Kabanata 15
Isang Panunumbalik sa Tunay na Diyos
“Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa; kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan din kayo sa isa’t-isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”—Juan 13:34, 35.
1, 2. Ano ang dapat maging epekto ng pag-ibig sa tunay na mga Kristiyano?
SA MGA salitang ito, ay itinatag ni Jesus ang pamantayan para sa mga nag-aangkin na sila’y tunay na mga alagad niya. Ang pag-ibig Kristiyano ay dapat manaig sa lahat ng mga hidwaan ng lahi, lipi, at bansa. Iniuutos nito na ang mga tunay na Kristiyano ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan,” gaya ni Jesus na “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:14, 16; Roma 12:17-21.
2 Papaano ipakikita ng Kristiyano na siya ay “hindi bahagi ng sanlibutan”? Halimbawa, papaano siya dapat kumilos kaugnay ng magulong politika, mga himagsikan, at mga digmaan sa panahong ito? Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Juan kasuwato ng mga salita ni Jesus sa itaas: “Ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kapatid. Sapagkat ito ang bilin na inyong narinig buhat sa pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t-isa.” At ipinaliwanag mismo ni Jesus kung bakit ang kaniyang mga alagad ay hindi nakipagbaka upang iligtas siya, sa pagsasabing: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutan, disi’y nakipagbaka na ang aking mga alipin. . . . Kaya nga, ang kaharian ko ay hindi mula rito.” Bagaman nanganganib ang buhay ni Jesus, ang alitan ay hindi nilutas ng kaniyang mga alagad ayon sa mapagdigmang mga paraan ng sanlibutan.—1 Juan 3:10-12; Juan 18:36.
3, 4. (a) Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa “huling bahagi ng mga kaarawan”? (b) Anong mga tanong ang nangangailangan ng sagot?
3 Mahigit na 700 taon bago kay Kristo, inihula ni Isaias na ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay pipisanin sa tunay na pagsamba ni Jehova at hindi na sila mag-aaral ng pakikidigma. Sinabi niya: “At mangyayari nga na sa huling bahagi ng mga kaarawan ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag sa taluktok ng mga bundok, . . . at doo’y dadagsa ang lahat ng bansa. At tiyak na marami ang paroroon at magsasabi: ‘Halina, tayo’y umahon sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at ituturo niya sa atin ang kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem. At tiyak na hahatulan niya ang mga bansa at itutuwid ang mga bagay-bagay sa gitna ng mga tao. At kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit. Ang bansa ay hindi na magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa sila ng pakikidigma.”a—Isaias 2:2-4.
4 Sa lahat ng relihiyon sa daigdig, alin ang namumukod-tangi sa pagtugon sa mga kahilingang ito? Sino ang tumangging mag-aral ng pakikidigma sa kabila ng mga pagkabilanggo, mga concentration camp, at hatol na kamatayan?
Pag-ibig Kristiyano at Neutralidad
5. Anong ulat hinggil sa Kristiyanong neutralidad ang naitatag ng mga Saksi ni Jehova bilang mga indibiduwal, at bakit?
5 Kilala sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang indibiduwal na salig-sa-budhing paninindigan sa Kristiyanong neutralidad. Sa ika-20 siglong ito ay nagtiis sila ng pagkabilanggo, mga concentration camp, pagpapahirap, pagtatapon, at pag-uusig sapagkat tumanggi sila na isakripisyo ang kanilang pag-ibig at pagkakaisa bilang pandaigdig na kongregasyon ng mga Kristiyano. Noong 1933-45, humigit-kumulang isang libong Saksi ang namatay at libulibo ang nabilanggo sa Nazing Alemanya dahil sa pagtangging makipagtulungan kay Hitler sa digmaan. Gayundin, sa ilalim ni Franco sa dati’y Fasistang Espanya, daandaang kabataang Saksi ang nabilanggo at marami ang gumugol ng tigsasampung taon sa mga bilangguang militar dahil sa hindi pagsasanay sa digmaan. Hanggang sa araw na ito sa maraming bansa, maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nakabilanggo dahil sa Kristiyanong neutralidad. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikialam sa mga pamahalaan sa kanilang mga programang militar. Sa lahat ng mga alitan at digmaan ng ika-20 siglo ang isa sa di-nagbabagong paniwala ng mga Saksi ay ang di-natitinag na Kristiyanong neutralidad sa makapolitikang mga gawain. Ito ang nagtatatak sa kanila bilang tunay na mga tagasunod ni Kristo at nagtatangi sa kanila sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.—Juan 17:16; 2 Corinto 10:3-5.
6, 7. Ano ang naunawaan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa Kristiyanismo?
6 Dahil sa panghahawakan sa Bibliya at sa halimbawa ni Kristo, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova na itinataguyod nila ang pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Nakikilala nila ang pag-ibig ng Diyos na naaaninaw sa buhay at hain ni Jesus. Batid nila na ang tunay na pag-ibig Kristiyano ay nagbubunga ng nagkakaisang pandaigdig na kapatiran—malayo sa mga hidwaan ng politika, lahi, at bansa. Kaya, ang Kristiyanismo ay hindi lamang internasyonal; kundi supranasyonal pa, o hindi nababahagi ng pambansang mga hangganan, pamahalaan, o kapakanan. Para sa kanila ang lahi ng tao ay isang pamilya na may iisang ninuno at iisang Maylikha, ang Diyos na Jehova.—Gawa 17:24-28; Colosas 3:9-11.
