Organisado Kaayon ng Sariling Aklat ng Diyos
“Itinatag ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng karunungan. Ang langit ay inilagay niya nang matibay sa pamamagitan ng kaunawaan.”—KAW. 3:19.
1, 2. (a) Ano ang sinasabi ng ilan sa ideya na may organisasyon ang Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
MAY organisasyon ba ang Diyos? “Hindi mo kailangang umugnay sa isang organisasyon,” baka isagot ng ilan. “Ang kailangan mo lang ay personal na kaugnayan sa Diyos.” Tama ba iyan? Ano ba ang totoo?
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga ebidensiya na si Jehova, na Diyos ng kaayusan, ang siyang pinakamahusay na Organisador. Tatalakayin din natin kung paano tayo dapat tumugon sa patnubay mula sa organisasyon ni Jehova. (1 Cor. 14:33, 40) Noong unang siglo C.E. at sa panahon natin, natulungan ng Kasulatan ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova na isagawa ang napakalawak na pangangaral ng mabuting balita. Dahil sinusunod natin ang Bibliya at ang mga tagubilin mula sa organisasyon, naitataguyod natin ang kalinisan, kapayapaan, at pagkakaisa ng buong kongregasyon.
SI JEHOVA, ANG PINAKAMAHUSAY NA ORGANISADOR
3. Bakit ka kumbinsido na si Jehova ang pinakamahusay na Organisador?
3 Pinatutunayan ng paglalang na si Jehova ang pinakamahusay na Organisador. “Itinatag ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng karunungan,” ang sabi ng Bibliya. “Ang langit ay inilagay niya nang matibay sa pamamagitan ng kaunawaan.” (Kaw. 3:19) Ang alam lang natin ay “mga gilid ng kaniyang mga daan” at “bulong lamang . . . ang narinig” natin tungkol sa Diyos. (Job 26:14) Pero kahit kaunti lang ang nalalaman natin tungkol sa mga planeta, bituin, at mga galaksi, alam nating napakaorganisado ng mga bagay na ito. (Awit 8:3, 4) Ang mga galaksi ay binubuo ng milyon-milyong bituin, na lahat ay gumagalaw sa kalawakan sa maayos na paraan. At ang mga planeta sa ating solar system ay umiikot sa palibot ng araw na para bang sumusunod sa batas-trapiko! Tiyak na ang kamangha-manghang kaayusang ito sa uniberso ay ebidensiya na karapat-dapat si Jehova sa ating papuri, katapatan, at pagsamba dahil siya ang “lumikha ng mga langit” at ng lupa “sa pamamagitan ng unawa.”—Awit 136:1, 5-9.
4. Bakit hindi masagot ng siyensiya ang maraming tanong?
4 Marami nang nadiskubre ang siyensiya tungkol sa uniberso at sa lupa, at marami na rin itong naitulong sa ating buhay. Pero maraming katanungan ang hindi kayang sagutin ng siyensiya. Halimbawa, hindi maipaliwanag ng mga astronomo kung paano eksaktong umiral ang uniberso o kung bakit tayo narito sa planetang Lupa kasama ng maraming iba pang nilikha. Hindi rin maipaliwanag ng karamihan kung bakit gusto ng mga tao na mabuhay magpakailanman. (Ecles. 3:11) Bakit maraming importanteng tanong ang hindi masagot? Dahil maraming siyentipiko at iba pa ang nagpapalaganap ng ideya na walang Diyos at nagtataguyod sa teoriya ng ebolusyon. Pero sa sariling Aklat niya, sinasagot ni Jehova ang mga tanong na bumabagabag sa puso ng mga tao.
5. Sa anong mga paraan tayo nakadepende sa mga batas ng kalikasan?
5 Nakadepende tayo sa di-nagbabago at maaasahang mga batas ng kalikasan na itinatag ni Jehova. Ang mga elektrisyan, tubero, inhinyero, piloto, at mga siruhano ay nakadepende sa mga batas na ito para magawa ang kanilang trabaho. Halimbawa, dahil pare-pareho ang lugar ng mga organ sa katawan ng tao, hindi kailangang hanapin ng siruhano kung nasaan ang puso ng pasyente. Nirerespeto rin natin ang mga batas ng kalikasan. Puwede nating ikamatay kung lalabagin natin ang batas ng grabidad!
