Susubukin ang Pananampalatayang Kristiyano
“Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.”—2 TESALONICA 3:2.
1. Paano ipinakita ng kasaysayan na hindi lahat ay may tunay na pananampalataya?
SA BUONG kasaysayan, may mga lalaki, babae, at mga bata na may tunay na pananampalataya. Ang pang-uring “tunay” ay angkop sapagkat milyun-milyong iba pa ang nagpamalas ng isang uri ng pananampalataya na gaya ng kredulidad, ang pagiging handang maniwala nang walang matibay na saligan o dahilan. Malimit na kasangkot sa gayong pananampalataya ang mga huwad na diyos o mga anyo ng pagsamba na hindi kasuwato ng Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, at ng kaniyang isiniwalat na Salita. Kaya nga sumulat si apostol Pablo: “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.”—2 Tesalonica 3:2.
2. Bakit napakahalaga na suriin natin ang ating sariling pananampalataya?
2 Subalit ipinahihiwatig ng pangungusap ni Pablo na noon ay taglay ng ilan ang tunay na pananampalataya at, bilang pahiwatig, taglay ito ng ilan sa ngayon. Karamihan sa mga mambabasa ng magasing ito ay nagnanais na magtaglay at sumulong sa gayong tunay na pananampalataya—pananampalatayang kasuwato ng tumpak na kaalaman sa banal na katotohanan. (Juan 18:37; Hebreo 11:6) Ganiyan ba ang iyong kalagayan? Kung gayo’y mahalaga na kilalanin mo at paghandaan ang bagay na ang iyong pananampalataya ay susubukin. Bakit masasabi ito?
3, 4. Bakit dapat tayong bumaling kay Jesus may kinalaman sa mga pagsubok sa pananampalataya?
3 Dapat nating tanggapin na si Jesu-Kristo ay napakahalaga sa ating pananampalataya. Sa katunayan, binabanggit siya ng Bibliya bilang ang Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya. Ito ay dahil sa sinabi at ginawa ni Jesus, lalo na kung paano siya tumupad sa hula. Pinatibay niya ang saligan na doo’y maitatatag ng mga tao ang tunay na pananampalataya. (Hebreo 12:2; Apocalipsis 1:1, 2) Gayunpaman, mababasa natin na si Jesus ay “subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15) Oo, subók na ang pananampalataya ni Jesus. Sa halip na pahinain ang ating loob o lumikha ng pangamba, dapat itong makaaliw sa atin.
4 Sa pagdanas ng matitinding pagsubok maging hanggang sa kamatayan sa tulos, si Jesus ay ‘natuto ng pagkamasunurin.’ (Hebreo 5:8) Pinatunayan niya na ang mga tao ay maaaring mamuhay kasuwato ng tunay na pananampalataya sa kabila ng anumang pagsubok na dumating sa kanila. Lalo itong nagiging makabuluhan kapag isinaisip natin ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Taglayin ninyo sa isipan ang salitang sinabi ko sa inyo, Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon.” (Juan 15:20) Sa katunayan, hinggil sa kaniyang mga tagasunod sa ating panahon, inihula ni Jesus: “Kayo ay magiging tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.”—Mateo 24:9.
5. Paano ipinakikita ng Kasulatan na mapapaharap tayo sa mga pagsubok?
5 Sa pagsisimula ng siglong ito, nagsimula ang paghuhukom sa bahay ng Diyos. Inihula ng Kasulatan: “Ito ang itinakdang panahon upang pasimulan ang paghatol sa bahay ng Diyos. Ngayon kung ito ay nagpapasimula muna sa atin, ano kaya ang magiging wakas niyaong mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos? ‘At kung ang taong matuwid ay naliligtas nang may kahirapan, saan kaya haharap ang taong di-maka-Diyos at ang makasalanan?’ ”—1 Pedro 4:17, 18.
Sinusubok ang Pananampalataya—Bakit?
