GRIEGO
Isang wika na kabilang sa Indo-Europeong pamilya ng mga wika. (Ang Hebreo ay nagmula sa Semitiko, isa pang pamilya ng mga wika.) Sa wikang Griego orihinal na isinulat ang Kristiyanong Kasulatan (maliban sa Ebanghelyo ni Mateo na unang isinulat sa Hebreo) at sa wika ring ito unang lumabas ang kumpletong salin ng Hebreong Kasulatan, samakatuwid nga, ang Griegong Septuagint. Isa itong wikang inflectional, anupat nakabubuo ng sari-saring pananalita sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang-ugat, mga unlapi, at mga pandugtong na mga titik o mga pantig.
Koine. Ginamit ang Koine, o karaniwang Griego mula noong mga 300 B.C.E. hanggang noong mga 500 C.E.; isa itong kombinasyon ng magkakaibang diyalektong Griego na sa mga iyon, ang Attic ang naging pinakamaimpluwensiya. Ang Koine ang naging internasyonal na wika noon. May natatangi itong kahigitan sa ibang mga wika nang panahong iyon yamang halos saanman ay naiintindihan ito. Ang Koine ay nangangahulugang karaniwang wika, o diyalektong karaniwan sa lahat. Malawakan ngang ginamit ang Koine yamang ang mga batas ng mga gobernador ng imperyo at ng senadong Romano ay isinasalin noon sa Koine upang maipamahagi sa buong Imperyo ng Roma. Kaayon nito, ang paratang na ipinaskil sa itaas ng ulo ni Jesu-Kristo noong ibayubay siya ay isinulat hindi lamang sa opisyal na Latin at sa Hebreo kundi maging sa Griego (Koine).—Mat 27:37; Ju 19:19, 20.
May kinalaman sa paggamit ng wikang Griego sa lupain ng Israel, ganito ang komento ng isang iskolar: “Bagaman tinanggihan ng karamihan sa mga Judio ang Helenismo at ang mga pamamaraan nito, hindi lubusang naiwasan noon ang pakikipag-ugnayan sa mga Griego at ang paggamit ng wikang Griego. . . . Ang Griegong salin ng Kasulatan ay tinanggap ng mga gurong Palestino nang may pagsang-ayon, bilang isang kasangkapan sa paghahatid ng katotohanan sa mga Gentil.” (Hellenism, ni N. Bentwich, 1919, p. 115) Sabihin pa, ang pangunahing dahilan kung bakit ginawa ang Griegong Septuagint ay upang makinabang ang mga Judio, lalo na yaong mga nasa Pangangalat, na hindi na nagsasalita ng purong Hebreo kundi pamilyar sa Griego. Ang mga termino sa Matandang Hebreo na may kaugnayan sa pagsamba ng mga Judio ay napalitan nang maglaon ng mga terminong nagmula sa Griego. Ang salitang sy·na·go·geʹ, na nangangahulugang “isang pagtitipun-tipon,” ay isang halimbawa ng paggamit ng mga Judio ng mga salitang Griego.
Ginamit ng kinasihang mga Kristiyanong manunulat ang Koine. Yamang mahalaga noon para sa mga manunulat ng kinasihang Kristiyanong Kasulatan na maitawid ang kanilang mensahe sa paraang mauunawaan ng lahat ng tao, ang ginamit nila ay Koine at hindi klasikal na Griego. Ang lahat ng manunulat na ito ay mga Judio. Bagaman Semitiko sila, hindi sila interesado sa pagpapalaganap ng Semitismo, kundi sa katotohanan ng dalisay na Kristiyanismo, at sa pamamagitan ng wikang Griego ay maaabot nila ang mas maraming tao. Mas maisasakatuparan din nila ang kanilang atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat 28:19, 20) Isa pa, nagsilbing isang mainam na instrumento ang Koine upang maipahayag nila nang malinaw ang mahihirap at masasalimuot na diwa na nais nilang iharap.
