Jesu-Kristo
Kahulugan: Ang bugtong na Anak ng Diyos, ang tanging Anak na nilikha ni Jehova nang walang katulong. Ang Anak na ito ay panganay sa lahat ng nilalang. Sa pamamagitan niya lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa ay nalikha. Siya ang pangalawang pinaka-dakilang persona sa buong sansinukob. Ito ang Anak na isinugo ni Jehova sa lupa upang maghandog ng buhay bilang pantubos sa sangkatauhan, sa gayo’y binubuksan ang daan tungo sa walang-hanggang buhay para sa sumasampalatayang mga supling ni Adan. Ang Anak ding ito, na ibinalik sa makalangit na kaluwalhatian, ay nagpupuno ngayon bilang Hari, na may kapangyarihang lipulin ang lahat ng balakyot at isagawa ang orihinal na layunin ng kaniyang Ama tungkol sa lupa. Ang anyong Hebreo ng pangalang Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ang Kaligtasan”; ang Kristo ay katumbas ng Hebreong Ma·shiʹach (Mesiyas), na nangangahulugang “ang Pinahiran.”
Si Jesu-Kristo ba’y isang tunay at makasaysayang persona?
Ang Bibliya mismo ang pangunahing katibayan ng pagiging-makasaysayan ni Jesu-Kristo. Ang ulat sa mga Ebanghelyo ay hindi isang malabong salaysay ng mga pangyayari na naganap sa isang di-tiyak na yugto ng panahon at sa isang di-kilalang dako. Maliwanag nitong isinasaad ang panahon at dako nang detalyado. Bilang halimbawa, tingnan ang Lucas 3:1, 2, 21-23.
Tinukoy ng unang-siglong Judiong mananalaysay na si Josephus ang tungkol sa pambabato kay “Santiago, ang kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo.” (The Jewish Antiquities, Josephus, Aklat XX, sek. 200) Isang tuwiran at umaalalay na pagtukoy kay Jesus, na masusumpungan sa Aklat XVIII, mga seksiyong 63, 64, ang pinupuna ng mga nagsasabing ito di-umano’y idinagdag na lamang nang maglaon o na kaya ito’y pinaganda ng mga Kristiyano; subali’t tinatanggap na ang bokabularyo at ang estilo ay lubhang nakakatulad niyaong kay Josephus, at ang talata ay masusumpungan sa lahat ng umiiral na mga manuskrito.
Si Tacitus, isang Romanong mananalaysay na nabuhay noong huling bahagi ng unang siglo C.E., ay sumulat ng ganito: “Si Christus [Latin para sa “Kristo”], na siyang pinagmulan ng pangalang [Kristiyano], ay dumanas noong paghahari ni Tiberio ng sukdulang parusa sa kamay ng isa sa ating mga kinatawan, si Poncio Pilato.”—The Complete Works of Tacitus (Nueba York, 1942), “The Annals,” Aklat 15, par. 44.
Ganito ang isinasaad ng The New Encyclopædia Britannica, tungkol sa sinaunang di-Kristiyanong makasaysayang mga pagtukoy kay Jesus: “Ang indipendiyenteng mga ulat na ito ay nagpapatunay na noong sinaunang mga panahon ang pagiging makasaysayan ni Jesus ay hindi pinag-alinlanganan maging ng mga kalaban ng Kristiyanismo, isang paksa na sa kaunaunahang pagkakataon ay pinagtalunan ng ilang manunulat noong katapusan ng ika-18, noong ika-19, at noong pasimula ng ika-20 mga siglo bagama’t walang gaanong saligan.”—(1976) Macropædia, Tomo 10, p. 145.
Si Jesu-Kristo ba’y isa lamang mabuting tao?
Kapunapuna, pinagwikaan ni Jesus ang isang lalake na nagkapit sa kaniya ng pamagat na “Mabuting Guro,” sapagka’t kinilala ni Jesus, hindi ang sarili, kundi ang kaniyang Ama, bilang pamantayan ng kabutihan. (Mar. 10:17, 18) Gayumpaman, sa pag-abot sa pamantayan ng kabutihan na karaniwan nang itinuturing ng mga tao, tiyak na si Jesus ay naging matapat. Sa katunayan, maging ang kaniyang mga kaaway ay kumilala sa katotohanang ito. (Mar. 12:14) Siya mismo ang nagsabi na siya’y umiral bago naging tao, na siya ang pantanging Anak ng Diyos, na siya ang Mesiyas, na ang paglitaw ay inihula sa buong Hebreong Kasulatan. Tiyak na siya nga ay kung ano ang inaangkin niya o kung hindi’y tiyak na isa siyang pusakal na mandaraya, subali’t alinman sa dalawang palagay na ito ay hindi nagpapahintulot sa pangmalas na siya’y isa lamang mabuting tao.—Juan 3:13; 10:36; 4:25, 26; Luc. 24:44-48.