7 Samantalang halos lahat ng ibang relihiyon ay nasasangkot sa mga digmaan—kapatid-laban-sa-kapatid at kapuwa-laban-sa-kapuwa—ipinakita ng mga Saksi ni Jehova na kanilang isinasapuso ang hula sa Isaias 2:4, na sinipi sa itaas. ‘Ngunit,’ baka itanong ninyo, ‘saan galing ang mga Saksi ni Jehova? Papaano sila kumikilos?
Mahabang Hanay ng mga Saksi ng Diyos
8, 9. Anong paanyaya ang ipinaabot ng Diyos sa sangkatauhan?
8 Mahigit nang 2,700 taon ngayon, binigkas din ni propeta Isaias ang paanyayang ito: “Hanapin ninyo si Jehova, samantalang siya’y masusumpungan. Manawagan kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit. Hayaang talikdan ng balakyot ang kaniyang daan, at ng liko ang kaniyang maling isipan; hayaan siyang manumbalik kay Jehova, na magpapakita ng awa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y nagpapatawad nang sagana.”—Isaias 55:6, 7.
9 Maraming dantaon pagkaraan nito, nagpaliwanag ang Kristiyanong apostol na si Pablo sa mga Griyego sa Atenas na “lubhang natatakot sa [mitolohikal na] mga diyos”: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang lahat ng bansa, upang sila’y magsitahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinakda niya ang kanikanilang panahon at hangganan ng tirahan, upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya’y maapuhap nila at tunay na masumpungan siya, bagaman ang totoo’y hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:22-28.
10. Papaano natin nalaman na ang Diyos ay hindi malayo kina Adan at Eba at sa kanilang mga anak?
10 Tiyak na hindi naging malayo ang Diyos sa kaniyang mga nilikhang sina Adan at Eba. Nakipag-usap siya at ipinatalastas sa kanila ang kaniyang mga utos at kagustuhan. Bukod dito, hindi ikinubli ng Diyos ang sarili mula sa kanilang mga anak na sina Cain at Abel. Pinayuhan niya ang mapagtanim na si Cain nang mainggit ito sa handog ng kaniyang kapatid sa Diyos. Subalit, sa halip na baguhin ang kaniyang paraan ng pagsamba, nagpakita si Cain ng mapanibugho, relihiyosong di-pagpaparaya at pinaslang ang kapatid niyang si Abel.—Genesis 2:15-17; 3:8-24; 4:1-16.
11. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “martir”? (b) Papaano naging unang martir si Abel?
11 Dahil sa katapatan hanggang kamatayan, si Abel ay naging unang martir.b Siya rin ang naging unang saksi ni Jehova, at tagapagpauna sa mahabang hanay ng tapat na mga saksi sa buong kasaysayan. Kaya nasabi ni Pablo: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog ng isang mas mahalagang hain kaysa kay Cain, at sa pananampalatayang ito ay sinaksihan na siya’y matuwid, at ang Diyos ay sumaksi sa kaniyang mga kaloob; at dahil dito siya, bagaman patay na, ay nagsasalita pa.”—Hebreo 11:4.
12. Sino pa ang mga halimbawa ng tapat na mga saksi ni Jehova?
12 Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, sunudsunod na itinatala ni Pablo ang mga tapat na lalaki at babae, gaya nina Noe, Abraham, Sara, at Moises, na, dahil sa kanilang integridad, ay naging isang ‘makapal na ulap ng mga saksi [Griyego, mar·tyʹron]’ na nagsilbing halimbawa at pampatibay-loob sa ibang nagnanais makakilala at makapaglingkod sa tunay na Diyos. Sila’y mga lalaki at babae na nakipag-ugnayan sa Diyos na Jehova. Siya ay hinanap at nasumpungan nila.—Hebreo 11:1–12:1.
13. (a) Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos? (b) Sa anong pantanging paraan naging halimbawa si Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
13 Namumukod-tangi sa mga saksing ito ay yaong isa na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis, “Si Jesu-Kristo, ‘ang Tapat na Saksi.’ ” Si Jesus ay isa pang maliwanag na katibayan ng pag-ibig ng Diyos, sapagkat ayon kay Juan: “Tayo mismo ay nakakita at sumasaksi na isinugo ng Ama ang kaniyang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang sinomang magpapahayag na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, ay magiging kaisa ng Diyos at ang Diyos ay kaisa niya. At tayo sa ganang sarili ay nakakilala at sumampalataya sa pag-ibig ng Diyos sa atin.” Isinilang na Judio, si Jesus ay naging isang tunay na saksi at namatay bilang martir na tapat sa kaniyang Ama, si Jehova. Lahat ng mga tunay na tagasunod ni Kristo ay magiging mga saksi rin niya at ng tunay na Diyos, si Jehova.—Apocalipsis 1:5; 3:14; 1 Juan 4:14-16; Isaias 43:10-12; Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.
14. Anong tanong ang nangangailangan ngayon ng sagot?
14 Ipinahiwatig ng hula ni Isaias na ang panunumbalik sa tunay na Diyos, si Jehova, ay magaganap sa “huling bahagi ng mga kaarawan,” o ayon sa ibang bahagi ng Bibliya ay “mga huling araw.”c Dahil sa pagkasarisari at kalituhan sa relihiyon na inilarawan sa aklat na ito, ang tanong ay bumabangon: Sa mga huling araw na ito sino ang talagang naghanap sa tunay na Diyos, upang paglingkuran siya “sa espiritu at katotohanan”? Para masagot ito, dapat muna nating ibaling ang pansin sa mga pangyayari noong ika-19 na siglo.—Isaias 2:2-4; 2 Timoteo 3:1-5; Juan 4:23, 24.
