Sinisikap Mo Bang Tularan ang Pagkamaygulang ni Kristo?
‘Kamtin ang sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.’—EFE. 4:13.
1, 2. Anong uri ng pagsulong ang dapat pagsikapang makamtan ng bawat Kristiyano? Ilarawan.
KAPAG bumibili ng sariwang prutas sa palengke ang isang nanay, hindi laging ang pinakamalaki o pinakamura ang pinipili niya. Hinahanap din niya ang hinog na. Ang gusto niya ay masarap, mabango, at masustansiyang prutas na husto na ang gulang, o hinog na sa panahon.
2 Matapos mag-alay at magpabautismo ang isa, patuloy siyang sumusulong. Tunguhin niyang maging may-gulang na lingkod ng Diyos. Ang pagkamaygulang na ito ay hindi pisikal kundi espirituwal. Isinulat ni apostol Pablo na kailangan ng mga Kristiyano sa Efeso na sumulong sa espirituwal. Pinasigla niya silang magsikap hanggang sa “makamtan [nila] ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.”—Efe. 4:13.
3. Ano ang pagkakatulad ng kongregasyon sa Efeso at ng bayan ni Jehova ngayon?
3 Ilang taon nang nakatatag ang kongregasyon sa Efeso noong sumulat sa kanila si Pablo. Maraming alagad doon ang masulong na sa espirituwal. Pero may ilan na kailangan pang sumulong sa pagkamaygulang. Ganiyan din ang sitwasyon ng bayan ni Jehova ngayon. Marami tayong kapatid na matagal nang naglilingkod sa Diyos at may-gulang na sa espirituwal. Pero hindi ganiyan ang iba. Halimbawa, libo-libong baguhan ang nababautismuhan taon-taon, kaya ang ilan ay kailangan pang magsikap na sumulong sa pagkamaygulang. Kumusta ka naman?—Col. 2:6, 7.
PAGSULONG NG ISANG KRISTIYANO
4, 5. Sa ano-anong paraan magkakaiba ang may-gulang na mga Kristiyano, pero ano ang pagkakapareho nila? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
4 Kung titingnan mo ang hinog na mga prutas sa palengke, makikita mong hindi magkakapareho ang mga ito. Pero may magkakatulad na katangian ang mga ito para masabing hinog na. Sa katulad na paraan, magkakaiba man ang nasyonalidad, pinagmulan, edad, karanasan, o personalidad ng may-gulang na mga Kristiyano, lahat ay may mga katangiang nagpapakitang may-gulang na sila. Paano?
5 Tinutularan ng isang may-gulang na lingkod ni Jehova ang halimbawa ni Jesus at maingat na ‘sinusundan ang kaniyang mga yapak.’ (1 Ped. 2:21) Sinabi ni Jesus na napakahalaga para sa isang tao na ibigin si Jehova nang kaniyang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, at ibigin ang kaniyang kapuwa gaya ng sarili. (Mat. 22:37-39) Sinisikap ng isang may-gulang na Kristiyano na mamuhay kaayon ng payong iyan. Makikita sa paraan ng pamumuhay niya na pinakamahalaga sa kaniya ang kaugnayan niya kay Jehova at ang mapagsakripisyong pag-ibig sa iba.
6, 7. (a) Ano ang ilang katangian ng isang may-gulang na Kristiyano? (b) Ano ang puwede nating itanong sa ating sarili?
6 Isa lang ang pag-ibig sa mga aspekto ng bunga ng espiritu na makikita sa isang may-gulang na Kristiyano. (Gal. 5:22, 23) Mahalaga rin ang iba pang aspekto gaya ng kahinahunan, pagpipigil sa sarili, at mahabang pagtitiis. Matutulungan siya nito na maharap ang mahihirap na sitwasyon nang hindi naiirita at mabata ang mga kabiguan nang hindi nawawalan ng pag-asa. Sa kaniyang personal na pag-aaral, hinahanap niya ang mga simulain sa Bibliya na makatutulong sa kaniya na makilala ang tama at ang mali. Kaya kapag nagdedesisyon siya, makikitang may-gulang siya sa espirituwal. Halimbawa, nakikinig siya sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Mapagpakumbaba siya dahil kinikilala niya na laging mas mahusay ang paraan at pamantayan ni Jehova kaysa sa paraan at pamantayan niya.a Masigasig siyang nangangaral ng mabuting balita at tumutulong para manatiling nagkakaisa ang kongregasyon.
7 Kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova, puwede nating tanungin ang ating sarili, ‘Ano pa kaya ang mga dapat kong baguhin para higit na matularan si Jesus at patuloy na sumulong sa espirituwal?’
