Makapagbabata Ka Hanggang Wakas
“Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.”—HEBREO 12:1.
1, 2. Ano ang kahulugan ng magbata?
“NANGANGAILANGAN kayo ng pagbabata,” isinulat ni apostol Pablo sa mga Hebreong Kristiyano noong unang siglo. (Hebreo 10:36) Bilang pagdiriin sa kahalagahan ng katangiang ito, hinimok din ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Ilaan sa inyong pananampalataya . . . ang pagbabata.” (2 Pedro 1:5, 6) Subalit ano nga ba talaga ang pagbabata?
2 Binigyang-kahulugan ng isang leksikong Griego-Ingles ang Griegong pandiwa para sa “magbata” bilang “manatili sa halip na tumakas . . . manatiling matibay, patuloy na lumaban.” Hinggil sa pangngalang Griego para sa “pagbabata,” sinabi ng isang akdang reperensiya: “Ito ang espiritu na natitiis ang mga bagay, hindi lamang taglay ang buong pagsang-ayon ng kalooban, kundi taglay ang maningas na pag-asa . . . Ito ang katangian na nagpapanatiling nakatayo ang isang tao na ang mukha’y nakaharap sa hangin. Ito ang kagalingan na maaaring bumago sa pinakamahirap na pagsubok upang maging kaluwalhatian sapagkat sa kabila ng hirap ay natatanaw nito ang tunguhin.” Kung gayon, pinangyayari ng pagbabata na ang isa’y makatayong matatag sa harap ng mga hadlang at paghihirap at huwag mawalan ng pag-asa. Sino lalo na ang nangangailangan ng ganitong katangian?
3, 4. (a) Sino ang nangangailangan ng pagbabata? (b) Bakit tayo dapat magbata hanggang wakas?
3 Sa makasagisag na paraan, lahat ng Kristiyano ay kasali sa isang takbuhan na nangangailangan ng pagbabata. Noong mga taóng 65 C.E., isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang kamanggagawa at tapat na kasamahan sa paglalakbay na si Timoteo ang tumitiyak na pananalitang ito: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Sa pagsasabing “natakbo [ko na] ang takbuhin hanggang sa katapusan,” inihahalintulad ni Pablo ang kaniyang buhay bilang isang Kristiyano sa isang takbuhan, na may itinakdang takbuhin at itinakdang katapusan. Nang panahong iyon, matagumpay na papalapit na si Pablo sa dulo ng takbuhan, at siya’y buong-pagtitiwalang nananabik sa pagtanggap ng gantimpala. “Mula ngayon,” patuloy niyang sinabi, “ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon.” (2 Timoteo 4:8) Nakatitiyak si Pablo na matatamo niya ang gantimpala sapagkat nagbata siya hanggang wakas. Kumusta naman tayo?
4 Upang mapasigla yaong sumali sa takbuhan, sumulat si Pablo: “Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Bilang mga Kristiyano, sumali tayo sa takbuhang ito ng pagbabata nang ialay natin ang ating mga sarili sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Importante ang isang magandang pasimula sa takbuhin ng pagiging alagad, subalit ang pinakamahalaga ay ang matapos natin ang takbuhing ito. Nagpahayag si Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Ang gantimpalang naghihintay sa matagumpay na makatatapos sa takbuhan ay buhay na walang hanggan! Kaya nga, taglay sa isip ang isang tunguhin, dapat tayong magbata hanggang wakas. Ano ang makatutulong sa atin upang maabot ang tunguhing iyan?
Tamang Pagkain—Kailangan
5, 6. (a) Upang makapagbata sa takbuhan ukol sa buhay, ano ang dapat nating bigyang-pansin? (b) Anong espirituwal na mga paglalaan ang dapat nating samantalahin, at bakit?
5 Ang lugar na pinagdausan ng bantog na sinaunang Isthmian Games ay malapit sa lunsod ng Corinto, Gresya. Walang-alinlangang batid ni Pablo na pamilyar ang mga kapatid na taga-Corinto sa mga atletikong labanan at iba pang mga paligsahang ginaganap doon. Batay sa kanilang nalalaman, ipinaalaala niya sa kanila ang tungkol sa takbuhan ukol sa buhay na doo’y kasali sila: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito.” Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pananatili sa takbuhan at pagpupumilit na magpatuloy hanggang sa makatapos. Ngunit ano ang tutulong sa kanila upang magawa ito? “Ang bawat tao na nakikibahagi sa isang pakikipaglaban ay nagsasagawa ng pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay,” dagdag niya. Oo, ang mga kalahok sa mga sinaunang palaro ay sumasailalim sa mahigpit na pagsasanay, napakaingat sa kanilang kinakain at iniinom, at kontrolado ang lahat ng ginagawa upang manalo.—1 Corinto 9:24, 25.
