Ayon kay Lucas
22 Malapit na ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang tinatawag na Paskuwa.+ 2 Pinag-iisipang mabuti ng mga punong saserdote at mga eskriba kung paano siya maipapapatay,+ dahil natatakot sila sa mga tao.+ 3 Pagkatapos, pumasok si Satanas kay Hudas, ang tinatawag na Iscariote, isa sa 12 apostol,+ 4 at pinuntahan niya ang mga punong saserdote at mga kapitan ng mga bantay sa templo para sabihin kung paano niya ibibigay sa kanila si Jesus.+ 5 Nagustuhan nila ito, at nagkasundo silang bigyan siya ng perang pilak.+ 6 Kaya pumayag siya at naghanap ng magandang pagkakataon para maibigay siya sa kaaway nang hindi nakikita ng mga tao.
7 At dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, kung kailan ihahandog ang haing pampaskuwa;+ 8 kaya isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan at sinabi: “Ihanda na ninyo ang hapunan para sa Paskuwa.”+ 9 Sinabi nila: “Saan mo kami gustong maghanda nito?” 10 Sinabi niya: “Kapag pumasok kayo sa lunsod, sasalubungin kayo ng isang taong may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya.+ 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapasabi ng Guro: “Nasaan ang silid para sa bisita kung saan puwede akong kumain ng hapunan para sa Paskuwa kasama ang mga alagad ko?”’ 12 At ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakaayos na. Doon ninyo iyon ihanda.” 13 Kaya umalis sila, at nangyari ang lahat ng sinabi niya sa kanila, at naghanda sila para sa Paskuwa.
14 Kaya nang dumating na ang oras, umupo* siya sa mesa kasama ang mga apostol.+ 15 Sinabi niya: “Inaasam-asam ko ang sandaling ito na makasalo kayo sa hapunan para sa Paskuwa bago ako magdusa; 16 dahil sinasabi ko sa inyo, hindi ko ito kakaining muli hanggang sa matupad ang lahat ng bagay sa Kaharian ng Diyos.” 17 At pagkaabot sa kopa, nagpasalamat siya sa Diyos at nagsabi: “Kunin ninyo ito at ipasa sa lahat, 18 dahil sinasabi ko sa inyo, mula ngayon, hindi na ako muling iinom ng alak hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos.”+
19 Kumuha rin siya ng tinapay,+ nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ito, ibinigay sa kanila, at sinabi: “Sumasagisag ito sa aking katawan+ na ibibigay ko alang-alang sa inyo.+ Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”+ 20 Gayon din ang ginawa niya sa kopa pagkatapos nilang maghapunan. Sinabi niya: “Ang kopang ito ay sumasagisag sa bagong tipan+ na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo,+ na ibubuhos alang-alang sa inyo.+
21 “Pero kasama ko sa mesa ang magtatraidor sa akin.+ 22 Totoo, kailangang mamatay ang Anak ng tao ayon sa inihula;+ gayunman, kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa kaniya!”+ 23 Kaya tinanong nila ang isa’t isa kung sino sa kanila ang makagagawa nito.+
24 Gayunman, nagkaroon ng matinding pagtatalo-talo sa gitna nila kung sino sa kanila ang pinakadakila.*+ 25 Pero sinabi niya: “Ang mga hari ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila, at ang mga may awtoridad sa mga tao ay tinatawag na mga Pilantropo.+ 26 Pero hindi kayo dapat maging gayon,+ kundi ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maging gaya ng pinakabata,+ at ang nangunguna ay dapat na maging gaya ng naglilingkod.+ 27 Dahil sino ang mas dakila, ang kumakain* o ang nagsisilbi? Hindi ba ang kumakain?* Pero ako ay nagsisilbi sa inyo.+
28 “Gayunman, kayo ang mga nanatiling kasama ko+ sa aking mga pagsubok;+ 29 at nakikipagtipan ako sa inyo para sa isang kaharian, kung paanong nakipagtipan sa akin ang aking Ama,+ 30 para makakain kayo at makainom sa aking mesa sa Kaharian ko+ at makaupo sa mga trono+ para humatol sa 12 tribo ng Israel.+
31 “Simon, Simon, hinihingi kayo ni Satanas para masala niya kayong lahat na gaya ng trigo.+ 32 Pero nagsumamo na ako para sa iyo na huwag sanang manghina ang pananampalataya mo;+ at kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”+ 33 Sinabi ni Pedro: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”+ 34 Pero sinabi niya: “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang isang tandang sa araw na ito hanggang sa tatlong ulit mong maikaila na kilala mo ako.”+
35 Sinabi rin niya sa kanila: “Nang isugo ko kayo na walang dalang pera,* lalagyan ng pagkain, at sandalyas,+ hindi kayo kinapos ng anuman, hindi ba?” Sumagot sila: “Hindi!” 36 Pagkatapos, sinabi niya: “Pero ngayon, kung kayo ay may pera* o lalagyan ng pagkain, dalhin ninyo iyon, at kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang inyong damit at bumili ng espada. 37 Dahil sinasabi ko sa inyo, kailangang matupad sa akin kung ano ang nakasulat, ‘Itinuring siyang kriminal.’+ Ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.”+ 38 Pagkatapos, sinabi nila: “Panginoon, may dalawang espada rito.” Sinabi niya: “Sapat na iyan.”