Si Jesus ba’y isa lamang propeta na ang awtoridad ay katulad niyaong kina Moises, Buddha, Muhammad, at iba pang pinunong relihiyoso?
Itinuro mismo ni Jesus na siya ang tanging Anak ng Diyos (Juan 10:36; Mat. 16:15-17), ang inihulang Mesiyas (Mar. 14:61, 62), na siya’y umiral na sa langit bago naging tao (Juan 6:38; 8:23, 58), na siya’y papatayin at pagkatapos ay bubuhaying-muli sa ikatlong araw at kung magkagayo’y magbabalik sa mga langit. (Mat. 16:21; Juan 14:2, 3) Totoo ba ang mga pag-aangking ito, at sa gayo’y talaga bang siya’y naiiba sa lahat ng iba pang tunay na mga propeta ng Diyos at kabaligtaran ng lahat ng nag-aangking mga pinunong relihiyoso? Ang katotohanan nito ay mapatutunayan sa ikatlong araw pagkaraan ng kaniyang kamatayan. Binuhay nga ba siya ng Diyos mula sa mga patay, sa gayo’y pinatutunayan na si Jesu-Kristo ay nagsalita ng katotohanan at tunay ngang siya’y tanging Anak ng Diyos? (Roma 1:3, 4) Mahigit na 500 saksi ang aktuwal na nakakita kay Jesus matapos siyang buhaying-muli, at ang kaniyang tapat na mga apostol ay mismong nakasaksi nang siya’y muling umakyat pabalik sa langit at pagkatapos ay naglaho sa kanilang paningin sa isang ulap. (1 Cor. 15:3-8; Gawa 1:2, 3, 9) Gayon na lamang ang paniwala nila sa kaniyang pagkabuhay-muli anupa’t marami sa kanila ang nagsapanganib ng kanilang buhay sa pagsasabi nito sa iba.—Gawa 4:18-33.
Bakit ang mga Judio sa pangkalahatan ay hindi tumanggap kay Jesus bilang Mesiyas?
Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica: “Ang mga Judio noong panahong Romano ay naniwala na [ang Mesiyas] ay ibabangon ng Diyos upang baliin ang pamatok ng mga pagano at upang magpuno sa isinauling kaharian ng Israel.” (Jerusalem, 1971, Tomo 11, kol. 1407) Hinangad nila ang kalayaan mula sa pamatok ng Roma. Salig sa Mesiyanikong hula na nakaulat sa Daniel 9:24-27, pinatutunayan ng Judiong kasaysayan na may mga Judio na naghihintay sa Mesiyas noong unang siglo C.E. (Luc. 3:15) Subali’t iniugnay ng hulang yaon ang pagparito niya sa ‘pagwawakas sa kasalanan,’ at ipinahiwatig ng Isaias kabanatang 53 na ang Mesiyas mismo ay mamamatay upang matupad ang bagay na ito. Gayumpaman, ang mga Judio sa pangkalahatan ay hindi nakadama na kinailangang may mamatay ukol sa kanilang mga kasalanan. Naniwala sila na sila’y nagtataglay ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos salig sa kanilang pagiging supling ni Abraham. Sinabi ng A Rabbinic Anthology, “Gayon na lamang ang [halaga] ni Abraham anupa’t matutubos niya ang lahat ng katampalasanan na nagawa at mga kasinungalingan na binigkas ng Israel sa daigdig na ito.” (Londres, 1938, C. Montefiore at H. Loewe, p. 676) Sa pagtanggi nila kay Jesus bilang Mesiyas, ay tinupad ng mga Judio ang hula hinggil sa kaniya: “Siya’y kinamuhian at hindi natin siya pinahalagahan.”—Isaias 53:3, JP.
