Mga Hain na Nakalugod sa Diyos
“Ang bawat mataas na saserdote ay inaatasang maghandog kapuwa ng mga kaloob at ng mga hain.”—HEBREO 8:3.
1. Bakit nadarama ng mga tao na kailangan na nilang bumaling sa Diyos?
“ANG paghahain ay waring ‘likas’ na sa tao na gaya ng pananalangin; ang isa ay nagpapahiwatig ng kaniyang nadarama hinggil sa kaniyang sarili, ang isa naman ay ng kaniyang nadarama hinggil sa Diyos,” isinulat ng istoryador sa Bibliya na si Alfred Edersheim. Mula nang pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, nagdulot na ito ng kirot dahil sa pagkabagabag ng budhi, pagkahiwalay sa Diyos, at pagkawalang-kaya. Kailangang maalis ang mga ito. Madaling maunawaan na kapag nasumpungan ng mga tao ang kanilang sarili na nasa gayong desperadong kalagayan, nadarama nilang kailangan na nilang bumaling sa Diyos para humingi ng tulong.—Roma 5:12.
2. Anong ulat tungkol sa sinaunang paghahandog sa Diyos ang masusumpungan natin sa Bibliya?
2 Ang unang ulat sa Bibliya hinggil sa ginawang paghahandog sa Diyos ay may kaugnayan kina Cain at Abel. Mababasa natin: “At nangyari pagkalipas ng ilang panahon, si Cain ay nagdala ng mga bunga ng lupa bilang handog kay Jehova. Ngunit kung tungkol kay Abel, siya naman ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan, maging ang matatabang bahagi niyaon.” (Genesis 4:3, 4) Sumunod, nakita natin na si Noe, na iniligtas ng Diyos mula sa malaking Baha na lumipol sa balakyot na salinlahi noong kaniyang kapanahunan, ay naantig na ‘maghandog ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng altar’ para kay Jehova. (Genesis 8:20) Sa ilang pagkakataon naman, ang tapat na lingkod at kaibigan ng Diyos na si Abraham, palibhasa’y naantig ng mga pangako at pagpapala ng Diyos, ay ‘nagtayo ng isang altar at tumawag sa pangalan ni Jehova.’ (Genesis 12:8; 13:3, 4, 18) Pagkaraan, napaharap si Abraham sa pinakamatinding pagsubok sa kaniyang pananampalataya nang sabihin sa kaniya ni Jehova na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac bilang isang handog na sinusunog. (Genesis 22:1-14) Ang mga salaysay na ito, bagaman maikli lamang, ay nagbigay ng malaking liwanag sa paksang may kinalaman sa paghahain, gaya ng makikita natin.
3. Anong papel ang ginagampanan ng mga hain sa pagsamba?
3 Mula sa mga ito at sa iba pang ulat sa Bibliya, maliwanag na ang paghahandog ng isang uri ng hain ay isa nang mahalagang bahagi ng pagsamba noon pa mang bago magbigay si Jehova ng espesipikong mga batas hinggil sa bagay na ito. Kasuwato nito, binigyang-kahulugan ng isang akdang reperensiya ang “paghahain” bilang “isang relihiyosong seremonya na dito’y inihahandog sa isang diyos ang isang bagay upang maitatag, mapanatili, o maibalik ang isang kaayaayang kaugnayan ng tao sa uring sagrado.” Subalit ito’y nagbabangon ng ilang mahahalagang tanong na karapat-dapat sa ating maingat na pagsasaalang-alang, gaya ng: Bakit kailangan ang paghahain sa pagsamba? Anong uri ng mga hain ang kaayaaya sa Diyos? At ano ang kahulugan para sa atin sa ngayon ng sinaunang mga paghahain?
Bakit Kailangan ang Hain?
