“Kilala ni Jehova Yaong mga Nauukol sa Kaniya”
“Kung iniibig ng sinuman ang Diyos, ang isang ito ay kilala niya.”—1 COR. 8:3.
1. Magbigay ng ulat sa Bibliya na nagpapakita kung paano dinaya ng ilan sa bayan ng Diyos ang kanilang sarili. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
ISANG umaga, nakatayo ang mataas na saserdoteng si Aaron sa pasukan ng tabernakulo ni Jehova, hawak ang isang lalagyan ng apoy na may insenso. Nasa malapit naman si Kora kasama ang 250 lalaki na naghahandog din ng insenso, gamit ang kani-kaniyang lalagyan ng apoy. (Bil. 16:16-18) Sa unang tingin, parang lahat ng naroon ay tapat na mananamba ni Jehova. Pero di-gaya ni Aaron, si Kora at ang mga kasama niya ay mayayabang na rebelde na nagtatangkang agawin ang pagkasaserdote. (Bil. 16:1-11) Iniisip nilang tatanggapin ng Diyos ang kanilang pagsamba, pero dinadaya nila ang kanilang sarili. Ang totoo, iniinsulto nila si Jehova. Nababasa niya ang kanilang puso at nakikita ang pagpapaimbabaw nila.—Jer. 17:10.
2. Ano ang sinabi ni Moises na mangyayari? Paano nagkatotoo ang sinabi niya?
2 Bago ang araw na iyon, sinabi ni Moises: “Sa kinaumagahan ay ipakikilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.” (Bil. 16:5) Paano ipinakita ni Jehova na alam niya kung sino ang tunay na mga mananamba at kung sino ang nagpapaimbabaw? “Lumabas ang apoy mula kay Jehova at tinupok [si Kora at] ang dalawang daan at limampung lalaking naghahandog ng insenso.” (Bil. 16:35; 26:10) Pero hindi pinatay ni Jehova si Aaron. Ipinakita niyang si Aaron ang tunay na saserdote at tunay na mananamba ng Diyos.—Basahin ang 1 Corinto 8:3.
3. (a) Ano ang nangyari noong panahon ni apostol Pablo? (b) Ano ang matututuhan natin sa ginawang paghatol ni Jehova sa mga rebelde noong panahon ni Moises?
3 Pagkalipas ng mga 1,500 taon, may ganito ring nangyari noong panahon ni apostol Pablo. Tinanggap ng ilang nag-aangking Kristiyano ang huwad na mga turo at patuloy na nakisama sa kongregasyon. Sa unang tingin, walang ipinagkaiba ang mga apostatang iyon sa ibang miyembro ng kongregasyon. Pero ang totoo, para silang mababangis na lobong nakadamit-tupa, at sinisira nila o “iginugupo ang pananampalataya ng ilan.” (2 Tim. 2:16-18) Nakikita ba sila ni Jehova? Oo. Alam ni Pablo ang ginawa ng Diyos sa mga rebelde—kay Kora at sa mga tagasuporta niya—kaya nakakatiyak siyang alam na alam din ni Jehova ang sitwasyon noong unang siglo. Suriin natin ang isang palaisipang teksto sa Bibliya at ang praktikal na aral na matututuhan natin doon.
“AKO AY SI JEHOVA; HINDI AKO NAGBABAGO”
4. Saan kumbinsido si Pablo? Ano ang sinabi niya kay Timoteo?
4 Nakakatiyak si Pablo na nakikita ni Jehova ang pakitang-taong pagsamba. Kumbinsido rin siya na kilala ni Jehova kung sino ang mga tunay na mananamba Niya. Makikita iyon sa sinabi ni Pablo sa liham niya kay Timoteo. Matapos ilarawan ang pinsalang idinudulot ng mga apostata sa pananampalataya ng ilan, sinabi ni Pablo: “Gayunpaman, ang matatag na pundasyon ng Diyos ay nananatiling nakatayo, na taglay ang tatak na ito: ‘Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya,’ at: ‘Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.’ ”—2 Tim. 2:18, 19.
5, 6. Ano ang kapansin-pansin sa paggamit ni Pablo sa pananalitang “matatag na pundasyon ng Diyos”? Paano malamang na nakaapekto kay Timoteo ang pananalitang iyon?
5 Ano ang kapansin-pansin sa mga salitang ginamit ni Pablo sa tekstong ito? Sa Bibliya, dito lang binanggit ang pananalitang “matatag na pundasyon ng Diyos.” Ginagamit ng Bibliya ang salitang “pundasyon” para lumarawan sa iba’t ibang bagay, gaya ng literal na Jerusalem bilang kabisera ng sinaunang Israel. (Awit 87:1, 2) Itinutulad din sa isang pundasyon ang papel ni Jesus sa layunin ni Jehova. (1 Cor. 3:11; 1 Ped. 2:6) Pero ano kaya ang nasa isip ni Pablo nang banggitin niya ang “matatag na pundasyon ng Diyos”?