Dahil sa kanilang matayog na mensahe, binigyan ng kinasihang mga Kristiyanong manunulat ng lakas, dignidad, at init ang Koine. Sa mga konteksto ng kinasihang Kasulatan, ang mga salitang Griego ay nagkaroon ng mas mayaman, mas ganap, at higit na espirituwal na kahulugan.
Alpabeto. Ang lahat ng makabagong-panahong alpabetong Europeo ay alinman sa tuwiran o di-tuwirang nagmula sa alpabetong Griego. Gayunman, hindi inimbento ng mga Griego ang kanilang alpabeto; hiniram nila ito mula sa mga Semita. Makikita ito mula sa bagay na ang mga titik ng alpabetong Griego (noong mga ikapitong siglo B.C.E.) ay kahawig ng mga titik Hebreo (noong mga ikawalong siglo B.C.E.). Magkatulad din ang pagkakasunud-sunod ng mga ito, ngunit may ilang eksepsiyon. Karagdagan pa, halos parehung-pareho ang bigkas sa mga pangalan ng ilan sa mga titik ng mga ito; halimbawa: alʹpha (Griego) at alep (Hebreo); beʹta (Griego) at bet (Hebreo); delʹta (Griego) at dalet (Hebreo); at marami pang iba. May 24 na titik ang Koine. Noong iniaakma ang alpabetong Semitiko sa wikang Griego, gumawa ng mahalagang pagdaragdag dito ang mga Griego anupat kinuha nila ang sobrang mga titik na walang katumbas sa kanilang mga katinig (alep, he, ket, ayin, waw, at yod) at ginamit nila ang mga ito upang kumatawan sa mga tunog ng patinig na a, e (maikli), e (mahaba), o, y, at i.
Bokabularyo. Ang bokabularyong Griego ay napakayaman at eksakto. Ang manunulat na Griego ay may magagamit na sapat na mga salita upang maipakita niya maging ang maliliit na pagkakaiba sa pagitan ng mga salita at maitawid ang mismong kahulugan na nais niyang itawid. Bilang paglalarawan, sa Griego ay ipinakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng karaniwang kaalaman, gnoʹsis (1Ti 6:20), at ng malalim na kaalaman, e·piʹgno·sis (1Ti 2:4), at ang pagkakaiba sa pagitan ng alʹlos (Ju 14:16), nangangahulugang ‘iba’ mula sa kaparehong uri nito, at ng heʹte·ros, nangangahulugang ‘iba’ mula sa ibang uri nito. (Gal 1:6) Maraming pananalita sa ibang mga wika ang may mga salitang Griego at mga saligang salitang-ugat na binubuo ng mga salitang Griego, anupat ang resulta ay isang wika na mas eksakto at mas espesipiko sa pagpapahayag ng diwa.
Mga Pangngalan. Ang mga pangngalan ay binabago ayon sa kaukulan [case], kasarian [gender], at kailanan [number]. Ang kaugnay na mga salita naman, gaya ng mga panghalip at mga pang-uri, ay binabago kaayon ng mga tinutukoy (antecedents) o inilalarawan ng mga ito.
Kaukulan. Sa pangkalahatan, ipinakikita na ang Koine ay may limang kaukulan. (Ayon sa ilang iskolar ay walo.) Sa Ingles, kadalasa’y hindi nagbabago ang anyo ng mga pangngalan maliban kung nasa kaukulang paarî at sa kailanan. (Gayunman, ang mga panghalip ay sumasailalim sa mas maraming pagbabago.) Ngunit sa Koine, ang bawat kaukulan ay kadalasang nangangailangan ng ibang anyo o pandugtong, anupat dahil dito ay nagiging mas komplikado ang wikang ito kaysa sa Ingles.
Ang Pantukoy [Article]. Sa Tagalog, kapuwa may pamanggit na pantukoy [definite article] (“ang”) at balintiyak na pantukoy [indefinite article] (“isang”). Ang Koine ay mayroon lamang isang pantukoy, ang ὁ (ho), na sa paanuman ay katumbas ng pamanggit na pantukoy na “ang” sa Tagalog. Bagaman ang anyo ng Tagalog na pamanggit na pantukoy na “ang” ay hindi kailanman binabago, ang anyo ng pantukoy na Griego ay binabago ayon sa kaukulan, kasarian, at kailanan, gaya rin ng mga pangngalan.