Isang Binata na Naghanap sa Diyos
15. (a) Sino si Charles Taze Russell? (b) Ano ang ilan sa kaniyang mga relihiyosong pag-aalinlangan?
15 Noong 1870 isang masigasig na binata, si Charles Taze Russell (1852-1916), ay nagsimulang magtanong hinggil sa tradisyonal na mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Bilang kabataan, siya ay nagtrabaho sa tindahan ng mga damit-panlalaki na pag-aari ng kaniyang ama sa maunlad na industriyalisadong lungsod ng Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania, E.U.A. Ang relihiyon niya ay Presbiteryano at Congregational. Ngunit niligalig siya ng turo ng pagtatadhana at walang-hanggang pahirap sa apoy-ng-impiyerno. Bakit siya nag-alinlangan sa mga saligang turong ito ng Sangkakristiyanuhan? Sinabi niya: “Hindi maituturing na matalino at maibigin ang isang Diyos na gumagamit ng kapangyarihan sa paglikha ng tao na patiuna nang naitadhana sa walang-hanggang pahirap. Ang pamantayan niya ay magiging mas mababa pa kaysa sa pamantayan ng maraming tao.”—Jeremias 7:31; 19:5; 32:35; 1 Juan 4:8, 9.
16, 17. (a) Anong mga turo ang lubhang nakaakit sa interes ng grupo ni Russell sa pag-aaral ng Bibliya? (b) Anong mahigpit na pagtatalo ang bumangon, at papaano tumugon si Russell?
16 Bagaman wala pang beinte-anyos, itinatag ni Russell ang isang lingguhang grupo ng pag-aaral sa Bibliya kasama ng ibang binata. Sinimulan nilang suriin ang iba’t-ibang paksa sa Bibliya, gaya ng kaluluwang di-namamatay at maging ang haing pantubos at ikalawang pagparito ni Kristo. Noong 1877, sa edad na 25, ipinagbili ni Russell ang kaniyang parté sa maunlad na negosyo ng kaniyang ama at sinimulan ang buong-panahong karera ng pangangaral.
17 Noong 1878 si Russell ay mahigpit na nakipagtalo sa isa niyang kapanalig na ayaw maniwalang ang kamatayan ni Kristo ang tutubos sa mga pagkakasala. Bilang pagpapabulaan ay ganito ang isinulat ni Russell: “Napakaraming mabubuting bagay ang nagawa para sa atin ng kamatayan at pagkabuhay-na-muli ni Kristo. Siya ang kahalili natin sa kamatayan; namatay siyang matuwid alang-alang sa di-matuwid—lahat ay di-matuwid. Sa biyaya ng Diyos ay lumasap si Jesu-Kristo ng kamatayan alang-alang sa bawat tao. . . . Siya ang naging autor ng walang-hanggang kaligtasan para sa lahat ng tatalima sa kaniya.” Nagpatuloy siya: “Ang pagtubos ay pagbili. Ano ang binili ni Jesus para sa lahat ng tao? Buhay. Naiwala natin ito nang sumuway ang unang Adan. Ito ay binili ng ikalawang Adan [si Kristo] sa pamamagitan ng sarili niyang buhay.”—Marcos 10:45; Roma 5:7, 8; 1 Juan 2:2; 4:9, 10.
18. (a) Ano ang sumunod sa pagtatalo sa pantubos? (b) Anong huwaran ang sinusunod ng mga Bible Students hinggil sa abuloy?
18 Palibhasa’y matatag na tagapagtaguyod ng doktrina ng pantubos, pinutol ni Russell ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa dating kapanalig na ito. Noong Hulyo 1879 sinimulan ni Russell na ilathala ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, kilala sa buong daigdig ngayon bilang Ang Bantayan—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Noong 1881, siya at ang iba pang naaalay na Kristiyano, ay nagtatag ng isang nonprofit Bible Society. Tinawag ito na Zion’s Watch Tower Tract Society, kilala ngayon bilang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ang legal na ahensiya ng mga Saksi ni Jehova. Sa pasimula pa, ay iginiit ni Russell na hindi dapat mangilak ng abuloy sa mga pulong ng kongregasyon ni sa pamamagitan ng mga publikasyon ng Watch Tower. Ang mga sumali kay Russell sa dibdibang pag-aaral ng Bibliya ay nakilala lamang bilang mga Bible Students.
Panunumbalik sa Katotohanan ng Bibliya
19. Aling mga turo ng Sangkakristiyanuhan ang tinanggihan ng mga Bible Students?
19 Bunga ng pag-aaral sa Bibliya tinanggihan nina Russell ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan na gaya ng “Santisima Trinidad,” likas na kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang-hanggang pahirap sa apoy-ng-impiyerno. Tinanggihan din nila ang pagkakaroon ng isang uring klero na sinanay-sa-seminaryo. Hinangad nilang manumbalik sa payak na pasimula ng Kristiyanismo, na doon ang mangunguna sa mga kongregasyon ay mga matatandang kuwalipikado-sa-espirituwal na hindi umaasa ng suweldo o kabayaran.—1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9.
