Si Jehova ang Katulong Ko
“Magpakatibay-loob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”—HEBREO 13:6.
1, 2. (a) Ang salmista at si apostol Pablo ay kapuwa nagpahayag ng anong pagtitiwala kay Jehova? (b) Anong mga tanong ang bumabangon?
ANG Diyos na Jehova ay isang di-sumasalang bukal na pinagmumulan ng tulong. Ito’y nabatid ng salmista buhat sa karanasan at nasabi niya: “Nasa panig ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?” (Awit 118:6) Nakakatulad na mga damdamin ang ipinahayag ni apostol Pablo nang siya’y sumulat ng kaniyang kinasihang liham sa mga Hebreong Kristiyano.
2 Maliwanag na sinipi ni Pablo ang mga salita ng salmista buhat sa Griegong Septuagint, at kaniyang sinabi sa mga Hebreong kapuwa niya mananamba: “Magpakatibay-loob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko; ako’y hindi matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Hebreo 13:6) Bakit sumulat ng ganito ang apostol? At ano ang maaari nating matutuhan buhat sa konteksto?
Kailangan ang Tulong ni Jehova
3. (a) Sa gitna ng anong mga kalagayan pinatunayan ni Jehova na siya’y Katulong ni Pablo? (b) Bakit ang mga Hebreong Kristiyano lalo na ang nangailangan na si Jehova ang gawing kanilang Katulong?
3 Si Pablo ay isang mapagsakripisyong saksi na may katibayan na si Jehova ay kaniyang Katulong. Ang apostol ay tinulungan ng Diyos sa gitna ng maraming kahirapan. Si Pablo ay ibinilanggo, ginulpi, at binato. Sa kaniyang paglalakbay bilang isang ministrong Kristiyano, siya’y nakaranas ng paglubog ng kaniyang sinasakyang barko at gayundin ng maraming mga iba pang panganib. Alam na alam niya ang mga kahirapang dulot ng pagpapagal, pagpupuyat, gutom, uhaw, at maging ng kahubaran. “Bukod sa mga bagay na iyan na panlabas,” ang sabi niya, “may nakababalisa sa akin sa araw-araw, ang pagkabahala sa lahat ng kongregasyon.” (2 Corinto 11:24-29) Ganiyan ang uri ng pagkabahala ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano. Ang mga araw ng Jerusalem ay nabibilang na noon, at sa Judea ang mga kapatid na Judio ng apostol ay mapapaharap sa mahihigpit na pagsubok sa pananampalataya. (Daniel 9:24-27; Lucas 21:5-24) Kaya sila’y mangangailangan na si Jehova ang maging Katulong nila.
4. Anong mahalagang payo ang ibinibigay sa buong liham sa mga Hebreo?
4 Sa pagsisimula ng kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo, ipinakita ni Pablo na ang tulong ng Diyos ay makakamit lamang kung sila’y makikinig sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. (Hebreo 1:1, 2) Ang puntong ito ay tinalakay sa liham. Halimbawa, upang suhayan ang kaniyang payo, ipinaalaala ng apostol sa kaniyang mga mambabasa na ang mga Israelita ay pinarusahan dahil sa pagsuway nang sila’y nasa ilang. Ang mga Kristiyanong Hebreo ay hindi rin naman makaiiwas sa parusa kung kanilang tatanggihan ang sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus at sila’y magiging mga apostata na doon mangangapit sa Kautusang Mosaiko na winakasan na ng inihandog na hain ni Kristo!—Hebreo 12:24-27.
Ang Pagkakapit ng Pangmagkakapatid na Pag-iibigan
5. (a) Ano pang payo ang ibinibigay ng liham sa mga Hebreo? (b) Ano ba ang sinabi ni Pablo tungkol sa pag-ibig?