Ang pantukoy na Griego ay hindi lamang ginagamit upang maipakita kung aling bahagi ang pangngalan, gaya sa Tagalog, kundi inilalakip din ito sa mga pawatas, pang-uri, pang-abay, parirala, sugnay, at maging sa buong mga pangungusap. Ang paggamit ng pantukoy kalakip ng pang-uri ay masusumpungan sa Griego sa Juan 10:11, kung saan ang literal na salin ay: “Ako ang pastol ang [isa na] mabuti.” Mas mariin ito kaysa sa simpleng “Ako ang mabuting pastol.” Doon ay parang isinusulat ang “mabuti” sa istilong italiko.
Ang isang halimbawa sa Griego ng pantukoy na ginamit sa isang buong sugnay ay masusumpungan naman sa Roma 8:26, kung saan sa unahan ng pariralang “kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan” ay may pantukoy na walang-kasarian. Sa literal, ang parirala ay kababasahan ng “ang . . . kung ano ang dapat nating ipanalangin.” (Int) Upang maitawid ang diwa sa Tagalog, makatutulong kung idaragdag ang mga salitang “suliranin ng.” Dito, itinatawag-pansin ng pamanggit na pantukoy ang suliraning iyon bilang isang natatanging isyu. Kaya naman ang saling “Sapagkat ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan ay hindi natin alam” (NW) ay mas tumpak na nagtatawid ng diwa ng kaisipan ng manunulat.
Mga Pandiwa. Ang mga pandiwang Griego ay binubuo ng mga pandiwang ugat na ginagamitan ng mga stem at mga pandugtong, o mga panlapi at mga hulapi. Binabanghay ang mga ito ayon sa tinig [voice], panagano [mood], panahunan [tense], panauhan [person], at kailanan. Sa Griego, mas mahirap pag-aralan ang mga ito kaysa sa mga pangngalan. Dahil sa higit na pagkaunawa sa Koine nitong nakaraang mga taon, partikular na may kinalaman sa mga pandiwa, mas napalitaw ng mga tagapagsalin ang tunay na diwa at kahulugan ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kaysa sa magagawa noon sa mas matatandang bersiyon. Ang ilan sa kawili-wiling mga katangian ng mga pandiwang Griego at ang impluwensiya ng mga ito sa pag-unawa sa Bibliya ay tinatalakay sa sumusunod na mga parapo.
Tinig. Ang Tagalog ay mayroon lamang dalawang tinig para sa mga pandiwa nito, samakatuwid nga, ang tinig na tahasan [active voice] at ang tinig na balintiyak [passive voice], ngunit ang Griego ay mayroon pang natatanging “tinig na panggitna [middle voice].” Sa tinig na ito, ang simuno ay may partisipasyon sa mga resulta ng kilos o, kung minsan ay siyang gumagawa ng kilos. Idiniriin ng tinig na panggitna kung ano ang interes niyaong gumagawa sa kilos ng pandiwa.
Ang tinig na panggitna ay ginamit din upang magbigay ng masidhing puwersa. Katulad ito ng paggamit ng mga italiko sa Tagalog. Matapos sabihan si Pablo na may mga gapos at mga kapighatian na naghihintay sa kaniya pagdating niya sa Jerusalem, sinabi niya: “Gayunpaman, hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga at waring mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus.” (Gaw 20:22-24) Dito, ang pandiwa para sa “itinuturing,” poi·ouʹmai, ay nasa tinig na panggitna. Sinasabi ni Pablo na, hindi naman sa hindi niya pinahahalagahan ang kaniyang buhay, kundi ang pagganap ng kaniyang ministeryo ay lalong higit na mahalaga. Iyon ang kaniyang konklusyon, anuman ang isipin ng iba.