INORGANISA NG DIYOS
6. Bakit dapat nating asahan na magiging organisado ang mga mananamba ni Jehova?
6 Kahanga-hanga ang pagkakaorganisa sa uniberso. Kaya dapat nating asahan na gusto ni Jehova na maging organisado ang kaniyang mga mananamba. Ito ang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang Bibliya para maging gabay natin. Kung wala ang tulong ng organisasyon ng Diyos at ng kaniyang mga pamantayan, magiging miserable tayo at hindi maligaya.
7. Ano ang nagpapakita na ang Bibliya ay isang napakaorganisadong aklat?
7 Ang Bibliya ay hindi lang basta pinagsama-samang literatura ng mga Judio at ng mga Kristiyano. Napakaorganisadong aklat nito—isang obra maestra ng Diyos. Ang bawat aklat ng Bibliya ay magkakaugnay. Nakahabi mula Genesis hanggang Apocalipsis ang pangunahing tema ng Bibliya—ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang katuparan ng layunin niya sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang ipinangakong “binhi.”—Basahin ang Genesis 3:15; Mateo 6:10; Apocalipsis 11:15.
8. Bakit natin masasabi na napakaorganisado ng mga Israelita?
8 Ang sinaunang Israel ay huwaran sa pagiging organisado. Halimbawa, sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, may mga “babae na nagsagawa ng organisadong paglilingkod sa pasukan ng tolda ng kapisanan.” (Ex. 38:8) Organisado rin ang paglilipat ng mga Israelita ng kampo at ng tabernakulo. Nang maglaon, inorganisa ni Haring David sa mga pangkat ang mga Levita at mga saserdote. (1 Cro. 23:1-6; 24:1-3) At kapag sinusunod ng mga Israelita si Jehova, pinagpapala sila ng kaayusan, kapayapaan, at pagkakaisa.—Deut. 11:26, 27; 28:1-14.
9. Ano ang nagpapakita na organisado ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano?
9 Organisado ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano, at nakinabang ito sa patnubay ng lupong tagapamahala, na sa pasimula ay binubuo ng mga apostol. (Gawa 6:1-6) Nang maglaon, may iba pang mga lalaki na idinagdag sa lupong tagapamahalang iyon. (Gawa 15:6) Ang mga payo at tagubilin ay itinatawid din sa pamamagitan ng mga kinasihang liham na isinulat ng mga miyembro ng lupong tagapamahala o ng malalapít na kasamahan nila. (1 Tim. 3:1-13; Tito 1:5-9) Paano nakinabang ang mga kongregasyon sa pagsunod sa patnubay ng lupong tagapamahala?
10. Ano ang resulta ng pagsunod ng unang-siglong mga kongregasyon sa mga tuntuning naipasiya ng lupong tagapamahala? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Basahin ang Gawa 16:4, 5. Mga lalaking naglalakbay bilang kinatawan ng lupong tagapamahala ang nagtatawid ng “mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem.” Dahil sinunod ng mga kongregasyon ang mga tuntuning ito, sila ay “patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.” May aral ba tayong matututuhan dito bilang bahagi ng organisasyon ng Diyos ngayon?
SUMUSUNOD KA BA SA MGA TAGUBILIN?
11. Paano dapat tumugon ang hinirang na mga brother sa mga tagubilin mula sa organisasyon ng Diyos?
11 Ano ang dapat gawin ng mga miyembro ng mga Komite ng Sangay o Komite ng Bansa, mga tagapangasiwa ng sirkito, at mga elder sa kongregasyon kapag nakatanggap sila ng tagubilin mula sa organisasyon ng Diyos ngayon? Sinasabihan tayo ng sariling Aklat ni Jehova na maging masunurin at mapagpasakop. (Deut. 30:16; Heb. 13:7, 17) Walang dako sa organisasyon ng Diyos ang pagiging mapamuna o rebelyoso dahil ang gayong mga saloobin ay makasisira sa pag-ibig, kapayapaan, at pagkakaisa ng mga kongregasyon. Siyempre pa, hindi gugustuhing tularan ng isang tapat na Kristiyano ang kawalang-galang at kawalang-katapatan ni Diotrepes. (Basahin ang 3 Juan 9, 10.) Tanungin ang sarili: ‘Nakatutulong ba ako sa espirituwalidad ng mga nakapaligid sa akin? Agad ko bang tinatanggap at sinusuportahan ang mga tagubilin ng mga brother na inatasang manguna?’