6. Bakit napakahalaga ang subók na pananampalataya?
6 Sa isang diwa, ang pananampalatayang hindi pa nasusubok ay hindi pa napatutunayang karapat-dapat, at hindi pa mababatid ang kalidad nito. Maaari mo itong itulad sa isang tseke na hindi pa napapalitan. Baka nakatanggap ka ng isang tseke para sa isang trabaho na ginawa mo, mga kalakal na inilaan mo, o bilang isang regalo pa nga. Sa tingin ay mukhang may pondo naman ang tseke, ngunit mayroon nga kaya? Talaga kayang makukuha mo ang halagang nakasulat doon? Kahawig nito, ang ating pananampalataya ay dapat na maging higit kaysa panlabas na anyo o basta pag-aangkin lamang. Kailangan itong masubok upang mapatunayan na ito’y mahalaga at may mahusay na uri. Kapag nasubok ang ating pananampalataya, baka matuklasan nating ito’y matibay at mahalaga. Ang isang pagsubok ay maaari ring magsiwalat ng anumang larangan na doo’y kailangan pang dalisayin o palakasin ang ating pananampalataya.
7, 8. Ano ang pinagmumulan ng mga pagsubok sa ating pananampalataya?
7 Pinahihintulutan ng Diyos na dumanas tayo ng pag-uusig at iba pang pagsubok sa pananampalataya. Mababasa natin: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman.” (Santiago 1:13) Sino o ano ang may pananagutan sa mga pagsubok na dumarating sa atin? Iyon ay si Satanas, ang sanlibutan, at ang ating sariling di-sakdal na laman.
8 Maaaring tanggapin natin na malakas ang impluwensiya ni Satanas sa sanlibutan, sa saloobin nito at sa mga lakad nito. (1 Juan 5:19) At malamang na alam natin na nanunulsol siya ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano. (Apocalipsis 12:17) Ngunit kumbinsido rin ba tayo na si Satanas ay nagsisikap na mailigaw tayo sa pamamagitan ng pag-akit sa ating di-sakdal na laman, anupat inuumang ang makasanlibutang mga panrarahuyo sa ating harapan, na umaasang kakagatin natin ang pain, susuwayin ang Diyos, hanggang sa tayo’y itakwil ni Jehova? Kung sa bagay, hindi natin dapat ipagtaka ang mga pamamaraan ni Satanas, sapagkat iyon din ang ginamit niyang mga pakana sa pagsisikap na tuksuhin si Jesus.—Mateo 4:1-11.
9. Paano tayo makikinabang mula sa mga halimbawa ng pananampalataya?
9 Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kongregasyong Kristiyano, naglalaan si Jehova sa atin ng positibong mga halimbawa ng pananampalataya na maaari nating tularan. Nagpayo si Pablo: “May pagkakaisang maging mga tagatulad ko kayo, mga kapatid, at ituon ang inyong mata doon sa mga lumalakad sa paraan na alinsunod sa halimbawang taglay ninyo sa amin.” (Filipos 3:17) Bilang isa sa mga pinahirang lingkod ng Diyos noong unang siglo, nanguna si Pablo sa mga gawa ng pananampalataya sa kabila ng matitinding pagsubok na dinanas niya. Hanggang sa pagtatapos ng ika-20 siglo, hindi tayo nagkukulang sa katulad na mga halimbawa ng pananampalataya. Ang mga salita sa Hebreo 13:7 ay mariing kumakapit din ngayon gaya noong isinulat ito ni Pablo: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita ng salita ng Diyos sa inyo, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.”
10. Anong natatanging mga halimbawa ng pananampalataya ang taglay natin nitong nakalipas na mga panahon?
10 Lalong nagkakapuwersa ang payong iyan kapag isinasaalang-alang natin ang kinalabasan ng paggawi ng pinahirang nalabi. Maaari nating dili-dilihin ang kanilang halimbawa at tularan ang kanilang pananampalataya. Ang taglay nila ay isang tunay na pananampalatayang dinalisay na dahil sa mga pagsubok. Mula sa maliliit na pasimula noon pang dekada ng 1870, nabuo ang isang pambuong-daigdig na kapatirang Kristiyano. Bunga ng pananampalataya at pagbabata ng mga pinahiran mula noon, mahigit sa lima at kalahating milyong Saksi ni Jehova ang nangangaral at nagtuturo ngayon tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang kasalukuyang pambuong-daigdig na kongregasyon ng masisigasig na tunay na mananamba ay isang patotoo sa subók na pananampalataya.—Tito 2:14.
