‘O Jehova, Ilagay Mo Ako sa Pagsubok’
“SI Jehova ang tagasuri ng mga puso.” (Kawikaan 17:3) Isa nga itong malaking kaaliwan para sa atin. Bakit? Dahil di-tulad ng mga tao, na humahatol ayon lamang sa nakikita ng kanilang mga mata, ang ating makalangit na Ama ay ‘tumitingin sa kung ano ang nasa puso.’—1 Samuel 16:7.
Ang totoo, kahit na nga tayo mismo ay hindi pa rin makapagsasabing tunay na nakaaalam kung ano talaga ang ating motibo at hangarin sa buhay. Bakit? Sapagkat ang ating “puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” Aba, kilala ito ng Diyos, sapagkat sinabi niya: “Akong si Jehova ang sumisiyasat sa puso, sumusuri sa mga bato.” (Jeremias 17:9, 10) Oo, nauunawaan ni Jehova ang “puso”—pati na ang talagang motibo natin—gayundin ang “mga bato,” ang ating iniisip at nararamdaman.
Bakit Sinusubok?
Hindi nga kataka-takang sabihin ni Haring David sa Diyos: “Suriin mo ako, O Jehova, at ilagay mo ako sa pagsubok; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.” (Awit 26:2) Napakalinis nga ba ng pagkilos at pagsasalita ni David, anupat hindi siya natatakot na subukin ni Jehova? Hindi naman! Tulad natin, si David ay hindi rin sakdal at hindi lubusang nakaaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Dahil sa kaniyang mga kahinaan, si David ay nakagawa ng ilang malulubhang kasalanan, pero siya ay ‘lumakad pa rin taglay ang katapatan ng puso.’ (1 Hari 9:4) Paano? Tinanggap niya ang disiplina at itinuwid ang kaniyang daan. Sa gayon ay naipakita niyang talagang mahal niya si Jehova. Lubos ang kaniyang debosyon sa Diyos.
Kumusta naman tayo sa ngayon? Alam ni Jehova na hindi tayo sakdal at maaari tayong magkasala sa ating pananalita at gawa. Pero hindi naman niya pinangungunahan ang ating buhay sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang kakayahang umalam ng ating kinabukasan. Nilalang niya tayo na may kalayaang magpasiya—isang kaloob na buong-kabaitan niyang ibinigay sa atin.
Sa paanuman, sinusubok pa rin ni Jehova paminsan-minsan ang ating tunay na niloloob pati na ang ating mga motibo. Maaaring ipahintulot niya ang mga pagkakataong magsisiwalat sa laman ng ating puso. Maaari din namang ipahintulot niyang mapalagay tayo sa iba’t ibang situwasyon o pagsubok upang makita ang ating tunay na hangarin. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong ipakita kay Jehova kung hanggang saan ang ating debosyon at katapatan sa kaniya. Ang gayong mga pagsubok na ipinahihintulot ni Jehova ay magpapatunay sa tibay ng ating pananampalataya, kung tayo nga ay “ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.”—Santiago 1:2-4.
Pananampalatayang Sinubok
Hindi na bago sa mga lingkod ni Jehova ang mga pagsubok sa pananampalataya at mga motibo. Kunin nating halimbawa ang patriyarkang si Abraham. “Inilagay ng tunay na Diyos si Abraham sa pagsubok.” (Genesis 22:1) Nang sabihin ang mga salitang ito, nasubok na ang pananampalataya ni Abraham sa Diyos. Mga ilang dekada bago nito, hinilingan ni Jehova si Abraham na umalis silang mag-anak sa maunlad na lunsod ng Ur at lumipat sa isang lupain na hindi pa nila alam. (Genesis 11:31; Gawa 7:2-4) Si Abraham, na malamang na may sariling bahay sa Ur, ay hindi bumili ng anumang permanenteng tirahan sa Canaan, na pinanirahan niya sa loob ng maraming dekada. (Hebreo 11:9) Dahil sa pagiging lagalag, si Abraham at ang kaniyang pamilya ay nanganib na magutom, mahulog sa kamay ng mga bandido at ng mga paganong pinuno sa lugar na iyon. Sa buong panahong ito, napatunayang matibay ang pananampalataya ni Abraham.
