ARALING ARTIKULO 27
Maghanda Na Ngayon sa Pag-uusig
“Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.”—2 TIM. 3:12.
AWIT 129 Hindi Tayo Susuko
NILALAMANa
1. Bakit dapat tayong maghanda sa pag-uusig?
NOONG gabi bago patayin ang Panginoong Jesus, sinabi niyang kapopootan ng mga tao ang lahat ng gustong maging alagad niya. (Juan 17:14) Hanggang ngayon, inuusig pa rin ng mga kalaban ng tunay na pagsamba ang tapat na mga Kristiyano. (2 Tim. 3:12) Habang papalapit ang katapusan ng sistemang ito, inaasahan nating lalo pa tayong pag-uusigin ng mga kaaway.—Mat. 24:9.
2-3. (a) Ano ang dapat nating malaman tungkol sa takot? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Paano tayo maghahanda ngayon sa pag-uusig? Hindi naman natin kailangang isipin ang lahat ng puwedeng mangyari sa atin. Baka kasi sa sobrang takot at pag-aalala, hindi pa man tayo inuusig, suko na tayo. (Kaw. 12:25; 17:22) Ang takot ay ginagamit ng ating “kalaban . . . , ang Diyablo,” at napakabisa nito. (1 Ped. 5:8, 9) Ano ang puwede nating gawin ngayon para mapaghandaan at makayanan ang pag-uusig?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin kung paano mapapatibay ang ating kaugnayan kay Jehova at kung bakit mahalagang gawin na iyan ngayon pa lang. Tatalakayin din natin kung ano ang puwedeng gawin para mas lalo tayong magkaroon ng lakas ng loob. At panghuli, susuriin natin kung paano haharapin ang poot ng mga umuusig sa atin.
PATIBAYIN ANG KAUGNAYAN MO KAY JEHOVA
4. Ayon sa Hebreo 13:5, 6, saan tayo dapat maging kumbinsido, at bakit?
4 Maging kumbinsido na mahal ka ni Jehova at hinding-hindi ka niya pababayaan. (Basahin ang Hebreo 13:5, 6.) Maraming taon na ang nakakalipas, sinabi ng Bantayan: “Kapag kilalang-kilala ng isang tao ang Diyos, magtitiwala siya nang lubusan sa Diyos pagdating ng pagsubok.” Totoo iyan! Para makayanan ang pag-uusig, dapat nating ibigin at lubusang pagtiwalaan si Jehova at huwag nating pagdudahan ang pagmamahal niya sa atin.—Mat. 22:36-38; Sant. 5:11.
5. Ano ang makakatulong para madama mong mahal ka ni Jehova?
5 Basahin ang Bibliya araw-araw at gawing tunguhin na mas mapalapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Habang nagbabasa, magpokus sa mga katangian ni Jehova at damhin ang pagmamahal niya na makikita sa kaniyang sinasabi at ginagawa. (Ex. 34:6) Baka mahirap ito para sa ilan dahil hindi pa sila nakakaranas mahalin. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, bakit hindi mo ilista araw-araw kung paano ka pinagpapakitaan ni Jehova ng awa at kabaitan? (Awit 78:38, 39; Roma 8:32) Kapag binalikan mo ang mga naranasan mo at pinag-isipan ang mga nabasa mo sa Salita ng Diyos, malamang na makapaglista ka ng maraming bagay na ginawa ni Jehova para sa iyo. Habang pinahahalagahan mo ang mga ginagawa ni Jehova, lalong tumitibay ang kaugnayan mo sa kaniya.—Awit 116:1, 2.
6. Ayon sa Awit 94:17-19, paano makakatulong sa iyo ang taimtim na pananalangin?
6 Regular na manalangin. Isipin ang isang batang yakap ng tatay niya. Panatag na panatag ang bata kaya nasasabi niya sa tatay niya ang magaganda at masasamang nangyari sa kaniya nang araw na iyon. Puwede ka ring magkaroon ng ganiyang kaugnayan kay Jehova kung taimtim kang mananalangin sa kaniya araw-araw. (Basahin ang Awit 94:17-19.) Kapag nananalangin kay Jehova, “ibuhos mo ang puso mo na parang tubig” at sabihin sa iyong mapagmahal na Ama ang lahat ng iyong ikinatatakot at ikinababahala. (Panag. 2:19) Ang resulta? Mararamdaman mo ang tinatawag ng Bibliya na “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Kapag ganiyan ka manalangin, lalo kang mapapalapít kay Jehova.—Roma 8:38, 39.
