Mga Magulang at mga Anak: Unahin Ninyo ang Diyos!
“Matakot kayo sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.”—ECLESIASTES 12:13.
1. Anong pagkatakot ang kailangang linangin ng mga magulang at mga anak, at ano ang idudulot nito sa kanila?
ISANG hula hinggil kay Jesu-Kristo ang nagsabi na “magtatamasa siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:3) Ang kaniyang pagkatakot ay tunay na isang malalim na pagpipitagan at pagkasindak sa Diyos, isang pagkatakot na di-mapalugdan ang Diyos dahil iniibig niya siya. Ang mga magulang at mga anak ay kailangang makapaglinang ng gayong tulad-Kristong pagkatakot sa Diyos, na magdudulot sa kanila ng kasiyahan gaya ng tinamasa ni Jesus. Kailangang unahin nila ang Diyos sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga kautusan. Ayon sa isang manunulat ng Bibliya, “ito ang buong obligasyon ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
2. Ano ang pinakamahalagang utos ng Batas, at kanino ito pangunahing ibinigay?
2 Ang pinakamahalagang utos ng Batas, samakatuwid nga, na dapat nating ‘ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, at matinding puwersa,’ ay pangunahin nang ibinigay sa mga magulang. Ito ay ipinakita sa sumunod pang mga salita ng Batas: “Dapat mong itimo [ang mga salitang ito tungkol sa pag-ibig kay Jehova] sa iyong anak at sasalitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:4-7; Marcos 12:28-30) Ang mga magulang kung gayon ay inutusan na unahin muna ang Diyos sa pamamagitan ng kanila mismong pag-ibig sa kaniya at sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mga anak na gayundin ang gawin.
Isang Kristiyanong Pananagutan
3. Papaano ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa mga anak?
3 Ipinamalas ni Jesus ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin kahit sa mumunting bata. Minsan sa pagtatapos ng makalupang ministeryo ni Jesus, sinimulang dalhin sa kaniya ng mga tao ang kanilang mga sanggol. Maliwanag na inaakala ng mga alagad na si Jesus ay totoong magawain para abalahin kung kaya tinangka nilang pigilin ang mga tao. Ngunit sinaway ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin, at huwag ninyong tangkaing pigilan sila.” “Kinuha [pa man din ni Jesus] ang mga bata sa kaniyang mga bisig,” sa gayo’y ipinakikita sa nakaaantig na paraan ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa mga bata.—Lucas 18:15-17; Marcos 10:13-16.
4. Sinu-sino ang binigyan ng utos na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” at ano ang hinihiling nito na gawin nila?
4 Niliwanag din ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay may pananagutan na turuan ang iba bukod pa sa kanilang sariling mga anak. Pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, si Jesus “ay nagpakita sa mahigit na limang daang kapatid sa iisang pagkakataon”—kasali na ang ilang magulang. (1 Corinto 15:6) Malamang na ito ay nangyari sa isang bundok sa Galilea kung saan nagkakatipon din ang kaniyang 11 apostol. Doon ay hinimok silang lahat ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:16-20) Walang sinumang Kristiyano ang may-kawastuang magwawalang-bahala sa utos na ito! Upang maisakatuparan ito ng mga ama at mga ina, kailangang asikasuhin nila ang kanilang mga anak at makibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo sa madla.
5. (a) Ano ang nagpapakita na karamihan sa mga apostol, kung hindi man lahat, ay may asawa at sa gayo’y malamang na may mga anak? (b) Anong payo ang kailangang dibdibin ng mga ulo ng pamilya?
