“Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
1-4. (a) Anong mga pagpapala na nakalarawan sa ating pabalat ang ibig mong tamasahin? (b) Anong magandang pag-asa ang iniaalok sa iyo? (c) Ano ang mga ilang teksto sa Bibliya na sumusuhay sa gayong pag-asa?
MASDAN mo ang maligayang mga tao sa pabalat ng broshur na ito. Ibig mo bang maging isa sa kanila? ‘Aba, oo,’ sasabihin mo. Sapagka’t narito ang kapayapaan at pagkakasundo na ninanasa ng lahat ng tao. Mga tao sa lahat ng lahi—ang itim, puti, dilaw—ay nagsasama-sama bilang isang pamilya. Anong laking kagalakan! Sila’y nagkakaisa-isa! Ang mga taong ito ay hindi nangangamba dahil sa digmaang nuklear o sa panganib ng terorismo. Walang mga eroplanong pandigma na sisira sa kapayapaan ng kalangitan sa itaas ng magandang parkeng ito. Walang mga kawal, tangke, o mga baril. Hindi na rin kailangan kahit ang batuta ng pulis para manatili ang kaayusan. Talagang walang digmaan at krimen doon. Doo’y hindi kinakapos ng mga tahanan, sapagka’t lahat ay may magandang tahanan na kaniyang sarili.
2 Masdan mo ang mga bata! Nakatutuwang panoorin ang kanilang paglalaro. Anong dami ng mga hayop na kalaro nila! Hindi na kailangang kulungin ang mga hayop, sapagka’t lahat ng hayop ay kasundo ng tao at ng isa’t isa. Kahit ang leon at ang kordero ay naging magkaibigan. Masdan mo yaong matitingkad-kulay na mga ibon sa kanilang pagliliparan, at pakinggan ang kanilang magagandang awitin kasabay ng paghahalakhakan ng mga bata. Wala bang mga kulungan? Wala, sapagka’t lahat ay may kalayaan at lubos na kagalakan sa lugar na ito. Langhapin ang kabanguhan ng mga bulaklak, pakinggan ang hugong ng sapa, damhin ang kaayaayang sikat ng araw. Oh, tikman ang matatamis na prutas sa basket na iyon yamang ito ang pinakamasasarap na mapipitas, ang pinakamaiinam, tulad ng lahat ng bagay na nakikita at matatamasa sa magandang tulad-parkeng halamanang ito.
3 ‘Pero hintay muna,’ sabi ng isa, ‘nasaan ang matatanda? Hindi ba sila man ay dapat ding kasama sa masayang lipunang ito?’ Ang totoo, ang mga may edad ay nariyan din, nguni’t sila’y naging bata na naman. Sa parkeng ito ay walang namamatay dahil sa katandaan. Ang ngayo’y bata ay gumugulang at pagdating sa hustong gulang ay hindi na tumatanda. Sa edad man na 20 anyos o 200 anyos, ang angaw-angaw na mga taong namumuhay sa parkeng ito ay nagagalak dahil sa sila’y nasa kasiglahan ng kabataan sa sakdal na kalusugan. Angaw-angaw ba? Oo, angaw-angaw nga, sapagka’t ang parkeng ito ay umabot na sa bawa’t lupain. Dito’y umiiral ang buhay, kapayapaan, at kagandahan hanggang sa dulung-dulo ng ating mundo, mula sa Fuji hanggang sa Andes, mula sa Hong Kong hanggang sa Mediteraneo. Sapagka’t ang buong lupa ay naisauli na sa pagiging isang paraiso. Ito’y yaong Paraiso na naibalik sa buong lupa.
4 ‘Di ba kapani-paniwala’? Una muna isaalang-alang ang mga katibayang ito. Ikaw at ang iyong pamilya ay posibleng makaligtas pagka pumanaw na ang kasalukuyang magulong sistema ng mga bagay at makapasok sa Paraiso na nakalarawan sa pabalat.a
Ang Aklat na Nagpapaliwanag ng Paraiso
5. (a) Anong aklat ang nagpapaliwanag ng mga bagay na ito? (b) Sa paano ito isang natatanging aklat?
5 Lahat na ito, at ang katiyakan nito, ay ipinaliliwanag sa isang aklat, ang pinakapambihirang aklat na napasulat. Iyon ay ang Bibliya. Isang napakatandang aklat iyon, na ang mga bahagi ay nasulat mga 3,500 mga taon na ang lumipas. At, ito ang pinakanapapanahong aklat na naghaharap ng mahusay, praktikal na payo para sa pamumuhay ngayon. Ang taglay nitong mga hula ay nagdudulot ng magandang pag-asa para sa hinaharap. Ito ang pinakamabiling aklat sa buong kasaysayan, mahigit na 2,458,000,000 kopya ng buong Bibliya o mga pangunahing bahagi nito ang naipamahagi na sa humigit-kumulang 1,810 mga wika.
6. Paano napapaiba ang Bibliya sa mga isinulat na aklat na itinuturing na banal?
6 Walang ibang banal na aklat ang ganiyang kalaganap, at karamihan ng mga iba ay hindi kasingtanda niyan. Ang Koran ng Islam ay wala pang 1,400 taon ang edad. Si Buddha at si Confucio ay nabuhay noong mga 2,500 taon na ang lumipas, at ang kanilang mga isinulat ay may ganiyan ding edad. Ang Kasulatan ng Shinto ay isinulat sa kasalukuyang anyo ng hindi hihigit sa 1,200 taon na ngayon. Ang Aklat ng Mormon ay 160 taon lamang ang edad. Wala sa mga banal na aklat na ito ang wastong tumatalunton sa kasaysayan ng tao sa loob ng 6,000 taon na lumipas, kundi ang Bibliya lamang. Para maunawaan ang unang-unang relihiyon, tayo’y kailangang bumaling sa Bibliya. Ito ang tanging aklat na may pabalita para sa lahat ng tao.
7. Ano ang sinabi ng palaisip na mga tao kung tungkol sa Bibliya?
7 Ang karunungan at kagandahan ng pabalita ng Bibliya ay hinahangaan ng palaisip na mga tao sa lahat ng bansa at sa lahat ng uri ng pamumuhay. Ang kilalang siyentipiko na tumuklas ng batas ng gravity, si Sir Isaac Newton, ay nagsabi: “Walang siyensiya ang higit pang napatunayan kaysa Bibliya.” Si Patrick Henry, ang lider ng himagsikan sa Amerika na napatanyag sa mga salitang “Bigyan ako ng kalayaan, o bigyan ako ng kamatayan,” ay nagpahayag din: “Ang Bibliya ay kasinghalaga ng lahat ng ibang mga aklat na nalimbag na.” Kahit na ang dakilang pantas na Hindu na si Mohandas K. Gandhi ay nagsabi minsan sa viceroy ng Britanya sa India: “Kung ang iyong lupain at ang sa akin ay magkakaisa sa mga turo na binuo ni Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok, malulutas natin ang mga suliranin, hindi lamang ng atin-ating bansa kundi pati ng buong daigdig.” Ang tinutukoy noon ni Gandhi ay ang Mateo kabanatang 5 hanggang 7 sa Bibliya. Basahin mo ang mga kabanatang ito at tingnan kung hindi ka pasasayahin ng taglay nitong magandang balita.
Ang Bibliya—Isang Aklat Silangan
8, 9. (a) Bakit mali na tawagin ang Bibliya na isang aklat ng Kanluran? (b) Paano nasulat ang Bibliya, at gaanong katagal na panahon? (c) Bakit ang Bibliya ay matatawag na isang library o aklatan? (d) Ilang mga lalaki ang ginamit upang sumulat ng Bibliya? (e) Ano ang patotoo ng ilan sa mga lalaking ito tungkol sa Pinagmulan ng Bibliya?
8 Kaiba sa karaniwang paniwala, ang Bibliya ay hindi bunga ng kabihasnan ng Kanluran, ni niluluwalhati man nito ang kabihasnang iyan. Ang buong Bibliya halos ay isinulat sa mga bansang Silangan. Ang mga lalaki na sumulat nito ay pawang mga taga-Silangan. Isang libong taon pa bago nabuhay si Buddha, noong 1513 B.C.E., si Moises, na nabuhay sa Gitnang Silangan, ay kinasihan ng Diyos na isulat ang unang aklat ng Bibliya, tinatawag na Genesis. Buhat sa pasimulang ito, ang Bibliya ay mayroong iisang magkakatugmang tema tuluy-tuloy hanggang sa katapusang aklat ng Apocalipsis. Ang Bibliya ay natapos noong 98 C.E., mga 600 taon pagkamatay ni Buddha. Alam mo ba na ang Bibliya ay binubuo ng 66 na mga iba’t-ibang aklat? Oo, ang Bibliya ay isang aklatan mismo!