7. Bakit dapat na kumbinsido kang magkakatotoo ang mga pangako ng Diyos tungkol sa kaniyang Kaharian?
7 Maging kumbinsidong magkakatotoo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. (Bil. 23:19) Kung hindi, mas madali para kay Satanas at sa mga kampon niya na takutin ka. (Kaw. 24:10; Heb. 2:15) Paano mo mapapatibay sa ngayon ang iyong pagtitiwala sa Kaharian ng Diyos? Pag-aralan mo ang mga pangako ng Diyos tungkol sa Kaharian at kung bakit ka makakatiyak na magkakatotoo ang mga ito. Paano iyan makakatulong? Tingnan ang halimbawa ni Stanley Jones, na pitong taóng nabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya.b Ano ang nakatulong sa kaniya na matiis iyon? Sinabi niya: “Naging matatag ako dahil sa kaalaman ko tungkol sa kaharian ng Diyos. Ni minsan ay hindi ko ito pinag-alinlanganan. Kaya hindi ako natinag.” Kapag matibay ang pagtitiwala mo sa mga pangako ng Diyos, mapapalapít ka kay Jehova at hindi ka madaraig ng takot.—Kaw. 3:25, 26.
8. Ano ang ipinapahiwatig ng pagpapahalaga natin sa mga pulong? Ipaliwanag.
8 Regular na dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nakakatulong ang mga pulong para mas mapalapít tayo kay Jehova. Ang pagpapahalaga natin sa mga pulong ay nagpapahiwatig na makakayanan natin ang pag-uusig. (Heb. 10:24, 25) Bakit? Kung dahil lang sa maliliit na bagay ay hindi na tayo makadalo, paano pa kung buhay na natin ang nakataya? Pero kung talagang desidido tayo sa pagdalo, walang sinumang makakahadlang sa atin. Kaya ngayon pa lang, pahalagahan na natin ang ating mga pulong. Kapag mahalaga sa atin ang pagdalo, kahit ipagbawal ito ng gobyerno, dadalo pa rin tayo. Dahil para sa atin, Diyos muna bago ang tao.—Gawa 5:29.
9. Bakit isang magandang paraan ng paghahanda sa pag-uusig ang pagsasaulo ng mga teksto?
9 Sauluhin ang mga paborito mong teksto. (Mat. 13:52) Hindi perpekto ang memorya natin, pero kayang gamitin ni Jehova ang kaniyang makapangyarihang banal na espiritu para ipaalaala sa atin ang mga tekstong iyon. (Juan 14:26) Pansinin ang sinabi ng isang brother na ibinilanggo at ibinartolina sa East Germany: “Mabuti na lang at nakapagsaulo ako noon ng daan-daang teksto! Kaya kahit nag-iisa ako, abala ako sa pagbubulay-bulay ng mga tekstong ’yon.” Nakatulong ang mga tekstong iyon para makapanatiling malapít kay Jehova ang brother na ito—at makapagtiis nang may katapatan.
10. Bakit dapat tayong magsaulo ng mga awit?
10 Sauluhin at kantahin ang mga awiting pumupuri kay Jehova. Noong nakabilanggo sa Filipos, kinanta nina Pablo at Silas ang mga saulado nilang awit ng papuri kay Jehova. (Gawa 16:25) Ganiyan din ang ginawa ng mga kapatid natin sa dating Unyong Sobyet noong ipatapon sila sa Siberia. Natatandaan pa ni Sister Mariya Fedun: “Inawit namin ang lahat ng awit na alam namin, ang mga awit mula sa aklat-awitan.” Sinabi niyang nakapagpatibay iyon at nakatulong sa kanila para madamang mas malapít sila kay Jehova. Napapatibay ka ba kapag kinakanta mo ang mga paborito mong awit para kay Jehova? Kaya ngayon pa lang, sauluhin mo na ang mga iyon!—Tingnan ang kahong “Bigyan Mo Ako ng Lakas ng Loob.”
