“Kung Alam Ninyo ang mga Bagay na Ito, Maligaya Kayo Kung Gagawin Ninyo ang mga Iyon”
“Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—JUAN 4:34.
1. Paano makaaapekto sa ating kapakumbabaan ang makasariling saloobin ng sanlibutan?
BAKIT isang hamon na ikapit ang mga natututuhan natin sa Salita ng Diyos? Dahil kailangan ang kapakumbabaan para magawa ang tama at ang ating kakayahang manatiling mapagpakumbaba ay nasusubok. Sa “mga huling araw” na ito, napaliligiran tayo ng mga ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagmapuri sa sarili, palalo,’ at “walang pagpipigil sa sarili.” (2 Tim. 3:1-3) Kapag ang makasariling pag-uugali ay napapabalita at ipinagsasaya pa nga, baka kainisan ng isang lingkod ng Diyos ang gayong ugali pero naiinggit naman siya sa resulta nito. (Awit 37:1; 73:3) Baka isipin ng isa: ‘Sulit bang unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa aking sarili? Kung gagawi ako “gaya ng isang nakabababa,” hindi kaya mawala ang paggalang ng iba sa akin?’ (Luc. 9:48) Kapag hinayaan nating makaimpluwensiya sa atin ang makasariling saloobin ng sanlibutan, puwedeng masira ang maibiging pagsasamahan natin sa kongregasyon at ang ating pagkakakilanlan bilang Kristiyano. Pero makikinabang tayo kapag pinag-aralan natin at tinularan ang magagandang halimbawa sa Bibliya.
2. Ano ang puwedeng maging epekto sa atin ng tapat na mga lingkod ng Diyos?
2 Kung gusto nating tularan ang mga matapat, kailangan nating suriin kung ano ang ginawa nila na nagdulot ng magagandang resulta. Paano sila naging kaibigan ng Diyos? Paano nila nakamit ang kaniyang pagsang-ayon? At paano sila nagkaroon ng lakas para gawin ang kaniyang kalooban? Ang ganitong pag-aaral ay mahalagang bahagi ng ating espirituwal na pagkain.
ESPIRITUWAL NA PAGKAIN—HINDI LANG BASTA IMPORMASYON
3, 4. (a) Paano tayo nakatatanggap ng espirituwal na tagubilin? (b) Bakit natin masasabing ang espirituwal na pagkain ay hindi lang basta pagkuha ng kaalaman?
3 Nakatatanggap tayo ng maraming magagandang payo at pagsasanay sa pamamagitan ng Bibliya, ng ating mga publikasyon, website, JW Broadcasting, at mga pulong at asamblea. Pero ayon kay Jesus sa Juan 4:34, ang espirituwal na pagkain ay hindi lang basta pagkuha ng kaalaman. Ano pa ang kailangan? Sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”
4 Para kay Jesus, kailangan din ang pagsunod sa tagubilin ng Diyos. Sa anong diwa ito katulad ng pagkain? Kung paanong lumalakas ang ating katawan kapag kumakain tayo ng masustansiyang pagkain, lumalakas din ang ating puso at tumitibay ang ating pananampalataya sa buhay na walang hanggan kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos. Ilang beses ka nang dumalo sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan nang wala ka sa kondisyon—pero natapos ang araw na iyon na naginhawahan ka at napalakas?
5. Bakit sulit ang pagkilos nang may karunungan?
5 Ang pagsunod sa tagubilin ng Diyos ang talagang kahulugan ng karunungan. (Awit 107:43) Sulit ang pagsisikap na maging marunong. “Ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito. . . . Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.” (Kaw. 3:13-18) Sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17) Mananatiling maligaya ang mga alagad kung patuloy nilang gagawin ang itinagubilin ni Jesus. Hindi lang nila ikinapit ang mga turo at halimbawa niya sa mismong pagkakataong iyon. Ito ang naging paraan ng kanilang pamumuhay.
