Filemon at Onesimo—Nagkaisa sa Kristiyanong Kapatiran
ANG isa sa mga liham ni apostol Pablo na kinasihan ng Diyos ay may kinalaman sa isang maselan na suliranin ng dalawang lalaki. Ang isa ay si Filemon, at ang isa pa ay si Onesimo. Sino ang mga lalaking ito? Bakit nagbigay-pansin si Pablo sa kanilang situwasyon?
Si Filemon, ang sinulatan, ay naninirahan sa Colosas sa Asia Minor. Di-tulad ng maraming ibang Kristiyano sa lugar ding iyon, si Filemon ay kakilala ni Pablo, palibhasa’y tinanggap niya ang mabuting balita dahil sa pangangaral ng apostol. (Colosas 1:1; 2:1) Ang pagkakilala sa kaniya ni Pablo ay isang ‘iniibig na kamanggagawa.’ Si Filemon ay isang uliran sa pananampalataya at pag-ibig. Siya ay mapagpatuloy at isang pinagmumulan ng kaginhawahan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Maliwanag din na si Filemon ay isang lalaking nakaririwasa, yamang sapat ang laki ng kaniyang tahanan upang mapagdausan ng mga pagpupulong ng kongregasyon sa kanilang lugar. Sinasabi na si Apia at si Arquipo, dalawa pang tao na binanggit sa liham ni Pablo, ay maaaring ang kaniyang asawa at anak. Si Filemon ay mayroon din namang di-kukulangin sa isang alipin, si Onesimo.—Filemon 1, 2, 5, 7, 19b, 22.
Isang Takas sa Roma
Hindi sinasabi sa atin ng Kasulatan kung bakit si Onesimo ay nasa layong 1,400 kilometro mula sa kaniyang tinitirahan kasama ni Pablo sa Roma, kung saan isinulat ang liham para kay Filemon noong mga 61 C.E. Subalit sinabi ni Pablo kay Filemon: “Kung ginawan ka [ni Onesimo] ng anumang mali o may utang siya sa iyo na anumang bagay, singilin mo ito sa akin.” (Filemon 18) Nililiwanag ng mga pananalitang ito na nagkaroon ng suliranin si Onesimo sa kaniyang panginoon, si Filemon. Ang liham ni Pablo ay isinulat sa layuning pagkasunduin ang dalawang lalaki.
Ipinagpapalagay na si Onesimo ay naging takas pagkatapos pagnakawan si Filemon upang tustusan ang kaniyang pagtakas patungong Roma. Doon niya nilayong magtago sa mataong lunsod.a Sa Greco-Romanong lipunan, ang mga takas ay isang malaking problema hindi lamang ng mga nagmamay-ari ng alipin kundi gayundin ng pangasiwaan ng bayan. Ang Roma mismo ay sinasabing “bantog bilang kinasanayang kanlungan” ng mga nagsitakas na alipin.
Paano nakatagpo ni Pablo si Onesimo? Hindi ito sinasabi sa atin ng Bibliya. Subalit nang ang bagong pagkadama ng kalayaan ay humupa na, malamang na natanto ni Onesimo na inilagay niya ang kaniyang sarili sa isang lubhang delikadong situwasyon. Sa lunsod ng Roma, isang pantanging pangkat ng mga pulis ang tumutugis sa mga nagsitakas na alipin, na ang pagkakasalang ito ay isa sa pinakamabigat ayon sa sinaunang batas. Ayon kay Gerhard Friedrich, “ang mga madarakip na nagsitakas na alipin ay karaniwan nang hineherohan sa kanilang noo. Sila’y malimit na pinahihirapan nang labis . . . , itinatapon sa mga mababangis na hayop sa arena, o ipinapako sa krus upang hikayatin ang ibang alipin na huwag tularan ang kanilang halimbawa.” Sinasabi ni Friedrich na marahil, pagkatapos na maubos ni Onesimo ang ninakaw na salapi at hindi makakita ng mapagtataguan o ng isang trabaho, hiniling niya ang proteksiyon at pamamagitan ni Pablo, na mula rito’y nakabalita siya tungkol sa nangyayari sa tahanan ni Filemon.