20. Ano ang natuklasan ng mga Bible Students hinggil sa pa·rou·siʹa ni Kristo at sa 1914?
20 Sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, naging lubhang interesado ang mga Bible Students sa mga hula ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan hinggil sa “katapusan ng sanlibutan” at sa “pagdating” ni Kristo. (Mateo 24:3, KJ) Sa pagsisiyasat sa tekstong Griyego, natuklasan nila na ang “pagparito” pala ni Kristo ay isang “pa·rou·siʹa,” o di-nakikitang pagkanaririto. Kaya, ang mga alagad ay pinahiwatigan ni Kristo hinggil sa ebidensiya ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa panahon ng kawakasan, hindi sa isang hinaharap na makikitang pagparito. Kasabay ng pag-aaral na ito, ang mga Bible Students ay nagkaroon ng marubdob na hangarin na maunawaan ang kronoloniya ng Bibliya kaugnay ng pagkanaririto ni Kristo. Bagaman hindi naunawaan ang lahat ng detalye, natalos nina Russell na ang 1914 ay magiging isang napakahalagang petsa sa kasaysayan ng tao.—Mateo 24:3-22; Lucas 21:7-33, Int.
21. Anong pananagutan ang nadama nina Russell at ng kaniyang mga kapuwa mananampalataya?
21 Batid ni Russell na isang malawak na gawaing pangangaral ang dapat isagawa. Alam niya ang mga salita ni Jesus na iniulat ni Mateo: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Bago pa ang 1914 ay nadama na ng mga Bible Students ang pagiging apurahan ng kanilang gawain. Naniwala sila na ang pangangaral ay magtatapos sa taóng yaon, kaya dapat nilang gugulin ang buong lakas sa pagtulong sa iba na matutuhan “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” Hindi nagtagal, ang mga sermon ni C. T. Russell sa Bibliya ay nailathala sa libulibong pahayagan sa buong daigdig.
Mga Pagsubok at mga Pagbabago
22-24. (a) Ano ang reaksiyon ng karamihan ng mga Bible Students nang mamatay si C. T. Russell? (b) Sino ang humalili kay Russell bilang pangulo ng Samahang Watch Tower?
22 Noong 1916 biglang namatay si Charles Taze Russell sa edad na 64, sa gitna ng isang nangangaral na paglalakbay sa buong Estados Unidos. Ano ang mangyayari sa mga Bible Students? Hihinto ba sila na waring sila’y tagasunod lamang ng isang tao? Papaano nila haharapin ang mga pagsubok ng Digmaang Pandaigdig I (1914-18), isang lansakang pagpatay na magsasangkot sa Estados Unidos?
23 Ang reaksiyon ng karamihan ng mga Bible Students ay inilalarawan ng mga salita ni W. E. Van Amburgh, isang opisyal ng Samahang Watch Tower: “Ang dakilang pandaigdig na gawaing ito ay hindi gawa ng isang tao. Lubhang napakadakila nito para sa iisang tao. Ito’y gawain ng Diyos at ito’y hindi nagbabago. Noong nakaraan ay gumamit ang Diyos ng iba’t-ibang lingkod at walang-alinlangan na gagamit pa Siya ng marami sa hinaharap. Ang ating pagkakatalaga ay hindi sa isang tao, o sa gawain ng tao, kundi sa pagtupad ng layunin ng Diyos, na isisiwalat Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at ng banal na pagpatnubay. Diyos pa rin ang may hawak ng timon.”—1 Corinto 3:3-9.
24 Noong Enero 1917 si Joseph F. Rutherford, isang abogado at taimtim na estudyante ng Bibliya, ay nahalal na pangalawang pangulo ng Samahang Watch Tower. Siya’y may dinamikong personalidad at hindi madaling takutin. Batid niya na ang Kaharian ng Diyos ay dapat maipangaral.—Marcos 13:10.
Panibagong Sigla at Isang Bagong Pangalan
25. Papaano tumugon ang mga Bible Students sa hamon na lumitaw noong mga taon pagkaraan ng unang digmaang pandaigdig?
25 Ang mga kombensiyon ay inorganisa ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos noong 1919 at 1922. Pagkatapos ng pag-uusig na bunga ng Digmaang Pandaigdig I sa Estados Unidos, waring Pentekostes na naman para sa iilang libong Bible Students noon. (Gawa 2:1-4) Sa halip na madaig ng takot sa tao, tinanggap nila nang may ibayong sigasig ang panawagan ng Bibliya na humayo at mangaral. Noong 1919 inilathala ng Samahang Watch Tower ang katambal na magasin ng Bantayan na tinawag na The Golden Age, kilala sa buong daigdig ngayon bilang Gumising! Naging mabisang kasangkapan ito sa paggising sa mga tao sa kahulugan ng mga pangyayari ngayon at sa pagpapatibay ng tiwala sa pangako ng Maylikha ukol sa isang mapayapang bagong sanlibutan.
26. (a) Anong pananagutan ang lalong idiniin ng mga Bible Students? (b) Anong mas malinaw na unawa sa Bibliya ang tinanggap ng mga Bible Students?
26 Noong mga 1920 at 1930, lalo pang idiniin ng mga Bible Students ang sinaunang Kristiyanong paraan ng pangangaral—sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Bawat mananampalataya ay dapat magpatotoo sa pinakamaraming tao hinggil sa pamamahala ng Kaharian ni Kristo. Mula sa Bibliya ay lalo nilang naliwanagan na ang dakilang isyu na nakaharap sa sangkatauhan ay ang pansansinukob na soberanya at na ito’y lulutasin ng pagdurog ng Diyos na Jehova kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mapanirang gawa sa lupa. (Roma 16:20; Apocalipsis 11:17, 18) Sa konteksto ng isyung ito ay napahalagahan nila na ang kaligtasan ng tao ay pangalawa lamang sa pagbabangong-puri sa Diyos bilang matuwid na Soberano. Kaya, sa lupa ay dapat magkaroon ng tapat na mga saksi na handang magpatotoo sa mga layunin at pagiging-kataastaasan ng Diyos. Papaano nasapatan ang pangangailangang ito?—Job 1:6-12; Juan 8:44; 1 Juan 5:19, 20.
