ARALING ARTIKULO 3
Mga Aral Mula sa Pagluha ni Jesus
“Lumuha si Jesus.”—JUAN 11:35.
AWIT 17 Handang Tumulong
NILALAMANa
1-3. Bakit lumuluha kung minsan ang mga lingkod ni Jehova?
KAILAN ka huling umiyak? Kung minsan, umiiyak tayo dahil sa saya. Pero mas madalas, umiiyak tayo dahil nasasaktan tayo. Halimbawa, umiiyak tayo kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Isinulat ng isang sister na taga-United States na si Lorilei: “Kapag naaalala ko ang namatay kong anak, sobrang lungkot ko. Para bang walang makakatulong sa ’kin. Sa mga pagkakataong ’yon, nadudurog ang puso ko at parang hindi ko na kaya.”b
2 Baka may iba pang dahilan ng pagluha natin. Sinabi ni Hiromi, isang payunir sa Japan: “Paminsan-minsan, nalulungkot ako kasi hindi interesadong makinig sa Bibliya ang mga taong nakakausap ko. Umiiyak ako at hiniling ko kay Jehova na tulungan akong makakita ng taong naghahanap sa katotohanan.”
3 Naranasan mo na rin ba iyan? Tiyak na marami sa atin ang magsasabi ng oo. (1 Ped. 5:9) Gusto nating “maglingkod . . . nang masaya kay Jehova,” pero baka dahil sa pagdadalamhati, panghihina ng loob, o mahirap na sitwasyon na sumusubok sa ating katapatan sa Diyos, lumuluha tayo habang naglilingkod. (Awit 6:6; 100:2) Paano natin makakayanan ang mga ito?
4. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
4 May matututuhan tayo kay Jesus. May mga pagkakataong “lumuha si Jesus” dahil sa bigat ng nararamdaman niya. (Juan 11:35; Luc. 19:41; 22:44; Heb. 5:7) Balikan natin ang mga pangyayaring iyon. At tingnan natin ang mga aral na matututuhan natin. Titingnan din natin kung paano natin haharapin ang mga sitwasyong nagiging dahilan ng pagluha natin.
LUMUHA DAHIL SA MGA KAIBIGAN
5. Ano ang matututuhan natin kay Jesus sa Juan 11:32-36?
5 Noong taglamig ng 32 C.E., nagkasakit ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro at namatay. (Juan 11:3, 14) May dalawang kapatid si Lazaro, sina Maria at Marta, at mahal na mahal ni Jesus ang pamilyang ito. Napakasakit para kina Maria at Marta ang pagkamatay ng kapatid nila. Nang mamatay si Lazaro, nagpunta si Jesus sa nayon ng Betania, kung saan nakatira sina Maria at Marta. Nang mabalitaan ni Marta na parating na si Jesus, agad siyang lumabas para salubungin ito. Isipin na lang ang bigat ng nararamdaman niya nang sabihin niya: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” (Juan 11:21) Di-nagtagal, nang makita ni Jesus si Maria at ang iba pa na umiiyak, “lumuha si Jesus.”—Basahin ang Juan 11:32-36.
6. Bakit umiyak si Jesus?
6 Bakit umiyak si Jesus? Sinasabi ng Kaunawaan sa Kasulatan: “Dahil sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro at sa idinulot nitong pighati sa mga kapatid na babae ni Lazaro, si Jesus ay ‘dumaing at lumuha.’”c Malamang na naiisip ni Jesus ang paghihirap ng mahal niyang kaibigang si Lazaro noong may sakit ito at ang nararamdaman nito nang malapit na itong mamatay. Tiyak na napaluha si Jesus nang makita niya kung gaano kasakit kina Maria at Marta ang pagkamatay ng kapatid nila. Kung namatayan ka na ng isang kaibigan o isang kapamilya, tiyak na ganiyan din ang naramdaman mo. Tingnan natin ang tatlong aral na matututuhan natin sa pangyayaring ito.
