Mag-ingat sa mga Pamahiin sa Paggamit ng Bibliya
“ANG salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Heb. 4:12) Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang salita ng Diyos ay may kapangyarihang umantig ng puso at magpabago ng buhay.
Pero nang magsimula ang inihulang apostasya pagkamatay ng mga apostol, lumabo ang pagkaunawa ng mga tao hinggil sa kapangyarihan ng mensahe ng Bibliya. (2 Ped. 2:1-3) Nang maglaon, itinuro ng mga lider ng simbahan na may mahiwagang kapangyarihan ang Salita ng Diyos. May isinulat si Propesor Harry Y. Gamble tungkol sa “paggamit ng mga akdang Kristiyano sa mahiwagang paraan.” Sinabi niya na noong ikatlong siglo, ipinahiwatig ng Ama ng Simbahan na si Origen na “ang tunog pa lang ng sagradong mga salita ay kapaki-pakinabang na: kung may kapangyarihan ang mga salita sa paganong mahika, di-hamak na mas makapangyarihan ang totoong banal na mga salita ng kasulatan.” Si John Chrysostom, na nabuhay noong papatapos ang ikaapat na siglo, ay sumulat na “hindi mangangahas ang diyablo na pumasok sa isang bahay kung saan may Ebanghelyo.” Iniulat din niya na ikinukuwintas ng ilan ang siniping mga bahagi ng Ebanghelyo bilang agimat. Sinabi pa ni Propesor Gamble na para sa Katolikong teologo na si Augustine, “puwedeng maglagay ng isang kopya ng Ebanghelyo ni Juan sa ilalim ng unan habang natutulog ang isa na masakit ang ulo”! Dahil sa mga turong ito, sinimulang gamitin ng mga tao ang Bibliya sa mahiwagang paraan. Ituturing mo ba ang Bibliya bilang agimat, o anting-anting, na makapagbibigay ng proteksiyon sa iyo?
Marahil ang mas karaniwang paraan ng maling paggamit sa Bibliya ay ang tinatawag na bibliomancy. Tumutukoy ito sa basta pagbubuklat ng isang aklat, kadalasan ay ang Bibliya, at pagbasa sa unang mga salitang makikita, sa paniniwalang ang mga ito ang magbibigay ng kinakailangang patnubay. Halimbawa, ayon kay Propesor Gamble, nang minsang marinig ni Augustine ang tinig ng isang bata sa kalapit na bahay na nagsasabing “Kunin mo at basahin, kunin mo at basahin,” inisip ni Augustine na inuutusan siya ng Diyos na buklatin ang Bibliya at basahin ang unang mga salitang makikita niya.
May nabalitaan ka na bang mga tao na nang magkaproblema ay nanalangin sa Diyos, basta nagbuklat ng Bibliya, at umasang ang unang talata na makikita nila ang sagot sa kanilang problema? Baka maganda naman ang intensiyon nila, pero hindi iyan ang paraan ng mga Kristiyano sa paghanap ng patnubay mula sa Kasulatan.
Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na isusugo niya sa kanila “ang katulong, ang banal na espiritu.” Sinabi pa niya: “Ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:26) Sa kabaligtaran, sa bibliomancy, hindi kailangang may alam ka sa Bibliya.
Laganap ang bibliomancy at ang iba pang pamahiin sa paggamit ng Bibliya. Pero hinahatulan ng Salita ng Diyos ang ‘paghahanap ng mga tanda.’ (Lev. 19:26; Deut. 18:9-12; Gawa 19:19) “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” pero kailangang bihasa tayo sa paggamit nito. Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya, hindi ang paggamit nito sa pamahiin, ang magpapabago sa buhay ng mga tao. Ang pagkuha ng gayong kaalaman ay nakatulong na sa marami na maging malinis sa moral, talikuran ang masamang pamumuhay, patatagin ang buhay-pampamilya, at magkaroon ng personal na kaugnayan sa Awtor ng Bibliya.