6 Nang banggitin ni Pablo ang “matatag na pundasyon ng Diyos,” sinipi niya ang sinabi ni Moises tungkol kay Kora at sa mga tagasuporta nito, na nakaulat sa Bilang 16:5. Lumilitaw na tinukoy ni Pablo ang nangyari noong panahon ni Moises para ipaalala kay Timoteo na nakikita ni Jehova ang mapaghimagsik na paggawi at kaya Niya itong pigilan. Hindi nahadlangan ni Kora ang layunin ni Jehova, kaya tiyak na hindi rin ito mahahadlangan ng mga apostata sa kongregasyon. Hindi dinetalye ni Pablo kung saan lumalarawan ang “matatag na pundasyon ng Diyos.” Pero tiyak na nakatulong kay Timoteo ang sinabi niya para magtiwala ito kay Jehova.
7. Bakit tayo nakakatiyak na kikilos si Jehova nang may katuwiran at katapatan?
7 Hindi nagbabago ang matuwid na mga simulain ni Jehova. “Hanggang sa panahong walang takda ay tatayo ang layon ni Jehova; ang mga kaisipan ng kaniyang puso ay sa sali’t salinlahi,” ang sabi ng Awit 33:11. Binabanggit sa ibang teksto na ang pamamahala, maibiging-kabaitan, katuwiran, at katapatan ni Jehova ay mananatili magpakailanman. (Ex. 15:18; Awit 106:1; 113:3; 117:2) Sinasabi sa Malakias 3:6: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” Sinasabi naman sa Santiago 1:17 na si Jehova ay “wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.”
ISANG “TATAK” NA NAGPAPATIBAY NG PANANAMPALATAYA KAY JEHOVA
8, 9. Anong aral ang matututuhan natin batay sa “tatak” sa ilustrasyon ni Pablo?
8 Sa paglalarawang ginamit ni Pablo sa 2 Timoteo 2:19, binabanggit ang isang pundasyong may nakaukit na mensahe, na parang itinatak doon. Karaniwan na noon ang paglalagay ng inskripsiyon sa pundasyon ng gusali, maaaring para ipakita kung sino ang nagtayo nito o ang may-ari nito. Si Pablo ang unang manunulat ng Bibliya na gumamit ng ganitong ilustrasyon.a Ang tatak sa “matatag na pundasyon ng Diyos” ay may dalawang kapahayagan. Una, “Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” Ikalawa, “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.” Ipinapaalala nito sa atin ang pananalita sa Bilang 16:5.—Basahin.
9 Anong aral ang matututuhan natin batay sa “tatak” sa ilustrasyon ni Pablo? Para sa mga nauukol sa Diyos, ang mga pamantayan at simulain ni Jehova ay nakasalig sa dalawang mahalagang katotohanan: (1) Iniibig ni Jehova ang mga tapat sa kaniya, at (2) kinapopootan ni Jehova ang kalikuan. Ano ang kaugnayan ng aral na ito sa apostasya sa loob ng kongregasyon?
10. Paano nakaapekto sa mga tapat noong panahon ni Pablo ang ginagawa ng mga apostata?
10 Malamang na nag-alala si Timoteo at ang iba pang tapat na Kristiyano dahil sa ginagawa ng mga apostata sa gitna nila. Baka nagtataka ang ilan kung bakit hinahayaang manatili ang mga iyon sa kongregasyon. Baka palaisipan pa nga sa kanila kung talagang nakikita ni Jehova ang pagkakaiba ng kanilang tapat na pagsamba at ng pakitang-taong pagsamba ng mga apostata.—Gawa 20:29, 30.
11, 12. Paano napatibay ng liham ni Pablo ang pananampalataya ni Timoteo?
11 Tiyak na napatibay ng liham ni Pablo ang pananampalataya ni Timoteo. Ipinaalala nito kay Timoteo ang pagpapakita ni Jehova ng pagsang-ayon kay Aaron at ang pagtatakwil at pagpuksa Niya sa mapagpaimbabaw na si Kora at sa mga kasama nito. Parang sinasabi ni Pablo na kahit may mga huwad na Kristiyano sa gitna nila, nakikilala ni Jehova kung sino talaga ang mga nauukol sa kaniya, gaya noong panahon ni Moises.
