ARALING ARTIKULO 2
Matuto sa Nakababatang Kapatid ni Jesus
“Mula kay Santiago, isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.”—SANT. 1:1.
AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan
NILALAMANa
1. Ano ang masasabi mo sa pamilya ni Santiago?
SI Santiago na kapatid ni Jesus ay lumaki sa isang pamilya na may matibay na espirituwalidad.b Mahal na mahal ng mga magulang niyang sina Jose at Maria si Jehova at ginawa nila ang lahat para paglingkuran Siya. Bukod diyan, ang nakatatandang kapatid ni Santiago ang magiging ipinangakong Mesiyas. Napakagandang pribilehiyo nga para kay Santiago na maging bahagi ng pamilyang iyon!
2. Ano ang mga dahilan para humanga si Santiago sa kuya niya?
2 Maraming dahilan para humanga si Santiago sa kuya niya. (Mat. 13:55) Halimbawa, alam na alam ni Jesus ang Kasulatan kaya naman sa edad na 12, hangang-hanga sa kaniya ang mga guro sa Jerusalem. (Luc. 2:46, 47) Posibleng magkasamang nagtrabaho bilang karpintero sina Santiago at Jesus. Kaya malamang na lalong nakilala ni Santiago ang kuya niya. Madalas sabihin ni Nathan H. Knorr, “Mas makikilala mo ang isang tao kapag nakatrabaho mo siya.”c Tiyak na nakita rin ni Santiago kung paanong “si Jesus ay patuloy na lumaki, lalong naging marunong, at lalong naging kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.” (Luc. 2:52) Kaya baka isipin natin na si Santiago ang isa sa mga unang naging alagad ni Jesus. Pero hindi ganiyan ang nangyari.
3. Paano tumugon si Santiago nang umpisahan ni Jesus ang kaniyang ministeryo?
3 Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, hindi niya naging alagad si Santiago. (Juan 7:3-5) Baka isa pa nga si Santiago sa mga kamag-anak nila na nag-isip na “nababaliw na” si Jesus. (Mar. 3:21) At wala ring indikasyon na kasama si Santiago ng nanay nilang si Maria nang patayin sa pahirapang tulos si Jesus.—Juan 19:25-27.
4. Anong mga aral ang tatalakayin natin?
4 Dumating ang panahon na nanampalataya si Santiago kay Jesus at naging isang iginagalang na elder sa kongregasyong Kristiyano. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang dalawang aral na matututuhan natin kay Santiago: (1) kung bakit dapat tayong manatiling mapagpakumbaba at (2) kung paano tayo magiging mga epektibong tagapagturo.
MANATILING MAPAGPAKUMBABA GAYA NI SANTIAGO
5. Paano tumugon si Santiago nang magpakita sa kaniya ang binuhay-muling si Jesus?
5 Kailan naging tapat na tagasunod ni Jesus si Santiago? Nang buhaying muli si Jesus, “nagpakita . . . siya kay Santiago, at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.” (1 Cor. 15:7) Noon nagsimulang magbago ang buhay ni Santiago. Naroon siya noong hinihintay ng mga apostol ang ipinangakong banal na espiritu sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:13, 14) Nang maglaon, naglingkod din si Santiago bilang miyembro ng lupong tagapamahala noong unang siglo. (Gawa 15:6, 13-22; Gal. 2:9) At bago ang taóng 62 C.E., ginabayan siya ng banal na espiritu para sumulat sa pinahirang mga Kristiyano. Makikinabang tayo sa liham na iyon, sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin. (Sant. 1:1) Ayon sa unang-siglong istoryador na si Josephus, si Santiago ay ipinapatay ng Judiong Mataas na Saserdoteng si Ananias na Nakababata. Nanatiling tapat si Santiago kay Jehova hanggang noong mamatay siya.
