Isa Kang Pinagkakatiwalaang Katiwala!
“Hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili.”—1 COR. 6:19.
1. Ano ang pangmalas ng sanlibutan sa pagkaalipin?
MGA 2,500 taon na ang nakararaan, isang Griegong manunulat ng dula ang sumulat: “Walang taong kusang-loob na magpapasan ng pamatok ng pagkaalipin.” Marami sa ngayon ang sasang-ayon sa sinabi niya. Kapag pinag-uusapan ang pagkaalipin, naiisip natin ang mga taong sinisiil at nakagapos, na ang pagpapagal at pagsasakripisyo ay pinakikinabangan lang ng nagmamay-ari at namumuno sa kanila.
2, 3. (a) Ano ang katayuan ng mga alipin, o lingkod, ni Kristo? (b) Anong mga tanong tungkol sa mga katiwala ang tatalakayin natin?
2 Ipinahiwatig ni Jesus na ang mga alagad niya ay magiging mga abang lingkod, o mga alipin. Pero ang pagkaaliping ito ng mga tunay na Kristiyano ay hindi mapanghamak ni mapaniil man. Sa halip, marangal ang katayuan ng mga aliping ito at sila’y pinagkakatiwalaan at iginagalang. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Jesus tungkol sa isang “alipin” noong malapit na Siyang mamatay. Inihula ni Kristo na aatasan niya ang isang “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45-47.
3 Kapansin-pansin na sa isang katulad na ulat, ang aliping iyon ay tinawag na isang “katiwala.” (Basahin ang Lucas 12:42-44.) Bagaman karamihan ng tapat na Kristiyanong nabubuhay ngayon ay hindi kabilang sa uring tapat na katiwala na iyan, ipinakikita ng Kasulatan na lahat ng naglilingkod sa Diyos ay mga katiwala. Ano ang pananagutan nila? Ano ang tamang pangmalas sa mga pananagutang iyon? Para masagot iyan, suriin natin ang papel ng mga katiwala noong sinaunang panahon.
ANG PAPEL NG MGA KATIWALA
4, 5. Ano ang mga pananagutan ng mga katiwala noong sinaunang panahon? Magbigay ng mga halimbawa.
4 Noong sinaunang panahon, ang isang katiwala ay kadalasan nang isang pinagkakatiwalaang alipin na inatasang mangasiwa sa sambahayan o negosyo ng kaniyang panginoon. Karaniwan na, ang mga katiwala ay may malaking awtoridad at namamahala sa ari-arian, salapi, at iba pang lingkod ng sambahayan. Ganiyan ang kalagayan ni Eliezer, na inatasang mangalaga sa napakaraming ari-arian ni Abraham. Malamang na siya ang isinugo ni Abraham sa Mesopotamia para ikuha ng mapapangasawa ang anak nitong si Isaac. Napakahalagang atas nga nito!—Gen. 13:2; 15:2; 24:2-4.
5 Si Jose, apo sa tuhod ni Abraham, ay namahala sa sambahayan ni Potipar. (Gen. 39:1, 2) Nang maglaon, nagkaroon si Jose ng sariling katiwala, na “namamahala sa [kaniyang] sambahayan.” Ang katiwalang ito ang nag-asikaso sa sampung kapatid ni Jose. Sa utos ni Jose, isinaayos niya ang mga bagay-bagay may kinalaman sa “ninakaw” na kopang pilak. Maliwanag na lubhang pinagkakatiwalaan ang mga katiwala noon.—Gen. 43:19-25; 44:1-12.
6. Ano ang iba’t ibang pananagutan ng mga Kristiyanong elder?
6 Pagkaraan ng ilang siglo, isinulat ni apostol Pablo na ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay dapat maging mga “katiwala ng Diyos.” (Tito 1:7) Bilang hinirang na mga pastol sa “kawan ng Diyos,” ang mga tagapangasiwa ay nagbibigay ng tagubilin at nangunguna sa mga kongregasyon. (1 Ped. 5:1, 2) Siyempre pa, iba-iba ang pananagutan nila. Halimbawa, karamihan sa mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon ay naglilingkod sa isang kongregasyon. Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay naglilingkod sa maraming kongregasyon. At ang mga miyembro ng Komite ng Sangay ay nangangalaga sa mga kongregasyon sa isang bansa. Anuman ang kanilang tungkulin, inaasahan na tapat nilang gagampanan ang mga ito; lahat sila ay “magsusulit” sa Diyos.—Heb. 13:17.