39 Umalis si Jesus at pumunta sa Bundok ng mga Olibo gaya ng nakaugalian niya, at sumunod din ang mga alagad sa kaniya.+ 40 Pagdating doon, sinabi niya: “Patuloy kayong manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.”+ 41 At lumayo siya sa kanila,* at lumuhod siya at nanalangin: 42 “Ama, kung gusto mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.”+ 43 Pagkatapos, nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya.+ 44 Pero dahil sa sobrang paghihirap ng kalooban, nanalangin pa siya nang mas marubdob;+ at ang pawis niya ay naging parang dugo na pumapatak sa lupa. 45 Pagkatapos manalangin, pinuntahan niya ang mga alagad at nakita silang natutulog, pagod dahil sa pamimighati. 46 Sinabi niya: “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at patuloy na manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.”+
47 Habang nagsasalita pa siya, maraming tao ang dumating at pinangungunahan sila ng lalaking tinatawag na Hudas, na isa sa 12 apostol, at nilapitan nito si Jesus para halikan.+ 48 Pero sinabi ni Jesus: “Hudas, tinatraidor mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?” 49 Nang maisip ng mga nasa paligid niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila: “Panginoon, gagamitin na ba namin ang espada?” 50 Tinaga pa nga ng isa sa kanila ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang kanang tainga nito.+ 51 Pero sinabi ni Jesus: “Tumigil kayo!” Hinipo niya ang tainga nito at pinagaling. 52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote, sa mga kapitan ng mga bantay sa templo, at sa matatandang lalaki na pumunta roon para hulihin siya: “Magnanakaw ba ako at may dala pa kayong mga espada at pamalo?+ 53 Nakikita ninyo ako sa templo araw-araw,+ at hindi ninyo ako hinuhuli.+ Pero ito na ang pagkakataon ninyo at oras na para manaig ang kadiliman.”+
54 Kaya inaresto nila siya at dinala+ sa bahay ng mataas na saserdote; pero sinusundan sila ni Pedro sa malayo.+ 55 Nagpaningas sila ng apoy sa gitna ng looban at umupong magkakasama; si Pedro ay nakaupo ring kasama nila.+ 56 Pero nang makita ng isang alilang babae si Pedro na nakaupo sa tabi ng apoy, tiningnan niya itong mabuti at sinabi: “Kasama rin niya ang taong ito.” 57 Pero nagkaila si Pedro: “Hindi ko siya kilala.”+ 58 Mayamaya lang, may isa pang nakakita sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin nila.” Pero sinabi ni Pedro: “Hindi!”+ 59 Pagkalipas ng mga isang oras, ipinilit ng isa pang lalaki: “Siguradong kasama rin niya ang lalaking ito dahil taga-Galilea siya!” 60 Pero sinabi ni Pedro: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” At agad na tumilaok ang tandang habang nagsasalita pa siya. 61 Nang pagkakataong iyon, lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro, at naalaala ni Pedro ang sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bago tumilaok ang tandang sa araw na ito, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 62 At lumabas siya at humagulgol.
63 At si Jesus ay ginawang katatawanan+ at pinaghahampas+ ng mga lalaking nagbabantay sa kaniya; 64 at pagkatapos takpan ang mukha niya, sinasabi nila: “Hulaan mo kung sino ang nanakit sa iyo!” 65 At marami pa silang sinasabing mapamusong* na mga bagay tungkol sa kaniya.
66 Nang mag-umaga na, nagtipon ang matatandang lalaki ng bayan—ang mga punong saserdote at mga eskriba+—at dinala nila siya sa bulwagan ng Sanedrin at sinabi: 67 “Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin.”+ Pero sinabi niya: “Kahit sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi rin naman kayo sasagot. 69 Pero mula ngayon, ang Anak ng tao+ ay uupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos.”+ 70 Kaya sinabi nilang lahat: “Kung gayon, ikaw ba ang Anak ng Diyos?” Sinabi niya: “Kayo mismo ang nagsasabi niyan.” 71 Sinabi nila: “Bakit kakailanganin pa natin ng mga testigo? Narinig na natin mismo mula sa bibig niya!”+