5 Ang liham sa mga Hebreo ay nagbigay ng payo sa umaasang magiging mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian tungkol sa kung papaano tutularan ang kanilang Halimbawa, si Jesu-Kristo, sa ‘pagsasagawa ng banal na paglilingkod na may banal na takot at sindak,’ at gagawing si Jehova ang kanilang Katulong. (Hebreo 12:1-4, 28, 29) Ipinayo ni Pablo sa mga kapananampalataya na palagiang magkatipon at ‘mag-udyukan sa isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa.’ (Hebreo 10:24, 25) Ngayon ay nagpayo siya: “Ipagpatuloy sana ninyo ang inyong pag-iibigang pangmagkakapatid.”—Hebreo 13:1.
6. Sa anong diwa nagbigay si Jesus sa kaniyang mga tagasunod ng “isang bagong utos” tungkol sa pag-ibig?
6 Hiniling ni Jesus ang ganiyang pag-iibigan sa kaniyang mga tagasunod, sapagkat sinabi niya: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Ito’y “isang bagong utos” sa bagay na humihiling ito ng higit kaysa hinihiling ng Kautusang Mosaiko, na nagsasabi: “Iibigin mo ang iyong kapuwa [o, kapitbahay] na gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Ang “bagong utos” ay higit pa ang ginawa kaysa hilingin lamang na ibigin ng isang tao ang kaniyang kapuwa gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili. Iyon ay humihingi ng mapagsakripisyong pag-ibig hanggang sa sukdulang ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay para sa iba. Ang buhay at kamatayan ni Jesus ang nagbigay ng halimbawa ng gayong uri ng pag-ibig. Ang ganitong pagkakakilanlang tanda ang ipinahiwatig ni Tertullian nang kaniyang sipiin ang mga sinabi ng makasanlibutang mga tao tungkol sa mga Kristiyano at ang sabi: “‘Masdan,’ ang sabi nila, ‘kung papaanong nag-iibigan sila sa isa’t isa . . . at kung papaanong sila’y handang mamatay para sa isa’t isa.’”—Apology, kabanata XXXIX, 7.
7. Papaanong ang pag-iibigang pangmagkakapatid ay nakita pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E.?
7 Ang pag-iibigang pangmagkakapatid ay nakita sa gitna ng mga alagad ni Jesus pagkatapos ng Pentecostes 33 C. E. Upang maraming bagong kababautismong mga sumasampalataya na galing sa malalayong lugar ang makapagpatuloy pa ng paglagi sa Jerusalem at pagkatuto ng higit pa tungkol sa paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo, “lahat ng nagsisisampalataya ay sama-sama at lahat nilang ari-arian ay sa kalahatan, at ipinagbili nila ang kanilang pag-aari at kayamanan at ang pinagbilhan ay ipinamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.”—Gawa 2:43-47; 4:32-37.
8. Ano ang patotoo na ang pag-iibigang pangmagkakapatid ay umiiral sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
8 Ang ganiyang pag-iibigang pangmagkakapatid ay umiiral sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa panahon natin. Halimbawa, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang gayong pag-ibig ang nag-udyok sa mga lingkod ng Diyos na magsagawa ng isang dalawa-at-kalahating-taóng kampanya sa pagtulong. Mga Saksi sa Canada, Sweden, Switzerland, Estados Unidos, at iba pang mga lupain ang nag-abuloy ng mga damit at salapi upang maibili ng pagkain para sa mga kapananampalataya sa sinalanta-ng-digmaang mga bansa ng Austria, Belgium, Bulgaria, Tsina, Czechoslovakia, Denmarka, Inglatera, Pinlandia, Pransiya, Alemanya, Gresya, Hungary, Italya, Netherlands, Norway, Pilipinas, Polandia, at Romania. Ito’y isang halimbawa lamang, sapagkat ang mga lingkod ng Diyos kamakailan lamang ay nagpamalas ng ganiyang pag-ibig para sa mga Kristiyanong biktima ng mga lindol sa Peru at Mexico, ng mga malalakas na bagyo sa Jamaica, at nakakatulad na mga kapahamakan sa mga ibang lugar. Dito at sa marami pang mga paraan, ang mga lingkod ni Jehova ay ‘nagpapatuloy sa kanilang pag-iibigang pangmagkakapatid.’