6 Kumusta naman ang takbuhang sinalihan ng mga Kristiyano? “Kailangang magbigay-pansin ka sa iyong espirituwal na kinakain upang makapagbata ka sa takbuhan ukol sa buhay,” sabi ng isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan natin kung anong espirituwal na pagkain ang inihanda sa atin ni Jehova, ang “Diyos na naglalaan ng pagbabata.” (Roma 15:5) Ang pangunahing pinagmumulan ng ating espirituwal na pagkain ay ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Hindi kaya dapat na magkaroon tayo ng isang maayos na iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya? Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” naglaan din si Jehova ng napapanahong babasahín na Ang Bantayan at Gumising! at iba pang mga publikasyong salig sa Bibliya. (Mateo 24:45) Ang masikap na pag-aaral sa mga ito ay magpapatibay sa atin sa espirituwal. Oo, dapat tayong maglaan ng panahon—‘bilhin ang naaangkop na panahon’—para sa personal na pag-aaral.—Efeso 5:16.
7. (a) Bakit hindi tayo dapat masiyahan sa basta pagkaalam lamang ng mga saligang doktrinang Kristiyano? (b) Paano tayo maaaring “sumulong tungo sa pagkamaygulang”?
7 Upang makapanatili sa landasin ng pagiging alagad na Kristiyano, kailangang malampasan natin ang saligang “pang-unang doktrina” at “sumulong [tayo] tungo sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Kaya dapat tayong magkaroon ng interes sa “lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan at kumain ng “matigas na pagkain [na] nauukol sa mga taong may-gulang.” (Efeso 3:18; Hebreo 5:12-14) Kuning halimbawa ang apat na maaasahang salaysay hinggil sa buhay ni Jesus sa lupa—ang Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Sa maingat na pag-aaral sa mga ulat na ito ng Ebanghelyo, hindi lamang natin malalaman ang mga ginawa ni Jesus at ang uri ng kaniyang pagkatao kundi mahihinuha rin natin ang takbo ng pag-iisip na siyang nagpakilos sa kaniya. Kung gayon ay maaari nating ‘taglayin ang pag-iisip ni Kristo.’—1 Corinto 2:16.
8. Paano nakatutulong sa atin ang mga Kristiyanong pagpupulong upang makapagbata sa takbuhan ukol sa buhay?
8 Nagpayo si Pablo sa mga kapananampalataya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Isa ngang pinagmumulan ng pampatibay-loob ang mga Kristiyanong pagpupulong! At talaga ngang nakasisiyang makasama ang maiibiging kapatid na interesado sa atin at nagnanais makatulong sa atin na makapagbata hanggang wakas! Tiyak na hindi natin ipagwawalang-bahala ang maibiging paglalaang ito ni Jehova. Sa pamamagitan ng ating masikap na personal na pag-aaral at regular na pagdalo sa pulong, tayo sana’y “maging lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa.”—1 Corinto 14:20.
Mga Tagapanood na Nagpapasigla sa Iyo
9, 10. (a) Sa anong paraan ang mga tagapanood ay nagiging pinagmumulan ng pampatibay-loob sa isang takbuhan ng pagbabata? (b) Ano ang ‘malaking ulap ng mga saksi na nakapalibot sa atin’ na binanggit sa Hebreo 12:1?
9 Gayunman, gaano man kahanda ang isang mananakbo, may mga bagay na maaaring mangyari habang tumatakbo na maaaring magpaudlot sa kaniya. “Kayo ay tumatakbo noon nang mahusay. Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan?” tanong ni Pablo. (Galacia 5:7) Maliwanag, ang ilan sa mga Kristiyanong taga-Galacia ay nadupilas sa masasamang kasama at, bunga nito, sila’y naabala sa kanilang pagtakbo ukol sa buhay. Sa kabilang dako naman, nagiging madali ang pagbabata sa takbuhan dahil sa suporta at pampatibay-loob mula sa iba. Ganitung-ganito ang epekto ng mga tagapanood sa mga kalahok sa isang palaro. Pinupukaw ng masisiglang tagapanood ang katuwaan na nagiging dahilan upang patuloy na mapasigla ang mga kalahok mula sa pasimula hanggang katapusan. Ang masayang hiyawan ng mga nanonood, na kadalasa’y sinasabayan ng malalakas na musika at palakpakan, ay nagbibigay ng kinakailangang sigla sa mga kalahok habang papalapit sila sa katapusan. Oo, ang nagmamalasakit na mga tagapanood ay nakapagbibigay ng positibong impluwensiya sa mga nasa takbuhan.