Sinubok ang Pananampalataya Hinggil sa 1914
11. Paano naging mahalaga ang 1914 para kay C. T. Russell at sa kaniyang mga kasamahan?
11 Maraming taon pa bago sumiklab ang unang digmaang pandaigdig, ipinahahayag na ng pinahirang nalabi na ang 1914 ay magiging isang mahalagang petsa sa hula ng Bibliya. Gayunman, ang ilan sa kanilang mga inaasahan ay napakaaga, at hindi lubusang wasto ang kanilang pangmalas tungkol sa mangyayari. Halimbawa, nakita ni C. T. Russell, unang presidente ng Samahang Watch Tower, at ng kaniyang mga kasamahan na kailangan noon ang isang malawakang pangangaral. Nabasa nila: “Ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14, King James Version) Subalit paano kaya ito magagawa ng kanilang medyo maliit na grupo?
12. Paano tumugon sa katotohanan ng Bibliya ang isa sa mga kasamahan ni Russell?
12 Tingnan kung paano ito nakaapekto kay A. H. Macmillan, isang kasamahan ni Russell. Isinilang sa Canada, wala pang 20 anyos si Macmillan nang makakuha siya ng aklat ni Russell na The Plan of the Ages (1886). (Ang aklat na ito, na tinawag ding The Divine Plan of the Ages, ay naging ang Tomo I ng Studies in the Scriptures na malawakang naipamahagi. Tinukoy ng Tomo 2, ang The Time Is at Hand [1889], ang 1914 bilang siyang katapusan ng “panahon ng mga Gentil.” [Lucas 21:24, KJ]) Nang gabi mismo na magsimulang magbasa si Macmillan, naisip niya: “Buweno, mukhang ito nga ang katotohanan!” Noong tag-araw ng 1900, nakilala niya si Russell sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal at si Macmillan ay nabautismuhan at nagsimula sa paggawang kasama ni Brother Russell sa punung-tanggapan ng Samahan sa New York.
13. Anong suliranin ang nakita ni Macmillan at ng iba pa hinggil sa katuparan ng Mateo 24:14?
13 Batay sa pagbabasa nila ng Bibliya, tinukoy ng mga pinahirang Kristiyanong iyon ang 1914 bilang isang mahalagang petsa sa layunin ng Diyos. Ngunit inisip ni Macmillan at ng iba pa kung paanong ang pangangaral sa mga bansa na inihula sa Mateo 24:14 ay maisasagawa sa maikling panahong nalalabi. Nang maglaon ay sinabi niya: “Natatandaan kong madalas na ipakipag-usap ko iyan kay Brother Russell, at ang sinasabi niya, ‘Buweno, kapatid, dito mismo sa New York ay mas maraming Judio kaysa roon sa Jerusalem. Mas marami ritong mga taga-Ireland kaysa roon sa Dublin. At mas marami ritong Italyano kaysa sa Roma. Ngayon kung maaabot natin sila rito, iyan ay pag-abot sa sangkatauhan taglay ang mensahe.’ Pero hindi kami nasiyahan dito. Kaya noon ay naisip ang ‘Photo-Drama.’ ”
14. Bago ang 1914, anong natatanging proyekto ang isinagawa?
14 Tunay na isang bagong proyekto ang “Photo-Drama of Creation”! Pinagsama nito ang pelikula at mga may kulay na glass slide, na sinasabayan ng mga pahayag sa Bibliya at isinaplakang musika. Noong 1913, ganito ang sabi ng The Watch Tower tungkol sa isang kombensiyon sa Arkansas, E.U.A.: “May pagkakaisang ipinasiya na sumapit na ang panahon upang gamitin ang pelikula sa pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya. . . . Ipinaliwanag [ni Russell] na tatlong taon na siyang gumagawa para sa mismong planong ito at ngayon ay halos handa na ang daan-daang magagandang larawan, na tiyak na aakit sa malalaking pulutong at maghahayag ng Ebanghelyo, at tutulong sa madla na maibalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.”
