Ang Malumanay na Pagpapastol sa Mahalagang mga Tupa ni Jehova
ANG matatanda ay puspusang nakinig. Nangaglakbay sila ng mga 50 kilometro mula sa Efeso hanggang sa Mileto upang tumanggap ng mga tagubilin buhat kay apostol Pablo. Ngayon sila’y nangalungkot nang mapakinggan na ito na ang huling pagkakataon na kanilang makikita siya. Kaya batid nila na ang susunod na mga pananalita ay magiging pinakamahalaga: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”—Gawa 20:25, 28, 38.
Ang maikling pagbanggit ni Pablo tungkol sa mga pastol ay tunay na nagdulot ng maraming impormasyon sa matatandang iyon sa Efeso. Sila’y may kabatiran sa gawaing pangangalaga sa mga tupa sa nakapalibot na kabukiran. May kaalaman din sila tungkol sa maraming pagkabanggit sa mga pastol sa Kasulatang Hebreo. At batid nila na inihalintulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang Pastol ng kaniyang bayan.—Isaias 40:10, 11.
Sila’y tinukoy ni Pablo bilang “mga tagapangasiwa” sa gitna ng “kawan,” at “mga pastol” ng “kongregasyon.” Samantalang ang terminong “mga tagapangasiwa” ay nagpapakita kung ano ang kanilang atas, ang salitang “pastol” ay tumutukoy sa kung papaano nila gagampanan ang pagkatagapangasiwang iyon. Oo, ang mga tagapangasiwa ay kailangang mag-asikaso sa bawat miyembro ng kongregasyon sa katulad na maibiging paraan na gaya ng pangangalaga ng isang pastol sa kaniyang kawan ng mga tupa.
Sa ngayon, kakaunting matatanda ang may tuwirang karanasan sa pangangalaga sa literal na mga tupa. Subalit sa Bibliya ay napakaraming mga pagtukoy sa kapuwa mga tupa at mga pastol, lalo na sa isang diwang makatalinghaga, anupat ang mga salita ni Pablo ay hindi naglalagay ng hangganan sa panahon na kinauukulan nito. At higit pa ang matututuhan buhat sa mga ulat tungkol sa mga pastol na may pagsang-ayon ng Diyos noong sinaunang panahon. Ang kanilang namumukod na mga halimbawa ay makatutulong sa matatanda sa kasalukuyang panahon upang makita kung anong mga katangian ang kailangang pasulungin nila upang makapagpastol sa kongregasyon ng Diyos.
Ang Walang Takot na Pastol na si David
Pagka ating pinag-iisipan ang mga pastol noong panahon ng Bibliya, malamang na maaalaala natin si David, sapagkat nagsimula siya bilang isang tagapag-alaga ng mga tupa. Na ang pagiging isang pastol ay hindi isang posisyon ng katanyagan ay isa sa mga unang aral na natutuhan natin buhat sa buhay ni David. Sa katunayan, nang dumating ang propetang si Samuel upang pahiran ang isang anak ni Jesse bilang ang magiging hari ng Israel sa hinaharap, ang kabataang si David ay lubusan munang nakaligtaan. Pagkatapos lamang na tanggihan ni Jehova ang kaniyang pitong nakatatandang kapatid saka binanggit si David, na noon ay nasa bukid at “nagpapastol ng mga tupa.” (1 Samuel 16:10, 11) Gayunpaman, ang mga taon na ginugol ni David bilang isang pastol ay naghanda sa kaniya para sa magawaing trabaho ng pagpapastol sa bansang Israel. “Pinili [ni Jehova] si David na kaniyang lingkod at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa . . . upang maging pastol ng Jacob na kaniyang bayan,” sabi ng Awit 78:70, 71. Angkop naman, na isinulat ni David ang maganda at kilalang ika-23 Awit 23, na nagsisimula sa mga salitang: “Si Jehova ay aking Pastol.”
Tulad ni David, ang matatanda sa kongregasyong Kristiyano ay dapat maglingkod bilang mapagpakumbabang mga katulong na pastol at huwag maghangad ng di-nararapat na katanyagan. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo kay Timoteo, yaong nagsusumikap na makamit ang pananagutang ito na pagpapastol ay “naghahangad ng isang mabuting gawain,” hindi ng katanyagan.—1 Timoteo 3:1.