27. (a) Anong mahalagang pangyayari ang naganap noong 1931? (b) Ano ang ilan sa natatanging paniwala ng mga Saksi?
27 Noong Hulyo 1931 ay nagdaos ang mga Bible Students ng isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, at ang libulibong dumalo ay nagtibay ng isang resolusyon. Doo’y buong-kagalakan nilang niyakap “ang pangalan na nagmula mismo sa bibig ng Panginoong Diyos,” at ipinahayag nila: “Hangad naming makilala at matawag sa pangalang ito, alalaong baga, ‘mga saksi ni Jehova.’ ” Mula noon, ang mga Saksi ni Jehova ay napabantog sa buong daigdig hindi lamang dahil sa kanilang natatanging mga paniwala kundi dahil din sa kanilang masigasig na ministeryo sa bahay-bahay at sa lansangan.—Isaias 43:10-12; Mateo 28:19-20; Gawa 1:8.
28. Noong 1935 anong mas malinaw na unawa ang tinanggap ng mga Saksi hinggil sa pamamahala ng Kaharian?
28 Noong 1935, ang mga Saksi ay tumanggap ng mas malinaw na unawa hinggil sa mga uring makalangit na maghaharing kasama ni Kristo, at ang kanilang mga sakop sa lupa. Alam nila na ang bilang ng pinahirang mga Kristiyano na tinawag upang magharing kasama ni Kristo sa langit ay 144,000 lamang. Kaya, ano ang pag-asa ng karamihan sa sangkatauhan? Ang isang pamahalaan ay nangangailangan ng mga sakop upang bigyang-matuwid ang pag-iral nito. Ang makalangit na pamahalaan, ang Kaharian, ay magkakaroon din ng milyunmilyong masunuring sakop sa lupa. Sila ang “malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinomang tao, mula sa lahat ng bansa at angkan at bayan at wika,” na sumisigaw ng: “Kaligtasan ay utang namin sa Diyos [si Jehova], na nakaluklok sa trono, at sa Kordero [si Kristo Jesus].”—Apocalipsis 7:4, 9, 10; 14:1-3; Roma 8:16, 17.
29. Anong hamon ang naunawaan at tinanggap ng mga Saksi?
29 Dahil sa unawang ito hinggil sa malaking pulutong, nakita ng mga Saksi ni Jehova ang malaking hamon na nasa harapan nila—hanapin at turuan ang milyunmilyong naghahanap sa tunay na Diyos at na bubuo sa “malaking pulutong.” Magsasangkot ito ng isang pandaigdig na kampanya ng edukasyon. Mangangailangan ito ng mga sanay na tagapagsalita at ministro. Kakailanganin ang mga paaralan. Lahat ng ito ay nakinikinita ng susunod na pangulo ng Samahang Watch Tower.
Pandaigdig na Paghahalughog sa mga Naghahanap sa Diyos
30. Noong 1930 at 1940 anong mga pangyayari ang nakaapekto sa mga Saksi?
30 Noong 1931 wala pang 50,000 ang mga Saksi sa mga lupain na kulang pa sa 50 ang bilang. Ang mga pangyayari noong mga 1930 at 1940 ay nagpahirap sa kanilang pangangaral. Nasaksihan ng yugtong ito ang pagbangon ng Fasismo at Nazismo at ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II. Namatay si J. F. Rutherford noong 1942. Kailangan ng Samahang Watch Tower ang masigasig na pangunguna na magbibigay ng higit na puwersa sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova.
31. Ano ang sinimulan noong 1943 na magpapalawak sa pangangaral ng mabuting balita?
31 Noong 1942, sa edad na 36, napili si Nathan H. Knorr bilang pangatlong presidente ng Samahang Watch Tower. Siya’y isang masigasig na organisador na may malalim na unawa sa pangangailangan na maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig sa pinakamabilis na paraan, bagaman ang mga bansa ay nasasangkot pa sa Digmaang Pandaigdig II. Bunga nito, ipinatupad niya agad ang plano para sa isang paaralan na magsasanay ng mga misyonero, ang Watchtower Bible School of Gilead.d Ang unang isandaang estudyante, pawang buong-panahong ministro, ay itinala noong Enero 1943. Ang Bibliya at kaugnay na mga asignatura sa ministeryo ay masusi nilang pinag-aralan sa loob ng halos anim na buwan bago sila isinugo sa kanilang mga atas sa ibang mga bansa. Hanggang 1990, 89 na klase na ang nakapagtapos, at libulibong ministro ang nakapanggaling sa Gilead upang maglingkod sa buong daigdig.
32. Anong pagsulong ang nagawa ng mga Saksi ni Jehova mula noong 1943?
32 Noong 1943 ay 126,329 lamang ang mga Saksing nangangaral sa 54 bansa. Sa kabila ng makahayop na pagsalansang ng Nazismo, Fasismo, Komunismo, Aksiyong Katoliko at pati na ng di-umano’y mga demokrasya noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova noong 1946 ay umabot sa pinakamataas na bilang na 176,000 mangangaral ng Kaharian. Pagkaraan ng apatnapu’t-apat na taon, halos apat na milyon na ang aktibo sa mahigit na 200 lupain, kapuluan, at teritoryo. Tiyak na tumulong ang kanilang maliwanag na pagkakakilanlan sa pangalan at kilos upang sila ay mapatanyag sa buong daigdig. Subalit may iba pang mga salik na lubhang nakaimpluwensiya sa pagiging-mabisa nila.—Zacarias 4:6.