9 Kaya, sa loob ng 1,600 taon mula noong panahon ni Moises patuloy mga 40 lalaki ang nagkaroon ng bahagi sa pagsulat sa magkakatugmang ulat ng Bibliya. Sila’y nagpatotoo na ang kanilang isinulat ay kinasihan ng isang kapangyarihan na mas mataas kaysa sa tao. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”b (2 Timoteo 3:16) At si apostol Pedro ay nagpaliwanag: “Walang hula ng Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan. Sapagka’t ang hula ay hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga lalaki ay nagsalita mula sa Diyos habang kinakasihan sila ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:20, 21; 2 Samuel 23:2; Lucas 1:70.
10. (a) Paano sumapit hanggang sa araw natin ang Bibliya? (b) Bakit natin matitiyak na taglay pa rin natin ang orihinal na kinasihang teksto ng Bibliya?
10 Kapunapuna rin kung paano ang Bibliya ay sumapit hanggang sa araw na ito. Sa loob ng libu-libong taon, hanggang sa maimbento ang paglimbag mga 500 taon na ngayon ang lumipas, mga kopya ng Bibliya ang kinopya ng kamay. Walang ibang literatura noong sinaunang panahon na gayong kaingat kinopya at muli’t-muling kinopya. Ito’y paulit-ulit na kinopya, subali’t laging pinakakaingatan. Mga ilan-ilan lamang maliliit na pagkakamali ang nagawa ng mga tagakopya, at sa pamamagitan ng paghahambing-hambing ng mga ito ay nabuo ang orihinal na tekstong kinasihan ng Diyos. Isang pangunahing awtoridad sa mga manuskrito ng Bibliya, si Sir Frederic Kenyon, ang nagsasabi: “Ang huling balakid para sa anumang duda na nakarating sa atin ang Kasulatan na gaya ng pagkasulat dito ay naalis na.” Hanggang ngayon, mayroon pa ring umiiral na mga 16,000 sulat-kamay na mga kopya ng Bibliya o ng mga bahagi nito, ang iba’y nakatawid mula noong ikalawang siglo bago nang panahon ni Kristo. Bagaman ang Bibliya ay nasulat sa orihinal na wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego gayunman ay nakagawa ng wastong mga salin sa halos lahat ng mga wika sa mundo.
11. Anong natuklasan ngayon ang kasuwato ng ulat ng Bibliya?
11 Sinikap ng iba na siraan ang Bibliya sa pagsasabi na ito’y may mga kamalian. Subali’t, kamakailan ang mga arkeologo ay nakahukay ng mga kagibaan ng mga sinaunang lunsod sa mga lupain ng Bibliya at nakatuklas ng mga sulat at iba pang ebidensiya na nagpapatunay na talagang nabuhay ang mga tao at umiral ang mga dako na binanggit kahit na sa pinakamatatandang ulat ng Bibliya. Sila’y nakahukay ng maraming ebidensiya tungkol sa isang pangglobong delubyo, na ayon sa Bibliya ay naganap mahigit na 4,000 taon na ang lumipas, noong kaarawan ni Noe. Tungkol dito, si Prince Mikasa, isang kilalang arkeologo, ay nagsabi: “Talaga kayang nagkaroon ng Baha? . . . Walang alinlangang napatunayan na talagang nagkaroon ng baha.”c
Ang Diyos ng Bibliya
12. (a) Ano ang sinasabi tungkol sa Diyos ng mga ibang manunuya? (b) Bakit sa Bibliya ay tinutukoy ang Diyos bilang isang Ama? (c) Ano ang ipinakikita ng Bibliya na siyang pangalan ng Diyos?
12 Kung paanong may mga taong nanunuya sa Bibliya, ang iba naman ay nanunuya tungkol sa pagkakaroon ng isang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (2 Pedro 3:3-7) Kanilang sinasabi, ‘Paano akong makapaniniwala sa Diyos, gayong hindi ko siya nakikita? Mayroon bang patotoo na talagang mayroong isang di-nakikitang Maylikha, na mataas kaysa tao? Hindi ba ang Diyos ay nasa lahat ng bagay?’ Sabi naman ng iba, ‘Walang Diyos o Buddha.’ Subali’t, ipinakikita ng Bibliya na kung paanong lahat tayo ay tumanggap ng buhay sa pamamagitan ng isang makalupang ama, ang atin ding sinaunang mga ninuno ay tumanggap ng buhay buhat sa isang makalangit na Ama, o Maylikha, na ang personal na pangalan ay Jehova.—Awit 83:18; 100:3; Isaias 12:2; 26:4.
13. Sa anong dalawang paraan ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa sangkatauhan?
13 Ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa tao sa dalawang pantanging paraan. Ang unang-una ay sa pamamagitan ng Bibliya, na naghahayag ng kaniyang katotohanan at ng kaniyang walang hanggang mga layunin. (Juan 17:17; 1 Pedro 1:24, 25) Yaong pangalawa ay sa pamamagitan ng kaniyang paglalang. Sa pagmamasid sa kamanghamanghang mga bagay sa palibot nila, maraming tao ang nakaunawa na tiyak na may isang Manlilikhang-Diyos na ang dakilang personalidad ay nahahayag sa kaniyang mga gawa.—Apocalipsis 15:3, 4.
14. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol kay Jehova?
14 Si Jehovang Diyos ang Awtor ng Bibliya. Siya ang Dakilang Espiritu, na walang-hanggan. (Juan 4:24; Awit 90:1, 2) Ang kaniyang pangalang “Jehova” ay tumatawag pansin sa kaniyang layunin sa kaniyang mga nilalang. Layunin niya na ipagbangong-puri ang dakilang pangalang iyan sa pamamagitan ng paglipol sa mga balakyot at pagliligtas sa mga umiibig sa kaniya upang sila’y makapamuhay sa isang lupang paraiso. (Exodo 6:2-8; Isaias 35:1, 2) Dahil sa siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, may kapangyarihan siya na gawin ito. Bilang Maylikha ng buong sansinukob, higit na makapangyarihan siya kaysa karaniwang mga diyos at mga idolo ng mga bansa.—Isaias 42:5, 8; Awit 115:1, 4-8.
15. Ang pag-aaral ng matalinong mga tao ng tungkol sa paglalang ay umakay sa anong mga konklusyon?
15 Noong lumipas na mga siglo, ang mga siyentipiko ay gumamit ng malaking panahon sa pag-aaral sa mga gawang paglalang. Ano ang kanilang sinabi? Isa sa mga unang nag-aral sa larangan ng elektrisidad, ang kilalang physicist Britaniko na si Lord Kelvin, ay nagsabi: “Ako’y naniniwala na hangga’t pinag-aaralan ang siyensiya lalo naman tayong napapalayo sa turo na tulad baga ng ateyismo.” Ang taga-Europang siyentipikong si Albert Einstein, bagama’t kilala na isang ateyista, ay nagsabi: “Sapat na para sa akin na . . . magmunimuni sa kamanghamanghang kayarian ng sansinukob, na ating nauunawaan nang bahagya, at mapakumbabang magsikap na maunawaan kahit na isang munting bahagi man lamang ng talinong nahahayag sa kalikasan.” Ang siyentipikong Amerikano at nanalo ng Nobel prize na si Arthur Holly Compton ay nagsabi: “Ang isang maayos na sansinukob ay nagpapatotoo sa pinakadakilang pangungusap kailanman—‘Sa pasimula ang Diyos.’ ” Kaniyang sinipi ang mga unang salita ng Bibliya.
16. Paano ipinakikita ng sansinukob ang kadakilaan ng karunungan at kapangyarihan ng Diyos sa paglalang?
16 Marahil ipangangalandakan ng mga pinuno ng makapangyarihang mga bansa ang kanilang talino at mga nagawa may kaugnayan sa outer space o kalawakan. Subali’t walang kabuluhan ang kanilang mga space satellites kung ihahambing sa buwan na umiikot sa palibot ng mundo, at sa mga planeta na umiikot sa araw! Walang kabuluhan ang nagagawa ng mga taong ito kung ihahambing sa mga nilalang ni Jehova na bilyun-bilyong mga galaksi, na bawa’t isa ay may bilyun-bilyong mga araw na katulad ng sa atin, at paglalagay niya nito sa kalawakan sa loob man ng panahong walang-hanggan! (Awit 19:1, 2; Job 26:7, 14) Hindi nga katakataka na ang tingin ni Jehova sa mga tao ay hamak na mga balang, at ang malalakas na mga bansa ay gaya ng “wala.”—Isaias 40:13-18, 22.
