Lubusan Ka Bang Sumusunod sa Kristo?
“Gaya nga ng inyong paglakad, . . . patuloy ninyong gawin iyon nang lubus-lubusan.”—1 TES. 4:1.
1, 2. (a) Anong dakilang mga bagay ang nasaksihan ng maraming tao noong panahon ni Jesus? (b) Bakit masasabing kapana-panabik din ang ating panahon sa ngayon?
SUMAGI na ba sa isip mo na sana’y buháy ka na noong narito si Jesus sa lupa? Baka iniisip mong puwede kang pagalingin ni Jesus kaya hindi ka na maghihirap dahil sa sakit. Baka gustung-gusto mo ring aktuwal na makita at marinig si Jesus—para matuto sa kaniya at makita siyang gumagawa ng himala. (Mar. 4:1, 2; Luc. 5:3-9; 9:11) Napakaganda ngang karanasan na makita ang mga ginawang iyon ni Jesus! (Luc. 19:37) Wala nang iba pang henerasyon ang nakasaksi sa mga bagay na iyon, at hindi na mauulit pa ang naisakatuparan ni Jesus sa lupa “sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili.”—Heb. 9:26; Juan 14:19.
2 Gayunman, kapana-panabik din ang ating panahon sa ngayon. Bakit? Dahil nabubuhay tayo sa inihula ng Bibliya na “panahon ng kawakasan” at “mga huling araw.” (Dan. 12:1-4, 9; 2 Tim. 3:1) Sa panahong ito inihagis si Satanas mula sa langit. Di-magtatagal, igagapos siya at ihahagis “sa kalaliman.” (Apoc. 12:7-9, 12; 20:1-3) Sa panahon ding ito tayo nagkaroon ng dakilang pribilehiyo na ipangaral sa buong daigdig ang ‘mabuting balita ng kaharian,’ anupat sinasabi sa mga tao ang pag-asa tungkol sa darating na Paraiso—isang gawaing hindi na mauulit kahit kailan.—Mat. 24:14.
3. Ano ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod bago siya umakyat sa langit? Ano ang kahulugan nito?
3 Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng pandaigdig na gawaing pagtuturo. Ang layunin? Para gumawa ng mga alagad—karagdagang mga tagasunod ni Kristo—bago dumating ang wakas. (Mat. 28:19, 20) Ano ang dapat nating gawin para maisagawa ang atas na ito?
4. (a) Ano ang idiniin ni Pedro sa 2 Pedro 3:11, 12? (b) Sa ano tayo kailangang mag-ingat?
4 Pansinin ang sinabi ni apostol Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Ped. 3:11, 12) Idiniin ni Pedro na kailangan nating patuloy na magbantay sa mga huling araw na ito para makatiyak na nakasentro pa rin ang ating buhay sa mga gawa ng makadiyos na debosyon. Kabilang sa mga gawang ito ang pangangaral ng mabuting balita. Nakatutuwa ngang makita ang sigasig ng ating mga kapatid sa buong daigdig sa pagsasagawa ng atas na ito ni Kristo! Kasabay nito, alam din nating kailangan tayong mag-ingat na huwag mawala ang ating sigasig sa paglilingkod sa Diyos dahil sa pang-araw-araw na panggigipit ng sanlibutan ni Satanas at sa ating makalamang mga hilig. Kung gayon, tingnan natin kung paano tayo makatitiyak na patuloy tayong sumusunod sa Kristo.
Malugod na Tanggapin ang Bigay-Diyos na mga Responsibilidad
5, 6. (a) Bakit pinuri ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya sa Jerusalem? Laban sa anong tendensiya sila binabalaan ni Pablo? (b) Bakit dapat nating seryosohin ang ating bigay-Diyos na mga responsibilidad?
5 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Jerusalem, pinuri ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya dahil nakapagbata sila sa ilalim ng pag-uusig. Sinabi niya: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una nang, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng matinding pakikipagpunyagi sa ilalim ng mga pagdurusa.” Oo, naaalaala ni Jehova ang kanilang katapatan. (Heb. 6:10; 10:32-34) Tiyak na napatibay nang husto ang mga Kristiyanong Hebreong iyon sa taimtim na papuri ni Pablo. Gayunman, sa liham ding iyon, nagbabala siya laban sa isang tendensiya ng tao, na kung hindi kokontrolin ay posibleng mag-alis ng sigasig sa paglilingkod sa Diyos. Sinabi ni Pablo na ang mga Kristiyano ay hindi dapat “tumanggi” sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, o magdahilan para matakasan ito.—Heb. 12:25.