12. Anong pagbabago ang ginawa sa paghirang sa mga elder at ministeryal na lingkod?
12 Pag-isipan ang isang desisyon ng Lupong Tagapamahala kamakailan. Ipinakikita sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Nobyembre 15, 2014, ang pagbabago sa paghirang sa mga elder at ministeryal na lingkod. Binanggit ng artikulong iyon na noong unang siglo, binigyang-awtoridad ng lupong tagapamahala ang mga naglalakbay na tagapangasiwa na gumawa ng gayong paghirang. Kaya mula noong Setyembre 1, 2014, mga tagapangasiwa ng sirkito na ang humihirang ng mga elder at ministeryal na lingkod. Sinisikap ng tagapangasiwa ng sirkito na kilalanin ang mga brother na inirerekomenda at makasama sila sa ministeryo kung posible. Inoobserbahan din niya ang pamilya ng brother na inirerekomenda. (1 Tim. 3:4, 5) Maingat na isinasaalang-alang ng lupon ng matatanda at ng tagapangasiwa ng sirkito ang makakasulatang kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod at elder.—1 Tim. 3:1-10, 12, 13; 1 Ped. 5:1-3.
13. Paano natin maipakikita ang ating suporta sa tagubilin mula sa mga elder?
13 Dapat nating sundin ang salig-Bibliyang tagubilin mula sa mga elder. Ang tapat na mga pastol na ito sa organisasyon ng Diyos ay ginagabayan ng “nakapagpapalusog na mga salita”—mabuti at kapaki-pakinabang na mga tagubilin mula sa sariling Aklat ng Diyos. (1 Tim. 6:3) Alalahanin ang payo ni Pablo tungkol sa “mga lumalakad nang walang kaayusan” sa kongregasyon. Ang ilan ay “walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.” Maliwanag na binabalaan na sila ng mga elder pero ipinagwalang-bahala pa rin nila ang payo. Paano dapat pakitunguhan ng kongregasyon ang gayong tao? Sinabi ni Pablo: “Panatilihin ninyong markado ang isang ito, huwag na kayong makisama sa kaniya.” Pero hindi dapat pakitunguhan ang taong iyon na parang kaaway. (2 Tes. 3:11-15) Sa ngayon, ang mga elder ay maaaring magbigay ng pahayag bilang babala kapag may indibiduwal na nagpapatuloy sa isang landasing nakasisira sa reputasyon ng kongregasyon, gaya ng pakikipag-date sa di-kapananampalataya. (1 Cor. 7:39) Paano ka tutugon kapag nagbigay ng gayong pahayag ang mga elder? Kung alam mo ang sitwasyong inilalarawan sa pahayag, iiwasan mo ba ang pakikihalubilo sa indibiduwal na iyon? Ang maibiging pagmamalasakit mo at matatag na paninindigan ay malamang na mag-udyok sa taong iyon na iwan ang kaniyang paggawing wala sa ayos.[1]
PANATILIHIN ANG KALINISAN, KAPAYAPAAN, AT PAGKAKAISA
14. Paano tayo makatutulong sa kalinisan ng kongregasyon?
14 Makatutulong tayo sa espirituwal na kalinisan ng kongregasyon kung susundin natin ang patnubay ng Salita ng Diyos. Pag-isipan ang sitwasyon sa sinaunang Corinto. Nagpagal nang husto si Pablo sa pangangaral sa lunsod na iyon, at mahal niya ang kaniyang kapuwa “mga banal” doon. (1 Cor. 1:1, 2) Kaya siguradong masakit sa kaniya nang mabalitaan niya ang seksuwal na imoralidad na hinahayaan lang sa kongregasyong iyon! Sinabi ni Pablo sa matatanda roon na ibigay ang imoral na taong iyon kay Satanas—sa ibang salita, itiwalag siya. Para mapanatili ang kadalisayan ng kongregasyon, kailangang alisin ng mga elder ang “lebadura.” (1 Cor. 5:1, 5-7, 12) Kapag sinusuportahan natin ang desisyon ng mga elder na itiwalag ang isang di-nagsisising nagkasala, nakatutulong tayo na mapanatili ang kalinisan ng kongregasyon at baka maudyukan ang taong iyon na magsisi at humingi ng kapatawaran kay Jehova.