15. Nagkaroon ng anong uri ng mga resulta ang “Photo-Drama”?
15 Ganiyang-ganiyan ang nagawa ng “Photo-Drama” pagkatapos ng unang pagpapalabas nito noong Enero 1914. Ang sumusunod ay mga ulat mula sa The Watch Tower ng 1914:
Abril 1: “Isang ministro, matapos mapanood ang dalawang bahagi, ay nagsabi, ‘Kalahati lamang ng PHOTO-DRAMA OF CREATION ang napanood ko, pero mas marami na akong natutuhan dito tungkol sa Bibliya kaysa sa natutuhan ko sa aking tatlong-taong kurso sa teolohikong seminaryo.’ Isang Judio ang nagkomento matapos mapanood ito, ‘Umalis ako na isang mas mabuting Judio kaysa noong pumasok ako.’ Ilang pari at madreng Katoliko ang nagpunta sa DRAMA at nagpahayag ng malaking pagpapahalaga. . . . Labindalawang set pa lamang ng DRAMA ang kumpleto na . . . Gayunpaman, nakarating na kami at kasalukuyang naglilingkod sa tatlumpu’t isang lunsod . . . Mahigit sa tatlumpu’t limang libo bawat araw ang nakapapanood, nakaririnig, humahanga, nag-iisip at pinagpapala.”
Hunyo 15: “Ang pelikula ay nag-udyok sa akin na maging mas masigasig sa pagpapalaganap ng Katotohanan, at nagpalaki ng aking pag-ibig sa Makalangit na Ama at sa ating minamahal na Nakatatandang Kapatid na si Jesus. Nananalangin ako araw-araw para sa pinakamayamang pagpapala ng Diyos sa PHOTO-DRAMA OF CREATION at sa lahat ng nakikibahagi sa pagpapalabas nito . . . Ako ang inyong lingkod sa Kaniya, F. W. KNOCHE.—Iowa.”
Hulyo 15: “Nalulugod kaming sabihin na kahanga-hangang impresyon para sa ikabubuti ang iniwan ng pelikula sa lunsod na ito, at natitiyak namin na ang patotoong ito sa daigdig ay ginagamit din upang tipunin ang marami na nagbibigay ng patotoo sa pagiging mga hiyas na pinili ng Panginoon. Marami kaming kilalang masisigasig na estudyante ng Bibliya na nakikisama sa Klase rito ngayon bilang resulta ng pagpapalabas ng Photo-Drama. . . . Ang inyong kapatid sa Panginoon, EMMA L. BRICKER.”
Nobyembre 15: “Natitiyak namin na malulugod kayong makabalita tungkol sa dakilang patotoo na naibibigay sa pamamagitan ng PHOTO-DRAMA OF CREATION sa The London Opera House, Kingsway. Ang patnubay ng Panginoon ay kamangha-manghang nahayag sa bawat detalye ng pagtatanghal na ito anupat ang mga kapatid ay lubhang naliligayahan . . . Ang aming mga manonood ay mula sa lahat ng antas at uri ng mga tao; napansin namin ang maraming klero na nanood. Isang bikaryo . . . ang humingi ng mga tiket upang silang mag-asawa ay makapunta at muling makapanood nito. Ang Rektor ng Church of England ay nanood ng DRAMA nang ilang beses, at . . . nagsama ng marami sa kaniyang mga kaibigan upang masaksihan iyon. Naroon din ang dalawang obispo, at ilang taong titulado.”