6. Paano naiiba si Santiago sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya?
6 Mapagpakumbaba si Santiago. Bakit natin nasabi iyan? Ibang-iba ang ginawa ni Santiago kumpara sa ginawa ng maraming lider ng relihiyon noon. Nang makita ni Santiago ang malinaw na katibayan na si Jesus ang Anak ng Diyos, mapagpakumbaba niyang tinanggap ito. Hindi ganiyan ang mga punong saserdote sa Jerusalem. Halimbawa, hindi nila maitanggi na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro. Pero sa halip na kilalaning si Jesus ang kinatawan ni Jehova, tinangka pa nga nilang patayin si Jesus at si Lazaro. (Juan 11:53; 12:9-11) Nang maglaon, nang buhaying muli si Jesus, nagsabuwatan sila na itago iyon sa mga tao. (Mat. 28:11-15) Dahil sa pride, itinakwil ng mga lider ng relihiyon ang Mesiyas.
7. Bakit dapat nating iwasan ang pride?
7 Aral: Iwasan ang pride, at maging handang magpaturo. Dahil sa sakit, puwedeng tumigas ang mga ugat sa puso at maapektuhan ang pagtibok nito. Ganiyan din ang pride. Puwede nitong patigasin ang ating makasagisag na puso at hadlangan tayo na sundin si Jehova. Masyadong pinatigas ng mga Pariseo ang puso nila. Hindi sila naniwala sa malinaw na ebidensiyang si Jesus ang Anak ng Diyos at na sumasakaniya ang banal na espiritu. (Juan 12:37-40) Napakadelikado nito dahil nakaapekto ito sa walang-hanggang kinabukasan nila. (Mat. 23:13, 33) Kaya napakahalagang patuloy nating hayaan na hubugin ng Salita ng Diyos at banal na espiritu ang personalidad natin, pag-iisip, at mga desisyon. (Sant. 3:17) Dahil mapagpakumbaba si Santiago, hinayaan niyang turuan siya ni Jehova. At gaya ng makikita natin, dahil sa kapakumbabaan niya, naging mahusay na tagapagturo siya.
MAGING EPEKTIBONG TAGAPAGTURO GAYA NI SANTIAGO
8. Ano ang makakatulong sa atin na maging mahusay na mga tagapagturo?
8 Walang mataas na pinag-aralan si Santiago. Tiyak na ang tingin sa kaniya ng mga lider ng relihiyon noon ay katulad ng tingin nila kina apostol Pedro at Juan—“hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Pero naging epektibong tagapagturo si Santiago, gaya ng makikita natin kapag binasa natin ang aklat ng Bibliya na Santiago. Baka wala rin tayong mataas na pinag-aralan gaya ni Santiago. Pero sa tulong ng espiritu ni Jehova at pagsasanay mula sa organisasyon niya, puwede rin tayong maging mahusay na mga tagapagturo. Tingnan natin ang halimbawa ni Santiago bilang tagapagturo at ang mga aral na matututuhan natin.
9. Ano ang masasabi mo sa paraan ng pagtuturo ni Santiago?
9 Hindi gumamit ng komplikadong mga salita o pangangatuwiran si Santiago. Dahil diyan, nalaman ng mga nakikinig sa kaniya kung ano ang kailangan nilang gawin at kung paano nila iyon gagawin. Halimbawa, itinuro ni Santiago sa mga Kristiyano sa simpleng paraan na dapat silang maging handang dumanas ng kawalang-katarungan nang hindi nagtatanim ng galit. Isinulat niya: “Itinuturing nating maligaya ang mga nakapagtiis. Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at kung paano siya pinagpala ni Jehova nang bandang huli, at nakita ninyo na si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.” (Sant. 5:11) Pansinin na ibinatay ni Santiago ang mga itinuturo niya sa Kasulatan. Ginamit niya ang Salita ng Diyos para tulungan ang mga tagapakinig niya na makita na laging ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya, gaya ni Job. Naituro ni Santiago ang aral na iyon gamit ang simpleng mga salita at pangangatuwiran. Kaya si Jehova ang nabigyang-pansin, hindi siya.
10. Paano natin matutularan ang paraan ng pagtuturo ni Santiago?
10 Aral: Gawing simple ang mensahe mo, at magturo gamit ang Salita ng Diyos. Hindi natin gustong pahangain ang iba dahil sa dami ng alam natin. Ang gusto natin ay maipakita sa kanila kung gaano karami ang alam ni Jehova at kung gaano siya nagmamalasakit sa kanila. (Roma 11:33) Magagawa natin iyan kung lagi nating ibabatay sa Kasulatan ang mga sinasabi natin. Halimbawa, sa halip na sabihin sa mga Bible study natin kung ano ang gagawin natin kung tayo ang nasa sitwasyon nila, dapat natin silang tulungang mangatuwiran batay sa mga halimbawa sa Bibliya at maintindihan ang pananaw at nadarama ni Jehova. Makakatulong ito na maisabuhay nila ang mga natutuhan nila para pasayahin si Jehova, hindi tayo.