Bago siya namatay, inihula ni Moises na ang bansa ay tatalikod sa tunay na pagsamba at na bunga nito, ay sasapit sa kanila ang kapahamakan. (Basahin ang Deuteronomio 31:27-29.) Pinatutunayan ng aklat ng Mga Hukom na ito’y paulit-ulit na naganap. Noong mga kaarawan ni propeta Jeremias, ang pambansang kataksilan ay umakay sa pagkakadalang bihag ng bansang yaon tungo sa Babilonya. Bakit din pinahintulutan ng Diyos ang mga Romano na wasakin ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E.? Anong kataksilan ang nagawa ng bansa anupa’t sila’y hindi ipinagsanggalang ng Diyos na gaya ng kaniyang ginawa nang ilagak nila ang kanilang tiwala sa kaniya? Hindi pa natatagalan bago mangyari ito nang kanilang tanggihan si Jesus bilang Mesiyas.
Talaga bang si Jesus ang Diyos?
Juan 17:3, RS: “[Nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama:] Ito ang buhay na walang-hanggan, na ikaw ay kilalanin nila bilang iisang tunay na Diyos [“na siya lamang ang tunay na Diyos,” NE], at si Jesu-Kristo na iyong isinugo.” (Pansinin na dito’y hindi tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili kundi ang kaniyang Ama sa langit bilang ang “iisang tunay na Diyos.”)
Juan 20:17, RS: “Sinabi ni Jesus sa kaniya [kay Maria Magdalena], ‘Huwag mo akong hipuin, sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama; subali’t pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ako ay aakyat sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” (Kaya para sa binuhay-muling si Jesus, ang Ama ang Diyos, kung papaanong ang Ama ay Diyos ni Maria Magdalena. Kapansinpansin, kahit minsan sa Kasulatan ay hindi natin masusumpungan ang Ama na tumutukoy sa kaniyang Anak bilang “aking Diyos.”)
Tingnan din ang mga pahina 418, 423, 424, sa ilalim ng paksang “Trinidad.”
Pinatutunayan ba ng Juan 1:1 na si Jesus ang Diyos?
Juan 1:1, RS: “Nang pasimula ay ang Salita at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos [gayon din ang KJ, JB, Dy, Kx, NAB].” Ang NE ay kababasahan ng “kung ano ang Diyos, ay gayon din ang Salita.” Sinasabi ng Mo na “ang Logos ay banal.” Sinasabi sa atin ng AT at Sd na “ang Salita ay banal.” Ang saling interlinear ng ED ay “isang diyos ang Salita.” Sa NW ay mababasa na “ang Salita ay isang diyos”; ang NTIV ay gumagamit ng gayon ding pananalita.
Ano ang nakikita ng mga tagapagsaling ito sa tekstong Griyego upang udyukan sila na umiwas sa pagsasabing “ang Salita ay Diyos”? Ang tiyak na pantukoy na (ang) ay lumilitaw bago ang unang pagbanggit ng the·osʹ (Diyos) subali’t hindi bago ang ikalawa. Ang articular na kayarian ng pangngalan (kapag lumilitaw ang pantukoy) ay tumutukoy sa isang pagkakakilanlan, isang personalidad, samantalang ang pang-isahang anarthrous (kapag walang pantukoy) na pangngalang panaguri bago ang pandiwa (gaya ng pagkakabalangkas ng pangungusap sa Griyego) ay tumutukoy sa isang katangian ng sinoman. Kaya ang talata ay hindi nagsasabi na ang Salita (si Jesus) ay siya ring Diyos na kaniyang kasakasama kundi, sa halip, na ang Salita ay may pagka-diyos, banal, isang diyos. (Tingnan ang 1984 na edisyong Reperensiya ng NW, p. 1579.)
Ano ang gustong sabihin ni apostol Juan nang isulat niya ang Juan 1:1? Gusto ba niyang sabihin na si Jesus mismo ang Diyos o marahil ay na si Jesus ay isang Diyos na kasama ng Ama? Sa kabanata ding yaon, Ju 1 talatang 18, si Juan ay sumulat: “Walang sinoman [“walang tao,” KJ, Dy] ang kailanma’y nakakita sa Diyos; ang bugtong na Anak [“ang bugtong na diyos,” NW], na nasa sinapupunan ng Ama, ang nagpakilala sa kaniya.” (RS) Mayroon bang tao na nakakita kay Jesu-Kristo, ang Anak? Talagang mayroon! Kaya nga, sinasabi ba ni Juan na si Jesus ang Diyos? Maliwanag na hindi. Sa pagtatapos ng kaniyang Ebanghelyo, binuod ni Juan ang mga bagay-bagay, sa pagsasabing: “Ang mga ito ay nangasulat upang kayo ay magsisampalataya na si Jesus ay ang Kristo, [hindi ang Diyos, kundi] ang Anak ng Diyos.”—Juan 20:31, RS.