Naniniwala naman ang iba na sinadya ni Onesimo na tumakbo sa isa sa mga kaibigan ng kaniyang panginoon, anupat umasa na sa pamamagitan ng impluwensiya ng isang ito, baka maibalik ang kaniyang mabuting pakikipag-ugnayan sa isang panginoon na makatuwiran namang magalit sa kaniya bunga ng ibang kadahilanan. Ipinakikita ng mga ulat ng kasaysayan na ang gayon ay “isang karaniwan at kadalasang ginagawa ng mga alipin na may suliranin.” Kung totoo ito, kung gayon ang pagnanakaw ni Onesimo ay “mas malamang na ginawa upang tustusan ang kaniyang pagtungo sa tagapamagitan na si Pablo sa halip na ito ay bahagi ng kaniyang planong pagtakas,” ang sabi ng iskolar na si Brian Rapske.
Tumulong si Pablo
Anuman ang dahilan sa pagtakas, maliwanag na hiningi ni Onesimo ang tulong ni Pablo upang maipagkasundo siya sa kaniyang galit na panginoon. Nagdulot ito ng problema kay Pablo. Narito ang isang dating di-mananampalatayang alipin na isang takas na kriminal. Dapat ba siyang tulungan ng apostol sa pamamagitan ng paghimok sa isang kaibigang Kristiyano na huwag gamitin ang kaniyang legal na karapatang maggawad ng matinding parusa? Ano ang gagawin ni Pablo?
Nang sumulat si Pablo kay Filemon, lumilitaw na may ilang panahon nang kasama ng apostol ang takas. Sapat na ang panahong lumipas upang masabi ni Pablo na si Onesimo ay naging isang “iniibig na kapatid.” (Colosas 4:9) “Masidhi kitang pinapayuhan may kinalaman sa aking anak, na sa kaniya ay naging ama ako habang nasa aking mga gapos ng bilangguan,” ang sabi ni Pablo tungkol sa kaniyang espirituwal na kaugnayan kay Onesimo. Sa lahat ng maaaring mangyari, tiyak na ito ang isa na di-gaanong inasahan ni Filemon. Sinabi ng apostol na ang alipin na dati’y “walang silbi” ay bumabalik na bilang isang kapatid na Kristiyano. Si Onesimo ay maaari na ngayong maging “kapaki-pakinabang,” o “mahalaga,” anupat mamumuhay kasuwato ng kahulugan ng kaniyang pangalan.—Filemon 1, 10-12.
Si Onesimo ay naging lubos na kapaki-pakinabang sa bilanggong apostol. Sa katunayan, nais sana ni Pablo na papanatilihin siya roon, subalit liban sa pagiging ilegal, ito ay panghihimasok sa karapatan ni Filemon. (Filemon 13, 14) Sa isa pang liham, na halos isinulat noong panahon ding iyon sa kongregasyon na nagtitipon sa tahanan ni Filemon, tinukoy ni Pablo si Onesimo bilang “ang aking tapat at iniibig na kapatid, na mula sa inyo.” Ipinakikita nito na napatunayan na ni Onesimo na siya’y mapagkakatiwalaan.—Colosas 4:7-9.b
Pinasigla ni Pablo si Filemon na tanggapin nang may-kabaitan si Onesimo subalit hindi siya gumamit ng awtoridad bilang apostol upang utusan ito na gawin ang gayon o upang palayain ang kaniyang alipin. Dahil sa kanilang pagkakaibigan at pag-iibigan, nakatitiyak si Pablo na ‘gagawin ni Filemon ang higit pa’ kaysa sa hiniling sa kaniya. (Filemon 21) Kung ano ang ibig sabihin ng “higit pa” ay hindi niliwanag dahil si Filemon lamang ang nararapat magpasiya kung ano ang gagawin kay Onesimo. Ipinangangahulugan ng iba na ang mga pananalita ni Pablo ay isang pahiging na kahilingan na ang takas ay ‘pabalikin upang siya ay makapagpatuloy sa pagtulong kay Pablo gaya ng kaniya nang nasimulan.’
Tinanggap ba ni Filemon ang mga pakiusap ni Pablo alang-alang kay Onesimo? Waring malaki ang posibilidad na gayon nga, bagaman maaaring hindi ito nagustuhan ng ibang taga-Colosas na nagmamay-ari ng alipin na baka mas gusto pang makitang tumanggap ng babalang parusa si Onesimo upang mapigilan ang kanilang mga alipin sa pagtulad sa kaniyang halimbawa.
