Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang Pagpapatotoo ay Nagbubunga sa Tahanan at sa Paaralan
KASANGKOT sa buhay ng Kristiyano ang paggawa ng mabuti sa iba, lalo na ang pamamahagi sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang Kawikaan 3:27 ay nagsasabi: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” Sa Argentina isang kabataang Saksi na nasa ikatlong taon sa hayskul ang nagnais na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian sa isang kaibigang kamag-aral. Ang kaniyang paggawa ng gayon ay nagkaroon ng maraming resulta.
Isang araw binanggit ng kabataang Saksi sa kaniyang kaibigan na hindi lahat ng relihiyon ay mabuti. Nang tumugon ang binatilyo na wala naman siyang masamang ginawa, sinabi ng Saksi: “Wala ka rin namang ginawang anuman para sa Diyos.” Ito’y naging dahilan upang mag-isip ang binatilyo. Nang malaunan ay ipinaliwanag ng Saksi na ito na ang mga huling araw at upang sang-ayunan ng Diyos, ang isa ay kailangang kumuha ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at ikapit iyon. Sumang-ayon ang kaniyang kaibigang kamag-aral. Subalit papayagan kaya siya ng kaniyang pamilya na mag-aral ng Bibliya? Upang pag-isipan ito ng kaniyang kaibigan, hiniling sa kaniya ng Saksi na basahin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.
Lumipas ang panahon, at ang kaibigan ay huminto na ng pag-aaral. Walang balita tungkol sa kaniya sa loob ng mahigit na isang taon. Hanggang isang araw ang Saksi ay nagulat na lamang nang siya’y tawagan sa telepono ng kaniyang kaibigan na nagsabing nakikita niya na ang mga hula sa Bibliya ay talagang natutupad. Agad nagsaayos ang Saksi ng pakikipag-aral sa kaniya sa Bibliya.
Nang dalawin niya sa tahanan ang kaniyang dating kamag-aral, napansin niya na ang mga magulang ng kaniyang kaibigan ay totoong nababahala tungkol sa kung ano ang pinagkakaabalahan ng kanilang anak. Maging ang nakababatang kapatid ng kaibigan ay nag-iisip na siya’y nababaliw. Kaya pinasali ng mga magulang ang nakababatang kapatid sa sumunod na pag-aaral. Pagkatapos, habang tumutulo ang luha, ang binatilyong ito ay nagbalita sa mga magulang na ang kaniyang nakatatandang kapatid ay hindi nababaliw, anupat ibinulalas ng ina, “Sa halip na iisa ang problema ko, ngayon ay dalawa na!”
Sa gayon, nang sumunod na pag-aaral siya mismo ay naroon at sumang-ayon na ang mga bata ay hindi nababaliw. Nang malaunan isang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos sa kanilang mag-asawa. Di-nagtagal at ang buong pamilya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon sa Kingdom Hall. Sa wakas, ang lolo at lola ay nagsimula ring makipag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong. Magbuhat noon, ang unang binatilyo ay nabautismuhan na. Siya’y nag-asawa, at silang mag-asawa ay masisigasig na mamamahayag.
Higit pa riyan, sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo sa paaralan, natulungan ng kabataang Saksi ang dalawa pang kamag-aral pati na ang ina at kapatid na babae ng isa sa kanila na mag-aral ng Bibliya. Lahat-lahat, 11 katao ang natuto ng katotohanan ng Bibliya dahil sa ang kabataang Saksi ay hindi nagpigil ng paggawa ng mabuti sa kaniyang mga kamag-aral. Talaga namang nakaliligaya ang naging bunga! Tunay, “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.