Ikaw ba’y May Mapag-usisang Kaisipan?
ANG kuryusidad o pag-uusyoso ay isang “hangarin na makaalam.” Ang matinding kuryusidad ang nagtutulak sa isang tao na manabik na matuto, alamin ang tungkol sa mga bagay-bagay. Si Jehova ang nagtanim sa atin ng pananabik na ito, kaya halos sapol sa sandali ng pagsilang ay nasasabik tayo na manggalugad sa daigdig na nakapalibot sa atin. Ang mismong pag-iral natin ay isang walang katapusang pagkatuto. Upang tayo’y maging maygulang na mga taong nasa wastong ayos, kailangang masapatan ang ating kuryusidad, ang ating hangaring malaman ang puno’t dulo ng mga bagay.
Ito’y lalong totoo kung tungkol sa espirituwal na mga bagay. Ang ating kinabukasan may kaugnayan sa buhay na walang hanggan ay depende sa ating pagkatuto tungkol sa Diyos na Jehova. (Juan 17:3) Sinasabi sa atin ng Bibliya na ibig niya na tayo’y mag-usisa tungkol sa kaniya, “mag-apuhap sa kaniya at masumpungan siya.” (Gawa 17:23, 24, 27) Kung susugpuin natin ang ating kuryusidad o pipigilin sa pag-unlad, ang ating pagsulong ay magiging napakabagal. Ang totoo, ang kakulangan ng interes sa espirituwal na mga bagay ay maaaring humantong sa kamatayan.—Awit 119:33, 34; Oseas 4:6.
Kaya naman, ang mga lingkod ni Jehova sapol noong sinaunang mga panahon ay laging pinaaalalahanan ng pangangailangan ng turo at ng pagkatuto upang masapatan ang wastong hangarin na matuto. (Deuteronomio 6:6, 7; 31:12; 2 Cronica 17:9) Si Jesus na Mesiyas ang pinakadakilang guro kailanman dito sa lupa. (Mateo 9:35) Ang kaniyang mga alagad ay tumulad sa kaniyang halimbawa. Kahit na kung nakaharap sa pagsalansang, sila’y “patuloy sa walang lubay na pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita.” (Gawa 5:42) Ang gayong pagtuturo ang pumupukaw ng interes sa mapag-usisang mga kaisipan. Marami ang katulad ng mga taga-Berea, na tumugon nang “may pinakamalaking pananabik ng isip, na maingat na sinisiyasat ang Kasulatan araw-araw upang alamin kung totoo nga ang mga bagay na ito.”—Gawa 17:11.
Gayundin naman, marami sa mga gawain ng modernong kongregasyong Kristiyano ay nakasentro sa pagtuturo. Sa gayon, ang kongregasyon ay tumutupad ng isang mahalagang layunin ng kaniyang pag-iral, samakatuwid nga, upang itaguyod at sapatan ang hangarin na matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Ang ganitong uri ng kuryusidad ay mabuti at kapaki-pakinabang.
Wastong mga Hangganan ng Kuryusidad
Datapuwat, kung minsan, ang mga anak ay kailangang maingatan buhat sa kanilang sariling kuryusidad. Pagka ang isang sanggol ay dumukwang upang hipuin ang isang bagay na mainit o sa pag-uusyoso’y nagsubo ng isang bagay na kristal upang alamin kung ano ang lasa niyaon, baka siya’y mapinsala. Hindi natin hinahadlangan ang kaniyang paglaki pagka sinupil natin ang kaniyang pagkamausyoso sa mga bagay na iyon.
Paglaki-laki ng mga anak, sa kanilang pag-uusyoso ay baka muling mapinsala sila. Halimbawa, baka ang isang tin-edyer na lalaki ay maging totoong mausyoso tungkol sa isang magasing pornograpiko. O ang isang tin-edyer na babae ay baka, dahil sa pag-uusyoso, sumubok na gumamit ng tabako o iba pang mga droga. Isang grupo ng mga kabataan ang baka magsama-sama at mag-inuman ng maraming beer—upang subukin kung sila’y malalasing at makita kung ano nga iyon sa totoo! Muli, hindi natin hinahadlangan ang natural na paglaki at pag-unlad ng isang tin-edyer pagka sinugpo natin ang ganitong uri ng pag-uusyoso.
Mayroon bang mga pitak na kung saan ang kuryusidad ng isang maygulang na Kristiyano ay maaaring magdala sa kaniya ng suliranin? Oo, mayroon. Si Pablo ay nagbabala kay Timoteo laban sa mga taong nagsasamantala sa kuryusidad ng isang Kristiyano upang sirain ang kaniyang pananampalataya. “Oh Timoteo,” sabi ni Pablo, “ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan na labag sa kabanalan at ang mga salungatan ng maling tinatawag na ‘kaalaman.’ Sa pagpaparangal ng gayong kaalaman ang iba ay nangalihis sa pananampalataya.”—1 Timoteo 6:20, 21.
Sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, si Pablo ay patuloy na nagbigay ng babala: “Ang mismong mga taong ito ay humiwalay na sa katotohanan, at sinasabi nila na nangyari na ang pagkabuhay-muli; at kanilang inililigaw ang pananampalataya ng iba.” (2 Timoteo 2:18) Maguguniguni mo ba kung paanong ang gayong pahayag ay tiyak na nakapukaw ng kuryusidad? Ang walang malay na mga tao ay marahil nag-uusisa ng ganito: ‘Ano ba ang ibig sabihin ng mga taong ito? Paano nila masasabi na ang pagkabuhay-muli ay nangyari na?’ Palibhasa’y naguguluhan, baka sila ay nakinig. Ang resulta? Ang iba ay nailigaw sa pananampalataya. Ang pakikinig sa gayong pangungusap ng dahil sa pag-uusyoso ay mapanganib kung paanong ang pagsubok na gumamit ng mga droga o magbasa ng pornograpyang mga babasahin ng dahil sa kuryusidad ay mapanganib.
Ibig bang sabihin nito na ang mga Kristiyano ay makikitid ang isip, hindi handang makinig sa opinyon ng mga ibang tao? Hindi, hindi iyan ang punto. Bagkus, sila ay pinapayuhan na iwasan ang pagbubukas ng kanilang isip sa mga bagay na maaaring magdala sa kanila ng kadalamhatian sa dakong huli. Isip-isipin lamang na disin sana’y naiba ang takbo ng kasaysayan kung si Eva ay tumanggi na padala sa kaniyang kuryusidad sa pamamagitan ng pakikinig sa mapandayang mga salita ni Satanas na Diyablo! (Genesis 3:1-6) Si apostol Pablo ay nagbabala sa matatanda sa Efeso tungkol sa “mga lobo” na, taglay ang gayunding espiritu na katulad ng kay Satanas sa pakikitungo kay Eva, “nagsasalita ng pinilipit na mga bagay upang makatangay ng mga alagad.” (Gawa 20:29, 30) Sila’y gumagamit ng “mga salitang pakunwari” na ang layunin ay “pagsamantalahan” tayo. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng kaisipan na lason sa espirituwalidad ng isang Kristiyano.—2 Pedro 2:3.
Kung alam mo na ang isang inumin ay nakalalason, iinumin mo ba iyon dahil sa pag-uusyoso upang makita kung ano baga ang lasa niyaon, o upang alamin kung may sapat na lakas ang iyong katawan upang makaagwanta sa lason? Siyempre hindi. Gayundin naman, matalino ba na buksan ang iyong isip upang mapasukan ng mga salita na sadyang ginawa upang dumaya sa iyo at mailayo ka sa katotohanan? Hinding-hindi!
Mag-ingat Laban sa Makasanlibutang mga Pilosopya
Ang pag-uusyoso ay pipinsala rin naman sa atin kung tayo’y nahihila nito na magsiyasat ng makasanlibutang mga pilosopya. Ang depinisyon ng pilosopya ay “mga pagsisikap ng tao na maunawaan at maipaliwanag sa pamamagitan ng pangangatuwiran at haka-haka ang buong karanasan ng tao, ang mga sanhi at mga prinsipyo ng totoong mga bagay.” Datapuwat, sa bandang huli, yaong mga nagtataguyod ng mga pilosopya ng tao ay nagiging katulad niyaong mga “laging nag-aaral ngunit kailanman ay hindi sumasapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan.” (2 Timoteo 3:7) Ang kanilang pagkabigo ay dahil sa isang pangunahing pagkakamali: Sila’y sa karunungan ng tao umaasa imbis na sa karunungang nagmumula sa Diyos.
Ang kamaliang ito ay tahasang ibinilad ni apostol Pablo. Kaniyang binanggit sa mga taga-Corinto ang tungkol sa “karunungan ng sanlibutang ito,” na “kamangmangan sa Diyos.” (1 Corinto 3:19) At siya’y nagbabala sa mga taga-Roma laban sa mga “mangmang sa kanilang mga pangangatuwiran.” (Roma 1:21, 22) Si Jehova ang pinagmumulan ng lahat ng mayroon tayo. Matuwid lamang, sa kaniya tayo humingi ng “tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan” at siya ang magsisiwalat sa atin ng “malalalim na bagay ng Diyos.” (Filipos 1:9; 1 Corinto 2:10) Ang pangunahing pinagmumulan ng karunungan ng Diyos ay ang kaniyang Salita, ang Bibliya.