10 Sa takbuhan ukol sa buhay na sinalihan ng mga Kristiyano, sino ang mga tagapanood? Matapos isa-isahin ang tapat na mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano, gaya ng nakaulat sa ika-11 kabanata ng Hebreo 11, sumulat si Pablo: “Kung gayon nga, sapagkat napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, . . . takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Sa paggamit ng patalinghagang ulap, hindi ginamit ni Pablo ang salitang Griego na naglalarawan sa isang maliwanag na korte ng ulap na may eksaktong laki at hugis. Sa halip ginamit niya ang isa na “nangangahulugan ng isang maulap at walang-hugis na masa na tumatakip sa mga langit,” ayon sa leksikograpong si W. E. Vine. Maliwanag na ang nasa isip ni Pablo ay isang lubhang karamihan ng mga saksi—napakarami anupat sila’y mistulang isang masa ng ulap.
11, 12. (a) Paano masayang humihiyaw sa atin, wika nga, ang mga saksi bago ang panahong Kristiyano, upang takbuhin nang may pagbabata ang takbuhan? (b) Paano tayo lubos na makikinabang sa ‘malaking ulap ng mga saksi’?
11 Ang mga Kristiyanong tapat na mga saksi ba bago ang panahong Kristiyano ay maaaring maging literal na mga tagapanood sa modernong panahon? Malamang na hindi. Sila’y pawang natutulog na sa kamatayan at naghihintay ng pagkabuhay-muli. Gayunman, sila mismo’y naging matagumpay na mananakbo noong sila’y nabubuhay, at ang kanilang halimbawa ay nasa mga pahina pa rin ng Bibliya. Sa ating pag-aaral ng Kasulatan, ang mga tapat na ito’y nagiging buháy sa ating isip at masayang humihiyaw sa atin, wika nga, na takbuhin ang takbuhan hanggang katapusan.—Roma 15:4.a
12 Halimbawa, kapag natutukso tayo sa mga oportunidad sa sanlibutan, hindi kaya tayo mapasigla na magpatuloy sa takbuhan kapag isinaalang-alang natin kung paano tinanggihan ni Moises ang mga karangyaan sa Ehipto? Kung waring matindi ang pagsubok na nakaharap sa atin, ang pag-alaala sa mahirap na pagsubok na kinaharap ni Abraham nang hilingan siyang ihandog ang kaniyang anak na si Isaac ay tiyak na magpapasigla sa atin na huwag sumuko sa paligsahan ng pananampalataya. Kung hanggang saan tayo mapasisigla sa ganitong paraan ng ‘malaking ulap’ na ito ng mga saksi ay nakasalalay sa kung gaano sila kalinaw na nakikita ng ating mata ng unawa.
13. Sa anong paraan pinasisigla tayo ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova na manatili sa takbuhan ukol sa buhay?
13 Tayo man ay napalilibutan din ng napakaraming Saksi ni Jehova sa modernong panahon. Tunay na isa ngang dakilang halimbawa ng pananampalataya ang ipinakita ng pinahirang mga Kristiyano at ng mga lalaki at babae ng “malaking pulutong”! (Apocalipsis 7:9) Sa pana-panahon ay mababasa natin ang mga kasaysayan ng kanilang buhay sa magasing ito at sa iba pang publikasyon ng Watch Tower.b Habang ginugunita natin ang kanilang pananampalataya, tayo’y napatitibay na magbata hanggang wakas. At tunay ngang nakatutuwa na taglay natin ang suporta ng matatalik na kaibigan at mga kamag-anak na naglilingkod din mismo kay Jehova nang buong katapatan! Oo, maraming nagpapasigla sa atin na manatili sa takbuhan ukol sa buhay.