11. Anong mga kahinaan ang pinaglalabanan ng ilang Kristiyano noong panahon ni Santiago, at ano ang ipinayo niya sa kanila? (Santiago 5:13-15)
11 Realistiko si Santiago. Makikita sa isinulat ni Santiago na alam niya ang mga kahinaan na pinaglalabanan ng mga kapuwa niya Kristiyano, at nagbigay siya ng malinaw na tagubilin kung paano madadaig ang mga iyon. Halimbawa, nahihirapan ang ilang Kristiyano na sumunod sa mga payo. (Sant. 1:22) Nagpapakita naman ng paboritismo sa mayayaman ang iba. (Sant. 2:1-3) May ilan naman na nahihirapang kontrolin ang dila nila. (Sant. 3:8-10) Hindi simple ang problema ng mga Kristiyano noon, pero hindi sila sinukuan ni Santiago. Nagpayo siya sa mabait pero prangkang paraan at hinimok ang mga may problema sa espirituwal na magpatulong sa matatandang lalaki.—Basahin ang Santiago 5:13-15.
12. Paano tayo magiging positibo kapag tinutulungan natin ang mga Bible study natin?
12 Aral: Maging realistiko, pero positibo sa iba. Marami sa mga Bible study natin ang baka nahihirapang sumunod sa mga payo. (Sant. 4:1-4) Baka hindi nila agad maalis ang di-magagandang katangian at palitan iyon ng Kristiyanong mga katangian. Gaya ni Santiago, dapat na may lakas tayo ng loob na sabihin sa mga Bible study natin ang dapat nilang baguhin. Kailangan din nating maging positibo, na nagtitiwalang ilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga mapagpakumbaba at papalakasin sila para makapagbago.—Sant. 4:10.
13. Ayon sa Santiago 3:2, ano ang kinilala ni Santiago?
13 May tamang pananaw si Santiago sa sarili niya. Hindi naramdaman ni Santiago na espesyal siya o nakakahigit sa mga kapananampalataya niya dahil sa pamilyang pinagmulan niya o mga pribilehiyo. Tinawag pa nga niya silang “mahal kong mga kapatid.” (Sant. 1:16, 19; 2:5) Hindi rin siya umastang perpekto. Sa halip, isinama niya ang sarili niya nang sabihin niya: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.”—Basahin ang Santiago 3:2.
14. Bakit dapat nating aminin na nagkakamali rin tayo?
14 Aral: Nagkakamali tayong lahat. Hindi natin dapat isipin na nakakahigit tayo sa mga tinuturuan natin. Bakit? Kung sa tingin kasi ng Bible study natin, hindi tayo nagkakamali, baka isipin niyang hindi niya kayang sundin ang mga hinihiling ng Diyos. Pero kung aaminin natin na hindi rin naging madali sa atin na sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya at ipapaliwanag kung paano tayo tinulungan ni Jehova na makapagbago, matutulungan natin ang Bible study nating makita na makakapaglingkod din siya kay Jehova.
15. Ano ang masasabi mo sa mga ilustrasyong ginamit ni Santiago? (Santiago 3:2-6, 10-12)
15 Tumatagos sa puso ang mga ilustrasyon ni Santiago. Tiyak na tinulungan siya ng banal na espiritu, pero malamang na marami siyang natutuhan mula sa mga ilustrasyong ginamit ng kuya niyang si Jesus. Simple ang mga ilustrasyong ginamit ni Santiago sa liham niya, at malinaw ang aral ng mga iyon.—Basahin ang Santiago 3:2-6, 10-12.