Isang Organisasyon ng Edukasyon sa Bibliya
33. Bakit may mga Kingdom Hall ang mga Saksi ni Jehova?
33 Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng lingguhang mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya sa kanilang mga Kingdom Hall na ginagamit ng mahigit na 60,000 kongregasyon sa buong daigdig. Ang mga pulong na ito ay hindi salig sa rituwal o emosyon kundi sa pagkakamit ng tumpak na kaalaman ng Diyos, ng kaniyang Salita, at mga layunin. Kaya, makaitlo bawat linggo ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasamasama upang palawakin ang kanilang unawa sa Bibliya at matuto kung papaano ipangangaral at ituturo ang mensahe nito.—Roma 12:1, 2; Filipos 1:9-11; Hebreo 10:24, 25.
34. Ano ang layunin ng Paaralan sa Teokratikong Pagmiministro?
34 Halimbawa, sa isang pulong sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kabilang ang Paaralan sa Teokratikong Pagmiministro, na kung saan nagpapatala ang mga miyembro ng kongregasyon. Ang paaralan, na pinangangasiwaan ng isang kuwalipikadong matandang Kristiyano, ay nagsasanay ng mga lalaki, babae, at bata sa sining ng pagtuturo at pagpapahayag-sa-sarili kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Sinabi ni apostol Pablo: “Maging magiliw nawa ang inyong pananalita, may lasang asin, upang malaman ninyo kung papaano sasagutin ang bawat isa.” Sa kanilang mga pagtitipong Kristiyano, natututo rin ang mga Saksi kung papaano ipapahayag ang mensahe ng Kaharian “nang may hinahon at pagpipitagan.”—Colosas 4:6; 1 Pedro 3:15.
35. Ano pa ang ibang mga pulong ng mga Saksi, at ano ang mga pakinabang nito?
35 Sa iba namang araw, ang mga Saksi ay nagtitipon din para sa isang 45-minutong diskurso sa Bibliya na sinusundan ng isang oras na talakayan ng kongregasyon (sa pamamagitan ng tanong-at-sagot) sa isang tema sa Bibliya tungkol sa Kristiyanong pagtuturo o paggawi. Malayang nakikibahagi ang mga miyembro ng kongregasyon. Bawat taon ang mga Saksi ay dumadalo rin sa tatlong mas malalaking pulong, asamblea at kombensyon sa loob ng isa hanggang apat na araw, na karaniwang dinadaluhan ng libulibo upang makinig sa mga diskurso sa Bibliya. Dahil sa walang-bayad na mga pagtitipong ito, napatatalas ng bawat Saksi ang kaalaman niya sa mga pangako ng Diyos sa lupa at sa tao bukod pa sa pagkakamit ng napakahusay na edukasyon sa Kristiyanong moral. Bawat isa ay lalong napapalapit sa tunay na Diyos, si Jehova, dahil sa pagsunod sa mga turo at halimbawa ni Kristo Jesus.—Juan 6:44, 65; 17:3; 1 Pedro 1:15, 16.
Papaano Inoorganisa ang mga Saksi?
36. (a) Ang mga Saksi ba ay may uring klero na suwelduhan? (b) Sino, kung gayon, ang nangunguna sa kongregasyon?
36 Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay may mga pagtitipon at organisado sila sa pangangaral, makatuwiran lamang na may dapat manguna. Gayunman, wala silang suwelduhang uring klero at wala rin silang tinitingalang karismatikong lider. (Mateo 23:10) Sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo na walang bayad, ibigay ninyo na walang bayad.” (Mateo 10:8; Gawa 8:18-21) Sa bawat kongregasyon, may matatanda at ministeryal na lingkod na kuwalipikado-sa-espirituwal, marami ay may hanapbuhay at may pamilya, na kusang-loob na nangunguna sa pagtuturo at pangangasiwa sa kongregasyon. Ito mismo ang huwaran na inilaan ng mga unang siglong Kristiyano.—Gawa 20:17; Filipos 1:1; 1 Timoteo 3:1-10, 12, 13.
37. Papaano hinihirang ang matatanda at ministeryal na lingkod?
37 Papaano hinihirang ang matatanda at ministeryal na lingkod? Ito ay ginagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lupong tagapamahala na binubuo ng pinahirang matatanda mula sa iba’t-ibang lupain na ang tungkulin ay kahawig niyaong lupon ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem na nanguna sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Gaya ng ipinakita sa Kabanata 11, wala isa mang apostol ang itinuring na nakatataas sa iba. Nagpasiya sila bilang isang lupon, at ang mga ito ay iginalang ng mga kongregasyon na nakakalat sa sinaunang daigdig Romano.—Gawa 15:4-6, 22, 23, 30, 31.
38. Papaano kumikilos ang Lupong Tagapamahala?
38 Ito rin ang kaayusan na sinusunod ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Nagtitipon sila bawat linggo sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, Nueba York, at mula roon ang mga tagubilin ay ipinadadala sa mga Komite ng Sangay sa buong daigdig na nangangasiwa sa gawaing ministeryal ng bawat bansa. Sa pagsunod sa halimbawa ng unang mga Kristiyano, narating ng mga Saksi ni Jehova ang malalawak na bahagi ng lupa sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang gawaing ito ay nagpapatuloy sa pandaigdig na antas.—Mateo 10:23; 1 Corinto 15:58.
