Maaasahang Gabay Ba ang Iyong Budhi?
“Ang layunin . . . ng utos na ito ay pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi.”—1 TIM. 1:5.
1, 2. Sino ang nagbigay sa atin ng budhi, at bakit natin ito ipinagpapasalamat?
NILALANG ng Diyos na Jehova ang tao na may kalayaang magpasiya o kalayaang pumili. Naglaan ang Diyos ng napakahalagang gabay para sa unang lalaki’t babae at sa kanilang magiging mga supling—ang budhi, isang panloob na pagkadama ng tama at mali. Kapag ginagamit nang tama, matutulungan tayo ng budhi na gumawa ng mabuti at umiwas sa masama. Kaya ang budhi natin ay katibayan na iniibig tayo ng Diyos at gusto niya tayong gumawa ng mabuti.
2 Ang mga tao ngayon ay mayroon ding budhi. (Basahin ang Roma 2:14, 15.) Kahit marami ang hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya, may ilan pa ring gumagawa ng mabuti at namumuhi sa masama. Marami ang napipigilang gumawa ng matinding kasamaan dahil sa kanilang budhi. Tiyak na hindi lang ganito kasamâ ang daigdig kung walang budhi ang mga tao! Laking pasasalamat natin na binigyan tayo ng Diyos ng budhi!
3. Bakit malaking tulong sa kongregasyong Kristiyano ang budhi?
3 Di-gaya ng karamihan, gustong sanayin ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang budhi. Gusto nilang maiayon ito sa kung ano ang tama at mali, mabuti at masama, batay sa sinasabi ng Bibliya. Malaking tulong sa kongregasyong Kristiyano ang isang budhing sinanay nang tama. Pero para masanay at magamit natin ang ating budhi, hindi lang natin basta inaalam kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Iniuugnay ng Bibliya ang mabuting budhi sa pananampalataya at pag-ibig. Isinulat ni Pablo: “Ang layunin . . . ng utos na ito ay pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.” (1 Tim. 1:5) Habang sinasanay natin ang ating budhi at kumikilos tayo ayon dito, lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at tumitibay ang ating pananampalataya. Sa katunayan, makikita sa paraan ng paggamit natin sa ating budhi kung gaano kalalim ang ating espirituwalidad, kung gaano kasidhi ang pagnanais nating paluguran si Jehova, at maging ang katangian ng ating puso. Oo, isinisiwalat ng panloob na tinig na ito kung anong uri tayo ng tao.
4. Paano natin sasanayin ang ating budhi?
4 Pero paano natin sasanayin ang ating budhi? Kailangan nating regular at may-pananalanging pag-aralan ang Bibliya, bulay-bulayin ang nababasa natin, at ikapit ang mga natututuhan natin. Kaya higit pa sa basta pagkuha ng mga impormasyon at pag-alam sa mga tuntunin ang kailangan nating gawin. Kapag pinag-aaralan natin ang Bibliya, dapat na higit nating makilala si Jehova—ang kaniyang personalidad, mga katangian, at kung ano ang gusto at ayaw niya. Unti-unti, maiaayon natin ang ating budhi sa mga daan ng Diyos na Jehova. Dapat nitong maantig ang puso natin at sa gayon ay mapakilos tayo na tularan pa siya nang higit.
5. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
5 Pero baka maitanong natin: Paano tayo matutulungan ng isang sinanay na budhi kapag nagdedesisyon? Paano natin igagalang ang desisyon ng ating kapananampalataya na batay sa kaniyang budhi? At paano tayo mapakikilos ng ating budhi na maging mas masigasig? Talakayin natin ang tatlong bagay kung saan makatutulong sa atin ang budhi natin: (1) pangangalaga sa kalusugan, (2) paglilibang, at (3) ministeryo.
MAGING MAKATUWIRAN
6. Anong mga desisyon ang ginagawa natin pagdating sa pangangalaga sa ating kalusugan?
6 Pinasisigla tayo ng Bibliya na iwasan ang nakasasamang gawain at maging katamtaman sa mga bagay na gaya ng pagkain at pag-inom. (Kaw. 23:20; 2 Cor. 7:1) Habang ikinakapit natin ang mga simulain ng Bibliya, naiingatan natin ang ating kalusugan sa paanuman, kahit na tumatanda pa rin tayo at nagkakasakit. Sa ilang bansa, may kombensiyonal at alternatibong mga paraan ng panggagamot. Ang mga tanggapang pansangay ay regular na nakatatanggap ng sulat mula sa mga kapatid na nagtatanong tungkol sa iba’t ibang paraan ng panggagamot. Marami ang nagtatanong, “Puwede ba sa isang lingkod ni Jehova ang ganito o gayong panggagamot?”