Bagaman hamak ang gawain ni David bilang isang literal na pastol, kung minsan ay nangangailangan iyon ng malaking tibay ng loob. Halimbawa, nang may mga tupa buhat sa kawan ng kaniyang ama na natangay minsan ng isang leon at pagkatapos ay ng isang oso, walang takot na hinarap at pinatay ni David ang mga sumalakay na yaon. (1 Samuel 17:34-36) Ito ay isang kapansin-pansing pagpapakita ng tibay ng loob kung isasaalang-alang na ang isang leon ay maaaring makapatay ng mga hayop na higit na malalaki kaysa kaniya. At ang osong kayumanggi ng Syria na doon dating naninirahan sa Palestina, tumitimbang ng hanggang 140 kilo, ay nakakapatay ng isang usa sa pamamagitan lamang ng isang dagok ng malakas na paa nito.
Ang may tibay ng loob na pag-aalalá ni David sa mga tupa ng kaniyang ama ay isang mainam na halimbawa para sa mga pastol sa kongregasyong Kristiyano. Nagbabala si apostol Pablo sa matatanda sa Efeso tungkol sa “ganid na mga lobo” na “hindi nakikitungo nang may kabaitan sa kawan.” (Gawa 20:29) Sa modernong panahon din, babangon ang mga pagkakataon na kakailanganin ng mga pastol na Kristiyano na magpakita ng tibay ng loob upang maingatan ang espirituwalidad ng mga tupa ni Jehova.
Samantalang ang mga tupa ay kailangang tahasang bigyan ng proteksiyon, dapat din silang pakitunguhan na taglay ang lubos na pagkamalumanay, bilang pagtulad sa mapagmahal na pastol na si David at sa Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Juan 10:11) Sa pagkaalam na ang may-ari ng kawan ay si Jehova, ang matatanda ay hindi dapat maging mabagsik sa mga tupa, “na nag-aastang mga panginoon sa mga mana ng Diyos.”—1 Pedro 5:2, 3; Mateo 11:28-30; 20:25-27.
Pagsusulit
Ang patriyarkang si Jacob ay isa pang kilalang pastol. Itinuring niya ang kaniyang sarili na personal na may pananagutan para sa bawat isa sa mga tupang ipinagkatiwala sa kaniya. Siya’y buong katapatang nangalaga sa mga kawan ng kaniyang biyenan, si Laban, kung kaya pagkaraan ng 20 taon sa kaniyang paglilingkuran, nasabi ni Jacob: “Ang iyong mga babaing tupa at mga babaing kambing ay hindi nangalaglagan ng anak, at ang mga tupang lalaki ng iyong kawan ay hindi ko kinain. Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo. Ako ang nagbata ng kawalan. Sa aking kamay iyong hiningi, maging nakaw man sa araw o nakaw sa gabi.”—Genesis 31:38, 39.
Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay nagpapakita ng lalong malaking pagkabahala sa tupa na ang Pastol ng ating mga kaluluwa, ang Diyos na Jehova, “ang bumili nito ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28; 1 Pedro 2:25; 5:4) Idiniin ni Pablo ang mahalagang pananagutang ito nang kaniyang ipinaalaala sa mga Kristiyanong Hebreo na ang mga lalaking nangunguna sa kongregasyon “ay patuloy na nagbabantay sa inyong kaluluwa na parang sila ang magsusulit.”—Hebreo 13:17.
Ipinakikita rin ng halimbawa ni Jacob na walang takdang haba ng panahon na kailangang ipaglingkod ng isang pastol. Ito ay isang gawaing araw-at-gabi at kadalasan nangangailangan ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Sinabi niya kay Laban: “Naging karanasan ko na sa araw ay pinupugnaw ako ng init at ng lamig sa gabi, at ang pag-aantok ay tumatakas sa aking mga mata.”—Genesis 31:40.
Tunay na nangyayari ito sa maraming mapagmahal na Kristiyanong matatanda sa ngayon, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan. Isang kapatid na lalaki ang inilagay sa intensive care unit ng isang ospital pagkatapos magkaroon ng mga komplikasyon ang inalis at sinuring tumor sa utak. Isinaayos ng kaniyang pamilya na sila’y maging kapiling niya sa ospital araw at gabi. Upang magsilbing pampatibay-loob, isa sa matatanda sa lokal na kongregasyon bagaman totoong magawain ay nagsaayos ng panahon upang madalaw niya ang maysakit at ang pamilya ng taong iyon araw-araw. Subalit, dahilan sa kaayusan sa ospital sa gayong rutina ng paggamot kaya kung minsan ay imposibleng makadalaw siya kung araw. Kaya ang matanda kadalasan ay kinailangang dumalaw sa ospital sa lubhang kalaliman ng gabi. Subalit may kagalakang nagpupunta siya roon gabi-gabi. “Natanto ko na kailangan kong dumalaw sa oras na angkop para sa pasyente, hindi sa oras na kombenyente para sa akin,” ang sabi ng matanda. Nang medyo gumaling-galing na ang kapatid upang mailipat sa ibang lugar sa ospital, ang matanda ay nagpatuloy sa kaniyang nagpapalakas-loob na mga pagdalaw araw-araw.