5 Kapansin-pansin, maging ang mga apostol ay kinailangang maging timbang sa kanilang pananagutan sa pamilya at sa pangangaral gayundin sa pagpapastol sa kawan ng Diyos. (Juan 21:1-3, 15-17; Gawa 1:8) Ito’y dahil sa ang karamihan sa kanila, kung hindi man lahat, ay may-asawa. Kaya naman ipinaliwanag ni apostol Pablo: “May awtoridad tayong magsama ng isang kapatid na babae bilang asawang babae, gaya nga ng iba pa sa mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon at ni Cefas, hindi ba?” (1 Corinto 9:5; Mateo 8:14) Ang ilang apostol ay maaaring may mga anak din. Ang ilang sinaunang mga istoryador, tulad ni Eusebius, ay nagsabi na si Pedro ay gayon nga. Kinailangang pakinggan ng lahat ng naunang Kristiyanong mga magulang ang maka-Kasulatang payo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Ang Pangunahing Pananagutan
6. (a) Anong hamon ang nakaharap sa Kristiyanong matatanda na may mga pamilya? (b) Ano ang pangunahing pananagutan ng isang matanda?
6 Ang Kristiyanong matatanda na may mga pamilya sa ngayon ay nasa kalagayan na katulad niyaong sa mga apostol. Kailangang maging timbang sila sa pag-aasikaso ng espirituwal at pisikal na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya lakip na ang kanilang obligasyon na mangaral sa madla at magpastol sa kawan ng Diyos. Aling gawain ang dapat na maging pangunahin? Ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Enero 1, 1965: “Ang unang obligasyon [ng ama] ay sa kaniyang pamilya, at ang totoo, hindi siya tumpak na makapaglilingkod kung hindi niya aasikasuhin ang obligasyong ito.”
7. Papaano inuuna ng Kristiyanong mga ama ang Diyos?
7 Kaya kailangang unahin ng mga ama ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na ‘patuloy na palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.’ (Efeso 6:4) Ang pananagutang iyan ay hindi maaaring ipasa sa iba, kahit na ang isang ama ay mayroon ding atas na mangasiwa sa mga gawain ng Kristiyanong kongregasyon. Papaano magagampanan ng gayong mga ama ang kanilang mga pananagutan—ang paglalaan para sa mga miyembro ng pamilya sa pisikal, espirituwal, at emosyonal na paraan—at kasabay nito, ang pangunguna at pangangasiwa sa kongregasyon?
Paglalaan ng Kinakailangang Pag-alalay
8. Papaanong ang isang matanda ay maaaring alalayan ng kaniyang asawa?
8 Maliwanag, ang matatanda na may pampamilyang pananagutan ay makikinabang buhat sa pag-alalay. Ang siniping Bantayan ay nagsabi na ang isang Kristiyanong asawang babae ay maaaring umalalay sa kaniyang asawa. Ganito ang sabi: ‘Magagawa niyang maging maginhawa hangga’t maaari para sa lalaki na ihanda ang kaniyang iba’t ibang atas, at makatutulong na makapagtipid ng mahalagang panahon para sa kaniya at para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang mabuting iskedyul sa tahanan, pagkain nang nasa oras, pagiging handa para dumalo nang maaga sa mga pulong ng kongregasyon. . . . Sa ilalim ng patnubay ng kaniyang asawa, malaki ang magagawa ng Kristiyanong asawang babae upang sanayin ang mga anak sa daan na dapat nilang lakaran upang makalugod kay Jehova.’ (Kawikaan 22:6) Oo, ang asawang babae ay nilalang upang maging “isang katulong,” at may karunungang tatanggapin ng kaniyang asawa ang tulong niya. (Genesis 2:18) Ang kaniyang pag-alalay ay magpapangyari sa kaniya na maasikaso nang mas epektibo ang kaniyang mga pananagutan kapuwa sa kongregasyon at sa pamilya.
