Ingatan ang Bibig Mo!
ITO’Y maaaring maging singtalas at nagpapahamak na gaya ng isang armas sa digmaan. Ngunit maaari rin naman itong maging singtamis ng pulut-pukyutan at nakagiginhawa gaya ng balsamo. Ito’y maaaring magdulot ng buhay, at ito’y maaaring magdala ng kamatayan. Ganiyan binabanggit ng Bibliya ang pakultad ng tao sa pagsasalita.—Kawikaan 12:18; 16:24; 18:21.
Hindi kataka-taka nga ang pagkasabi ni Solomon: “Sinomang nag-iingat ng kaniyang bibig ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa. Ngunit siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi—siya’y mapapahamak.” (Kawikaan 13:3) Isang napariwarang dangal, nasaktang damdamin, nasirang relasyon, at maging pisikal na kapinsalaan—lahat na ito ang posibleng maging resulta ng walang katuturang pagsasalita. Marahil, isa ka na nagnanais ‘ingatan ang kaniyang kaluluwa.’ Paano mo matututuhan na pag-ingatan ang bibig at maiwasan ang kapahamakan?
“Sa Karamihan ng mga Salita . . . ”
Ang isang payak na paraan ay ang huwag gaanong maging masalita! Marahil ay nakakita ka na ng isang lalaki o isang babae na waring mayroong masasabi sa lahat ng bagay. Nakayayamot ang gayong tao! “Ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan,” at “ang mangmang ay nagsasalita ng maraming salita,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:2; Eclesiastes 10:14) Kung sa bagay, hindi ibig sabihin nito na lahat ng mga taong masalita ay mangmang o na sinomang nagsasalita nang bahagya ay pantas. Subalit mapanganib ang magsalita nang walang lubay. Ganito ang pagkasabi ng Kawikaan 10:19: “Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.”
Magbulay-bulay Bago Sumagot
Isa pang paraan upang maingatan ang iyong bibig ay ang mag-isip muna bago ka magsalita. Pagka ang isa’y nagsalita nang hindi iniisip ang sasabihin, kapuwa siya at ang kaniyang mga tagapakinig ay maaaring masaktan. Ang kinasihang manunulat ay nagsasabi: “May nagsasalitang hindi iniisip na parang mga saksak ng isang tabak.”—Kawikaan 12:18.
Upang ipakita kung anong pinsala ang nagagawa ng pananalitang hindi pinag-iisipan, ang aklat ni Santiago sa Bibliya ay nagsasabi: “Anong laking gubat ang pinag-aalab ng pagkaliit-liit na apoy! Aba, ang dila ay isang apoy. Ang dila ay nagsisilbing isang daigdig ng kasamaan sa gitna ng ating mga sangkap, sapagkat nakakahawa sa buong katawan at pinagniningas nito ang gulong ng likas na buhay at ito’y pinagniningas ng Gehenna.”—Santiago 3:5, 6.
Ang pangalang Gehenna ay kuha sa libis ng Hinnom na naroon sa timog at timog-kanluran ng Jerusalem. Paminsan-minsan sa kasaysayan ng Israel, mayroong apoy na patuloy na nagniningas doon upang masunog ang basura ng siyudad, kaya naman ang Gehenna ay naging isang angkop na simbolo ng lubos na pagkapuksa. Subalit, paanong ang isang di-pinipigil na dila ay ‘pagniningasin ng Gehenna?’ Ang isang taong nagsasalita ng mga kasinungalingan, nagpapalaganap ng mga turong kalapastanganan sa Diyos, o dili kaya’y ginagamit ang dila sa maraming paraan ay sa kaniyang sarili maiwawala ang pagsang-ayon ng Diyos at pati ang mga iba na nakikinig sa kaniya ay maaari ring magkagayon. Ang resulta? Walang hanggang pagkapuksa! Halimbawa, sinabi ni Jesu-Kristo sa mga Pariseo: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Pagkat iyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghahanap ng isang makukumbirte, at pagka nakumbirte na ninyo ay ginagawa ninyo siya na makaibayo pang anak ng Gehenna kaysa inyong sarili.”—Mateo 23:15.
Kaya naman ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng ganitong praktikal na payo: “Ang puso ng matuwid na tao ay nagbubulay-bulay upang sumagot.” (Kawikaan 15:28) Mas mabuti ang pag-isipan kung ano ang sasabihin mo, imbes na ibuga ang lahat ng nasa loob na baka naman makasakit sa iba!
“Ang Salita sa Tamang Panahon”
Ang pagsasalita sa tamang panahon ang isa pang paraan ng pag-iingat sa bibig mo. Napansin ni Solomon: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon . . . panahon na kailangang manahimik at panahon na kailangang magsalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Pagka ang iyong asawa ay waring pagod na dahilan sa maghapong paghahanapbuhay o paggawa sa tahanan, iyan ba ang talagang panahon na kailangang pabigatan mo pa siya ng iyong mga mumunting problema o mga kahilingan? Marahil ito ang “panahon na kailangang manahimik.”
Sa kabilang panig naman, nariyan ang “panahon na kailangang magsalita.” Mababasa natin sa Kawikaan 15:23: “Ang salitang binigkas sa tamang panahon ay O anong pagkabuti-buti!” Mayroon ka bang alam na sinoman na nabibigatan sa pinapasang mga problema at mga suliranin? Hindi kaya ang isang napapanahong salitang pampatibay-loob ang kailangan ng taong iyon?
Si Jesu-Kristo ay hindi kailanman nagkulang ng pagkakataon na magpatibay-loob sa iba. Minsan ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Halikayo, pumunta tayo sa isang tahimik na dako at magpahinga sandali.” Isinusog pa ng ulat: “Kaya sila’y naparoon sa isang bangka para magpunta sa isang tahimik na dako na sila-sila lamang. Subalit nakita sila ng mga taong papunta roon at marami ang nakaalam noon at sa lahat ng lunsod na pinuntahan nila ay nauna pa sa kanila ang naglakad na mga taong iyon.” Sa punto-de-vista ng karamihan ng mga taong iyon, tiyak na waring ito ang tamang panahon para makarinig ng mga salitang pang-aliw! Subalit, sa punto-de-vista naman ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, parang hindi iyon ang tamang panahon para doon. “Ngayon, nang sila’y bumababa na [sa bangka], kaniyang nakita ang isang lubhang karamihan, ngunit siya’y nahabag na totoo sa kanila, sapagkat sila’y gaya ng mga tupa na walang pastol. At siya’y nagsimulang turuan sila ng maraming bagay.” (Marcos 6:31-34) Oo, iningatan ni Jesus ang kaniyang bibig. Alam niya kung kailan siya dapat magsalita at kung kailan siya dapat manahimik.—Ihambing ang Mateo 26:63; 27:12-14.
Ikaw man naman ay maaaring matuto na ingatan ang iyon bibig. Pagsumikapan mong iwasan ang masyadong pagsasalita. Iwasan ang pagsasalita na hindi muna pinag-iisipan na baka makapinsala sa iyong dangal at sa dangal ng iba. At mag-abang ng mga pagkakataon na maibahagi mo sa iba ang kapaki-pakinabang na “salita sa tamang panahon niyaon.” Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na ‘maingatan ang iyong kaluluwa.’—Kawikaan 13:3.
[Larawan sa pahina 23]
May hilig ka ba na pahintuin ang iba sa pagsasalita o hindi ka ba nauubusan ng masasabi sa lahat ng paksa?