17. Bakit makatuwiran na maniwala sa isang Maylikha?
17 Ikaw ba ay nakatira sa isang bahay? Marahil hindi ikaw ang nagtayo ng bahay na iyon, at hindi mo rin alam kung sino. Gayon man, hindi dahil sa hindi mo alam kung sino ang nagtayo ay hindi mo na tatanggapin ang katotohanan na mayroong isang taong matalino na nagtayo niyaon. Kaylaking kamangmangan kung mangangatuwiran ka na ang bahay ang nagtayo ng kaniyang sarili! Yamang ang dakilang sansinukob, at lahat na naririto, ay nangangailangan ng lalong malaking talino para maitayo, hindi baga makatuwirang maniwala na ito’y mayroong isang Matalinong Maylikha? Oo, ang isang mangmang lamang ang magsasabi sa kaniyang puso, “Walang Jehova.”—Awit 14:1; Hebreo 3:4.
18. Ano ang nagpapakita na ang Diyos ay isang persona, at karapatdapat purihin?
18 Ang mga kababalaghan na nakapalibot sa atin—mga bulaklak, mga ibon, mga hayop, ang kamanghamanghang nilalang na tinatawag na tao, ang mga himala ng buhay at panganganak—lahat na ito’y nagpapatunay na may di-nakikitang Dalubhasang Talino na lumikha nito. (Roma 1:20) Pagka may talino, may isip din. Pagka may isip, may persona rin. Ang kataastaasang talino ay yaong sa Kataastaasang Persona, ang Maylikha ng lahat ng bagay na may buhay, ang mismong Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Ang Maylikha ay karapatdapat sa lahat ng kapurihan at pagsamba.—Awit 104:24; Apocalipsis 4:11.
19. (a) Bakit walang bansang makapagsasabing ang Diyos ang nagbigay ng tagumpay sa kanila sa digmaan? (b) Bakit ang Diyos ay walang bahagi sa mga digmaan ng mga bansa?
19 May mga taong ang paniwala sa Diyos ay nasira dahilan sa mga naranasan noong Digmaang Pandaigdig II. Noon ang bawa’t bansa ay tumawag sa kaniyang “Diyos,” sila man ay Katoliko o Protestante o nasa mga relihiyon sa Silangan. Masasabi ba na ang “Diyos” ang nagbigay ng tagumpay sa ilan sa mga bansang ito at pinabayaan naman niyang matalo ang mga iba? Ipinakikita ng Bibliya na wala sa mga bansang ito ang tumawag sa tunay na Diyos. Si Jehovang Diyos, ang Maylikha ng langit at lupa, ay hindi siyang may gawa ng gulo at mga digmaan ng mga bansa. (1 Corinto 14:33) Ang kaniyang mga kaisipan ay higit na mataas kaysa mga kaisipan ng politikal at makamilitar na mga bansa ng lupang ito. (Isaias 55:8, 9) At, ang tunay na relihiyon at pagsamba kay Jehova ay walang bahagi sa mga digmaan ng mga bansa. Si Jehova ay higit na lalong mataas kaysa mga diyos ng mga bansa. Siya’y bukod-tanging Diyos ng mapayapang mga tao sa lahat ng bansa. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao, kundi sa bawa’t bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugudlugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ang mga taong mahilig sa katuwiran sa lahat ng bansa ay nag-aaral ngayon ng Bibliya at sumasamba na sa tunay na “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” ang Maylikha ng sangkatauhan.—Roma 16:20; Gawa 17:24-27.
20. Ano ang nagpapakita na ang Sangkakristiyanuhan ay di-Kristiyano at laban sa Diyos?
20 Binabanggit ng iba ang pagkakabaha-bahagi at pagpapaimbabaw sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangkin na sumusunod sa Bibliya. Sinasabi rin nila, ‘Paano ko mapaniniwalaan ang Diyos ng Bibliya, gayong ang mga bansa na mayroong Bibliya ay kasali sa mga bansang puspusang nagpapasulong ng kanilang mga armas nuklear?’ Totoo naman na bagaman walang ipinagbabago ang katotohanan ng Bibliya, ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay malayong-malayo sa Kristiyanismo ng Bibliya gaya ng Polo Norte na malayong-malayo sa Polo Sur. Sila’y mga nagpapanggap na Kristiyano. Taglay nila ang Bibliya, nguni’t hindi nila sinusunod ang mga turo nito. Ang pangulong Amerikano na nag-utos ng pagbabagsak sa Hiroshima ng unang bomba atomika ay bumulalas noong minsan: “Oh, sana ay may isang Isaias o isang San Pablo!”—na aakay sa mga tao sa kagipitang ito ng daigdig. Kung siya’y nagkaroon lamang ng kaisipan na kagaya ng kay Isaias ng Bibliya, marahil ay hindi siya naghulog ng gayong bomba atomika, sapagka’t ang ipinayo ni Isaias ay ‘pandayin ang mga tabak upang maging mga sudsod at ang mga sibat upang maging mga karit.’ At, si Pablo na manunulat ng Bibliya ang nagsabi: “Hindi naman kami nakikipagbaka ng ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagka’t ang mga sandata ng aming pakikipagbaka ay hindi ukol sa laman.” (Isaias 2:4; 2 Corinto 10:3, 4) Subali’t, sa halip na sundin ang matalinong payo ng Bibliya, ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay napasangkot sa isang parang pagpapatiwakal na pag-uunahan sa pagpapasulong ng mga armas. Di-totoo ang kanilang pag-aangkin na sila’y mga Kristiyanong sumusunod sa Bibliya. Sila’y haharap sa paghatol ng Diyos dahilan sa hindi nila paggawa ng kaniyang kalooban.—Mateo 7:18-23; Zefanias 1:17, 18.
Ang mga Paglalang at mga Himala ni Jehova
21. Bakit makatuwiran na huwag mag-alinlangan sa mga himala ng Diyos?
21 Si Jehova ay lumalalang, at siya’y gumagawa ng mga himala. Ipinanggigilalas mo ba ang pagiging dugo ng tubig, ang pagkahati ng Pulang Dagat, ang panganganak kay Jesus ng isang dalaga, at iba pang mga himala na nakasulat sa Bibliya? Yamang limitado ang talino ng tao, marahil ay hindi niya kailanman mauunawaan kung paano nangyari ang mga himalang ito, kung paano hindi rin niya lubusang maunawaan ang himala ng pagsikat at paglubog ng araw sa araw-araw. Ang pagkalalang sa tao ay isang himala. Hindi nakita ng tao sa ngayon ang himalang iyan, nguni’t batid niya na iyan ay nangyari, sapagka’t siya’y buháy ngayon upang patunayan iyon. Oo, lahat ng buhay at ang buong uniberso ay isang patuluyang himala. Kaya tayo ba ay mag-aalinlangan kung ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagsasabi na siya’y gumawa ng tiyak na mga himala sa tiyak na mga panahon, bagaman hindi na kailangan ngayon ang gayong mga himala?
22. Ilarawan ang unang paglalang ng Diyos.
22 Lahat ng mga paglalang ni Jehova ay kahimahimala at kamanghamangha! Gayon man, ang kaniyang unang-unang paglalang ang kamanghamangha sa lahat. Iyon ay ang paglalang ng isang espiritung Anak, ang kaniyang “panganay.” (Colosas 1:15) Ang makalangit na Anak na ito ay tinawag na “ang Salita.” Makalipas ang malawak na panahon pagkatapos na siya’y lalangin, naparito siya sa lupang ito at tinawag na ang “tao, si Kristo Jesus.” (1 Timoteo 2:5) Pagkatapos ay sinabi tungkol sa kaniya: “Kaya’t ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-sana nararapat na awa at ng katotohanan.”—Juan 1:14.
23. (a) Paano maipaliliwanag ang kaugnayan ng Diyos at ng kaniyang Anak? (b) Sa tulong ng kaniyang Anak, ano ang nilalang ni Jehova?
