Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Katotohanan sa Bibliya ay “Mabisa”
ANG sanlibutang ito ay gumugugol ng malaking panahon at salapi sa pagsisikap na masupil ang kilos ng masasamang tao. Gumagawa ng mga batas laban sa mga krimen na tulad baga ng pag-aabuso sa droga, pagnanakaw, at pagpatay; subalit ang mga batas na ito ay hindi nakapagpapabago upang ang mga taong masasama ay maging mabuti. Sa kabilang panig, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay may lakas na gumawa ng pagbabago sa mga tao, at ang mga taong sumusunod sa mga batas at simulain nito ay nagiging mga taong matuwid, tapat, at maaamo.—Roma 12:2.
▫ Halimbawa, dalawang Saksi sa Australia ay gumawa ng pagdalaw-muli sa mga ilang kabataang lalaki na walang hanapbuhay. Sa pagpasok nila sa bahay na kinaroroonan ng mga lalaki, sila’y nakapasok sa isang madilim na kuwartong punó ng usok. Mayroon doon ng mga gamit sa marijuana na nakapatong sa mesa at malalaking poster ng rock na nakapaskil sa mga dingding. Sa may isang panig ng kuwarto ay mayroong pagkalalaking mga amplipayer ng electric guitar. Iyon pala ay kuwarto na pinagsasanayan ng isang rock band. Sila’y nakapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa tatlo sa mga lalaking ito na magkakapatid sa laman. Mga ilan taon na ang nakalipas ang kanilang ina ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at sa tulong ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, kaniyang tinuruan ang kaniyang tatlong anak na lalaki ng tungkol sa pangako ng Diyos na isang hinaharap na paraiso. At nangyari na ang pamilya ay lumipat, at napahinto ang pag-aaral. Ngayon, na muling manariwa ang kanilang pag-ibig sa katotohanan, hindi nagtagal at dalawa pa nilang kaibigan ang nakisama sa kanila sa kanilang pag-aaral.
Hindi natapos ang tatlong buwan at isa sa kanila ang nagpapatotoo na, at makalipas ang isang buwan ay sumama pa sa kaniya iyong dalawa pa. Sila’y umalis sa banda, at hindi natapos ang apat na buwan, lahat silang tatlo ay nakikibahagi na sa gawaing pangangaral. Samantala, ang kanilang ina, nakababatang kapatid na lalaki, at nakatatandang kapatid na babaing may asawa ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Hindi nagtagal pagkatapos na isa pang kaibigan ang humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Anong laking kagalakan na makitang lima sa kanila ang nabautismuhan noon sa iisang araw sa isang pansirkitong asamblea! Dalawa pa ang nagsisikap na maging kuwalipikado sa bautismo, samantalang ang ina at ang anak na babae ay patuloy na sumusulong nang mabilis. Oo, ang Salita ng Diyos ay mabisa.
▫ Isang lalaking taga-Argentina ang nagkaroon ng empleado na tamad at magdaraya at maraming utang sa kaniya. Isang araw ang manggagawang iyon ay nawala. Pagkatapos, pagkalipas ng mga taon sa lansangan na malapit sa kaniyang tahanan, nasalubong ng taong iyon ang kaniyang dating empleado. Siya’y binati ng dating empleado, na ang sabi: “Papunta na sana ako sa inyong bahay upang bayaran ang pera na inutang ko sa inyo. Narito ang inyong pera. Salamat po nang marami, at sana’y patawarin ninyo ako sa hindi ko agad pagbabalik niyaon.” Sa laki ng pagtataka, siya’y tinanong ng taong iyon kung bakit niya ginawa ito. Siya’y sumagot: “Ako ngayon ay nag-aaral ng Bibliya, at ako’y isa na sa mga Saksi ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na tayo’y huwag magkakautang ng anuman sa kaninuman maliban sa pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit ibinalik ko ang isang bagay na inyo.” Ang taong iyon ay nagtanong: “Anong lakas mayroon ang Bibliya upang gumawa ng gayong pagbabago sa isang tao?” Isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan sa kaniya, at ngayon siya man ay natututo ng katotohanan, pawang dahilan sa malaking pagbabago na nilikha ng katotohanan ng Bibliya sa kaniyang dating empleado.
Maraming tapat-pusong mga tao sa Argentina ang tumatanggap sa bumabagong katotohanan ng Bibliya at binabago ang kanilang paraan ng pamumuhay, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
▫ “Isang araw nang kami’y tumuktok sa pintuan samantalang nasa paglilingkod,” ang bida ng isang Saksi, “kami’y nakarinig ng mga tilian na nanggagaling sa loob ng bahay. Bilang sagot sa aming pagkatok, isang lalaki ang lumabas—galit na galit. Ipinaliwanag namin ang layunin ng aming pagdalaw, subalit kami’y pinagbantaan niya na palalayasin sa kaniyang ari-arian. Kami’y patuloy na nagsalita nang mahinahon at kalmado. Unti-unti na siya’y kumalma naman. Nang makita naming nagkagayon nga, ipinaliwanag namin sa kaniya ang higit pa tungkol sa kagila-gilalas na layunin ni Jehova para sa sangkatauhan. Palibhasa’y humanga siya rito, ginulat kami ng taong iyon nang kaniyang sabihin: ‘Sinugo kayo rito ng Diyos.’ Pagkatapos ay inanyayahan niya kami na pumasok sa bahay. Doon, naggigitgitan sa isang sulok, ang kaniyang ‘asawa’ at mga anak, na nag-iiyakan. Pagkatapos ay inamin niya: ‘Nang kayo’y dumating, sana’y papatayin ko noon din ang aking pamilya at pati ng aking sarili. Wala na akong pag-asa! Naalis ako sa trabaho, at ngayon ay palalayasin nila kami sa aming tahanan, at marami akong utang na dapat bayaran.’”
Ang karanasang ito ay may masayang wakas. Isang sister ang nakakita ng trabaho para sa taong iyon, at siya’y nakakuha ng ibang bahay. Siya at ang kaniyang “asawa” ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at napakasal pagkatapos na magsama nang may 15 taon.
Ang katotohanan ng Bibliya ay “mabisa” gaya ng ipinakikita ng mga karanasang ito, at magagawa nito iyan sa kaninuman na may mapagpakumbabang-puso na mag-aaral ng Bibliya at ikakapit iyon.
[Blurb sa pahina 7]
“Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa.”—HEBREO 4:12