Ang Natutuhan ni Moises Bilang Isang Pastol
Sa Bibliya ay binabanggit si Moises bilang “ang pinakamaamo sa lahat ng lalaking nabuhay sa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Subalit, ipinakikita ng ulat na hindi laging ganito. Nang nasa kabataan pa, nakapatay siya ng isang Ehipsiyo dahilan sa pananakit nito sa isang kapuwa niya Israelita. (Exodo 2:11, 12) Tunay na hindi gayon ang ikikilos ng isang taong maamo! Gayunman, nang bandang huli ay ginamit ng Diyos si Moises upang manguna sa isang bansa ng angaw-angaw na katao na itatawid sa iláng patungo sa Lupang Pangako. Malinaw, kung gayon, na si Moises ay nangangailangan pa noon ng higit na pagsasanay.
Bagaman si Moises ay nagkaroon na ng sekular na pagsasanay “sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” higit pa ang kailangan upang makapagpastol siya sa kawan ni Jehova. (Gawa 7:22) Ano kaya itong karagdagang pagsasanay sa kaniya? Buweno, may 40 taon na pinayagan ng Diyos na si Moises ay maglingkod bilang isang mapagpakumbabang pastol sa lupain ng Midian. Sa kaniyang pag-aalaga sa mga kawan ng kaniyang biyenan, si Jetro, napasulong ni Moises ang maiinam na katangian ng pagtitiyaga, kaamuan, pagpapakumbaba, pagtitiis, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. Natuto rin siya na maghintay kay Jehova. Oo, ang pag-aalaga sa literal na mga tupa ay nagbigay kay Moises ng mga katangian na kailangan sa isang pastol na may kakayahan sa bansang Israel.—Exodo 2:15–3:1; Gawa 7:29, 30.
Hindi ba ito ang mismong mga katangian na kailangan ng isang matanda upang makapangalaga sa bayan ng Diyos sa ngayon? Oo, sapagkat si Timoteo ay pinaalalahanan ni Pablo na “ang alipin ng Panginoon . . . ay kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo, nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang.”—2 Timoteo 2:24, 25.
Baka may panahon na nararanasan ng isang matanda ang panghihina ng loob dahilan sa siya’y nahihirapan na lubusang paunlarin ang mga katangiang ito. Gayunman, siya’y di-dapat huminto. Tulad ni Moises, baka mangailangan ng mahabang panahon upang lubusang mapaunlad ang mga katangiang kailangan upang ang isa’y maging isang mabuting pastol. Gayunman, pagsapit ng panahon ang gayong taimtim na pagsisikap ay gagantihin.—Ihambing ang 1 Pedro 5:10.
Bilang isang matanda, marahil ay hindi ka lubusang nagagamit na gaya ng iba. Tulad ni Moises, maaari kaya na pinapayagan ni Jehova na lalong higit na mapaunlad mo ang ilang mahalagang mga katangian? Huwag kalilimutan na “minamahal ka” ni Jehova. Gayunman, dapat din nating laging isaisip na ‘tayo’y magbihis ng kababaang-loob sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat ang Diyos ay sumasalansang sa mga palalo ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.’ (1 Pedro 5:5-7) Kung ikakapit mo sa iyong sarili at tatanggapin ang pagsasanay na ipinahihintulot ni Jehova, ikaw ay lalong higit na magagamit niya, gaya ni Moises.
Lahat ng Tupa ni Jehova ay Mahalaga
Ang maaasahan, mapagmahal na mga pastol noong panahon ng Bibliya ay nakadarama ng pananagutan tungkol sa bawat tupa. Dapat ay ganiyan din kung tungkol sa espirituwal na mga pastol. Ito’y malinaw buhat sa mga salita ni Pablo: “Asikasuhin ninyo . . . ang buong kawan.” (Gawa 20:28) Sino ang makakasali sa “buong kawan”?