Ang tinig na panggitna ay ginamit sa Filipos 1:27: “Lamang ay gumawi kayo [o, “gumanap bilang mga mamamayan”] sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” Sa tekstong ito, ang pandiwang po·li·teuʹo·mai ay nasa tinig na panggitna, po·li·teuʹe·sthe, “gumanap bilang mga mamamayan,” samakatuwid nga, makibahagi sa mga gawain ng mga mamamayan, anupat nakikipagtulungan sa pagpapahayag ng mabuting balita. Karaniwan na, ang mga mamamayang Romano ay aktibo sa mga gawain ng Estado, yamang ang pagkamamamayang Romano ay lubhang pinahahalagahan noon, partikular na sa mga lunsod na ang mga tumatahan ay pinagkalooban ng pagkamamamayan bilang Romano, gaya sa kaso ng Filipos. Kaya naman dito ay sinasabihan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag silang maging di-aktibo anupat nasa posisyon lamang ng pagiging mga Kristiyano, kundi dapat silang makibahagi sa gawaing Kristiyano. Kasuwato ito ng kaniyang mga salita sa kanila nang bandang huli: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay nasa langit.”—Fil 3:20.
Mga Panahunan. Ang isa pang mahalaga at naiibang katangian ng Griego, na nakatutulong sa pagiging eksakto nito, ay ang paggamit nito ng mga panahunan ng pandiwa. Ang mga pandiwa at ang kanilang mga panahunan ay may dalawang elemento: uri ng kilos (ang higit na mahalaga) at panahon ng kilos (di-gaanong mahalaga). May tatlong pangunahing punto kung paano uunawain ang kilos sa wikang Griego, anupat ang bawat isa ay may mga katangiang naglalarawan: (1) kilos na nagpapatuloy (“ginagawa”), pangunahin nang kinakatawanan ng panahunang pangkasalukuyan [present tense], na ang pangunahing puwersa nito ay ang kilos na progresibo o kilos na palagian o paulit-ulit; (2) kilos na naganap na o tapos na (“nagawa na”), anupat ang pangunahing panahunan nito ay ganap [perfect]; (3) kilos sa isang maikling yugto ng panahon [punctiliar], o panandalian (“gawin”), kinakatawanan naman ng aorist. Sabihin pa, may iba pang mga panahunan, gaya ng di-ganap [imperfect], pangnagdaang ganap [past perfect], at panghinaharap [future].
Upang ilarawan ang pagkakaiba-iba ng mga panahunan sa Griego: Sa 1 Juan 2:1, sinabi ng apostol na si Juan: “Kung ang sinumang tao ay magkasala, tayo ay may tagapagtanggol sa Ama” (KJ). Ang pandiwang Griego para sa “magkasala” ay nasa panahunang aorist, samakatuwid ang panahon ng kilos ay sa isang maikling yugto ng panahon lamang, o panandalian. Ang panahunang aorist dito ay tumutukoy sa isang gawa ng pagkakasala, samantalang ang panahunang pangkasalukuyan ay magpapahiwatig naman ng kalagayan ng pagiging isang makasalanan o ng nagpapatuloy o progresibong kilos sa pagkakasala. Kaya ang tinutukoy rito ni Juan ay hindi isang tao na nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, kundi isa na ‘nagkasala o nakagawa ng isang pagkakasala.’ (Ihambing ang Mat 4:9, kung saan ipinakikita ng panahunang aorist na hindi palagian o patuluyang pagsamba sa kaniya ang hiningi ng Diyablo kay Jesus, kundi “isang gawang pagsamba.”)