Buong-Katalinuhang Itakda ang Iyong Bilis
14, 15. (a) Bakit mahalaga na matalinong itakda ang ating bilis? (b) Bakit dapat tayong maging makatuwiran sa pagtatakda ng ating mga tunguhin?
14 Kapag tumatakbo sa isang malayong takbuhan, gaya ng maraton, dapat na buong-katalinuhang itakda ng isang mananakbo ang kaniyang bilis. “Kung sa pasimula pa lamang ay bibilisan mo na agad, baka mauwi ito sa iyong pagkatalo,” sabi ng magasing New York Runner. “Ang malamang na maging resulta ay alinman sa paghirapan nang matagal ang natitira pang ilang milya o umayaw na lamang.” Nagunita ng isang mananakbo sa maraton: “Maliwanag na nagbabala ang tagapagsalita sa isang panayam na dinaluhan ko bilang paghahanda sa takbuhan: ‘Huwag humabol sa mas mabibilis na mananakbo. Tumakbo nang ayon sa iyong bilis. Kung hindi ay baka mahirapan ka at kailanganing umayaw na lamang.’ Ang pagsunod sa payong ito ay nakatulong sa akin na tapusin ang takbuhan.”
15 Sa takbuhan ukol sa buhay, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat magsikap nang buong lakas. (Lucas 13:24) Gayunman, sumulat ang alagad na si Santiago: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” (Santiago 3:17) Bagaman maaaring magpasigla sa atin ang mabuting halimbawa ng iba upang gumawa pa nang higit, ang pagiging makatuwiran ay tutulong sa atin na magtakda ng makatotohanang mga tunguhin ayon sa ating mga kakayahan at kalagayan. Nagpapaalaala sa atin ang Kasulatan: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magmataas may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao. Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:4, 5.
16. Paano nakatutulong sa atin ang pagiging mahinhin sa pagtatakda ng ating bilis?
16 Sa Mikas 6:8, inihaharap sa atin ang nakapupukaw-ng-isip na tanong: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi . . . ang maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Kabilang sa pagiging mahinhin ang kabatiran sa ating mga limitasyon. Nililimitahan ba ng paghina ng kalusugan o ng pagtanda ang ating magagawa sa paglilingkod sa Diyos? Hindi tayo dapat masiraan ng loob. Kaayaaya kay Jehova ang ating mga pagsisikap at mga handog ‘ayon sa taglay natin, hindi ayon sa hindi natin taglay.’—2 Corinto 8:12; ihambing ang Lucas 21:1-4.
Tumingin sa Gantimpala
17, 18. Natulungan si Jesus na makapagbata sa pahirapang tulos dahil sa patuloy na pagtingin sa ano?
17 Sa pagsasabi sa mga Kristiyanong taga-Corinto na kailangang magbata sa takbuhan ukol sa buhay, binanggit ni Pablo ang isa pang aspekto ng Isthmian Games na dapat nilang bigyang-pansin. Tungkol sa mga kalahok sa mga palarong iyon, sumulat si Pablo: “Ngayon sila, sabihin pa, ay [tumatakbo] upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang-kasiraan. Kaya nga, ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang-katiyakan; ang paraan ng pagtutuon ko ng mga suntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” (1 Corinto 9:25, 26) Ang gantimpala ng nanalo sa mga sinaunang palarong iyon ay isang korona, o putong, na yari sa pino o iba pang halaman, o yari pa nga sa pinatuyong ligáw na celery—tunay na isang “koronang nasisira.” Gayunman, ano ang naghihintay sa mga Kristiyanong nagbabata hanggang wakas?
18 Bilang pagtukoy sa ating Halimbawa, si Jesu-Kristo, sumulat si apostol Pablo: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Si Jesus ay nakapagbata hanggang wakas ng kaniyang buhay dahil sa hindi niya tiningnan ang kaniyang paghihirap kundi ang kaniyang gantimpala, na dito’y kabilang ang kagalakang taglay niya sa pagtulong niya sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, sa pagtubos sa pamilya ng tao mula sa kamatayan, at sa pamamahala bilang Hari at Mataas na Saserdote habang isinasauli niya ang masunuring mga tao tungo sa walang-hanggang buhay sa paraisong lupa.—Mateo 6:9, 10; 20:28; Hebreo 7:23-26.