Pagkatapos nito, isang mas malaking pagsubok kay Abraham ang ibinigay ni Jehova. “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at . . . ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Genesis 22:2) Para kay Abraham, si Isaac ay hindi isang ordinaryong anak lamang. Siya ay nag-iisang anak nila ng kaniyang asawang si Sara. Si Isaac ay isinilang dahil sa isang pangako, ang tanging pag-asa ni Abraham sa pangako ng Diyos na ang kaniyang “binhi” ang magmamana ng lupain ng Canaan at magiging pagpapala sa marami. Sa katunayan, si Isaac ang anak na inaasahan ni Abraham at isinilang dahil sa himala ng Diyos!—Genesis 15:2-4, 7.
Maguguniguni mo kung gaano kahirap para kay Abraham na unawain ang utos na ito. Hihilingin kaya ni Jehova na ihain sa kaniya ang isang tao? Bakit naman kaya ipadarama ni Jehova kay Abraham ang sarap ng magkaanak kahit matanda na siya at pagkatapos ay hihilinging ihain ang anak na ito?a
Kahit walang malinaw na sagot sa mga tanong na ito, agad pa ring sumunod si Abraham. Tatlong araw siyang naglakbay bago nakarating sa nasabing bundok. Nagtayo siya roon ng altar at nilagyan niya ito ng mga kahoy sa ibabaw. Dumating na ang sandali ng pagsubok. Hinawakan ni Abraham ang kutsilyong pangkatay, ngunit nang papatayin na niya ang kaniyang anak, pinigilan siya ni Jehova sa pamamagitan ng isang anghel at sinabi: “Ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.” (Genesis 22:3, 11, 12) Isipin na lamang ang malaking kagalakan ni Abraham nang marinig niya ito! Tama ang inaasahan ni Jehova sa pananampalataya ni Abraham. (Genesis 15:5, 6) Pagkaraan, inihain ni Abraham ang isang barakong tupa kapalit ni Isaac. Saka pinagtibay ni Jehova ang mga pangako ng tipan tungkol sa binhi ni Abraham. Kaya naman nakilala si Abraham bilang kaibigan ni Jehova.—Genesis 22:13-18; Santiago 2:21-23.
Sinusubok Din ang Ating Pananampalataya
Alam nating lahat na hindi makaiiwas ang mga lingkod ng Diyos sa mga pagsubok. Pero sa ating kaso, mas madalas na nasusubok ang ating pananampalataya dahil sa mga pangyayaring ipinahihintulot ni Jehova kaysa sa mga bagay na iniuutos niya sa atin.
Sumulat si apostol Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Ang mga pag-uusig na iyan ay maaaring magmula sa mga kaeskuwela, kaibigan, kamag-anak, kapitbahay, o mga awtoridad ng gobyerno na nabigyan ng maling impormasyon. Lakip na rito ang berbal at pisikal na pananakit pati na rin ang paghadlang na kumita ang isang Kristiyano. Dumaranas din ang mga tunay na Kristiyano ng mga problemang karaniwan na sa mga tao—sakit, pagkabigo, at kawalang-katarungan. Ang lahat ng ito ay sumusubok sa pananampalataya ng isang tao.
Itinawag-pansin ni apostol Pedro ang mga pakinabang kapag sinusubok ang pananampalataya ng isa: “Pinipighati kayo ng iba’t ibang pagsubok, upang ang subok na katangian ng inyong pananampalataya, na mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira sa kabila ng pagkasubok dito ng apoy, ay masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (1 Pedro 1:6, 7) Oo, ang mga epekto ng pagsubok ay inihahalintulad sa pagdalisay ng ginto sa apoy. Sa prosesong ito, naihihiwalay ang tunay na ginto sa mga dumi nito. Ganito rin ang nangyayari sa ating pananampalataya kapag dumaranas tayo ng pagsubok.
Halimbawa, ang isang aksidente o likas na kasakunaan ay maaaring magbunga ng pagdurusa. Pero ang mga may tunay na pananampalataya ay hindi nagpapadala sa sobrang pagkabalisa. Naaaliw sila sa sinabi ni Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Patuloy nilang inuuna ang espirituwal na mga bagay, kasabay ng pagtitiwalang pagpapalain ng Diyos na Jehova ang kanilang mga pagsisikap na makamit ang talagang kailangan nila. Dahil sa kanilang pananampalataya, nalalampasan nila ang mahihirap na panahon at hindi nila pinahihirapan ang kanilang sarili ng labis na pagkabalisa.