Disyembre 1: “Kaming mag-asawa ay tunay na nagpapasalamat sa ating Makalangit na Ama dahil sa dakila at di-matutumbasang pagpapala na dumating sa amin sa pamamagitan ninyo. Iyon ay ang inyong napakagandang PHOTO-DRAMA na siyang sanhi ng aming pagkakita at pagtanggap ng Katotohanan . . . Mayroon kami ng inyong anim na tomo ng STUDIES IN THE SCRIPTURES. Malaking tulong ang mga ito.”
Pagtugon sa mga Pagsubok Noon
16. Bakit nagdulot ng pagsubok sa pananampalataya ang 1914?
16 Subalit kumusta naman nang hindi natupad noong 1914 ang pag-asa ng taimtim at debotong mga Kristiyanong iyon na makasama ang Panginoon? Ang mga pinahirang iyon ay nakaranas ng isang matinding panahon ng pagsubok. Ganito ang ipinahayag ng The Watch Tower ng Nobyembre 1, 1914: “Tandaan natin na tayo’y nasa panahon ng pagsubok.” Tungkol dito, nagpahayag naman ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos (1993): “Ang mga taon mula 1914 hanggang 1918, ay napatunayan nga na siyang ‘panahon ng pagsubok’ para sa mga Estudyante ng Bibliya.” Hahayaan kaya nilang mapadalisay ang kanilang pananampalataya at maituwid ang kanilang saloobin upang makayanan nilang balikatin ang malaking gawain na nasa unahan pa nila?
17. Paano tumugon ang tapat na mga pinahiran sa pananatili sa lupa pagkaraan ng 1914?
17 Ang The Watch Tower ng Setyembre 1, 1916, ay nagsabi: “Inakala natin na ang gawaing Pag-aani upang tipunin ang Iglesya [ng mga pinahiran] ay matatapos bago magwakas ang Panahon ng mga Gentil; subalit wala namang sinasabing gayon sa Bibliya. . . . Nalulungkot ba tayo na ang gawaing Pag-aani ay nagpapatuloy pa? . . . Ang dapat na madama natin sa ngayon, mahal na mga kapatid, ay matinding pasasalamat sa Diyos, higit pang pagpapahalaga sa kaakit-akit na Katotohanan na ipinagkaloob Niyang maunawaan at taglayin natin bilang pribilehiyo, at higit na sigasig sa pagpapabatid ng Katotohanang iyon sa iba.” Ang kanilang pananampalataya ay sinubok, gayunma’y hinarap nila at napagtagumpayan ang pagsubok na iyon. Ngunit dapat tandaan nating mga Kristiyano na ang mga pagsubok sa pananampalataya ay maaaring marami at sari-sari.
18, 19. Ano pang ibang pagsubok sa pananampalataya ang sumunod para sa bayan ng Diyos di-nagtagal pagkamatay ni Brother Russell?
18 Halimbawa, isa pang uri ng pagsubok ang naranasan ng nalabi di-nagtagal pagkamatay ni Brother Charles T. Russell. Iyon ay pagsubok sa kanilang pagkamatapat at pananampalataya. Sino ang ‘tapat na alipin’ sa Mateo 24:45? Inakala ng iba na ito’y si Brother Russell mismo, at tumanggi silang makipagtulungan sa bagong mga kaayusan ng organisasyon. Kung siya nga ang alipin, ano ang gagawin ng mga kapatid ngayong siya’y namatay na? Dapat ba silang sumunod sa isang bagong hinirang na indibiduwal, o ito na kaya ang panahon upang kilalanin na ang ginagamit ni Jehova ay hindi iisang tao lamang, kundi isang buong grupo ng mga Kristiyano bilang isang instrumento o uring alipin?