6 Ang babalang iyan laban sa tendensiyang “tumanggi” sa bigay-Diyos na mga responsibilidad ay kapit din sa mga Kristiyano sa ngayon. Alam natin na kailangang maging determinado tayo na seryosohin ang ating mga responsibilidad at panatilihin ang ating sigasig sa paglilingkod sa Diyos. (Heb. 10:39) Aba, nangangahulugan ito ng buhay at kamatayan.—1 Tim. 4:16.
7, 8. (a) Ano ang tutulong sa atin na manatiling masigasig sa paglilingkod sa Diyos? (b) Kung nawala na ang dati nating sigasig, ano ang dapat nating tandaan tungkol kay Jehova at kay Jesus?
7 Ano ang tutulong sa atin na mapaglabanan ang tendensiyang magdahilan para matakasan ang mga obligasyon natin sa Diyos? Ang isang mahalagang paraan ay ang laging pagbubulay-bulay sa kahulugan ng ating panata sa pag-aalay. Sa diwa, nangako tayo kay Jehova na gagawin nating pangunahin sa ating buhay ang pagganap ng kaniyang kalooban, at gusto nating tuparin ang pangakong iyan. (Basahin ang Mateo 16:24.) Kung gayon, kailangan nating huminto sandali at tanungin ang sarili: ‘Determinado pa rin ba akong mamuhay ayon sa aking pag-aalay sa Diyos gaya noong ako’y bautismuhan? O nawala na ang dati kong sigasig sa paglipas ng mga taon?’
8 Kung ipinakikita ng ating pagsusuri sa sarili na sa paanuman ay hindi na tayo ganoon kasigasig sa paglilingkod, makabubuting alalahanin ang nakapagpapasiglang pananalita ni propeta Zefanias: “Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay. Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya sa iyo nang may pagsasaya.” (Zef. 3:16, 17) Ang nakapagpapatibay na pananalitang ito ay unang kumapit sa sinaunang mga Israelita na nagbalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag sa Babilonya. Pero kapit din ito sa bayan ng Diyos sa ngayon. Yamang kay Jehova ang ginagawa natin, dapat nating tandaan na nasa likod natin si Jehova at ang kaniyang Anak at pinalalakas nila tayo na lubusang isagawa ang ating bigay-Diyos na mga responsibilidad. (Mat. 28:20; Fil. 4:13) Kung mananatili tayong masigasig sa gawain ng Diyos, pagpapalain niya tayo at tutulungang sumulong sa espirituwal.
“Hanapin Muna ang Kaharian” Nang May Kasigasigan
9, 10. Ano ang inilalarawan ng talinghaga ni Jesus tungkol sa isang malaking hapunan? Ano ang matututuhan natin dito?
9 Habang kumakain sa bahay ng isang tagapamahala ng mga Pariseo, nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa isang malaking hapunan. Sa ilustrasyong iyon, inilarawan niya ang pagkakataong ibinigay sa iba’t ibang indibiduwal para maging bahagi ng Kaharian ng langit. Inilarawan din niya ang kahulugan ng salitang “tumanggi.” (Basahin ang Lucas 14:16-21.) Ang mga inanyayahang panauhin sa ilustrasyon ni Jesus ay nagdahilan para hindi makadalo sa piging. May nagsabi na kailangan niyang tingnan ang bukid na binili niya. Sinabi naman ng isa na bumili siya ng ilang baka at gusto niyang suriin ang mga ito. May isa pang nagsabi: ‘Hindi ako makakapunta. Bagong kasal ako.’ Mabababaw na dahilan ito. Karaniwan nang sinusuri muna ang bukid o hayop bago ito bilhin, kaya hindi na ganoon kaimportanteng suriin ito kapag nabili na. At ano naman kaya ang dahilan ng bagong kasal para hindi makadalo sa importanteng paanyayang iyon? Natural lang na mag-init sa galit ang nag-anyaya!
10 Ang lahat ng lingkod ng Diyos ay may matututuhan sa talinghaga ni Jesus. Ano iyon? Kailanman, hindi natin dapat gawing pangunahin sa ating buhay ang personal na mga bagay, gaya ng binanggit sa ilustrasyon ni Jesus, anupat inuuna pa ang mga ito kaysa sa paglilingkod sa Diyos. Kung hindi ito ilalagay ng isang Kristiyano sa tamang dako, unti-unting mawawala ang kaniyang sigasig sa ministeryo. (Basahin ang Lucas 8:14.) Para maiwasan ito, sundin natin ang payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mat. 6:33) Nakatutuwa ngang makita na ikinakapit ng mga lingkod ng Diyos—bata at matanda—ang napakahalagang payong iyan! Sa katunayan, marami na ang nagpasimple ng kanilang buhay para mas mabigyan ng panahon ang ministeryo. Naranasan nila mismo ang tunay na kaligayahang dulot ng masigasig na paghanap muna ng Kaharian.
