Tapat na Paggawa Kasama ni Jehova
“Oh Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan patuloy, at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.”—AWIT 71:17.
1. Bakit masasabi natin na ang trabaho ay isang kaloob buhat kay Jehova?
ANG paggawa ay isa sa mga kaloob ng Diyos sa tao. Ang ating unang-unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay sinabihan ni Jehova: “Kalatan ninyo ang lupa at inyong supilin.” Iyan ay isang hamon bilang isang atas na gawain ngunit abot naman ng kanilang kakayahan na gawin. Ang paggamit nila ng lakas ng pangangatawan at kakayahan ng isip ay makadaragdag sa kanilang kagalakan sa pamumuhay, higit pa sa anumang nararanasan ng mga hayop na kasama nila sa kanilang makalupang tahanan.—Genesis 1:28.
2, 3. (a) Para sa marami sa ngayon, naging ano ang trabaho, at bakit? (b) Anong pagkakataon na gawin ang isang pantanging gawain ang kailangan nating isaalang-alang?
2 Maging sa ating kalagayang di-sakdal, ang “puspusang paggawa” na nagbubunga ng “mabuti” ay “kaloob ng Diyos,” gaya ng isinulat ng pantas na taong si Solomon. (Eclesiastes 3:13) Kailangan pa rin ng tao na gamitin ang kaniyang mga pakultad ng isip at katawan. Nakalulungkot ang ikaw ay walang trabaho. Gayunman, hindi lahat ng gawain ay nakasisiya o karapat-dapat. Para sa marami, ang trabaho ay naging nakababagot, kailangang gawin upang may ikabuhay.
3 Gayunman, may isang talagang nakasisiyang gawain na ipinag-aanyaya sa lahat upang kanilang lahukan. Subalit maraming mga mananalansang at mga suliranin na dapat madaig ng mga makikibahagi rito. Bakit nga ba mahalaga na tayo’y maging kuwalipikado para sa gawaing ito? Papaano tayo nagiging kuwalipikado? Bago sagutin ang mga tanong na ito, isaalang-alang muna natin:
Ukol Kanino ba Tayo Gumagawa?
4. Anong uri ng gawain ang nagdulot ng kagalakan at kasiyahan kay Jesus?
4 Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Ang tapat na paggawa ukol kay Jehova ay nagdulot kay Jesus ng malaking kagalakan at kasiyahan. Iyon ang nagsilbing layunin sa buhay, at sa katapusan ng kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo, may katotohanang masasabi niya sa kaniyang makalangit na Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, natapos ko na ang gawaing ibinigay mo sa akin upang gawin.” (Juan 17:4) Kung papaanong ang literal na pagkain ay panustos-buhay, gayundin ang gawain na ukol sa espiritu. Ito’y idiniin ni Jesus nang isa pang pagkakataon na siya’y nagpayo: “Gumawa kayo, hindi ukol sa pagkain na napapanis, kundi ukol sa pagkain na nananatili ukol sa buhay na walang-hanggan.” (Juan 6:27) Sa kabaligtaran naman, ang gawain na hindi nagbubunga sa espirituwal ay humahantong sa kabiguan at kamatayan.
5. Sino ang sumalansang sa mabuting gawain ni Jesus, at bakit?
5 “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako’y patuloy na gumagawa.” Ang pangungusap na ito’y sinalita ni Jesus sa mga Judio na pumipintas sa kaniya sapagkat sa araw ng Sabbath ay nagpagaling siya ng isang taong may sakit sa loob ng 38 taon na. (Juan 5:5-17) Bagaman gawain ni Jehova ang ginagawa ni Jesus, ang mga mananalansang na relihiyoso ay tumangging kilalanin ang bagay na iyan at ginawa nila ang lahat upang mapahinto siya. Bakit? Sapagkat sila’y nanggaling sa kanilang ama, si Satanas na Diyablo, na sa tuwina’y sumasalansang sa gawain ni Jehova. (Juan 8:44) Yamang nagagawa ni Satanas na ‘mag-anyong isang anghel ng liwanag,’ anupa’t ginagamit niya “ang bawat tusong panlilinlang,” tayo’y nangangailangan ng espirituwal na pagkakilala at malinaw na kaisipan upang makilala ang kaniyang mga gawa kung ano ngang talaga. Sapagkat kung hindi, baka lumabas na tayo’y gumagawa na kasalungat ni Jehova.—2 Corinto 11:14; 2 Tesalonica 2:9, 10.