Dahilan sa hindi sinusunod ng mga pilosopya ng tao ang Salita ng Diyos, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang panganib na likha nito. Ang modernong mga kaisipang pilosopiko ay nakahikayat sa maraming mga guro ng Sangkakristiyanuhan na tanggapin ang doktrina ng ebolusyon. Itinakwil pa nga nila ang kanilang paniwala sa pagkakinasihan ng Bibliya kapalit ng higher criticism upang sila’y magtamo ng respektabilidad bilang marurunong. Ang resulta ng pulitikal at sosyal na mga pilosopya na nagtataguyod ng personal na kalayaan ay ang salot ng aborsiyon, laganap na imoralidad sa sekso, abuso sa droga, at iba pang mga gawaing nagpapahamak. Dahil sa usong materyalistikong kaisipan karamihan ng mga tao sa ngayon ay ang kanilang materyal na mga ari-arian ang ginagawang panukat ng kaligayahan at tagumpay.
Lahat ng mga pilosopyang ito ay pawang mga pagsisikap na lutasin ang mga problema o humanap na kaligayahan sa pamamagitan ng pangangatuwiran ng tao at hiwalay sa tulong ng Diyos. Ito’y pawang lumalabag sa mahalagang katotohanan na kinilala ni Jeremias: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang ating kaligayahan at ang ating kaligtasan ay depende sa ating pagsunod at pagtitiwala kay Jehova. Kaya isang karunungan na labanan ang tukso na padala sa ating kuryusidad, anupa’t ibinibilad ang ating isip sa mga kuru-kuro ng tao na maaaring maglihis sa ating kaisipan at sa bandang huli ay ipahamak tayo kasama ng mga taong walang pag-asa.
Pag-uusyoso Tungkol sa Napipintong Wakas
Sapol nang isiwalat ni Jehova sa Eden na siya’y may layunin na alisin ang kasamaan na epekto ng paghihimagsik ni Satanas, ang Kaniyang tapat na mga lingkod ay lagi nang masigla sa pag-uusisa tungkol sa katuparan ng layunin ng Diyos. Aba, maging ang mga anghel man ay nakitaan ng kuryusidad tungkol dito! (1 Pedro 1:12) Noong kaarawan ni Jesus, marami ang lubhang interesado sa pagkaalam sa eksaktong panahon kung kailan darating ang Kaharian. Subalit, paulit-ulit na sinabi sa kanila ni Jesus na hindi kalooban ni Jehova na malaman nila iyon. (Mateo 25:13; Marcos 13:32; Gawa 1:6, 7) Anumang pagtatangka na tumiyak ng isang espisipikong petsa ay magiging walang kabuluhan. Sa halip, may katalinuhang pinayuhan niya sila na ang bigyang pansin ay ang kanilang mga pananagutang Kristiyano, taglay ang pagkadama ng kaiklian ng panahon bawat araw.—Lucas 21:34-36.
Sa ngayon, ang mga pangyayari sa daigdig ay sapat-sapat na nagpapatunay na malapit na ang wakas, at marami ang nasasabik malaman ang tungkol sa petsa kung kailan ito magaganap. Baka dahil sa mga ilang pangyayari ay kombinsido ang iba na natuklasan nila ang araw at ang oras. Sila’y dumaranas ng malaking pagkabalisa, marahil hanggang sa sukdulang mapahiwalay sila sa paglilingkod sa Diyos, nang ang kanilang mga inaasahan ay hindi natupad. Mas magaling ang ipaubaya ang bagay na iyan kay Jehova, at magtiwala na pangyayarihin niya ang wakas sa tamang-tamang panahon. Lahat ng kinakailangan natin upang maging handa ay inilaan.
Kailangan ang Maging Timbang
Samakatuwid, tulad ng maraming mga iba pang bagay sa buhay, ang ating pagkamausisa o pagkamausyoso ay maaaring maging isang pagpapala o isang sumpa. Kung inilalagay sa wastong dako, napapakinabangan ito sa paghahayag ng walang katulad na mga hiyas ng kaalaman na nagdadala ng kagalakan at kaginhawahan. Ang isang balanseng pag-uusisa tungkol sa ating Maylikha, sa kaniyang kalooban, at sa kaniyang layunin ay maaaring lumabas na lubhang kasiya-siya at kapaki-pakinabang. Ang walang disiplina at wala sa lugar na pag-uusisa ay maaaring magsadlak sa atin sa lusak ng paghahaka-haka at mga bungang-isip ng tao na kung saan hindi makapananatili ang tunay na pananampalataya at maka-Diyos na debosyon. Kung gayon, pagka ang inyong pag-uusyoso’y nagsasapanganib na akayin kayo sa isang bagay na maaaring makapinsala, kayo’y “magsipag-ingat upang huwag kayong maakay nila . . . at maihiwalay kayo sa inyong katatagan.”—2 Pedro 3:17.