ARALIN 47
Handa Ka Na Bang Magpabautismo?
Marami ka nang natutuhan tungkol kay Jehova sa pagba-Bible study mo. Baka may mga binago ka na rin sa buhay mo para maisabuhay ang mga natutuhan mo. Pero baka may pumipigil sa iyo na mag-alay kay Jehova at magpabautismo. Tatalakayin sa artikulong ito ang mga puwedeng pumigil sa iyo na magpabautismo at kung paano mo ito haharapin.
1. Gaano karami ang dapat mong malaman para mabautismuhan ka?
Para mabautismuhan ka, kailangang may “tumpak na kaalaman [ka] sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Hindi ibig sabihin nito na kailangang alam mo ang lahat ng sagot sa mga tanong sa Bibliya bago ka mabautismuhan. Kasi kahit ang matatagal nang bautisadong Kristiyano ay patuloy pa ring natututo. (Colosas 1:9, 10) Pero dapat na alam mo ang mga pangunahing turo sa Bibliya. Matutulungan ka ng mga elder para malaman kung alam mo na ang mga ito.
2. Ano ang mga kailangan mong gawin para mabautismuhan ka?
Bago ka mabautismuhan, kailangang “magsisi [ka] at manumbalik.” (Basahin ang Gawa 3:19.) Ibig sabihin, dapat na pagsisihan mo ang lahat ng mali mong nagawa, at hihingi ka ng kapatawaran kay Jehova. Desidido ka ring mamuhay sa paraang gusto ng Diyos at hindi mo gagawin ang mga bagay na ayaw niya. Isa pa, makikibahagi ka rin sa mga gawain ng kongregasyon gaya ng pagdalo sa mga pulong. At mangangaral ka rin bilang isang di-bautisadong mamamahayag.
3. Bakit hindi ka dapat mapigilan ng takot?
Natatakot ang ilan na baka hindi nila matupad ang ipinangako nila kay Jehova. Ang totoo, puwede ka talagang magkamali. Nangyari din iyan sa tapat na mga lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Tandaan na hindi umaasa si Jehova na magiging perpekto ang mga lingkod niya. (Basahin ang Awit 103:13, 14.) Natutuwa siyang makita na ginagawa mo ang lahat para sa kaniya! At tutulungan ka niya. Ang totoo, sinisigurado sa atin ni Jehova na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig [niya].”—Basahin ang Roma 8:38, 39.
PAG-ARALAN
Alamin ang dalawang bagay na puwede mong gawin para maharap ang mga hadlang sa pagpapabautismo: Kilalanin pa si Jehova at tanggapin ang tulong niya.
4. Kilalanin pa si Jehova
Gaano mo dapat kakilala si Jehova bago ka mabautismuhan? Kailangang sapat ang kaalaman mo tungkol kay Jehova para may dahilan ka na mahalin siya at pasayahin siya. Panoorin ang VIDEO para makita kung paano ito ginawa ng mga nag-aaral ng Bibliya sa buong mundo. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nakatulong sa ilang nag-aaral ng Bibliya para maihanda ang sarili nila sa bautismo?
Basahin ang Roma 12:2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Nagdududa ka ba sa ilang turo ng Bibliya o kung itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan?
Kung mayroon, ano ang puwede mong gawin?
5. Harapin ang mga nakakapigil sa iyo na magpabautismo
Kapag inialay natin ang sarili natin kay Jehova at nagpabautismo na tayo, may mga problema talaga tayong haharapin. Tingnan ang isang halimbawa. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga hadlang ang kailangang harapin ni Narangerel para makapaglingkod siya kay Jehova?
Paano nakatulong ang pag-ibig niya kay Jehova para maharap ang mga ito?
Basahin ang Kawikaan 29:25 at 2 Timoteo 1:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano tayo magkakaroon ng lakas ng loob para maharap ang mga hadlang?
6. Magtiwala sa tulong ni Jehova
Tutulungan ka ni Jehova para mapasaya mo siya. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa video, ano ang nakakapigil sa isang nag-aaral ng Bibliya na magpabautismo?
Paano tumibay ang pagtitiwala niya kay Jehova?
Basahin ang Isaias 41:10, 13. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit ka makakapagtiwala na matutupad mo ang mga ipinangako mo sa pag-aalay mo kay Jehova?
7. Mas pahalagahan pa ang pag-ibig ni Jehova
Habang mas pinag-iisipan mo kung gaano ka kamahal ni Jehova, mas papasalamatan mo siya at mas gugustuhin mong paglingkuran siya habambuhay. Basahin ang Awit 40:5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Anong mga pagpapala ni Jehova ang talagang pinapahalagahan mo?
Mahal ni propeta Jeremias si Jehova at ang salita niya, at talagang pinapahalagahan niya ang pribilehiyong dalhin ang pangalan ni Jehova. Sinabi niya: “Ang iyong salita ay naging kagalakan at kaluguran ng puso ko, dahil tinatawag ako sa pangalan mo, O Jehova na Diyos.” (Jeremias 15:16) Sagutin ang mga tanong na ito:
Bakit isang espesyal na pribilehiyo ang maging Saksi ni Jehova?
Gusto mo bang mabautismuhan bilang Saksi ni Jehova?
May nakakapigil ba sa iyo na gawin ito?
Ano pa ang kailangan mong gawin para mabautismuhan?
MAY NAGSASABI: “Natatakot akong magpabautismo, kasi baka ’di ko matupad ang mga pangako ko.”
Iyan din ba ang nararamdaman mo?
SUMARYO
Sa tulong ni Jehova, mahaharap mo ang anumang pumipigil sa iyo na magpabautismo.
Ano ang Natutuhan Mo?
Gaano karami ang dapat mong malaman bago ka mabautismuhan?
Anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin bago ka magpabautismo?
Bakit hindi ka dapat mapigilan ng takot para magpabautismo?
TINGNAN DIN
Alamin kung ano ang dapat na dahilan mo sa pagpapabautismo.
“Handa Ka Na Bang Magpabautismo?” (Ang Bantayan, Marso 2020)
Alamin kung paano mo mahaharap ang iba’t ibang hamon na nakakapigil sa iyo na magpabautismo.
“Ano ang Nakakapigil sa Akin na Magpabautismo?” (Ang Bantayan, Marso 2019)
Tingnan kung ano ang ginawa ng isang lalaki para mabautismuhan siya.
Nagdadalawang-isip na magpabautismo si Ataa. Tingnan kung ano ang nakakumbinsi sa kaniya na ituloy ito.