6. Bakit dapat na patuloy tayong magpakita ng karunungan?
6 Ang patuloy na pagkakapit ng mga natututuhan natin ay mahalaga pa rin sa ngayon. Para ilarawan, ang isang mekaniko ay may mga kagamitan, materyales, at kaalaman. Pero hindi siya makikinabang kung hindi niya gagamitin ang mga iyon. Kung nagmemekaniko na siya noon at naging makaranasan na, dapat pa rin niya itong ipagpatuloy para manatili siyang mahusay at produktibo. Sa katulad na paraan, baka nagtagumpay tayo sa simula dahil ikinapit natin ang nabasa natin sa Bibliya. Pero magkakaroon tayo ng namamalaging kaligayahan kung mapagpakumbaba tayong susunod sa mga tagubilin ni Jehova araw-araw.
7. Para magkaroon ng karunungan, ano ang dapat nating gawin sa mga halimbawang nasa Bibliya?
7 Talakayin natin ang ilang sitwasyong maaaring sumubok sa ating kapakumbabaan at tingnan kung paano hinarap ng tapat na mga lingkod noon ang katulad na mga hamon. Ang pagiging matibay sa espirituwal ay hindi lang basta nagmumula sa pagsasaalang-alang ng impormasyon. Kaya isipin kung paano mo maikakapit ang bawat puntong ito, at gawin ito agad.
ITURING SILANG KAPANTAY MO
8, 9. Ano ang isinisiwalat ng pangyayari sa Gawa 14:8-15 tungkol sa kapakumbabaan ni apostol Pablo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
8 Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Ano ang tingin mo sa maraming uri ng tao na hindi pa nakaaalam ng katotohanan? Kahit ang hinahanap ni apostol Pablo sa mga sinagoga ay mga taong may alam na tungkol sa Diyos, hindi lang siya sa mga Judio nangaral. Masusubok ang lalim ng kaniyang kapakumbabaan sa reaksiyon ng mga sumasamba sa mga bathala.
9 Halimbawa, sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, inakala ng mga taga-Licaonia na siya at si Bernabe ay mga superhero—ang kanilang diyos-diyusang sina Zeus at Hermes na nagkatawang-tao. Sinamantala ba nina Pablo at Bernabe ang pagkakataong ito na maging popular? Hindi kaya pagkakataon na ito para makapagpahinga naman sila sa mga pag-uusig na naranasan nila sa huling dalawang lunsod na dinalaw nila? Inisip kaya nila na makatutulong ang popularidad para lalong mapalaganap ang mabuting balita? Hinding-hindi! Agad nilang tinutulan ito. Hinapak nila ang kanilang kasuotan, at sumigaw: “Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami rin ay mga tao na may mga kahinaang katulad ng sa inyo.”—Gawa 14:8-15.
10. Sa anong diwa itinuring nina Pablo at Bernabe na kapantay sila ng mga taga-Licaonia?
10 Nang kilalanin nina Pablo at Bernabe na hindi rin sila sakdal, hindi naman nila sinasabing ang kanilang pagsamba ay kapareho lang ng sa mga pagano. Hindi ba’t silang dalawa ay may pantanging atas bilang misyonero? (Gawa 13:2) Hindi ba’t pinahiran sila ng banal na espiritu at may maluwalhating pag-asa? Oo, pero alam nina Pablo at Bernabe na ang mga taga-Licaonia ay maaari ding tumanggap ng parehong gantimpala kung tutugon sila sa mabuting balita.
11. Kapag nangangaral, paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Pablo?
11 Paano natin matutularan ang magandang halimbawa ng kapakumbabaan ni Pablo? Una, dapat nating iwasan ang anumang tuksong umasa o tumanggap ng labis-labis na papuri sa mga nagagawa natin sa tulong ni Jehova. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang turing ko sa mga pinangangaralan ko? Hindi kaya nagtatangi na ako sa ilang uri ng tao dahil karaniwan na iyon sa aming komunidad?’ Mabuti na lang, sinusuri ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang kanilang mga teritoryo para alamin kung mayroon pang tutugon sa mabuting balita. Kung minsan, baka kailangan pa ngang pag-aralan ang wika at kultura ng mga taong karaniwang hinahamak ng lipunan. Hindi sa anumang paraan ituturing ng mga Saksi na nakatataas sila sa mga taong ito. Sa halip, inuunawa nila ang bawat indibiduwal para maabot ng mensahe ng Kaharian ang kaniyang puso.