16. Bakit tayo dapat gumamit ng mga epektibong ilustrasyon?
16 Aral: Gumamit ng mga epektibong ilustrasyon. Kapag angkop ang mga ilustrasyon mo, hindi lang iyon maririnig ng mga tao, mai-imagine din nila iyon. Tatatak iyon sa isip nila. Makakatulong ang mga ilustrasyong ito para matandaan ng mga nakikinig sa iyo ang mahahalagang katotohanan sa Bibliya. Napakagaling ni Jesus sa paggamit ng mga epektibong ilustrasyon, at tinularan iyon ng kapatid niyang si Santiago. Pag-usapan natin ang isang ilustrasyon ni Santiago at tingnan kung bakit iyon napakaepektibo.
17. Bakit napakaepektibo ng ilustrasyon sa Santiago 1:22-25?
17 Basahin ang Santiago 1:22-25. Epektibo ang ilustrasyon ni Santiago tungkol sa salamin. Isang aral ang gusto niyang idiin—para makinabang sa Salita ng Diyos, hindi lang natin ito dapat basahin, dapat din nating gawin ang nababasa natin. Pumili si Santiago ng isang ilustrasyon na agad maiintindihan ng mga nakikinig sa kaniya—isang tao na tumitingin sa salamin. Ano ang aral? Hindi tama para sa isang taong nananalamin na wala siyang gawin pagkatapos niyang makitang may dapat siyang ayusin sa sarili niya. Ganiyan din kapag nagbabasa tayo ng Salita ng Diyos, hindi tamang wala tayong baguhin kapag nakita nating may dapat tayong ayusin sa personalidad natin.
18. Anong tatlong bagay ang dapat nating gawin kapag gumagamit ng ilustrasyon?
18 Kapag gumagamit ng ilustrasyon, may tatlong bagay tayong matutularan kay Santiago: (1) Tiyaking angkop ang ilustrasyon sa aral na gusto nating idiin. (2) Gumamit ng ilustrasyon na agad maiintindihan ng nakikinig sa atin. (3) Gawing malinaw ang aral sa ilustrasyon. Kung nahihirapan kang mag-isip ng angkop na mga ilustrasyon, maghanap sa Watch Tower Publications Index. Sa ilalim ng heading na “Illustrations,” makakakita ka ng maraming ilustrasyon na puwede mong magamit. Pero tandaan na ang ilustrasyon ay parang microphone—makakatulong ito para mas marinig o maintindihan ang aral na gusto mong palitawin. Kaya tiyakin na mahahalagang punto lang na gusto mong ituro ang gagamitan mo ng ilustrasyon. At siyempre, ang pinakapangunahing dahilan kung bakit gusto nating mapahusay ang paraan natin ng pagtuturo ay hindi para pahangain ang mga tao, kundi para matulungan ang pinakamaraming tao na maging bahagi ng masayang pamilya ni Jehova.
19. Paano natin maipapakita na mahal natin ang ating mga kapatid?
19 Hindi man tayo nagkapribilehiyo na lumaking kasama ang isang perpektong kuya, isang karangalan naman na maglingkod kay Jehova kasama ng isang malaking pamilya ng mga kapatid na Kristiyano. Ipinapakita nating mahal natin sila kapag nakikipagsamahan tayo sa kanila, natututo tayo sa kanila, at tapat tayong nangangaral at nagtuturo kasama nila. Kapag sinisikap nating tularan ang saloobin, paggawi, at paraan ng pagtuturo ni Santiago, napaparangalan natin si Jehova at natutulungan natin ang tapat-pusong mga tao na mapalapít sa mapagmahal nating Ama sa langit.
AWIT 114 “Maging Matiisin”
a Magkapamilya at magkasamang lumaki sina Santiago at Jesus. Noong panahong iyon, si Santiago ang pinakanakakakilala sa Anak ng Diyos. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa buhay at mga itinuro ng nakababatang kapatid ni Jesus na naging haligi ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.
b Para mas madaling maintindihan, tutukuyin natin si Santiago bilang kapatid ni Jesus. Pero ang totoo, kapatid siya ni Jesus sa ina at siya ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.
c Si Nathan H. Knorr ay miyembro ng Lupong Tagapamahala. Natapos ang kaniyang buhay sa lupa noong 1977.
d LARAWAN: Ginamit ni Santiago ang isang maliit na apoy para ipakitang mapanganib kapag ginagamit sa maling paraan ang dila at agad itong naintindihan ng mga nakikinig.