9. Sinu-sino sa kongregasyon sa Tesalonica ang pinasigla na tulungan ang ibang miyembro ng kongregasyon?
9 Gayunman, hindi lamang ang asawa ng Kristiyanong matatanda ang maaaring makibahagi sa gawain na umaalalay sa isang tagapangasiwa na kailangang kapuwa ‘magpastol sa kawan ng Diyos’ at mag-asikaso sa kaniyang sariling sambahayan. (1 Pedro 5:2) Sino pa ang makagagawa nito? Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapatid sa Tesalonica na isaalang-alang yaong mga “namumuno” sa kanila. Gayunpaman, sa pagpapatuloy at pagpapayo sa mga kapatid ding iyon—lalo na yaong hindi namumuno—sumulat si Pablo: “Masidhi namin kayong pinapayuhan, mga kapatid, na paalalahanan ang magugulo, magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.”—1 Tesalonica 5:12-14.
10. Ano ang mainam na epekto sa kongregasyon ng maibiging pagtutulungan ng lahat ng mga kapatid?
10 Ano ngang inam kapag ang mga kapatid sa kongregasyon ay nagtataglay ng pag-ibig na nagpapakilos sa kanila na aliwin ang mga nanlulumo, alalayan ang mahihina, paalalahanan ang magugulo, at magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat! Ang mga kapatid sa Tesalonica, na kamakailan lamang yumakap ng katotohanan ng Bibliya sa kabila ng pagdaranas ng malaking kapighatian, ay nagkapit ng payo ni Pablo na gawin ito. (Gawa 17:1-9; 1 Tesalonica 1:6; 2:14; 5:11) Isip-isipin ang mainam na epekto ng kanilang maibiging pagtutulungan sa ikatitibay at ikapagkakaisa ng buong kongregasyon! Gayundin naman, kapag ang mga kapatid sa ngayon ay umaaliw, umaalalay, at nagpapaalaala sa isa’t isa, ang pananagutang magpastol ay nagiging magaan para sa matatanda, na kalimitan ay may mga pamilyang inaasikaso.
11. (a) Bakit makatuwirang sabihin na ang mga kababaihan ay kasama sa pananalitang “mga kapatid”? (b) Anong tulong ang maibibigay ng isang maygulang na Kristiyanong babae sa nakababatang mga babae sa ngayon?
11 Kasama ba ang mga kababaihan sa “mga kapatid” na pinapayuhan ni apostol Pablo? Oo, kasama sila, yamang maraming kababaihan ang naging mánanámpalatayá. (Gawa 17:1, 4; 1 Pedro 2:17; 5:9) Anong uri ng tulong ang magagawa ng gayong mga kababaihan? Buweno, may mga nakababatang babae sa mga kongregasyon na may suliranin sa pagsupil sa kanilang “seksuwal na mga simbuyo” o kaya’y naging “mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Timoteo 5:11-13) Ang ilang kababaihan sa ngayon ay may katulad na mga suliranin. Maaaring ang kailangang-kailangan nila ay isa lamang na makikinig at makikiramay. Malimit na ang isang maygulang na Kristiyanong babae ang pinakamainam na maglaan ng gayong tulong. Halimbawa, maaari niyang ipakipag-usap sa isang babae ang personal na mga suliranin na hindi angkop na maaasikaso ng isang Kristiyanong lalaki. Sa pagtatampok sa kahalagahan ng gayong tulong, sumulat si Pablo: “Ang matatandang babae ay maging . . . mga guro ng kabutihan; upang mapanauli nila sa katinuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino sa pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan, mabuti, nagpapasakop sa kanilang mga asawa, upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”—Tito 2:3-5.
12. Kaninong patnubay ang mahalagang sundin ng lahat sa kongregasyon?
12 Isa ngang pagpapala sa kongregasyon ang mapagpakumbabang mga kapatid na babae kapag sila’y may pagtutulungang umaalalay kapuwa sa kani-kanilang asawa at sa matatanda! (1 Timoteo 2:11, 12; Hebreo 13:17) Ang matatanda na may pampamilyang mga pananagutan ay lalo nang nakikinabang kapag ang lahat ay nakikipagtulungan sa espiritu ng pag-ibig at kapag ang lahat ay nagpapasakop sa patnubay ng hinirang na mga pastol.—1 Pedro 5:1, 2.