IPANALANGIN ANG IBA AT BANGGITIN ANG PANGALAN NILA
12. Paano nagpakita si Epafras ng di-makasariling pagmamalasakit sa iba?
12 Ang isa pang paraan ng mapagpakumbabang pagsunod sa Diyos ay ang ipanalangin ang mga “nagtamo [na] ng pananampalataya, na tinataglay bilang pribilehiyong kapantay ng sa [atin].” (2 Ped. 1:1) Ganiyan ang ginawa ni Epafras. Tatlong beses lang siyang binanggit sa Bibliya—lahat ay sa kinasihang liham ni Pablo. Habang nakabilanggo sa tinitirhan niya sa Roma, isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas na si Epafras ay “laging nagpupunyagi alang-alang sa [kanila] sa kaniyang mga panalangin.” (Col. 4:12) Kilalang-kilala ni Epafras ang mga kapatid, at talagang nagmamalasakit siya sa kanila. Kahit siya ay “bihag” ding gaya ni Pablo, hindi ito nakahadlang sa kaniya na isipin ang espirituwal na pangangailangan ng iba. (Flm. 23) At kumilos siya ayon dito. Hindi ba’t palatandaan iyan ng pagiging di-makasarili? May malakas na puwersa ang pananalangin para sa ating mga kapatid, lalo na kapag natatandaan natin ang bawat isa sa kanila, gaya ng pangalan nila.—2 Cor. 1:11; Sant. 5:16.
13. Paano mo matutularan ang halimbawa ni Epafras sa iyong mga panalangin?
13 Isipin ang mga puwede mong ipanalangin na binabanggit ang pangalan nila. Gaya ni Epafras, ipinapanalangin ng maraming kapatid ang kanilang mga kakongregasyon at mga pamilyang may mabibigat na pananagutan o napapaharap sa tukso o mahihirap na desisyon. Ipinapanalangin ng marami ang mga pangalang nakalista sa artikulo sa jw.org na “Mga Saksi ni Jehova na Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya.” (Tingnan sa NEWSROOM > LEGAL NA USAPIN.) Hindi rin natin dapat kalimutan ang mga namatayan ng mahal sa buhay, sinalanta ng kalamidad, biktima ng digmaan, at mga kapos sa pinansiyal. Maliwanag, maraming kapatid ang nangangailangan ng ating mga panalangin, at makatutulong ito sa kanila. Kapag ipinapanalangin natin sila, ipinakikita nating hindi lang sarili natin ang ating iniisip kundi ang kapakanan din ng iba. (Fil. 2:4) Pinakikinggan ni Jehova ang gayong mga panalangin.
“MAGING MATULIN SA PAKIKINIG”
14. Bakit masasabing si Jehova ang pinakamagandang halimbawa sa pakikinig?
14 Ang isa pang paraan para maipakita ang lalim ng kapakumbabaan ay ang pagiging handang makinig sa iba. Sinasabi ng Santiago 1:19 na dapat tayong “maging matulin sa pakikinig.” Si Jehova ang pinakamagandang halimbawa sa bagay na ito. (Gen. 18:32; Jos. 10:14) Tingnan ang matututuhan natin sa pag-uusap na nakaulat sa Exodo 32:11-14. (Basahin.) Kahit hindi kailangan ni Jehova ang sasabihin ni Moises, binigyan pa rin siya ni Jehova ng pagkakataong sabihin ang niloloob niya. Sinong tao ang matiyagang makikinig sa pangangatuwiran ng isa na mali naman ang takbo ng pag-iisip, at saka gagawin ang sinasabi nito? Pero matiyagang nakikinig si Jehova sa mga taong lumalapit sa kaniya taglay ang pananampalataya.