Gumagawa ang mga Mananalansang
6. Bakit ang mga apostata ay “mga magdarayang manggagawa”? Ipaghalimbawa.
6 Ang ilan, tulad ng ilang apostata sa ngayon, ay may panlilinlang na gumagawa bilang mga ahente ni Satanas upang sirain ang pananampalataya ng mga bagu-bagong nakikiugnay na mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (2 Corinto 11:13) Imbis na gamitin lamang ang Bibliya bilang batayan ng tunay na mga turo, ang kanilang pinagbubuhusan ng isip ay ang siraan ang New World Translation of the Holy Scriptures, na para bagang ang mga Saksi ni Jehova ay dito lamang lubusang dumidepende para umalalay sa kanila. Ngunit ito’y hindi totoo. Sa pinakamagaling na bahagi ng isang siglo, ang pangunahing ginamit ng mga Saksi ay ang King James Version, ang Romano Katolikong Douay Version, o anumang mga bersiyon sa kanilang wika na maaaring gamitin, upang matutuhan ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. At kanilang ginamit ang mas matatandang mga bersiyong ito sa paghahayag ng katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay, sa kaugnayan ng Diyos sa kaniyang Anak, at kung bakit isang munting kawan lamang ang pumupunta sa langit. Alam din ng mga taong may kabatiran na ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na gumagamit ng maraming salin ng Bibliya sa kanilang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng ebanghelyo. Gayunman, sapol noong 1961, sila ay may karagdagang ginagamit pang New World Translation, na may naaayon-sa-panahon, na tumpak na pagkasalin at madaling basahin.
7. (a) Bakit itinatakuwil ni Jesus ang marami na nag-aangking sumasampalataya sa kaniya? (b) Bakit mahalaga na pakinggan ang payo sa 1 Juan 4:1?
7 Sinabi ni Jesus na kaniyang itatakuwil ang marami sa nag-aangking may pananampalataya sa kaniya. Kaniyang tinanggap na sila’y maaaring nakapanghuhula, nakapagpapalaya ng mga demonyo, at “gumagawa ng maraming makapangyarihang gawa” sa kaniyang pangalan. Gayumpaman, kaniyang sinabing ito’y mga gawang “katampalasanan.” (Mateo 7:21-23) Bakit? Sapagkat hindi nila ginagawa ang kalooban ng makalangit na Ama at ang mga ito’y walang kabuluhan sa harap ng Diyos na Jehova. Ang kakatuwa, kahit yaong waring kahima-himala, na mga gawa sa ngayon ay maaari pa ring manggaling sa pusakal na mandaraya, si Satanas. Si apostol Juan, sa kaniyang unang pangkalahatang liham mahigit na 60 taon pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, ay nagpayo na ang mga Kristiyano’y “huwag maniniwala sa bawat kinasihang pangungusap, kundi subukin ang kinasihang pangungusap upang mapatunayan kung iyon ay nanggagaling sa Diyos.” Ganiyan din ang kailangang gawin natin.—1 Juan 4:1.
