Tularan ang Pananampalataya ni Moises
“Sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon.”—HEB. 11:24.
1, 2. (a) Sa edad na 40, anong desisyon ang ginawa ni Moises? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Bakit pinili ni Moises na maging isang alipin kasama ng bayan ng Diyos?
ALAM ni Moises kung ano ang maibibigay ng Ehipto. Nakita niya ang naglalakihang bahay ng mayayaman. Kabilang siya sa sambahayan ng hari. “Tinuruan [siya] sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” marahil kasali na ang sining, astronomiya, matematika, at iba pang kaalaman. (Gawa 7:22) Abot-kamay niya noon ang kayamanan, kapangyarihan, at pribilehiyong sa pangarap lang makakamit ng isang karaniwang Ehipsiyo!
2 Pero noong 40 anyos na si Moises, gumawa siya ng desisyong malamang na ikinagulat ng maharlikang pamilya ng Ehipto na umampon sa kaniya. Pinili niya ang isang buhay na mas mababa pa kaysa sa “normal” na buhay ng karaniwang Ehipsiyo. Pinili niyang maging isang alipin! Bakit? Dahil may pananampalataya siya. (Basahin ang Hebreo 11:24-26.) Sa pamamagitan nito, hindi lang pisikal na mga bagay ang nakita ni Moises. Bilang taong espirituwal, nanampalataya siya sa “Isa na di-nakikita,” si Jehova, at sa katuparan ng mga pangako ng Diyos.—Heb. 11:27.
3. Anong tatlong tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
3 Kailangan din nating makita ang mga bagay na di-nakikita ng literal na mata. Tayo ay dapat na maging “ang uri [ng tao] na may pananampalataya.” (Heb. 10:38, 39) Para mapatibay ang ating pananampalataya, suriin natin ang isinulat tungkol kay Moises sa Hebreo 11:24-26. Habang ginagawa iyan, pag-isipan ang sagot sa mga ito: Paano nakatulong ang pananampalataya para malabanan ni Moises ang makalamang mga pagnanasa? Nang dustain siya, paano nakatulong ang pananampalataya para mapahalagahan niya ang pribilehiyong maglingkod kay Jehova? At bakit ‘tuminging mabuti si Moises sa gantimpalang kabayaran’?
NILABANAN NIYA ANG MAKALAMANG MGA PAGNANASA
4. Ano ang naunawaan ni Moises tungkol sa “kasiyahan sa kasalanan”?
4 Sa tulong ng pananampalataya, naunawaan ni Moises na pansamantala lang ang “kasiyahan sa kasalanan.” Ang iba ay baka nangatuwirang kahit palasak ang idolatriya at espiritismo sa Ehipto, naging kapangyarihang pandaigdig naman ito, samantalang ang bayan ni Jehova ay inaalipin! Gayunman, alam ni Moises na kayang baguhin ng Diyos ang sitwasyon. Mukha mang nagtatagumpay ang mga nagpapakasasa sa kasalanan, nanampalataya si Moises na mapupuksa sila. Kaya hindi siya naakit ng “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.”
5. Ano ang tutulong sa atin na tanggihan ang “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan”?
5 Paano mo matatanggihan ang “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan”? Tandaan na pansamantala lang ang kalugurang dulot ng kasalanan. Sa tulong ng mga mata ng pananampalataya, makikita mong “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:15-17) Pag-isipan ang kahihinatnan ng mga makasalanang di-nagsisisi. Sila ay nasa ‘madulas na dako at sasapit sa kanilang katapusan!’ (Awit 73:18, 19) Kapag natutuksong gumawa ng kasalanan, tanungin ang sarili, ‘Ano bang kinabukasan ang gusto ko?’
6. (a) Bakit tumanggi si Moises na “tawaging anak ng anak na babae ni Paraon”? (b) Sa palagay mo, bakit tama ang desisyon ni Moises?
6 Ang pananampalataya ni Moises ay nakaapekto rin sa pagpili niya ng landasin sa buhay. “Sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon.” (Heb. 11:24) Hindi nangatuwiran si Moises na puwede naman niyang paglingkuran ang Diyos bilang miyembro ng maharlikang korte at gamitin ang kaniyang kayamanan at kapangyarihan para tulungan ang kaniyang mga kapuwa Israelita. Sa halip, determinado siyang ibigin si Jehova nang buong puso, kaluluwa, at lakas. (Deut. 6:5) Mabuti na lang at gayon ang naging desisyon ni Moises. Di-nagtagal, marami sa kayamanang tinalikuran niya sa Ehipto ay sinamsam—ng mga Israelita mismo! (Ex. 12:35, 36) Napahiya si Paraon at napuksa. (Awit 136:15) Pero kumusta si Moises? Ginamit siya ng Diyos para pangunahan at iligtas ang bansang Israel. Naging makabuluhan ang kaniyang buhay.