15. Paano natin matutularan si Jehova sa pagpaparangal sa iba?
15 Makabubuting itanong natin: ‘Kung nagpakababa si Jehova para makitungo sa mga tao at makinig sa kanila gaya ng ginawa niya kina Abraham, Raquel, Moises, Josue, Manoa, Elias, at Hezekias, sino naman ako para hindi parangalan, igalang, at pakinggan ang ideya ng mga kapatid at sundin pa nga ang kanilang magagandang ideya? Mayroon ba akong kakongregasyon o kapamilya na nangangailangan ng atensiyon ko ngayon? Ano ang dapat kong gawin? Ano ang gusto kong gawin?’—Gen. 30:6; Huk. 13:9; 1 Hari 17:22; 2 Cro. 30:20.
‘MARAHIL AY TITINGNAN NI JEHOVA’ ANG AKING KAPIGHATIAN
16. Paano tumugon si Haring David nang galitin siya ni Simei?
16 Tumutulong din sa atin ang kapakumbabaan para makapagpakita ng pagpipigil sa sarili kapag ginagalit tayo. (Efe. 4:2) Isang napakagandang halimbawa nito ang makikita sa 2 Samuel 16:5-13. (Basahin.) Si David at ang mga lingkod niya ay nagtiis ng pandurusta at pananakit mula kay Simei, na kamag-anak ni Haring Saul. Ginawa iyon ni David kahit puwede naman niyang pigilan iyon. Paano napigil ni David ang sarili niya? Malalaman natin ito sa pagsusuri sa ikatlong Awit.
17. Bakit nagawa ni David na makapagpigil sa sarili, at paano natin siya matutularan?
17 Ipinakikita ng superskripsiyon ng Awit 3 na kinatha ito “nang tumatakas [si David] dahil kay Absalom na kaniyang anak.” Ang talata 1 at 2 ay tumutugma sa mga pangyayaring inilalarawan sa kabanata 16 ng Ikalawang Samuel. Pagkatapos, itinampok ng Awit 3:4 ang pagtitiwala ni David: “Sa pamamagitan ng aking tinig ay tatawag ako kay Jehova, at sasagutin niya ako mula sa kaniyang banal na bundok.” Puwede rin tayong manalangin kapag nasa ilalim ng pagsubok. Bilang tugon, ilalaan naman ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para makapagbata tayo. May naiisip ka bang sitwasyon na kailangan mong magpigil sa sarili o lubusang magpatawad dahil sa di-makatarungang pakikitungo? Nagtitiwala ka bang nakikita ni Jehova ang iyong kapighatian at kaya ka niyang pagpalain?
“KARUNUNGAN ANG PANGUNAHING BAGAY”
18. Paano tayo makikinabang kung patuloy nating susundin ang tagubilin ng Diyos?
18 Kapag ginawa natin kung ano ang tama, magdudulot ito ng maraming pagpapala. Tama lang na sabihin ng Kawikaan 4:7 na ang “karunungan ang pangunahing [o, pinakamahalagang] bagay”! Kahit ang karunungan ay salig sa kaalaman, mas nauugnay ito sa mga desisyong ginagawa natin kaysa sa mga impormasyong naiintindihan natin. Maging ang mga langgam ay kakikitaan ng karunungan. Mayroon silang likas na karunungan dahil nag-iimbak sila ng pagkain sa panahon ng tag-init. (Kaw. 30:24, 25) Si Kristo, “ang karunungan ng Diyos,” ay laging gumagawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa Ama. (1 Cor. 1:24; Juan 8:29) Alam ng Diyos ang pagkakaiba ng pagpili ng tama at ng paggawa ng tama. At ginagantimpalaan niya ang mga patuloy na nagpapakita ng kapakumbabaan at ang mga gumagawa ng alam nilang tama. (Basahin ang Mateo 7:21-23.) Kaya magsikap na mapanatili ang espirituwal na kapaligiran kung saan makikita ang tunay na kapakumbabaan. Kailangan ang panahon at tiyaga para magawa ang alam nating tama, pero tanda ito ng kapakumbabaan na nagdudulot ng kaligayahan ngayon at magpakailanman.