23 Ang kaugnayan ni Jehova at ng kaniyang Anak ay maihahambing sa kaugnayan ng may-aring manedyer at ng kaniyang anak sa isang pagawaan, na kung saan ang anak ay tumutulong sa paggawa ng mga bagay na dinisenyo ng kaniyang ama. Sa tulong ng kaniyang panganay na Anak at kasamang manggagawa, si Jehova ay lumalang ng marami pang mga espiritung nilikha, na mga anak ng Diyos. Nang malaunan, nagalak ang mga ito sa pagkakita nila sa Anak ni Jehova, na kaniyang Dalubhasang Manggagawa, sa paggawa ng materyal na langit at lupa na ating kinatitirhan. Ikaw ba ay nag-aalinlangan na nilalang ang mga bagay na ito? Libu-libong taon ang nakalipas, si Jehova ay nagtanong sa isang taong tapat: “Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo sa akin, kung mayroong kang unawa. Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghihiyawan sa kagalakan?”—Job 38:4, 7; Juan 1:3.
24. (a) Anong makalupang paglalang ni Jehova ang natatangi, at sa paano? (b) Bakit di-makatuwiran na sabihing ang tao ay resulta ng ebolusyon pataas buhat sa mga hayop?
24 Nang magtagal, si Jehova ay lumalang ng materyal na mga bagay na nabubuhay sa lupang ito, ang mga halaman, ang mga punong-kahoy, mga bulaklak, mga isda, mga ibon, at mga hayop. (Genesis 1:11-13, 20-25) Pagkatapos ay sinabi ng Diyos sa kaniyang Dalubhasang Manggagawa: “Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis . . . At nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:26, 27) Yamang nilalang sa larawan at wangis ng Diyos, na taglay ang dakilang mga katangian ng Diyos na pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan, ang unang tao ay higit na mataas kaysa mga hayop. Ang tao ay nasa uri na naiiba sa mga hayop sapagka’t siya’y nakapangangatuwiran, nakapagpaplano para sa hinaharap, at nakasasamba sa Diyos. Ang mga hayop ay walang talino na mangatuwiran, at sila’y nabubuhay ayon sa katutubong gawi. Totoong di-makatuwirang sabihin na walang Maylikha kundi na ang matalinong nilikhang tao ay resulta ng ebolusyon pataas buhat sa walang-talinong mabababang mga hayop!—Awit 92:6, 7; 139:14.
25, 26. (a) Anong magandang pag-asa ang nakaharap sa tao? (b) Bakit hindi magkakaproblema ng labis na pagdami ng tao sa lupa?
25 Ang tao ay inilagay ng Diyos sa “isang halamanan sa Eden, sa gawing silangan.” Iyon ay isang halamanan ng kaligayahan, tulad ng halamanan sa ating pabalat, bagaman noon ay may dadalawa lamang tao, si Adan at ang kaniyang asawa. Ang unang-unang Paraisong ito ay wala na, sapagka’t pinawi ng Baha noong kaarawan ni Noe. Subali’t alam kung nasaan ito sa Gitnang Silangan, sapagka’t may mga ilog na binabanggit ang Bibliya na umaagos dito hanggang sa araw na ito. (Genesis 2:7-14) Ang tao ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na gamitin sana ang halamanang ito bilang isang sentro na mula rito ay magpapakarami siya upang kalatan at pagandahin ang buong lupa, hanggang sa ito’y maging isang pangglobong paraiso.—Isaias 45:12, 18.
26 Yamang ang Diyos at ang kaniyang Anak ay kapuwa manggagawa, ang tao ay binigyan ng magagawa dito sa lupa. (Juan 5:17) Kay Adan at kay Eva, na unang lalaki at babae, sinabi niya: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawa’t hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Ibig bang sabihin na ang tao ay magpapakarami, pupunuin ang lupa, at pagkatapos ay patuloy na mag-aanak hanggang sa ang lupa ay labis na ang dami ng tao? Hindi. Pagka sinabihan ka ninuman na punuin mo ng tsa ang isang tasa, hindi mo patuloy na lalagyan iyon hanggang sa umapaw ang tsa sa tasa at tumapon sa buong mesa. Pupunuin mo ang tasa at pagkatapos ay hihinto ka. Sa ganiyan ding paraan, ang utos ni Jehova sa tao na, ‘Punuin ang lupa,’ ay nagpapakita ng kaniyang layunin na ang tao ay magpakarami hanggang sa mapuno ang lupa, at kung mapuno na ay saka hihinto ang pagdami ng tao sa lupa. Ito’y hindi magiging problema sa isang sakdal na lipunan ng tao. Sa daigdig lamang ngayon ng di-sakdal na tao nagiging problema ang labis na pagdami ng tao.
Kasamaan—Bakit Pinapayagan ng Diyos?
27. Anong mga tanong ang ngayo’y nangangailangan ng sagot?
27 Kung ang layunin ng Diyos ay magtayo ng isang lupang paraiso, bakit ang lupa ngayon ay punung-puno ng kabalakyutan, paghihirap, at kalungkutan? Kung ang Diyos ay Makapangyarihan-sa-lahat, bakit napakatagal nang pinapayagan niya ang mga kalagayang ito? Mayroon bang pag-asang magwakas ang lahat ng ating suliranin? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
28. Paanong pumasok sa halamanang Paraiso ang paghihimagsik?
28 Ipinakikita ng Bibliya na ang mga suliranin ng tao ay nagsimula nang isa sa mga espiritung anak ng Diyos ay naghimagsik laban sa soberanya, o kapamahalaan, ni Jehova. (Roma 1:20; Awit 103:22, NW Ref. Bi., tba.) Tiyak na ang anghel na ito ay kabilang sa mga nagagalak nang makita ang paglalang sa tao. Subali’t ang kasakiman at kataasan ay nag-ugat sa kaniyang puso, at siya’y nahikayat ng hangarin na si Adan at si Eva ay sumamba sa kaniya sa halip na sa kanilang Maylikha, si Jehova. Siya’y nagsalita sa pamamagitan ng isang ahas, gaya ng isang ventriloquist na nagsasalita sa pamamagitan ng isang tau-tauhan at hinikayat ng anghel na ito si Eva na sumuway sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang kaniyang asawang si Adan ay sumunod sa kaniya sa pagsuway.—Genesis 2:15-17; 3:1-6; Santiago 1:14, 15.
29. (a) Anong usapin ang bumangon para lutasin? (b) Paano hinarap ng Diyos ang hamon?(c) Paano maaari kang makibahagi sa pagsagot sa panunuya ni Satanas?
29 Ang naghimagsik na anghel na iyan ay nakilala bilang “ang matandang ahas.” (Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 11:3) Siya’y tinatawag din na Satanas, na ang ibig sabihin “Mananalansang,” at Diyablo, na ang ibig sabihin “Maninirang-Puri.” Kaniyang ibinangon ang usapin tungkol sa pagiging-matuwid at pagkamakatuwiran ng pamamahala ni Jehova sa lupa, at ang Diyos ay kaniyang hinamon na siya, si Satanas, ang makapagtatalikod na ngayon sa lahat ng tao buhat sa tunay na pagsamba. Pinayagan ng Diyos na si Satanas ay lumagi nang 6,000 taon sa pagtatangka na patunayan ang kaniyang hamon, upang ang usapin tungkol sa pagkasoberano ni Jehova ay malutas na magpakailanman. Bigong-bigo ang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos. Subali’t mga lalaki at mga babae na may pananampalataya, na si Jesus ang litaw na halimbawa, ang nanatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pinakamahigpit na mga pagsubok, anupa’t naipagbangong-puri si Jehova at napatunayan na sinungaling ang Diyablo. (Lucas 4:1-13; Job 1:7-12; 2:1-6; 27:5) Ikaw man ay maaaring makapanatiling tapat. (Kawikaan 27:11) Subali’t hindi lamang si Satanas ang kaaway natin. Ano pa ang ating mga ibang kaaway?
Ang Kaaway—Kamatayan
30. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa parusang ibinunga sa tao dahilan sa pagsuway?