7. Bakit natin masasabi na ang lahat ng Kristiyano ay mga katiwala?
7 Paano naman ang maraming tapat na Kristiyano na hindi tagapangasiwa? Sumulat si apostol Pedro sa mga Kristiyano sa pangkalahatan at sinabi niya: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Ped. 1:1; 4:10) Udyok ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, binigyan niya tayong lahat ng mga kaloob, katangian, abilidad, o talento na magagamit natin sa kapakinabangan ng ating mga kapananampalataya. Kaya naman, lahat ng naglilingkod sa Diyos ay mga katiwala, at ang tungkuling iyan ay may kaakibat na karangalan, tiwala, at pananagutan.
PAG-AARI TAYO NG DIYOS
8. Ano ang isang mahalagang simulain na dapat nating tandaan?
8 Bigyang-pansin natin ang tatlong simulain na dapat nating isaalang-alang bilang mga katiwala. Una: Lahat tayo ay pag-aari ng Diyos at magsusulit tayo sa kaniya. Sumulat si Pablo: “Hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, sapagkat binili kayo sa isang halaga”—ang haing dugo ni Kristo. (1 Cor. 6:19, 20) At dahil pag-aari tayo ni Jehova, pananagutan nating sundin ang kaniyang mga utos, na hindi naman pabigat. (Roma 14:8; 1 Juan 5:3) Mga alipin din tayo ni Kristo. Tulad ng mga katiwala noong sinaunang panahon, binibigyan tayo ng malaking kalayaan—pero may hangganan ito. Kailangang gampanan natin ang ating pananagutan ayon sa tagubilin. Anumang pribilehiyo ang taglay natin, mga abang lingkod pa rin tayo ng Diyos at ni Kristo.
9. Paano inilarawan ni Jesus ang kaugnayan ng panginoon at ng alipin?
9 Tinutulungan tayo ni Jesus na maunawaan ang kaugnayan ng panginoon at ng alipin. Minsan, ikinuwento niya sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa isang alipin na maghapong nagtrabaho sa bukid. Pag-uwi nito, sasabihin ba sa kaniya ng panginoon: “Pumarito kang karaka-raka at humilig sa mesa”? Hindi, kundi sasabihin niya: “Ipaghanda mo ako ng aking mahahapunan, at magsuot ka ng epron at paglingkuran mo ako hanggang sa ako ay makakain at makainom, at pagkatapos ay maaari ka nang kumain at uminom.” Anong aral ang itinuro ni Jesus sa ilustrasyong ito? “Kaya kayo rin, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.’ ”—Luc. 17:7-10.
10. Ano ang nagpapakita na pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga pagsisikap na paglingkuran siya?
10 Siyempre pa, pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga pagsisikap na paglingkuran siya. Tinitiyak ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Laging makatuwiran ang hinihiling ni Jehova sa atin. Karagdagan pa, ang mga iyon ay para sa ating ikabubuti at hindi pabigat. Pero gaya ng ipinakikita ng talinghaga ni Jesus, ang alipin ay hindi dapat magpalugod sa kaniyang sarili, anupat inuuna ang kaniyang kapakanan. Ang punto ay, nang ialay natin ang ating sarili sa Diyos, nagpasiya tayong unahin ang kaniyang kapakanan sa ating buhay. Sang-ayon ka ba rito?
KUNG ANO ANG HINIHILING NI JEHOVA SA ATING LAHAT
11, 12. Bilang mga katiwala, anong katangian ang dapat nating ipakita? Ano ang dapat nating iwasan?
