KABANATA 13
Paano Ko Kaya Pagbubutihin ang Pag-aaral Ko?
IPAGPALAGAY na nasa gitna ka ng isang masukal, makapal, at madilim na kagubatan. Halos walang tumatagos na sinag ng araw dahil sa mayabong na kakahuyan. Halos hindi ka makagalaw dahil napakasukal ng paligid. Kailangan mong gumawa ng mga paraan, o hakbang, para hawanin ang nasa harap mo at sa gayo’y makalabas ka sa kagubatang iyon.
Sinasabi ng ilan na ganiyan ang buhay ng mga estudyante. Kung sa bagay totoo iyon, dahil maghapon na nga sila sa silid-aralan, taling-tali pa sila sa paggawa ng mga takdang-aralin sa gabi. Ganiyan din ba ang nadarama mo? Isulat sa ibaba kung anong subject ang pinakamahirap para sa iyo.
․․․․․
Baka pinupursige ka ng mga magulang mo at ng iyong guro na pagbutihin mo ang pag-aaral sa subject na ito. Pero hindi naman nila ito ginagawa para pahirapan ka. Gusto lamang nilang gawin mo ang iyong buong makakaya. Pero paano kung sa kapupursige nila ay parang nasasakal ka na at halos hindi na makahinga? Kung gagawa ka ng paraan, o hakbang, makakalabas ka sa kagubatang iyon, wika nga. Anu-anong hakbang ang magagawa mo?
● Hakbang 1: Maging interesado sa pag-aaral. Hindi ka gaganahang mag-aral kung wala kang interes na matuto. Kaya isipin mo kung paano makatutulong sa iyo ang pag-aaral. Ganito ang isinulat ng Kristiyanong si apostol Pablo: “Ang taong nag-aararo ay dapat na mag-araro na may pag-asa at ang taong gumigiik ay dapat na gumawa nito sa pag-asang maging kabahagi.”—1 Corinto 9:10.
Nagtitiyagang mag-araro ang magbubukid dahil alam niyang may aanihin siya. Pero baka hindi mo kaagad makita kung bakit mahalaga na magpursige ka sa pag-aaral. Bakit? Dahil maaaring naiisip mo na hindi mo naman magagamit sa kasalukuyan ang lahat ng pinag-aaralan mo. Pero habang marami kang nalalaman hinggil sa iba’t ibang bagay, mas maiintindihan mo ang mundong ginagalawan mo. Tutulong ito sa iyo na maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao,” anupat mapagbubuti mo ang iyong kakayahan na makipag-usap sa iba’t ibang uri ng tao. (1 Corinto 9:22) Mapasusulong din nito ang iyong kakayahang mag-isip—na tiyak na magagamit mo sa hinaharap.
● Hakbang 2: Magkaroon ng kumpiyansa sa iyong kakayahan. Maaaring malinang mo sa paaralan ang iyong angking talino. Ganito ang isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Paningasing tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos na nasa iyo.” (2 Timoteo 1:6) Maliwanag na si Timoteo ay inatasan ng ilang pantanging pananagutan sa Kristiyanong kongregasyon. Pero kinailangan niyang linangin ang kaniyang bigay-Diyos na kakayahan—ang kaniyang “kaloob”—para hindi ito masayang. Siyempre, hindi naman tuwirang ibinigay sa iyo ng Diyos ang iyong husay sa pag-aaral. Pero bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng kani-kaniyang talento. Maaari kang tulungan ng paaralan na matuklasan at malinang ang mga iyon.
Kung iisipin mong hindi mo kayang pagbutihin ang iyong pag-aaral, mabibigo ka nga. Kaya kapag nasisiraan ka ng loob, magtuon ng pansin sa iyong mga kakayahan. Halimbawa, noong pinipintasan ng mga tao ang paraan ng pagsasalita ni Pablo sa madla, na wala namang sapat na basehan, sinabi ni Pablo: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 10:10; 11:6) Alam ni Pablo ang mga kahinaan niya. Pero alam din niya kung ano ang kaya niyang gawin.
Kumusta ka naman? Anu-ano ang kaya mong gawin? Kung wala kang maisip, bakit hindi magtanong sa isang adulto na nagmamalasakit sa iyo? Matutulungan ka niya na makita ang iyong mga kakayahan at nang sa gayon ay malinang mo ito.
● Hakbang 3: Magkaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral. Hindi ka puwedeng mag-shortcut. Kailangan mo talagang mag-aral. Totoo namang parang hindi nakakatuwang pakinggan ang salitang iyan. Pero kung mag-aaral ka, ikaw rin ang makikinabang. Ang totoo, sa kaunting tiyaga lang, maaari pa ngang maging kasiya-siya ito.
Para magkaroon ka ng mabuting kaugalian sa pag-aaral, kailangan mong gumawa ng iskedyul. Tandaan—dahil estudyante ka, pag-aaral ang dapat mong unahin. Totoo, sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:1, 4; 11:9) Kaya katulad ng karamihan sa mga kabataan, malamang na gusto mo ring maglibang.a Pero nagbababala ang Eclesiastes 11:4: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” Ang leksiyon? Aral muna, bago laro. Huwag kang mag-alala—hindi ka mauubusan ng panahon para sa paglilibang!