7. Ano ang matututuhan natin kay Jehova mula sa pagluha ni Jesus dahil sa mga kaibigan niya?
7 Naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman mo. Si Jesus ang “eksaktong larawan” ng kaniyang Ama. (Heb. 1:3) Nang umiyak si Jesus, ipinakita niya ang nararamdaman ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kung namatayan ka ng isang mahal sa buhay, makakatiyak ka na hindi lang nakikita ni Jehova ang pinagdaraanan mo, nararamdaman din niya iyon. Gusto niyang maghilom ang nasasaktan mong puso.—Awit 34:18; 147:3.
8. Bakit tayo makakatiyak na bubuhaying muli ni Jesus ang mga namatay nating mahal sa buhay?
8 Gusto ni Jesus na buhaying muli ang mga namatay mong mahal sa buhay. Bago napaluha si Jesus, tiniyak niya kay Marta: “Babangon ang kapatid mo.” Naniwala si Marta kay Jesus. (Juan 11:23-27) Bilang tapat na mananamba ni Jehova, siguradong alam ni Marta ang mga pagbuhay-muli na ginawa nina propeta Elias at Eliseo. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37) At malamang na nabalitaan niya rin ang mga pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus. (Luc. 7:11-15; 8:41, 42, 49-56) Makakatiyak ka rin na makikita mong muli ang mga namatay mong mahal sa buhay. Ang pagluha ni Jesus dahil sa mga kaibigan niya ay katunayan na gustong-gusto niyang buhaying muli ang mga namatay.
9. Gaya ni Jesus, paano mo matutulungan ang mga nagdadalamhati? Magbigay ng halimbawa.
9 Matutulungan mo ang mga nagdadalamhati. Hindi lang umiyak si Jesus kasama nina Marta at Maria, pinakinggan din niya sila at pinatibay. Magagawa rin natin iyan. Sinabi ni Dan, isang elder sa Australia: “Nang mamatay ang asawa ko, kailangang-kailangan ko ng tulong. May ilang mag-asawa na araw at gabing nakinig sa akin. Hinayaan lang nila akong umiyak at ilabas ang nararamdaman ko. Tinulungan nila ako sa ilang gawain, gaya ng paglilinis ng kotse, paggo-grocery, at pagluluto kapag wala akong ganang gawin ang mga ito. At madalas silang nananalanging kasama ko. Talagang tunay silang kaibigan at kapatid na ‘maaasahan kapag may problema.’”—Kaw. 17:17.
LUMUHA DAHIL SA KAPUWA
10. Ilarawan ang mga nangyari sa Lucas 19:36-40.
10 Dumating si Jesus sa Jerusalem noong Nisan 9, 33 C.E. Habang papalapit siya sa lunsod, inilatag ng mga tao ang mga balabal nila sa daan at kinilala siya bilang Hari nila. Masayang pangyayari iyon. (Basahin ang Lucas 19:36-40.) Kaya hindi inaasahan ng mga alagad ang sumunod na nangyari. “Nang malapit na [si Jesus] sa lunsod, tinanaw niya ito at iniyakan.” Habang lumuluha, inihula ni Jesus ang masaklap na kahihinatnan ng mga taga-Jerusalem.—Luc. 19:41-44.
11. Bakit lumuha si Jesus dahil sa mga taga-Jerusalem?
11 Nasaktan si Jesus dahil alam niya na kahit mainit siyang tinanggap ng mga tao, marami sa mga kababayan niya ang hindi tatanggap sa mensahe ng Kaharian. Kaya wawasakin ang Jerusalem at ang makakaligtas na mga Judio ay gagawing bihag. (Luc. 21:20-24) Nakakalungkot, gaya ng inaasahan ni Jesus, itinakwil siya ng karamihan. Marami bang tumatanggap sa mensahe ng Kaharian sa teritoryo ninyo? Kung iilan lang, ano ang matututuhan mo sa pagluha ni Jesus? Talakayin natin ang tatlo pang aral.
12. Ano ang matututuhan natin kay Jehova mula sa pagluha ni Jesus dahil sa kaniyang kapuwa?
12 Mahal ni Jehova ang mga tao. Ipinapaalala ng pagluha ni Jesus kung gaano kamahal ni Jehova ang mga tao. “Hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Sa ngayon, maipapakita nating mahal natin ang ating kapuwa kung matiyaga natin silang tuturuan tungkol sa mabuting balita.—Mat. 22:39.d
13-14. Paano nagpakita ng awa si Jesus sa mga tao, at paano natin siya matutularan?