7. (a) Batay sa Mateo 6:19-21, bakit hindi tayo nagpaplano para sa pansamantalang kinabukasan lang? (b) Maglahad ng karanasan na nagpapakita ng pagkakaiba ng materyal at ng espirituwal na kayamanan.
7 Kung isa kang kabataang Saksi, paano makakatulong ang pananampalataya sa pagpili mo ng karera? Isang katalinuhang magplano para sa kinabukasan. Pero ang pananampalataya mo ba sa mga pangako ng Diyos ay magpapakilos sa iyo na mag-imbak, o magplano, para sa walang-hanggang kinabukasan sa halip na sa pansamantalang kinabukasan lang? (Basahin ang Mateo 6:19-21.) Napaharap sa tanong na iyan si Sophie, isang magaling na ballet dancer. Inalok siya ng scholarship at magagandang posisyon ng mga ballet company sa Estados Unidos. “Ang sarap ng hinahangaan. Sa totoo lang, feeling ko noon mas magaling ako sa mga kasama ko,” inamin niya. “Pero hindi ako masaya.” Pagkatapos, pinanood ni Sophie ang video na Young People Ask—What Will I Do With My Life? “Napag-isip-isip kong matagumpay nga ako sa sanlibutan at hinahangaan pero hindi naman buong-puso ang pagsamba ko kay Jehova,” ang sabi niya. “Nanalangin ako nang marubdob sa kaniya. Pagkatapos ay iniwan ko na ang pagba-ballet.” Ano ang nadarama ni Sophie sa desisyon niya? “Hindi ko nami-miss ang dati kong buhay. Talagang masaya ako ngayon. Payunir kami ng asawa ko. Hindi kami sikat, at mahirap lang kami. Pero malapít kami kay Jehova, at may mga Bible study kami at espirituwal na mga tunguhin. Wala akong pinagsisisihan.”
8. Anong payo ng Bibliya ang makakatulong sa isang kabataan na magpasiya kung ano ang gagawin niya sa kaniyang buhay?
8 Alam ni Jehova ang pinakamabuti para sa iyo. Sinabi ni Moises: “Ano ang hinihiling sa iyo ni Jehova na iyong Diyos kundi ang matakot kay Jehova na iyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan at ibigin siya at paglingkuran si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa; na tuparin ang mga utos ni Jehova at ang kaniyang mga batas na iniuutos ko sa iyo ngayon, para sa iyong ikabubuti?” (Deut. 10:12, 13) Habang kabataan ka pa, pumili ng karerang tutulong sa iyo na ibigin at paglingkuran si Jehova ‘nang buong puso at kaluluwa.’ Makatitiyak ka na ito ay “para sa iyong ikabubuti.”
PINAHALAGAHAN NIYA ANG PRIBILEHIYONG MAGLINGKOD
9. Ipaliwanag kung bakit hindi madali kay Moises na gampanan ang kaniyang atas.
9 “Itinuring [ni Moises] ang kadustaan ni Kristo bilang kayamanan na nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto.” (Heb. 11:26) Si Moises ay inatasan bilang “Kristo,” o “Pinahiran,” sa diwa na pinili siya ni Jehova para pangunahan ang Israel sa paglabas sa Ehipto. Alam ni Moises na hindi iyon madali, at daranas pa nga siya ng “kadustaan.” Minsan na siyang tinuya ng isang Israelita: “Sino ang nag-atas sa iyo bilang prinsipe at hukom sa amin?” (Ex. 2:13, 14) Nang maglaon, tinanong ni Moises si Jehova: “Paano ngang makikinig sa akin si Paraon?” (Ex. 6:12) Para makayanan ang pandurusta, sinabi ni Moises kay Jehova ang ikinatatakot niya at ikinababahala. Paano tinulungan ni Jehova si Moises na magampanan ang kaniyang atas?
10. Paano tinulungan ni Jehova si Moises na magampanan ang kaniyang atas?
10 Una, tiniyak ni Jehova kay Moises: “Ako ay sasaiyo.” (Ex. 3:12) Ikalawa, pinalakas ni Jehova ang loob ni Moises nang ipaliwanag niya ang isang aspekto ng kahulugan ng kaniyang pangalan: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.”a (Ex. 3:14) Ikatlo, binigyan niya si Moises ng kapangyarihang maghimala, na nagpatunay na isinugo siya ng Diyos. (Ex. 4:2-5) Ikaapat, binigyan ni Jehova si Moises ng kasama at tagapagsalita, si Aaron, na tutulong sa kaniya. (Ex. 4:14-16) Bago mamatay, kumbinsidong-kumbinsido si Moises na tinutulungan ng Diyos ang Kaniyang mga lingkod para magampanan ang mga atas na ibinibigay Niya, kaya nasabi ni Moises sa kahalili niyang si Josue: “Si Jehova ang hahayo sa unahan mo. Siya mismo ay mananatiling kasama mo. Hindi ka niya pababayaan ni iiwan ka man nang lubusan. Huwag kang matakot o masindak.”—Deut. 31:8.
