Exodo
12 Sinabi ngayon ni Jehova kina Moises at Aaron sa Ehipto: 2 “Ang buwan na ito ang magiging pasimula ng mga buwan para sa inyo. Ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo.+ 3 Sabihin ninyo sa buong bayan ng Israel, ‘Sa ika-10 araw ng buwang ito, ang bawat isa sa kanila ay dapat kumuha ng isang tupa+ para sa sambahayan ng ama niya, isang tupa para sa isang sambahayan. 4 Pero kung maliit ang sambahayan para kainin ang isang buong tupa, sila* at ang pinakamalapit nilang* kapitbahay ay maghahati sa tupa sa loob ng bahay nila. Hahatiin ito depende sa bilang ng tao at sa kayang kainin ng bawat isa. 5 Ang tupa ninyo ay dapat na malusog+ at isang-taóng-gulang na lalaki. Puwede kayong pumili ng isang batang tupa o kambing. 6 Aalagaan ninyo iyon hanggang sa ika-14 na araw ng buwang ito,+ at pagdating ng takipsilim* ay papatayin iyon ng bawat sambahayan sa kongregasyon ng Israel.+ 7 Kukuha sila ng dugo, at lalagyan nila ng dugo ang dalawang poste ng pinto at ang itaas na bahagi ng pasukan* ng mga bahay kung saan nila ito kakainin.+
8 “‘Kakainin nila ang karne sa gabing iyon.+ Iihawin nila iyon at kakainin kasama ng tinapay na walang pampaalsa+ at ng mapapait na gulay.+ 9 Huwag ninyong kainin ang anumang bahagi nito na hilaw o pinakuluan sa tubig, kundi inihaw, ang ulo kasama ang mga binti at laman-loob nito. 10 Huwag kayong mag-iiwan ng tira hanggang kinaumagahan; pero kapag may natira sa umaga, sunugin ninyo iyon.+ 11 Sa ganitong paraan ninyo iyon kakainin: suot ang inyong sinturon at sandalyas* at hawak ang inyong baston; at dali-dali ninyong kainin iyon. Ito ang Paskuwa ni Jehova. 12 Dahil dadaan ako sa lupain ng Ehipto sa gabing ito at papatayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop;+ at maglalapat ako ng hatol sa lahat ng diyos ng Ehipto.+ Ako si Jehova. 13 Ang dugo ay magsisilbing tanda sa mga bahay na kinaroroonan ninyo; makikita ko ang dugo at lalampasan ko kayo, at hindi kayo maaapektuhan ng salot kapag pinarusahan ko ang Ehipto.+
14 “‘Dapat ninyong alalahanin ang araw na ito, at ipagdiriwang ito ng lahat ng henerasyon bilang kapistahan para kay Jehova. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda. 15 Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa.+ Oo, sa unang araw, dapat ninyong alisin ang pinaasim na masa sa mga bahay ninyo, dahil ang sinumang* kumain ng may pampaalsa mula sa unang araw hanggang sa ikapito ay aalisin* sa Israel. 16 Sa unang araw ay magdaraos kayo ng isang banal na kombensiyon at isa pang banal na kombensiyon sa ikapitong araw. Walang trabahong gagawin sa mga araw na iyon.+ Ang puwede lang ninyong gawin ay ang maghanda ng pagkain para sa inyo.*
17 “‘Ipagdiriwang ninyo ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ dahil sa araw na ito ay ilalabas ko sa Ehipto ang malaking bayan* ninyo. At aalalahanin ninyo ang araw na ito sa lahat ng henerasyon bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda. 18 Sa gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa hanggang sa gabi ng ika-21 araw ng buwan.+ 19 Hindi puwedeng magkaroon ng pinaasim na masa sa mga bahay ninyo sa loob ng pitong araw, dahil ang sinumang* kumain ng may pampaalsa, dayuhan man siya o katutubo sa lupain,+ ay aalisin* sa Israel.+ 20 Huwag kayong kakain ng anumang may pampaalsa. Sa lahat ng bahay, tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo.’”
21 Kaagad na tinawag ni Moises ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel+ at sinabi: “Pumili kayo ng batang mga hayop* para sa pamilya ng bawat isa sa inyo, at patayin ninyo ang hain para sa Paskuwa. 22 Pagkatapos, isawsaw ninyo sa dugo na nasa palanggana ang isang bungkos ng isopo at ihampas ninyo iyon sa itaas na bahagi ng pasukan at sa dalawang poste nito; at walang sinuman sa inyo ang lalabas ng bahay niya hanggang kinaumagahan. 23 Kapag dumaan si Jehova para salutin ang mga Ehipsiyo at nakita niya ang dugo sa itaas na bahagi ng pasukan at sa dalawang poste nito, tiyak na lalampasan ni Jehova ang pasukang iyon, at hindi niya papahintulutang pumasok sa mga bahay ninyo ang salot ng kamatayan.*+
24 “Alalahanin ninyo at ng inyong mga anak ang pangyayaring ito; ito ay isang tuntunin hanggang sa panahong walang takda.+ 25 At pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Jehova gaya ng sinabi niya, patuloy ninyo itong alalahanin.+ 26 Kapag nagtanong sa inyo ang inyong mga anak, ‘Para saan ang pagdiriwang na ito?’+ 27 sabihin ninyo, ‘Ito ang haing pampaskuwa para kay Jehova, na dumaan sa bahay ng mga Israelita sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, pero nilampasan niya ang mga bahay namin.’”