11 Ang ikalawang simulain ay: Bilang mga katiwala, iisang pamantayan lang ang sinusunod nating lahat. Totoo na sa kongregasyong Kristiyano, may mga pananagutang iniaatas lang sa iilang kapatid. Pero karaniwan na, pare-pareho ang inaasahan sa atin ng Diyos. Halimbawa, bilang mga alagad ni Kristo at mga Saksi ni Jehova, inuutusan tayong ibigin ang isa’t isa. Sinabi ni Jesus na pag-ibig ang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Pero hindi lang mga kapatid ang iniibig natin. Sinisikap din nating magpakita ng pag-ibig sa mga di-kapananampalataya. Magagawa natin ito, at dapat naman.
12 Kahilingan din sa atin ang pagpapakita ng mabuting paggawi. Iniiwasan natin ang mga paggawi at istilo ng pamumuhay na hinahatulan ng Salita ng Diyos. Sumulat si Pablo: “Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Cor. 6:9, 10) Totoo naman na kailangan ang pagsisikap para masunod ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Pero sulit ang mga pagsisikap na iyon dahil maraming pakinabang. Kabilang dito ang mabuting kalusugan, magandang kaugnayan sa iba, at pagsang-ayon ng Diyos.—Basahin ang Isaias 48:17, 18.
13, 14. Anong pananagutan ang ibinigay sa lahat ng Kristiyano? Ano ang dapat nating maging pangmalas dito?
13 Tandaan din na ang isang katiwala ay may trabahong dapat gawin. Ganiyan din tayo. Binigyan tayo ng mahalagang kaloob—ang kaalaman tungkol sa katotohanan. Inaasahan ng Diyos na ibabahagi natin ang kaalamang iyan sa iba. (Mat. 28:19, 20) Isinulat ni Pablo: “Tayahin nawa kami ng tao bilang mga nasasakupan ni Kristo at mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.” (1 Cor. 4:1) Kinilala ni Pablo na isa siyang katiwala ng “mga sagradong lihim,” o katotohanan sa Bibliya, at pananagutan niyang ibahagi ito sa iba gaya ng iniutos ng Panginoong Jesu-Kristo.—1 Cor. 9:16.
14 Ang pagbabahagi ng katotohanan sa iba ay isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig. Siyempre pa, hindi pare-pareho ang kalagayan ng bawat Kristiyano. Iba-iba ang kaya nating gawin sa ministeryo. Nauunawaan iyan ni Jehova. Ang importante ay gawin natin ang ating buong makakaya. Sa gayo’y nagpapakita tayo ng walang-pag-iimbot na pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa.
ANG KAHALAGAHAN NG PAGIGING TAPAT
15-17. (a) Bakit kailangang maging tapat ang isang katiwala? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang resulta ng pagiging di-tapat?
15 Ang ikatlong simulain na may malapit na kaugnayan sa dalawang nauna ay: Dapat tayong maging tapat at mapagkakatiwalaan. Baka ang isang katiwala ay maraming mabubuting katangian at kakayahan. Pero walang silbi ang mga ito kung iresponsable siya o di-matapat sa kaniyang panginoon. Kailangan ang katapatan para maging mahusay at matagumpay na katiwala. Alalahanin ang isinulat ni Pablo: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.”—1 Cor. 4:2.
16 Kung tapat tayo, tiyak na gagantimpalaan tayo. Pero kung hindi, maiwawala natin ang pagsang-ayon ng Diyos. Makikita natin ang simulaing iyan sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento. Ang mga alipin na may-katapatang “ipinangalakal” ang salapi ng kanilang panginoon ay tumanggap ng komendasyon at saganang pinagpala. Ang aliping iresponsable sa ipinagkatiwala ng panginoon sa kaniya ay hinatulang “balakyot,” “makupad,” at ‘walang kabuluhan.’ Binawi ang talento na ibinigay sa kaniya, at itinapon siya sa labas.—Basahin ang Mateo 25:14-18, 23, 26, 28-30.
17 Sa iba namang pagkakataon, ipinakita ni Jesus ang resulta ng pagiging di-tapat nang sabihin niya: “May isang taong mayaman at mayroon siyang isang katiwala, at ang isang ito ay inakusahan sa kaniya ng maaksayang pangangasiwa ng kaniyang mga pag-aari. Kaya tinawag niya siya at sinabi sa kaniya, ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo ang ulat ng iyong pagiging katiwala, sapagkat hindi ka na makapamamahala pa sa bahay.’ ” (Luc. 16:1, 2) Nilustay ng katiwala ang ari-arian ng kaniyang panginoon, kaya ipinasiya ng panginoon na palayasin ito. Napakatinding aral iyan para sa atin! Tiyak na ayaw nating maging di-tapat sa mga iniatas sa atin.