30 Sinabi ng Diyos ang parusa sa pagsuway—kamatayan. Sa paghatol sa unang babae, sinabi ni Jehova: “Palalakihin kong lubha ang paghihirap mo sa panganganak; manganganak kang may kahirapan, at magnanasa kang makapiling ang iyong asawa, at siya ang mangingibabaw sa iyo.” Sa lalaking si Adan ay sinabi niya: “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagka’t diyan ka kinuha. Sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:16-19) Ang masuwaying mag-asawa ay pinalabas sa Paraiso ng kaligayahan upang doon mabuhay sa masukal na lupa. Nang dumating ang panahon ay namatay sila.—Genesis 5:5
31. Ano ang kasalanan, at ano ang naging resulta nito sa sangkatauhan?
31 Pagkatapos lamang na sila’y mahulog buhat sa pamantayan ng kasakdalan nagkaanak si Adan at si Eva. Lahat ng tao ngayon ay kanilang mga di-sakdal na inapo, kaya’t lahat ay namamatay. Ganito ang paliwanag ng isang manunulat ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala.” Ano ba itong “kasalanan”? Ito’y ang hindi pagkaabot sa pamantayan ng kasakdalan o pagiging kompleto. Hindi sinasang-ayunan o pinamamalaging buháy ni Jehova ang anuman na di-sakdal. Yamang lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan sa unang taong si Adan, ang kamatayan ay “naghari” sa kanila. (Roma 5:12, 14) Ang nagkasalang tao ay namamatay, gaya ng mga hayop na namamatay.—Eclesiastes 3:19-21.
32. Paano inilalarawan ng Bibliya ang kamatayan na ating minana?
32 Ano ba itong “kamatayan”? Ang kamatayan ay kabaligtaran ng buhay. Iniharap ng Diyos sa tao ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa lupa kung siya’y susunod. Subali’t, siya’y sumuway, at ang parusa ay kamatayan, ang pagkawala ng buhay, di pag-iral. Walang sinabi ang Diyos na ang buhay ng tao’y ililipat sa dako ng mga espiritu o sa isang nag-aapoy na “impiyerno” kung siya’y susuway at mamamatay. Kaniyang pinaalalahanan ang tao: “Tiyak na mamamatay ka.” Ang mámamatay-taong Diyablo ang nagsinungaling at nagsabi: “Tiyak na hindi ka mamamatay.” (Genesis 2:17; 3:4; Juan 8:44) Ang minana ng lahat ng tao kay Adan ay ang tulad-alabok na kamatayan.—Eclesiastes 9:5, 10; Awit 115:17; 146:4.
33. (a) Anong magandang kinabukasan ang naghihintay sa tao at sa lupang ito? (b) Anong tatlong mahahalagang bagay ang naisasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak?
33 Kung gayon, wala bang kinabukasan ang tao na namamatay? Siya’y mayroong kahangahangang kinabukasan! Ipinakikita ng Bibliya na ang layunin ng Diyos na isang lupang paraiso para sa lahat ng tao, kasali na yaong mga namatay na, ay hindi mabibigo. Ang sabi ni Jehova: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tungtungan ng paa.” “Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.” (Isaias 66:1; 60:13) Sa kasaganaan ng kaniyang pag-ibig, ang kaniyang Anak, ang Salita, ay sinugo ni Jehova sa lupang ito, upang ang sanlibutan ng sangkatauhan ay magtamo ng buhay sa pamamagitan niya. (Juan 3:16; 1 Juan 4:9) Mayroong tatlong mahahalagang bagay na pag-uusapan tayo ngayon at isinasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, samakatuwid nga, (1) paglalaan ng pantubos buhat sa kapangyarihan ng kamatayan; (2) aktuwal na pagbabalik sa buhay sa mga nangamatay na; at (3) pagtatatag ng isang sakdal na pamahalaan na mamamahala sa lahat ng tao.
Pagkatubos Buhat sa Kamatayan
34, 35. (a) Sa paano lamang matutubos ang tao buhat sa kamatayan? (b) Ano ba ang pantubos?
34 Mula pa noong una, ang mga propeta ng Diyos ay nagpahayag na ng kanilang pagtitiwala, hindi sa kawalang kamatayan ng tao, kundi sa pag-asa na “tutubusin sila” ng Diyos buhat sa kamatayan. (Oseas 13:14) Subali’t paano ba tutubusin ang tao buhat sa mga gapos ng kamatayan? Ang sakdal na katarungan ni Jehova ay humingi ng ‘kaluluwa sa kaluluwa, mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ (Deuteronomio 19:21) Samakatuwid, yamang ipinamana ni Adan ang kamatayan sa lahat ng tao dahil sa kusang pagsuway sa Diyos at sa gayo’y pagwawala ng sakdal na buhay-tao, isang sakdal na tao ang kailangang humalili kay Adan sa pagbabayad ng kaniyang sakdal na buhay, upang bilhin ang iniwala ni Adan.
35 Ang makatarungang prinsipyo ng pagbabayad ng ‘katulad ng nawala’ ay malaganap na sinusunod sa buong kasaysayan. Ang pananalitang karaniwang ginagamit ay “pagbabayad ng pantubos.” Ano ba ang pantubos? Ito ay “isang halaga na ibinabayad upang matubos ang isang tao o bagay buhat sa isa na pumipigil sa tao o bagay na iyon sa pagkabihag. Kaya ang mga preso sa giyera o ang mga alipin ay sinasabing tinutubos pagka sila’y pinalalaya kapalit ng isang halaga. . . . Anoman ang inihahalili o ipinapalit bilang kabayaran sa palalayain ay yaon ang kaniyang pantubos.”d Buhat nang magkasala si Adan, lahat ng tao ay parang mga preso sa giyera o mga alipin, na nakagapos sa di-kasakdalan at kamatayan. Upang sila’y makalaya kailangan na magbigay ng pantubos. Para maiwasan ang anomang usapin ngayon o pagtatagal kung tungkol sa pagkamakatarungan ng halagang pantubos, kailangan na maghain ng isang sakdal na buhay-tao, samakatuwid nga, ang hustong katumbas ni Adan.
36. Paano naglaan si Jehova ng isang sakdal na buhay-tao bilang pantubos?
36 Subali’t, nasaan ang gayong sakdal na buhay-tao? Lahat ng tao, bilang mga inapo ng di-sakdal na si Adan, ay ipinanganak na di-sakdal. “Walang isa man sa kanila na makatutubos sa anomang paraan kahit sa isang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya.” (Awit 49:7) Upang matugunan ang pangangailangan, inudyukan si Jehova ng kaniyang matimyas na pag-ibig sa tao, at ibinigay ang kaniyang mahal na “panganay” na Anak upang maging ang kinakailangang hain. Kaniyang inilipat ang sakdal na buhay ng espiritung Anak na ito, ang Salita, sa bahay-bata ng isang birheng Judiyo, si Maria. Ang dalaga ay naglihi at sa takdang panahon ay nanganak ng isang lalaki, na pinanganlang “Jesus.” (Mateo 1:18-25) Ang Maylikha ng buhay ay talagang makagagawa ng gayong kababalaghan.
37. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa lahat ng taong nagnanais ng buhay?
37 Si Jesus ay naging ganap na lalaki, inihandog ang kaniyang sarili kay Jehova, at nabautismuhan. Ngayon ay sinugo siya ng Diyos na gawin ang Kaniyang kalooban. (Mateo 3:13, 16, 17) Yamang ang makalupang buhay ni Jesus ay galing sa langit at siya’y sakdal, kaniyang maihahandog bilang hain ang sakdal na buhay-taong iyan, upang makalaya ang sangkatauhan sa kamatayan. (Roma 6:23; 5:18, 19) Gaya ng sinabi niya: “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.” “Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 10:10; 15:13) Nang pangyarihin ni Satanas na mamatay si Jesus sa isang pahirapang tulos, tinanggap ni Jesus ang malupit na kamatayang ito, sa pagkaalam na ang mga taong nagsasagawa ng pananampalataya ay magkakamit ng buhay sa pamamagitan ng pantubos na ito.—Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:5, 6.
Pagsasauli ng Buhay
38. Paano isinauli ang buhay ng Anak ng Diyos, at ano ang nagpapatunay nito?
38 Bagama’t siya’y pinatay ng kaniyang mga kaaway, hindi naiwala kailanman ng Anak ng Diyos ang kaniyang karapatan sa sakdal na buhay-tao, sapagka’t siya’y nanatiling tapat sa Diyos. Subali’t, ngayong patay siya sa libingan, paano magagamit ni Jesus ang mahalagang bagay na ito, ang karapatan sa buhay-tao, alang-alang sa sangkatauhan? Dito ngayon gumawa si Jehova ng isa pang himala, ang kaunaunahan sa uring ito. Nang ikatlong araw na si Jesus ay patay sa libingan, siya’y ibinangon ni Jehova buhat sa kamatayan bilang isang espiritung nilalang, walang-kamatayan. (Roma 6:9; 1 Pedro 3:18) Upang maging matatag ang paniniwala sa pagkabuhay-muli, sa iba’t-ibang okasyon ay nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad sa iba’t-ibang anyo ng katawang-tao, minsan ay sa 500 at sa higit pa. Wala sa mga ito, maging si apostol Pablo man na nabulag dahilan sa pagpapakita sa kaniya ng niluwalhating si Jesus, ang may dahilan na mag-alinlangan sa himala ng kaniyang pagkabuhay-muli.—1 Corinto 15:3-8; Gawa 9:1-9.