4. Ano ang ibinunga para kina Adan at Eva nang sila’y magkasala?
4 Nang magkasala si Adan, iyon ay kinusa niya. Ang kaniyang pagkuha at pagkain ng bunga mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay isang kusang pagsuway. Ang parusa sa pagsuway na iyan ay kamatayan, sapagkat maliwanag na sinabi ng Diyos: “Sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Nang maglaon ay inani nina Adan at Eva ang kabayaran ng kasalanan—sila’y namatay.—Genesis 3:19; 5:3-5.
5. Bakit si Jehova ang gumawa ng unang hakbang alang-alang sa mga supling ni Adan, at ano ang ginawa Niya para sa kanila?
5 Subalit, kumusta naman ang mga supling ni Adan? Palibhasa’y nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan mula kay Adan, sila’y napasailalim sa gayunding pagkahiwalay sa Diyos, kawalang-pag-asa, at kamatayan na dinanas ng unang mag-asawa. (Roma 5:14) Gayunman, si Jehova ay isang Diyos hindi lamang ng katarungan at kapangyarihan kundi gayundin naman—sa katunayan, lalung-lalo na—ng pag-ibig. (1 Juan 4:8, 16) Kaya naman siya ang gumawa ng unang hakbang upang malunasan ang pagkakásirâ. Matapos sabihin na “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” nagpatuloy ang Bibliya sa pagsasabi, “ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.
6. Ano ang kalooban ni Jehova hinggil sa pinsalang ginawa ng pagkakasala ni Adan?
6 Nang maglaon, upang matiyak ang kaloob na iyan, naglaan ang Diyos na Jehova ng isang pantakip sa naiwala bunga ng paglabag ni Adan. Sa Hebreo, ang salitang ka·pharʹ sa pasimula ay malamang na nangahulugang “takpan” o marahil “punasan,” at isinalin din ito na “pagbabayad-sala.”a Sa ibang pananalita, si Jehova ay naglaan ng isang naaangkop na paraan upang takpan ang kasalanan na minana kay Adan at alisin ang pinsalang ibinunga nito upang yaong mga karapat-dapat sa kaloob na iyan ay mapalaya mula sa hatol na kasalanan at kamatayan.—Roma 8:21.
7. (a) Anong pag-asa ang inilaan ng paghatol ng Diyos kay Satanas? (b) Ano ang dapat na maging kapalit ng pagkapalaya ng sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan?
7 Ang pag-asa na mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan ay tinukoy karaka-raka matapos magkasala ang unang mag-asawa. Bilang paglalapat ng kaniyang parusa kay Satanas, na kinakatawan ng serpiyente, sinabi ni Jehova: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Sa makahulang pangungusap na iyan, biglang sumilay ang liwanag ng pag-asa para sa lahat ng sasampalataya sa pangakong iyan. Gayunman, may kapalit ang pagpapalayang iyan. Hindi lamang basta darating ang ipinangakong Binhi at pupuksain si Satanas; ang Binhi ay kailangang sugatan muna sa sakong, alalaong baga’y, mamamatay, bagaman pansamantala lamang.
8. (a) Paano naging isang kabiguan si Cain? (b) Bakit naging kaayaaya sa paningin ng Diyos ang hain ni Abel?
8 Walang-alinlangang pinag-isipang mabuti nina Adan at Eva kung sino ang ipinangakong Binhi. Nang isilang ni Eva ang kaniyang panganay na anak, si Cain, inihayag niya: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” (Genesis 4:1) Inakala kaya niya na ang kaniyang anak marahil ang magiging Binhi? Kung inakala man niya ito o hindi, si Cain, gayundin ang kaniyang handog, ay napatunayang isang kabiguan. Sa kabilang dako naman, ang kaniyang kapatid na si Abel ay nagpakita ng pananampalataya sa pangako ng Diyos at napakilos na maghandog ng mga panganay sa kaniyang kawan bilang hain kay Jehova. Mababasa natin: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang ito siya ay pinatotohanan na siya ay matuwid.”—Hebreo 11:4.
9. (a) Sa ano nanampalataya si Abel, at paano niya ito ipinahayag? (b) Ano ang nagawa ng mga handog ni Abel?