Mga Magulang, Ano ang Inuuna Ninyo?
13. Papaano nabibigo ang maraming ama sa kani-kanilang pamilya?
13 Mga taon na ang nakararaan isang prominenteng artista ang nagsabi: “Nakakakita ako ng matagumpay na mga lalaki na nagpapatakbo ng mga kompanya na may daan-daang tauhan; alam nila kung papaano tutugon sa bawat situwasyon, kung papaano magdisiplina at magbigay-gantimpala sa daigdig ng negosyo. Ngunit ang pinakamahalagang trabaho na kanilang inaasikaso ay ang kanilang pamilya at dito ay nabibigo sila.” Bakit? Hindi ba dahil sa inuuna nila ang negosyo at ibang interes at kinaliligtaan ang payo ng Diyos? Ganito ang sabi ng kaniyang Salita: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko ay . . . , dapat mong itimo . . . sa iyong anak.” At ito ay kailangang gawin sa araw-araw. Ang mga magulang ay kailangang maging bukas-palad sa kanilang panahon—at lalo na sa kanilang pag-ibig at taimtim na pagkabahala.—Deuteronomio 6:6-9.
14. (a) Papaano dapat asikasuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak? (b) Ano ang kalakip sa wastong pagsasanay ng mga anak?
14 Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na ang mga anak ay mana mula kay Jehova. (Awit 127:3) Inaasikaso mo ba ang iyong mga anak bilang pag-aari ng Diyos, isang kaloob na ipinagkatiwala niya sa iyo? Ang iyong anak ay malamang na tutugon kapag niyakap mo siya, sa gayo’y ipinamamalas ang iyong maibiging pangangalaga at atensiyon. (Marcos 10:16) Ngunit ang ‘pagsasanay sa bata ayon sa daan na nararapat sa kaniya’ ay nangangailangan ng higit pa kaysa mga yakap at halik. Upang masangkapan ng karunungan na tutulong upang maiwasan ang mga kapahamakan sa buhay, kailangan din naman ng isang anak ang maibiging disiplina. Ang isang magulang ay nagpapakita ng taimtim na pag-ibig sa pamamagitan ng ‘paghanap sa kaniyang anak nang may disiplina.’—Kawikaan 13:1, 24; 22:6.
15. Ano ang nagpapakita ng pangangailangan ng disiplina mula sa mga magulang?
15 Ang pangangailangan ng disiplina mula sa mga magulang ay makikita sa paglalarawan ng isang tagapayo sa paaralan tungkol sa mga bata na nagpupunta sa kaniyang tanggapan: “Sila’y kaawa-awa, nanlulumo, at nanlulupaypay. Umiiyak sila habang nagkukuwento ng kanilang tunay na kalagayan. Marami—higit na marami kaysa sa inaakala ng isa—ang nagtangkang magpatiwakal, hindi dahil sa labis-labis na kaligayahan; iyon ay dahil sa gayon na lamang ang nadarama nilang kalungkutan, pag-iisa, at kaigtingan sapagkat sa gayong murang edad ay sila na ang ‘may pananagutan’ at hindi nila makaya iyon.” Sinabi pa niya: “Nakatatakot para sa isang kabataan na madamang siya ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay.” Totoo, maaaring tanggihan ng mga anak ang disiplina, pero sa katunayan ay pinahahalagahan nila ang mga alituntunin at pagbabawal ng mga magulang. Nagagalak sila na ang kanilang mga magulang ay nagmamalasakit anupat nagtatakda ng mga hangganan para sa kanila. “Para akong naalisan ng mabigat na pasan,” sabi ng isang tin-edyer na ang mga magulang ay gumawa ng gayon.