15. Paano natin mapananatili ang kapayapaan sa kongregasyon?
15 May isa pang problema sa Corinto noon. Idinedemanda ng ilang kapatid ang mga kapananampalataya nila. Tinanong sila ni Pablo: “Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali?” (1 Cor. 6:1-8) Nangyayari din iyan sa panahon natin. Minsan, nasisira ang kapayapaan sa gitna ng mga kapatid na magkasosyo sa negosyo kapag nalugi ito o may akusasyon ng pandaraya. Idinedemanda ng ilan ang kanilang kapatid, pero tinutulungan tayo ng sariling Aklat ng Diyos na makita na mas mabuting malugi kaysa sa masira ang pangalan ng Diyos o ang kapayapaan ng kongregasyon.[2] Para malutas ang seryosong mga problema at alitan, dapat nating ikapit ang payo ni Jesus. (Basahin ang Mateo 5:23, 24; 18:15-17.) Kung gagawin natin iyan, maitataguyod natin ang pagkakaisa sa pamilya ng mga mananamba ni Jehova.
16. Bakit dapat nating asahan na magkakaisa ang bayan ng Diyos?
16 Ipinakikita ng sariling Aklat ni Jehova na magkakaisa ang kaniyang bayan. Umawit ang salmista: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1) Kapag sinusunod ng mga Israelita si Jehova, nagiging organisado sila at nagkakaisa. Inihula ng Diyos tungkol sa kaniyang bayan: “Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural.” (Mik. 2:12) Inihula rin ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Zefanias: “Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika [ng katotohanan sa Kasulatan], upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan,” o sambahin siya nang may pagkakaisa. (Zef. 3:9) Ipinagpapasalamat natin ang pribilehiyong sambahin si Jehova nang may pagkakaisa!
17. Para mapanatili ang pagkakaisa at kalinisan ng isang kongregasyon, paano dapat asikasuhin ng mga elder ang mga kaso ng pagkakasala?
17 Para mapanatili ang pagkakaisa at kalinisan ng isang kongregasyon, dapat asikasuhin agad ng mga elder ang hudisyal na mga bagay sa maibiging paraan. Alam ni Pablo na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lang nakasalig sa emosyon, at hindi Siya nagbubulag-bulagan sa kasalanan. (Kaw. 15:3) Kaya hindi nag-atubili si Pablo na isulat ang Unang Corinto, isang mapuwersa pero maibiging liham. Ipinakikita naman ng Ikalawang Corinto, isinulat pagkalipas ng ilang buwan, na nagkaroon ng pagsulong dahil sinunod ng matatanda ang payo ng apostol. Kung makagawa ang isang Kristiyano ng maling hakbang bago niya mabatid ito, dapat sikapin ng mga kuwalipikadong lalaki na ibalik siya sa ayos sa espiritu ng kahinahunan.—Gal. 6:1.
18. (a) Paano nakatulong sa unang-siglong mga kongregasyon ang payo mula sa Salita ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Noong unang siglo, ang kinasihang payo sa sariling Aklat ng Diyos ay nakatulong sa mga Kristiyano sa Corinto at sa iba pang lugar na mapanatili ang kalinisan, kapayapaan, at pagkakaisa ng kanilang mga kongregasyon. (1 Cor. 1:10; Efe. 4:11-13; 1 Ped. 3:8) Dahil dito, maraming naisagawa sa ministeryo ang mga kapatid noon. Sinabi pa nga ni Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Col. 1:23) Sa ngayon, naipalalaganap sa buong mundo ang kaalaman tungkol sa magagandang layunin ng Diyos dahil sa pangangaral ng mga kabilang sa isang nagkakaisang organisasyon. Sa susunod na artikulo, makikita natin ang karagdagang patotoo na mataas ang pagpapahalaga nila sa Bibliya at determinado silang parangalan ang Soberanong Panginoong Jehova.—Awit 71:15, 16.
^ [1] (parapo 13) Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, p. 134-136.
^ [2] (parapo 15) Para sa impormasyon tungkol sa mga sitwasyon kung saan baka magpasiya ang isang Kristiyano na idemanda ang isang kapuwa Kristiyano, tingnan ang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, p. 223, tlb.