Si Jesus ay nagbigay ng ilustrasyon tungkol sa isang taong may sandaang tupa ngunit agad niyang hinanap ang isa na napawaglit upang ito’y muling maisama sa kawan. (Mateo 18:12-14; Lucas 15:3-7) Sa katulad na paraan ang isang tagapangasiwa ay dapat na magmalasakit sa bawat miyembro ng kongregasyon. Ang hindi pakikibahagi sa ministeryo o pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay hindi nangangahulugan na ang tupa ay hindi na bahagi ng kawan. Siya’y bahagi pa rin ng “buong kawan” na kailangang ‘ipagsulit’ ng matatanda kay Jehova.
Isang lupon ng matatanda ang nabahala nang ang ilang kaugnay sa kongregasyon ay naging di-aktibo. Isa-isang itinala ang mga ito, at gumawa ng pantanging pagsisikap na sila’y dalawin at tulungan na manumbalik sa kawan ng mga tupa ni Jehova. Anong laking pasasalamat sa Diyos ng matatandang ito nang sa loob ng dalawa at kalahating taon, natulungan nila ang mahigit na 30 katao upang maging aktibo uli sa paglilingkod kay Jehova. Isa sa mga natulungan ay di-aktibo nang mga 17 taon!
Ang bigat ng pananagutang ito ay higit pang ikinintal sa mga tagapangasiwa ng pagkaalam na ang mga tupa ay “binili ng dugo ng sariling Anak [ng Diyos].” (Gawa 20:28) Iyon ang pinakamataas na halaga na maibabayad para sa mahalagang mga tupang ito. At isip-isipin ang lahat ng panahon at pagpapagal na ginugol sa ministeryo upang matagpuan at matulungan ang bawat taong tulad-tupa! Hindi ba isang nakakatulad na pagsisikap ang dapat gawin upang lahat sila ay mapanatiling nasa kawan ng Diyos? Tunay, bawat tupa sa kongregasyon ay mahalaga.
Kahit na ang isang miyembro ng kawan ay napasangkot sa malubhang pagkakasala, hindi nababago ang pananagutan ng matatanda. Patuloy silang nababahala bilang mga pastol, malumanay at mahinahong nagsisikap na iligtas ang nagkasala kung maaari. (Galacia 6:1, 2) Nakalulungkot naman, sa ilang pagkakataon ay lumilitaw na ang isang miyembro ng kongregasyon ay kulang ng maka-Diyos na pagsisisi sa malulubhang kasalanan na nagawa niya. Ang mapagmahal na mga pastol kung gayon ay may maka-Kasulatang pananagutan na ingatan ang nalalabi pa ng kawan laban sa masamang impluwensiyang ito.—1 Corinto 5:3-7, 11-13.
Gayunpaman, ang Diyos na Jehova ang sakdal na halimbawa ng pagpapakita ng awa sa naliligaw na mga tupa. Ang ating maawaing Pastol ay nagsasabi: “Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang naligaw, at tatalian ang nabalian at palalakasin ang may sakit.” (Ezekiel 34:15,16; Jeremias 31:10) Bilang pagtulad sa napakagaling na halimbawang ito, gumawa ng isang maibiging kaayusan upang ang modernong espirituwal na mga pastol ay dumalaw sa mga taong tiwalag, na ngayon ay baka tumugon sa kanilang pagtulong. Ang maawaing pagsisikap na ito na maipanumbalik ang gayong nawalang tupa ay nagkaroon ng maiinam na bunga. Isang sister na naipanumbalik ang nagsabi: “Nang dumalaw ang matatanda, iyon ang pampatibay-loob na kailangan ko upang makabalik.”
Walang alinlangan na ang mga salita ni Pablo sa matatanda sa Efeso sa Mileto ay punung-punô ng kahulugan—para sa kanila at para sa mga tagapangasiwa ngayon. Ang kaniyang pagtukoy sa mga pastol ay isang paalaala sa nakahihikayat na mga katangian na dapat makita sa mga tagapangasiwa—mga katangian na pagpapakumbaba at tibay-loob, gaya ng ipinakitang halimbawa ng pastol-haring si David; ang personal na pagkadama ng pananagutan at may pagmamalasakit na pangangalaga, na makikita sa paglilingkod ni Jacob araw at gabi; at ang pagkahanda na matiyagang tumanggap ng higit pang pagsasanay, gaya ng ipinakita ni Moises. Oo, ang mga halimbawang ito sa Bibliya ay tutulong sa matatanda sa kongregasyon upang mapaunlad nila at maipakita ang mga katangiang kailangan upang sila’y malumanay na “magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na kaniyang binili ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”