Mga Gawang Hindi Nagbibigay ng Kagantihan
8. Ano ang dapat nating madama tungkol sa mga gawa ng laman?
8 Kahit na kung tayo’y hindi gumagawa ng gawaing humahadlang sa pagsulong ng espirituwalidad, ang ating mga gawa ay walang kabuluhan kung ito’y patuloy na nagbibigay-kasiyahan sa mga pita ng makasalanang laman. Sinabi ni apostol Pedro na sapat na ang nakaraang panahon nang gawin natin ang “kalooban ng mga bansa . . . sa paglakad sa kahalayan, sa masasamang pita, sa pagmamalabis sa alak, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusan na mga idolatriya.” (1 Pedro 4:3, 4) Mangyari pa, ito’y hindi nangangahulugan na lahat ng ngayo’y nag-alay na mga Kristiyano ay gumagawa ng ganiyang mga gawain, kundi ang ibig sabihin ay na ang saloobin ng mga taong gumawa ng gayon ay dapat na mabilis magbago habang umuunlad sila sa kanilang espirituwal na pagkakilala. Ang sanlibutan ay magsasalita nang may pang-aabuso sa kanila dahilan sa kanilang pagkakumberte; at iyan ay maaasahang mangyayari. Gayunman, sila’y kailangang magbago kung ibig nilang maging tapat na mga manggagawa sa paglilingkuran kay Jehova.—1 Corinto 6:9-11.
9. Ano ba ang ating natututuhan buhat sa karanasan ng Saksi na nagsimulang magsanay bilang isang mang-aawit sa opera?
9 Maraming kaloob ang ibinigay ni Jehova sa atin para sa ating ikasisiya, musika ang isa sa mga ito. Gayunman, yamang “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isa,” si Satanas na Diyablo, hindi baga kasali na rin dito ang daigdig ng musika? (1 Juan 5:19) Oo, ang musika ay maaaring maging isang mapanlinlang na silo, gaya ng natuklasan ni Sylvana. Siya’y nagkaroon ng pagkakataon na magsanay sa Pransiya bilang isang mang-aawit sa opera. “Mayroon pa rin akong matinding pagnanasang maglingkod kay Jehova,” ang paliwanag niya. “Ako’y natutuwa sa pag-au-auxiliary payunir at umaasang mapagsasama ko ang dalawang bagay na ito sa aking buhay. Ngunit ang unang problema na kinailangang harapin ko sa pagtataguyod ng aking karera ay imoralidad. Sa simula, ang turing sa akin ng aking mga kasamahan ay isa akong ignorante nang ako’y tumangging makisali sa kanilang malalaswang usapan at halimbawa. Nang maglaon, ang masamang kapaligiran ay nagsimulang papurulin ang aking mga pakiramdam, anupa’t ako’y nagkibit-balikat lamang sa mga bagay na kinapopootan ni Jehova. Isa sa aking mga guro ang patuloy na nanghimok sa akin na gawin kong relihiyon ang aking pag-awit, at ako’y tinuruan na maging agresibo sa entablado at isipin na ako’y nakahihigit sa kaninuman. Dahil sa lahat ng ito ay hindi ako mapakali bahagya man. Sa wakas, kinailangan na ako’y maghanda para sa isang pantanging audition. Ako’y nanalangin kay Jehova na linawin sa akin kung aling daan ang dapat kong lakaran. Bagaman ako’y mahusay umawit at may pagtitiwala sa sarili, hindi ako nakasali sa mga napili. Nang malaunan, ay napag-alaman ko rin kung bakit—ang mga resulta ay lihim na isinaayos na matagal pa bago ganapin ang timpalak. Ngunit tumanggap ako ng malinaw na kasagutan sa aking panalangin at ipinasiya kong huminto na bilang isang mang-aawit sa opera upang magturo ng pag-awit sa tahanan.” Nang maglaon ang sister na ito ay nakapag-asawa ng isang elder sa isang kongregasyong Kristiyano, na kung saan silang dalawa ngayon ay naglilingkod nang may katapatan upang pasulungin ang mga intereses ng Kaharian.
10. Ano ba ang masasabi mo buhat sa mga salita ni Jesus sa Juan 3:19-21?
10 Sinabi ni Jesus: “Siyang namihasa sa paggawa ng masama ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.” Sa kabilang panig naman, “siyang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa na kaayon ng sa Diyos.” (Juan 3:19-21) Anong laking pagpapala na gumawang kasuwato ng kalooban at layunin ni Jehova! Ngunit upang magawa iyan nang matagumpay, kailangang laging payagan natin na ang ating mga gawa ay masuri sa liwanag ng Salita ng Diyos. Tayo naman ay hindi napakatanda at hindi pa naman huli upang baguhin ang ating paraan ng pamumuhay at tanggapin ang paanyaya na gawin ang karapat-dapat na paglilingkuran kay Jehova.