Maging Mapagpatuloy Kayo
9. (a) Anong maka-Diyos na katangian ang binabanggit sa Hebreo 13:2? (b) Papaanong ang iba’y walang kamalay-malay na ‘nagpatulóy ng mga anghel’?
9 Pagkatapos ay binanggit ni Pablo ang isa pang katangiang makikita sa mga taong sumusunod kay Kristo, ‘nagsasagawa ng banal na paglilingkod na may maka-Diyos na takot at sindak,’ at si Jehova ang kanilang Katulong. Kaniyang ipinayo: “Huwag ninyong kalilimutan ang maging mapagpatuloy, sapagkat sa pamamagitan nito ang iba, walang kamalay-malay, ay nakapagpatulóy ng mga anghel.” (Hebreo 13:2) Sino ang walang kamalay-malay na “nakapagpatulóy ng mga anghel”? Bueno, ang patriarkang si Abraham ang nagpatulóy ng tatlong anghel. (Genesis 18:1-22) Dalawa sa kanila ang umalis, at ang kaniyang pamangking si Lot ang nag-anyaya sa mismong mga estrangherong ito upang tumuloy sa kaniyang tahanan sa Sodoma. Gayunman, bago sila nakapamahinga ang bahay ni Lot ay pinalibutan ng isang kawan ng mga mang-uumog, “mula sa mga batang lalaki hanggang sa matatandang lalaki.” Kanilang hiniling na ang mga panauhin ni Lot ay ibigay sa kanila upang kanilang masipingan, ngunit siya’y may katigasang tumutol. Bagaman sa simula’y walang malay si Lot, siya pala’y nagpatulóy ng mga anghel, na pagkatapos ay siyang tumulong sa kaniya at sa kaniyang mga anak na babae upang makaligtas sa kamatayan nang ‘si Jehova’y magpaulan ng apoy at asupre buhat sa langit sa Sodoma at Gomorra.’—Genesis 19:1-26.
10. Anong mga pagpapala ang tinatamasa ng mapagpatuloy na mga Kristiyano?
10 Ang mapagpatuloy na mga Kristiyano ay nagtatamasa ng maraming pagpapala. Kanilang napapakinggan ang kasiya-siyang mga karanasan na ibinibida ng kanilang mga panauhin at sila’y nakikinabang buhat sa kapaki-pakinabang na pakikisalamuha sa mga ito. Si Gayo ay pinapurihan sa kaniyang pagpapatulóy sa mga kapuwa mananampalataya, “at mga estranghero pa nga,” gaya rin ng maraming mga lingkod ni Jehova ngayon na nagpapatulóy ng mga naglalakbay na mga tagapangasiwa. (3 Juan 1, 5-8) Ang pagiging mapagpatuloy ay isang katangian na hinahanap para ang isa’y mahirang na isang matanda. (1 Timoteo 3:2; Tito 1:7, 8) Kapansin-pansin din na pinangakuan ni Jesus ng mga pagpapala ng Kaharian ang tulad-tupang mga tao na nagmagandang-loob na gumawa ng kabutihan sa kaniyang pinahirang “mga kapatid.”—Mateo 25:34-40.
Alalahanin ang mga Pinag-uusig
11. Bakit angkop ang payo ng Hebreo 13:3?
11 Yaong mga nagnanasang magkamit ng tulong ni Jehova at ‘magsagawa ng banal na paglilingkod sa kaniya na may maka-Diyos na takot at sindak’ ay kailangang huwag lilimot sa naghihirap na mga kapananampalataya. Naunawaan ni Pablo ang mga kahirapang pinagtitiisan ng pinag-uusig na mga Kristiyano. Mas maaga, ang mga alagad ay pinangalat ng pag-uusig, at ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo ay kalalaya lamang noon sa bilangguan. (Hebreo 13:23; Gawa 11:19-21) Ang mga misyonerong Kristiyano ay naglalakbay rin noon sa iba’t ibang lugar sa pagtatayo ng mga bagong kongregasyon o dili kaya’y kanilang pinatitibay sa espirituwal ang mga umiiral na. Yamang marami sa mga kapatid na palipat-lipat noon ay mga Gentil, ang mga ibang Hebreong Kristiyano ay marahil hindi gaanong nababahala tungkol sa kanila. Kung gayon, angkop naman ang payo: “Alalahanin ninyo yaong mga may tanikala na para bang kayo’y nakagapos na kasama nila, at yaong mga pinagmamalupitan, yamang kayo man ay nasa katawan pa.”—Hebreo 13:3.