Nagdadagsaan sa Tunay na Diyos
39. (a) Bakit neutral ang mga Saksi sa mga isyu ng politika? (b) Papaano lumago ang mga Saksi sa ilalim ng pagbabawal?
39 Sa ika-20 siglo, ang mga Saksi ni Jehova ay lumago sa buong daigdig. Totoo rin ito maging sa mga lupain na doo’y may pagbabawal o paghihigpit. Ang mga pagbabawal ay pangunahin nang nagmumula sa mga rehimen na hindi nakakaunawa sa neutral na katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa politika at nasyonalismo. (Tingnan ang kahon, pahina 347.) Subalit, sa mga lupaing ito, libulibong tao ang bumaling sa Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa sa kapayapaan at katiwasayan. Sa karamihan ng bansa, isang napakalaking patotoo ang naibigay, at ngayon ay milyunmilyon na ang aktibong Saksi sa lahat ng dako.—Tingnan ang tsart, pahina 361.
40, 41. (a) Ano ngayon ang hinihintay ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong tanong ang dapat pang sagutin?
40 Taglay ang pag-ibig Kristiyano at ang pag-asa sa “bagong langit at bagong lupa,” ang mga Saksi ni Jehova ay nakatanaw sa malapit na hinaharap ukol sa yumayanig-sa-daigdig na mga pangyayari na papawi sa pang-aapi, katiwalian, at kalikuan sa lupa. Kaya patuloy nilang dadalawin ang mga tao sa taimtim na pagsisikap na tulungan ang mga tapat-puso na mapalapit sa tunay na Diyos, si Jehova.—Apocalipsis 21:1-4; Marcos 13:10; Roma 10:11-15.
41 Samantala, ayon sa hula ng Bibliya, ano ba ang inilalaan ng hinaharap para sa tao, para sa relihiyon, at para sa nadumhang lupang ito? Ang huling kabanata ay sasagot sa mahalagang tanong na ito.—Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:11-14.
[Mga talababa]
a Ang huling dalawang pangungusap na ito ay nasa “Pader ni Isaias” sa harap ng mga gusali ng UN at maging sa isang estatwa at mga hardin ng UN, kaya ang pagtupad nito ay isa sa tunguhin ng UN.
b Ang salitang Griyego na marʹtyr, pinagkunan ng salitang Ingles na “martyr” (“isang sumasaksi sa pamamagitan ng kamatayan,” An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine), ay aktuwal na nangangahulugan ng “saksi” (“isa na nagpapatotoo o makapagpapatotoo, ng kaniya mismong nakita o narinig o nalaman sa iba pang paraan,” A Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer).
c Para sa detalyadong pagsasaalang-alang ng “mga huling araw,” tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1983, kabanata 18.
d Ang Gilead, mula sa Hebreong Gal·‛edh, ay nangangahulugang “Bunton ng Patotoo.” Tingnan din ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 882, 942.—Genesis 31:47-49.
[Kahon sa pahina 347]
Kristiyanong Neutralidad sa Paganong Roma
Kasuwato ng mga simulain ng pag-ibig at kapayapaan na itinuro ni Jesus, at salig sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang mga sinaunang Kristiyano ay tumangging sumali sa mga digmaan o sa pagsasanay dito. Sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutan, disi’y nakipagbaka ang aking mga alipin upang ako’y huwag maihatid sa mga Judio. Kaya nga, ang kaharian ko ay hindi mula rito.”—Juan 18:36.
Noong 295 C.E., si Maximiliano ng Theveste, anak ng isang Romanong beterano ng hukbo, ay tinawag para magsundalo. Nang itanong ng proconsul ang pangalan niya, siya ay sumagot: “Aba, bakit ninyo gustong malaman ang pangalan ko? Tutol ang aking budhi sa pagsusundalo: Ako ay isang Kristiyano. . . . Hindi ako makapaglilingkod; hindi ko maaaring labagin ang aking budhi.” Nagbabala ang proconsul na manganganib ang kaniyang buhay kung hindi siya susunod. “Hindi ako maglilingkod. Kahit pugutan ninyo ako ng ulo, hindi ako maglilingkod sa mga kapangyarihan ng Sanlibutang Ito; Ako ay maglilingkod sa aking Diyos.”—An Historian’s Approach to Religion, ni Arnold Toynbee.
Sa makabagong panahon, ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay umakay sa indibiduwal na mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na sundin ang ibinubulong ng kaniyang budhi upang kumuha ng ganito ring paninindigan. Sa ilang bansa marami ang nagbayad ng sukdulang halaga, lalo na sa Nazing Alemanya, na kung saan sila’y binaril, binitay, at pinugutan ng ulo noong Digmaang Pandaigdig II. Subalit ang kanilang pandaigdig na pagkakaisa, salig sa pag-ibig Kristiyano, ay hindi kailanman nasira. Walang sinoman ang pinatay sa digmaan ng isang Kristiyanong Saksi ni Jehova. Ibang-iba sana ang naging kasaysayan ng daigdig kung bawat nag-aangking Kristiyano ay namuhay lamang ayon sa tuntunin ni Kristo sa pag-ibig!—Roma 13:8-10; 1 Pedro 5:8, 9.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 356, 357]
Kung Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova
Tanong: Ano ang kaluluwa?