12 Hindi nagbabago si Jehova; lagi siyang maaasahan. Kinapopootan niya ang kalikuan, at hahatulan niya sa takdang panahon ang mga di-nagsisising manggagawa ng kasamaan. Bilang isa na “tumatawag sa pangalan ni Jehova,” naipaalala rin kay Timoteo na dapat niyang itakwil ang masamang impluwensiya ng mga huwad na Kristiyano.b
HINDI MAWAWALAN NG KABULUHAN ANG TUNAY NA PAGSAMBA
13. Sa ano tayo makapagtitiwala?
13 Tayo man ay mapapatibay ng kinasihang pananalita ni Pablo. Bakit? Ipinakikita nito na alam ni Jehova na tapat tayo sa kaniya. Pero bukod diyan, interesado rin siya sa mga tapat sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cro. 16:9) Kaya makapagtitiwala tayo na hindi mawawalan ng kabuluhan ang anumang ginagawa natin para kay Jehova “mula sa isang malinis na puso.”—1 Tim. 1:5; 1 Cor. 15:58.
14. Anong uri ng pagsamba ang hindi kinukunsinti ni Jehova?
14 Hindi kinukunsinti ni Jehova ang pakitang-taong pagsamba. “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa,” kaya nakikita niya kung kaninong puso ang hindi “sakdal sa kaniya.” Sinasabi ng Kawikaan 3:32 na “ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova,” gaya ng isa na nagkukunwaring masunurin pero lihim na gumagawa ng kasalanan. Maaaring pansamantalang madaya ng gayong tao ang iba. Pero dahil si Jehova ay Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at matuwid, “siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay.”—Kaw. 28:13; basahin ang 1 Timoteo 5:24; Hebreo 4:13.
15. Ano ang dapat nating iwasan? Bakit?
15 Karamihan sa mga lingkod ni Jehova ay tapat na naglilingkod sa kaniya. Malayong sadyain ng isang miyembro ng kongregasyon na maging mapanlinlang sa kaniyang pagsamba. Gayunman, kung nangyari ito noong panahon ni Moises at ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano, posible ring mangyari ito ngayon. (2 Tim. 3:1, 5) Pero ibig bang sabihin, pagsususpetsahan na natin ang katapatan ng ating mga kapananampalataya? Hindi! Hindi tamang maghinala tayo sa ating mga kapatid nang walang basehan. (Basahin ang Roma 14:10-12; 1 Corinto 13:7.) Bukod diyan, ang pagiging mapaghinala sa ibang miyembro ng kongregasyon ay makakasira sa kaugnayan natin kay Jehova.
16. (a) Ano ang puwede nating gawin para hindi tayo maging mapagpaimbabaw? (b) Ano-ano ang matututuhan natin sa kahong “Patuloy na Subukin . . . Patuloy na Patunayan . . . ”?
16 Dapat suriin o “patunayan ng bawat [Kristiyano] kung ano ang kaniyang sariling gawa.” (Gal. 6:4) Dahil makasalanan tayo, may tendensiya tayong magkaroon ng maling motibo sa ating pagsamba. (Heb. 3:12, 13) Kaya sa pana-panahon, dapat nating suriin ang motibo natin sa paglilingkod kay Jehova. Maaari nating itanong sa sarili: ‘Sinasamba ko ba si Jehova dahil mahal ko siya at kinikilala ko ang kaniyang soberanya? O dahil lang sa magandang buhay na inaasahan ko sa Paraiso?’ (Apoc. 4:11) Tiyak na makikinabang tayong lahat kung susuriin natin ang ating mga pagkilos at aalisin ang anumang bahid ng pagpapaimbabaw sa ating puso.
KATAPATAN NA NAGBUBUNGA NG KALIGAYAHAN
17, 18. Bakit dapat tayong maging tapat at taimtim sa ating pagsamba kay Jehova?
17 Habang sinisikap nating maging tapat at taimtim sa ating pagsamba, marami tayong inaaning pakinabang. “Maligaya ang tao na sa kaniya ay hindi nagpapataw ng kamalian si Jehova, at sa kaniyang espiritu ay walang panlilinlang,” ang sabi ng salmista. (Awit 32:2) Oo, kung aalisin natin sa ating puso ang anumang pagpapaimbabaw, magiging mas maligaya tayo ngayon at magiging lubos na maligaya sa hinaharap.
18 Sa takdang panahon, ilalantad ni Jehova ang lahat ng gumagawa ng kasamaan o may dobleng pamumuhay. Ipakikita niya ang “pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Samantala, nakapagpapatibay malaman na “ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.”—1 Ped. 3:12.
a Ang Apocalipsis 21:14, na isinulat ilang dekada matapos isulat ni Pablo ang mga liham kay Timoteo, ay may binabanggit na 12 “batong pundasyon” kung saan nakaukit ang mga pangalan ng 12 apostol.
b Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin matutularan si Jehova sa pagtatakwil sa kalikuan.