ARALIN 59
Makakayanan Mo ang Pag-uusig
Sa malapit na hinaharap, pag-uusigin tayong mga Kristiyano at baka pahirapan pa nga tayo. Dapat ba tayong matakot?
1. Bakit inaasahan na natin ang pag-uusig?
Malinaw ang sinasabi ng Bibliya: “Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:12) Pinag-usig si Jesus kasi hindi siya bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Hindi rin tayo bahagi ng sanlibutan, kaya hindi na tayo magtataka kung pag-uusigin tayo ng gobyerno at ng mga relihiyosong organisasyon.—Juan 15:18, 19.
2. Paano tayo makakapaghanda sa pag-uusig?
Ngayon pa lang, kailangan nating patibayin ang pagtitiwala natin kay Jehova. Araw-araw na manalangin sa kaniya at magbasa ng Salita niya. Regular na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Tutulong ang mga ito para magkaroon tayo ng lakas ng loob na harapin ang anumang pag-uusig kahit manggaling pa ito sa mga kapamilya natin. Madalas pag-usigin si apostol Pablo, kaya sinabi niya: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.”—Hebreo 13:6.
Magkakaroon din tayo ng lakas ng loob kung regular tayong mangangaral. Kapag nangangaral tayo, natututo tayong magtiwala kay Jehova at nawawala ang takot natin sa mga tao. (Kawikaan 29:25) Habang lumalakas ang loob nating mangaral ngayon, mas nagiging handa tayong patuloy na mangaral kahit ipagbawal pa ng gobyerno ang gawain natin.—1 Tesalonica 2:2.
3. Paano tayo makikinabang kung mananatili tayong tapat kahit pinag-uusig tayo?
Siyempre hindi natin gusto na pag-usigin tayo. Pero kung makakayanan natin ang pag-uusig, titibay ang pananampalataya natin. Mas mapapalapít tayo kay Jehova kasi nakikita nating tinutulungan niya tayo, lalo na sa panahong parang hindi na natin kaya. (Basahin ang Santiago 1:2-4.) Nasasaktan si Jehova kapag nakikita niya tayong nahihirapan, pero masaya siya kapag nakikita niya tayong hindi sumusuko. Sinasabi ng Bibliya: “Kung nagtitiis kayo ng pagdurusa dahil sa paggawa ng mabuti, kalugod-lugod ito sa Diyos.” (1 Pedro 2:20) Kung mananatili tayong tapat, pagpapalain tayo ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan. Pagkatapos, maglilingkod kay Jehova ang lahat ng titira doon at wala nang uusig sa kanila.—Mateo 24:13.
PAG-ARALAN
Alamin kung bakit puwede tayong manatiling tapat kay Jehova kahit pinag-uusig tayo at kung paano niya tayo pagpapalain.
4. Makakayanan mo ang pang-uusig ng mga kapamilya mo
Baka pigilan tayo ng mga kapamilya natin na maglingkod kay Jehova. Iyan mismo ang sinabi ni Jesus. Basahin ang Mateo 10:34-36. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang posibleng mangyari kung ipasiya ng isang miyembro ng pamilya na maglingkod kay Jehova?
Para makita ang isang halimbawa, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang gagawin mo kung pahintuin ka ng kapamilya o kaibigan mo na maglingkod kay Jehova?
Basahin ang Awit 27:10 at Marcos 10:29, 30. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong sa iyo ang pangakong ito kapag pinag-usig ka ng kapamilya o kaibigan mo?
5. Patuloy na sambahin si Jehova kahit may pag-uusig
Kailangan natin ng lakas ng loob para patuloy na mapaglingkuran si Jehova kahit pag-usigin tayo. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ka napatibay ng mga karanasan sa video?
Basahin ang Gawa 5:27-29 at Hebreo 10:24, 25. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mahalagang patuloy na sambahin si Jehova kahit ipagbawal ang pangangaral at mga pulong natin?
6. Tutulungan ka ni Jehova na magtiis
Kahit pinag-uusig, patuloy pa ring naglilingkod nang tapat kay Jehova ang mga Saksi, anuman ang edad nila at saanman sila nakatira. Ano ang nakatulong sa kanila? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa video, ano ang nakatulong sa mga Saksi para makapagtiis?
Basahin ang Roma 8:35, 37-39 at Filipos 4:13. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano sinisigurado ng tekstong ito na makakayanan mo ang mga pag-uusig?
Basahin ang Mateo 5:10-12. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit puwede kang maging masaya kahit may pag-uusig?
MAY NAGSASABI: “Parang ’di ko kakayanin ang pag-uusig.”
Anong teksto ang gagamitin mo para mapatibay mo siya?
SUMARYO
Pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap natin na patuloy siyang paglingkuran kahit may pag-uusig. Sa tulong niya, makakayanan natin ito!
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit inaasahan na ng mga Kristiyano na pag-uusigin sila?
Ano ang puwede mong gawin ngayon para maging handa ka sa pag-uusig?
Bakit ka makakapagtiwala na makakapaglingkod ka kay Jehova kahit may mga pagsubok?
TINGNAN DIN
Panoorin kung paano nakapagtiis, o nakapagbata, ang isang brother sa tulong ni Jehova nang mabilanggo siya dahil sa neutralidad.
Alamin kung ano ang nakatulong sa isang mag-asawa na makapaglingkod nang tapat kay Jehova sa loob ng maraming taon kahit may pag-uusig.
Alamin kung paano ka magkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang mga pag-uusig.
“Maghanda Na Ngayon sa Pag-uusig” (Ang Bantayan, Hulyo 2019)
Ano ang dapat na maging pananaw natin kapag pinag-uusig tayo ng mga kapamilya natin, at paano natin ito mahaharap?
“Ang Dala ng Katotohanan ay ‘Tabak, Hindi Kapayapaan’” (Ang Bantayan, Oktubre 2017)