Liham kay Filemon
1 Ako si Pablo, isang bilanggo+ alang-alang kay Kristo Jesus, at kasama ko si Timoteo,+ na ating kapatid. Sumusulat ako kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, 2 at kay Apia, na kapatid naming babae, at kay Arquipo,+ na kapuwa namin sundalo, at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay:+
3 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
4 Lagi kong pinasasalamatan ang aking Diyos kapag binabanggit kita sa mga panalangin ko,+ 5 dahil lagi kong naririnig ang tungkol sa pananampalataya mo at pag-ibig sa Panginoong Jesus at sa lahat ng banal. 6 Ipinapanalangin ko na ang pananampalatayang pareho nating taglay ay magpakilos sa iyo na gumawa ng mabuti, dahil alam mong tayo mismo ay tumanggap ng maraming mabubuting bagay dahil sa pagiging kaisa ni Kristo. 7 Tuwang-tuwa ako at talagang napatibay nang marinig ko ang tungkol sa pag-ibig mo, dahil naantig mo ang puso ng mga banal, kapatid ko.
8 Kaya kahit puwedeng-puwede kitang utusan na gawin kung ano ang tama dahil isa akong apostol ni Kristo, 9 mas gusto kong makiusap sa iyo salig sa pag-ibig mo,+ dahil akong si Pablo ay matanda na at isa na ring bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus. 10 Nakikiusap ako sa iyo alang-alang sa anak kong si Onesimo,+ dahil naging ama niya ako+ habang nasa bilangguan* ako. 11 Wala siyang silbi sa iyo noon, pero ngayon ay malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12 Pinababalik ko siya sa iyo, oo, siya, na talagang napalapít sa puso* ko.
13 Gusto ko sanang manatili siyang kasama ko para maalalayan niya ako, gaya ng gagawin mo kung narito ka, habang nakabilanggo ako dahil sa mabuting balita.+ 14 Pero ayokong gumawa ng anumang bagay kung walang permiso mo, para hindi maging sapilitan ang gagawin mong kabutihan, kundi bukal sa puso.+ 15 Baka ito talaga ang dahilan kaya siya humiwalay sa iyo sandali, para makasama mo siyang muli magpakailanman, 16 hindi na bilang alipin+ kundi higit pa sa alipin, bilang minamahal na kapatid.+ Minahal ko siya nang husto, pero mas mamahalin mo siya, dahil alipin mo siya at kapananampalataya sa Panginoon. 17 Kaya kung itinuturing mo akong kaibigan, malugod mo siyang tanggapin gaya ng gagawin mo sa akin. 18 At kung may kasalanan o utang siya sa iyo, singilin mo iyon sa akin. 19 Ako mismong si Pablo ang sumusulat nito: Babayaran ko iyon, kahit na utang mo rin sa akin ang buhay mo. 20 Oo, kapatid, gawin mo sana ang hinihiling ko sa iyo alang-alang sa Panginoon; paginhawahin mo ang puso ko alang-alang kay Kristo.
21 Nagtitiwala akong gagawin mo ang hiling ko, kaya sumusulat ako sa iyo, dahil alam kong higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo.+ 22 Pero bukod diyan, maghanda ka rin ng tutuluyan ko, dahil umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo, makababalik ako sa inyo.+
23 Kinukumusta ka ni Epafras,+ na kapuwa ko bihag dahil kay Kristo Jesus, 24 pati nina Marcos,+ Aristarco,+ Demas, at Lucas,+ na mga kamanggagawa ko.+
25 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.