11. Bakit pinahalagahan ni Moises ang kaniyang atas?
11 Sa tulong ni Jehova, napahalagahan ni Moises ang kaniyang atas. Itinuring niya itong “nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto.” Kung sa bagay, ano ang halaga ng paglilingkod kay Paraon kumpara sa paglilingkod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Ano naman ang pagiging prinsipe sa Ehipto kumpara sa pagiging “Kristo,” o pinahiran ni Jehova? Ginantimpalaan si Moises sa kaniyang mapagpahalagang saloobin. Nagkaroon siya ng pantanging kaugnayan kay Jehova, na nagbigay sa kaniya ng kapangyarihang gumawa ng mga “dakilang bagay” habang inaakay niya ang mga Israelita patungo sa Lupang Pangako.—Deut. 34:10-12.
12. Anong mga pribilehiyo mula kay Jehova ang dapat nating pahalagahan?
12 May atas din tayo ngayon. Sa pamamagitan ni Jesus, inatasan tayo ni Jehova sa isang ministeryo, gaya ng ginawa niya kay apostol Pablo at sa iba pa. (Basahin ang 1 Timoteo 1:12-14.) Pribilehiyo nating lahat na ihayag ang mabuting balita. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ang ilan sa atin ay buong-panahong ministro. Ang ilang bautisado at may-gulang na mga brother ay mga ministeryal na lingkod o elder. Pero baka maliitin ng iyong di-sumasampalatayang mga kapamilya at ng iba pa ang mga pribilehiyong ito o dustain ka dahil sa pagsasakripisyo mo. (Mat. 10:34-37) Kapag nasira nila ang loob mo, baka maisip mong hindi sulit ang iyong mga sakripisyo o hindi mo talaga kayang gampanan ang iyong atas. Sakaling mangyari iyan, paano ka matutulungan ng pananampalataya na makapagbata?
13. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na magampanan ang ating mga atas?
13 Taglay ang pananampalataya, hilingin ang tulong ni Jehova. Sabihin mo sa kaniya ang iyong ikinatatakot at ikinababahala. Tutal si Jehova ang nag-atas sa iyo, at tutulungan ka niyang magtagumpay. Paano? Gaya ng pagtulong niya kay Moises. Una, tinitiyak sa iyo ni Jehova: “Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isa. 41:10) Ikalawa, ipinaaalaala niya sa iyo na mapagkakatiwalaan ang kaniyang mga pangako: “Sinalita ko nga iyon; pangyayarihin ko rin naman. Inanyuan ko iyon, gagawin ko rin naman.” (Isa. 46:11) Ikatlo, binibigyan ka ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” para magtagumpay sa iyong ministeryo. (2 Cor. 4:7) Ikaapat, para tulungan kang makapagbata sa iyong atas, inilaan ng ating mapagmalasakit na Ama ang isang pandaigdig na kapatiran na ‘patuloy na umaaliw at nagpapatibay sa isa’t isa.’ (1 Tes. 5:11) Habang tinutulungan ka ni Jehova na magampanan ang iyong atas, titibay ang iyong pananampalataya at mapahahalagahan mo ang iyong mga pribilehiyo bilang kayamanang nakahihigit kaysa sa anumang kayamanan sa lupa.
“TUMINGIN SIYANG MABUTI SA GANTIMPALANG KABAYARAN”
14. Bakit nakatitiyak si Moises na gagantimpalaan siya?
14 ‘Tuminging mabuti si Moises sa gantimpalang kabayaran.’ (Heb. 11:26) Limitado lang ang alam ni Moises hinggil sa hinaharap, pero hinayaan niyang gabayan siya nito sa kaniyang mga desisyon. Gaya ng ninuno niyang si Abraham, naniwala si Moises na kayang buhaying muli ni Jehova ang mga patay. (Luc. 20:37, 38; Heb. 11:17-19) Dahil nagtiwala si Moises sa mga pangako ng Diyos, hindi niya inisip na ang kaniyang 40-taóng pagiging takas at 40-taóng paglalakbay sa ilang ay pag-aaksaya lang ng panahon. Hindi niya alam ang lahat ng detalye kung paano matutupad ang mga pangako ng Diyos, pero nakita ng kaniyang mga mata ng pananampalataya ang di-nakikitang gantimpala.
15, 16. (a) Bakit dapat tayong magpokus sa ating gantimpala? (b) Anong mga pagpapala ang pinananabikan mo sa ilalim ng Kaharian ng Diyos?