Ang bulalas ba ni Tomas sa Juan 20:28 ay nagpapatotoo na si Jesus ay tunay ngang ang Diyos?
Ang Juan 20:28 (RS) ay kababasahan: “Sinagot siya ni Tomas, ‘Panginoon ko at Diyos ko!’ ”
Hindi naman mali ang tukuyin si Jesus bilang “Diyos,” kung ito ang siyang nasasa-isip ni Tomas. Ito’y magiging kasuwato ng sariling pagsipi ni Jesus sa Mga Awit na kung saan ang makapangyarihang mga tao, mga hukom, ay tinutukoy na “mga diyos.” (Juan 10:34, 35, RS; Awit 82:1-6) Sabihin pa, si Kristo ay may tungkulin na higit na mataas kaysa mga taong yaon. Dahil sa pagiging natatangi ng kaniyang katayuan kaugnay ni Jehova, sa Juan 1:18 (NW) si Jesus ay tinutukoy bilang “ang bugtong na diyos.” (Tingnan din ang Ro, By.) Makahula ring tinutukoy ng Isaias 9:6 (RS) si Jesus bilang “Makapangyarihang Diyos,” subali’t hindi bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Lahat ng ito ay kasuwato ng pagtukoy kay Jesus bilang “isang diyos,” o “banal,” sa Juan 1:1 (NW, AT).
Ang konteksto ay tumutulong sa atin na magkaroon ng wastong pangmalas sa bagay na ito. Nang malapit nang mamatay si Jesus, narinig ni Tomas ang panalangin ni Jesus na kung saan tinukoy niya ang kaniyang Ama bilang “iisang Diyos na tunay.” (Juan 17:3, RS) Pagkaraan ng pagkabuhay-muli ni Jesus, siya ay nagpadala ng mensahe sa kaniyang mga apostol, kalakip na si Tomas, na kung saan ay sinabi niya: “Ako ay aakyat . . . sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17, RS) Matapos iulat ang sinabi ni Tomas nang makita niya at mahipo ang binuhay-muling si Kristo, ay ganito ang sinabi ni apostol Juan: “Ang mga ito’y nangasulat upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay siyang Kristo, ang Anak ng Diyos, at na sa pananampalataya’y magsipagkamit kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” (Juan 20:31, RS) Kaya, kung may sinomang magpapasiya mula sa bulalas ni Tomas na si Jesus mismo ang siyang “iisang Diyos na tunay” o na si Jesus ay isang “Diyos Anak” ng Trinidad, kailangan niyang suriin uli ang sinabi mismo ni Jesus (Ju 20 tal. 17) at sa konklusyon na buong-linaw na ipinahayag ni apostol Juan (Ju 20 tal. 31).
Ipinahihiwatig ba ng Mateo 1:23 na si Jesus ay Diyos nang siya’y nasa lupa?
Mat. 1:23, RS: “ ‘Narito, isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalake, at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Emmanʹu-el’ (na nangangahulugang, ang Diyos sumasa atin [“ang Diyos ay sumasa atin,” NE]).”
Nang ipinatatalastas ang napipintong pagsilang ni Jesus, sinabi ba ng anghel ni Jehova na ang sanggol ay magiging ang Diyos mismo? Hindi, ang patalastas ay ganito: “Siya’y magiging dakila, at tatawaging ang Anak ng Kataastaasan.” (Luc. 1:32, 35, RS; idinagdag ang salitang pahilis.) At kailanma’y hindi inangkin ni Jesus na siya mismo ang Diyos kundi, sa halip, ang “Anak ng Diyos.” (Juan 10:36, RS; idinagdag ang salitang pahilis.) Si Jesus ay isinugo ng Diyos sa sanlibutan; kaya sa pamamagitan ng bugtong na Anak na ito, ang Diyos ay kasama ng sangkatauhan.—Juan 3:17; 17:8.
Kadalasan ang mga pangalang Hebreo ay naglalakip ng salita para sa Diyos o kaya’y isang pinaikling anyo ng personal na pangalan ng Diyos. Bilang halimbawa, ang Eliʹatha ay nangangahulugang “Ang Diyos ay Dumating”; ang Jehu ay nangangahulugang “Si Jehova ay Siya nga”; ang Elias ay nangangahulugang “Ang Diyos ko ay si Jehova.” Subali’t alinman sa mga pangalang ito ay hindi nagpapahiwatig na ang nagmamay-ari ay ang mismong Diyos.