12. Papaano natin maikakapit ang payo na alalahanin ang pinagmamalupitang mga kapananampalataya natin?
12 Ang mga Hebreo ay “nagpahayag ng pakikiramay sa mga nangabibilanggo” ngunit hindi dapat kalimutan ang gayong mga tapat na kapuwa mananamba, sila man ay mga Judio o mga Gentil. (Hebreo 10:34) Ngunit kumusta naman tayo? Papaano natin maipakikita na ating inaalaala ang pinagmamalupitang mga Kristiyano? Sa mga ilang pangyayari ay marahil angkop na tayo’y dumulog sa mga pinuno ng pamahalaan sa pamamagitan ng liham upang matulungan ang ating mga kapananampalataya na nakabilanggo nang dahil sa kanilang pananampalataya, sa mga lupain na kung saan ibinabawal ang pangangaral ng Kaharian. Ating alalahanin sila lalung-lalo na sa ating mga panalangin, na binabanggit pa man din ang iba sa kanila sa pangalan, kung maaari. Ang pag-uusig sa kanila ay lubhang ipinagdaramdam natin, at dinidinig naman ni Jehova ang ating taimtim na mga pagdalangin alang-alang sa kanila. (Awit 65:2; Efeso 6:17-20) Bagaman tayo’y hindi nila kasama sa kanilang selda sa bilangguan, para bagang tayo’y naroroon din kasama nila at nakapaghahandog ng tulong at pampatibay-loob. Ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ay tunay na nakikiramay sa pinagmamalupitang mga pinahiran. (Ihambing ang 1 Corinto 12:19-26.) Ang mga ito ay may nakakatulad na pagkabahala sa kanilang pinag-uusig na mga kasama na may makalupang mga pag-asa, na dumaranas din ng iba’t ibang uri ng kalupitan sa kamay ng mga mang-uusig. Ang gayong pakikiramay ay angkop, yamang lahat tayo ay narito pa sa katawang-tao at maaaring dumanas ng mga kahirapan at pag-uusig bilang mga mananamba kay Jehova.—1 Pedro 5:6-11.
Kailangang Maging Marangal ang Pag-aasawa
13. Ano ang pinakadiwa ng sinabi ni Pablo sa Hebreo 13:4?
13 Sa pagsunod sa halimbawa ni Kristo at ‘pagsasagawa ng banal na paglilingkod kay Jehova na may maka-Diyos na takot at sindak’ tayo’y dapat maapektuhan ng ating pagkabahala sa kapakanan ng iba sa maraming paraan. Pagkatapos na sabihin na “kayo man ay nasa katawan pa,” binanggit ni Pablo ang isang relasyon na may kinalaman sa katawan, o pisikal, na nagbibigay ng pagkakataon upang magpakita ng hustong pagpapakundangan sa iba. (Hebreo 13:3) Ibinigay niya sa mga Hebreong Kristiyano ang ganitong payo: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang magkadungis ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Anong pagkaangkop-angkop nga ng payong ito, yamang ang seksuwal na imoralidad ay laganap sa Imperyong Romano! Ang kasalukuyang-panahong mga Kristiyano ay kailangan ding makinig sa mga salitang ito sa gitna ng mababang pamantayang-asal ng sanlibutan at dahil sa taun-taon libu-libo ang natitiwalag buhat sa kongregasyon dahilan sa seksuwal na imoralidad.