11. Anong ulat sa Bibliya ang nagpapakitang mahalaga ang masigasig at buong-pusong paglilingkod sa Diyos?
11 Para ilarawan ang kahalagahan ng masigasig na paglilingkod sa Diyos, tingnan natin ang isang pangyayari sa buhay ni Haring Jehoas ng Israel. Palibhasa’y nababahala sa kahihinatnan ng Israel sa kamay ng Sirya, tumatangis na lumapit si Jehoas kay Eliseo. Sinabi sa kaniya ng propeta na buksan ang bintana at magpahilagpos ng palaso sa direksiyon ng Sirya, na nagpapahiwatig ng tagumpay laban sa bansang iyon sa tulong ni Jehova. Dapat na napalakas nito ang loob ng hari. Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Jehoas na kunin ang mga palaso at ihampas sa lupa. Tatlong beses itong inihampas ni Jehoas. Galit na galit si Eliseo, dahil ang lima o anim na ulit na paghampas sa lupa ay pahiwatig sana na “pababagsakin [ni Jehoas] ang Sirya hanggang sa pagtatapos.” Sa ginawang iyon ni Jehoas, tatlong beses lang siyang magtatagumpay. Dahil hindi siya naging masigasig, nalimitahan ang tagumpay niya. (2 Hari 13:14-19) Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Sagana tayong pagpapalain ni Jehova tangi lamang kung masigasig tayo at buong-puso sa ating paglilingkod.
12. (a) Ano ang tutulong sa atin na manatiling masigasig sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng mga problema sa buhay? (b) Ipaliwanag kung paano ka nakikinabang dahil sa pananatiling abala sa ministeryo.
12 Nasusubok ng mga problema sa buhay ang ating sigasig at debosyon sa paglilingkod sa Diyos. Maraming kapatid ang naghihikahos. Ang iba naman ay nasisiraan ng loob dahil nalilimitahan na ng malubhang sakit ang paglilingkod nila kay Jehova. Magkagayunman, ang bawat isa sa atin ay makagagawa pa rin ng paraan para mapanatili ang sigasig at magpatuloy sa lubusang pagsunod sa Kristo. Pakisuyong pansinin ang ilang mungkahi at teksto sa kahong “Paano Ka Patuloy na Makasusunod sa Kristo?” Pag-isipan kung paano mo lubusang maikakapit ang mga ito. Sa paggawa nito, tatanggap ka ng mga pagpapala. Kung mananatili tayong abala sa ministeryo, tayo’y magiging matatag, payapa, masaya, at magiging makabuluhan ang ating buhay. (1 Cor. 15:58) Hindi lang iyan, kapag buong-kaluluwa ang ating paglilingkod sa Diyos, ‘naiingatan nating malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’—2 Ped. 3:12.
Gumawa ng Tapat na Pagsusuri
13. Paano natin malalaman kung buong-kaluluwa nga ang paglilingkod natin?
13 Gayunman, makabubuting tandaan na ang buong-kaluluwang paglilingkod ay hindi nasusukat sa dami ng oras sa ministeryo. Iba-iba ang kalagayan ng bawat isa. Kalugud-lugod pa rin kay Jehova kahit ang isa o dalawang oras na paglilingkod ng isang indibiduwal bawat buwan, kung iyon lang naman talaga ang ipinahihintulot ng kaniyang kalusugan. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) Kaya para malaman kung buong-kaluluwa nga ang paglilingkod natin sa Diyos, dapat tayong gumawa ng tapat na pagsusuri sa ating mga kakayahan at kalagayan. Bilang mga tagasunod ni Kristo, gusto rin nating tularan ang kaniyang pangmalas. (Basahin ang Roma 15:5; 1 Cor. 2:16) Ano ba ang naging pangunahin sa buhay ni Jesus? Sinabi niya sa mga taga-Capernaum: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:43; Juan 18:37) Habang iniisip ang sigasig ni Jesus sa kaniyang ministeryo, suriin ang iyong kalagayan at tingnan kung puwede mo pang mapalawak ang iyong ministeryo.—1 Cor. 11:1.