Ano ang kahulugan ng Juan 5:18?
Juan 5:18, RS: “Kaya nga lalong hinangad ng mga Judio na siya’y patayin, hindi lamang dahil sa paglabag niya sa sabbath kundi sapagka’t tinawag ang Diyos na kaniyang Ama, at ginawa ang sarili na kapantay ng Diyos.”
Ang di-sumasampalatayang mga Judio ang siyang nagsabi na sinikap ni Jesus na maging kapantay ng Diyos dahil sa pag-aangkin na ang Diyos ay ang kaniyang Ama. Bagaman may kawastuang tinukoy ang Diyos bilang kaniyang Ama, kailanma’y hindi inangkin ni Jesus ang pagkapantay niya sa Diyos. Tuwiran niyang sinagot ang mga Judio: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang Anak ay walang magagawa sa ganang kaniyang sarili, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19, RS; tingnan din ang Juan 14:28; Juan 10:36.) Inangkin din ng di-sumasampalatayang mga Judio na nilabag ni Jesus ang Sabbath, subali’t nagkamali rin sila. Buong-kasakdalang iningatan ni Jesus ang Batas, at ipinahayag niya: “Matuwid ang gumawa ng mabuti kung sabbath.”—Mat. 12:10-12, RS.
Dahil ba sa si Jesus ay sinasamba ay patotoo na siya ang Diyos?
Sa Hebreo 1:6, ang mga anghel ay inuutusan na “sumamba” kay Jesus, ayon sa pagkakasalin ng RS, TEV, KJ, JB, at NAB. Ang NW ay nagsasabi na “magpitagan.” Sa Mateo 14:33, ang mga alagad ni Jesus ay sinasabing “sumamba” sa kaniya, ayon sa RS, TEV, KJ; ang ibang salin ay nagsasabi na sila’y “nagpakita sa kaniya ng paggalang” (NAB), “nagsiyuko sa harapan niya” (JB), “nagpatirapa sa kaniyang paanan” (NE), “nag-ukol ng pagpipitagan sa kaniya” (NW).
Ang salitang Griyego na isinaling “pagsamba” ay pro·sky·neʹo, at sinasabi ng A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature na ito rin ay “ginamit upang ilarawan ang kaugalian ng pagpapatirapa sa harapan ng isa at paghalik sa kaniyang mga paa, sa laylayan ng kaniyang damit, sa lupa.” (Chicago, 1979, Bauer, Arndt, Gingrich, Danker; pangalawang edisyong Ingles; p. 716) Ito ang termino na ginamit sa Mateo 14:33 upang ilarawan ang ginawa ng mga alagad kay Jesus; sa Hebreo 1:6 upang ipahiwatig kung ano ang dapat gawin ng mga anghel kay Jesus; sa Genesis 22:5 sa Griyegong Septuagint upang ilarawan kung ano ang ginawa ni Abraham kay Jehova at sa Genesis 23:7 upang ilarawan ang ginawa ni Abraham sa mga taong kaugnay niya sa negosyo, kasuwato ng kaugalian noong kaniyang kapanahunan; at sa 1 Hari 1:23 sa Septuagint upang ilarawan ang kilos ni propeta Nathan nang nilalapitan si Haring David.
Sa Mateo 4:10 (RS), sinabi ni Jesus: “Dapat mong sambahin [mula sa pro·sky·neʹo] ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.” (Sa Deuteronomio 6:13, na maliwanag na sinisipi dito ni Jesus, ay lumilitaw ang personal na pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton.) Kasuwato nito, dapat nating maunawaan na ang pro·sky·neʹo na may taglay na pantanging saloobin ng puso at isip ang siyang dapat na iukol lamang sa Diyos.
Ang mga himala ba na ginampanan ni Jesus ay patotoo na siya ang Diyos?
Gawa 10:34, 38, RS: “Ibinuka ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: ‘ . . . Si Jesus ng Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; . . . nagpatuloy siya sa paggawa ng mabuti at pinagaling ang lahat ng inaalihan ng diyablo, sapagka’t ang Diyos ay sumasa kaniya.’ ” (Kaya hindi ipinasiya ni Pedro mula sa mga himala na kaniyang nasaksihan na si Jesus ang Diyos, kundi sa halip, na ang Diyos ay sumasa kay Jesus. Ihambing ang Mateo 16:16, 17.)