Paggawa ng “Mabubuting Gawa” sa Ngayon
11. Ano ang itinataguyod ng marami bilang “mabubuting gawa,” at bakit ang gayon ay maaaring humantong sa pagkabigo?
11 Sa gawain na karapat-dapat sa ngayon ay kailangang mabanaag ang pagkaapurahan ng panahon natin. Maraming taimtim na mga tao ang sumasang-ayon at nag-aabala sa mga gawang malimit tinutukoy na “mabubuting gawa,” para sa kapakinabangan ng sangkatauhan sa pangkalahatan o para sa isang tiyak na layunin. Subalit, anong laking pagkabigo ang maaaring kalabasan ng uring ito ng gawain! Sa Britanya, ang CAFOD (Catholic Fund for Overseas Development), sa pag-uulat ng kaniyang kampanya para sa pagtulong sa mga lugar na may taggutom, ay nagsabi: “Tatlong taon na ngayon ang nakalipas . . . angaw-angaw na pounds ang nalikom para itulong sa mga nangangailangan nito. Libu-libong buhay ang nailigtas. Ngayon ang mga buhay na iyon ay nanganganib minsan pa . . . Subalit bakit? Ano ba ang nangyari?” Sa pagpapatuloy ng paglalahad, ang CAFOD Journal ay nagpapaliwanag na ang pangmatagalang mga problema ay hindi kailanman nalutas at na “ang mga bagay na lubhang kinakailangan para sa pag-unlad ng tao ay ginamit upang gatungan ang labanan [giyera sibil].” Walang alinlangan, nakarinig ka na marahil ng nakakatulad na mga sentimyento ng mga samahan sa pagkakawanggawa na gumagawa ng nakakahawig na gawain.
12. Ano ang tanging sagot sa mga suliraning nakaharap sa daigdig ngayon?
12 Ang taggutom ay isang suliraning dapat asikasuhin kaagad. Gayunman, sino ang nakakakilala sa kasalukuyang mga trahedya ng taggutom at digmaan bilang tumutupad sa hula ni Jesu-Kristo, na tumutukoy sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay? (Mateo 24:3, 7) Sino ang naglathala ng ebidensiya na iniuugnay ang mga pangyayaring ito sa pagsakay ng apat na mangangabayo na buong-linaw na inilalarawan sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis, kabanata 6? Walang pagbabago, ang mga Saksi ni Jehova ang may katapatang gumawa nang ganiyan sa magasing ito. Bakit? Upang ipakita na hindi abot-kaya ng tao na bumuo ng anumang mamamalaging lunas. Ito’y hindi nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay mapagwalang-bahala sa mga suliranin ng daigdig. Malayung-malayo. Sila’y mga mahabagin at gagawin nila ang lahat ng kanilang magagawa upang mapagaang ang pagdurusa. Gayumpaman, kanilang makatotohanang hinaharap ang bagay na kung hindi mamamagitan ang Diyos, ang mga suliranin ng daigdig ay hindi kailanman malulutas. Katulad ng mga dukha, ang mga suliraning ito ay magpapatuloy habang si Satanas ay pinapayagang magpatuloy na pinunò ng sanlibutang ito.—Marcos 14:7; Juan 12:31.