Onesimo—Isang Nagbagong Lalaki
Sa paano man, nagbalik sa Colosas si Onesimo na may bagong personalidad. Nabago ang kaniyang pag-iisip dahil sa kapangyarihan ng mabuting balita, anupat siya ay walang-alinlangang naging isang tapat na miyembro ng Kristiyanong kongregasyon sa lunsod na iyon. Hindi sinabi ng Kasulatan kung pinalaya ni Filemon si Onesimo nang bandang huli. Subalit sa espirituwal na pangmalas, ang dating takas ay naging isang malayang tao. (Ihambing ang 1 Corinto 7:22.) Nakakatulad na pagbabago ang nangyayari sa ngayon. Kapag ikinakapit ng mga tao ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay, ang mga situwasyon at personalidad ay nababago. Yaong dating itinuturing na walang silbi sa lipunan ay natutulungang maging huwarang mga mamamayan.c
Kaylaking pagkakaiba nga ang nagawa ng pagkakumberte sa tunay na pananampalataya! Bagaman ang dating Onesimo ay naging “walang silbi” kay Filemon, ang bagong Onesimo ay walang-alinlangang namuhay kasuwato ng kaniyang pangalan bilang isang “kapaki-pakinabang” na indibiduwal. At tiyak na isang pagpapala na nagkaisa sa Kristiyanong kapatiran sina Filemon at Onesimo.
[Mga talababa]
a Binibigyang-kahulugan ng batas Romano ang servus fugitivus (tumakas na alipin) bilang ‘isa na umalis sa kaniyang panginoon, na may layuning hindi na bumalik.’
b Sa paglalakbay na ito pabalik sa Colosas, lumilitaw na sina Onesimo at Tiquico ay pinagkatiwalaan ng tatlong liham ni Pablo, na ngayo’y kabilang sa kanon ng Bibliya. Bukod sa liham na ito kay Filemon, ito ay yaong mga liham ni Pablo sa Efeso at Colosas.
c Para sa mga halimbawa, pakisuyong tingnan ang Gumising!, Hunyo 22, 1996, pahina 18-23; Marso 8, 1997, pahina 11-13; Ang Bantayan, Agosto 1, 1989, pahina 30-1; Pebrero 15, 1997, pahina 21-4.
[Kahon sa pahina 30]
Ang mga Alipin sa Ilalim ng Batas Romano
Sa ilalim ng Romanong batas na ipinatupad noong unang siglo C.E., ang isang alipin ay lubos na nakadepende sa mga kapritso, makamundong pagnanasa, at timplada ng kalooban ng kaniyang panginoon. Ayon sa komentaristang si Gerhard Friedrich, “batay sa pasimula at sa batas, ang alipin ay hindi isang tao, kundi isang bagay na malayang gamitin saanman ng may-ari. . . . [Siya] ay itinuturing na katulad ng mga hayop at kagamitan sa tahanan at hindi isinasaalang-alang sa paano man ng batas sibil.” Ang isang alipin ay hindi maaaring humingi ng anumang legal na hustisya sa dinanas na kawalang-katarungan. Pangunahin na, basta kailangan niyang tupdin ang mga utos ng kaniyang panginoon. Walang takda ang parusang maaaring igawad ng isang galit na panginoon. Maging sa isang maliit na pagkakasala, nakasalalay sa kaniyang kamay ang buhay at kamatayan.*
Bagaman ang mayayaman ay maaaring magkaroon ng ilang daang alipin, kahit ang isang pangkaraniwang sambahayan ay maaaring magkaroon ng dalawa o tatlo. “Ang gawaing ginagampanan ng mga alipin sa tahanan ay lubhang nagkakaiba-iba,” ang sabi ng iskolar na si John Barclay. “Naglilingkod ang mga alipin bilang mga diyanitor, kusinero, tagapagsilbi, tagapaglinis, kartero, tagapag-alaga ng bata, yaya at pangkalahatang tagapaglingkod, bukod pa sa iba’t ibang propesyonal na maaaring masumpungan sa mas malalaki at mas mayayamang sambahayan. . . . Ang totoo, ang uri ng buhay ng mga alipin sa tahanan ay nakasalalay nang malaki sa pag-uugali ng panginoon at maaaring magbunga ng mabuti o masama: ang pagiging pag-aari ng isang malupit na panginoon ay maaaring magbunga ng pagdurusa at walang takdang kabalakyutan, subalit ang isang mabait at bukas-palad na panginoon ay kapuwa magpapagaan at magbibigay pag-asa sa buhay. May mga kilalang halimbawa ng malupit na pagtrato na iniulat sa klasikal na panitikan, subalit marami ring kasulatan ang nagpapatotoo sa magiliw na ugnayan sa pagitan ng ilang may-ari at ng kanilang mga alipin.”
*Kung tungkol sa pagkakaroon ng alipin sa bayan ng Diyos noong sinaunang panahon, tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 2, pahina 977-9.