Juan 20:30, 31, RS: “Si Jesus nga ay gumawa ng marami pang ibang tanda [“himala,” TEV, Kx] sa harapan ng kaniyang mga alagad, na hindi napasulat sa aklat na ito; subali’t ang mga ito’y nangasulat upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay siyang Kristo, ang Anak ng Diyos, at na sa pananampalataya’y magsipagkamit kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” (Kaya ang wastong pasiya mula sa mga himala ay na si Jesus ang “Kristo,” ang Mesiyas, “ang Anak ng Diyos.” Ang pangungusap na “Anak ng Diyos” ay ibang-iba sa “Diyos-Anak.”)
Ang mga propeta bago ang panahong Kristiyano na gaya nina Elias at Eliseo ay gumawa din ng mga himala na katulad niyaong kay Jesus. Subali’t tiyak na hindi ito patotoo na sila ang Diyos.
Si Jesus ba ay siya ring Jehova sa “Matandang Tipan”?
Tingnan ang mga pahina 196, 197, sa ilalim ng paksang “Jehova.”
Ang pananampalataya ba kay Jesu-Kristo ang siyang tanging hinihiling upang maligtas?
Gawa 16:30-32, RS: “ ‘Mga Ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?’ At kanilang [sina Pablo at Silas] sinabi, ‘Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at ikaw ay maliligtas, ikaw at ang iyong sambahayan.’ At kanilang sinalita ang salita ng Panginoon [“Diyos,” NAB, gayon din ang mga talababa sa JB at NE; “pabalita ng Diyos”, AT] sa kaniya at sa lahat ng nasa kaniyang tahanan.” (Ang ‘pananampalataya’ ba ng taong yaon ‘sa Panginoong Jesus’ ay basta pagsasabi lamang na siya’y taimtim na sumasampalataya? Ipinakita ni Pablo na higit pa ang hinihiling—alalaong baga’y, kaalaman at pagtanggap sa Salita ng Diyos, gaya ng pinasimulan ngayong ipangaral nina Pablo at Silas sa tagapagbilanggo. Magiging tunay kaya ang pananampalataya ng isa kay Jesus kung hindi niya sinasamba ang Diyos na sinasamba ni Jesus, kung hindi niya ikinakapit ang itinuturo ni Jesus hinggil sa kung anong uri ng mga pagkatao ang nararapat sa kaniyang mga alagad, o kung hindi niya ginagampanan ang gawain na iniutos ni Jesus na dapat gawin ng kaniyang mga tagasunod? Hindi natin makakamit ang kaligtasan sa sariling pagsisikap; posible lamang ito salig sa pananampalataya sa halaga ng haing pantubos ng buhay-tao ni Jesus. Subali’t ang ating buhay ay dapat makasuwato ng pananampalataya na ating inaangkin, bagaman ito ay mangahulugan ng paghihirap. Sa Mateo 10:22 [RS] sinabi ni Jesus: “Ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”)
Si Jesus ba ay umiral na sa langit bago siya naging tao?
Col. 1:15-17, RS: “Siya [si Jesus] ay larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang . . . Lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya. Siya ay una sa lahat ng bagay.”
Juan 17:5, RS: “[Sa panalangin ay sinabi ni Jesus:] Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatian na tinaglay ko bago pa nalikha ang sanlibutan.” (Gayon din ang Juan 8:23)
Taglay ba ni Jesus ang kaniyang katawang laman sa langit?
1 Cor. 15:42-50, RS: “Ganoon din sa pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay may kasiraan, ang ibinabangon ay walang-kasiraan. . . . Inihahasik na katawang laman, ibinabangon na isang katawang espirituwal. . . . Kaya nga nasusulat, ‘Ang unang taong si Adan ay naging isang kaluluwang buháy’; ang huling Adan [si Jesu-Kristo, na naging sakdal na tao gaya ni Adan sa pasimula] ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay. . . . Sinasabi ko ito sa inyo, mga kapatid: ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos, ni ang kasiraan ay magmamana ng kawalang-kasiraan.” (Idinagdag ang salitang pahilis.)
1 Ped. 3:18, RS: “Si Kristo ay namatay nang minsan at magpakailanman ukol sa mga kasalanan, . . . na pinatay sa laman subali’t binuhay-muli sa espiritu [“sa espiritu,” NE, AT, JB, Dy].” (Tingnan ang pahina 273.)