Ang Gawaing May Pinakamalaking Halaga
13. Ano ang lubhang kailangang gawain ngayon, at sino ang nagsisigawa nito?
13 Ang lubhang kailangan ngayon ay ipangaral ang mabuting balita na ang Kaharian ng Diyos na Jehova ay kaylapit-lapit nang humalili sa lahat ng makasanlibutang pamahalaan at magdulot ng kaginhawahan na inaasam-asam ng mga taong may takot sa Diyos. (Daniel 2:44; Mateo 24:14) Ang pangangaral ng makalangit na Kaharian ang ginawa ni Jesu-Kristo na kaniyang pangunahing layunin sa buhay, bagaman ang kaniyang pangangaral ay ginawa doon lamang sa lupain ng Palestina. Sa ngayon, ang lawak ng pangangaral na ito ay pambuong-daigdig, gaya ng sinabi ni Jesus. (Juan 14:12; Gawa 1:8) Ang pagkakaroon ng bahagi, kahit na kaunti lamang, sa gawain ng Diyos, ay isang pribilehiyo na walang-katulad. Mga lalaki at mga babae, matatanda at mga bata, na noong minsan ay hindi pinangarap ang pagiging mga mangangaral ng mabuting balita, ang nasa unahan ng gawaing pag-eebanghelyo na ginaganap ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Katulad ni Noe at ng kaniyang pamilya, may katapatang ginagawa nila ang gawain ng Diyos na pinagsuguan Niya sa kanila, at samakatuwid sa tulong ng Kaniyang lakas, bilang pambungad sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Filipos 4:13; Hebreo 11:7.
14. Papaanong ang pangangaral ay nagliligtas-buhay at isa ring tagapagsanggalang?
14 Ang gawaing pagpapatotoo ng mga Saksi ni Jehova sa mga huling araw na ito ay nagliligtas-buhay para sa mga taong makikinig at kikilos ayon sa mabuting balita na kanilang naririnig. (Roma 10:11-15) Ito’y isa rin namang tagapagsanggalang sa mga taong nangangaral. Sa pagkakaroon ng taimtim na interes sa pagtulong sa mga taong may mga suliranin na mas malaki kaysa ating suliranin, malamang na tayo’y hindi gaanong labis na nababahala sa mga suliraning marahil ay taglay natin. Ating natatalos na ang ibig ng sanlibutang ito ng gumuguhong mga pamantayan ay ang makiayon tayo sa kaniyang mga lakad. Kaya kung pinupunô natin ng mga kaisipan ng Diyos ang ating mga isip habang tayo’y nangangaral, ito’y isang higit pang nagpapalakas-pananampalataya; ito ay sa ating pinakamagaling na mga kapakanan. Gaya ng pagkasabi ng isang Saksi: “Kung hindi ko sisikaping baguhin ang mga tao na nakakatagpo ko ako ang maaaring baguhin nila!”—Ihambing ang 2 Pedro 2:7-9.
Paggawang Kasama ng Kongregasyon
15. Ano ang pananagutan ng mga katulong na pastol ngayon, at ano ang dapat madama ng mga lalaking miyembro ng kongregasyon sa liwanag ng 1 Timoteo 3:1?
15 Pagka mga bagong interesado ang dumadalo sa kongregasyon, sila’y nasa ilalim ng pangangalaga ng Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova, at ng kaniyang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Awit 23:1; Juan 10:11) Ang makalangit na mga Pastol na ito ay kinakatawan dito sa lupa ng tapat na mga katulong na pastol ng kawan, mga lalaking hinirang sa loob ng mga kongregasyon. (1 Pedro 5:2, 3) Ang paghahawak ng gayong tungkulin ay isang di-mababayarang pribilehiyo sa mga huling araw na ito. Ang gawain ng mga pastol ay may kabigatan, anupa’t kasali rito hindi lamang ang pangunguna ng pagtuturo sa kongregasyon at sa pangangaral ng ebanghelyo kundi rin naman pagbibigay-proteksiyon sa kawan buhat sa espirituwal na mga manlulupig at sa paghambalos ng mistulang-bagyong kapaligiran ng sanlibutan na kinabubuhayan natin. Wala nang iba pang lalong kapaki-pakinabang na gawaing maaaring pagmithian na makamit ng mga lalaking miyembro ng kongregasyon kaysa ang pagtulong sa pangangalaga ng espirituwal na kapakanan ng mga miyembro ng lumalawak na kongregasyong Kristiyano.—1 Timoteo 3:1; ihambing ang Isaias 32:1, 2.