39. (a) Paano ginagamit ni Jesus ang halaga ng kaniyang inihandog na hain, at una muna ay ukol kanino ito? (b) Ano pang dakilang himala ang binanggit ni Jesus?
39 Pagkaraan ng 40 araw ang binuhay-muling si Jesus ay umakyat sa langit sa mismong harapan ng Diyos, upang ihandog doon ang halaga ng kaniyang sakdal na hain bilang tao na pantubos para sa sangkatauhan. “Nguni’t ang lalaking ito ay naghandog ng minsanang hain para sa mga kasalanan at lumuklok sa kanan ng Diyos, buhat noon ay naghihintay hanggang sa gawing tungtungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway.” (Hebreo 10:12, 13) Ang mga unang tutubusin sa pamamagitan ng haing ito ay isang “munting kawan” ng tapat na mga Kristiyano na “mga kay Kristo.” (Lucas 12:32; 1 Corinto 15:22, 23) Ang mga ito ay, “binili buhat sa sangkatauhan,” kaya sa pagkabuhay-muli sila’y magiging espiritung mga kasama ni Kristo sa langit. (Apocalipsis 14:1-5) Subali’t, komusta naman ang napakaraming mga tao na ngayo’y patay sa kanilang libingan? Nang siya’y nasa lupang ito, sinabi ni Jesus na binigyan siya ng kaniyang Ama ng kapamahalaan na humatol at magkaloob ng buhay. Sinabi pa niya: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, . . . sa pagkabuhay-muli.” (Juan 5:26-29) Kaniyang isasauli ang mga ito sa buhay sa lupang Paraiso.
40, 41. (a) Ipaliwanag kung ano ang talagang kahulugan ng “pagkabuhay-muli.” (b) Bakit tayo makasasampalataya sa ipinangako ng Diyos na pagkabuhay-muli?
40 Pansinin ang mga salita ni Jesus, “Huwag ninyong ipanggilalas ito.” Magkagayon man, paano ngang makakalaya buhat sa kamatayan ang isang taong matagal nang patay at maibabalik sa buhay? Hindi ba ang kaniyang katawan ay bumalik na sa alabok? Ang ibang kati-katiting na piraso ng katawang iyon ay baka naging bahagi na ng mga ibang bagay na may buhay, tulad baga ng mga halaman at mga hayop. Subali’t, ang pagkabuhay-muli ay hindi nangangahulugan ng muling pagsasama-sama ng dating mga elementong kemikal. Ito’y nangangahulugan na muling-nilalalang ng Diyos ang dating taong iyon, taglay ang dating personalidad. Siya’y lumilikha ng isang bagong katawan buhat sa mga elemento ng lupa, at sa katawang iyon ay kaniyang inilalagay ang dating mga ugali, ang dating mga katangian, ang dating alaala, ang dating kaayusan ng pamumuhay na nabuo ng taong iyon hanggang sa panahon ng kaniyang kamatayan.
41 Marahil ay naranasan mo na na masunog ang bahay mo na mahal na mahal sa iyo. Subali’t, madaling maitatayo mo uli ang dating bahay na iyon, sapagka’t ang ayos ng lahat ng detalye niyaon ay malinaw na malinaw sa iyong alaala. Kung gayon, ang Diyos na siyang Maygawa ng memorya ay muling makalilikha sa mga tao na kaniyang iningatan sa kaniyang alaala dahil sa sila’y mahal niya. (Isaias 64:8) Kaya naman ginagamit ng Bibliya ang pananalitang “alaalang libingan.” Pagka takdang panahon na ng Diyos na buhaying-muli ang mga patay, kaniyang gagawin ang himalang iyan, gaya rin nang siya’y gumawa ng himala sa paglalang sa unang tao, subali’t ngayon ay maraming beses na uulit-ulitin niya ito.—Genesis 2:7; Gawa 24:15.
42. Bakit posible at tiyak ang buhay na walang-hanggan sa lupa?
42 Bubuhaying-muli ng Diyos ang mga tao, at may pag-asang hindi na sila muling mamamatay dito sa lupa. Subali’t paano ba posible ang buhay na walang-hanggan sa lupa? Ito’y posible at tiyak sapagka’t ito ang kalooban at layunin ng Diyos. (Juan 6:37-40; Mateo 6:10) Ang tanging dahilan kung bakit dito sa lupa ay namamatay ang tao ay sapagka’t siya’y nagmana ng kamatayan kay Adan. Subali’t, pagka ating pinag-isipan ang walang katapusang sari-saring kamanghamanghang mga bagay sa lupa na nilayong tamasahin ng tao, ang maikling buhay na wala pang isang daang taon ay totoong napakaikli! Sa pagbibigay sa lupa sa mga anak ng tao, nilayon ng Diyos na ang tao’y patuloy na mabuhay upang tamasahin ang kasiyahan sa Kaniyang paglalang, hindi lamang sa loob ng isang daang taon, o kahit na isang libong taon, kundi nang walang-hanggan!—Awit 115:16; 133:3.
Ang Sakdal na Pamahalaan ng Kapayapaan
43. (a) Bakit kailangan ang isang sakdal na pamahalaan? (b) Ano ang layunin ni Jehova tungkol dito?
43 Dahilan sa tinanggihan ng ating mga unang magulang ang batas ng Diyos, ang pamahalaan ng tao ay sumailalim ng kapangyarihan ni Satanas. Angkop ang tawag ng Bibliya kay Satanas na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Ang mga digmaan, kalupitan, katiwalian, at ang kawalang katatagan ng mga pamahalaan ng tao ay nagpapatunay na siya nga ang diyos nito. Ang Liga ng Mga Bansa at ang Nagkakaisang Mga Bansa ay hindi nakapagdala ng kapayapaan buhat sa kaguluhan. Ang sangkatauhan ay sumisigaw ng paghingi ng isang pamahalaan ng kapayapaan. Hindi ba makatuwiran na ang Maylikha, na may layuning isauli sa lupang ito ang Paraiso, ay maglalaan din ng isang sakdal na pamahalaan para sa Paraisong iyan? Iyan talaga ang nilayon ni Jehova na gawin. Ang Hari na kumakatawan sa Kaniya sa pamahalaang ito ay ang kaniyang “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Kristo Jesus, at “ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
44. (a) Nasaan ba ang pamahalaang ito? (b) Sino ba ang mga bumubuo nito?
44 Ipinakikita ng Bibliya na ang sakdal na pamahalaan ay doroon sa langit. Mula rito, ang Haring Jesu-Kristo ay mabisang magpupuno sa buong lupa sa katuwiran. At, siya’y may kasamang mga tagapamahala sa di-nakikitang, makalangit na gobiyernong iyan. Ang mga ito ay pinili buhat sa mga tapat na tao, mga tagasunod ni Jesus na kasa-kasama niya sa mga pagsubok sa kaniya at sa kanila’y sinasabi niya: “Ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28, 29) Kakaunti lamang sa mga tao ang dinadala sa langit upang magpunong kasama ni Kristo Jesus. Ito’y katulad din sa mga bansa ngayon, na kung saan kakaunti lamang ang pinipili upang magpuno sa batasan o parliamento. Ipinakikita ng Bibliya na si Jesu-Kristo ay may makakasamang 144,000 mga tagapamahala. Kaya’t ang Kaharian ng Diyos, o makalangit na gobiyerno, ay bubuuin ni Kristo Jesus at ng 144,000 dinala sa langit na mga taong galing sa lupa. (Apocalipsis 14:1-4; 5:9, 10) At komusta naman ang lupa? Sa Awit 45:16 ay binabanggit na ang Hari ay maglalagay ng hinirang na “mga prinsipe sa buong lupa.” Ang mga taong “prinsipe,” o mga tagapangasiwa ng pamahalaan, ay hihirangin buhat sa langit dahilan sa kanilang matimyas na debosyon sa mga simulain ng katuwiran.—Ihambing ang Isaias 32:1.