16. (a) Ano ang nangyayari sa ilang anak na pinalaki sa Kristiyanong mga tahanan? (b) Bakit ang suwail na landasin ng isang anak ay hindi naman laging nangangahulugan na hindi mabuti ang pagsasanay na ibinigay ng mga magulang?
16 Subalit, sa kabila ng pagkakaroon ng mga magulang na nagmamahal sa kanila at naglalaan ng mahusay na pagsasanay, ang ilang kabataan, tulad ng alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus, ay tumatanggi sa patnubay ng magulang at naliligaw ng landas. (Lucas 15:11-16) Gayunpaman, iyan sa ganang sarili ay hindi naman nangangahulugan na hindi tinupad ng mga magulang ang kanilang pananagutan na sanayin ang kanilang anak sa wastong paraan, gaya ng iniuutos ng Kawikaan 22:6. Ang pangungusap hinggil sa ‘pagsasanay sa bata ayon sa daan na nararapat sa kaniya at hindi siya hihiwalay mula roon’ ay ibinigay bilang isang pangkalahatang alituntunin. Nakalulungkot, tulad ng alibugha, ‘hahamakin [ng ilang anak] ang pagsunod sa magulang.’—Kawikaan 30:17.
17. Buhat sa ano maaaliw ang mga magulang ng suwail na mga anak?
17 Ganito ang hinagpis ng ama ng isang suwail na anak: “Paulit-ulit akong nagsikap na abutin ang kaniyang puso. Hindi ko na alam ang gagawin dahil marami na akong sinubukan. Walang nangyari.” Pagsapit ng panahon, maalaala sana ng gayong suwail na mga anak ang maibiging pagsasanay na kanilang natanggap at sila’y bumalik din kagaya ng ginawa ng alibugha. Subalit nananatiling totoo ang bagay na ang ilang anak ay nagrerebelde at gumagawa ng mahahalay na bagay na lubhang nakasasakit sa kanilang mga magulang. Ang mga magulang ay maaaring maaliw sa pagkaalam na maging ang pinakadakilang guro na nabuhay sa lupa ay nakasaksi kung papaano siya ipinagkanulo ni Judas na kaniyang estudyante sa matagal na panahon. At si Jehova mismo ay tiyak na nalungkot nang marami sa kaniyang espiritung mga anak ay tumanggi sa kaniyang payo at napatunayang mga rebelyoso bagaman hindi Siya nagkulang.—Lucas 22:47, 48; Apocalipsis 12:9.
Mga Anak—Sino ang Palulugdan Ninyo?
18. Papaano maipakikita ng mga anak na inuuna nila ang Diyos?
18 Hinihimok ni Jehova kayong mga kabataan: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon.” (Efeso 6:1) Inuuna ng mga kabataan ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa nito. Huwag maging mangmang! “Niwawalang-galang ng sinumang mangmang ang disiplina ng kaniyang ama,” sabi ng Salita ng Diyos. Huwag din naman ninyong akalain nang may kapangahasan na hindi ninyo kailangan ang disiplina. Ang totoo ay na “may isang salinlahi na dalisay sa kanilang sariling mga mata, at gayunma’y hindi nalinis buhat sa kanilang karumihan.” (Kawikaan 15:5; 30:12, American Standard Version) Kaya dinggin ang banal na utos—“pakinggan,” “pahalagahan,” “huwag kalimutan,” “bigyang-pansin,” “tuparin,” at “huwag pabayaan” ang mga utos at disiplina ng mga magulang.—Kawikaan 1:8; 2:1; 3:1; 4:1; 6:20.
19. (a) Anong matitibay na dahilan mayroon ang mga anak sa pagsunod kay Jehova? (b) Papaano maipakikita ng mga kabataan na sila ay tumatanaw ng utang na loob sa Diyos?