Ngunit, kung babasahin naman ang 1 Juan 3:6, 9 nang hindi isinasaalang-alang na ang pandiwa rito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, waring sinasalungat ni Juan ang kaniyang mga salita na binigyang-pansin kanina. Ang King James Version ay kababasahan: “Ang sinumang nananahanan sa kaniya ay hindi nagkakasala” at, “Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi gumagawa ng pagkakasala.” Hindi naitatawid ng mga saling ito sa Tagalog ang kilos na tuluy-tuloy, na ipinahihiwatig ng ginamit na panahunang pangkasalukuyan ng mga pandiwang Griego. Sa halip na sabihin dito na, “hindi nagkakasala” at “hindi gumagawa ng pagkakasala,” binigyang-pansin ng ilang makabagong salin ang kilos na tuluy-tuloy at isinalin nila ang mga pandiwa kasuwato niyaon: “hindi namimihasa sa kasalanan,” “hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan” (NW); “namimihasa sa kasalanan,” “namimihasa sa paggawa ng kasalanan” (CB); “hindi palagiang gumagawa ng kasalanan,” “hindi namimihasa sa kasalanan” (Ph); “hindi nagpapatuloy na magkasala” (TEV). Sa Mateo 6:33, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian,” anupat nagpapahiwatig ng patuluyang pagsisikap, sa halip na basta “hanapin muna ninyo ang kaharian” (KJ).
Sa mga pagbabawal, ang panahunang pangkasalukuyan at ang panahunang aorist ay magkaiba rin. Kapag nasa panahunang pangkasalukuyan, ang pagbabawal ay hindi lamang nangangahulugan na huwag gawin ang isang bagay. Nangangahulugan ito na ihinto ang paggawa nito. Noong patungo na si Jesu-Kristo sa Golgota, hindi lamang niya sinabihan ang mga babaing sumusunod sa kaniya na, “Huwag kayong tumangis,” kundi sa halip, yamang tumatangis na sila, sinabi niya: “Huwag na kayong tumangis para sa akin.” (Luc 23:28) Sa katulad na paraan, sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati sa templo: “Huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal ang bahay ng aking Ama!” (Ju 2:16) Sa Sermon sa Bundok ay sinabi niya: “Huwag na kayong mabalisa” tungkol sa kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o isusuot. (Mat 6:25) Sa kabilang panig, ang pagbabawal na nasa panahunang aorist ay isang utos laban sa paggawa ng isang bagay sa anumang panahon o pagkakataon. Si Jesus ay ipinakikitang nagsasabi sa kaniyang mga tagapakinig: “Kaya, huwag kayong mabalisa [samakatuwid nga, huwag kayong mabalisa kailanman] tungkol sa susunod na araw.” (Mat 6:34) Dito ay ginamit ang panahunang aorist upang ipakita na hindi dapat mabalisa kailanman ang mga alagad.
Masusumpungan sa Hebreo 11:17 ang isa pang halimbawa kung bakit kailangang isaalang-alang ang panahunang Griego kapag nagsasalin. Hindi binibigyang-pansin ng ilang salin ang pantanging kahulugan na nakapaloob sa panahunan ng pandiwa. May kinalaman kay Abraham, sinasabi ng King James Version: “Siya na tumanggap ng mga pangako ay naghandog ng kaniyang bugtong na anak.” Ang pandiwang Griego na isinalin dito bilang “naghandog” ay nasa panahunang di-ganap, na maaaring nangangahulugan ng kilos na binalak o tinangka, ngunit hindi natupad o naisagawa. Kaya naman, kasuwato ng aktuwal na nangyari, ang pandiwang Griego ay mas angkop na isaling “nagtangkang ihandog.” Gayundin, sa Lucas 1:59, na tumutukoy sa panahon ng pagtuli sa anak nina Zacarias at Elisabet, ipinahihiwatig ng ginamit na panahunang di-ganap na sa halip na isaling, “Tinawag nila siyang Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama” (KJ), ang talata ay dapat kabasahan ng “Tatawagin sana nila [ang bata] ayon sa pangalan ng kaniyang ama, na si Zacarias” (NW). Kasuwato ito ng aktuwal na nangyari, samakatuwid nga, na pinanganlan siyang Juan, ayon sa mga tagubilin ng anghel na si Gabriel.—Luc 1:13.