45, 46. (a) Ano ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus sa lupa? (b) Bakit ang sakdal na pamahalaan ay hindi itinatag agad? (c) Paanong ang 1914 C.E. ay isang natatanging taon sa hula at sa mga pangyayari sa daigdig?
45 Kailan at paano itinatatag ang sakdal na pamahalaan? Nang si Jesus ay narito sa lupa ang Kahariang ito ang pangunahing tema ng kaniyang pangangaral. (Mateo 4:17; Lucas 8:1) Gayunman, ang Kaharian ay hindi niya itinatag noon, ni noon man na siya’y buhaying-muli. (Gawa 1:6-8) Kahit na nang siya’y umakyat sa langit, kailangan pang maghintay siya para sa itinakdang panahon ni Jehova. (Awit 110:1, 2; Hebreo 1:13) Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang itinakdang panahon ay dumating noong 1914 C.E. Gayunman, baka may magtanong, ‘Imbes na sakdal na pamahalaan, hindi ba ang 1914 ay palatandaan ng pasimula ng lalong maraming mga kapighatian sa daigdig?’ Iyan talaga ang punto! May malapit na kaugnayan ang pagdating ng Kaharian ng Diyos at ang mga kapahamakan noong nakalipas na mga taon, gaya ng makikita natin ngayon.
46 Sa loob ng mga 35 taon bago sumapit ang 1914, itinatawag pansin na ng The Watchtower (ang pinakamalaganap ngayon na relihiyosong magasin sa lupa) ang 1914 bilang isang palatandaang taon sa hula ng Bibliya. Ang mga hulang ito ay nagsimulang nagkaroon ng kapunapunang katuparan noong 1914. Isa na rito ang sariling hula ni Jesus, na sinalita 1,900 taon na ngayon, tungkol sa “tanda” na lilitaw sa katapusan ng sistema ng mga bagay at bagaman siya’y di-nakikita ay magpapatunay na naririto na siya taglay ang kapangyarihan ng isang hari. Bilang sagot sa tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa “tanda” na ito sinabi niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at lilindol sa iba’t-ibang dako. Lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa.” (Mateo 24:3, 7, 8) Bilang kapunapunang katuparan, ang una sa mga digmaang pandaigdig ay nagsimula noong 1914, ang dalang pinsala ay pitong beses na mas malaki kaysa lahat ng 900 digmaan noong naunang 2,500 taon! At sapol noon ay nagpapatuloy ang mga hapdi ng pagdurusa. Naranasan mo ba ang pinsalang dala ng digmaan, ang kakapusan sa pagkain, o ang alin man sa malalakas na mga lindol na dumarating sa lupa sapol noong 1914? Kung gayon, nasasaksihan mo “ang tanda” ng “panahon ng kawakasan” ng sistemang ito ng mga bagay.—Daniel 12:4.
47. Paanong ang mga pangyayari na katuparan ng “tanda” ay tumindi noong nakalipas na mga taon?
47 Ang “mga hapdi ng pagdurusa” ay tumindi hanggang sa Digmaang Pandaigdig II, na makaapat na beses ang laki ng nagawang pinsala kaysa Digmaang Pandaigdig I, at hanggang sa nuclear age, bilang katuparan ng inihula pa ni Jesus: “Sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . , samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:25, 26) Ang patuloy na paglago ng krimen at kabalakyutan, ng pagsuway at pagsamâ ng mga bata, at ang paglago ng katampalasanan at imoralidad—ang nakababahalang mga bagay na ito ay inihula rin bilang tanda ng “mga huling araw” ng masamang sistemang ito.—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:12.
48. Sino ang may kagagawan ng mga kaabahan sa lupa, at bakit lalong dumami sapol noong 1914?
48 Subali’t, kung ang makalangit na pamahalaan ay itinatag noong 1914, bakit mayroong lahat ng pagdurusang ito sa lupa? Si Satanas na Diyablo ang may kagagawan. Nang tanggapin ni Kristo ang kapangyarihan sa Kaharian, ang unang ginawa niya ay makipagbaka kay Satanas sa di-nakikitang langit. Bilang resulta, si Satanas, “na dumadaya sa buong tinatahanang lupa,” ay kasama ng kaniyang mga anghel na inihagis sa paligid ng lupa. Yamang alam niya na malapit na siyang puksain, siya’y nagbabangon ng malaking gulo sa lupa. Kaya “sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:7-9, 12.
49. (a) Ano ang mangyayari sa mga “nagpapahamak sa lupa”? (b) Paano tutuparin ni Jehova ang kaniyang “pasiya” sa mga bansa?
49 Magwawakas ba ang mga kaabahang ito? Oo!—pagka ang gobiyerno ng langit mismo, ang Kaharian ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ay kumilos upang “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18; Daniel 2:44) Hindi papayagan ng Diyos na ang kaniyang obra maestra, ang lupa, ay ipahamak ng politikal na mga bansa, ng huwad na mga Kristiyano, o ng sinoman sa pamamagitan ng kanilang mga bombang nuklear. Bagkus, kaniyang sinasabi: “Ang aking pasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng aking mabangis na galit.” (Zefanias 3:8) Sa pamamagitan ng kaniyang Kristo, gagamit si Jehova ng malalakas na puwersa na hawak niya sa sansinukob upang lubusang puksain ang lahat ng sumusunod kay Satanas sa lupa. Ito’y mangyayari sa buong mundo, gaya ng malaganap na Baha noong kaarawan ni Noe.—Jeremias 25:31-34; 2 Pedro 3:5-7, 10.
50. (a) Ano ang “Armagedon”? (b) Sino lamang ang makaliligtas sa Armagedon?
50 Sa Bibliya ang pagpuksang ito sa balakyot na mga bansa ay tinatawag na digmaan ng Diyos ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14-16) Tanging ang mga maaamo, na humahanap kay Jehova at sa kaniyang katuwiran, ang makaliligtas sa Armagedon tungo sa mapayapang bagong sistema ng Diyos. (Zefanias 2:3; Isaias 26:20, 21) Tungkol sa mga ito’y sinasabi ng Bibliya: “Nguni’t ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Saka lamang magsisimula ang pagsasauli ng lupa sa Paraiso!
Pagtuturo Ukol sa Pagpasok sa Paraiso
51. Bakit kailangang kumilos ka na ngayon?
51 Ibig mo bang mabuhay sa Paraiso? Kung ‘Oo’ ang sagot mo, magagalak kang malaman na nang banggitin ni Jesus ang masamang pamamalakad ngayon at “ang tanda” ng napipintong pagkawasak nito, isinusog niya, “Ang salin-lahing ito ay hindi lilipas sa anomang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Ang ilan na nasa salin-lahi na nakakita ng “pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa” noong 1914 ay mabubuhay hanggang sa makita nila ang isinauling Paraiso sa lupa. (Mateo 24:3-8, 34) Nakalulungkot sabihin, karamihan ng tao ngayon ay nasa malapad na daan na patungo sa kapahamakan. (Mateo 7:13, 14) Kaunting panahon na lamang ang natitira para sila magbago. Anong laki ng dapat mong ipagpasalamat na si Jehova ay nagbigay ng napapanahong babala! Yamang ibig ni Jehova na ikaw ay mabuhay, tutulungan ka niya na kumuha ng mga tamang hakbang.—2 Pedro 3:9; Ezekiel 18:23.
52. Ano ang kailangan mo upang matalinong makapili kung tungkol sa relihiyon?
52 Ang apurahang kailangan mo ngayon ay tumpak na kaalaman. (1 Timoteo 2:4; Juan 17:3) Saan mo makukuha ito? Sa anomang relihiyon ba? May mga nagsasabi na lahat ng relihiyon ay pare-pareho ang pupuntahan, gaya ng lahat ng landas sa isang bundok na patungong lahat sa taluktok. Anong laking pagkakamali! Para masumpungan ang tamang landas, ang mga mamumundok ay gumagamit ng mapa, at sila’y umuupa ng mga giya. Gayundin, iisa lamang ang relihiyon na katotohanan at aakay tungo sa buhay na walang-hanggan, at kailangang may aakay upang masumpungan ito.—Gawa 8:26-31.
53. (a) Upang kamtin ang buhay na walang-hanggan, ano ang kailangang patuloy mong gawin? (b) Anong mga panghihikayat ni Satanas ang kailangang daigin mo?