TAMA BANG IHAMBING SA IBA ANG ATING SARILI?
18. Bakit hindi natin dapat ihambing sa iba ang ating sarili?
18 Tanungin ang sarili, ‘Paano ko minamalas ang aking pagiging katiwala?’ Bumabangon ang problema kapag inihambing natin ang ating sarili sa iba. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Gal. 6:4) Sa halip na ikumpara ang nagagawa natin sa nagagawa ng iba, magpokus tayo sa kaya nating gawin. Makatutulong ito para maiwasan natin ang pagmamalaki, o kaya naman ay ang panghihina ng loob. Kapag sinusuri natin ang ating sarili, kilalanin natin na nagbabago ang ating kalagayan. Baka hindi na natin nagagawa ang gaya ng dati dahil sa humihinang kalusugan, pagkakaedad, o iba pang pananagutan. Sa kabilang dako naman, baka makagagawa pa tayo nang higit kaysa sa ginagawa natin sa kasalukuyan. Kung gayon, bakit hindi natin subukang dagdagan pa iyon?
19. Bakit hindi tayo dapat panghinaan ng loob kung hindi natin natatanggap ang isang pribilehiyo?
19 Isaalang-alang din ang mga pananagutang gusto nating makamit. Halimbawa, baka gusto ng isang brother na maglingkod bilang elder sa kongregasyon o magkabahagi sa mga asamblea at kombensiyon. Hindi masamang magsikap na maging kuwalipikado sa gayong mga pribilehiyo, pero hindi tayo dapat panghinaan ng loob kung hindi ito dumating sa panahong inaasahan natin. Sa mga kadahilanang hindi natin nauunawaan, may mga pribilehiyong hindi agad ipinagkakaloob sa atin. Tandaan na waring handang-handa na si Moises na pangunahan ang mga Israelita sa paglabas sa Ehipto, pero kinailangan niyang maghintay nang 40 taon bago gawin iyon. Dahil dito, nagkaroon siya ng sapat na panahon na malinang ang mga katangiang kailangan para pangunahan ang isang bayang matigas ang leeg at mapaghimagsik.—Gawa 7:22-25, 30-34.
20. Anong aral ang matututuhan natin kay Jonatan?
20 Kung minsan, baka hindi talaga ipagkaloob sa atin ang isang pribilehiyo. Ganiyan ang nangyari kay Jonatan. Dahil anak siya ni Saul, nakahanay sana siyang maging hari sa buong Israel. Pero pinili ng Diyos si David, na mas nakababata kay Jonatan, para maging hari. Paano tumugon si Jonatan? Tinanggap niya ito at sinuportahan si David, kahit nanganib ang buhay niya. Sinabi niya kay David: “Ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo.” (1 Sam. 23:17) Nakikita mo ba ang aral dito? Tinanggap ni Jonatan ang kaniyang sitwasyon, at di-gaya ng kaniyang ama, hindi siya nainggit kay David. Kaya pagtuunan natin ng pansin ang mga pananagutan natin, sa halip na mainggit sa atas ng iba. Makatitiyak tayo na sa bagong sanlibutan, titiyakin ni Jehova na masasapatan ang wastong nasa ng lahat ng kaniyang lingkod.
21. Ano ang dapat nating maging pangmalas sa pagiging katiwala natin?
21 Tandaan natin na bilang pinagkakatiwalaang katiwala, hindi tayo dumaranas ng miserableng pagkaalipin na punô ng paniniil at pagdurusa. Sa kabaligtaran, marangal ang ating posisyon dahil ipinagkatiwala sa atin ang di-na-mauulit na gawain—ang paghahayag ng mabuting balita sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Mayroon tayong malaking kalayaan kung paano natin gagampanan ang ating pananagutan. Kung gayon, nawa’y maging tapat na mga katiwala tayo at pakaingatan natin ang pribilehiyong maglingkod sa pinakadakilang Persona sa buong uniberso.