15 Tumitingin ka bang “mabuti sa gantimpalang kabayaran”? Gaya ni Moises, hindi pa natin alam ang lahat ng detalye hinggil sa mga pangako ng Diyos. Halimbawa, “hindi [natin] alam kung kailan ang takdang panahon” ng malaking kapighatian. (Mar. 13:32, 33) Pero kumpara kay Moises, mas marami tayong alam tungkol sa darating na Paraiso. Hindi man natin alam ang lahat ng detalye, sapat naman ang mga pangakong ibinigay sa atin ni Jehova tungkol sa buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos para ‘matingnan natin itong mabuti,’ o maging malinaw ito sa ating isip. Sa gayon, mapakikilos tayong unahin ang Kaharian. Paano? Pag-isipan ito: Bibilhin mo ba ang isang bahay kung wala kang gaanong alam tungkol doon? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, hindi natin aaksayahin ang ating buhay sa isang malabong pag-asa. Sa tulong ng pananampalataya, dapat na makita natin nang malinaw ang buhay sa ilalim ng Kaharian.
16 Para maging malinaw sa ating isip ang Kaharian ng Diyos, ‘tuminging mabuti’ sa magiging buhay mo sa Paraiso. Gamitin ang iyong imahinasyon. Halimbawa, kapag pinag-aaralan mo ang tungkol sa mga karakter ng Bibliya bago ang panahong Kristiyano, pag-isipan ang mga puwede mong itanong sa kanila kapag binuhay silang muli. Pag-isipan din ang puwede nilang itanong tungkol sa buhay mo sa mga huling araw. Gunigunihin ang kaligayahan mo kapag nakilala mo ang iyong mga ninuno at naturuan mo sila tungkol sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila. Gunigunihin din ang kasiyahan mo habang natututo ka sa pagmamasid sa iba’t ibang hayop sa mapayapang kapaligiran. Isip-isipin na habang unti-unti kang nagiging sakdal, lalo kang napapalapít kay Jehova.
17. Paano tayo makikinabang kung malinaw sa isip natin ang di-nakikitang gantimpala?
17 Kung malinaw sa isip natin ang di-nakikitang gantimpala, makapagbabata tayo, liligaya, at makagagawa ng mga desisyon batay sa ating pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Sumulat si Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Kung inaasahan natin yaong hindi natin nakikita, patuloy natin itong hinihintay nang may pagbabata.” (Roma 8:25) Totoo iyan sa lahat ng Kristiyano na may pag-asang buhay na walang hanggan. Hindi pa natin natatanggap ang ating gantimpala, pero dahil napakatibay ng ating pananampalataya, patuloy nating hinihintay nang may pagtitiis ang “gantimpalang kabayaran.” Gaya ni Moises, hindi natin iniisip na ang mga taóng ginugugol natin sa paglilingkod kay Jehova ay pag-aaksaya lang ng panahon. Kumbinsido tayo na “ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.”—Basahin ang 2 Corinto 4:16-18.
18, 19. (a) Bakit dapat nating panatilihing matibay ang ating pananampalataya? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Dahil sa pananampalataya, nakikita natin ang “malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Heb. 11:1) Hindi nakikita ng taong pisikal ang kahalagahan ng paglilingkod kay Jehova. Para sa kaniya, “kamangmangan” ang espirituwal na kayamanan. (1 Cor. 2:14) Gayunman, tayo ay umaasang magkaroon ng buhay na walang-hanggan at masaksihan ang pagkabuhay-muli, mga bagay na hindi nakikita ng sanlibutan. Gaya ng mga pilosopo noong panahon ni Pablo na nagsabing isa siyang ignoranteng ‘daldalero,’ iniisip ng karamihan sa ngayon na ang pag-asang ipinangangaral natin ay kalokohan lang.—Gawa 17:18.
19 Dahil nabubuhay tayo sa isang sanlibutang walang pananampalataya, dapat nating panatilihing matibay ang ating pananampalataya. Magsumamo kay Jehova na “ang iyong pananampalataya ay huwag manghina.” (Luc. 22:32) Bilang pagtulad kay Moises, laging isaisip ang mga kahihinatnan ng kasalanan, ang nakahihigit na halaga ng paglilingkod kay Jehova, at ang iyong pag-asang mabuhay nang walang hanggan. May matututuhan pa ba tayo kay Moises? Susuriin sa susunod na artikulo kung paano nakatulong kay Moises ang pananampalataya para makita “ang Isa na di-nakikita.”—Heb. 11:27.
a Tungkol sa pananalita ng Diyos sa Exodo 3:14, isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang makahahadlang sa kaniya sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban . . . Ang pangalang ito [Jehova] ay magsisilbing tanggulan ng Israel, isang walang-hanggang bukal ng pag-asa at kaaliwan.”