PALAKASIN ANG IYONG LOOB
11-12. (a) Ayon sa 1 Samuel 17:37, 45-47, bakit malakas ang loob ni David? (b) Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa halimbawa ni David?
11 Para maharap ang pag-uusig, kailangan mo ang lakas ng loob. Kung iniisip mong wala ka nito, ano ang puwede mong gawin? Tandaan na hindi nakadepende sa iyong laki, lakas, o abilidad ang pagkakaroon ng tunay na lakas ng loob. Tingnan natin ang halimbawa ng kabataang si David nang harapin niya si Goliat. Kumpara sa higanteng iyon, si David ay mas maliit, mas mahina, at wala man lang sandata. Kahit nga espada, wala siya. Pero napakalakas ng loob niya. Buong tapang niyang sinugod ang mayabang na higante.
12 Bakit napakalakas ng loob ni David? Alam niya kasing kasama niya si Jehova. (Basahin ang 1 Samuel 17:37, 45-47.) Hindi inintindi ni David kung mas malaki man sa kaniya si Goliat. Basta ang alam niya, napakaliit ni Goliat kumpara kay Jehova. Ano ang matututuhan natin dito? Lalakas ang loob natin kapag nagtitiwala tayong kasama natin si Jehova at kapag naniniwala tayong napakaliit lang ng mga kalaban natin kumpara sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (2 Cro. 20:15; Awit 16:8) Paano natin mapapalakas ang ating loob sa ngayon—bago dumating ang pag-uusig?
13. Paano tayo magkakaroon ng lakas ng loob? Ipaliwanag.
13 Sa ngayon, mapapalakas natin ang ating loob kapag nangangaral tayo ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Bakit? Dahil kapag nangangaral tayo, natututo tayong magtiwala kay Jehova at napaglalabanan natin ang takot sa tao. (Kaw. 29:25) Kung paanong lumalakas ang mga muscle natin kapag nag-eehersisyo tayo, lumalakas din ang ating loob kapag nangangaral tayo sa bahay-bahay, sa pampublikong lugar, sa lugar ng negosyo, at sa di-pormal na paraan. Kapag malakas na ang loob nating mangaral ngayon pa lang, magiging handa tayong patuloy na mangaral kahit ipagbawal pa ito ng gobyerno.—1 Tes. 2:1, 2.
14-15. Ano ang matututuhan natin kina Nancy Yuen at Valentina Garnovskaya?
14 Marami rin tayong matututuhan sa lakas ng loob ng dalawang tapat na sister. Si Nancy Yuen ay mga limang talampakan lang ang taas, pero hindi siya madaling takutin.c Hindi siya mapigil sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Dahil dito, mahigit 20 taon siyang nabilanggo sa Communist China. Sinabi ng mga opisyal na nag-imbestiga sa kaniya na siya ang “pinakamatigas ang ulo” sa bansa nila!
15 Si Valentina Garnovskaya naman ay tatlong beses na nabilanggo sa dating Unyong Sobyet na umabot nang mga 21 taon.d Bakit? Determinado kasi siyang patuloy na mangaral. Binansagan pa nga siyang “mapanganib na kriminal.” Bakit napakalakas ng loob ng dalawang tapat na sister na ito? Kumbinsido kasi silang kasama nila si Jehova.
16. Ano ang pinagmumulan ng tunay na lakas ng loob?
16 Gaya ng tinalakay natin, para magkaroon ng lakas ng loob, hindi tayo dapat magpokus sa sarili nating lakas at abilidad. Sa halip, dapat tayong magtiwalang kasama natin si Jehova at siya ang makikipaglaban para sa atin. (Deut. 1:29, 30; Zac. 4:6) Iyan ang pinagmumulan ng tunay na lakas ng loob.
KAYA MONG HARAPIN ANG POOT NG MGA TAO
17-18. Sa Juan 15:18-21, ano ang babala ni Jesus sa atin? Ipaliwanag.