9 Ang pananampalataya ni Abel ay hindi basta pananampalataya lamang na may Diyos, na tiyak na taglay rin naman ni Cain. May pananampalataya si Abel sa pangako ng Diyos hinggil sa isang Binhi na magdudulot ng kaligtasan sa tapat na mga tao. Hindi isiniwalat sa kaniya kung paano ito magaganap, subalit ang pangako ng Diyos ay nagpabatid kay Abel na may isa na susugatan sa sakong. Oo, lumilitaw na naisip niyang kailangang may ibuhos na dugo—ang mismong ideya ng paghahain. Si Abel ay naghandog ng kaloob na nagsasangkot ng buhay at dugo sa Pinagmumulan ng buhay, malamang na bilang tanda ng kaniyang matinding pananabik at pag-asam sa katuparan ng pangako ni Jehova. Ang kapahayagang ito ng pananampalataya ang naging dahilan upang maging kalugud-lugod kay Jehova ang hain ni Abel, at sa isang limitadong paraan, ipinahayag nito ang tunay na diwa ng paghahain—isang paraan na doo’y makalalapit sa Diyos ang mga taong makasalanan upang matamo ang kaniyang paglingap.—Genesis 4:4; Hebreo 11:1, 6.
10. Paano niliwanag ang kahulugan ng paghahain sa pamamagitan ng paghiling ni Jehova kay Abraham na ihandog si Isaac?
10 Ang malalim na kahulugan ng paghahain ay naging napakalinaw nang utusan ni Jehova si Abraham na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac bilang isang handog na sinusunog. Bagaman ang paghahaing iyan ay hindi aktuwal na naisagawa, nagsilbi itong larawan ng gagawin mismo ni Jehova sa dakong huli—ihahandog niya ang kaniyang bugtong na Anak bilang ang pinakadakilang hain kailanman upang maganap ang Kaniyang kalooban sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Sa mga hain at handog ng Batas Mosaiko, si Jehova ay nagtakda ng makahulang mga parisan upang turuan ang kaniyang piniling bayan kung ano ang dapat nilang gawin para mapatawad ang kanilang mga kasalanan at para mapatibay ang kanilang pag-asa sa kaligtasan. Ano ang matututuhan natin mula sa mga ito?
Mga Haing Kaayaaya kay Jehova
11. Anong dalawang kategorya ng paghahandog ang iniharap ng mataas na saserdote ng Israel, at sa anong mga layunin?
11 “Bawat mataas na saserdote ay inaatasang maghandog kapuwa ng mga kaloob at ng mga hain,” sabi ni apostol Pablo. (Hebreo 8:3) Pansinin na hinati ni Pablo ang mga handog na ginawa ng mataas na saserdote ng sinaunang Israel sa dalawang kategorya, samakatuwid nga’y, “mga kaloob” at “mga hain,” o “mga hain para sa mga kasalanan.” (Hebreo 5:1) Ang mga tao ay karaniwan nang nagbibigay ng mga kaloob upang ipahayag ang pagmamahal at pasasalamat, at upang linangin ang pagkakaibigan, pabor, o pagsang-ayon. (Genesis 32:20; Kawikaan 18:16) Sa katulad na paraan, marami sa mga handog na itinakda ng Batas ang maaaring ituring bilang “mga kaloob” sa Diyos upang hingin ang kaniyang pagsang-ayon at pabor.b Ang paglabag sa Batas ay nangangailangan ng pagbabayad-pinsala, at upang makipag-ayos, ang “mga hain para sa mga kasalanan” ay inihahandog. Ang Pentateuch, lalo na ang mga aklat ng Exodo, Levitico, at Mga Bilang, ay naglalaan ng napakaraming materyal hinggil sa iba’t ibang uri ng mga hain at mga handog. Bagaman napakahirap para sa atin na maunawaan at matandaan ang lahat ng detalye, ang ilang mahahalagang punto hinggil sa iba’t ibang uri ng mga hain ay nararapat pa rin nating pagtuunan ng pansin.