19. Ano ang dapat nating pagtuunan ng pansin habang itinataguyod natin ang landasin ng pagiging alagad na Kristiyano?
19 Isaalang-alang ang kagalakang inilalagay sa harapan natin habang itinataguyod natin ang landasin ng pagiging alagad na Kristiyano. Ibinigay sa atin ni Jehova ang lubos na nakasisiyang gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng pagpapabatid sa iba ng nakapagliligtas-buhay na kaalaman mula sa Bibliya. (Mateo 28:19, 20) Tunay na nakatutuwang makatagpo ng sinumang interesado sa tunay na Diyos at matulungan ang isang ito na makasali sa takbuhan ukol sa buhay! At anuman ang maging tugon ng mga taong pinangangaralan natin, isang pribilehiyo na makibahagi sa gawaing may kaugnayan sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Kapag tayo’y nagbabata sa ministeryo sa kabila ng pagwawalang-bahala o pagsalansang sa bahagi ng mga nasa teritoryong pinangangaralan natin, nagagalak tayo na mapasaya ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) At ang dakilang gantimpala na ipinangako niya sa atin ay ang walang-hanggang buhay. Tunay na isang malaking kagalakan iyan! Dapat na laging nakatuon ang ating paningin sa mga pagpapalang iyan at magmatiyaga sa takbuhan.
Habang Papalapit ang Araw
20. Paano lalo nang humihirap ang takbuhan ukol sa buhay habang papalapit ang wakas nito?
20 Sa takbuhan ukol sa buhay, kailangan nating makipaglaban sa ating pangunahing kaaway, si Satanas na Diyablo. Habang papalapit tayo sa katapusan, walang-lubay siya sa pagsisikap na tayo’y maitumba o mapabagal. (Apocalipsis 12:12, 17) At hindi madaling magpatuloy bilang tapat at nakaalay na mga tagapaghayag ng Kaharian dahil sa mga digmaan, taggutom, salot, at lahat ng iba pang mga kahirapan na tanda ng “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4; Mateo 24:3-14; Lucas 21:11; 2 Timoteo 3:1-5) Isa pa, ang katapusan kung minsan ay baka waring malayo pa kaysa sa ating inaasahan, lalo na kung mga dekada na ang nakalipas mula nang sumali tayo sa takbuhan. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na talagang darating ang wakas. Sinasabi ni Jehova na ito’y hindi maaantala. Natatanaw na ang katapusan.—Habacuc 2:3; 2 Pedro 3:9, 10.
21. (a) Ano ang magpapatibay sa atin habang patuloy tayo sa takbuhan ukol sa buhay? (b) Ano ang dapat na determinasyon natin habang papalapit ang wakas?
21 Kung gayon, upang magtagumpay sa takbuhan ukol sa buhay, dapat tayong kumuha ng lakas mula sa inilaan ni Jehova para sa ating espirituwal na kalusugan. Kailangan din natin ang lahat ng pampatibay-loob na makukuha natin sa regular na pakikisama sa ating mga kapananampalataya, na tumatakbo rin sa takbuhan. Kahit na lalo pang maging mahirap ang ating pagtakbo dahil sa matinding pag-uusig at di-inaasahang pangyayari na nararanasan natin, makapagbabata tayo hanggang wakas sapagkat si Jehova ay naglalaan ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Tunay na nakapagpapalakas ng loob na malamang nais ni Jehova na matagumpay nating matapos ang takbuhan! Taglay ang matatag na determinasyon, “takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin,” anupat lubos na nagtitiwala na “sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Hebreo 12:1; Galacia 6:9.
[Mga talababa]
a Para sa isang pagtalakay sa Hebreo 11:1–12:3, tingnan ang Bantayan, Enero 15, 1987, pahina 10-20.
b Ang ilang kamakailang halimbawa ng gayong nakapagpapatibay na mga karanasan ay masusumpungan sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1998, pahina 28-31; Setyembre 1, 1998, pahina 24-8; Pebrero 1, 1999, pahina 25-9.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit tayo dapat magbata hanggang wakas?
◻ Anong mga paglalaan ni Jehova ang hindi natin dapat kaligtaan?
◻ Bakit mahalaga na buong-katalinuhan nating itakda ang ating bilis?
◻ Anong kagalakan ang inilalagay sa harapan natin habang nagpapatuloy tayo sa takbuhan?
[Larawan sa pahina 18]
Kumuha ng pampatibay-loob mula sa mga Kristiyanong pagpupulong