17 Gustong-gusto nating igalang tayo ng iba, pero hindi doon masusukat ang halaga natin. Sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao at kapag itinatakwil nila kayo at nilalait kayo at nilalapastangan ang inyong pangalan dahil sa Anak ng tao.” (Luc. 6:22) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
18 Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na dapat matuwa ang mga Kristiyano kapag kinapopootan sila ng mga tao. Sinasabi lang niya ang puwedeng mangyari sa atin. Hindi tayo bahagi ng sanlibutan. Isinasabuhay natin ang mga turo ni Jesus at ipinapangaral ang mensaheng ipinangaral niya. Dahil dito, kinapopootan tayo ng sanlibutan. (Basahin ang Juan 15:18-21.) Gusto nating pasayahin si Jehova. Kung kinapopootan tayo ng mga tao dahil mahal natin ang ating Ama, problema na nila iyon.
19. Paano natin matutularan ang mga apostol?
19 Huwag mong ikahiya na isa kang Saksi ni Jehova dahil lang sa sinasabi o ginagawa ng ibang tao. (Mik. 4:5) Madaraig natin ang takot sa tao kapag inisip natin ang ginawa ng mga apostol sa Jerusalem pagkamatay na pagkamatay ni Jesus. Alam nila kung gaano katindi ang galit sa kanila ng mga Judiong lider ng relihiyon. (Gawa 5:17, 18, 27, 28) Pero araw-araw pa rin silang nangangaral sa templo para ipakitang mga alagad sila ni Jesus. (Gawa 5:42) Hindi sila napigilan ng takot. Madaraig din natin ang takot kapag lagi at hayagan tayong nagpapakilala bilang mga Saksi ni Jehova—sa trabaho, paaralan, at komunidad.—Gawa 4:29; Roma 1:16.
20. Bakit masaya pa rin ang mga apostol kahit kinapopootan sila?
20 Bakit masaya ang mga apostol? Alam kasi nila kung bakit sila kinapopootan, at para sa kanila, isang karangalan ang pagmalupitan dahil sa paggawa ng kalooban ni Jehova. (Luc. 6:23; Gawa 5:41) Nang maglaon, sumulat si apostol Pedro: “Kung magdusa man kayo alang-alang sa katuwiran, maligaya kayo.” (1 Ped. 2:19-21; 3:14) Kapag alam nating kinapopootan tayo dahil sa paggawa ng tama, hinding-hindi tayo magpapadaig sa takot.
MAKIKINABANG KA KUNG MAGHAHANDA KA
21-22. (a) Paano mo paghahandaan ang pag-uusig? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Hindi natin alam kung kailan tayo daranas ng pag-uusig o pagbabawal sa ating gawain. Pero alam nating mapaghahandaan natin ito ngayon pa lang kung patitibayin natin ang ating kaugnayan kay Jehova, palalakasin ang ating loob, at dadaigin ang takot sa tao. Tutulungan tayo nitong makapanindigan sa hinaharap.
22 Pero paano kung ipagbawal ang gawain natin? Sa susunod na artikulo, tatalakayin ang mga simulaing makakatulong sa atin para patuloy na makapaglingkod kay Jehova kahit may pagbabawal.
AWIT 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
a Ayaw nating kapootan tayo ng mga tao. Pero lahat tayo ay daranas ng pag-uusig. Tutulungan tayo ng artikulong ito na magkaroon ng lakas ng loob para maharap ang pag-uusig.
b Tingnan ang The Watchtower, Disyembre 15, 1965, p. 756-767.
c Tingnan ang The Watchtower, Hulyo 15, 1979, p. 4-7. Tingnan din ang video na Makikilala ang Pangalan ni Jehova sa JW Broadcasting®. Tingnan sa MGA INTERBYU AT KARANASAN.
d Tingnan ang 2008 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, p. 191-192.
e LARAWAN: Gumagamit ng mga flash card ang mga magulang sa kanilang pampamilyang pagsamba para maisaulo ng mga anak nila ang mga teksto.
f LARAWAN: Habang nasa kotse papuntang pulong, pinapraktis ng pamilya ang mga awiting pang-Kaharian.