“ANG MATIGAS NA PAGKAIN AY NAUUKOL SA MGA TAONG MAY-GULANG”
8. Ano ang masasabi natin tungkol sa kaalaman at kaunawaan ni Jesus sa Kasulatan?
8 May malalim na kaunawaan si Jesu-Kristo sa Salita ng Diyos. Dose anyos pa lang siya, nakikipag-usap na siya sa mga guro sa templo tungkol sa Kasulatan. “Lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” (Luc. 2:46, 47) Sa kaniyang ministeryo, napatahimik ni Jesus ang mga sumasalansang sa kaniya sa pamamagitan ng mahusay na paggamit ng Salita ng Diyos.—Mat. 22:41-46.
9. (a) Anong mga kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya ang mahalaga kung gusto ng isa na sumulong sa espirituwal? (b) Ano ang layunin ng pag-aaral ng Bibliya?
9 Kaayon ng halimbawa ni Jesus, ang isang Kristiyano na gustong sumulong sa espirituwal ay hindi makokontento sa mababaw na kaalaman sa Bibliya. Regular niyang susuriin ang nilalaman nito dahil alam niya na “ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang.” (Heb. 5:14) Maliwanag, gusto ng may-gulang na Kristiyano na magkaroon ng “tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos.” (Efe. 4:13) May iskedyul ka ba ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw? May iskedyul ka rin ba ng personal na pag-aaral, at ginagawa ang lahat para makapaglaan ng panahon linggo-linggo para sa pampamilyang pagsamba? Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, hanapin ang mga simulain na makatutulong para lalo mong maunawaan ang kaisipan at damdamin ni Jehova. Pagkatapos, sikaping ikapit ang mga simulain ng Bibliya at isalig doon ang mga desisyon mo, sa gayon ay lalo kang mapapalapít kay Jehova.
10. Ano ang nadarama ng isang may-gulang na Kristiyano sa payo at simulaing mula sa Diyos?
10 Nauunawaan ng isang may-gulang na Kristiyano na hindi lang kaalaman ang kailangan niya. Dapat din niyang ibigin ang payo at simulaing mula sa Diyos. Makikita ang pag-ibig na ito kapag inuuna niya sa kaniyang buhay ang kalooban ni Jehova sa halip na ang kagustuhan niya. Bukod diyan, sinisikap niyang “alisin” ang dati niyang saloobin at ugali. Habang ginagawa iyan ng isang Kristiyano, nagbibihis siya ng tulad-Kristong personalidad, na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Basahin ang Efeso 4:22-24.) Ang Bibliya ay isinulat sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. Habang pinalalalim ng isang Kristiyano ang kaalaman at pag-ibig niya sa pamantayan ng Bibliya, hinahayaan niyang hubugin ng banal na espiritu ang kaniyang puso at isip. Nakatutulong iyan para sumulong siya sa espirituwal.
ITAGUYOD ANG PAGKAKAISA
11. Ano ang naranasan ni Jesus noong nasa lupa siya?
11 Noong nasa lupa si Jesus bilang sakdal na tao, mga di-sakdal na tao ang nakasama niya. Pinalaki siya ng di-sakdal na mga magulang, at matagal niyang nakapiling ang kaniyang di-sakdal na mga kapatid. Kahit ang pinakamalalapít niyang tagasunod ay naimpluwensiyahan ng pagiging ambisyoso at makasarili na karaniwan noon. Halimbawa, noong gabi bago patayin si Jesus, bumangon ang “isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Luc. 22:24) Pero tiwala si Jesus na susulong sa espirituwal ang di-sakdal na mga tagasunod niya at makapagtatatag sila ng nagkakaisang kongregasyon. Noong gabi ring iyon, nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama at hiniling na magkaisa ang kaniyang mga apostol: “Silang lahat [nawa] ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, . . . upang sila ay maging isa kung paanong tayo ay iisa.”—Juan 17:21, 22.
12, 13. (a) Paano ipinakikita ng Efeso 4:15, 16 na kailangang itaguyod ang pagkakaisa sa loob ng kongregasyon? (b) Paano nadaig ng isang brother ang kahinaan niya at natutong itaguyod ang pagkakaisa ng kongregasyon?
12 Itinataguyod ng may-gulang na lingkod ni Jehova ang pagkakaisa sa loob ng kongregasyon. (Basahin ang Efeso 4:1-6, 15, 16.) Bilang mga Kristiyano, tunguhin natin na ang bayan ng Diyos ay ‘magkakasuwatong mabuklod’ at magtulungan sa isa’t isa. Sinasabi ng Salita ni Jehova na kailangan dito ang kapakumbabaan. Ang isang may-gulang na Kristiyano ay mapagpakumbabang nakikipagtulungan para mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon, kahit napapaharap sa di-kasakdalan ng iba. Ano ang ginagawa mo kapag nakikita mo ang pagkakamali ng mga kapatid sa kongregasyon? Paano kung ikaw mismo ang nagawan ng mali? Nagtatayo ka ba ng pader, wika nga, na maghihiwalay sa inyo? O sinisikap mong gumawa ng tulay na maglalapít sa inyong dalawa? Ang may-gulang na Kristiyano ay gumagawa ng tulay, hindi ng pader.