14. Bakit mo masasabing ang pag-aasawa ay marangal?
14 Kabilang sa mga may mataas na pagkakilala sa pag-aasawa ay yaong mga Essenes noong panahon ni Pablo. Karamihan sa kanila’y mga di-nag-asawa, katulad ng iba sa mga klerigo sa ngayon na may maling pagkakilala na ang di-pag-aasawa’y mas banal kaysa pag-aasawa. Gayunman, sa sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, malinaw na ipinakita niya na marangal ang pag-aasawa. Ang mataas na pagkakilala rito ay nahalata nang bigkasin ni Naomi ang kaniyang hangarin para sa kaniyang nabiyudang mga manugang na babae, sina Ruth at Orpa: “Ipagkaloob nawa ni Jehova na kayo’y makasumpong ng dakong kapahingahan bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:9) Sa ibang mga teksto naman, si Pablo mismo ang nagpahayag na ‘sa mga huling yugto ng panahon ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, magbabawal ng pag-aasawa.’—1 Timoteo 4:1-5.
15. Sino ang tinukoy na mga mapakiapid at mga mangangalunya sa Hebreo 13:4, at papaano sila hahatulan ng Diyos?
15 Ang mga Hebreong dati’y nasa ilalim ng Kautusan ngunit kinuha upang makasali sa bagong tipan ay may kaalaman sa utos na: “Huwag kang mangangalunya.” (Exodo 20:14) Subalit sila’y nasa isang imoral na sanlibutan at nangangailangan ng babala: “Hayaang . . . huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga mangangalunya.” Kabilang sa mga nakikiapid ay yaong mga taong bagaman hindi naman mga mag-asawa ay nagtatalik. Ang mga mangangalunya lalung-lalo na ay yaong mga taong may asawa na nakikipagtalik sa mga hindi nila asawa, dinudungisan ang sariling higaan ng mag-asawa. Yamang ang di-nagsisising mga nagkakasala ng pakikiapid at pangangalunya ay karapat-dapat sa hatol ng Diyos laban sa kanila, sila’y hindi tatanggapin sa makalangit na Bagong Jerusalem ni magtatamasa man sila ng walang-hanggang buhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. (Apocalipsis 21:1, 2, 8; 1 Corinto 6:9, 10) Ang babalang ito na huwag dungisan ang higaan ng mag-asawa ay dapat ding mag-udyok sa may asawang mga Kristiyano na iwasan ang maruruming seksuwal na pakikipagtalik sa kani-kanilang asawa bagaman walang masama tungkol sa wastong pisikal na pagtatalik ng mga mag-asawa.—Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 15, 1983, pahina 27-31.
Kontento Na sa Kasalukuyang mga Bagay
16, 17. Ano ang sinabi sa Hebreo 13:5, at bakit kinailangan ng mga Hebreo ang ganitong payo?
16 Tayo’y magiging kontento kung tutularan natin ang ating Halimbawa at ‘magsasagawa ng banal na paglilingkod na may maka-Diyos na takot at sindak,’ nagtitiwala na si Jehova ang ating Katulong. Ang lubhang pagkasangkot sa materyal na mga tunguhin ay maaaring maging isang malaking tukso. Ngunit ang mga Kristiyano ay hindi kailangang padala rito. Sa mga Hebreo ay sinabi: “Ang inyong paraan ng pamumuhay ay wala sanang anumang bahid ng pag-ibig sa salapi, samantalang kontento na kayo sa kasalukuyang mga bagay. Sapagkat siya rin ang nagsabi: ‘Sa anumang paraan ay hindi kita iiwanan, sa anumang paraan ay hindi kita pababayaan.’” (Hebreo 13:5) Bakit ba kinailangan ng mga Hebreo ang ganitong payo?
17 Marahil ang mga Hebreo ay labis na nabahala tungkol sa salapi sapagkat kanilang naaalaala ang “malaking taggutom” noong paghahari ni Claudio Caesar (41-54 C.E.). Napakatindi ng taggutom kung kaya’t ang mga Kristiyano sa mga ibang lugar ay nagpadala ng mga pantulong na panustos sa kanilang mga kapatid sa Judea. (Gawa 11:28, 29) Sang-ayon sa Judiong mananalaysay na si Josephus, ang taggutom ay tumagal ng tatlong taon o higit pa, na nagdala ng malaking paghihikahos sa mga tao sa Judea at Jerusalem.—Antiquities of the Jews, XX, 2, 5; 5, 2.
