:19, 20) Para masunod ito, kailangan nating maging masigasig sa pangangaral. Sa palagay mo, basta na lang ba nangaral at nagturo ang mga kapatid sa Tesalonica dahil lamang sa obligasyon nila iyon? Alalahanin ang sinabi ni Pablo sa kanila: “Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu. Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula.” (1 Tes. 5:19, 20) Hindi ba’t kapana-panabik ang mga hulang pinag-aaralan natin at sinasabi sa iba?
15. Ano ang ilang bagay na maaari nating talakayin sa ating pagsamba bilang pamilya?
15 Siyempre pa, gusto nating tulungan ang ating pamilya na sumulong bilang mga mángangarál. Para magawa ito, isinasama ng maraming kapatid sa kanilang pagsamba bilang pamilya ang pagsasanay para sa ministeryo. Maaaring makatulong sa mga miyembro ng pamilya ang pagtalakay kung paano dadalaw-muli sa mga interesado. Ano ang ipakikipag-usap nila? Sa anong mga paksa kaya malamang na maging interesado ang maybahay? Kailan magandang dumalaw-muli? Isinasama rin ng maraming kapatid sa kanilang pagsamba bilang pamilya ang paghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon. Mapasusulong mo pa ba ang iyong paghahanda para makabahagi sa mga pulong? Ang gayong pakikibahagi ay magpapatibay ng iyong pananampalataya at tutulong para hindi ka matinag mula sa iyong katinuan. (Awit 35:18) Oo, ang pagsamba bilang pamilya ay isang proteksiyon laban sa mga espekulasyon at pag-aalinlangan.
16. Ano ang nag-uudyok sa mga pinahirang Kristiyano na iwasang matinag mula sa kanilang katinuan?
16 Sa nagdaang mga panahon, tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na higit na maunawaan ang mga hula ng Bibliya. Kaya naman nakatitiyak tayo na isang kamangha-manghang gantimpala ang naghihintay sa atin sa hinaharap. Ang mga pinahiran ay may pag-asang mabuhay sa langit kasama ni Kristo. Isa ngang napakagandang dahilan para iwasan nilang matinag mula sa kanilang katinuan! Tungkol sa kanila, nadarama natin ang gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Pananagutan namin na laging pasalamatan ang Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na iniibig ni Jehova, sapagkat pinili kayo ng Diyos . . . sa pamamagitan ng pagpapabanal sa inyo sa espiritu at sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa katotohanan.”—2 Tes. 2:13.
17. Paano ka napatitibay ng mga pananalita sa 2 Tesalonica 3:1-5?
17 Gaya ng mga pinahiran, ang mga umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa ay dapat ding magsikap na huwag matinag mula sa kanilang katinuan. Kung isa ka sa kanila, isapuso ang maibiging pampatibay na isinulat ni Pablo para sa mga kapuwa niya pinahiran sa Tesalonica. (Basahin ang 2 Tesalonica 3:1-5.) Dapat nating lubos na pahalagahan ang mga pananalitang iyan. Oo, ang mga liham sa mga taga-Tesalonica ay nagbibigay ng mahahalagang babala laban sa espekulasyon o mga kuwestiyunableng ideya. Dahil napakalapit na ng wakas, talagang ipinagpapasalamat ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga babalang ito.
a Sa Gawa 20:29, 30, sinabi ni Pablo na mula mismo sa mga kongregasyong Kristiyano, “may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” Pinatutunayan ng kasaysayan na nang maglaon, nagsimula nang magkaroon ng uring klero at uring lego. Pagsapit ng ikatlong siglo C.E., naging malinaw na kung sino ang “taong tampalasan”—ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan bilang isang grupo.—Tingnan ang Bantayan, Pebrero 1, 1990, pahina 10-14.