12. Saan natin masusumpungan sa Bibliya ang isang sumaryo tungkol sa mga hain, o mga paghahandog, sa Batas?
12 Maaari nating pansinin na sa Levitico kabanata 1 hanggang 7, limang pangunahing uri ng handog—handog na sinusunog, handog na mga butil, haing pansalu-salo, handog ukol sa kasalanan, at handog ukol sa pagkakasala—ang isa-isang inilarawan, bagaman ang totoo ay inihandog nang magkakasabay ang ilan sa mga ito. Pansinin din natin na ang mga handog na ito ay makalawang ulit na inilarawan sa mga kabanatang ito, na may magkaibang layunin: minsan, sa Levitico 1:2 hanggang 6:7, na iniisa-isa ang ihahandog sa altar, at sa ikalawang pagkakataon, sa Levitico 6:8 hanggang 7:36, na ipinakikita naman ang mga bahaging itinabi para sa mga saserdote at yaong mga itinira naman para sa mga tagapaghandog. Pagkatapos, sa Bilang kabanata 28 at 29, masusumpungan natin ang maituturing na detalyadong talaorasan, na binabalangkas kung ano ang mga ihahandog araw-araw, linggu-linggo, buwan-buwan, at tuwing taunang mga kapistahan.
13. Ilarawan ang mga kusang-loob na inihandog bilang mga kaloob sa Diyos.
13 Kabilang sa mga kusang-loob na inihandog bilang mga kaloob o bilang paglapit sa Diyos upang matamo ang kaniyang paglingap ay ang mga handog na sinusunog, handog na mga butil, at mga haing pansalu-salo. Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong Hebreo para sa “handog na sinusunog” ay nangangahulugang “isang handog na papaitaas” o “isang pumapaitaas na handog.” Angkop naman ito sapagkat sa isang handog na sinusunog, ang pinatay na hayop ay sinusunog sa altar at ang mabango, o nakagiginhawang amoy, ay pumapaitaas sa langit patungo sa Diyos. Ang pagkakakilanlang katangian ng handog na sinusunog ay na matapos iwisik ang dugo nito sa palibot ng altar, ang hayop ay inihahandog sa Diyos nang buung-buo. “Pauusukin [ng saserdote] ang lahat ng iyon sa ibabaw ng altar bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na nakagiginhawang amoy para kay Jehova.”—Levitico 1:3, 4, 9; Genesis 8:21.
14. Paano iniharap ang handog na mga butil?
14 Ang handog na mga butil ay inilalarawan sa Levitico kabanata 2. Ito ay kusang-loob na paghahandog na may mainam na harina, na karaniwang nilangisan nang kaunti, at nilagyan ng olibano. “Ang saserdote ay dadakot mula rito ng kaniyang sandakot ng mainam na harina nito at ng langis nito kasama na ang lahat ng olibano nito; at pauusukin niya ito bilang tagapagpaalaala nito sa ibabaw ng altar, bilang handog na pinaraan sa apoy na nakagiginhawang amoy para kay Jehova.” (Levitico 2:2) Ang olibano ay isa sa mga sangkap ng banal na insenso na sinusunog sa altar ng insenso sa tabernakulo at templo. (Exodo 30:34-36) Maliwanag na ito ang nasa isip ni Haring David nang sabihin niya: “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo na gaya ng insenso, ang pagtataas ng aking mga palad na gaya ng panggabing handog na mga butil.”—Awit 141:2.