At ang bayan ay lumuhod at sumubsob sa lupa. 28 Kaya umalis ang mga Israelita at ginawa ang iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron.+ Gayong-gayon ang ginawa nila.
29 Nang hatinggabi na, pinatay ni Jehova ang lahat ng panganay sa Ehipto,+ mula sa panganay ng Paraong nakaupo sa kaniyang trono hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan,* at lahat ng panganay ng hayop.+ 30 Nang gabing iyon, bumangon ang Paraon at ang lahat ng lingkod niya, pati na ang lahat ng iba pang Ehipsiyo, at narinig ang napakalakas na pag-iyak sa buong Ehipto, dahil may namatay sa lahat ng bahay.+ 31 Ipinatawag niya agad sina Moises at Aaron+ nang gabing iyon at sinabi: “Umalis na kayo. Iwan na ninyo ang bayan ko, kayo at ang iba pang Israelita. Umalis na kayo at maglingkod kay Jehova, gaya ng sinabi ninyo.+ 32 Isama na rin ninyo sa pag-alis ang inyong mga kawan at bakahan, gaya ng sinabi ninyo.+ Pero hilingin din ninyo sa Diyos na pagpalain ako.”
33 At pinagmadali ng mga Ehipsiyo ang bayan na umalis+ sa lupain, “dahil kung hindi,” ang sabi nila, “mamamatay kaming lahat!”*+ 34 Kaya dinala ng bayan ang kanilang minasang harina bago pa ito malagyan ng pampaalsa, at ang masahan* nila ay binalutan nila ng kanilang damit at ipinatong sa balikat. 35 Ginawa ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises kaya humingi sila sa mga Ehipsiyo ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit.+ 36 Naging kalugod-lugod ang bayan sa paningin ng mga Ehipsiyo dahil kay Jehova, kaya ibinigay sa kanila ng mga ito ang anumang hingin nila, at kinuha nila ang kayamanan ng mga Ehipsiyo.+
37 Umalis ang mga Israelita sa Rameses+ papuntang Sucot,+ mga 600,000 lalaki,* bukod pa sa mga bata.+ 38 At sumama sa kanila ang isang malaking grupo ng mga banyaga,*+ gayundin ang napakaraming hayop, mga kawan at bakahan. 39 Niluto nila ang masa na dinala nila mula sa Ehipto at ginawang bilog na mga tinapay na walang pampaalsa. Hindi na ito nalagyan ng pampaalsa, dahil bigla silang pinaalis sa Ehipto. Hindi na rin sila nakapaghanda ng anumang panustos nila.+
40 Ang mga Israelita, na nanirahan sa Ehipto,+ ay 430 taóng nanirahan bilang mga dayuhan.+ 41 Nang mismong araw na matapos ang 430 taon, ang buong bayan* ni Jehova ay lumabas sa Ehipto. 42 Ito ay isang gabi kung kailan nila ipagdiriwang ang paglalabas sa kanila ni Jehova sa Ehipto. Ang gabing ito ay dapat alalahanin ng buong bayan ng Israel sa lahat ng henerasyon bilang pagluwalhati kay Jehova.+
43 Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron, “Ito ang batas sa Paskuwa: Hindi puwedeng kainin ng mga dayuhan ang hain para dito.+ 44 Pero kung ang isang tao ay may biniling isang aliping lalaki, dapat niya itong tuliin.+ Saka lang ito makakakain ng hain. 45 Ang hain ay hindi puwedeng kainin ng dayuhan* at upahang trabahador. 46 Dapat itong kainin sa loob ng isang bahay. Huwag mong dadalhin ang anumang piraso ng karne sa labas ng bahay, at huwag mong babaliin ang kahit isang buto nito.+ 47 Ipagdiriwang iyon ng buong bayan ng Israel. 48 Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo at gusto niyang magdiwang ng Paskuwa para kay Jehova, dapat tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. Saka lang siya makapagdiriwang nito, at siya ay magiging katulad ng katutubo sa lupain. Pero hindi ito puwedeng kainin ng lalaking di-tuli.+ 49 Pareho lang ang kautusan para sa katutubo at sa dayuhan na naninirahang kasama ninyo.”+
50 Kaya ginawa ng lahat ng Israelita ang iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron. Gayong-gayon ang ginawa nila. 51 Nang mismong araw na iyon, inilabas ni Jehova sa Ehipto ang lahat ng Israelita.*