7. Paano tayo makapagdedesisyon tungkol sa medikal na panggagamot?
7 Ang tanggapang pansangay ni ang mga elder sa lokal na kongregasyon ay walang awtoridad na gumawa ng desisyon para sa isang Saksi pagdating sa pangangalaga sa kalusugan, kahit nagtanong siya kung ano ang gagawin. (Gal. 6:5) Pero puwede nilang banggitin ang sinabi ni Jehova para makagawa siya ng matalinong desisyon. Halimbawa, kailangang tandaan ng isang Kristiyano ang utos ng Bibliya na “patuloy na umiwas sa . . . dugo.” (Gawa 15:29) Maliwanag mula sa utos na ito na hindi niya dapat tanggapin ang panggagamot na gumagamit ng purong dugo o ng alinman sa apat na pangunahing sangkap nito. Makaaapekto rin ang kaalamang ito sa budhi ng isang Kristiyano kapag nagdedesisyon siya may kinalaman sa mas maliliit na bahagi ng isa sa apat na pangunahing sangkap ng dugo.a Pero anong iba pang payo ng Bibliya ang makatutulong sa atin na gumawa ng matalinong desisyon tungkol sa medikal na panggagamot?
8. Paano makatutulong sa atin ang Filipos 4:5 pagdating sa pangangalaga sa kalusugan?
8 Sinasabi ng Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” May mga sakit na wala pang natutuklasang lunas. Kaya isang katalinuhan na mag-ingat sa mga panggagamot na nag-aangking nakagagaling pero batay lang sa mga testimonya ng iba. Isinulat ni Pablo: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Fil. 4:5) Matutulungan tayo ng pagkamakatuwiran na huwag magbuhos ng napakaraming panahon sa pangangalaga sa kalusugan anupat naisasaisantabi ang espirituwal na mga bagay. Kung pangangalaga sa kalusugan ang lagi na lang nating inuuna, posibleng maging makasarili tayo. (Fil. 2:4) Espirituwal na mga bagay ang pinakamahalaga, at pagdating sa kalusugan, dapat na maging makatuwiran tayo sa mga inaasahan natin.—Basahin ang Filipos 1:10.
9. Paano makaaapekto sa mga desisyon natin tungkol sa kalusugan ang Roma 14:13, 19? Paano maaaring manganib ang pagkakaisa natin?
9 Kung makatuwiran ang isang Kristiyano, hindi niya ipipilit sa iba ang mga pananaw niya. Sa isang bansa sa Europe, isang mag-asawa ang aktibong nanghihikayat na subukan ang isang partikular na food supplement at diyeta. May mga kapatid na sumubok at mayroon ding tumanggi. Pero marami ang nadismaya nang hindi nila nakita ang resultang inaasahan nila. May karapatan ang mag-asawang iyon na magdesisyon para sa kanilang sarili kung susubukan nila ang isang partikular na diyeta at food supplement, pero makatuwiran bang isapanganib ang pagkakaisa ng kongregasyon dahil sa pangangalaga sa kalusugan? Noon, ang mga Kristiyano sa Roma ay nagkaroon ng magkakaibang opinyon tungkol sa ilang partikular na araw na ipinangingilin nila at pagkain na kinakain nila. Ano ang ipinayo sa kanila ni Pablo? Sinabi niya: “Hinahatulan ng isang tao ang isang araw bilang nakahihigit sa iba; hinahatulan ng isa pang tao ang isang araw bilang gaya ng lahat ng iba pa; ang bawat tao ay maging lubusang kumbinsido sa kaniyang sariling pag-iisip.” Mahalagang iwasan nating matisod ang iba.—Basahin ang Roma 14:5, 13, 15, 19, 20.
10. Bakit dapat nating igalang ang personal na desisyon ng iba? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Kung minsan, baka hindi natin nauunawaan ang desisyon ng isang kapatid na batay sa kaniyang budhi. Hindi natin siya dapat husgahan o piliting magbago ng isip. Baka “mahina” pa ang kaniyang budhi at kailangan pang sanayin, o baka masyadong sensitibo iyon pagdating sa ilang isyu. (1 Cor. 8:11, 12) O baka naman budhi natin ang kailangan nating suriin at higit pang sanayin sa mga simulain ng Diyos. Pagdating sa mga bagay na gaya ng pangangalaga sa kalusugan, ang bawat isa sa atin ang dapat magdesisyon at dapat na handa tayong tanggapin ang pananagutang kaakibat nito.
MASIYAHAN SA NAKAPAGPAPATIBAY NA LIBANGAN
11, 12. Kapag pumipili ng libangan, anong payo ng Bibliya ang dapat nating tandaan?
11 Nang lalangin tayo ni Jehova, gusto niya na masiyahan tayo at makinabang sa paglilibang. Isinulat ni Solomon na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” (Ecles. 3:4) Pero hindi lahat ng libangan ay kapaki-pakinabang, nakarerelaks, o nakarerepresko. Hindi rin maganda ang sobra-sobra o napakadalas na paglilibang. Paano tayo matutulungan ng budhi natin na masiyahan at makinabang sa nakapagpapatibay na libangan?