15. Ano ang layunin ng haing pansalu-salo?
15 Ang isa pang kusang-loob na paghahandog ay ang haing pansalu-salo, na inilalarawan sa Levitico kabanata 3. Maaari ring isalin ang katawagang ito bilang “isang hain ng paghahandog ukol sa kapayapaan.” Sa Hebreo, ang salitang “kapayapaan” ay hindi lamang nangangahulugang malaya sa digmaan o kaguluhan. “Sa Bibliya, ito ang ibinibigay na kahulugan nito, at gayundin ang kalagayan o kaugnayan ng pakikipagpayapaan sa Diyos, kasaganaan, kagalakan, at kaligayahan,” sabi ng aklat na Studies in the Mosaic Institutions. Kaya naman, inihandog ang mga haing pansalu-salo, hindi upang makamit ang pakikipagpayapaan sa Diyos, na sa wari’y upang paglubagin siya, kundi upang ipagpasalamat o ipagdiwang ang pinagpalang kalagayan ng pakikipagpayapaan sa Diyos na tinatamasa niyaong mga sinang-ayunan niya. Ang mga saserdote at ang tagapaghandog ay nagsasalo sa hain matapos ihandog kay Jehova ang dugo at taba. (Levitico 3:17; 7:16-21; 19:5-8) Sa isang maganda at simbolikong paraan, ang tagapaghandog, ang mga saserdote, at ang Diyos na Jehova ay nagsasalo sa pagkain, na nagpapahiwatig ng mapayapang kaugnayan na umiiral sa gitna nila.
16. (a) Ano ang layunin ng handog ukol sa kasalanan at ang handog ukol sa pagkakasala? (b) Paano naiiba ang mga ito sa handog na sinusunog?
16 Lakip sa mga haing inihahandog upang humingi ng tawad o upang pagbayaran ang mga paglabag sa Batas ay ang handog ukol sa kasalanan at ang handog ukol sa pagkakasala. Bagaman ang mga haing ito ay nagsasangkot din ng pagsusunog sa altar, ang mga ito’y iba sa handog na sinusunog sapagkat ang buong hayop ay hindi inihahandog sa Diyos, kundi ang taba at ilang bahagi lamang nito. Ang natira sa hayop ay itinatapon sa labas ng kampo o sa ilang kaso ay pinagsasaluhan ng mga saserdote. Mahalaga ang pagkakaibang ito. Ang handog na sinusunog ay inihaharap bilang isang kaloob sa Diyos upang makalapit sa kaniya, kaya ito’y inihahandog tanging sa Diyos lamang at nang buung-buo. Kapansin-pansin, karaniwan nang nauuna muna ang isang handog ukol sa kasalanan o isang handog ukol sa pagkakasala bago ang handog na sinusunog, anupat nagpapahiwatig na upang maging kaayaaya sa Diyos ang kaloob ng isang makasalanan, kailangan muna ang pagpapatawad sa kasalanan.—Levitico 8:14, 18; 9:2, 3; 16:3, 5.
17, 18. Para sa ano inilaan ang handog ukol sa kasalanan, at ano ang layunin ng mga handog ukol sa pagkakasala?
17 Ang handog ukol sa kasalanan ay tinatanggap lamang para sa di-sinasadyang kasalanan laban sa Batas, kasalanang nagawa dahil sa kahinaan ng laman. “Kung ang isang kaluluwa ay magkasala nang di-sinasadya sa alinman sa mga bagay na iniutos ni Jehova na huwag gawin,” kung gayon ang nagkasala ay maghahandog ng isang handog ukol sa kasalanan ayon sa kaniyang kalagayan, o katayuan, sa pamayanan. (Levitico 4:2, 3, 22, 27) Sa kabilang dako naman, ang mga di-nagsisising makasalanan ay nililipol; wala nang mga hain para sa kanila.—Exodo 21:12-15; Levitico 17:10; 20:2, 6, 10; Bilang 15:30; Hebreo 2:2.