19 Isang karagdagang pagsubok ang sumapit sa tunay na mga Kristiyano noong 1918 nang ang mga awtoridad ng sanlibutan, palibhasa’y sinusulsulan ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan, ay ‘kumatha ng kasamaan sa pamamagitan ng batas’ laban sa organisasyon ni Jehova. (Awit 94:20, KJ) Isang daluyong ng marahas na pag-uusig ang inilunsad laban sa mga Estudyante ng Bibliya kapuwa sa Hilagang Amerika at sa Europa. Umabot sa sukdulan ang udyok-ng-klerong pagsalansang noong Mayo 7, 1918, nang magpalabas ng mandamyento pederal ng Estados Unidos para sa pagdakip kay J. F. Rutherford at ilan sa kaniyang malapit na mga kasama, pati na si A. H. Macmillan. Sila’y may kamaliang pinaratangan ng sedisyon, at ipinagwalang-bahala ng mga awtoridad ang kanilang mga pagtatanggol ng pagkawalang-kasalanan.
20, 21. Gaya ng inihula sa Malakias 3:1-3, anong gawain ang isinagawa sa gitna ng mga pinahiran?
20 Bagaman hindi pa ito nakikilala noong panahong iyon, isang pagdadalisay ang isinasagawa na noon, gaya ng inilalarawan sa Malakias 3:1-3: “Sino ang makatitiis sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang tatayo pagka siya’y nagpakita? Sapagkat [ang mensahero ng tipan] ay magiging parang apoy ng tagapagdalisay at parang lihiya ng mga tagapaglaba. At siya’y uupong gaya ng tagapagdalisay at tagalinis ng pilak at kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi; at kaniyang dadalisayin sila na parang ginto at parang pilak, at sila’y tunay na magiging bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran.”
21 Sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya ay napaharap sa isa pang pagsubok sa pananampalataya—kung sila kaya’y mananatiling lubusang neutral may kaugnayan sa pangmilitar na gawain ng sanlibutan. (Juan 17:16; 18:36) Ang ilan ay hindi nanatiling neutral. Kaya noong 1918, isinugo ni Jehova “ang mensahero ng tipan,” si Kristo Jesus, sa Kaniyang kaayusan sa espirituwal na templo upang linisin ang maliit na grupo ng Kaniyang mananamba mula sa karungisan ng sanlibutan. Yaong nakatalaga sa pagpapamalas ng tunay na pananampalataya ay natuto mula sa karanasan at sumulong, anupat masigasig na nagpatuloy sa pangangaral.
22. Hinggil sa mga pagsubok sa pananampalataya, ano pa ang tatalakayin?
22 Ang tinalakay natin ay hindi lamang isang kawili-wiling kasaysayan. Ito ay tuwirang may kaugnayan sa kasalukuyang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon ni Jehova sa buong daigdig. Ngunit tatalakayin natin sa susunod na artikulo ang ilang pagsubok sa pananampalataya na kinakaharap ng bayan ng Diyos sa ngayon at tingnan natin kung paano natin mapagtatagumpayan ang mga ito.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit dapat asahan ng bayan ni Jehova na susubukin ang kanilang pananampalataya?
◻ Anong uri ng pagsisikap sa pagpapalaganap ng mensahe ng Diyos ang isinagawa bago pa ang 1914?
◻ Ano ang “Photo-Drama,” at ano ang mga naging resulta nito?
◻ Paanong ang mga pangyayari noong 1914-18 ay nagsilbing pagsubok sa mga pinahiran?
[Larawan sa pahina 12]
Sa pagpapalit ng panibagong siglo, pinag-aaralan ng mga tao sa maraming bansa ang Bibliya sa tulong ng serye ng “Millennial Dawn,” na nang maglaon ay tinawag na “Studies in the Scriptures”
[Larawan sa pahina 13]
Isang liham mula kay C. T. Russell na may pambungad na teksto para sa isang recording na doo’y sinabi niya: “ ‘Ang Photo-Drama of Creation’ ay ipinalalabas ng IBSA—ang International Bible Students Association. Ang layunin nito ay pagtuturo sa publiko na kasuwato ng relihiyon at siyensiya, at bilang pagtatanggol sa Bibliya”
[Larawan sa pahina 15]
Naglakbay si Demetrius Papageorge upang ipalabas ang “Photo-Drama of Creation.” Nang maglaon, ibinilanggo siya dahil sa kaniyang neutralidad bilang Kristiyano