Transliterasyon. Tumutukoy ito sa baybay ng mga salitang Griego na ginagamitan ng mga titik ng ibang alpabeto. Karaniwan na, ito ay isa lamang paghahalili ng isang titik para sa isang titik, halimbawa, b para sa β, g para sa γ, at iba pa. Totoo rin ito sa mga patinig ng Griego, a para sa α, e para sa ε, e para sa η, i para sa ι, o para sa ο, y para sa υ, at o para sa ω.
Mga diptonggo. Ang pangkalahatang tuntunin sa itaas na paghahalili ng isang titik para sa isang titik ay kapit din sa karamihan ng mga diptonggo: ai para sa αι, ei para sa ει, oi para sa οι. Ang titik Griego na yʹpsi·lon (υ) ay isang eksepsiyon sa sumusunod na mga kalagayan: ang αυ ay au, hindi ay; ang ευ ay eu, hindi ey; ang ου ay ou, hindi oy; ang υι ay ui, hindi yi; ang ηυ ay eu, hindi ey.
Gayunman, may mga pagkakataon na ang isang waring diptonggo ay kakikitaan ng diaeresis ( ͏̈) sa ibabaw ng ikalawang titik, gaya halimbawa ng, αϋ, εϋ, οϋ, ηϋ, ωϋ, αϊ, οϊ. Ipinakikita ng diaeresis sa ibabaw ng i·oʹta (ϊ) o ng yʹpsi·lon (ϋ) na hindi talaga ito bumubuo ng isang diptonggo kasama ng patinig na nasa unahan nito. Sa gayon, ang transliterasyon ng yʹpsi·lon na may diaeresis ay y, hindi u. Ang mga halimbawa sa itaas ay magiging ay, ey, oy, ey, oy, ai, oi, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ang ilang patinig naman (α, η, ω) ay may maliit na i·oʹta (ι) (tinatawag na i·oʹta subscript) na nakasulat sa ibaba ng mga ito. Kapag tinutumbasan ng transliterasyon ang mga anyong Griegong ito, ang i·oʹta (o i) ay hindi inilalagay sa ilalim ng linya, kundi sa tabi at kasunod ng titik kung saan ito nakita. Kaya ang ᾳ ay ai, ang ῃ ay ei, at ang ῳ ay oi.
Mga tuldik. May tatlong uri ng tuldik sa Griego: ang pahilis (΄), ang pakupya ( ͏̑), at ang paiwa (`). Sa Griego, makikita ang mga ito sa ibabaw ng patinig ng pantig na tinutuldikan ng mga ito. Gayunman, sa mga transliterasyon sa publikasyong ito, ang tuldik ay nasa dulo ng pantig na tinuldikan at isang tuldik lamang ang ginagamit para sa tatlong uri ng tuldik sa Griego. Sa gayon ang λόγος ay tinuldikan ng ganito loʹgos; ang ζῷον ay magiging zoiʹon.
Mga pantig. Bilang pantulong sa pagbigkas, ginagamitan ng alinman sa tuldok o tuldik ang mga transliterasyon upang mapaghiwa-hiwalay ang lahat ng mga pantig. Ang mga pantig ng isang salitang Griego ay kasindami ng mga patinig o ng mga diptonggo niyaon. Kaya nga, dahil may dalawang patinig ang λόγος (loʹgos), dalawa rin ang pantig nito. Ang dalawang patinig naman ng isang diptonggo ay ibinibilang na isang pantig lamang, hindi dalawa. Ang salitang πνεῦμα (pneuʹma) ay may isang diptonggo (eu) at isang iba pang patinig (a) kung kaya dalawa ang pantig nito.