13 Naging matiyaga si Jesus sa ministeryo. Ipinakita niya na mahal niya ang mga tao nang patuloy niya silang turuan sa lahat ng pagkakataon. (Luc. 19:47, 48) Bakit niya ginawa iyon? Naawa kasi si Jesus sa mga tao. May mga pagkakataon na dahil maraming gustong makinig kay Jesus, siya at ang mga alagad niya ay “hindi man lang . . . makakain.” (Mar. 3:20) At nang may isang lalaki na gustong makipag-usap kay Jesus kahit gabi na, nakipag-usap siya. (Juan 3:1, 2) Marami sa mga nakinig kay Jesus ang hindi naman naging alagad niya. Pero lahat sila ay nabigyan ng pagkakataon na marinig ang mabuting balita. Sa ngayon, ganiyan din ang gusto natin para sa lahat. (Gawa 10:42) Para magawa iyan, baka kailangan nating i-adjust ang paraan ng pangangaral natin.
14 Maging handang mag-adjust. Kung hindi natin babagu-baguhin ang oras ng pangangaral natin, baka hindi natin matagpuan ang mga gustong tumanggap ng mabuting balita. Sinabi ng payunir na si Matilda: “Sinikap naming mag-asawa na mangaral sa mga tao nang iba’t ibang oras. Sa umaga, nangangaral kami sa mga lugar ng negosyo. At sa tanghali, maraming tao sa labas kaya gumagamit kami ng literature cart. Sa bandang hapon naman, nagbabahay-bahay kami kasi mas nakakausap namin ang mga tao.” Imbes na mangaral lang sa oras na kumbinyente sa atin, dapat na handa tayong i-adjust ang iskedyul ng pangangaral natin sa oras na mas malamang na marami tayong makakausap. Kapag ginawa natin iyan, siguradong mapapasaya natin si Jehova.
LUMUHA DAHIL SA PANGALAN NI JEHOVA
15. Ayon sa Lucas 22:39-44, ano ang nangyari noong huling gabi bago mamatay si Jesus?
15 Malalim na ang gabi noong Nisan 14, 33 C.E. nang magpunta si Jesus sa hardin ng Getsemani. Doon, ibinuhos niya ang niloloob niya kay Jehova. (Basahin ang Lucas 22:39-44.) Sa mahirap na panahong iyon, si Jesus ay ‘nagsumamo nang may paghiyaw at mga luha.’ (Heb. 5:7) Ano ang ipinanalangin ni Jesus noong huling gabi bago siya mamatay? Nanalangin siya na bigyan siya ng lakas na makapanatiling tapat kay Jehova at magawa ang kalooban Niya. Naramdaman ni Jehova sa panalangin ng Anak niya ang bigat ng nararamdaman nito kaya nagpadala siya ng anghel para patibayin si Jesus.
16. Bakit sobrang nag-aalala si Jesus habang nananalangin sa hardin ng Getsemani?
16 Siguradong umiyak si Jesus habang nananalangin sa hardin ng Getsemani dahil sa sobrang pag-aalala na ituturing siya ng mga tao na isang mamumusong. Alam din niya na napakabigat ng responsibilidad na nakaatang sa kaniya—ang ipagbangong-puri ang pangalan ng kaniyang Ama. Kung napapaharap ka sa isang mahirap na sitwasyon na sumusubok sa katapatan mo kay Jehova, ano ang matututuhan mo mula sa pagluha ni Jesus? Talakayin natin ang tatlo pang karagdagang aral.
17. Ano ang matututuhan natin kay Jehova nang sagutin niya ang mga pakiusap ni Jesus?
17 Pinapakinggan ni Jehova ang mga pagsusumamo mo. Pinakinggan ni Jehova ang mga pakiusap ni Jesus. Bakit? Dahil ang talagang gusto ni Jesus ay manatiling tapat sa kaniyang Ama at ipagbangong-puri ang pangalan Niya. Kung ganiyan din ang gusto natin, sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin.—Awit 145:18, 19.