Paglalarawan: Kung babayaran ng isa ang utang ng kaniyang kaibigan subali’t agad niyang babawiin ang kaniyang ibinayad, maliwanag na ang utang ay nananatili. Gayon din naman, kung sa kaniyang pagkabuhay-muli ay babawiin ni Jesus ang kaniyang katawang-tao na laman at dugo, na siyang inihain bilang kabayaran sa halagang pantubos, ano ang magiging bunga nito sa paglalaan na kaniyang ginagawa upang hanguin ang mga tapat mula sa pagkakautang ng kasalanan?
Totoo na si Jesus ay nagpakita sa anyong pisikal sa kaniyang mga alagad pagkaraan niyang buhaying-muli. Subali’t sa ilang pagkakataon, bakit hindi nila agad nakilala siya? (Luc. 24:15-32; Juan 20:14-16) Sa isang pagkakataon, sa kapakinabangan ni Tomas, nagpakita si Jesus taglay ang pisikal na katibayan ng mga butas ng pako sa kaniyang mga kamay at sugat mula sa sibat sa kaniyang tagiliran. Subali’t papaano nangyari sa pagkakataong ito na bigla na lamang siyang lumitaw sa gitna nila bagaman ang mga pintuan ay nakakandado? (Juan 20:26, 27) Maliwanag na si Jesus ay nagbihis ng katawang laman sa mga pagkakataong yaon, gaya ng ginawa ng mga anghel noong nakaraan kapag nagpapakita sa mga tao. Hindi suliranin para sa Diyos ang pagliligpit sa katawang-laman ni Jesus nang siya’y buhaying-muli. Kapunapuna, bagaman ang pisikal na katawan ay hindi iniwan ng Diyos sa puntod (maliwanag na ito’y upang patibayin ang pagtitiwala ng mga alagad na si Jesus ay tunay ngang binuhay-muli), ang mga kayong lino na pinagbalutan dito ay naiwan doon; gayumpaman, ang binuhay-muling si Jesus ay laging nadaramtan sa tuwing siya’y magpapakita.—Juan 20:6, 7.
Si Jesu-Kristo ba ay siya ring Miguel arkanghel?
Ang pangalan ng Miguel na ito ay lumilitaw lamang ng limang beses sa Bibliya. Ang maluwalhating espiritung persona na nagtataglay ng pangalan ay tinutukoy bilang “isa sa mga pangunahing prinsipe,” “ang dakilang prinsipe na nangangasiwa sa iyong [kay Daniel] bayan,” at bilang “ang arkanghel.” (Dan. 10:13; 12:1; Jud. 9, RS) Ang Miguel ay nangangahulugang “Sino ang Kagaya ng Diyos?” Ang pangalan ay maliwanag na tumutukoy kay Miguel bilang tagapanguna sa pagtataguyod ng pagkasoberano ni Jehova at sa paglipol sa mga kaaway ng Diyos.
Sa 1 Tesalonica 4:16 (RS), ang utos ni Jesu-Kristo upang pasimulan ang pagkabuhay-muli ay inilalarawan bilang “ang tinig ng arkanghel,” at ang Judas 9 ay nagsasabi na ang arkanghel ay si Miguel. Magiging angkop kaya na ihalintulad ang utos ni Jesus sa utos ng isang nakabababa sa katungkulan? Makatuwiran, kung gayon, na ang arkanghel Miguel ay si Jesu-Kristo. (Kapansinpansin, ang pangungusap na “arkanghel” ay hindi kailanman masusumpungan sa pangmaramihang bilang sa mga Kasulatan, sa gayo’y nagpapahiwatig na mayroon lamang iisa.)
Ang Apocalipsis 12:7-12 ay nagsasabi na pagkatapos putungan ng maharlikang kapangyarihan si Kristo, si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay makikipagdigma laban kay Satanas at ihahagis ito at ang mga balakyot na anghel nito mula sa langit. Pagkatapos nito ay inilalarawan si Jesus na nangunguna sa mga hukbo ng langit sa digmaan laban sa mga bansa ng daigdig. (Apoc. 19:11-16) Hindi ba makatuwiran na si Jesus ang siya ring kumilos laban sa sinasabi niyang “pinuno ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo? (Juan 12:31) Iniuugnay ng Daniel 12:1 (RS) ang ‘pagtindig ni Miguel’ upang kumilos nang may kapamahalaan sa “isang panahon ng kaligaligan, na kailanma’y hindi pa nararanasan ng alinmang bansa magpahanggang sa panahong yaon.” Tiyak na ito’y angkop-na-angkop sa karanasan ng mga bansa kapag si Kristo bilang makalangit na tagapuksa ay kumilos na laban sa kanila. Kaya ang katibayan ay nagpapahiwatig na ang Anak ng Diyos na nakilala bilang si Miguel bago siya naparito sa lupa ay nakikilala rin sa pangalang ito mula nang siya’y magbalik sa langit na kung saan siya tumatahan bilang niluwalhating espiritung Anak ng Diyos.