Sagot: Sa Bibliya ang kaluluwa (Hebreo, neʹphesh; Griyego, psy·kheʹ) ay isang tao o hayop, o ang buhay na tinatamasa ng isang tao o hayop.
“At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kanikaniyang uri, maaamong hayop at umuusad na hayop at mabangis na hayop sa lupa ayon sa kanikaniyang uri.’ At sinimulan ng Diyos na Jehova na hubugin ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang buháy.”—Genesis 1:24; 2:7.
Ang mga hayop at ang tao AY mga kaluluwang buháy. Ang kaluluwa ay hindi isang bagay na umiiral nang hiwalay. Maaari itong mamatay at talagang ito ay namamatay. “Narito! Lahat ng kaluluwa—ay sa akin. Kung papaano ang kaluluwa ng ama ay gayon din ang kaluluwa ng anak—ay sa akin. Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
Tanong: Ang Diyos ba ay isang Trinidad?
Sagot: Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Jehova ang walang-kapantay na Soberanong Panginoon ng sansinukob. “Dinggin, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) Bilang Salita, si Kristo Jesus ay isang espiritung nilalang na naparito sa lupa bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Siya ay nasasakop ni Jehova. “Ngunit kung ang lahat ng bagay ay maipasakop na sa kaniya [kay Kristo], kung magkagayon ang Anak mismo ay magpapasakop din sa Kaniya na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”—1 Corinto 15:28; tingnan din ang Mateo 24:36; Marcos 12:29; Juan 1:1-3, 14-18; Colosas 1:15-20.
Ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos, o kumikilos na enerhiya, hindi isang persona.—Gawa 2:1-4, 17, 18.
Tanong: Ang mga Saksi ni Jehova ba ay sumasamba o nagbibigay-galang sa mga idolo?
Sagot: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa anomang anyo ng idolatriya, nagsasangkot man ito ng mga idolo, tao, o organisasyon.
“Alam natin na ang diyusdiyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. Sapagkat bagaman maraming tinatawag na ‘mga diyos,’ sa langit man o sa lupa, kung papaanong maraming ’mga diyos’ at ‘mga panginoon,’ sa ganang atin ay may isang Diyos na Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng bagay, at tayo’y sa kaniya; at may isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na lahat ng bagay ay sa pamamagitan niya, at tayo’y sa pamamagitan niya.”—1 Corinto 8:4-6; tingnan din ang Awit 135:15-18.
Tanong: Ang mga Saksi ni Jehova ba’y nagdaraos ng Misa o Komunyon?
Sagot: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala sa transubstansasyon, isang turong Romano Katoliko. Ipinagdiriwang nila ang Hapunan ng Panginoon sa petsa na katapat ng Judiong Nisan 14 (karaniwan na’y Marso o Abril) bilang taunang alaala ng kamatayan ni Kristo. Sa pagtitipong ito ay inililibot sa kongregasyon ang tinapay na walang lebadura at mapulang alak bilang sagisag ng walang-salang katawan at inihaing dugo ni Kristo. Ang nakikibahagi sa mga sagisag ay yaon lamang mga umaasang maghahari na kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Marcos 14:22-26; Lucas 22:29; 1 Corinto 11:23-26; Apocalipsis 14:1-5.e
[Mga larawan]
Palagiang nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa mga Kingdom Hall upang mag-aral ng Bibliya
Mga Kingdom Hall: Ichihara City, Hapon (kabilang pahina), at Boituva, Brazil
[Mga talababa]
e Para sa karagdagang pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1986, pahina 243-7.
[Chart sa pahina 361]
Ilan sa mga Bansa na Doo’y Nangangaral ang mga Saksi
Bansa Mga Aktibong Saksi
Alemanya, F. R. 129,000
Arhentina 79,000
Australiya 51,000
Brazil 267,000
Britanya 117,000
Canada 98,000
Colombia 42,000
El Salvador 18,000
Espanya 78,000
E.U.A. 818,000
Gresya 24,000
Hapón 138,000
Hunggriya 10,000
Indiya 9,000
Italya 172,000
Korea 57,000
Lebanon 2,500
Mehiko 277,000
Nigeria 137,000
Pilipinas 102,000
Pinlandiya 17,000
Polandiya 91,000
Portugal 36,000
Pransiya 109,000
Puerto Rico 24,000
Timog Aprika 46,000
Venezuela 47,000
Zambia 72,000
36 may pagbabawal 220,000
1989 Pandaigdig na Ulat 60,192 Kongregasyon 3,787,000 Saksi
[Mga larawan sa pahina 346]
Sinasabi ng estatwa ng kapayapaan ng UN: “Papandayin namin ang aming mga tabak upang maging sudsod”; ibinibigay ng “Pader ni Isaias” ang teksto ng Bibliya
[Larawan sa pahina 351]
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa haing pantubos ni Kristo para sa pagkakasala ng tao
[Mga larawan sa pahina 363]
Mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova: Bulwagan sa East Pennines, Ingglatiyera, kung tatanawin mula sa itaas
Assembly Hall, Fort Lauderdale, Florida, E.U.A., para sa mga programang Ingles, Kastila, at Pranses
[Mga larawan sa pahina 364]
Pandaigdig na Punong-tanggapan ng Watch Tower Society, Nueba York; mga tanggapan, palimbagan, at tirahan
[Mga larawan sa pahina 365]
Mga Tanggapang Pansangay ng Watch Tower (mula itaas sa kaliwa) sa Timog Africa, Espanya, at Nueba Zelandiya