13 Tingnan ang halimbawa ni Uwe. Dati, naiinis siya sa di-kasakdalan ng mga kapatid. Ginamit niya ang Bibliya at ang Kaunawaan sa Kasulatan para pag-aralan ang buhay ni David. Bakit si David? Ipinaliwanag ni Uwe: “Nakita ni David ang di-makakasulatang paggawi ng ilang kapananampalataya niya. Halimbawa, tinangka siyang patayin ni Haring Saul, gusto siyang batuhin ng ilan, at hinamak siya maging ng asawa niya. (1 Sam. 19:9-11; 30:1-6; 2 Sam. 6:14-22) Pero hindi hinayaan ni David na lumamig ang pag-ibig niya kay Jehova. Maawain din si David, isang katangian na kailangan kong linangin. Binago ng natutuhan ko ang tingin ko sa di-kasakdalan ng aking mga kapananampalataya. Hindi na ako nagbibilang ng pagkakamali. Sa halip, sinisikap kong makatulong sa pagkakaisa ng kongregasyon.” Tunguhin mo rin bang itaguyod ang pagkakaisa sa loob ng kongregasyon?
MAKIPAGKAIBIGAN SA MGA GUMAGAWA NG KALOOBAN NG DIYOS
14. Anong uri ng mga tao ang pinili ni Jesus na maging kaibigan?
14 Palakaibigan si Jesu-Kristo sa lahat. Lalaki man o babae, bata’t matanda ay komportable sa kaniya. Pero maingat si Jesus sa pagpili ng malalapít na kaibigan. Sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14) Pumili si Jesus ng malalapít na kaibigan mula sa mga tapat na sumusunod sa kaniya at naglilingkod kay Jehova nang buong puso. Pumipili ka rin ba ng malalapít na kaibigan mula sa mga naglilingkod kay Jehova nang buong puso? Bakit ito mahalaga?
15. Paano makikinabang ang mga kabataan sa pakikisama sa may-gulang na mga Kristiyano?
15 May mga prutas na mas maganda ang pagkakahinog kapag naiinitan ng araw. Sa katulad na paraan, makatutulong ang init ng ating kapatiran para sumulong ka sa pagkamaygulang. Baka isa kang kabataan na nag-iisip kung anong karera ang pipiliin mo. Isang katalinuhan nga na makisama sa mga kapananampalatayang matagal nang naglilingkod kay Jehova at nagtataguyod ng pagkakaisa sa loob ng kongregasyon! Baka marami na silang pinagdaanang problema sa buhay at hinarap na hamon sa paglilingkod sa Diyos. Matutulungan ka nila na piliin ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. Kung sila ang lagi mong kasama, matutulungan ka nilang gumawa ng matatalinong desisyon at sumulong sa pagkamaygulang.—Basahin ang Hebreo 5:14.
16. Paano natulungan ng nakatatandang mga kapatid ang isang kabataang sister?
16 Naaalaala ni Helga na noong huling taon niya sa paaralan, pinag-uusapan ng mga kaklase niya kung ano ang pangarap nila. Marami ang gustong makapag-aral sa unibersidad para magkaroon ng magandang karera. Ikinuwento iyon ni Helga sa mga kaibigan niya sa kongregasyon. “Marami sa kanila ang mas matanda sa akin,” ang sabi niya, “at malaki ang naitulong nila. Pinatibay nila akong pumasok sa buong-panahong ministeryo. Kaya naman nakapagpayunir ako nang limang taon. Ngayon, makalipas ang maraming taon, masaya ako’t ginamit ko ang aking kabataan sa paglilingkod kay Jehova. Hindi ko iyon pinagsisisihan.”
17, 18. Paano makatutulong ang espirituwal na pagkamaygulang para mapaglingkuran natin si Jehova?
17 Kung sisikapin nating tularan ang halimbawa ni Jesus, matutulungan tayo nitong sumulong bilang mga Kristiyano. Mas mapapalapít tayo kay Jehova at titindi ang pagnanais nating paglingkuran siya sa abot ng ating makakaya. Lubos na mapaglilingkuran ng isa si Jehova kung siya ay may-gulang na Kristiyano na. Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.”—Mat. 5:16.
18 Gaya ng natalakay na, malaking tulong sa kongregasyon ang isang may-gulang na Kristiyano. Ang gayong pagkamaygulang sa espirituwal ay makikita sa paraan ng paggamit ng isang Kristiyano sa kaniyang bigay-Diyos na budhi. Paano tayo matutulungan ng ating budhi na gumawa ng matatalinong desisyon? At paano natin igagalang ang desisyon ng ating mga kapananampalataya na batay sa kanilang budhi? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
a Halimbawa, ang may-edad at makaranasang mga brother ay maaaring hilingan na ipaubaya sa nakababatang mga brother ang ilang responsibilidad nila at suportahan ang mga ito.