19 Kayo ay may matitibay na dahilan para sundin si Jehova. Iniibig niya kayo, at ibinigay niya ang kaniyang mga batas, kasali na ang batas para sa mga anak na sundin ang kanilang mga magulang, upang ipagsanggalang kayo at tulungan kayong tamasahin ang isang maligayang buhay. (Isaias 48:17) Ibinigay rin niya ang kaniyang Anak upang mamatay para sa inyo nang sa gayo’y makaligtas kayo buhat sa kasalanan at kamatayan at tamasahin ang buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Tumatanaw ba kayo ng utang na loob? Ang Diyos ay nagmamasid buhat sa mga langit, sinusuri ang inyong puso upang malaman kung talagang iniibig ninyo siya at pinahahalagahan ang kaniyang mga paglalaan. (Awit 14:2) Nagmamasid din si Satanas, at tinutuya niya ang Diyos, anupat inaangkin na hindi ninyo Siya susundin. Pinagagalak ninyo si Satanas at “pinasasakitan” si Jehova kapag sinusuway ninyo ang Diyos. (Awit 78:40, 41) Nananawagan si Jehova sa inyo: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso [sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa akin], upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Oo, ang tanong ay, Sino ang inyong palulugdan, si Satanas o si Jehova?
20. Papaano napanatili ng isang kabataan ang lakas ng loob na maglingkod kay Jehova kahit na kung siya’y natatakot?
20 Hindi madali na gawin ang kalooban ng Diyos sa harap ng panggigipit na idinudulot sa inyo ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. Maaaring nakatatakot iyon. Ganito ang sabi ng isang kabataan: “Para kang giniginaw kapag ikaw ay natatakot. May magagawa ka hinggil dito.” Ipinaliwanag niya: “Kapag giniginaw ka, nagsusuot ka ng panggináw. Kung giniginaw ka pa rin, nagsusuot ka pa ng isa. At nagsusuot ka pa hanggang sa mawala na ang lamig at hindi ka na giniginaw. Kaya ang pananalangin kay Jehova kapag ikaw ay natatakot ay katulad ng pagsusuot ng panggináw kapag ikaw ay giniginaw. Kapag natatakot pa rin ako pagkatapos ng isang panalangin, nananalangin akong muli, at muli, at muli, hanggang sa hindi na ako natatakot. At mabisa iyon. Nakaiiwas ako sa gulo!”
21. Papaano tayo aalalayan ni Jehova kapag talagang inuuna natin siya sa ating buhay?
21 Kung talagang sinisikap nating unahin ang Diyos sa ating buhay, aalalayan tayo ni Jehova. Palalakasin niya tayo, anupat maglalaan ng tulong sa pamamagitan ng mga anghel kung kinakailangan, gaya ng ginawa niya para sa kaniyang Anak. (Mateo 18:10; Lucas 22:43) Lakasan ang inyong loob, lahat kayong mga magulang at mga anak. Magkaroon ng tulad-Kristong pagkatakot, at magdudulot ito sa inyo ng kasiyahan. (Isaias 11:3) Oo, “matakot kayo sa tunay na Diyos at sundin ang kaniyang mga utos, sapagkat ito ang buong obligasyon ng tao.”—Eclesiastes 12:13
Masasagot Mo Ba?
◻ Sa anong mga pananagutan kailangang maging timbang ang naunang mga tagasunod ni Jesus?
◻ Anong pananagutan ang kailangang tuparin ng Kristiyanong mga magulang?
◻ Anong tulong mayroon para sa Kristiyanong matatanda na may mga pamilya?
◻ Anong mahalagang paglilingkod ang magagawa ng mga kapatid na babae sa kongregasyon?
◻ Anong payo at patnubay ang mahalagang sundin ng mga anak?
[Larawan sa pahina 15]
Karaniwan nang mailalaan ng maygulang na Kristiyanong babae ang kinakailangang tulong sa nakababatang babae
[Larawan sa pahina 17]
Anong kaaliwan ang matatamo buhat sa Kasulatan ng mga magulang ng suwail na mga anak?