16. Sa anong mga paraan nagkakatulungan sa isa’t isa ang mga pastol na Kristiyano?
16 Gayunman, huwag nating kalilimutan na ang ganiyang mga pastol ay mga tao na may nagkakaiba-ibang personalidad at mga kahinaan katulad din ng mga iba pa na nasa kawan. Samantalang ang isa’y maaaring nakahihigit sa isang aspekto ng pagpapastol, ang mga katangian naman ng isa ay pakikinabangan ng kongregasyon buhat sa isang naiibang anggulo. Bilang mga elder na Kristiyano sila’y nagkakatulungan sa isa’t isa sa kanilang gawain upang mapalakas ang kongregasyon. (1 Corinto 12:4, 5) Hindi dapat pumasok sa gitna nila ang espiritu ng pagpapaligsahan. Sama-sama sila’y gumagawa upang ipagsanggalang at pasulungin ang mga intereses ng Kaharian, “iniuunat ang mga kamay na banal” sa pananalangin kay Jehova, hinihingi ang kaniyang pagpapala at patnubay sa lahat nilang talakayan at desisyon.—1 Timoteo 2:8.
17. (a) Ano ang ating obligasyon? (b) Anong mga bagay ang kailangan nating iwasan kung ibig nating lubusang maisagawa ang ating obligasyon?
17 Ang gawaing pangangaral ay nangangailangan ngayon na gawing lalong apurahan habang palapit nang palapit ang wakas ng imperyo ni Satanas. Yamang taglay ang katotohanan ng Salita ng Diyos na Jehova, bilang kaniyang mga Saksi, tayo’y may obligasyon na ipangaral ang mabuting balita sa bawat pagkakataon. Ang gawaing isinasagawa sa ngayon ay napakalaki kung kaya’t tayo’y patuloy na dapat maging abala, hanggang sa katapusan. Huwag nating tulutan na tayo’y mailihis ng makamundo, imoral na paghahanap ng layaw o maigupo ng materyalismo. Huwag tayong sumangkot sa paghahaka-haka, pakikipagtalo tungkol sa mga salita, sapagkat ito’y walang kabuluhan at pang-ubos-panahon. (2 Timoteo 2:14; Tito 1:10; 3:9) Nang tanungin ng mga alagad si Jesus, “Panginoon, ang kaharian ba ay isasauli mo sa Israel sa panahong ito?” ang kanilang kaisipan ay inakay ni Jesus tungo sa mahalagang gawaing dapat isagawa noon, na ang sabi: “Kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Ang pagkasugong iyan ay abot hanggang sa araw na ito.—Gawa 1:6-8.
18. Bakit ang paggawang kasama ni Jehova ay lubhang kapaki-pakinabang?
18 Ang paggawang kasama ni Jehova, pangangaral kasama ng kaniyang pambuong-daigdig na kongregasyon sa ngayon, ay nagdudulot ng kaligayahan, pagkakontento, at tunay na layunin sa ating buhay. Pagkakataon na para sa bawat umiibig kay Jehova na magpakita ng debosyon at katapatan sa kaniya. Ang gawaing ito sa maraming aspekto nito ay hindi na kailanman mauulit. Taglay ang pag-asang makamit ang buhay na walang-hanggan na malinaw na natatanaw na, harinawang tayo’y “makapaghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod na may kasamang maka-Diyos na takot at pagkasindak,” sa kaniyang ikapupuri at sa ating sariling ikaliligtas.—Hebreo 12:28.
Ano ba ang Sagot Mo?
◻ Sa anong gawain nagkamit si Jesus ng kagalakan at kasiyahan?
◻ Sino ang mga sumasalansang sa gawain ni Jehova, at bakit?
◻ Papaano paghahambingin ang makasanlibutang “mabubuting gawa” at ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?
[Larawan sa pahina 18]
Ang kaniyang mga alagad ay sinugo ni Jesus na humayo’t mangaral