Pangungumpisal
Kahulugan: Isang pagpapahayag o pagkilala, maging sa hayagan o sa pribado, (1) hinggil sa paniwala ng isa o (2) tungkol sa kaniyang mga kasalanan.
Maka-Kasulatan ba ang rituwal ng pagkakasundo, lakip na ang naririnig na pangungumpisal (personal na pagtatapat sa pakinig ng isang pari), gaya ng itinuturo ng Iglesiya Katolika?
Ang paraan ng pakikipag-usap sa pari
Ang tradisyonal na pormula, na madalas pa ring gamitin, ay: “Bendisyonan mo ako, Padre, sapagka’t ako’y nagkasala. Mayroon nang [haba ng panahon] mula nang ako’y huling Mangumpisal.”—U.S. Catholic magazine, Oktubre 1982, p. 6.
Mat. 23:1, 9, JB: “Sinabi ni Jesus, . . . ‘Huwag ninyong tatawaging ama ang sinomang tao sa lupa, sapagka’t iisa ang inyong Ama, at siya’y nasa langit.’ ”
Mga pagkakasalang maaaring patawarin
“Mula’t sapol ay itinuturo ng Iglesiya na bawa’t kasalanan, gaano man kalubha, ay maaaring mapatawad.”—The Catholic Encyclopedia (na nagtataglay ng nihil obstat at ng imprimatur), R. C. Broderick (Nashville, Tenn.; 1976), p. 554.
Heb. 10:26, JB: “Kung, pagkatapos tanggapin ang kaalaman hinggil sa katotohanan, kusa pa rin tayong gagawa ng anomang pagkakasala, ay wala na ngang nalalabing hain para sa mga ito.”
Mar. 3:29, JB: “Kung lalapastanganin ng sinoman ang Banal na Espiritu kailanma’y hindi siya mapatatawad: nagkakasala siya ng walang-hanggang kasalanan.”
Kung papaano ipapamalas ang pagsisisi
Kadalasa’y iniuutos ng kompesor na ang nagkasala ay magdasal ng tiyak na bilang ng mga “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria.”
Mat. 6:7, JB: “Sa inyong pagdarasal ay huwag kayong magngangangawa [alalaong baga’y, umusal sa walang-kabuluhan at paulit-ulit na paraan] na gaya ng mga pagano, sapagka’t inaakala nila na sa paggamit nila ng maraming salita ay didinggin sila.”
Mat. 6:9-12, JB: “Manalangin nga kayo ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit, . . . ipatawad mo sa amin ang aming mga pagkakautang.’ ” (Saanman sa Bibliya ay hindi tayo pinag-uutusan na manalangin kay o sa pamamagitan ni Maria. Tingnan ang Filipos 4:6, gayundin ang mga pahina 236, 237, sa ilalim ng “Maria.”)
Roma 12:9, JB: “Huwag gawing paimbabaw ang inyong pag-ibig, subali’t ibigin ninyo ang mabuti sa halip na ang masama.”
Hindi ba pinagkalooban ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng karapatan na magpatawad ng mga kasalanan?
Juan 20:21-23, JB: “ ‘Kung papaano ang pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon ko naman kayo sinusugo.’ At pagkasabi nito’y hiningahan niya sila at sinabi: ‘Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. Sapagka’t sinomang ang kasalanan ay inyong patawarin, ay napatawad; at sinomang ang kasalanan ay hindi ninyo patawarin, ay hindi napatawad.’ ”
Papaano ito inunawa at ikinapit ng mga apostol? Walang ulat sa Bibliya na kahit minsan ay dininig ng isang apostol ang isang pribadong pangungumpisal at pagkatapos ay nagkaloob ng kapatawaran. Gayumpaman, ang mga kahilingan ukol sa pagpapatawad ng Diyos ay isinasaad sa Bibliya. Ang mga apostol, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ay nakaunawa kung baga ang mga indibiduwal ay nakakaabot sa gayong mga kahilingan at salig dito ay makapagpapahayag na ang Diyos ay nagpatawad sa kanila o hindi. Bilang halimbawa, tingnan ang Gawa 5:1-11, gayon din ang 1 Corinto 5:1-5 at 2 Corinto 2:6-8.
Tingnan din ang paksang “Apostolikong Paghahalili.”
Nagkakaiba ang pangmalas ng mga iskolar kung tungkol sa pinagmulan ng naririnig na pangungumpisal
Ganito ang isinasaad ng The Catholic Encyclopedia, ni R. C. Broderick: “Mula pa noong ikaapat na siglo ang naririnig na pangungumpisal ay siya nang tinatanggap na paraan.”—P. 58.
Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Sa maraming kontemporaryong mananalaysay, kapuwa Katoliko at Protestante, ang pribadong pagsisisi bilang isang normal na disiplina ay tinatalunton sa mga iglesiya ng Irlandiya, Wales, at Britaniya, na kung saan ang mga Sakramento, lakip na ang Pagsisisi, ay karaniwan nang pinangangasiwaan ng abbot ng isang monasteryo at ng kaniyang mga paring-monghe. Sa pamamagitan ng huwaran ng monastikong kaugalian ng pangungumpisal at ng pangmadla at pribadong espirituwal na patnubay, ang paulit-ulit na pangungumpisal at pagtatapat ng debosyon ay waring ipinakilala sa karaniwang mga maninimba. . . . Gayumpaman, noon lamang ikalabing-isang siglo nang ang lihim na mga pagkakasala ay pinatawad sa panahon ng pangungumpisal at bago ganapin ang pagsisisi.”—(1967), Tomo XI, p. 75.
Iniuulat ng mananalaysay na si A. H. Sayce: “Ipinakikita ng mga rituwal na kasulatan na naging kaugalian sa Babilonya kapuwa ang hayagan at pribadong pangungumpisal. Sa katunayan, ang pribadong pangungumpisal ay waring siyang pinakamatanda at pinakakaraniwang paraan.”—The Religions of Ancient Egypt and Babylonia (Edinburgh, 1902), p. 497.
Ano ang paniwala ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa pangungumpisal?
Pagtatapat ng pananampalataya ng isa sa pamamagitan ng pangmadlang pagpapahayag
Roma 10:9, 10: “Kung hayagan mong ipapahayag ang ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka. Sapagka’t sa pamamagitan ng puso ay nananampalataya ang isa sa ikatutuwid, subali’t sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa ikaliligtas.”
Mat. 10:32, 33: “Kaya nga, bawa’t isa na nagpapahayag ng pakikiisa sa akin [kay Jesu-Kristo] sa harapan ng mga tao, ay ipapahayag ko naman ang aking pakikiisa sa kaniya sa harapan ng aking Ama na nasa mga langit; subali’t sinomang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao, siya rin naman ay itatatwa ko sa harapan ng aking Ama na nasa mga langit.”
Kapag ang isa ay nagkasala laban sa Diyos
Mat. 6:6-12: “Kapag kayo ay nananalangin, ay pumasok kayo sa inyong sariling silid at, pagkatapos mailapat ang inyong pinto, ay manalangin kayo sa inyong Ama na nasa lihim . . . ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan . . . at ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.’ ”
Awit 32:5: “Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo [Diyos], at ang aking kamalian ay hindi ko ikinubli. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko ang aking mga pagsalansang kay Jehova.’ At ikaw mismo ay nagpatawad sa kamalian ng aking mga kasalanan.”
1 Juan 2:1: “Kung ang sinoman ay magkasala, ay may tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Kristo, ang matuwid.”
Kapag nagkasala ang isa laban sa kaniyang kapuwa o kapag siya ang pinagkasalahan
Mat. 5:23, 24: “Kaya nga, kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana at doo’y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at pumaroon ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay bumalik ka, at ihandog mo ang iyong hain.”
Mat. 18:15: “Kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na kayong dalawa lamang.”
Luc. 17:3: “Kung magkasala ang iyong kapatid ay sawayin mo siya, at kung siya’y magsisi ay patawarin mo.”
Efe. 4:32: “Magmagandang-loob kayo sa isa’t-isa, mga mahabagin, na nangagpapatawaran sa isa’t-isa kung papaano ang Diyos din sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad sa inyo.”
Kapag ang isa ay nasangkot sa malubhang pagkakasala at naghahangad ng espirituwal na tulong
Sant. 5:14-16: “May sakit baga [sa espiritu] ang sinoman sa inyo? Hayaang ipatawag niya ang matatanda sa kongregasyon, at hayaang idalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at siya’y ibabangon ni Jehova. At, kung siya ay nakagawa ng pagkakasala, ay patatawarin siya [ng Diyos]. Kaya’t mangagpahayagan kayo ng inyong mga kasalanan sa isa’t-isa at idalangin ang isa’t-isa, upang kayo’y magsigaling.”
Kaw. 28:13: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, nguni’t ang nagtatapat at humihiwalay sa mga yaon ay pagpapakitaan ng awa.”
Papaano kung ang mga nagkakasala ay hindi humihingi ng tulong?
Gal. 6:1: “Mga kapatid, bagaman ang isa ay makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan, kayo na may mga espirituwal na kakayahan ay sikapin na ituwid ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamatyagan din ang inyong sarili, sa pangambang baka kayo naman ang matukso.”
1 Tim. 5:20: “Sawayin sa harapan ng madla [alalaong baga’y, yaong personal na nakakaalam sa pangyayari] ang bawa’t nahihirati sa paggawa ng kasalanan, upang ang iba rin ay matakot.”
1 Cor. 5:11-13: “Huwag kayong makisama sa kaninomang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyosan o mapagtungayaw o manlalasing o manghuhuthot, na huwag man lamang kayong makisalo sa gayong tao. . . . ‘Alisin nga ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo.’ ”