14. Paano pa natin mapalalawak ang ating ministeryo?
14 Kung susuriing mabuti ang ating kalagayan, baka makita nating puwede pa palang dagdagan ang ating panahon sa ministeryo. (Mat. 9:37, 38) Halimbawa, libu-libong kabataan na kagagradweyt lang sa paaralan ang nagpalawak ng kanilang ministeryo at ngayo’y nakadarama ng kagalakang dulot ng masigasig na paglilingkod bilang mga payunir. Gusto mo rin bang makadama ng gayong kagalakan? Sinuri ng ilang kapatid ang kanilang kalagayan at nakitang puwede pala silang lumipat sa isang lugar sa kanilang bansa, o sa ibang bansa pa nga, kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang iba naman ay nag-aral ng ibang wika para makatulong sa mga banyaga. Bagaman isang hamon ang pagpapalawak ng ministeryo, nagdudulot naman ito ng saganang pagpapala, at maaari tayong makatulong sa marami pang iba na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:3, 4; 2 Cor. 9:6.
Mga Halimbawa sa Bibliya na Dapat Tularan
15, 16. Sinong masisigasig na tagasunod ni Kristo ang puwede nating tularan?
15 Paano tumugon ang ilang naging apostol nang tawagin sila ni Kristo para maging tagasunod niya? Ganito ang sinabi tungkol kay Mateo: “Pagkaiwan sa lahat ng bagay ay tumindig ito at sumunod sa kaniya.” (Luc. 5:27, 28) Tungkol kina Pedro at Andres, na nangingisda noon, mababasa natin: “Karaka-rakang iniwan ang mga lambat, sila ay sumunod sa kaniya.” Pagkatapos, nakita naman ni Jesus sina Santiago at Juan, na nagkukumpuni ng lambat kasama ng kanilang ama. Paano sila tumugon sa paanyaya ni Jesus? “Karaka-rakang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, sila ay sumunod sa kaniya.”—Mat. 4:18-22.
16 Ang isa pang magandang halimbawa ay si Saul, na naging si apostol Pablo. Bagaman isa siyang panatikong mang-uusig ng mga tagasunod ni Kristo, nagbago siya at naging “isang piniling sisidlan” para dalhin ang pangalan ni Kristo. ‘Sa mga sinagoga ay kaagad pinasimulan ni Pablo na ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos.’ (Gawa 9:3-22) At bagaman nagbata ng hirap at pag-uusig, hindi kailanman nawala ang sigasig ni Pablo.—2 Cor. 11:23-29; 12:15.
17. (a) Ano ang hangarin mo may kinalaman sa pagsunod sa Kristo? (b) Anong mga pagpapala ang tinatamasa natin dahil sa paggawa ng kalooban ni Jehova nang ating buong puso at lakas?
17 Tiyak na gusto rin nating tularan ang magagandang halimbawa ng mga alagad na iyon at agad na tumugon nang walang pasubali. (Heb. 6:11, 12) Anong mga pagpapala ang tinatamasa natin habang nagsisikap tayo sa masigasig at lubusang pagsunod sa Kristo? Nakadarama tayo ng tunay na kagalakan sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa pagtanggap ng karagdagang responsibilidad sa kongregasyon at mga pribilehiyo ng paglilingkod. (Awit 40:8; basahin ang 1 Tesalonica 4:1.) Oo, habang nagpupunyagi tayo sa pagsunod sa Kristo, nagtatamasa tayo ng sagana at namamalaging pagpapala gaya ng kapayapaan ng isip, kasiyahan, pagkakontento, pagsang-ayon ng Diyos, at ng pag-asang mabuhay magpakailanman.—1 Tim. 4:10.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong mahalagang gawain ang ibinigay sa atin, at ano ang dapat na maging pangmalas natin dito?
• Laban sa anong tendensiya ng tao dapat tayong mag-ingat, at bakit?
• Anong tapat na pagsusuri ang dapat nating gawin?
• Paano tayo patuloy na makasusunod sa Kristo?
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Paano Ka Patuloy na Makasusunod sa Kristo?
▪ Basahin ang Salita ng Diyos araw-araw, at bulay-bulayin ang iyong nababasa.—Awit 1:1-3; 1 Tim. 4:15.
▪ Palaging manalangin para sa tulong at patnubay ng espiritu ng Diyos.—Zac. 4:6; Luc. 11:9, 13.
▪ Makisalamuha sa masisigasig sa ministeryo.—Kaw. 13:20; Heb. 10:24, 25.
▪ Alalahanin ang pagkaapurahan ng panahon sa ngayon.—Efe. 5:15, 16.
▪ Isaisip ang kahihinatnan ng ‘pagtanggi.’—Luc. 9:59-62.
▪ Palaging bulay-bulayin ang iyong panata sa pag-aalay at ang saganang pagpapalang dulot ng buong-pusong paglilingkod kay Jehova at pagsunod sa Kristo.—Awit 116:12-14; 133:3; Kaw. 10:22.