12 Binababalaan tayo ng Bibliya tungkol sa “mga gawa ng laman.” Kasama rito ang “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” Isinulat ni Pablo na “yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Gal. 5:19-21) Kaya puwede nating itanong sa sarili: ‘Pinakikilos ba ako ng aking budhi na umiwas sa mga isport na agresibo, nasyonalistiko, marahas, o may pakikipagkompetisyon? Binababalaan ba ako ng aking budhi kapag natutukso akong manood ng pelikulang may mahahalay na eksena o nagtatampok ng imoralidad, paglalasing, o espiritismo?’
13. Paano makatutulong sa atin ang payo sa 1 Timoteo 4:8 at Kawikaan 13:20 pagdating sa paglilibang?
13 May mga simulain din sa Bibliya na makatutulong sa atin na sanayin ang ating budhi may kaugnayan sa paglilibang. Halimbawa, “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.” (1 Tim. 4:8) Iniisip ng marami na ang regular na ehersisyo ay nakapagpapaganda ng kalusugan at nakarerepresko sa katawan at isip. Kung gusto nating mag-ehersisyo kasama ng isang grupo, dapat bang sumama tayo kahit kanino? Sinasabi ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Hindi ba’t ipinakikita nito na dapat nating piliing mabuti ang ating libangan, anupat nagpapagabay sa ating budhing sinanay sa Bibliya?
14. Paano ikinapit ng isang pamilya ang mga simulain sa Roma 14:2-4?
14 Sina Christian at Daniela ay may dalawang tin-edyer na anak na babae. Sinabi ni Christian: “Pinag-usapan namin sa aming Pampamilyang Pagsamba ang tungkol sa paglilibang. Aminado kami na may mga libangang katanggap-tanggap at mayroon ding hindi. Sino ba ang maituturing na mabubuting kasama? Ikinuwento ng isang anak namin na kapag recess sa paaralan nila, may ilang kabataang Saksi na sa tingin niya ay gumagawi nang hindi tama. Natutukso tuloy siyang gumaya sa kanila. Sinabi naming mag-asawa na bawat isa sa atin ay may budhi, at dapat tayong magpagabay rito kapag nagpapasiya kung ano ang gagawin natin at kung sino ang gusto nating makasama.”—Basahin ang Roma 14:2-4.
15. Paano makatutulong ang Mateo 6:33 kapag nagpaplano kang maglibang?
15 Makabubuti ring pag-isipan kung kailan ka naglilibang. Isinisingit mo lang ba ang paglilibang sa mga teokratikong gawain gaya ng pagpupulong, paglilingkod sa larangan, at personal na pag-aaral? O ang mga teokratikong gawain ang isinisingit mo sa iskedyul mo ng paglilibang? Ano ang priyoridad mo? Sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Tinutulungan ka ba ng budhi mo na magtakda ng mga priyoridad kaayon ng payo ni Jesus?
MAGING MASIGASIG SA PANGANGARAL
16. Paano nakatutulong ang ating budhi pagdating sa pangangaral?
16 Ang isang mabuting budhi ay hindi lang nagbababala sa atin laban sa paggawa ng mali. Pinakikilos din tayo nito na gumawa ng mabuti. Kasama sa mabubuting gawang ito ang pangangaral sa bahay-bahay at di-pormal na pagpapatotoo. Si Pablo ay pinakilos ng kaniyang budhi na gawin ang gayon. Isinulat niya: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” (1 Cor. 9:16) Habang tinutularan natin siya, tinitiyak ng ating budhi na tama ang ginagawa natin. At kapag nangangaral tayo ng mabuting balita sa iba, pinupukaw natin ang budhi nila. Sinabi ni Pablo: “Sa paghahayag ng katotohanan ay inirerekomenda [namin] ang aming sarili sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.”—2 Cor. 4:2.
17. Ano ang ginawa ng isang kabataang sister kaayon ng kaniyang budhi?
17 Noong 16 anyos si Jacqueline, napag-aralan nila sa paaralan ang biology. Ipinaliwanag doon ang ilang detalye tungkol sa teoriya ng ebolusyon. “Hindi maatim ng budhi ko na makibahagi nang husto sa talakayan sa klase, di-gaya ng dati. Hindi ko masuportahan ang teoriya ng ebolusyon. Nakipag-usap ako sa guro at ipinaliwanag ang paniniwala ko. Nagulat ako dahil napakabait niya at binigyan niya ako ng pagkakataong ipaliwanag sa klase ang tungkol sa paglalang.” Tuwang-tuwa si Jacqueline dahil pinakinggan niya at sinunod ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Pinakikilos ka rin ba ng budhi mo na gawin ang tama?
18. Bakit gusto nating magkaroon ng mabuti at maaasahang budhi?
18 Napakaganda ngang tunguhin na iayon sa mga pamantayan at daan ni Jehova ang ating buhay! Malaking tulong ang budhi para magawa natin ito. Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagbubulay-bulay sa mga natututuhan natin, at pagsisikap na ikapit ang mga iyon, sinasanay natin ang ating budhi. Sa gayon, magiging maaasahang gabay ito sa ating pamumuhay bilang Kristiyano!
a Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, Hunyo 15, 2004, p. 29-31.