18. Anong aral ang ibinibigay sa atin ng payo sa Hebreo 13:5?
18 Mayroon ba itong isang aral para sa atin? Oo, sapagkat dukhang-dukha man tayo, tayo’y di-dapat umibig sa salapi o maging labis na nababahala tungkol sa salapi. Sa halip na mabalisa tungkol sa kapanatagan sa kabuhayan, anupa’t marahil nagiging masakim pa nga ang isang tao, tayo’y dapat na “masiyahan na sa kasalukuyang mga bagay.” Sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25-34) Kaniya ring ipinakita na tayo’y dapat magbuhos ng ating buong pansin sa pagiging “mayaman sa Diyos” sapagkat ‘ang ating buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na ating taglay.’ (Lucas 12:13-21) Kung ang pag-ibig sa salapi ay nagsasapanganib sa ating espirituwalidad, kung gayon, pakinggan natin ang payo ni Pablo sa mga Hebreo at alalahanin din na “ang maka-Diyos na debosyon na may kalakip na kasiyahan” ay “nagdadala ng malaking pakinabang.”—1 Timoteo 6:6-8.
Magtiwala kay Jehova
19. Anong katiyakan ang ibinigay ng Diyos kay Josue, at papaano tayo dapat maapektuhan nito?
19 Bilang mga tagasunod ni Jesus na naghahangad ‘magsagawa ng banal na paglilingkod na may maka-Diyos na takot at sindak,’ tayo’y kailangang magtiwala hindi sa salapi kundi sa ating makalangit na Ama, na ang tulong ay totoong kailangan natin. Anumang mga suliranin ang napapaharap sa atin, tandaan natin ang kaniyang katiyakang ibinigay: “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwanan, sa anumang paraan ay hindi kita pababayaan.” (Hebreo 13:5) Dito ay nagpapahiwatig si Pablo ng mga sinalita ng Diyos kay Josue: “Hindi kita iiwan ni lubusang pababayaan man kita.” (Josue 1:5; ihambing ang Deuteronomio 31:6, 8.) Si Josue ay hindi pinabayaan kailanman ni Jehova, at tayo’y hindi rin Niya pababayaan kung tayo’y nagtitiwala sa Kaniya.
20. (a) Ano ang taunang-teksto sa 1990? (b) Ano ang dapat na patuluyang gawin natin nang walang takot?
20 Ang maaasahang tulong ng Diyos ay idiriin sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa hinaharap na mga buwan, sapagkat ang kanilang taunang-teksto sa 1990 ay nagsasabi: “Magpakatibay-loob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko.’” Ang mga salitang ito ay nasa Hebreo 13:6, na kung saan sinipi ni Pablo ang mga salita ng salmista at sinabi niya sa mga Hebreo: “Tayo’y magpakatibay-loob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko; ako’y hindi matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Awit 118:6) Bagaman tayo’y pinag-uusig, tayo’y hindi natatakot, sapagkat hindi makagagawa ang mga tao ng higit kaysa ipinahihintulot ng Diyos. (Awit 27:1) Kahit na tayo’y mamatay bilang mga mapag-ingat ng katapatan, tayo’y may pag-asang bubuhaying-muli. (Gawa 24:15) Kaya patuloy na tularan natin ang ating ulirang Halimbawa sa ‘pagsasagawa ng banal na paglilingkod na may maka-Diyos na takot at sindak,’ nagtitiwala na si Jehova ang ating Katulong.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang mga Hebreong Kristiyano ang lalo nang nangailangan ng tulong ni Jehova?
◻ Papaanong pinangyayari ng mga lingkod ni Jehova na ‘magpatuloy ang kanilang pag-iibigang pangmagkakapatid’?
◻ Bakit dapat na tayo’y maging mapagpatuloy?
◻ Ano ang maaari nating gawin upang ipakita na ating inaalaala ang pinagmamalupitang mga kapananampalataya natin?
◻ Bakit ang pag-aasawa ay kailangang panatilihing marangal?