53 Ang broshur na ito ay inilaan ng mga Saksi ni Jehova upang makatulong sa iyo. Natulungan ka na nito na maunawaan ang mga ilang saligang katotohanan ng Bibliya, di ba? Tiyak na napatunayan mo sa iyong sarili na bawa’t punto ay nakasalig sa kinasihang Salita ng Diyos. Buweno, para sumulong ka hanggang sa iyong tunguhin, patuloy na mag-aral ka. Kung paano ang hustong edukasyon sa paaralan ay kailangan upang magampanan ng isa ang kaniyang dako sa lipunan araw-araw, kailangan din ang hustong edukasyon sa Bibliya upang ang isa’y makapasok sa lipunan na makakatawid upang siya’y mabuhay sa lupang Paraiso. (2 Timoteo 3:16, 17) Baka hadlangan ka ni Satanas at udyukan ang iyong matalik na mga kasama na sumalungat sa iyo o hikayatin ka na mapalulong sa materyalismo o sa imoralidad. Huwag kang padadala kay Satanas. Ang iyong kaligtasan at ang kinabukasan mo at ng iyong pamilya ay depende sa iyong patuloy na pag-aaral ng Bibliya.—Mateo 10:36; 1 Juan 2:15-17.
54. Anong higit pang paglalaan para sa pagkatuto ang isinaayos ni Jehova sa inyong lugar?
54 Ukol sa pagpapatuloy sa iyong kasalukuyang pag-aaral ng Bibliya, may isa pang paraan ng pagkatuto. Ang iyong mga kapit-bahay na interesadong matuto ng Bibliya ay regular na dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall sa lugar ninyo. Lahat ng dumadalo roon upang maturuan sa Bibliya ay taimtim na nagsisikap na maging lalong mabubuting tao. Malugod nilang tinatanggap ang mga baguhan, at nagsasabi, “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova [ang kaniyang dako ng pagsamba] . . . at tayo ay kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:3) Ang mabubuting dahilan sa pagdalo sa mga pulong sa Bibliya ay ipinaliliwanag sa Hebreo 10:24, 25, “Sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t-isa, at lalu na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.”
55. (a) Paano naiiba ang organisasyon ni Jehova? (b) Paano nagkakaisa higit kaysa anomang bayan ang mga Saksi ni Jehova?
55 Sa pakikisama mo sa organisasyon ni Jehova, makikita mo na ang kapaligiran doon ay ibang-iba kaysa roon sa mga templo at mga simbahan. Doo’y walang kolekta, walang tsismisan o awayan, at walang pagtatangi-tangi dahilan sa katayuan ng pamilya sa lipunan o dahil sa kayamanan. Ang pinakalitaw na katangian sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay pag-ibig. Una, kanilang iniibig si Jehova, at pangalawa, kanilang iniibig ang mga ibang tao. Ito’y mga tatak ng mga tunay na Kristiyano. (Mateo 22:37-39; Juan 13:35) Dumalo ka sa kanilang mga pulong at patunayan mo ito sa ganang iyo. Tiyak na matutuwa ka sa kanilang pagkakaisa. Mayroong mahigit na tatlong milyong Saksi sa buong daigdig sa mahigit na 200 bansa. Gayunman, ang sinusunod ng mga Saksi sa buong lupa ay pare-parehong mga programa sa kanilang mga pulong. At dahilan sa sabay-sabay na pag-iimprenta sa maraming wika, sa kanilang lingguhang mga pulong karamihan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nag-aaral ng pare-parehong mga paksa sa Kasulatan mga ilang oras lamang ang patlang sa isa’t-isa. Ang pagkakaisa ng organisasyon ni Jehova ay isang himala sa baha-bahaging daigdig na ito ngayon.
56. (a) Ano ang iyong mapapakinabang sa pakikisama sa organisasyon ni Jehova? (b) Pagka bumangon ang mga problema, paano ka dapat kumilos? (c) Bakit mahalaga para sa iyo na ialay ang iyong buhay kay Jehova?
56 Sa iyong regular na pakikisama sa bayan ni Jehova, kailangang magbihis ka ng “bagong personalidad” at pagyamanin ang mga bunga ng espiritu ni Diyos—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Colosas 3:10, 12-14; Galacia 5:22, 23) Sa gayo’y magiging kontento ka. Magkakaroon ka rin ng mga problema na dapat daigin manakanaka sapagka’t narito ka sa isang likong sanlibutan at ikaw ay hindi pa sakdal. Subali’t tutulungan ka ni Jehova. Sa taimtim na nagsisikap makalugod sa kaniya tinitiyak ng Kaniyang Salita: “Huwag kayong mabalisa sa anomang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ikaw ay maaakit ng pag-ibig ni Jehova, at nanaisin mong maglingkod sa kaniya. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagagalak na ipakita sa iyo kung paano mo maiaalay ang iyong buhay sa maibiging Diyos na ito at maging isa sa kaniyang pinagpalang mga saksi. (Awit 104:33; Lucas 9:23) Oo, ito’y isang pribilehiyo. Isip-isipin lamang! Bilang sumasamba kay Jehova, maaari mong maging tunguhin ang buhay na walang-hanggan sa isang paraiso dito sa lupa.—Zefanias 2:3; Isaias 25:6, 8.
57. (a) Sa bagong sistema, anong matalik na kaugnayan ang iiral sa pagitan ng Diyos at ng mga tao? (b) Ano ang ilan sa mga pagpapala na tatamasahin mo sa panahong iyon?
57 Kung gayon, patuloy na mag-aral at lumaki sa pag-ibig at pagpapahalaga sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Anak, at sa makalangit na pamahalaan ng katuwiran. Sa paglalarawan sa pamahalaan ng Diyos at sa pagpapala na pauulanin nito sa sangkatauhan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila.” “Ang Diyos mismo,” na lalong higit na mataas kaysa mapag-imbot, kapaha-pahamak na pamamahalang-tao sa panahong ito, ay magiging isang napakabait na Ama sa lahat ng umiibig at sumasamba sa kaniya sa bagong sistemang iyon. Doo’y iisa lamang ang relihiyon, ang tunay na pagsamba kay Jehovang Diyos, at tatamasahin ng mga mananamba ang matalik na kaugnayan ng mga anak sa Ama. Kaniyang patutunayan na siya’y isang maibiging Ama! “At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
58. Bakit matitiyak mo na ‘lahat ng mga bagay ay gagawing bago’ ni Jehova?
58 Ganiyan matutupad ang dakilang himala ng pagtatayo ng isang lupang paraiso sa ilalim ng isang sakdal na pamahalaan sa langit. Ito’y tiyak na tiyak gaya ng pagsikat ng araw at paglubog bukas. Sapagka’t ang mga pangako ng Diyos na Jehova, Maylikha ng langit at lupa, ay “tapat at totoo.” Siya ang nagsasabi buhat sa kaniyang trono sa langit: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.”—Apocalipsis 21:5.
Sa pagrerepaso sa broshur na ito, ano ang sagot mo sa sumusunod na mga tanong?
Sa paano natatangi ang Bibliya?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos?
Sino si Kristo Jesus?
Sino si Satanas na Diyablo?
Bakit pinayagan ng Diyos ang kabalakyutan?
Bakit namamatay ang tao?
Ano ang kalagayan ng mga patay?
Ano ang pantubos?
Saan at paano nagaganap ang pagkabuhay-muli?
Ano ang Kaharian, at ano ang isasagawa nito?
Ano “ang tanda” ng “katapusan ng sistema ng mga bagay”?
Paano ka makapaghahanda para sa buhay na walang-hanggan sa Paraiso?
[Mga talababa]
a Ang mga teksto sa Bibliya na sumusuhay sa mga parapo sa itaas: (1) Gawa 17:26; Awit 46:9; Mikas 4:3, 4; Isaias 65:21-23; (2) Isaias 65:25; 11:6-9; 55:12, 13; Awit 67:6, 7; (3) Job 33:25; Isaias 35:5, 6; 33:24; Awit 104:24; (4) Isaias 55:11.
b Maliban sa kung ipinakikita, ang mga sinipi sa Kasulatan sa publikasyong ito ay kuha sa modernong-wikang New World Translation of the Holy Scriptures, edisyon ng 1984.
c Monarchs and Tombs and Peoples—The Dawn of the Orient, pahina 25.
d Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, by J. McClintock and J. Strong, Tomo 8, pahina 908.
[Mga larawan sa pahina 13]
Bilang nilalang, nakahihigit ang tao sa hayop
[Larawan sa pahina 18]
Si Jesus ay katumbas ng sakdal na taong si Adan