Kung May Magsasabi—
‘Hindi kayo naniniwala kay Jesus’
Maaari kayong sumagot: ‘Maliwanag na kayo’y isang tao na naniniwala kay Jesus. At ganoon din ako; kung hindi’y wala sana ako rito ngayon.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Sa katunayan, ang halaga ng pananampalataya kay Jesus ay pangunahin nang itinatampok sa aming mga babasahin. (Buksan ang isang angkop na kabanata sa alinmang aklat na inyong iniaalok at gamitin ito bilang saligan sa pag-uusap, na itinatampok ang kaniyang papel bilang Hari. O basahin ang isinasaad sa pahina 2 ng Ang Bantayan, hinggil sa layunin ng magasing ito.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Puwede ko po bang itanong kung bakit ninyo nasabi ito?’
Isa pang posibilidad: ‘Marahil ay may nagsabi sa inyo nito, subali’t nais ko pong sabihin na hindi ito totoo, sapagka’t kami ay may matibay na pananampalataya kay Jesu-Kristo.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Subali’t hindi namin pinaniniwalaan ang lahat ng sinasabi ng mga tao tungkol kay Jesus. Halimbawa, may nagsasabi na siya’y isa lamang mabuting tao, hindi Anak ng Diyos. Hindi kami naniniwala rito, kayo po naman? . . . Hindi ito ang itinuturo ng Bibliya.’ (2) ‘At hindi rin namin pinaniniwalaan ang mga turo ng mga grupo na sumasalungat sa sinabi mismo ni Jesus tungkol sa kaniyang kaugnayan sa kaniyang Ama. (Juan 14:28) Binigyan siya ng kaniyang Ama ng kapangyarihan na magpuno at ito’y umaapekto sa buhay nating lahat ngayon. (Dan. 7:13, 14)’
‘Tinatanggap ba ninyo si Jesus bilang personal na Tagapagligtas?’
Maaari kayong sumagot: ‘Maliwanag na sinasabi ng Bibliya . . . (sipiin ang Gawa 4:12). Naniniwala ako rito. Subali’t natutuhan ko rin na may lakip itong mabibigat na pananagutan. Ano iyon? Buweno, kung talagang naniniwala ako kay Jesus, hindi ako puwedeng maniwala sa kaniya kung ito’y kumbinyente lamang para sa akin.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Ang kaniyang sakdal na buhay na inihandog bilang hain ay nagbubunga ng kapatawaran ng ating mga kasalanan. Subali’t nalalaman ko rin na mahalagang magbigay-pansin sa kaniyang mga tagubilin hinggil sa mga pananagutan natin bilang mga Kristiyano. (Gawa 1:8; Mat. 28:19, 20)’
O maaari ninyong sabihin: ‘(Pagkatapos tiyakin na kayo nga ay naniniwala kay Jesus bilang Tagapagligtas, hindi lamang ng inyong sarili, kundi ng lahat ng sumasampalataya sa kaniya . . . ) Mahalaga na tumugon tayo nang may pagpapahalaga, hindi lamang sa sinabi niya noong nakaraan kundi sa kung ano rin ang ginagawa niya ngayon. (Mat. 25:31-33)’
‘Tinanggap ko na si Jesus bilang personal na Tagapagligtas’
Maaari kayong sumagot: ‘Natutuwa akong marinig na kayo ay naniniwala kay Jesus, sapagka’t napakaraming tao ngayon ang hindi nag-uukol ng pansin sa ginawa ni Jesus para sa atin. Walang alinlangan na alam-na-alam ninyo ang kasulatan sa Juan 3:16, hindi po ba? . . . Subali’t saan kaya mabubuhay ang mga taong ito? Ang ilan ay makakasama ni Kristo sa langit. Subali’t ipinakikita ba ng Bibliya na lahat ng mabuting tao ay pupunta roon? (Mat. 6:10; 5:5)’