Tulong sa Paggawa ng mga Takdang-Aralin
Pero paano kung isang tambak ang takdang-aralin mo? Baka magkatulad kayo ng nadarama ng 17-anyos na si Sandrine. Ganito ang sabi niya: “Inaabot ako nang dalawa hanggang tatlong oras sa paggawa ng takdang-aralin gabi-gabi, pati pa nga Sabado at Linggo.” Paano mo matatapos ang iyong gabundok na takdang-aralin? Tingnan ang mungkahi sa pahina 119.
Paghawan sa mga Hadlang
Pinayuhan ni Pablo si Timoteo kung paano siya susulong bilang Kristiyano. Sinabi niya: “Magsikap ka sa mga bagay na ito, at lubusan mong italaga ang iyong sarili sa pagsasagawa nito, upang makita ng bawat isa ang iyong paglago.” (1 Timoteo 4:15, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kung magsisikap ka rin, mapagbubuti mo ang iyong pag-aaral.
Balikan natin ang ilustrasyon sa simula ng kabanatang ito. Kung nasa gitna ka ng isang masukal na kagubatan, kailangan mong gumawa ng paraan, o hakbang, para mahawan ang nasa harap mo at makagawa ng daan. Ganiyan din sa pag-aaral. Huwag mong isiping hindi mo kaya ang ipinagagawa sa iyo ng mga magulang mo at ng iyong guro. Gawin mo ang tatlong hakbang na tinalakay sa kabanatang ito para magtagumpay ka sa iyong pag-aaral. Matutuwa ka sa magiging resulta!
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 18
Ang hirap na ngang mag-aral, napag-iinitan ka pa. Ano kaya ang puwede mong gawin?
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paglilibang, tingnan ang Seksiyon 8 ng aklat na ito.
TEMANG TEKSTO
“Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.”—Eclesiastes 11:4.
TIP
Kung may pag-aaralan kang leksiyon, tingnan mo muna ang kabuuan ng materyal para malaman mo kung tungkol saan ito. Bumuo ng mga tanong batay sa mga paksa. Saka mo basahin ang materyal at hanapin ang mga sagot. Pagkatapos, tingnan mo kung maaalaala mo ang iyong binasa.
ALAM MO BA . . . ?
Kung mandaraya ka para lamang makapasa, mawawalan ng tiwala sa iyo ang mga tao at hindi ka rin matututo. Higit sa lahat, masisira ang kaugnayan mo sa Diyos.—Kawikaan 11:1.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Sa report card ko, gusto kong maabot ang grade na ․․․․․ sa subject na ito: ․․․․․
Para tumaas ang grade ko sa subject na ito, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit kailangan mong magpursige sa pag-aaral?
● Kailan mo mas gustong mag-aral o gumawa ng takdang-aralin?
● Saang lugar sa bahay ninyo mas gusto mong mag-aral at gumawa ng takdang-aralin?
● Ano ang gagawin mo para hindi makaapekto sa iyong pag-aaral ang paglilibang?
[Blurb sa pahina 117]
“May napapansin ako sa mga kaedad ko. Kung ano ang kaugalian nila sa pag-aaral sa eskuwelahan, gayon din ang nagiging kaugalian nila sa pag-aaral ng Bibliya. ’Yung mga batang hindi mahilig mag-aral, hindi rin interesadong mag-aral ng Bibliya.”—Sylvie
[Kahon/Larawan sa pahina 119]
Humanap ng angkop na lugar para mag-aral. Dapat na tahimik ito, anupat hindi ka magagambala. Gumamit ng mesa, kung mayroon. Huwag buksan ang TV.
Unahin ang mahahalagang bagay. Yamang mahalaga ang iyong pag-aaral, huwag kang manonood ng TV hangga’t hindi mo natatapos ang iyong takdang-aralin.
Iwasan ang kaugaliang ‘bukas na lang.’ Gumawa ng iskedyul kung kailan mo gagawin ang iyong takdang-aralin at sundin ito.
Magplano. Alin sa iyong mga takdang-aralin ang uunahin mo? Alin ang susunod? Isulat ito sa papel, at ilagay kung hanggang anong oras mo gagawin ang bawat isa. Markahan ang natapos mo na.
Magpahinga. Kung hindi ka na makapagtuon ng pansin sa iyong takdang-aralin, magpahinga sandali. Pero kapag nakapahinga ka na, bumalik din agad sa iyong ginagawa.
Magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Tandaan, karaniwan nang nagiging mahusay ang isang estudyante hindi dahil sa talino niya kundi sa sipag niya sa pag-aaral. Maaari ka ring magtagumpay sa iyong pag-aaral. Gaya nga ng kasabihan, kapag may tiyaga, may nilaga.
[Larawan sa pahina 116]
Para kang nasa masukal na kagubatan kapag nag-aaral ka. Kailangan mong gumawa ng paraan para mahawan ang mga hadlang