Dahil sa mga pagsubok, nalalaman natin kung saan mahina ang ating pananampalataya at makatutulong ito kung makikita natin na kailangan nating gumawa ng mga pagtutuwid. Makabubuting tanungin ng isang tao ang kaniyang sarili: ‘Paano ko kaya mapatitibay ang aking pananampalataya? Kailangan ko bang higit pang pag-aralan at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos kasabay ng taimtim na pananalangin? Lubos ko bang pinahahalagahan ang mga pulong kasama ng aking mga kapatid sa pananampalataya? Umaasa ba ako sa aking sarili sa halip na ilapit sa Diyos na Jehova ang aking mga problema sa pamamagitan ng panalangin?’ Gayunman, ang pagsusuring ito sa sarili ay pasimula pa lamang.
Upang mapatibay ang ating pananampalataya, baka kailangang pasulungin ang ating gana sa espirituwal na pagkain, anupat nagkakaroon ng “pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2; Hebreo 5:12-14) Dapat tayong maging katulad ng taong inilarawan ng salmista: “Ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.”—Awit 1:2.
Nangangahulugan ito ng higit pa sa basta pagbabasa lamang ng Bibliya. Mahalagang isipin natin kung ano ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos at ikapit ang payo nito. (Santiago 1:22-25) Kung gagawin natin ito, lalong mag-iibayo ang ating pag-ibig sa Diyos, lalong magiging espesipiko at personal ang ating mga panalangin, at lalong titibay ang ating pananampalataya sa kaniya.
Ang Kahalagahan ng Subok na Pananampalataya
Kung batid nating kailangang-kailangan ang pananampalataya upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, lalo tayong mauudyukang patibayin ito. Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kaya naman, dapat na madama rin natin ang nadama ng isang lalaking nakiusap kay Jesus: “Tulungan mo ako kung saan ako nangangailangan ng pananampalataya!”—Marcos 9:24.
Makatutulong din sa iba ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. Halimbawa, kapag namatayan ng mahal sa buhay ang isang Kristiyano, natutulungan siya ng kaniyang matibay na pananampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa pagkabuhay-muli. Siya ay tumatangis, pero ‘hindi nalulumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.’ (1 Tesalonica 4:13, 14) Kapag nakikita ng iba na nagiging matatag ang isang Kristiyano dahil sa kaniyang pananampalataya, maaaring isipin nilang mayroon siyang taglay na isang bagay na napakahalaga. Baka hangarin din nilang magkaroon ng gayong pananampalataya, anupat maudyukan silang mag-aral ng Salita ng Diyos at maging mga alagad ni Jesu-Kristo.
Alam ni Jehova na napakahalaga ng isang subok na pananampalataya. Bukod diyan, ang mga pagsubok sa pananampalataya ay tumutulong sa atin na makita kung talaga ngang matatag ang ating pananampalataya. Natutulungan tayo nitong makita kung saan mahina ang ating pananampalataya, anupat naitutuwid natin ang mga bagay-bagay. Bilang panghuli, kapag nagtagumpay tayo sa mga pagsubok, baka matulungan ang iba na maging mga alagad din ni Jesus. Kaya gawin sana natin ang lahat ng ating makakaya upang mapanatiling matibay ang ating pananampalataya—pananampalatayang matapos dumaan sa sunud-sunod na pagsubok ay “masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.”—1 Pedro 1:7.
[Talababa]
a Tungkol sa makasagisag na kahulugan ng “paghahain” kay Isaac, tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 1989, pahina 22.
[Larawan sa pahina 13]
Dahil sa mga gawa ng pananampalataya ni Abraham, naging kaibigan siya ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 15]
Napatutunayan ng mga pagsubok na talaga ngang matatag ang ating pananampalataya
[Picture Credit Line sa pahina 12]
From the Illustrated Edition of the Holy Scriptures, by Cassell, Petter, & Galpin