Sa paghahati-hati ng mga pantig, sinusunod ang ganitong mga tuntunin: (1) Kapag may nag-iisang katinig sa gitna ng isang salita, isinasama ito sa kasunod na patinig ng sumunod na pantig. Kaya ang πατήρ ay magiging pa·terʹ. (2) Kung minsan, mayroon namang isang kombinasyon ng mga katinig na makikita sa gitna ng isang salitang Griego. Kung ang kombinasyong ito ay magagamit bilang umpisa ng isang salitang Griego, maaari rin itong maging simula ng isang pantig. Halimbawa, ang κόσμος ay magiging koʹsmos kapag hinati. Ang sm ay isinama sa ikalawang patinig. Ito ay dahil maraming salitang Griego—tulad ng Smyrʹna—ang nagsisimula sa dalawang katinig na iyon. Gayunman, kapag may kombinasyon ng mga katinig sa gitna ng isang salita at walang salitang Griego ang nagsisimula sa kombinasyong iyon, pinaghihiwalay ang mga iyon. Kaya ang transliterasyon ng βύσσος ay bysʹsos, yamang walang anumang salitang Griego ang nagsisimula sa ss.
Mga pananda sa paghinga. Ang patinig sa simula ng isang salita ay nangangailangan ng alinman sa isang “madulas” na pananda sa paghinga (᾿), o ng isang “magaspang” na pananda sa paghinga (῾). Ang “madulas” na pananda sa paghinga (᾿) ay maaaring alisin sa transliterasyon; para sa “magaspang” na pananda sa paghinga (῾), kailangang maglagay ng h sa umpisa ng salita. Kung ang unang titik ay malaki, ang mga panandang ito sa paghinga ay nasa unahan ng salita. Sa kasong ito, ang Ἰ ay nagiging I, samantalang ang transliterasyon naman ng Ἱ ay Hi. Kapag ang mga salita ay nagsisimula naman sa maliliit na titik, ang mga pananda sa paghinga ay makikita sa ibabaw ng unang titik o, sa kaso ng karamihan sa mga diptonggo, sa ibabaw ng ikalawang titik. Samakatuwid, ang αἰών ay nagiging ai·onʹ, samantalang ang ἁγνός naman ay ha·gnosʹ at ang αἱρέομαι ay hai·reʹo·mai.
Karagdagan pa, ang titik Griego na rho (ρ), na tinutumbasan ng r sa transliterasyon, ay laging nangangailangan ng “magaspang” na pananda sa paghinga (῾) sa simula ng salita. Kaya ang ῥαββεί ay rhab·beiʹ.
[Tsart sa pahina 858]
ALPABETONG GRIEGO
Titik Pangalan Transliterasyon at
Pagbigkas 1
Α α Alʹpha a
Β β Beʹta b
Γ γ Gamʹma g, matigas, gaya ng sa Ingles na “begin” 2
Δ δ Delʹta d
Ε ε Eʹpsi·lon e, maikli, gaya ng sa Ingles na “met”
Ζ ζ Zeʹta z
Η η Eʹta e, mahaba, gaya ng sa Ingles na “they”
Θ θ Theʹta th
Ι ι I·oʹta i gaya ng sa Ingles na “machine”
Κ κ Kapʹpa k
Λ λ Lamʹbda l
Μ μ Myu m
Ν ν Nyu n
Ξ ξ Xi x
Ο ο Oʹmi·kron o, maikli, gaya ng sa Ingles na “lot”
Π π Pi p
Ρ ρ Rho r
Σ σ, ς 3 Sigʹma s
Τ τ Tau t
Υ υ Yʹpsi·lon y o u, 4 Pranses na u o Aleman na ü
Φ φ Phi f gaya ng sa Ingles na “face”
Χ χ Khi kh gaya ng sa Ingles na “elkhorn”
Ψ ψ Psi ps gaya ng sa Ingles na “lips”
Ω ω O·meʹga o, mahaba, gaya ng sa Ingles na “note”
1 Ang ipinakikitang pagbigkas dito ay naiiba sa makabagong Griego.
2 Kapag nasa unahan ng κ, ξ, χ, o isa pang γ, binibigkas ito nang pailong gaya ng n sa “think.”
3 Ginagamit lamang sa dulo ng isang salita kapag may sigʹma.
4 Ang yʹpsi·lon ay u kapag bahagi ito ng isang diptonggo.