18 Ang kahulugan at layunin ng handog ukol sa pagkakasala ay niliwanag sa Levitico kabanata 5 at 6. Ang isang tao ay maaaring nagkasala nang di-sinasadya. Magkagayunman, ang kaniyang paglabag ay maaaring lumikha ng pagkakasala laban sa mga karapatan ng kaniyang kapuwa o kaya’y ng Diyos na Jehova, at ang pagkakamaling iyan ay kailangang pagbayaran o iwasto. Binabanggit ang ilang kategorya ng mga kasalanan. Ang ilan ay lingid na mga kasalanan (5:2-6), ang ilan naman ay mga kasalanan laban sa “mga banal na bagay ni Jehova” (5:14-16), at ang ilan, bagaman hindi lubusang di-namamalayan, ay mga kasalanang sanhi ng mga maling pagnanasa o mga kahinaan ng laman (6:1-3). Bukod pa sa pagtatapat ng gayong mga kasalanan, ang manlalabag ay hinihilingan na bayaran ang dapat bayaran at pagkatapos ay magharap siya kay Jehova ng handog ukol sa pagkakasala.—Levitico 6:4-7.
Mas Mabuting Bagay na Darating
19. Sa kabila ng pagkakaroon ng Batas at ng mga hain nito, bakit nabigo pa rin ang Israel na matamo ang paglingap ng Diyos?
19 Ang Batas Mosaiko, lakip na ang maraming hain at mga handog nito, ay ibinigay sa mga Israelita upang sila’y makalapit sa Diyos nang sa gayon ay matamo at mapanatili nila ang kaniyang paglingap at pagpapala hanggang sa dumating ang ipinangakong Binhi. Ganito ang pagkakasabi ni apostol Pablo, isang likas na Judio: “Ang Batas ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo, upang tayo ay maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.” (Galacia 3:24) Nakalulungkot, ang Israel bilang isang bansa ay hindi tumugon sa pagtuturong iyan kundi inabuso ang pribilehiyong iyan. Dahil dito, ang napakarami nilang hain ay naging karima-rimarim kay Jehova, na nagsabi: “Tama na sa akin ang mga buong handog na sinusunog na mga barakong tupa at ang taba ng mga patabaing hayop; at sa dugo ng mga guyang toro at mga lalaking kordero at mga kambing na lalaki ay hindi ako nalulugod.”—Isaias 1:11.
20. Ano ang nangyari noong 70 C.E. may kinalaman sa Batas at sa mga hain nito?
20 Noong 70 C.E., ang Judiong sistema ng mga bagay, kasama ang templo at pagkasaserdote nito, ay nagwakas. Pagkatapos niyan, ang mga hain sa paraang itinakda ng Batas ay hindi na posible. Nangangahulugan ba ito na ang mga hain, bilang isang mahalagang bahagi ng Batas, ay nawalan nang lahat ng kabuluhan para sa mga mananamba ng Diyos sa ngayon? Susuriin natin ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang Insight on the Scriptures, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay nagpapaliwanag: “Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, ang ‘pagbabayad-sala’ ay may pangunahing ideya na ‘pantakip’ o ‘pamalit,’ at yaong ibinigay bilang kapalit, o bilang ‘pantakip,’ sa iba ay dapat na katulad nito. . . . Upang maging sapat ang pambayad-sala sa naiwala ni Adan, kailangang maglaan ng isang handog ukol sa kasalanan na may katumbas na halaga ng isang sakdal na buhay ng tao.”
b Ang salitang Hebreo na madalas na isinasaling “handog” ay qor·banʹ. Nang itala ang paghatol ni Jesus sa walang-prinsipyong gawain ng mga eskriba at Fariseo, ipinaliwanag ni Marcos na ang “korban” ay nangangahulugang “isang kaloob na inialay sa Diyos.”—Marcos 7:11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang nag-udyok sa tapat na mga lalaki noon upang maghandog ng mga hain kay Jehova?
• Bakit kailangan ang mga hain?
• Anong pangunahing uri ng mga hain ang inihandog sa ilalim ng Batas, at ano ang kanilang mga layunin?
• Ayon kay Pablo, sa anong mahalagang layunin nagsisilbi ang Batas at ang mga hain nito?
[Larawan sa pahina 14]
Nakalulugod ang hain ni Abel sapagkat ipinamamalas nito ang kaniyang pananampalataya sa pangako ni Jehova
[Larawan sa pahina 15]
Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng eksenang ito?