18. Bakit natin masasabi na si Jesus ay isang kaibigang nakakaintindi sa nararamdaman natin?
18 Naiintindihan ni Jesus ang mga nararamdaman mo. Kapag ang bigat-bigat na ng nararamdaman natin, hindi ba’t ang laking tulong kapag may kaibigan tayo na nakakaintindi sa nararamdaman natin, lalo na kung naranasan na rin niya ang pinagdaraanan natin? Ganiyang uri ng kaibigan si Jesus. Naranasan niyang manghina at mangailangan ng tulong. Naiintindihan niya ang mga limitasyon natin, at titiyakin niya na makakatanggap tayo ng tulong na kailangan natin “sa tamang panahon.” (Heb. 4:15, 16) Tinanggap ni Jesus ang tulong ng isang anghel sa hardin ng Getsemani. Kaya dapat din nating tanggapin ang tulong ni Jehova, sa pamamagitan man ito ng publikasyon, video, pahayag, o nakakapagpatibay na dalaw ng isang elder o kaibigan.
19. Ano ang makakatulong kapag napapaharap ka sa mahirap na sitwasyon na sumusubok sa katapatan mo sa Diyos? Magbigay ng halimbawa.
19 Bibigyan ka ni Jehova ng “kapayapaan ng Diyos.” Paano tayo pinapatibay ni Jehova? Kapag nananalangin tayo, tatanggap tayo ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Dahil sa kapayapaan na ibinibigay ni Jehova, nagiging kalmado tayo at nakakapag-isip nang malinaw. Naranasan ito ng sister na si Luz, ang sabi niya: “Madalas akong nalulungkot. Kung minsan, naiisip kong hindi ako mahal ni Jehova. Kapag nangyayari ’yon, agad kong sinasabi kay Jehova ang nararamdaman ko. Sa tulong ng panalangin, gumagaan ang pakiramdam ko.” Ipinapakita ng karanasan niya na kapag nananalangin tayo, nagiging payapa ang puso’t isip natin.
20. Ano ang mga natutuhan natin mula sa pagluha ni Jesus?
20 Napakarami nating aral na natutuhan mula sa pagluha ni Jesus. Ipinapaalala nito sa atin na tulungan ang nagdadalamhati nating mga kaibigan at magtiwala na tutulungan tayo ni Jehova at ni Jesus kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Pinapakilos din tayo nito na mangaral at magturo nang may awa dahil ipinapakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang magandang katangiang ito. Ipinapakita rin nito na naiintindihan ni Jehova at ng minamahal niyang Anak ang nararamdaman natin at mga limitasyon, at gusto nila tayong tulungan na makapagtiis. Patuloy sana nating isabuhay ang mga natutuhan natin hanggang sa tuparin ni Jehova ang kaniyang napakagandang pangako na “papahirin niya ang bawat luha sa [ating] mga mata.”—Apoc. 21:4.
AWIT 120 Tularan ang Kahinahunan ni Kristo
a May mga pagkakataon na lumuha si Jesus dahil sa bigat ng nararamdaman niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong pagkakataon na lumuha siya at ang mga aral na matututuhan natin dito.
b Binago ang ilang pangalan.
c Tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, p. 1218.
d Ang salitang Griego para sa “kapuwa” sa Mateo 22:39 ay hindi lang tumutukoy sa mga taong nakatira malapit sa isa’t isa. Tumutukoy ito sa sinumang nakakasalamuha ng isang tao.
e LARAWAN: Pinatibay ni Jesus sina Maria at Marta. Ganiyan din ang dapat nating gawin sa mga namatayan ng mahal sa buhay.
f LARAWAN: Tinuruan ni Jesus si Nicodemo kahit gabi. Dapat nating turuan ng Bibliya ang mga tao sa oras na kumbinyente sa kanila.
g LARAWAN: Nanalangin si Jesus na bigyan siya ng lakas para manatiling tapat kay Jehova. Ganiyan din ang dapat nating gawin kapag may pagsubok.